Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Paggawa ng Gawain sa Family History,” p. 8: Maaari kayong magbigay sa bawat kapamilya ng isang kahon na papalamutian nila at gagamitin para paglagyan ng mga larawan, journal at iba pang mga rekord.
“Ano ang Nabago sa Pansariling Pag-unlad?” p. 34, at “Ang Aaronic Priesthood—Higit Pa sa Inaakala Ninyo,” p. 37: Ang bagong programang Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos ay naghihikayat sa mga kabataan na pag-isipang mabuti at ibahagi ang natutuhan nila. Kung may mga tinedyer kayo sa inyong pamilya, maaari ninyong hilingin sa kanila na magplano ng isang aralin para sa family home evening batay sa aktibidad sa Tungkulin Diyos o Pansariling Pag-unlad na natapos nila kamakailan.
“Paano Ako Magtatayo ng Espirituwal na Pundasyon?” p. 62: Sa isang waterproof na lalagyan, maglagay ng ilang magkakapatong na maliliit na bato. Sa isa pang water proof na lalagyan, maglagay ng buhangin. Maghanap ng dalawang maliit na bagay na kumakatawan bilang mga bahay. Ipatong ang isang “bahay” sa mga bato at ang isa sa buhangin. Pagkatapos lagyan ng tubig ang bawat lalagyan. Ang “bahay” na nakapatong sa buhangin ay lulubog, samantalang ang “bahay” sa mga bato ay nakatayo pa rin. Talakayin kung paano natin napagtitiisan ang malalakas na bagyo sa ating buhay dahil sa malakas na espirituwal na pundasyon (tingnan sa Helaman 5:12).
Ang mga Aral na Itinuro ng Isang Tuta
Noong bata pa ang aming mga anak, isinama ko sila sa isang pet store para ipagpalit ang isang kupon para sa isang libreng goldfish. Makalipas ang dalawang oras lumabas kami na may dalang isang tuta na binili ng mga bata sa sarili nilang pera. Nang gabing iyon inilagay namin ang tuta sa labahan para doon matulog. Kinaumagahan magulo na ang labahan. Alam na ng mga bata na maglilinis sila, pero nakita nilang napakarami ng lilinisin. “Hindi namin kaya!” paghikbi nila.
Nang gabing iyon nag-family home evening kami at tinalakay ang tungkol sa mga ibinubunga ng pagpili. “Nang bumili kayo ng tuta,” sabi ng kanilang ama, “hindi ninyo naisip ang ibubunga nito. Ngayon ang tuta ay bahagi na ng ating pamilya, at siya ay responsibilidad ninyo.” Tinalakay namin kung paano palaging may kasunod na mga bunga ang anumang pagpiling gagawin natin, at hinikayat namin sila na palaging piliin ang tama.
Pumanaw na ang aso kamakailan matapos ang 14 na taon bilang bahagi ng aming pamilya, ngunit ang mga aral sa buhay na itinuro niya sa amin ay mananatili sa amin.
Jill Grant, Victoria, Australia