Seminaries and Institutes
Lesson 12: Tayo ay Kinakailangang Espirituwal na Isilang na Muli


12

Tayo ay Kinakailangang Espirituwal na Isilang na Muli

Pambungad

Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos” (Mosias 3:19). Sa lesson na ito, ituturo sa mga estudyante na sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya kay Jesucristo, madaraig natin ang likas na tao, “[maisi]silang na muli” at mararanasan ang malaking pagbabago ng puso. Ang pagbabagong ito ay kinakailangan upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 12–19.

  • D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 76–79.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 3:19; 16:2–5; Alma 41:10–11

Hubarin ang likas na tao

Sa pisara, isulat ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), na sinipi mula sa “To ‘the Rising Generation,’” New Era, Hunyo 1986, 5:

“Hindi maaaring gumawa kayo ng mali at tama ang maging pakiramdam ninyo. Imposible ito!” (Pangulong Ezra Taft Benson)

  • Bakit imposibleng maging maligaya kapag mali ang ginagawa?

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Alma 41:10–11 habang inaalam ng klase ang mga bunga ng kasamaan. (Bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.)

  • Ano ang ilang panlilinlang na ginagamit ni Satanas para kumbinsihin tayo na ang pagsuway sa mga kautusan ay humahantong sa kaligayahan?

  • Ayon sa talata 11, ano ang ibig sabihin ng “likas na kalagayan”? (Naroon “sa isang makamundong kalagayan,” “nasa kasukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan,” at “walang Diyos sa daigdig.”)

  • Paano nakatulong ang Alma 41:10–11 sa pagpapaliwanag kung bakit ang pagiging makasalanan ay hindi humahantong sa kaligayahan? (Ito ay salungat sa katangian ng Diyos, at ang “katangian ng Diyos” ay ang “likas na kaligayahan.”)

Ipaalala sa mga estudyante na namana nating lahat ang mga epekto ng Pagkahulog ni Adan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 16:2–5 habang inaalam ng klase ang mga salita at parirala na naglalarawan sa nahulog na kalagayan ng sangkatauhan.

  • Anong mga salita at parirala ang ginamit ni Abinadi upang ilarawan ang nahulog na kalagayan ng sangkatauhan?

  • Ano ang kahulugan ng salitang “nagpupumilit” sa talata 5? (Paalala: Ang pagtukoy sa mahahalagang salita ay mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari mong piliing bigyang-diin dito.)

  • Bakit naging posible para sa atin na matubos mula sa ating makasalanan at nahulog na kalagayan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 3:19 at alamin kung paano natin madaraig ang ating nahulog na kalagayan.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu”?

  • Ano ang dapat nating gawin para “[mahubad] ang likas na tao”? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinusunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at ginagamit ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, mahuhubad natin ang likas na tao.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang katibayang nakita nila na magagawa ng Tagapagligtas na mabago tayo para maging mas mabubuting tao na hindi natin makakayang gawing mag-isa. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga ideya nila.

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang maaari ninyong gawin para mas lubos ninyong “[ma]bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal sa Espiritu”?

  • Anong mga katangian ng isang bata na nakatala sa Mosias 3:19 ang pinakakailangan ninyong mapagbuti?

Mosias 5:1–5, 7–8; 27:24–26

Isilang na muli

Sabihin sa mga estudyante na maglista ng mga pangalan ng mga tao sa Aklat ni Mormon na nakaranas ng pagbabago sa kanilang pag-uugali dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipaalala sa mga estudyante na si Nakababatang Alma at ang mga anak ni Mosias ay kabilang noon sa mga tao sa Zarahemla na hindi naniniwala at umusig sa mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mosias 27:8). Kasunod ng pagbisita ng isang anghel, si Alma ay naiwang nanghihina at hindi makapagsalita. Pagkaraan ng tatlong araw, nanumbalik ang lakas ni Alma at nagpatotoo siya tungkol sa mahimalang pagbabagong nangyari sa kanya (tingnan sa Mosias 27:11–24).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 27:24–26 habang inaalam ng klase kung paano inilarawan ni Alma ang mahimalang pagbabagong ito.

  • Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nakatulong para maipaliwanag ang ibig sabihin ng isinilang na muli?

  • Paano nakatulong ang talata 26 sa pagpapaliwanag kung bakit kailangang isilang tayong muli? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang katotohanang ito: Sa pamamagitan lamang ng pagiging bagong nilalang kay Cristo, mamamana natin ang kaharian ng Diyos.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang nangyayari kapag tayo ay espirituwal na isinilang muli, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 5:1–5, 8. Ipahanap sa klase ang mga salita o parirala na nagsasaad na naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin ang espirituwal na pagsilang na muli.

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin ang espirituwal na pagbabago? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod: sila ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, sila ay nagnais na patuloy na gumawa ng mabuti, naliwanagan ang kanilang isipan, at sila ay puspos ng kagalakan at handang gumawa ng mga tipan sa Panginoon.)

  • Ayon sa mga talata 2 at 4, ano ang kailangan upang magkaroon ng “malaking pagbabago sa puso”? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at tinanggap ang Banal na Espiritu, makararanas tayo ng malaking pagbabago ng puso.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante habang inaalam ng klase kung paano inilarawan ni Elder Bednar ang malaking pagbabago ng puso.

Elder David A. Bednar

“Pansinin na ang pagbabalik-loob na inilarawan sa [Mosias 5] ay malaki, hindi maliit—isang espirituwal na pagsilang na muli at mahalagang pagbabago sa nadarama at hangarin natin, sa iniisip at ginagawa natin, at kung ano tayo. “Sa katunayan, kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8)” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 20).

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa paglalarawan ni Elder Bednar ng malaking pagbabago ng puso?

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano ang maaari nating gawin upang patuloy na maranasan ang malaking pagbabago ng puso.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 5:7 at alamin kung paano nagbabago ang pakikipag-ugnayan natin kay Jesucristo kapag tayo ay isinilang na muli.

  • Sa paanong paraan tayo nagiging mga anak ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kahalagahan ng pagiging “mga anak ni Cristo,” at sabihin sa kanila na magbahagi kung paano ito makahihikayat sa atin kapag sinisikap nating isilang na muli.

Alma 5:14, 26–27; Eter 12:27

Ang espirituwal na pagsilang muli ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol habang pinakikinggan ng klase kung paano niya inilarawan ang proseso ng pagkakaroon ng pagbabago ng puso:

Elder D. Todd Christofferson

“Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? Dapat ninyong tandaan na ang mga di pangkaraniwang halimbawa ng mga tao ni Haring Benjamin, ni Alma, at iba pa sa mga banal na kasulatan ay sadyang ganoon—pambihira at hindi pangkaraniwan. Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ay [pangunahing] layunin ng mortalidad.

“At kasabay nito, huwag tayong mangatwiran na pangkaraniwang pagsisikap lamang ang gagawin natin. Huwag tayong masiyahan na magtira pa ng kaunting hangarin na gumawa ng masama. Mamuhay tayo nang marapat upang makibahagi sa sacrament bawat linggo at patuloy na lumapit sa Banal na Espiritu upang matanggal ang anumang natitirang karumihan sa atin. [Pinatototohanan ko na] habang patuloy kayo sa landas ng espirituwal na pagsilang na muli, tatanggalin ng nagbabayad-salang biyaya ni Jesucristo ang inyong mga kasalanan at ang mga mantsa ng kasalanang iyon sa inyo, hindi na magiging kaakit-akit ang mga tukso, at sa pamamagitan ni Cristo kayo ay magiging banal, tulad Niya at ng Ama na banal” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78).

  • Ayon kay Elder Christofferson, bakit ang pagsilang na muli ay isang proseso sa halip na pangyayari?

  • Paano nakatutulong sa atin na maging banal katulad ng Ama sa Langit at ng Kanyang anak na si Jesucristo ang proseso ng espirituwal na muling pagsilang? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang ito: Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, tayo ay mapapatawad at tatanggap ng tulong para makapagpatuloy sa landas ng espirituwal na muling pagsilang.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahulugan ng biyaya, ibahagi ang pahayag na ito mula sa Bible Dictionary:

“Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon na ang bawat tao, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. Ang biyayang ito ay isang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan na nagtutulot sa kalalakihan at kababaihan na magtamo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang magawa ang lahat ng makakaya nila” (Bible Dictionary, “Grace”).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang Alma 5:14, 26–27 at alamin ang itinuro ni Alma sa mga yaong nagsimula na sa proseso ng pagsilang muli at nakaranas ng pagbabago ng puso. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang sagot nila sa tanong ni Alma.

  • Ayon sa talata 27, ano ang dapat nating gawin matapos nating magkaroon ng pagbabago ng puso? (Dapat tayong manatiling walang-sala sa harapan ng Diyos, maging mapagpakumbaba, at humingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.)

  • Sa inyong palagay, bakit itinuro ni Alma na mahalagang bahagi ang pagpapakumbaba para mapanatili ang pagbabago ng ating puso?

Sabihin sa mga estudyante na itinuro ng Panginoon kay Eter kung bakit napakahalaga ng kapangyarihan ng pagpapakumbaba kapag nagsisikap tayong magkaroon ng pagbabago ng puso. Ipaalala sa mga estudyante na madalas gumamit ang mga alituntunin sa banal na kasulatan ng mga pahayag na nagpapakita ng sanhi at epekto, at pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Eter 12:27, at hanapin ang mga alituntunin na nagsasaad ng sanhi at epekto. Talakayin ang mga sumusunod na alituntunin kapag natukoy ng mga estudyante ang mga ito: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, ipapakita Niya sa atin ang ating mga kahinaan. Kung magpapakumbaba tayo at mananampalataya sa Panginoon, gagawin Niya ang mahihinang bagay na maging malalakas sa atin.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman natin ang ating mga kahinaan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan”?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Bruce C. Hafen

“Kaya kung may problema kayo sa buhay, huwag ninyong akalaing may mali sa inyo. Ang pakikibaka sa mga problemang iyon ang pinakasentro sa layunin ng buhay. Habang lumalapit tayo sa Diyos, ipakikita Niya sa atin ang ating mga kahinaan, at sa pamamagitan nito ay magiging mas matalino, mas malakas tayo. Kung mas marami kayong napapansing kahinaan ninyo, baka nangangahulugan lang ito na napapalapit kayo sa Kanya, at hindi nalalayo.” (“Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 97).

  • Ano ang maaari nating gawin upang hindi tayo panghinaan ng loob kapag natanto natin ang ating mga kahinaan?

Magpatotoo na ang biyaya ni Jesucristo ay tutulong sa atin na madaig ang ating kahinaan kapag sinisikap nating espirituwal na isilang muli.

Mga Babasahin ng mga Estudyante