2
Pakikinig at Pagsunod sa mga Salita ng mga Propeta
Pambungad
Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo, upang magpahayag ng pagsisisi, at anyayahan ang lahat na lumapit sa Tagapagligtas. Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang mga nakikinig at sumusunod sa mga propetang ito ay pagpapalain, samantalang ang mga sumasalungat sa kanila ay makararanas ng kapighatian at kalungkutan.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Russell M. Nelson, “Pagsang-ayon sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob 2014, 74–77.
-
Claudio R. M. Costa, “Pagsunod sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 11–13.
-
Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 77–79.
-
“Kailangan Natin ang mga Buhay na Propeta,” kabanata 1 sa Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante, 1–13.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 1:4–15, 18; Mosias 11:20–25; 13:33–35
Ang tungkulin ng mga propeta
Itanong sa klase:
-
Paano naiiba ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba pang relihiyon dahil naniniwala tayo sa buhay na propeta?
-
Bakit mahalaga ngayon ang mga buhay na propeta tulad noong mga nakaraang panahon sa kasaysayan ng mundo?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 1:4–15, 18 habang tahimik na sumusunod sa pagbasa ang mga iba pa sa klase, na hinahanap kung paano tinawag at inihanda ng Panginoon si Lehi na maging propeta.
-
Ano ang naranasan ni Lehi na naghanda sa kanya na maging propeta? (Tumanggap siya ng patotoo tungkol kay Jesucristo, at nakita niya ang magaganap na pagkalipol ng masasama at ang habag na ipagkakaloob sa mga taong lumapit sa Diyos.)
-
Bakit kailangan ng mga tao sa Jerusalem ang mga propetang katulad ni Lehi? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyaking natukoy nila ang katotohanang ito: Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta at inihahayag ang Kanyang kalooban sa pamamagitan nila.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong John Taylor (1808–87):
“Nangangailangan tayo ng buhay na puno—buhay na bukal—buhay na katalinuhan, na nagmumula sa buhay na priesthood sa langit, sa pamamagitan ng buhay na priesthood sa lupa … At mula sa panahong nakipag-usap si Adan sa Diyos, hanggang sa panahong tumanggap ng komunikasyon si Juan sa Isla ng Patmos, o noong panahong bumukas ang langit kay Joseph Smith, nangailangan ang mga ito ng bagong paghahayag, na angkop sa partikular na kalagayan ng simbahan o ng indibidwal sa panahong iyon.
“Hindi ipinahayag kay Adan na tagubilinan si Noe na gumawa ng arko; o ipinahayag kay Noe na sabihin kay Lot na lisanin ang Sodom, o nagsalita ang isa sa kanila tungkol sa paglisan ng mga anak [ni] Israel sa Egipto. Ang mga ito ay nakatanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili, at gayundin sina Isaias, Jeremias, Ezekiel, Jesus, Pedro, Pablo, Juan, at Joseph. At gayon din tayo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 189–90).
-
Bakit mahalagang malaman na patuloy na inihahayag ng Panginoon ngayon ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng mga buhay na propeta?
-
Paano makatutulong sa atin ngayon ang pag-aaral ng tungkol sa tungkulin ng mga propeta sa Aklat ni Mormon?
Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara:
Ipaliwanag na bagama’t ang mga propeta ay nagpapahayag ng maraming mensahe na partikular sa kanilang panahon, mayroong mga mensahe na ipinahahayag ng lahat ng propeta. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang dalawang mensaheng iyon habang tahimik nilang binabasa ang mga scripture passage na nasa pisara. Sabihin sa mga estudyante na markahan sa kanilang banal na kasulatan ang pangunahing mensahe na ibinigay ng propetang si Abinadi sa bawat scripture passage. (Paalala: Ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari mong ituro sa buong kurso.)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natukoy nila, at ibuod ang kanilang mga natuklasan na binibigyang-diin ang doktrinang ito: Lahat ng propeta ng Diyos ay naghahayag ng pagsisisi at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na bibigyan mo sila ng ilang minuto para maghanap ng isang halimbawa ng isang propeta sa Aklat ni Mormon na naghahayag ng pagsisisi o nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. (Kabilang sa mga halimbawa ng propetang naghahayag ng pagsisisi ay si Isaias sa 2 Nephi 16:9–11; si Jacob sa Jacob 2–3; si Abinadi sa Mosias 11–12; si Samuel sa Helaman 13–16; at si Mormon sa Mormon 3. Kabilang sa mga halimbawa ng mga propeta na nagtuturo tungkol kay Jesucristo ay si Nephi sa 1 Nephi 19 at sa 2 Nephi 25; si Alma sa Alma 7; at si Mormon sa Mormon 7.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga halimbawa.
-
Sa inyong palagay, bakit patuloy na nagpapahayag ang mga propeta ng pagsisisi at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo?
-
Paano nakatutulong sa atin ang pakikinig sa mga mensaheng ito para matamo natin ang kaligtasan?
Helaman 13:24–33; 3 Nephi 8:24–25; 9:10–11
Ang hindi pagtanggap sa mga propeta ng Diyos ay hahantong sa kapighatian
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Kapag binabanggit ng propeta ang mga kasalanan ng mundo, gusto ng mga makamundo na sarhan ang bibig ng propeta, o kaya’y magkunwaring walang propeta, sa halip na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. Ang popularidad ay hindi kailanman [batayan] sa katotohanan. … Habang papalapit ang ikalawang pagparito ng Panginoon makakaasa kayo na habang tumitindi ang kasamaan ng mga tao sa mundo, lalo nilang babalewalain ang propeta” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 177).
-
Sa inyong palagay, bakit hindi pinakikinggan at sinusunod ng ilang tao ang mga salita ng isang propeta?
Sabihin sa klase na tahimik na basahin ang mga salita ng propetang si Samuel sa Helaman 13:24–29, at alamin ang mga dahilan kung bakit hindi tinatanggap ng mga tao ang mga babala ng mga propeta. Maaari mong hikayatin muli ang mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
-
Ayon kay Samuel, bakit hindi tinanggap ng mga Nephita ang mga propeta ng Diyos?
-
Bagama’t hindi tayo nagkasala ng pagmamalupit o pagpatay sa mga propeta, paano nagsisilbing babala ang mga talatang ito sa atin ngayon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 13:30–33 habang inaalam ng iba pa sa klase ang ipinropesiya ni Samuel na Lamanita na mangyayari sa mga taong hindi tinanggap ang mga salita ng mga propeta. Pagkatapos ay ipabasa sa klase ang katuparan ng propesiyang ito sa 3 Nephi 8:24–25; 9:10–11.
-
Anong katotohanan ang maibubuod natin mula sa mga talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin tatanggapin ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon, mararanasan natin ang kapighatian at kalungkutan. [Tingnan din sa 3 Nephi 28:34.])
Ipabasa sa isang estudyante ang mga sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Kung nais nating malaman kung ano ang katayuan natin sa harap ng Panginoon itanong natin sa ating sarili kung ano ang katayuan natin sa lider ng Kanyang Simbahan dito sa lupa—gaano ba nakaayon ang ating buhay sa hinirang ng Panginoon—sa buhay na Propeta—sa Pangulo ng Simbahan, at sa Korum ng Unang Panguluhan” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 175).
“Ang pagtugon natin sa mga salita ng isang buhay na propeta kapag sinasabi niya sa atin ang kailangan nating malaman, ngunit ayaw nating marinig, ay pagsubok sa ating katapatan” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 177).
-
Paano nakatulong ang mga pahayag ni Pangulong Benson para mahikayat kayo na maging mas masigasig sa pagsunod sa payo ng buhay na propeta?
-
Anong mga mensahe ng propeta ang itinuturing ninyong pinakamahalaga para sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon?
Mosias 15:10–13; 3 Nephi 10:12; 12:1–2; Eter 7:23–27
Ang pagsunod sa mga propeta ng Diyos ay nagdudulot ng mga pagpapala
Sabihin sa mga estudyante na itinuro ng propetang si Abinadi kay Haring Noe at sa kanyang masasamang saserdote ang kahalagahan ng pakikinig at pagsunod sa mga salita ng mga propeta. Ipabasa sa isang estudyante ang Mosias 15:10–13 habang iniisip ng iba pa sa klase kung paano ibubuod ang mga talata sa isang pahayag na nagsasaad ng alituntunin.
-
Paano mo ihahayag ang mga salita ni Abinadi bilang alituntunin? (Maaaring maibuod ng mga estudyante ang scripture passage na ito nang ganito: Ang mga nakikinig sa salita ng mga propeta, naniniwala sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo, at nagsisisi ng kanilang mga kasalanan ay mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip at magbahagi ng mga halimbawa mula sa Aklat ni Mormon ng matatapat na indibiduwal at pangkat na pinagpala dahil nakinig at sumunod sila sa mga salita ng mga propeta. Maaaring kasama sa ilang halimbawa ang sumusunod: Nakatakas sa pagkawasak ang pamilya ni Lehi dahil sinunod nila ang payo na lisanin ang Jerusalem (2 Nephi 1:4); Si Alma ang Nakatatanda ay nakinig sa mga salita ni Abinadi at nakapagturo sa maraming tao (Mosias 17:1–4; 18:1–3); Nalaman ng hukbo ni Kapitan Moroni kung saan pupunta para maipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga hukbo ng mga Lamanita sa pamamagitan ng paghingi ng payo kay Alma (Alma 43:23–24).
Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara (huwag isama ang mga alituntunin na nakasulat sa bold letters):
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang isa sa mga scripture passage sa pisara at ibuod ang nabasa nila sa isang pahayag na nagsasaad ng alituntunin. Kapag nagbahagi ng kanilang mga pahayag ang mga estudyante, maaari mong isulat ang iminungkahing alituntunin sa tabi ng bawat scripture reference.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na nagmumula ang mga karagdagang pagpapala sa pagsunod sa propeta, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng propeta ng Diyos sa kalipunan natin. Dakila at kagila-gilalas ang mga pagpapalang dumarating sa ating buhay kapag pinakikinggan natin ang salita ng Panginoon na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng propeta. … Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo ang ating tugon at kaagad na sumunod. Makikita sa kasaysayan na mayroong kaligtasan, kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan sa pagsunod sa payo ng propeta” (“His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65).
-
Kailan kayo napagpala dahil tumugon kayo nang positibo at kaagad na sinunod ang payo ng propeta?
-
Kapag tinitingnan ninyo ang hinaharap, bakit kaya magiging mahalaga na magkaroon ng mga propeta sa mundo?
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ang mga ginagawa ba nila ay nagpapakita ng hangaring tapat na sundin ang mga propeta ng Panginoon. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang maaaring kailangan nilang baguhin sa buhay nila upang mas lubos na matamasa ang mga pagpapalang ipinangako sa matatapat.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
1 Nephi 1:4–15, 18; Mosias 11:20–25; 13:33–35; 15:10–13; Helaman 13:24–33; 3 Nephi 8:24–25; 9:10–11; 10:12; 12:1–2; Eter 7:23–27.
-
Russell M. Nelson, “Pagsang-ayon sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob 2014, 74–77.
-
Claudio R. M. Costa, “Pagsunod sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 11–13.