7
Ang Aklat ni Mormon at ang Biblia
Pambungad
Kasama ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay saksi sa kabanalan at pagiging Diyos ni Jesucristo at sa Kanyang ginagampanan bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ipinanumbalik ng Aklat ni Mormon ang malilinaw at mahahalagang katotohanang nawala mula sa Biblia. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon, mauunawaan natin nang malinaw ang mga doktrinang itinuro sa Biblia.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Russell M. Nelson, “Mga Saksi sa mga Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 43–46.
-
Tad R. Callister, “Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 74–76.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ezekiel 37:15–19; 2 Nephi 3:11–12; 29:3–10
Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay nagkakaisang mga saksi na nagpapatotoo kay Jesucristo
Itanong sa mga estudyante kung ano ang maaari nilang sabihin sa isang tao na nagdududa tungkol sa Aklat ni Mormon dahil binigyan na tayo ng Diyos ng Biblia.
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang 2 Nephi 29:3–10 at markahan ang mga parirala na nagpapakita ng mga dahilan ng Panginoon sa pagbibigay ng mahigit pa sa isang aklat ng mga banal na kasulatan.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taong pinagdududahan ang banal na kasulatan na karagdagan sa Biblia?
-
Ayon sa talata 8, ano ang sinabi ng Panginoon na Kanyang layunin sa paghahayag ng banal na kasulatan na karagdagan sa Biblia? (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng iba-ibang sagot, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay magkasamang nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.)
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga scripture passage na ito na tutulong sa inyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iba pang mga saksing banal na kasulatan?
Upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga estudyante kung paano nagtutulungan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon para patotohanan si Jesucristo, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Pinatototohanan ng mga saksi sa mga banal na kasulatan ang isa’t isa. Ang ideyang ito ay matagal nang ipinaliwanag nang isulat ng isang propeta na ang Aklat ni Mormon ay ‘isinulat sa layuning kayo ay maniwala [sa Biblia]; at kung kayo ay maniniwala [sa Biblia] ay paniniwalaan din ninyo [ang Aklat ni Mormon]’ [Mormon 7:9]. Bawat aklat ay tumutukoy sa isa. Bawat aklat ay ebidensya na ang Diyos ay buhay at nangungusap sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta.
“Ang pagmamahal sa Aklat ni Mormon ay nagpapalawak sa pagmamahal ng isang tao sa Biblia, at vice versa. Hindi makikipagpaligsahan sa Biblia ang mga banal na kasulatan ng Panunumbalik; sinusuportahan nito ang Biblia” (“Mga Saksi sa mga Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 43).
-
Ano ang napansin ninyo sa paglalarawan ni Pangulong Nelson sa kaugnayan ng dalawang aklat na ito ng mga banal na kasulatan, at bakit?
Ipaalala sa mga estudyante na ipinropesiya ng propetang si Ezekiel sa Lumang Tipan na ang tungkod ng Juda at ang tungkod ng Jose ay magsasama. Ipaliwanag na ang “tungkod” ay maaaring tumukoy sa isang kahoy na tablet o scroll na nakapulupot sa mga wooden rod (tingnan sa Boyd K. Packer, “Scriptures,” Ensign, Nob. 1982, 51). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Ezekiel 37:15–19.
-
Ano ang sinasagisag ng mga tungkod na ito? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang “tungkod ng Juda” ay tumutukoy sa Biblia at ang “tungkod ng Ephraim” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang dalawang tungkod na ito o mga aklat ng mga banal na kasulatan ay “magi[gi]ng isa sa iyong kamay”? (mga talata 17, 19).
Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipaliwanag na bago sinabi ni Pangulong Packer ang pahayag na ito, ang Simbahan ay naglathala ng mga bagong edisyon ng Aklat ni Mormon at ng Biblia. Bawat aklat ay naglalaman ng mga footnote at iba pang mga tulong sa banal na kasulatan na tumutukoy sa isa pang aklat, sa gayon ay pinag-iisa ang dalawa sa isang bagong paraan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga pagpapalang makakamtan ng mga taong pinag-aaralan nang sabay ang Biblia at ang Aklat ni Mormon.
“Ang tungkod o talaan ng Juda … at ang tungkod o talaan ng Ephraim … ay pinagsama sa paraang kapag pinag-aralan ninyo ang isa ay nanaisin din ninyong pag-aralan ang isa pa; kapag natutuhan ninyo ang isa ay lilinawin ng isa ang inyong pang-unawa. Ang mga ito ay talagang naging isa sa ating mga kamay. Natupad na ngayon ang propesiya ni Ezekiel.
“Sa paglipas ng mga taon, ang mga banal na kasulatang ito ay lilikha ng sunud-sunod na henerasyon ng matatapat na Kristiyanong nakakakilala sa Panginoong Jesucristo at nakahandang sumunod sa Kanyang kalooban. …
“… Ang mga paghahayag ay mabubuksan sa [mga bagong henerasyon] na ngayon lamang nangyari sa buong kasaysayan ng mundo. Nasa mga kamay na nila ngayon ang mga tungkod ng Jose at ng Juda. Magkakaroon sila ng kaalaman sa ebanghelyo nang higit pa sa kayang tamuhin ng kanilang mga ninuno. Magkakaroon sila ng patotoo na si Jesus ang Cristo at magiging mahusay sa pagpapahayag sa Kanya at pagtatanggol sa Kanya” (“Scriptures,” Ensign, Nob. 1982, 53).
-
Anong mga pagpapala ang makakamtan kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon at ang Biblia nang magkasama? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinag-aralan natin ang Biblia at ang Aklat ni Mormon nang magkasama, tatanggap tayo ng mas matatag na patotoo na si Jesus ang Cristo.)
-
Paano pinapalalim ng pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang inyong kaalaman at patotoo tungkol kay Jesucristo?
Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 3:11–12. (Makatutulong na linawin na ang mga talatang ito ay bahagi ng isang propesiya ni Jose ng Egipto. Sa mga talatang ito nabanggit ni Jose ang dalawang aklat—ang aklat na isinulat ng mga inapo ni Jose ay ang Aklat ni Mormon, at ang aklat na isinulat ng mga inapo ni Juda ay ang Biblia.)
-
Ano ang magiging epekto ng Aklat ni Mormon at ng Biblia sa mundo kapag ang dalawang aklat na ito ay “magsasama”? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga ideyang ito: Lilituhin ng mga aklat na ito ang mga maling doktrina, aalisin ang mga pagtatalo, at magtatatag ng kapayapaan.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila maaaring gamitin ang Aklat ni Mormon at Biblia nang magkasama upang mapalakas ang kanilang patotoo at pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila. Hikayatin din sila na kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila.
1 Nephi 13:23–29, 35–36, 38–41
Naibalik ang malilinaw at mahahalagang katotohanan
Ipaalala sa mga estudyante na iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na gumawa ng inspired revision ng King James Version ng Biblia. Ang rebisyong ito ay nakilala bilang Pagsasalin ni Joseph Smith. Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
“Naniniwala ako sa nakasaad sa Biblia kapag nagbuhat ito sa panulat ng mga orihinal na may-akda. Ang mga walang muwang na tagasalin, walang ingat na tagasulat, o mapanlinlang at tiwaling saserdote ay marami nang nagawang mali” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 239, 241).
-
Bakit kailangan ang inspired revision ng Biblia?
Ipaalala sa mga estudyante na nakita ni Nephi sa pangitain ang paglabas ng Biblia. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 13:23–25. Sabihin sa klase na alamin ang paglalarawan ni Nephi sa Biblia noong orihinal pa ang nakasulat dito.
-
Ano ang itinuro ng anghel kay Nephi tungkol sa Biblia noong unang isulat ito? (Ito ay “naglalaman ng mga tipan ng Panginoon,” ito ay “labis na mahalaga,” at “naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ng Panginoon.”)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 13:26–28, at alamin ang nalaman ni Nephi na mangyayari sa Biblia at kung ano ang mga dahilan.
-
Ano ang ginawa ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa Biblia? (Bigyang-diin na ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan ay hindi tumutukoy sa anumang partikular na simbahan o organisasyon sa halip ito ay tumutukoy sa lahat ng kumakalaban kay Cristo [tingnan sa 1 Nephi 13:4–9; 14:10].)
-
Ayon sa talata 27, bakit inalis ang malilinaw at mahahalagang bahagi na ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 13:29 habang inaalam ng klase ang mga nangyari nang alisin ang malilinaw at mahahalagang bahagi mula sa Biblia.
-
Ano ang nangyari nang alisin ang malilinaw at mahahalagang turo ng Panginoon mula sa Biblia?
-
Anong katibayan ang nakikita ninyo sa mundo ngayon na “lubhang marami ang nangagkatisod” dahil sa kawalan ng malilinaw at mahahalagang katotohanan?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 13:35–36, 38–41 habang inaalam ng klase ang solusyon ng Panginoon sa problemang ito.
-
Ano ang gagawin ng Panginoon upang malutas ang mga problemang idinulot ng pag-alis ng malilinaw at mahahalagang katotohanan mula sa Biblia?
-
Bukod pa sa Aklat ni Mormon, ano ang “iba pang mga aklat” na inilabas ng Panginoon bilang bahagi ng Panunumbalik? (Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang banal na kasulatan na mapapabilang sa “iba pang mga aklat” ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, at ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.)
-
Ayon sa talata 40, paano nalutas ng Aklat ni Mormon at ng “iba pang mga aklat” ang mga problemang idinulot ng pag-alis ng malilinaw at mahahalagang bahagi ng Biblia? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Aklat ni Mormon at ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw ay tumutulong sa pagpapatibay ng katotohanan ng Biblia at ibinabalik ang malilinaw at mahahalagang katotohanan na inalis mula rito.)
Upang mailarawan kung paano pinagtitibay ng Aklat ni Mormon ang ating pag-unawa sa doktrina at mga alituntuning matatagpuan sa Biblia, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Tad R. Callister, na naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu:
“Ang Biblia ay isang saksi ni Jesucristo; isa pang saksi ang Aklat ni Mormon. Bakit napakahalaga ng pangalawang saksing ito? Maaaring makatulong ang sumusunod na paglalarawan: Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo mula sa iisang tuldok sa papel? Ang sagot ay walang katapusan. Sandaling ipagpalagay na ang iisang tuldok ay kumakatawan sa Biblia at na daan-daan sa mga tuwid na linyang iginuhit patawid ng tuldok na iyon ay kumakatawan sa iba’t ibang interpretasyon ng Biblia at bawat isa sa mga interpretasyong iyon ay kumakatawan sa ibang simbahan.
“Gayunman, ano ang mangyayari kung sa papel na iyon ay may isa pang tuldok na kumakatawan sa Aklat ni Mormon? Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo sa pagitan ng dalawang tuldok na ito: ang Biblia at ang Aklat ni Mormon? Isa lang. Isang interpretasyon lang ng mga doktrina ni Cristo ang mamamayani sa patotoo ng dalawang saksing ito.
“Muli’t muli ang Aklat ni Mormon ang saksing nagpapatibay, naglilinaw, pinagkakaisa ang mga doktrinang itinuro sa Biblia” (“Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 75).
-
Bakit mahalagang magkasama ang Aklat ni Mormon at ang Biblia bilang mga saksi ng mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng patotoo at mga halimbawa kung paano nakatulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na mas maunawaan ang Biblia o mas mapalapit sa Tagapagligtas.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Ezekiel 37:15–19; 1 Nephi 13:20–41; 2 Nephi 3:11–14; 29:1–14.
-
Russell M. Nelson, “Mga Saksi sa mga Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 43–46.
-
Tad R. Callister, “Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 74–76.