Seminaries and Institutes
Lesson 10: Panalangin at Paghahayag


10

Panalangin at Paghahayag

Pambungad

Ang panalangin ay isang sagradong pribilehiyo na nagtutulot sa atin na makausap ang isang mapagmahal na Ama sa Langit. Dinirinig at sinasagot Niya ang ating mga panalangin. Ang mga taong masigasig na humihingi ng patnubay sa Panginoon ay mabibiyayaan ng mga personal na paghahayag. Binibigyang-diin sa lesson na ito kung ano ang maaari nating gawin para maihanda ang ating puso at ating isipan sa pagtanggap ng mga sagot sa ating mga panalangin.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Boyd K. Packer, “The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 51–56.

  • Richard G. Scott, “Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 45–47.

  • David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87–90.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 32:8–9; 3 Nephi 14:7–11

Dinirinig ng Diyos ang ating mga panalangin

Sabihin sa mga estudyante na maglista ng ilang paraan na magagamit natin ang teknolohiya upang makipag-ugnayan sa iba. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.

  • Bagama’t nakakausap natin ang halos lahat ng taong gusto nating makasuap gamit ang teknolohiya, bakit kung minsan ay nahihirapan tayong makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 14:7–11 habang inaalam ng klase kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagnanais ng Ama sa Langit na sagutin ang ating mga panalangin.

  • Anong alituntunin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagnanais ng Ama sa Langit na sagutin ang ating mga panalangin? (Dapat kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Dinirinig at sinasagot tayo ng Ama sa Langit kapag tayo ay humingi, naghanap, at kumatok.)

Upang mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante tungkol sa alituntuning ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

“Walang awtoridad sa lupa ang makapaghihiwalay sa atin sa tuwirang pakikipag-ugnayan sa ating Tagapaglikha. Hindi maaaring magkaroon ng problemang mekanikal o elektroniko kapag nagdarasal tayo. Walang limitasyon ang bilang o haba ng ating panalangin sa bawat araw. Walang itinakdang bilang o quota kung gaano karami ang mga pangangailangan na nais nating hingin sa bawat panalangin natin. Hindi natin kailangang dumaan sa mga secretary o makipag-appointment para marating ang luklukan ng biyaya. Siya ay madaling makakaugnayan anumang oras at saanmang lugar” (“The Lifeline of Prayer,” Ensign, Mayo 2002, 59).

  • Ano ang maaari mong sabihin para matulungan ang mga taong hindi nagdarasal nang madalas dahil hindi sila naniniwala na dinirinig o sinasagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 32:8–9 at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Nephi tungkol sa panalangin. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “laging manalangin”?

  • Anong halimbawa ang nakita ninyo sa isang taong palaging nananalangin? Paano pinagpapala ang taong ito dahil sa paggawa nito?

  • Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng “i[la]laan” ng Panginoon ang inyong pagsisikap para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa kapag nagdasal kayo na humihingi ng tulong sa Kanya? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng ilaan ang isang bagay ay ilalaan ito para sa isang espesyal o sagradong layunin o pababanalin ito.)

Hikayatin ang mga estudyante na maging masigasig sa pagdarasal sa tuwina. Tiyakin sa kanila na pinakikinggan ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin at lubos na ninanais na pagpalain sila.

1 Nephi 10:17–19; 15:1–3, 7–11; Jacob 4:6; Alma 26:22

Lahat ng sumusunod kay Jesucristo ay makatatanggap ng personal na paghahayag

Sabihin sa mga estudyante na maglista ng ilang tanong o sitwasyon na maaaring nais ng mga young adult na masagot sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos.

Ipaalala sa mga estudyante ang panaginip ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, at ipaliwanag na matapos marinig ni Nephi ang tungkol sa panaginip na ito, hinangad niyang malaman pa ang tungkol dito. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 10:17–19. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paghahayag, kabilang na kung sino ang maaaring tumanggap ng paghahayag.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa personal na paghahayag? (Tiyaking natukoy ang sumusunod na doktrina: Inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa lahat ng taong masigasig at nagnanais na makaalam.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder David A. Bednar

“Ang [diwa ng paghahayag] ay hindi lang para sa mga nangungulong awtoridad ng Simbahan; sa halip, ito ay tinataglay at dapat na ginagamit ng bawat lalaki, babae, at bata na nasa hustong gulang na upang managot at gumagawa ng sagradong mga tipan. Ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87).

  • Bakit ang kabatirang ito mula kay Elder Bednar ay nakahihikayat sa inyo?

Ipaliwanag na dahil sa pagnanais ni Nephi, kanyang pagiging karapat-dapat, at pananampalataya, ipinakita rin sa kanya ang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 11–14). Ipaliwanag din na ang tugon nina Laman at Lemuel sa pangitain ng kanilang Ama ay ibang-iba sa tugon ni Nephi. Sabihin sa dalawang estudyante na basahin nang malakas ang 1 Nephi 15:1–3, 7–9, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung ano ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito.

  • Ano ang pinakamahalaga sa inyo sa mga talatang ito?

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang 1 Nephi 15:10–11. Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na ang talata 11 ay isang halimbawa ng pahayag na may “sanhi at epekto” sa mga banal na kasulatan. Isulat ang sumusunod sa pisara at itanong sa mga estudyante kung ano ang ilalagay nila sa patlang batay sa nabasa nila sa mga talata 10–11:

Kung (sanhi) , (epekto) .

Sabihin sa mga estudyante na i-cross-reference ang talata 11 sa Alma 26:22, at pagkatapos ay itanong:

  • Paano ninyo magagamit ang itinuro sa 1 Nephi 15:10–11 at Alma 26:22 para maituro sa isang tao kung paano mahahanap ang mga sagot sa kanyang panalangin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 4:6, at sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng mga tao ni Jacob, bukod sa paghiling nang may pananampalataya, upang makatanggap ng paghahayag. Maaari mong ipaliwanag na ang pahayag na “aming sinasaliksik ang mga propeta” ay tumutukoy sa pagbabasa ng mga salita ng mga propeta sa mga banal na kasulatan.

  • Sa inyong palagay, bakit ang pag-aaral ng mga salita ng mga propeta noon at ngayon ay hahantong sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Panginoon?

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan; dahil ang Kanyang mga salita ay inihahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sa gayo’y tuturuan Niya tayo habang nakikinig tayo sa mga panghihikayat ng Kanyang Banal na Espiritu.

“Kung hindi ninyo narinig ang Kanyang tinig nitong mga nakaraang araw, muling basahin at pakinggan nang may bagong pananaw ang mga banal na kasulatan. Ito ang nangangalaga sa ating espirituwalidad” (“Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 26).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagsubok o desisyong kinakaharap nila ngayon. Sabihin sa kanila na isipin kung nagtanong sila sa Panginoon sa panalangin at binasa ang mga banal na kasulatan para sa mga kasagutan.

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang mga halimbawa kung paano nagbibigay ang Panginoon ng personal na paghahayag sa atin, isulat ang mga sumusunod na mga scripture reference sa pisara.

1 Nephi 4:6

1 Nephi 8:2

Jacob 7:5

Enos 1:10

Helaman 13:5

3 Nephi 11:3

Mag-assign ng ilang estudyante sa bawat isa sa mga scripture passage. Sabihin sa kanila na basahin ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila at alamin ang isang paraan kung paano nagbibigay ng personal na paghahayag ang Diyos sa Kanyang mga anak. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Habang iniisip mo ang pangangailangan ng mga estudyante, maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na pahayag nina Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) at Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang Espiritu ay hindi tayo sinisigawan o niyuyugyog nang malakas para pansinin natin ito. Bagkus ay bumubulong ito. Masuyo tayong hinahaplos nito kaya maaaring hindi natin ito madama kapag abala tayo. …

“Kung minsan pipilitin tayo nito nang sapat para makinig tayo. Pero kadalasan, kung hindi natin pakikinggan ang banayad na damdamin, lalayo ang Espiritu at maghihintay hanggang sa hanapin at pakinggan natin siya at makita sa ating kilos at mukha, tulad ni Samuel noong sinauna, ang mga salitang ‘Magsalita ka [Panginoon], sapagka’t dinirinig ng iyong lingkod.’ (I Sam. 3:10.)” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53).

Elder Richard G. Scott

“Bihirang dumating ang Kanyang mga sagot habang nakaluhod kayo at nananalangin, kahit magsumamo kayo ng dagliang tugon. Sa halip, magpaparamdam Siya sa inyo sa tahimik na mga sandali kung kailan maaantig na mabuti ng Espiritu ang inyong puso at isipan. Kung gayon, dapat kayong magkaroon ng mga tahimik na sandali upang malaman kung kayo ay pinagbibilinan at pinalalakas” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 9).

Ipaalala sa mga estudyante na hindi tayo ang pumipili kung paano ihahayag ng Diyos ang katotohanan sa atin, ngunit kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, makabubuting ihanda natin ang ating puso at isip sa pagtanggap ng paghahayag. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi kung paano sila nakatanggap ng personal na paghahayag, kung ang karanasan ay hindi masyadong personal o sagrado.

1 Nephi 18:1–3; 2 Nephi 28:30; Alma 12:9–11

Pagtanggap at pagkilos ayon sa paghahayag

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na ihambing ang 2 Nephi 28:30 at Alma 12:9–11 at tukuyin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na makatanggap ng mas maraming personal na paghahayag.

  • Ano ang itinuro ng mga scripture passage na ito na tutulong sa atin para makatangagap ng mas maraming personal na paghahayag? (Bagama’t maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang mga sumusunod na alituntunin: Ipinahahayag ng Panginoon ang katotohanan sa atin ayon sa sigasig na ibinibigay natin sa pagsunod sa Kanyang mga salita. Ang paghahayag ay madalas na dumarating sa atin nang taludtod sa taludtod.)

  • Sa inyong palagay, bakit iniuutos sa atin ng Panginoon na maging masunurin tayo sa naihayag na Niya sa atin bago Siya maghayag ng karagdagang kaalaman?

  • Ano ang ibig sabihin ng ang paghahayag ay dumarating sa atin nang “taludtod sa taludtod”?

Kapag may oras pa, maaari mong talakayin ang 1 Nephi 18:1–3 sa klase upang ilarawan kung paano tinanggap ni Nephi ang paunti-unting paghahayag upang malaman kung paano gumawa ng isang sasakyang-dagat.

Ipakita at ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:

Elder David A. Bednar

“Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang ‘magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit’ (D at T 121:45). Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” 88).

  • Kung gugunitain ninyo ang inyong buhay noon, paano kayo ginabayan nang paunti-unti ng Panginoon sa paggawa ng desisyon o sa pagsamo sa Kanya na makaunawa?

Tapusin ang lesson sa pagpapakita ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Thomas S. Monson

“Kung sinuman sa atin ang mabagal sa pagsunod sa payo na manalangin tuwina, wala nang mas mainam na oras para magsimula kundi ngayon. Ipinahayag ni William Cowper, ‘Natatakot si Satanas kapag nakikita niyang nakaluhod at nananalangin ang pinakamahinang banal’ [‘Exhortation to Prayer,’ sa Olney Hymns]” (“Isang Makaharing Pagkasaserdote,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 61).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sigasig na inilalaan nila sa pagdarasal sa kanilang araw-araw na buhay sa kasalukuyan. Hikayatin silang sundin ang mga alituntuning tinalakay sa lesson na ito para magkaroon sila ng mas maraming personal na paghahayag sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila nalaman na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin. Ibahagi ang iyong patotoo na pagkakalooban tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ng kaalaman at gagabayan tayo kung ihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap nito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante