16
Pagsisisi at Kapatawaran
Pambungad
Upang malinis mula sa kasalanan, dapat tayong sumampalataya kay Jesucristo tungo sa pagsisisi. Kapag taos-puso tayong nagsisi, makatatanggap tayo ng kapatawaran sa mga kasalanan, na naghahatid ng kagalakan at kapayapaan ng budhi sa ating mga kaluluwa. Mapapanatili natin ang kapatawaran ng mga kasalanan sa buong buhay natin kapag matapat nating sinusunod ang mga kautusan ng Diyos at minamahal at pinaglilingkuran ang isa’t isa.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 38–41.
-
Neil L. Andersen, “Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–43.
-
Craig A. Cardon, “Nais ng Tagapagligtas na Magpatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 15–17.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 34:15–17; 3 Nephi 9:13–14, 19–22
Pananampalataya kay Jesucristo tungo sa pagsisisi
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nahilingan silang magsalita sa sacrament meeting tungkol sa pagsisisi. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng maaari nilang sabihin upang matulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mas maunawaan ang doktrinang ito. Pagkatapos nilang sumagot, ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Kailangan natin ang malakas na pananampalataya kay Cristo upang makapagsisi” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 100).
-
Bakit totoo ang pahayag na ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 34:15–17, na nagtatala ng mga turo ni Amulek sa mga Zoramita tungkol sa pagsisisi. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at ipahanap ang itinuro ni Amulek na kailangan nating gawin para mapatawad.
-
Anong alituntunin tungkol sa pagtanggap ng kapatawaran ang itinuturo sa mga talatang ito? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito: Upang matanggap ang awa at pagpapalang dulot ng pagpapatawad, dapat tayong sumampalataya kay Jesucristo tungo sa pagsisisi. Ipaliwanag sa mga estudyante na ang pariralang “pananampalataya tungo sa pagsisisi” ay nabanggit nang apat na beses sa mga talatang ito. Ito ay isang pagkakataon para mabigyang-diin ang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na pagpansin sa mga pag-uulit-ulit ng mga salita.)
-
Bakit kailangan nating sumampalataya kay Jesucristo upang makapagsisi at mapatawad? (Kailangan nating sumampalataya sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para maging mabisa ang sakripisyong ito sa ating buhay. Sa pamamagitan lamang ng Kanyang Pagbabayad-sala maaari tayong mapatawad upang mabago ang ating puso at malinis mula sa kasalanan [tingnan sa Mosias 5:2].)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano tayo lalapit sa Tagapagligtas at magsisisi, ipaliwanag na matapos ang malawakang pagkawasak sa lupain ng Amerika na nagpatunay na Siya ay Ipinako sa Krus, itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao kung ano ang kailangan nilang gawin para makapagsisi at tumanggap ng kapatawaran mula sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 3 Nephi 9:13–14, 19–22 nang may kapartner, at maghanap ng mga parirala na naglalarawan ng sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin para makalapit sa Kanya at magsisi. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila.
-
Anong alituntunin ang itinuro ng Panginoon sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para magsisi? (Bagama’t maaaring pillin ng mga estudyante na gumamit ng ibang salita, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung lalapit tayo kay Jesucristo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, tatanggapin Niya tayo at tutubusin mula sa ating mga kasalanan.)
-
Paano makatutulong ang paanyaya ng Tagapagligtas na “[lumapit] sa akin na tulad ng maliit na bata,” (talata 22) at “[magbalik] sa akin” (talata 13) upang mas maunawaan natin kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu?
-
Anong mga karanasan sa buhay ang maaaring maging dahilan upang magkaroon ang isang tao ng bagbag na puso at nagsisising espiritu?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce D. Porter ng Pitumpu. Maaari mong bigyan ng kopya ng pahayag ang bawat estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na pakinggan ang mga ideya kung paano tayo maghahandog ng bagbag na puso at nagsisising espiritu kapag nagsisi tayo.
“Ano ang bagbag na puso at nagsisising espiritu? … Ang ganap na [pagsunod] ng Tagapagligtas sa Amang Walang Hanggan ang tunay na halimbawa ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. Ang halimbawa ni Cristo ay nagtuturo sa atin na ang bagbag na puso ay isang walang hanggang katangian ng kabanalan. Kung bagbag ang ating puso, lubos tayong bukas sa Espiritu ng Diyos at nauunawaan natin ang ating pag-asa sa Kanya para sa lahat ng mayroon tayo at sa ating buong pagkatao. Ang sakripisyong kailangan ay pagtalikod sa lahat ng anyo ng kapalaluan. Gaya ng malagkit na putik sa mga kamay ng sanay na magpapalayok, yaong may bagbag na puso ay mahuhubog at mahuhugis sa mga kamay ng Guro.
“Ang bagbag na puso at nagsisising espiritu ay mga kundisyon ding kailangan sa pagsisisi [tingnan sa 2 Nephi 2:6–7]. … Kapag tayo ay nagkakasala at nais nating mapatawad, ang ibig sabihin ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay dumanas ng ‘kalumbayang mula sa Diyos [na] gumagawa ng pagsisisi’ (II Mga Taga Corinto 7:10). Dumarating ito kapag napakasidhi ng pagnanais nating malinis mula sa kasalanan kaya ang puso natin ay nagdadalamhati at nais nating makadama ng kapayapaan sa piling ng ating Ama sa Langit. Yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu ay handang gawin ang anuman at lahat ng ipinagagawa ng Diyos sa kanila nang walang pagtutol o hinanakit. Tumitigil tayo sa paggawa ng mga bagay ayon sa ating pamamaraan at sa halip ay natututo tayong gawin ang mga iyon ayon sa pamamaraan ng Diyos. Sa gayong kundisyon ng pagsuko, magkakaroon ng bisa ang Pagbabayad-sala at magaganap ang tunay na pagsisisi” (“Isang Bagbag na Puso at Nagsisising Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 32).
-
Ayon kay Elder Porter, ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang maaari nilang gawin upang mas lubos silang makapanamplataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng paghahandog sa Kanya ng bagbag na puso at nagsisising espiritu. Maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para maisulat ang mga impresyong dumating sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu.
Magpatotoo na ang mahabaging kaloob na pagsisisi ay makakamtan ng bawat isa sa atin. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at sa kaloob na pagsisisi.
Enos 1:4–8; Mosias 4:1–3; Alma 19:29–30, 33–36; 36:19–21
Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay nagdudulot ng kagalakan at kapayapaan
-
Ano ang isasagot ninyo sa mga taong gustong malaman kung paano nila malalaman kung napatawad sila sa mga kasalanang nagawa nila noon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Enos 1:4–8; Mosias 4:1–3; at Alma 36:19–21, at alamin ang mga paraan kung paano malalaman ng mga tao na sila ay napatawad na sa kanilang mga kasalanan.
-
Ayon sa mga talatang ito, paano natin malalaman na napatawad na tayo sa ating mga kasalanan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag taos-puso tayong nagsisi at tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, napapawi ang ating mga kasalanan, napupuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon, at nakadarama tayo ng kagalakan at kapayapaan. Kapag hinikayat ng Espiritu, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Para sa mga tunay na nagsisisi, ngunit tila hindi nakadarama ng kapanatagan: patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo, mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Nangangailangan din ng panahon ang paghilom” [“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 42].)
Upang maipaliwanag pa ang alituntuning ito, sabihin sa ilang estudyante na basahin nang malakas ang ilang talatang naglalarawan sa pagbabalik-loob ni Haring Lamoni at ng kanyang mga tao, na matatagpuan sa Alma 19:29–30, 33–36. Sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang natanggap ng mga tao dahil sa kanilang pagsisisi at pananampalataya.
-
Anong mga partikular na pagpapala ang natanggap ni Haring Lamoni, ng kanyang asawa, at ng maraming iba pang mga Lamanita dahil sa kanilang pagsisisi at pananampalataya? (Nagbago ang kanilang puso, ang mga anghel ay naglingkod sa kanila, sila ay nabinyagan, naitatag ang Simbahan, at ibinuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa kanila.)
-
Kailan kayo nakakita ng ibang tao na tumanggap ng ilan sa mga pagpapalang ito nang sila ay magsisi at mas lumapit sa Panginoon?
Upang matulungan ang mga estudyante na maramdaman ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Dumarating ang mga sulat mula sa mga taong nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Itinatanong nila, ‘Ako ba ay mapapatawad pa?’
“Ang sagot ay oo!
“Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na maglalaho ang pighati at pagkaligalig sa pamamagitan ng pagsisisi. Maliban sa iilang piniling sundin ang kasamaan matapos makatanggap ng malaking kaalaman, walang masamang ugali, walang adiksyon, walang kasalanan, walang paglabag, maliit o malaki, ang hindi tatanggap ng ipinangakong lubos na kapatawaran.
“‘Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa.’ Iyan ay, nagpatuloy si Isaias, ‘kung kayo’y magkusa at mangagmasunurin,’ [Isaias 1:18–19]” (“The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 19).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga karanasan nila nang madama nila ang kagalakan at kapayapaan ng budhi na kaakibat ng lubos na pagsisisi.
Mosias 4:11–12, 26
Panatilihin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:11–12, 26. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa paraan kung paano mapapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.
-
Ayon sa mga salitang ito ni Haring Benjamin, paano natin mapapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan habang tayo ay nabubuhay? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung aalalahanin natin ang pagmamahal at kabutihan ng Diyos sa atin, magiging matatag sa ating pananampalataya, at mamahalin at paglilingkuran ang iba, ay mapapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa sa doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagsisikap na magbago. Isang pagkutya sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ang asamin nating gawin Niya tayong mabubuting nilalang nang wala tayong kapagud-pagod. Bagkus, hinahangad natin ang Kanyang biyaya upang matugunan at magantimpalaan ang ating pagsusumigasig (tingnan sa 2 Nephi 25:23). Marahil tulad ng pagdarasal natin na kahabagan tayo, dapat tayong manalangin na magkaroon tayo ng oras at pagkakataong magpakabuti at magsikap at madaig ang kasalanan. Tiyak na pagpapalain ng Panginoon ang taong nais humarap sa paghuhukom nang karapat-dapat, na tunay na nagsusumikap sa araw-araw na gawing kalakasan ang kanyang kahinaan. Ang tunay na pagsisisi, ang tunay na pagbabago ay maaaring mangailangan ng paulit-ulit na pagsisikap, ngunit may isang bagay na nagpapadalisay at nagpapabanal sa gayong pagsisikap” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 39).
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo kapag iniisip ninyo na “pagpapalain” kayo ng Panginoon kapag nagsikap kayong madaig ang mga kasalanan at kahinaan?
Patotohanan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tiyakin sa mga estudyante na kapag sila ay nagsisi, mararanasan nila ang kagalakan at kapayapaan ng budhi. Hikayatin ang mga estudyante na suriin ang kanilang buhay at manampalataya kay Jesucristo tungo sa pagsisisi.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Enos 1:4–8; Mosias 4:1–3, 11–12, 26; Alma 19:29–30, 33–36; 34:15–17; 36:19–21; 3 Nephi 9:13–14, 19–22.
-
Neil L. Andersen, “Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–43.