Seminaries and Institutes
Lesson 4: Ang Pagkahulog ni Adan at ang Kaloob na Kalayaang Pumili


4

Ang Pagkahulog ni Adan at ang Kaloob na Kalayaang Pumili

Pambungad

Ang Pagkahulog ni Adan ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos. Dahil dito, nagkaroon ng mga kinakailangang kalagayan upang makaparito tayo sa mundo at masubukan. Kabilang din sa plano ng Diyos ang pagbibigay ng kalayaan sa Kanyang mga anak (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Sa lesson na ito, matututuhan ng mga estudyante na ang susi sa mabuting paggamit ng ating kalayaan ay ang hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, tinutularan ang halimbawang ipinakita ni Jesucristo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Robert D. Hales, “Kalayaan: Mahalaga sa Plano ng Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 24–27.

  • Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 104–6.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 2:19–26, 28; Alma 42:6–10, 14; Moises 5:5–9

Ang Pagkahulog ni Adan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Bruce C. Hafen

“Mula noong ikalimang siglo, itinuro ng Kristiyanismo na ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay isang malaking pagkakamali, na nauwi sa paniniwala na ang sangkatauhan ay likas na masama. … Ang pananaw na ito’y mali. … Ang Pagkahulog ay hindi masamang pangyayari. Hindi ito pagkakamali o aksidente. Ito’y bahagi talaga ng plano ng kaligtasan” (“Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 97).

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na ang Pagkahulog ay hindi pagkakamali o aksidente sa halip ay bahagi talaga ng plano ng kaligtasan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 2:19–25 at ilista ang mga epekto ng Pagkahulog—lahat ng bagay na nangyari kina Adan at Eva matapos silang kumain ng ipinagbabawal na bunga. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga inilista nila. (Paalala: Ang paghahanap ng mga listahan na nasa isang scripture passage ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari mong ituro sa scripture passage na ito; tingnan sa Gospel Teaching and Learning [2012], 23.) Dapat kasama sa listahan ang sumusunod: Sina Eva at Adan ay pinaalis sa Halamanan ng Eden; sila ay nagkaroon ng mga anak; pumasok sila sa isang kalagayan ng pagsubok; sila ay naligaw at kailangang magsisi; at dumanas sila ng oposisyon, na nagtulot sa kanila na maranasan ang mabuti at masama at ginamit nang matalino ang kanilang kalayaan.

  • Paano nakatulong ang listahan sa pisara sa pagpapaliwanag kung bakit mahalagang bahagi ang Pagkahulog ni Adan sa plano ng Ama sa Langit? (Maaaring magbigay ng magkakaibang sagot ang estudyante na maibubuod sa alituntuning ito: Dahil sa Pagkahulog ni Adan, nakapasok tayo sa mortalidad at makasusulong patungo sa buhay na walang hanggan.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “lahat ng tao … ay naligaw” dahil sa Pagkahulog? (2 Nephi 2:21).

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 42:6–10, 14 habang inaalam ng klase ang iba pang mga epekto ng Pagkahulog. Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng nalaman nila, maaari mong idagdag ang kanilang mga sagot sa listahan na nasa pisara.

  • Ano ang ibig sabihin ng “itinakwil mula sa harapan ng Panginoon”?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Jeffrey R. Holland

“[Sina Adan at Eva] ay lumabag sa utos ng Diyos kaya’t kinailangan nilang lisanin ang paraiso ngunit ito ang naging daan para magkaroon sila ng mga anak bago sila mamatay. Maliban pa sa malungkot at mahirap na sitwasyon, may espirituwal na bunga rin ang kanilang paglabag, kaya nawalay sila sa presensya ng Diyos magpakailanman. Dahil tayo ay isinilang sa makasalanang daigdig na iyon at dahil tayo man ay lalabag sa mga batas ng Diyos, papatawan din tayo ng mga parusang ipinataw kina Eva at Adan. …

