Pambungad sa Manwal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (Religion 275)
Ano ang inaasahan sa isang titser ng relihiyon?
Habang naghahanda kang magturo, mahalagang maunawaan mo ang layunin ng Seminaries and Institutes of Religion:
“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at mga young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa dito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], x).
Makakamit mo ang layuning ito sa pamamagitan ng masigasig na pamumuhay ayon sa ebanghelyo, epektibong pagtuturo ng ebanghelyo sa iyong mga estudyante, at angkop na pamamahala sa iyong klase o programa. Kapag naghahanda ka at nagtuturo ng ebanghelyo sa mga paraang ito, magiging karapat-dapat ka para sa impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 42:14).
Ito ay pagkakataon mo na matulungan ang mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng Espiritu upang mapalakas nila ang kanilang pananampalataya at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Matutulungan mo ang mga estudyante na magawa ito kapag tinuturuan mo sila na matukoy, maunawaan, at madama ang katotohanan at kahalagahan ng mahahalagang doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at maipamuhay ang mga ito.
Ang hanbuk na Gospel Teaching and Learning ay mahalagang materyal para maunawaan ang paraan ng pagtuturo at matutuhan kung paano maging matagumpay sa loob ng klase.
Ano ang mga mithiin at mga layunin ng kursong ito?
Inaasahang napag-aralan na ng maraming estudyante sa institute ang Aklat ni Mormon ayon sa pagkakasunud-sunod nito—mula sa simula hanggang sa katapusan—sa seminary, sa tahanan, o sa misyon. Ang kursong ito, Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (Religion 275), ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na gumamit ng ibang pamamaraan sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Ang mga lesson na matatagpuan sa kursong ito ay nakatuon sa mahahalagang tema ng doktrina na binigyang-diin ng mga inspiradong may-akda ng Aklat ni Mormon.
Inanyayahan ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang mga nagbabasa ng Aklat ni Mormon na ituon ang kanilang pansin sa doktrina na nilalaman nito:
“Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon. … Dapat hindi lamang natin alam ang kasaysayan at mga kuwento na nagpapalakas ng pananampalataya na nilalaman nito, kundi dapat din nating maunawaan ang mga turo nito. Kung talagang pag-aaralan natin ang Aklat ni Mormon at uunawain ang doktrinang itinuturo nito, mailalantad natin ang mga kamalian at mahahanap ang mga katotohanan na daraig sa maraming maling palagay at pilosopiya ng mga tao sa kasalukuyan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4).
Sa buong kursong ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang mga isinulat at itinuro ng mga propeta na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, binibigyang-diin ang plano ng Ama sa Langit at ang mahalagang ginagampanan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Mas mauunawaan ng mga estudyante ang Aklat ni Mormon bilang isa pang saksi ni Jesucristo at mas lalalim ang kanilang pagmamahal at patotoo tungkol sa Kanya. Pagbubutihin nila ang kanilang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ayon sa nakasaad sa banal na kasulatan, na hahantong sa mas malalim na pagkaunawa at pagkadisipulo. Magiging handa sila na ipaliwanag at patotohanan ang kahalagahan at banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon at ang doktrina na nakapaloob dito.
Ano ang inaasahan ng mga estudyante?
Upang makatanggap ng credit para maka-graduate sa institute, kinakailangang basahin ng mga estudyante ang mga scripture passage, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at iba pang mga materyal na nakalista sa bahaging Mga Babasahin ng mga Estudyante na nasa bawat lesson. Kinakailangan ding makumpleto ng mga estudyante ang attendance requirement at maipakita ang kahusayan sa materyal ng kurso sa pamamagitan ng pagkumpleto ng assessment.
Paano ginawa ang mga lesson sa manwal na ito?
Ang kursong ito ay ituturo sa buong isang semestre at mayroong 28 lesson na isinulat para sa mga 50-minutong class period. Kung nagkaklase ka nang dalawang beses bawat linggo, magturo ng isang lesson bawat class period. Kung nagkaklase ka nang isang beses kada linggo sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, pagsamahin ang dalawang lesson at ituro ang mga ito sa bawat class period. Bawat lesson ay binubuo ng apat na bahagi:
-
Pambungad
-
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
-
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Pambungad
Ang bahaging ito ay nagbibigay ng maikling pambungad sa mga paksa at mga layunin ng lesson.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
Ang bahaging ito ay nagmumungkahi ng mga materyal o resources, tulad ng mga mensahe mula sa mga propeta at lider ng Simbahan sa mga huling araw, na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga doktrina, alituntunin, at mga katotohanan ng ebanghelyo na kasama sa lesson outline.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ay kinapapalooban ng mga materyal na tutulong sa iyo na malaman kung ano ang ituturo at kung paano ituturo ang mga ito (tingnan din sa mga bahaging 4.3.3 at 4.3.4 sa hanbuk na Gospel Teaching and Learning). Ang mga iminungkahing aktibidad sa pag-aaral ay may layuning tulungan ang estudyante na matukoy, maunawaan, at madama ang katotohanan at kahalagahan ng mga sagradong katotohanan at maipamuhay ang mga ito. Maaari mong piliing gamitin ang ilan o lahat ng mga mungkahi sa iyong pagtuturo na iniaangkop ang mga ito sa paraan ng iyong pagtuturo at upang matugunan ang mga pangangailangan at kalagayan ng iyong mga estudyante. Habang pinag-iisipan mo kung paano maiaangkop ang mga materyal ng lesson, sundin ang payo na ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Madalas kong marinig na ituro ni Pangulong Packer na maging pamilyar muna tayo sa mga materyal ng lesson, at saka natin ito ituro. Kung napag-aralan na natin nang lubos ang lesson at pamilyar na tayo rito, masusunod na natin ang Espiritu sa pagtuturo nito. Pero natutukso tayo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa flexibility na ito, na magsimulang magturo sa halip na ipamilyar at pag-aralan nang husto ang lesson. Dapat balanse. Mahirap gawin ito. Ngunit ang pag-aaral nang husto at pagiging pamilyar sa lesson bago magturo ay mabuting paraan para makatiyak kayo na ang itinuturo ninyo ay nakabatay sa totoong doktrina” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], si.lds.org).
Ang kursong ito ay kinapapalooban ng mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na maaaring makuha sa maraming wika. Habang naghahanda kang magturo, maaari mong ituro ang mga lesson gamit ang iba pang makukuhang pahayag ng mga lider ng Simbahan na nauugnay sa paksa.
Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ay naglalaman ng isa o mahigit pang doktrina o alituntunin, na nakasulat sa bold letters. Kapag natuklasan ng mga estudyante ang mga doktrina at mga alituntuning ito at ibinahagi ang natutuhan nila, maaaring makagamit sila ng mga salita na iba sa mga nakasaad sa manwal. Kapag nangyari ito, huwag ipahiwatig o sabihin na mali ang kanilang mga sagot. Gayunman, kung ang sagot ay maaari pang maging mas malinaw, tumulong na maipaunawa ito nang mas malinaw.
Ipinapakita sa kurikulum na ito kung paano isasama ang mga alituntunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo sa isang thematic course (tingnan sa Gospel Teaching and Learning, 10, 23–31, 38–41).
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa kapakinabangang makukuha natin sa pag-aaral ng ebanghelyo ayon sa tema:
“Bagama’t ang pagbabasa ng isang aklat ng banal na kasulatan mula simula hanggang wakas ay nagbibigay ng pangunahing kaalaman, ang pag-aaral ayon sa paksa ay nagpapalawak ng ating kaalaman. Ang pagsasaliksik sa mga paghahayag para sa mga pagkakaugnay, huwaran, at tema ay nagpaparami at nagdaragdag sa ating espituwal na kaalaman … ; pinalalawak nito ang ating pananaw at pang-unawa sa plano ng kaligtasan.
“Sa palagay ko, ang masigasig na pagsasaliksik upang matuklasan ang pagkakaugnay, huwaran, at tema ay bahagi ng ibig sabihin ng ‘magpakabusog’ sa mga salita ni Cristo. Ang paraang ito ay magbubukas ng daluyan ng espituwal na imbakan, liliwanagin ang ating pang-unawa sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, at magbubunga ng matinding pasasalamat para sa banal na kasulatan at matibay na pangako na hindi matatanggap sa ibang paraan. Ang ganitong pagsasaliksik ay makatutulong sa atin na makasalig sa ibabaw ng bato ng ating Manunubos at mapaglabanan ang kasamaan sa mga huling araw na ito” (“A Reservoir of Living Water” [Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007], 3, speeches.byu.edu).
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Nakalista sa bahaging ito ang mga scripture passage at mga mensahe ng mga lider ng Simbahan, at iba pang mga materyal na magpapalawak sa pang-unawa ng mga estudyante tungkol sa mga paksang binigyang-diin sa mga lesson. Tagubilinan at hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga materyal na ito bago sila pumasok sa klase. Kapag pinag-aralan nila ang magagandang materyal na ito, hindi lamang sila magiging mas handang makibahagi sa mga talakayan sa klase, kundi magkakaroon din sila ng mas malawak at malalim na pag-unawa sa mga paksa ng kursong ito. Bigyan ang mga estudyante ng buong listahan ng Mga Babasahin ng mga Estudyante sa simula ng semestre.
Paano ako maghahandang magturo?
Tutulungan ka ng Panginoon kapag naghahanda kang magturo. Habang naghahanda ka, maaaring makatulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
-
Sinisikap kong bang ipamuhay ang ebanghelyo upang madali kong mahiwatigan ang Espiritu sa aking pagtuturo?
-
Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo? (Tingnan sa D at T 42:14.)
-
Pinag-aralan ko ba ang mga naka-assign na scripture block at ang mga babasahin tungkol sa paksa?
-
Binasa ko ba ang kurikulum at inalam kung mayroong anuman doon na kailangan kong iakma o i-adjust upang matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?
-
Paano ako magtatanong sa mga eatudyante para matiyak ko na may natutuhan sila mula sa pagbabasa ng mga reading assignment?
-
Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na lubos na makibahagi sa talakayan sa lesson?
Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaari ding makatulong:
-
Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga assignment na scripture passage at artikulo bago ang bawat lesson.
-
Umasang gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad.
-
Bigyan ang mga estudyante ng maraming pagkakataon na magpaliwanag ng mga doktrina at alituntunin sa sarili nilang mga salita, magbahagi ng mga kaugnay na karanasan, at magpatotoo sa nalaman at nadama nila.
-
Gumamit ng iba-ibang aktibidad at pamamaraan sa pag-aaral sa bawat klase at sa araw-araw rin.
-
Ihanda ang klase sa paraang madarama ang Espiritu at magbibigay sa mga estudyante ng pribilehiyo at responsibilidad na magturo at matuto sa isa’t isa (tingnan sa D at T 88:78, 122).
-
Sa buong kurso mayroong mga reperensya sa mga partikular na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Gamitin ang mga pagkakataong ito na matulungan ang mga estudyante na matutong mag-aral mag-isa ng banal na kasulatan at maging mas determinado na patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa buong buhay nila.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tiyakin na maraming makibahagi dahil ang paggamit ng kalayaan ng isang estudyante ay nagtutulot sa Espiritu Santo na makapagturo. … Kapag nagpapahayag ang mga estudyante ng mga katotohanan, malalim na naititimo ang mga ito sa kanilang mga kaluluwa at pinalalakas ang kanilang sariling patotoo” (“To Understand and Live Truth” [evening with Elder Richard G. Scott, Peb. 4, 2005], 3, si.lds.org).
Paano ko iaakma ang mga lesson sa mga taong may kapansanan?
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay. Maghanap ng mga paraan na matulungan sila na madama na minamahal, tinatangap, at kabilang sila. Magtiwala sa isa’t isa.
Para sa mas marami pang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa disabilities.lds.org at ang Seminaries and Institutes of Religion policy manual section na may pamagat na “Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.”