Seminaries and Institutes
Lesson 24: Lahat ng Tao ay Pantay-pantay sa Diyos


24

Lahat ng Tao ay Pantay-pantay sa Diyos

Pambungad

Upang maprotektahan ang kanilang sarili matapos ang pagkamatay ni Lehi, iniutos ng Panginoon kay Nephi at sa iba pang mabubuting miyembro ng pamilya ni Lehi na humiwalay kina Laman at Lemuel at sa mga sumusunod sa kanila. Pagkatapos niyon, madalas magkaroon ng alitan at digmaan sa mga Nephita at mga Lamanita. Tatalakayin sa lesson na ito kung paano nakahihigit ang lakas ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pagkakaiba-iba ng relihiyon, etniko, kultura, at iba pang mga bagay upang mapagkaisa ang mga anak ng Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Lahat ng Tao sa Lahat ng Dako,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 77–80.

  • Howard W. Hunter, “The Gospel—A Global Faith,” Ensign, Nob. 1991, 18–19.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 26:23–28, 33; Jacob 7:24; Enos 1:11, 20

Lahat ng anak ng Diyos ay inaanyayahang lumapit sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga grupo sa relihiyon, etniko, o kultura sa mundo at pag-isipan ang mga saloobin ng ilang tao sa mga grupong iyon sa mga miyembro ng iba pang mga grupo.

Ipaalala sa mga estudyante na kasunod ng pagkamatay ni Lehi, ang kanyang angkan ay nahati sa dalawang grupo: mga Nephita at mga Lamanita (tingnan sa 2 Nephi 5:1–7). Hindi kalaunan matapos ang paghihiwalay, nagsimulang magkaroon ng pagtatalo at digmaan ang dalawang grupong ito (tingnan sa 2 Nephi 5:34). Ipinapakita sa mga karanasan ng dalawang grupong ito na kapag hindi alam at hindi sinusunod ng mga tao ang mga kautusan ng Diyos, madalas nilang bigyang-diin ang pagkakaiba ng kanilang sarili sa ibang tao, na humahantong sa paghihiwalay mula sa iba at pagkadama ng pagkapoot sa kanila. Ipaliwanag na sa kabilang dako, nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makadama ng pagmamahal sa isa’t isa ang mga tao at magkaisa.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 26:23–28, 33. Sabihin sa klase na alamin kung paano ginamit ni Nephi ang mga salitang wala, sino man, at lahat. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salitang ito sa kanilang banal na kasulatan.

  • Anong mahalagang doktrina ang nalaman natin mula sa mga talatang ito? (Bagama’t maaaring ibang mga salita ang gamitin nila, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Mahal ni Jesucristo ang lahat ng tao at inaanyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang kaligtasan. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito. Maaari mo ring hikayatin ang iyong mga estudyante na i-cross-reference ang 2 Nephi 26:33 sa Alma 5:33–34 at Alma 19:36.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na basahin nang tahimik ang Jacob 7:24 at Enos 1:11, 20, na inaalam ang mga hangarin ng mga Nephita para sa mga Lamanita sa panahon ng mga propetang sina Jacob at Enos.

  • Anong mga maling tradisyon ang nakahadlang sa mga Lamanita na tanggapin ang paanyaya na lumapit kay Jesucristo?

  • Dahil alam natin na madalas mapoot ang mga Lamanita sa mga Nephita, anong mga pag-uugali o maling tradisyon ang kinakailangang iwaksi ng mga Nephita upang maibahagi ang ebanghelyo sa kanila?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Nangangako ang Aklat ni Mormon na lahat ng tatanggap at tutugon sa paanyaya ng Panginoon na ‘[magsisi] at [maniwala] sa kanyang Anak’ ay nagiging mga ‘pinagtipanang tao ng Panginoon’ (2 Nephi 30:2). Mabisang paalaala ito na ang kayamanan o angkan man o anumang iba pang pribilehiyo sa pagsilang ay hindi dahilan para isipin nating tayo’y ‘nakahihigit sa iba’ (Alma 5:54; tingnan din sa Jacob 3:9). Tunay na iniuutos sa Aklat ni Mormon, ‘Hindi ninyo nararapat na pahalagahan ang isang tao nang higit pa sa iba, o ang isang tao ay hindi nararapat mag-isip na ang kanyang sarili ay higit pa kaysa sa iba’ (Mosias 23:7)” (“Lahat ng Tao sa Lahat ng Dako,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 79).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan sandali ang ugali o saloobin nila sa mga indibiduwal na iba sa kanila ang kalagayan o pinagmulang pamilya. Hikayatin sila na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsisikap na mahalin ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang ang mga yaong naiiba sa kanila ang lahi, kultura, o relihiyon.

Mosias 28:1–3; Helaman 6:1–8

Pagkakaroon ng hangaring ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng anak ng Diyos

Ipaalala sa mga estudyante na nakatala sa Aklat ni Mormon ang mahahalagang karanasan ng mga Nephita nang mangaral sila ng ebanghelyo sa mga Lamanita. Ipaalala sa mga estudyante ang kahanga-hangang pagbabago ng mga anak ni Mosias (tingnan sa Mosias 27), at pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 28:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit ninais ng mga anak ni Mosias na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita.

  • Sa mga nalaman ninyong mga kadahilanan, alin sa mga ito ang lalong makabuluhan sa inyo kapag iniisip ninyo ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa ibang tao?

  • Anong salita sa talata 1 ang nagsasaad ng nadarama ng mga anak ni Mosias sa mga Lamanita?

  • Kapag itinuturing natin ang ibang grupo ng relihiyon, lahi, o etniko na ating mga kapatid, paano ito nakakaapekto sa ating hangaring ibahagi ang ebanghelyo sa kanila? (Kapag sumagot ang mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag itinuturing natin na mga kapatid ang ibang tao, mas tumitindi ang ating hangaring ibahagi sa kanila ang ebanghelyo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):

President Howard W. Hunter

“Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay hindi lamang nagtataglay ng pisikal na angkan na humahantong pabalik kina Eva at Adan, na kanilang unang mga magulang sa lupa, kundi maging ng espirituwal na pamana na humahantong pabalik sa Diyos Amang Walang Hanggan. Sa gayon, lahat ng tao sa mundo ay literal na magkakapatid sa pamilya ng Diyos.

“Ang pag-unawa at pagtanggap na ang Diyos ang Ama ng lahat ng tao ang pinakamainam na pagpapahalaga sa malasakit ng Diyos para sa kanila at sa kaugnayan nila sa isa’t isa. Ito ay isang mensahe ng buhay at pagmamahal na direktang lumalaban sa lahat ng mapanupil na tradisyon batay sa lahi, wika, katayuan sa ekonomiya o pulitika, pinag-aralan, o kultura, sapagkat iisa ang espirituwal na pinanggalingan nating lahat” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 136).

  • Ano ang naisip ninyo nang marinig ninyo ang mga salitang ito mula kay Pangulong Hunter?

Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na mabasa ang Helaman 6:1–8. Ipaliwanag na ang mga kalagayang inilarawan sa mga talatang ito ay nangyari mga 50 taon matapos nagmisyon sa mga Lamanita ang mga anak na lalaki ni Mosias. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nangyari sa ugnayan ng mga Nephita at mga Lamanita sa panahon ng mga misyon na iyon at alamin kung paano nabago ang ugnayang iyon sa loob ng 50 taon.

  • Ano ang nagpabago sa ugnayan ng mga Nephita at mga Lamanita? Bakit nagbago ang ugnayang iyon?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo mula sa saloobin ng mga anak ni Mosias at sa ibinunga ng kanilang mga misyon?

Alma 27:1–2, 20–24; 53:10–11, 13–17; 4 Nephi 1:1–3, 11–13, 15–18

Nadaraig ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga pagkakaiba ng mga tao

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong at pagkatapos ay ibahagi ang naisip nila:

  • Sa inyong palagay, bakit nakakapagtipun-tipon sa Simbahan nang payapa at nang may pagmamahal ang mga indibiduwal na magkakaiba ang pinagmulan o kultura? Ano ang sanhi ng pagkakaisa ng mga miyembro ng Simbahan?

Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang Alma 27:1–2, 20–24 at alamin kung ano ang ginawa ng mga Nephita upang matulungan ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi. Sabihin naman sa pangalawang grupo na pag-aralan ang Alma 53:10–11, 13–17 at alamin kung ano ginawa ng mga tao ni Anti-Nephi-Lehi (mga tao ni Ammon) para sa mga Nephita. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano kaya ang dahilan kung bakit gayon ang pagmamahal at pagmamalasakit ng dalawang grupong ito sa isa’t isa? (Bilang bahagi ng talakayang ito, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinanggap ng mga tao ang mga turo ni Jesucristo, sila ay nagkakaisa.)

Ipaliwanag na ang isang magandang halimbawa ng alituntuning ito ay nakatala sa 4 Nephi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 4 Nephi 1:1–2. Bigyang-diin na matapos dalawin ng Tagapagligtas ang lupain ng Amerika, lahat ng mga Nephita at Lamanita ay nagsisi, nabinyagan, tumanggap ng Espiritu Santo, at nagbalik-loob sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 4 Nephi 1:3, 11–13, 15–18, at alamin ang natamong pagpapala ng mga tao nang magbalik-loob ang lahat sa ebanghelyo.

  • Anong mga salita o parirala ang naglalarawan sa mga tao noong panahong iyon?

  • Bakit ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbubunga ng mga pagpapalang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 4 Nephi 1:17.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng wala nang “anumang uri ng mga ‘ita’”? (Hindi na inihihiwalay ng mga tao ang kanilang sarili mula sa isa’t isa sa pamamagitan ng paggamit ng mga titulong tulad ng mga Nephita o mga Lamanita. Pinawi nila ang anumang pagkakaiba nila at namuhay nang may pagkakaisa at kapayapaan.)

  • Paano ninyo nakita na pinawi ng ebanghelyo ang mga pagkakaiba ng mga tao na magkakaiba ang pinagmulan o kultura?

Upang mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante kung paano pinagkakaisa ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ang mga tao na magkakaiba ang pinagmulan o kultura, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Itinalaga kayo ng inyong Ama sa Langit na isilang sa isang partikular na angkan kung saan natanggap ninyo ang pamana ng lahi, kultura, at mga tradisyon. Ang angkang iyan ay maaaring magbigay sa inyo ng mahalagang pamana at magagandang dahilan upang magalak. Ngunit may responsibilidad kayo na alamin kung may anuman sa pamanang iyon ang dapat iwaksi dahil hindi iyon tumutugma sa plano ng kaligayahan ng Panginoon. …

“Pinatototohanan ko na kayo ang mag-aalis ng mga hadlang sa kaligayahan at makadarama ng kapayapaan kapag inuna ninyo ang pagiging miyembro ninyo sa Simbahan ni Jesucristo, at isinalig ang inyong buhay sa Kanyang mga turo. Kung salungat ang mga tradisyon o kaugalian ng pamilya o bansa sa mga turo ng Diyos, iwaksi ang mga ito. Kung ang mga tradisyon at kaugalian ay tugma sa Kanyang mga turo, dapat pahalagahan at sundin ang mga ito upang mapangalagaan ang inyong kultura at pamana” (“Removing Barriers to Happiness,” Ensign, Mayo 1998, 86–87).

  • Sa inyong palagay, bakit naglalaho ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga tao ng iba’t ibang pinagmulan o kultura kapag inuna ng mga taong ito ang ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Paano nakatulong ang pagiging miyembro ninyo ng Simbahan para madamang kaisa kayo ng mga miyembro ng Simbahan na iba ang pinagmulan o kultura sa inyo?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga totoong halimbawa ng kung paano ipinamuhay ng mga tao mula sa magkakaibang pinagmulan o kultura ang ebanghelyo ni Jesucristo at pinawi ang kanilang pagkakaiba. Pinapawi ng Pagbabayad-sala at ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pagkakaiba-iba sa lahi, etniko, kultura, edad, at kasarian upang pagkaisahin ang mga anak ng Diyos.

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo upang maiwaksi ang anumang maling tradisyon o ideyang natutuhan nila mula sa mga kapamilya o kaibigan, o malutas ang anumang pagkakaiba nila sa isang taong kilala nila. Hikayatin sila na maghanap ng mga paraan upang lalo silang maging kaisa ng mga miyembro ng kanilang ward.

Mga Babasahin ng mga Estudyante