“… Mula nang lisanin ng unang mga magulang na iyon ang Halamanan ng Eden, ang Diyos at Ama nating lahat, na inasam ang pasiya nina Eva at Adan, ay nagsugo ng mga anghel mula sa langit upang sabihin sa kanila—at sa atin—na lahat ng pangyayaring ito ay nilayon para sa ating walang-hanggang kaligayahan. Bahagi ng Kanyang banal na plano, na naglaan ng Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos mismo—ang isa pang ‘Adam’ na siyang itatawag sa Kanya ni Apostol Pablo [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:45]—na darating sa kalagitnaan ng panahon upang magbayad-sala para sa paglabag ng unang Adan. Ang Pagbabayad-sala ay lubusang magtatagumpay laban sa pisikal na kamatayan. … Mabuti na lang at maglalaan din ito ng kapatawaran para sa personal na mga kasalanan ng lahat, mula kay Adan hanggang sa katapusan ng mundo, kapalit ng pagsisisi at pagsunod sa mga utos ng Diyos” (“Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 105–6).

  • Bakit “papatawan din tayo ng mga parusang ipinataw kina Eva at Adan”? (Isinilang tayo sa mundong puno ng kasalanan, at nilalabag natin ang mga batas ng Diyos.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 2:26, 28 at Moises 5:5–9, habang inaalam ng iba pa sa klase kung paano madaraig ang mga epekto ng Pagkahulog sa ating buhay.

  • Ayon sa mga scripture passage na ito, paano tayo matutubos mula sa mga espirituwal na epekto ng Pagkahulog? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay magsisisi at hihingi ng kapatawaran sa Diyos, tayo ay matutubos mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang bahagi ng Pagkahulog sa plano ng kaligtasan at kung paano ito “nilayon para sa ating walang-hanggang kaligayahan.” Tawagin ang isa o dalawang estudyante para maibahagi ang naisip nila sa klase.

2 Nephi 2:14, 16, 26–29; Helaman 14:30–31; 3 Nephi 27:13

Ang kaloob na kalayaan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Russell M. Nelson

“Sina Adan at Eva [sa pamamagitan ng Pagkahulog] ay naging mortal. Ito ay pagpapala para sa atin, dahil sila rin ay maaaring magsilang ng mga anak at maisasakatuparan ang mga layunin ng pagkalikha ng daigdig. … Dumating ang iba pang mga pagpapala sa atin sa pamamagitan ng Pagkahulog. Dahil dito, nagamit natin ang dalawang karagdagang kaloob mula sa Diyos, na halos kasinghalaga ng buhay mismo—kalayaan at pananagutan” (“Constancy amid Change,” Ensign, Nob. 1993, 34, idinagdag ang italics).

  • Sa anong mga paraan na “halos kasinghalaga ng buhay mismo” ang kalayaan at pananagutan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 2:14, 16, at 26, at alamin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kung paano naiiba ang mga anak ng Diyos sa iba pa Niyang mga nilikha.

  • Ano ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos sa iba pang mga nilikha Niya na malinaw na makikita sa mga talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga anak ng Diyos ay nilikha na kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos.)

  • Ano ang ibig sabihin ng nilikha tayo ng Diyos na kumikilos at hindi pinakikilos?

  • Bakit mahalagang malaman na nilikha ang mga anak ng Diyos na kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos?

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang kasabihang, ‘Ibinoboto ako ng Panginoon, at bumoboto si Lucifer para matalo ako, ngunit ang aking boto ang magpapasiya,’ ay naglalarawan sa katiyakan ng doktrina na ang ating kalayaan ay mas makapangyarihan kaysa kagustuhan ng kalaban. Mahalaga ang kalayaan. Maaaring hangal at bulag nating maibigay ito, ngunit hindi ito makukuha sa atin nang sapilitan.

