2011
Takot na Magbago
Enero 2011


Takot na Magbago

Pagkatapos magtanong sa Diyos, napasaakin ang lakas ng loob na kailangan ko.

Lumaki akong Kristiyano. Kahit hindi kailanman naging relihiyoso ang pamilya ko, palaging itinuturo sa akin ng itay ko na kumilos ako ayon sa alam kong totoo.

Noong tinedyer pa lang ako marami akong dinaanang pagsubok. Naopera ako sa likod, nagdiborsiyo ang mga magulang ko, nagkasakit ang nanay ko, at inalagaan ko ang nakababata kong kapatid na babae; dahil dito’y naging malupit ako at mapaghinala. At ilang buwan bago ako tumuntong ng edad 15, nakilala ko ang mga misyonero. Itinuro sa akin nina Elder Johnson at Elder Chadwick ang tungkol sa ebanghelyo.

Binasa ko ang Aklat ni Mormon, ngunit ayaw kong gawin ang mga pagbabagong hiniling ng mga elder na gawin ko. Sinabi ko sa kanila na kalabisan ang mga pagbabago at halos sabihin ko sa kanilang iwan o pabayaan na lang niya ako. Tumingala ako habang binibigkas ko ang mga salitang iyon at nagtagpo ang tingin namin ni Elder Chadwick. May luhang dumaloy sa kanyang pisngi, at noon lang ako nakadama ng matinding kahihiyan. Sinabi kong tatawagan ko sila kinabukasan.

Umuwi ako galing sa simbahan at natapos ko ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa kauna-unahang pagkakataon. Pagkatapos ay lumuhod ako, na noon ko lamang ginawa, at nagtanong sa Diyos kung ito ay totoo. Hindi pa ako nagtanong sa Diyos kahit kailan. Takot na takot akong magbago. Pagkatapos kong sabihing “amen,” nakadama ako ng kapanatagan at kapayapaan. Nalaman kong may isang Ama sa Langit na nagmamahal sa akin, nalaman kong totoo ang Aklat ni Mormon, at nalaman kong maaari akong magbago.

Makalipas ang sampung araw ako ay nabinyagan. Dumalo ang mga magulang ko sa aking binyag. Bagamat ako pa rin ang nag-iisang miyembro ng simbahan sa aking pamilya, nananalig ako na balang-araw sila ay luluhod din at magtatanong sa Diyos. Binabasa ko ngayon ang Aklat ni Mormon sa ikawalong pagkakataon, at kasingganda pa rin ito tulad noong una ko itong binasa. Alam kong totoo ang Aklat ni Mormon. May kapangyarihan itong baguhin ang mga tao.