23
Ang Pagkalat at Pagtitipon ng Israel
Pambungad
Ikinalat ng Panginoon ang sambahayan ni Israel sapagkat pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa Kanya, ngunit ipinangako Niya na sila ay titipunin sa mga huling araw. Nilinaw ng mga propesiya sa Aklat ni Mormon na ang matagal nang ipinangakong pagtitipon ay nagsimula na. Ang mga miyembro ng Simbahan ay may responsibilidad na pagpalain ang mga pamilya ng mundo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 79–82.
-
C. Scott Grow, “Ang Aklat ni Mormon, ang Kasangkapan para Matipon ang Nakalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 33–35.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 22:3–5; 2 Nephi 25:15–17; 3 Nephi 5:24–26; 20:13, 29–31; 30:2
Ang pagkalat at pagtipon ng sambahayan ni Israel
Anyayahan ang isang estudyante na convert sa Simbahan o nakatulong sa isang tao na sumapi sa Simbahan na ibahagi ang kanyang karanasan. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang isang kakilala nila na maaaring interesadong makinig sa mensahe ng ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa buong lesson ngayon na makahihikayat at makatutulong sa kanilang pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 22:3–5 para makita kung ano ang ipinropesiya ni Nephi tungkol sa sambahayan ni Israel.
-
Ano ang ibig sabihin ng “nakakalat” ang sambahayan ni Israel?
Ipaliwanag na ang pagkalat ng sambahayan ni Israel ay isang mahalagang paksa kay Nephi dahil ang kanyang pamilya ay bahagi nito. Nakakalat sila sa mga lupain ng Amerika mula sa Jerusalem dahil sa kasamaan ng mga tao sa lupain ng Juda.
Sabihin sa mga estudyante na maraming propesiya sa Aklat ni Mormon ang naglalaman ng nakapapanatag na katiyakan na sa mga huling araw ang sambahayan ni Israel ay muling titipunin. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference, at i-assign sa bawat estudyante na basahin ang isa sa mga scripture passage. Tiyaking mabasa ang bawat scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang kinakailangang malaman at gawin ng bawat tao upang matipon sa sambahayan ni Israel.
-
Ano ang ilan sa mga bagay na kinakailangang malaman at gawin ng bawat tao upang matipon sa sambahayan ni Israel? (Ilang katotohanan ang maaaring matukoy ng mga estudyante, kabilang ang mga sumusunod: Tinitipon ng Panginoon ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel kapag sila ay naniwala sa Kanya, nagsisi, at lumapit sa Kanya.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bakit ikinalat ang Israel? Malinaw ang sagot; simple; hindi mapag-aalinlanganan. Ikinalat ang ating mga ninunong Israelita dahil hindi nila tinanggap ang ebanghelyo, dinungisan ang priesthood, iniwan ang simbahan, at nilisan ang kaharian. …
“Ano, kung gayon, ang nakapaloob sa pagtitipon ng Israel? Ang pagtitipon ng Israel ay nangyayari sa paniniwala at pagtanggap at pamumuhay ayon sa lahat ng ibinigay noon ng Panginoon sa kanyang sinaunang mga piniling tao. … Ito ay kinapapalooban ng paniniwala sa ebanghelyo, pagsapi sa Simbahan, at pagpasok sa kaharian. … Maaaring nakapaloob din dito ang pagtitipon sa isang itinalagang lugar o lupain para sumamba” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 515).
-
Ayon kay Elder McConkie, ano ang dapat gawin ng isang tao para matipon sa sambahayan ni Israel?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila mismo natipon sa sambahayan ni Israel nang maniwala sila sa Tagapagligtas, nagsisi, at lumapit sa Kanya.
1 Nephi 15:12–16; 22:8–12
Sa mga huling araw, dadalhin ng mga miyembro ng Simbahan ang ebanghelyo sa mga pamilya ng mundo
Ipaalala sa mga estudyante na gumamit si Lehi ng metapora ng isang punong olibo para ituro sa kanyang pamilya ang tungkol sa pagkalat at pagtipon ng Israel (tingnan sa 1 Nephi 10:12–14). Sinabi nina Laman at Lemuel kay Nephi na hindi nila maunawaan ang kahulugan ng mga itinuro ng kanilang ama (tingnan sa 1 Nephi 15:7).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 15:12–16. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang matututuhan natin mula sa mga paliwanag ni Nephi tungkol sa sambahayan ni Israel.
-
Paano nakatulong sa atin ang metapora ng punong olibo para maunawaan ang pagkalat at pagtipon ng Israel?
-
Ayon sa talata 13, sino ang magdadala ng kabuuan ng ebanghelyo sa labi ng mga binhi ni Lehi? (Mga Gentil na tumanggap ng kabuuan ng ebanghelyo.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa Aklat ni Mormon, ang salitang Gentil ay karaniwang tumutukoy sa mga taong hindi mula sa lipi ni Juda o mula sa lupain ng Juda. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga propesiya na sa mga huling araw ang ilan sa mga Gentil na ito ay tatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo (tingnan sa 1 Nephi 15:13) at magiging mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Itinuro ng mga propeta sa Aklat ni Mormon na magiging responsibilidad ng mga Gentil na ito na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng salitang Gentil, ipakita at basahin ang sumusunod na paliwanag ni Elder Bruce R. McConkie:
“Itinuturing natin ang mga Judio bilang mga [yaong nanirahan] sa kaharian ng Juda at ang kanilang mga inapo. … At sa pakahulugang ito sa salitang Judio, masasabi nating ang lahat ng iba pang mga tao ay mga Gentil, kabilang ang mga nawawala at nakakalat na mga labi ng kaharian ng Israel. … Samakatwid si Joseph Smith na mula sa lipi ni Ephraim, … ay isang Gentil na naglabas ng Aklat ni Mormon, at ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … ay mga Gentil na magdadala ng kaligtasan sa mga Lamanita at sa mga Judio” (The Millennial Messiah [1982], 233).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa ng 1 Nephi 22:8–12 habang tinutukoy ng klase ang mga taong tutulungan at pangangalagaan ng mga Gentil (mga miyembro ng Simbahan) sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng mga estudyante, makatutulong na ipaliwanag na ang pariralang “ipakikita ang kanyang bisig sa paningin ng mga bansa” sa mga talata 10–11 ay tumutukoy sa pagpapakita ng Panginoon ng Kanyang kapangyarihan sa buong mundo.
-
Sino ang tutulungan at pangangalagaan ng mga Gentil sa mga huling araw? (Ang mga inapo ni Lehi, ang buong sambahayan ni Israel, at “lahat ng lahi ng mundo.”)
-
Ayon sa mga talata 9–11, paano pagpapalain ng Panginoon ang mga “lahi” (mga pamilya) sa mundo sa mga huling araw? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sa mga huling araw, ang Panginoon ay gagawa sa pamamagitan ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan upang pagpalain ang mga pamilya sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo at mga tipan.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Responsibilidad nating tumulong upang matupad ang tipang Abraham. Atin ang binhing inorden na noon pa at inihanda upang pagpalain ang lahat ng mga tao sa mundo. … Pagkaraan ng 4,000 taon ng paghihintay at paghahanda, ito ang takdang araw kung kailan ang ebanghelyo ay dadalhin sa mga tao sa mundo. Ito ang panahon ng ipinangakong pagtitipon ng Israel. At kabahagi tayo! Hindi ba’t kapana-panabik? Ang Panginoon ay umaasa sa atin at sa ating mga anak na lalaki—at lubos ang pasasalamat Niya sa ating mga anak na babae—na karapat-dapat na naglilingkod bilang mga misyonera sa dakilang panahong ito ng pagtitipon ng Israel” (“Mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 88).
-
Sa inyong palagay, ano ang nadarama ng mga natipon (mga nabinyagan) sa mga taong nagtipon sa kanila (mga taong nagbahagi sa kanila ng ebanghelyo)?
-
Ano ang ilang paraan na makababahagi tayo sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga pamilya ng mundo?
3 Nephi 16:4–5; 21:1–7
Ang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagtitipon ng Israel
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 21:1–7 at alamin ang mga palatandaan na naghudyat sa pagsisimula ng pagtitipon ng Israel sa mga huling araw.
-
Nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa “mga bagay na ito na ipinahahayag ko sa inyo” (talata 2). Saan itatala ang mga sinabi Niya sa mga Nephita? (Sa Aklat ni Mormon.)
-
Ano ang palatandaan na naghudyat sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang palatandaan na tinutupad na ng Diyos ang Kanyang tipan na titipunin ang Israel sa mga huling araw.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 16:4–5, at sabihin sa klase na alamin ang mga epekto ng Aklat ni Mormon at ng mensahe ng ebanghelyo sa mga huling araw.
-
Paano nakatutulong ang Aklat ni Mormon sa pagsasakatuparan ng pagtitipon ng mga tao ng Diyos sa mga huling araw? (Isa sa mga katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang sumusunod: Ang Aklat ni Mormon ay nakatutulong sa pagdadala ng mga tao sa kaalaman tungkol sa Manunubos upang sila ay matipon sa Kanya.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagtitipon ng Israel.
“Ang pagdating ng Aklat ni Mormon ay palatandaan sa buong mundo na sinimulan na ng Panginoon na tipunin ang Israel at tuparin ang mga tipang ginawa Niya kina Abraham, Isaac, at Jacob. Hindi lamang natin itinuturo ang doktrinang ito, kundi nakikibahagi rin tayo rito. Ginagawa natin ito kapag tumutulong tayong tipunin ang mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing.
“Ang Aklat ni Mormon ang sentro ng gawaing ito. Ipinahahayag nito ang doktrina ng pagtitipon. Dahil dito nalalaman ng mga tao ang tungkol kay Jesucristo, naniniwala sa Kanyang ebanghelyo, at sumasapi sa Kanyang Simbahan. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 80).
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng anumang karanasan nila kung saan nakita nila na nakatulong ang Aklat ni Mormon sa ibang tao na matutuhan ang tungkol kay Jesucristo at matipon sa Kanyang Simbahan.
Hikayatin ang mga estudyante na tumulong sa pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Aklat ni Mormon sa isang tao na hindi miyembro ng ating Simbahan.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
1 Nephi 15:12–16; 22:3–5, 8–12; 2 Nephi 25:15–17; 3 Nephi 5:24–26; 16:4–5; 20:13, 29–31; 21:1–7; 30:2.
-
Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 79–82.