“May pangangatwiran din noong una: ‘Ang diyablo ang nag-utos sa aking gawin ito.’ Hindi iyan totoo! Maaari niya kayong linlangin at akayin sa maling landas, ngunit wala siyang kapangyarihang pilitin kayo o ang sinuman na magkasala o panatilihin kayo sa gayong kalagayan” (“Paglilinis ng Panloob na Templo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 74).

Sabihin sa ilang estudyante na basahin ang 2 Nephi 2:26–29 at sa iba pa na basahin ang Helaman 14:30–31. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salita at parirala na nagpapakita ng mga ibubunga ng mga pagpili natin ngayon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga salita at pariralang minarkahan nila.

  • Anong katotohanan ang nalaman natin mula sa mga scripture passage na ito tungkol sa mga epekto ng ating pagpili? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Sa paraan ng paggamit natin ng ating kalayaang pumili nakasalalay ang ating espirituwal na pag-unlad at mga walang hanggang pagpapala.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Kapag pinili nating gawin ang kalooban ng ating Ama sa Langit, ang ating kalayaan ay napangangalagaan, nadaragdagan ang ating mga oportunidad, at tayo ay sumusulong. … Totoo rin ang kabaligtaran [nito]: kapag hindi natin sinusunod ang mga kautusan at mga paramdam ng Espiritu Santo, nababawasan ang ating mga oportunidad; ang kakayahan nating kumilos at umunlad ay nangangaunti. … Napoprotektahan kalaunan ng pagsunod sa mga kautusan ang ating kalayaan” (“Kalayaan: Mahalaga sa Plano ng Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 25–26).

  • Ano ang ilang ibubunga ng maling paggamit ng kalayaan?

  • Paano pinoprotektahan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ang ating kalayaan?

  • Bakit ang paggamit ng ating kalayaang “gawin ang kalooban ng ating Ama sa Langit” ang susi sa ating espirituwal na pag-unlad?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 27:13 at pag-isipan ang halimbawa ni Jesucristo sa matwid na paggamit ng kaloob na kalayaan.

  • Paano makatutulong sa atin ang sinabi ng Tagapagligtas na “ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama” para magamit nang matalino ang kaloob na kalayaan?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga dakilang pagpapala na nagmumula sa matwid na paggamit ng ating kalayaan:

Elder Richard G. Scott

“Nakatuon ang Panginoon sa inyong personal na paglago at pag-unlad. Ang pag-unlad na iyan ay bumibilis kapag handa kayong tulutan Siyang gabayan kayo sa bawat pag-unlad na mararanasan ninyo, gustuhin man ninyo ito sa simula o hindi. Kapag nagtiwala kayo sa Panginoon, kapag handa kayong isentro ang inyong puso’t isipan sa Kanyang kalooban, kapag hiniling ninyong gabayan kayo ng Espiritu para magawa ang Kanyang kalooban, makatitiyak kayo na makadarama kayo ng pinakamatinding kaligayahan at pinakamalaking tagumpay sa mortalidad na ito. Kung nag-aalinlangan kayo sa lahat ng ipinagagawa sa inyo, o hindi tinatanggap ang mahihirap na gawain, hindi kayo mapagpapala ng Panginoon. [Tingnan sa 1 Nephi 3:7.]

“Ang inyong kalayaan, ang karapatang pumili, ay hindi ibinigay upang makuha o magawa ang anumang naisin ninyo. Ang banal na kaloob na ito ay ibinigay upang piliin ninyo ang nais ng inyong Ama sa Langit para sa inyo. Sa gayong paraan magagabayan Niya kayo sa nais Niya na kahantungan ninyo. [Tingnan sa D at T 58:26–32.]” (“Finding Joy in Life,” Ensign, Mayo 1996, 25).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na gumawa sila ng mga desiyon na kumilos nang matwid. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nagdulot ng mga pagpapala ang mga bunga ng mga desisyong iyon sa kanila.

Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano nila mas matutularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Ibahagi ang iyong patotoo na ang tamang paggamit ng ating kalayaan ay magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante