Seminaries and Institutes
Lesson 25: Namumuhay nang Matwid sa Panahon ng Kasamaan


25

Namumuhay nang Matwid sa Panahon ng Kasamaan

Pambungad

Nakatala sa Aklat ni Mormon ang pagkalipol ng mga tao at lipunan na sinunod ang kasamaan at tinulutan ang mga lihim na pagsasabwatan. Kasabay nito, itinuro din ng Aklat ni Mormon na makapamumuhay tayo nang matwid kahit naninirahan tayo sa kapaligirang puno ng kasamaan. Sa lesson na ito, matututuhan ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin para manatiling matwid sa mundo ngayon.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Quentin L. Cook, “Pag-ani ng mga Gantimpala ng Kabutihan,” Liahona, Hulyo 2015, 27–33.

  • Dennis B. Neuenschwander, “Nag-iisa sa Karamihan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 101–3.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 37:21–22, 25–27; Helaman 6:20–26, 37–40; Eter 8:18–26

Mawawasak ng lihim na pagsasabwatan ang kalayaan at mga lipunan

Isulat sa pisara ang pariralang teritoryo ng kaaway at itanong sa mga estudyante kung ano ang ibig sabihin nito.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Boyd K. Packer

“Kayong mga kabataan ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway. Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na nagkaroon ng digmaan sa langit at na si Lucifer ay naghimagsik at, kasama ang kanyang mga alagad ay, ‘inihagis sa lupa’ [Apocalipsis 12:9]. Determinado siyang sirain ang plano ng ating Ama sa Langit at hangad na kontrolin ang isipan at kilos ng lahat ng tao” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 16).

  • Sa paanong paraan natutulad ang pagiging buhay natin sa panahong ito sa pagiging naroroon sa teritoryo ng kaaway?

Ipaliwanag na susuriin sa lesson na ito ang paglalarawan ng Aklat ni Mormon sa masamang kapaligiran kung saan nakatira ang ilang mabubuting tao. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin at doktrina na magagamit nila habang pinag-aaralan nila ang mga halimbawa ng mga indibiduwal na nanatiling tapat kahit napaliligiran ng kasamaan.

Ipaalala sa mga estudyante na nasaksihan ni Moroni ang pagkawasak ng buong sibilisasyon ng Nephita. Inilarawan niya ang kasamaan na humantong sa pagkawasak ng mga Nephita at ng mga Jaredita. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 8:18 at 21 habang inaalam ng klase ang sanhi ng pagkawasak na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natuklsan nila.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at tanong:

Alma 37:21–22, 25–27

Helaman 6:20–26

Ether 8:18–26

Ano ang mga lihim na pagsasabwatan?

Ano ang mga mithiin at layunin ng mga ito?

Paano nila tiniyak na magpapatuloy ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang isa sa mga scripture passage sa pisara at hanapin ang mga sagot sa mga tanong na nakalista. Sabihin sa mga estudyante na maaaring hindi masagot ng pinili nilang scripture passage ang lahat ng tatlong tanong na ito, ngunit hanapin nila ang sagot sa abot ng makakaya nila. Matapos ang sapat na oras, talakayin ang mga tanong sa pisara kasama ang buong klase. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod:

  • Mula sa inyong nabasa, ano ang mga nangyari dahil tinulutan nila ang pagkakaroon at paglaganap ng lihim na pagsasabwatan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Mawawasak ng lihim na pakikipagsabwatan ang kalayaan, mga pamahalaan, at lipunan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ilang halimbawa ng mga lihim na pakikipagsabwatan sa ating panahon?

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ipakita ang mga sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994). Ipabasa ang mga ito nang malakas sa isang estudyante.

Elder M. Russell Ballard

“Kabilang sa mga lihim na pakikipagsabwatan ngayon ay ang mga gang, mga grupong nagkakalat ng droga, at mga samahang gumagawa ng planadong krimen. Ang mga lihim na pagsasabwatan sa ating panahon ngayon ay kumikilos na halos katulad ng mga tulisan ni Gadianton noong panahon ng Aklat ni Mormon … Kasama sa kanilang mga layunin ang ‘makapaslang, at makapandambong, at makapagnakaw, at makagawa ng mga pagpapatutot, at lahat ng uri ng kasamaan’ [Helaman 6:23] “(M. Russell Ballard, ”Standing for Truth and Right,“ Ensign, Nob. 1997, 38).

Pangulong Ezra Taft Benson

“Pinatototohanan ko na ang kasamaan ay mabilis na lumalaganap sa bawat bahagi ng ating lipunan. (Tingnan sa D at T 1:14–16; 84:49–53.) Ito ay higit na organisado, mas tusong nakabalatkayo, at sinusuportahan nang mas matindi kaysa rati. Ang paghahangad ng mga lihim na pakikipagsabwatan ng kapangyarihan, pakinabang, at kabantugan ay lalo pang tumitindi. … (Tingnan sa Eter 8:18–25.)” (Ezra Taft Benson, “I Testify,” Ensign, Nob. 1988, 87).

  • Sa inyong palagay, bakit isinama ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang impormasyon tungkol sa mga lihim na pagsasabwatan sa kanilang talaan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 6:20, 37–40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagkakaiba ng mga Lamanita at ng mga Nephita. (Paalala: Ang paghahambing ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari mong bigyang-diin sa lesson na ito [tingnan sa Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion (2012), 22].)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano maaalis ang kasamaan at mga lihim na pagsasabwatan?

Alma 62:41; 4 Nephi 1:42; Mormon 1:13–17, 19; 2:8, 14–15, 18–19; 3:2–3, 12, 22; Moroni 9:6, 22, 25–26

Manatiling matwid kahit napapaligiran ng kasamaan

Sabihin sa mga estudyante na isinilang ang propetang si Mormon sa kapaligiran na puno ng kasamaan dahil sa mga lihim na pagsasabwatang ito. Sabihin mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na scripture passage at markahan ang mga paglalarawan sa kapaligiran ni Mormon: Mormon 1:13–14, 16–17, 19; 2:8, 14–15, 18. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, at pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang aalalahanin ninyo sa paninirahan sa gayong lugar o kapaligiran?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 1:15 at 2:19.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Mormon sa panahong ito na puno ng kasamaan? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang katotohanang ito: Makapamumuhay tayo nang matwid kahit napaliligiran tayo ng kasamaan.)

Bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin ang Mormon 3:2–3, 12, 22 upang malaman kung ano pa ang matututuhan nila tungkol sa paraan kung paano namuhay nang matwid si Mormon sa panahong puno ng kasamaan. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila tungkol kay Mormon, itanong ang mga sumusunod:

  • Sino pa sa Aklat ni Mormon ang halimbawa ng pamumuhay nang matwid kahit napaliligiran ng kasamaan? (Maaaring kabilang sa mga sagot sina Eter, Moroni, Abis, at ang mga taong naniniwala na si Cristo ay isisilang, ayon sa nakatala sa 3 Nephi 1.)

  • Ano ang mga hamong kinakaharap natin kapag sinisikap nating mamuhay nang matwid sa isang mundo na puno ng kasamaan?

Ipaalala sa mga estudyante na ang anak ni Mormon na si Moroni, ay nabuhay rin sa panahong iyon na laganap ang kasamaan. Bago siya namatay, sumulat ng isang liham si Mormon kay Moroni na nakatala sa Moroni 9. Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Moroni 9:6, 22, 25–26. Sabihin sa klase na pag-isipan kung paano makatutulong sa atin ang mga payo ni Mormon sa mga talatang ito sa pamumuhay natin nang matwid sa mundong puno ng kasamaan.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito na tutulong sa atin na mamuhay nang matwid sa mundo ngayon? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Kung may pananampalataya tayo kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magkakaroon tayo ng lakas na mamuhay nang matwid kahit napaliligiran tayo ng kasamaan.)

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa isang taong matwid na namumuhay sa gitna ng kasamaan ngayon?

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagtutuon kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala para manaig sa kasamaan o mahihirap na kalagayan?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Sister Virginia U. Jensen, dating tagapayo sa Relief Society general presidency, para matulungan ang mga estudyante na maisip kung ano pa ang maaari nilang gawin para maging matatag sa pananampalataya at kabutihan:

Virginia U. Jensen

“Upang makapanindigan tayo at matulungan ang iba na manindigan, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay dapat nakatanim na mabuti sa ating puso at itinuturo sa ating tahanan. … Turuan ang mga mahal ninyo sa buhay kung paano nila magagamit ang mga kapangyarihan ng langit sa pamamagitan ng ayuno at panalangin. Ituro sa kanila na ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay magliligtas sa kanila sa mundo. Turuan silang maging masunurin. Turuan silang maghangad ng pagsang-ayon ng Diyos, hindi ng tao. Turuan sila na ang daan lamang pabalik sa tahanan natin sa langit ay tanging sa pagmamahal at pagsunod sa Tagapagligtas at sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan at kautusan. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ang kaalaman sa plano ng kaligtasan ay mga sandatang magagamit ng mga miyembro ng inyong pamilya upang magtagumpay sa masasamang puwersa ni Satanas” (“Manindigan,” Liahona, Ene. 2002, 94).

  • Ano ang nagbigay sa inyo ng determinasyon at lakas na sundin ang Panginoon sa mundong patuloy na sumasama?

Ipaliwanag na sa mahabang digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita na nakatala sa Aklat ni Alma, ang mga tao ay kinailangang lumaban sa mga puwersa ng kasamaan upang maprotektahan ang kanilang buhay. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Alma 62:41 at alamin ang magkakaibang paraan ng pagtugon ng mga indibiduwal sa paghihirap at kasamaan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila na makatutulong sa kanila na mamuhay nang matwid sa mundong puno ng kasamaan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan hinggil sa scripture passage na ito:

Pangulong James E. Faust

“Sa isang mundong nawawalan ng katarungan, para mabuhay at makasumpong ng ligaya at galak, anuman ang mangyari, kailangan nating tiyakin na papanig tayo sa Panginoon. Kailangan nating sikapin na maging tapat sa bawat oras araw-araw upang hindi matinag ang pundasyon ng tiwala natin sa Panginoon. …

“Hindi mahalaga kung ano ang nangyayari sa atin kundi kung paano natin ito haharapin. Ipinaaalala nito sa akin ang isang talata mula kay Alma. Pagkatapos ng matagal na digmaan ‘marami ang naging matigas,’ habang ‘marami ang napalambot dahil sa kanilang paghihirap’ [Alma 62:41]. [Magkapareho ng] mga pangyayari [na] naghatid ng magkaibang tugon. … Bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng sariling imbakan ng pananampalataya na tutulong sa ating paglabanan ang mga problemang bahagi ng pagsubok sa buhay na ito” (“Saan Ako Papanig?” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 18, 20).

Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para maisulat ang mga sagot sa sumusunod na tanong:

  • Anong mga pangako ang ginawa ninyo upang “tiyakin na papanig [kayo] sa Panginoon”?

Pagkatapos ay hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga pahiwatig ang natanggap ninyo mula sa Espiritu tungkol sa kung paano kayo magiging mas tapat sa Panginoon?

  • Ano ang magagawa ninyo para tulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na maging mas tapat sa Panginoon?

Magpatotoo na kapag matatag tayong nananampalataya, pagpapalain tayo ng Panginoon at tutulungan tayo na mamuhay nang matwid sa gitna ng kasamaan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante