Seminaries and Institutes
Lesson 22: ‘Gaya Ko Naman’


22

“Gaya Ko Naman”

Pambungad

Inanyayahan ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang Kanyang mga disipulo na tularan ang Kanyang halimbawa. Sa pag-aaral ng mga alituntunin na Kanyang itinuro sa mga Nephita sa templo sa lupaing Masagana, matututuhan natin kung paano maging katulad niya. Nanalangin ang Tagapagligtas na lahat ng yaong naniniwala sa Kanya ay makiisa nawa sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang magagawa nila para maging higit na katulad ni Jesucristo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Henry B. Eyring, “Ang Ating Sakdal na Halimbawa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 70–73.

  • Lynn G. Robbins, “Maging Anong Uri ng mga Tao Ba Nararapat Kayo?” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 103–5.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 27:21–22, 27

Pagiging katulad ni Jesucristo

Simulan ang klase sa pagpapakita ng sumusunod na pahayag ni Elder Lynn G. Robbins ng Panguluhan ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Lynn G. Robbins

Marami sa atin ang gumagawa ng listahan ng mga gagawin para ipaalala sa atin ang mga bagay na gusto nating matapos. Ngunit bihira sa mga tao ang may listahan ng gustong maging. Bakit? Ang mga gagawin ay mga aktibidad o kaganapan at maaaring burahin sa listahan kapag nagawa na. Ang maging, gayunman, ay hindi natatapos. Hindi kayo makatatanggap ng checkmark sa mga maging. Maaari kong ilabas ang asawa ko sa isang gabi ng Biyernes, na isang bagay na gagawin. Ngunit ang pagiging mabuting asawa ay hindi isang pangyayari; kailangan itong maging bahagi ng pagkatao ko—ng ugali ko o kung sino ako” (“Maging Anong Uri ng mga Tao Ba Nararapat Kayo?” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 104).

  • Ano sa palagay ninyo ang nais ng Panginoon na maging kahinatnanan natin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang 3 Nephi 27:21–22, 27 at alamin ang mga iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulong Nephita.

  • Ano ang iniutos ng Tagapagligtas na gawin at maging kahinatnan ng Kanyang mga disipulo? (Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na gawin ang Kanyang mga gawain at maging katulad Niya.)

  • Sa inyong palagay, paano tayo nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas?

  • Ano ang ilan sa Kanyang mga gawain na nagagawa ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung paano makatutulong sa atin ang mga turo sa Aklat ni Mormon upang maging katulad ni Jesucristo. Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Ibahagi ang iyong patotoo na ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon at pamumuhay ayon sa mga turo nito ay tutulong sa atin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

3 Nephi 12:1–16, 43–45; 13:1, 5–7, 16–18, 22–24, 33; 14:1–5, 21–27

Ang sermon ni Cristo sa templo sa lupaing Masagana ay nagtuturo sa atin kung paano maging katulad Niya

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Pinakadakila at pinakamapalad at pinakamasaya ang tao na ang buhay ay halos natutulad kay Cristo. Walang kinalaman dito ang kayamanan, kapangyarihan, o katanyagang natamo sa mundo. Ang tanging tunay na sukatan ng kadakilaan, kabanalan, at kagalakan ay kung gaano kalapit nating matutularan ang pamumuhay ng Panginoong Jesucristo. Siya ang tamang daan, lubos na katotohanan, at saganang buhay” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 2).

  • Ayon kay Pangulong Benson, ano ang mangyayari kapag pinili nating tularan si Jesucristo sa ating buhay?

Ipaalala sa mga estudyante na noong magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Kanyang mga tao sa templo sa lupaing Masagana, nagbigay Siya ng isang sermon na katulad ng Kanyang Sermon sa Bundok na nasa Biblia. Ang mga sagradong alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok at sa templo sa lupaing Masagana ay ibinigay upang tulungan tayo na maging katulad Niya.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973).

Pangulong Harold B. Lee

“Sa kanyang Sermon sa Bundok ay ibinigay sa atin ng Guro ang isang tila paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na perpekto, … at sa paggawa ng gayon ay binigyan tayo ng huwaran para sa ating sarling buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 234).

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference:

3 Nephi 12:1–12

3 Nephi 12:13–16, 43–45

3 Nephi 13:1, 5–7, 16–18

3 Nephi 13:22–24, 33

3 Nephi 14:1–5

3 Nephi 14:21–27

Mag-assign ng mga estudyante sa bawat isa sa mga scripture passage na ito at ipahanap sa kanila ang isang alituntunin na makatutulong sa kanila na maging higit na katulad ni Jesucristo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan o i-highlight ang mga alituntuning ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na isipin kung may kilala sila na sinusunod ang mga alituntuning natukoy nila.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Kung kinakailangan at hinikayat ng Espiritu, maaari mong idagdag na itanong ang gaya ng mga sumusunod:

  • Paano makatutulong sa inyo na patuloy na maipamuhay ang alituntuning ito upang maging higit na katulad ni Cristo?

  • Ano ang mga naging karanasan ninyo na nagpapakita ng kahalagahan ng alituntunin na natukoy ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa isa o mahigit pa sa mga alituntuning ito.

Juan 17:9–11, 20–23; 3 Nephi 19:19–23, 28–29

Pagiging isa sa Ama at sa Anak

Ipaliwanag na sa Kanyang pagdalaw sa mga Nephita, nanalangin si Jesucristo para sa labindalawang disipulo na Kanyang pinili at para sa lahat ng yaong maniniwala sa kanilang salita. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 19:19–23, 28–29. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga pagpapalang idinalangin ni Jesus na ipinagkaloob sa mga taong naniniwala sa Kanya.

  • Ano ang isang alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa panalangin ng Tagapagligtas para sa atin upang maging isa sa Ama at sa Anak? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay madadalisay at magiging isa kay Jesucristo, tulad Niya na isa sa Ama.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipaliwanag na ang isang panalangin na katulad ng idinalangin ni Cristo sa templo sa lupaing Masagana ay nakatala sa Bagong Tipan. Sabihin sa mga estudyante na i-cross-reference ang mga talatang ito sa Juan 17:9–11, 20–23. Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang mga talatang ito at isipin kung paano naaangkop ang mga ito sa atin.

  • Paano nakakaapekto sa inyo na nalaman ninyo na nanalangin si Jesucristo sa Ama para sa inyo?

  • Paano natin mararanasan ang pagkakaisa na umiiral sa Ama at sa Anak?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang dapat nating gawin para maging kaisa ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.

Elder D. Todd Christofferson

“Ganap na nakiisa si Jesus sa Ama sa pagpapasakop ng Kanyang sarili, [kapwa sa katawan] at sa espiritu, sa kalooban ng Ama. Siya’y laging nakapokus sa Kanyang ministeryo dahil walang pagdadalawang-isip sa Kanya. Sa pagtukoy sa Kanyang Ama, sinabi ni Jesus, ‘Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod’ (Juan 8:29). …

“Tiyak kong hindi tayo magiging kaisa ng Diyos at ni Cristo hangga’t hindi natin pakahangarin ang Kanilang kalooban at hangarin. Ang gayong pagpapakumbaba ay hindi matatamo sa isang araw, ngunit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tuturuan tayo ng Panginoon kung nais natin hanggang, sa pagdaan ng panahon, angkop na sabihing Siya ay sa atin tulad ng ang Ama ay nasa Kanya” (“Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Ensign, Nob. 2002, 72–73).

  • Ayon kay Elder Christofferson, ano ang dapat nating gawin upang maging kaisa ng Ama at ng Anak?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat sandali ang kanilang mga sagot:

Paano ipinakita ni Jesus na Siya ay lubos na nagpasakop sa kalooban ng Ama sa Langit?

Ano ang ilang paraan upang lalo kayong magpasakop sa kalooban ng Ama sa Langit?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na ang pagpapasakop sa kalooban ng Ama ay daan para tayo maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante