Seminaries and Institutes
Lesson 21: Ang Pagdating ni Jesucristo


21

Ang Pagdating ni Jesucristo

Pambungad

Ang mga kalagayan at pangyayari na kaugnay ng pagdalaw ni Jesucristo sa lupain ng Amerika ay nagsilbing huwaran para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maipamuhay ang mga alituntunin mula sa Aklat ni Mormon para maging mas handa para sa “dakila at kakila-kilabot na araw” (3 Nephi 25:5) sa muling pagdating ni Cristo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 7–10.

  • Jeffrey R. Holland, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Dis. 2013, 48–51.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 14:20–30; 16:1–5; 3 Nephi 9:1–5, 12–14; 10:12

Ang mga tanda ay ibinigay upang tulungan tayong maniwala at maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga pangyayari o gawain sa kanilang buhay na kinakailangan nilang paghandaan (halimbawa, pagmimisyon). Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang naging epekto ng inyong paghahanda sa kabuuan ng karanasan ninyo?

  • Sa inyong palagay, ano kaya ang nangyari o naranasan ninyo kung hindi kayo naghanda?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang itinuro ni Pangulong Benson na maitutulong sa atin ng Aklat ni Mormon sa ating paghahanda:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Sa Aklat ni Mormon nakikita natin ang huwaran sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Isang malaking bahagi ng aklat ang nakatuon sa ilang dekada bago dumating si Cristo sa Amerika. Sa masusing pag-aaral tungkol sa panahong iyan, malalaman natin kung bakit nilipol ang ilang tao sa kakila-kilabot na paghuhukom na nangyari bago Siya dumating at kung bakit naroon ang iba sa templo sa lupaing Masagana at nahawakan nila ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 164).

  • Ayon kay Pangulong Benson, bakit dapat nating pag-aralang mabuti ang mga tala sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagdalaw ni Jesucristo sa Kanyang mga tao sa lupain ng Amerika? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon tungkol sa mga tala ng mga pangyayari sa pagdalaw ni Jesucristo sa lupain ng Amerika, malalaman natin ang isang huwaran para sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin at doktrina habang pinag-aaralan nila ang tala tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika na tutulong sa kanila na maghanda para sa Ikalawang Pagparito.

Ipaalala sa mga estudyante na bago isinilang ang Tagapagligtas, ipinropesiya ni Samuel ang Lamanita ang mga palatandaan na makikita sa pagsilang at kamatayan ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang Helaman 14:20–27 at tukuyin ang mga palatandaan ng kamatayan ni Cristo.

  • Ano ang ilan sa mga palatandaan na sinabi ni Samuel sa mga Nephita na kaakibat ng kamatayan ni Jesucristo?

Ipabasa sa kalahati ng mga estudyante ang Helaman 14:28–30 at sa natitirang kalahati ang Helaman 16:4–5. Sabihin sa kanila na alamin ang mga dahilan kung bakit ibinigay ang mga palatandaang ito sa mga Nephita. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pagtuunan ng pansin ang pariralang “sa layunin na …”

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit nagbigay ng mga palatandaan ang Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang Panginoon ay nagbibigay ng mga palatandaan at kababalaghan upang tayo ay maniwala sa Kanya at maligtas. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Ano ang nakasaad sa Helaman 14:29 na mangyayari sa mga hindi naniniwala sa mga tanda at mga kababalaghan? (Isang makatarungang kahatulan ang ipapataw sa kanila.)

Ipaliwanag na sa tala na matatagpuan sa 3 Nephi, ang mga ipinangakong palatandaan at kababalaghan—pati ang pagkawasak na palatandaan ng kamatayan ng Tagapagligtas—ay nagsimulang matupad. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 9:1–5, 12–14; 10:12 habang inaalam ng klase kung ano ang nangyari sa mga taong naniwala sa mga mensahe nina Samuel at Nephi at kung ano rin ang nangyari sa mga taong hindi naniwala.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit nalipol ang ilan sa mga tao? Bakit nakaligtas ang ilang tao?

Ipaliwanag na ang mga sumusunod kay Jesucristo ngayon ay tinuruan na magbantay sa mga palatandaan na mangyayari bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung paano makatutulong ang pag-unawa at pagtukoy sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito, na ipinropesiya ng mga propeta, sa mga miyembro ng Simbahan ngayon upang maging mas handa sila sa Kanyang pagdating.

3 Nephi 11:1–17

Paghahanda sa pagharap sa Tagapagligtas

Magdispley ng larawan ni Jesucristo nang magpakita Siya sa mga Nephita. Kapag binasang muli ng mga estudyante ang tala tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita, hikayatin silang alamin ang mga pagpapalang natanggap ng mga taong naniwala sa mga palatandaan ng pagkamatay ng Panginoon at naghanda para sa Kanyang pagdating.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 11:1–12.

  • Paano naihanda ang mga tao ng paniniwala sa mga ipinangakong palatandaan ng pagdating ng Panginoon para sa pangyayaring ito?

  • Sa paanong paraan tayo mapapaalalahananan ng mga talatang ito na kinakailangan nating ihanda ang ating sarili?

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 11:13–17 at isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung naroon sila sa pangyayaring iyon.

  • Paano kaya ang inilalarawan ng pangyayaring ito ang ninanais ng Panginoong Jesucristo para sa bawat isa sa atin? (Ang mga sagot ay dapat kakitaan ng sumusunod na katotohanan: Inaanyayahan ni Jesucristo ang lahat ng tao na lumapit sa Kanya at magkaroon ng patotoo na Siya ang Diyos ng buong sanlibutan.)

  • Sa anong mga paraan maaaring kahalintulad ng mga pangyayaring ito ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ni Jesus?

  • Ano ang maaari ninyong gawin para masunod ang paanyaya ng Tagapagligtas upang maging handa kayo sa pagharap sa Kanya balang araw?

Tapusin ang lesson na ipinapakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

“Kung gagawin natin ang bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo?” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9).

  • Bakit mahalagang maihanda ang ating sarili na para bang bukas na ang pagdating ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na hangarin at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu habang naghahanda sila sa pagharap sa Panginoon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante