15
Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos
Pambungad
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay mensahe ng kapayapaan sa isang magulong mundo. Ang mga naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos ay makapagbabahagi ng ebanghelyo at makatutulong sa iba na magbalik-loob. Sa lesson na ito, pag-aaralan at ipamumuhay ng mga estudyante ang mga alituntunin mula sa mga tala tungkol sa mga misyonero sa Aklat ni Mormon na naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at tinulungan ang iba na magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
M. Russell Ballard, “Magtiwala Kayo sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 43–45.
-
Don R. Clarke, “Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 97–99.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 13:37; Mosias 15:14–19, 26–28
May mga pagpapalang ipinangako para sa mga taong magbabahagi ng ebanghelyo
Sa pisara, isulat ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44) mula sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 386:
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang pahayag. Pagkatapos ay itanong:
-
Bakit ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba ang pinakamahalaga nating tungkulin?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pagtanggap at pagtupad ng tungkuling ito?
Ipaliwanag na nakita ni Nephi ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at ang paglabas ng Aklat ni Mormon (tingnan sa 1 Nephi 13:34–36). Inilarawan din niya ang mga pagpapalang matatamo ng mga taong magbabahagi ng ebanghelyo at tutulong sa iba na lumapit kay Cristo.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 13:37, at hikayatin sila na markahan o i-highlight ang mga pagpapalang ipinangako sa mga yaong nagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo sa mga huling araw.
-
Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong nagsisikap na maitatag ang Sion at maghayag ng kapayapaan? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinikap nating ibahagi ang ebanghelyo, tayo ay pinagpapala ng Espiritu Santo at maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos.)
Sabihin sa mga estudyante na binanggit ni Abinadi ang ipinahayag ni Isaias at ipinaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng maghayag ng kapayapaan at kung bakit dapat nating sikaping ibahagi ang ebanghelyo (tingnan sa Isaias 52:7). Sabihin sa ilang estudyante na basahin nang malakas ang Mosias 15:14–19, 26–28 habang inaalam ng klase ang itinuro ni Abinadi.
-
Ano ang ibig sabihin ng maghayag ng kapayapaan at kaligtasan? (tingnan sa talata 14).
-
Bakit kinakailangang maihayag ang kaligtasan sa lahat ng bansa, lahi, wika, at mga tao?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga sinabi ni Abinadi, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapayapaan at mabuting balita; mabuting balita at kapayapaan. Ang mga ito ay kabilang sa pinakamagagandang pagpapala na naidudulot ng ebanghelyo ni Jesucristo sa isang magulong mundo at sa mga taong nagugulumihanan na naninirahan dito, mga kalutasan sa mga personal na problema at sa pagiging makasalanan ng tao, pinagmumulan ng lakas para sa mga araw ng kapaguran at mga oras ng kapighatian. … Ang Bugtong na Anak ng Diyos mismo ang nagbigay sa atin ng tulong na ito at ng pag-asang ito. …
“Ang paghahanap ng kapayapaan ay isa sa mga lubos na hinahangad ng tao. … May mga pagkakataon sa buong buhay natin kapag nakadama tayo ng matinding kalungkutan o pagdurusa o takot o pag-iisa ay nagsusumamo tayo ng kapayapaan na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay. Mga panahon ito ng matinding espirituwal na pagkagutom na maging ang pinakamatatalik nating kaibigan ay hindi tayo lubos na matutulungan” (“The Peaceable Things of the Kingdom,” Ensign, Nob. 1996, 82).
-
Sa anong mga paraan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay mensahe ng kapayapaan?
Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) ng Unang Panguluhan:
“Upang magkaroon ng kapayapaan kinakailangang alisin ang impluwensya ni Satanas. Kung saan siya naroroon, walang kapayapaan. Bukod pa rito, imposibleng magkaroon ng kapayapaan kung nariyan siya. … Wala siyang itinataguyod kundi ang mga gawain ng laman. …
“Kung gayon, upang matamo ang kapayapaan, dapat lubos na alisin ang impluwensya ni Satanas. …
“Tulad ng mga gawain ng laman na nakaiimpluwensya sa lahat ng tao, gayon din ang ebanghelyo ng kapayapaan. Kung ipinamumuhay ito ng isang tao, makadarama siya ng kapayapaan sa kanyang kalooban. Kung ipinamumuhay ito ng dalawang tao, makadarama sila ng kapayapaan sa kanilang kalooban at sa isa’t isa. Kung ipinamumuhay ito ng mga mamamayan, ang bansa ay magkakaroon ng kapayapaan. Kapag mayroong mga bansa na nagtatamasa ng bunga ng Espiritu na namamahala sa mga gawain ng daigdig, kung gayon, doon pa lamang, magwawakas ang hangaring makidigma” (“The Price of Peace,” Ensign, Okt. 1983, 4, 6).
-
Kailan ninyo nakita na nagdulot ng kapayapaan sa buhay ng isang tao ang ebanghelyo?
-
Ano ang ilang paraan para maibahagi natin nang epektibo ang ebanghelyo?
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung may kilala silang isang tao na maaari nilang matulungan para madama niya ang kapayapaang nagmumula sa ebanghelyo. Sabihin sa kanila na magsimulang magplano na ibahagi ang ebanghelyo sa taong iyon, at hikayatin sila na pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang mga alituntuning matututuhan nila sa lesson.
Mosias 28:3; Alma 17:2–3, 6, 9–12, 16, 25; 18:10; 21:16; 22:1, 12–14; 26:11–12, 26–29; 31:30–34
Pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos
Maaari mong ipakita ang isa o lahat ng nasa larawan sa itaas (biyolin, mga kasangkapan sa talyer, mga kasangkapan sa panggagamot) o mga larawan na katulad ng mga ito. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang magagawa ng mga bagay na ito sa mga kamay ng isang mahusay sa paggamit nito?
-
Ano ang maaaring ibig sabihin ng maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 17:2–3, 9–11. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ginawa ng mga anak ni Mosias upang maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng mga anak ni Mosias tungkol sa paano maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag tayo ay nanalangin, nag-ayuno, at nagsaliksik ng mga banal na kasulatan, magiging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos.)
Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming iba pang mga halimbawa ng ginawa ni Alma at ng mga anak ni Mosias upang maging mabibisang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara (huwag isama ang mga buod na nasa mga panaklong). Mag-assign ng isa o mahigit pang mga scripture passage sa bawat estudyante. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ginawa ng mga tagapaglingkod ng Panginoon na nakatulong sa kanilang tagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ibuod ang mga sagot ng mga estudyante na isinusulat ang mga buod ng scripture passage sa pisara. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga scripture reference na ito at maya-maya, matapos ang talakayan, gumawa ng scripture chain na may nakasulat na “Mahahalagang bagay sa pagbabahagi ng ebanghelyo.”
-
Kung nagkaroon kayo ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa iba, maaari ba kayong magbahagi ng isang karanasan o magpatotoo kung paano nakatulong ang mga bagay na ito sa inyong tagumpay?
-
Paano naaangkop ang mga alituntuning nakatala sa mga scripture passage na ito sa ibang mga tungkulin o sa pagiging mabuting kaibigan o kapitbahay?
-
Kailan kayo nagkaroon ng pagkakataong tulungan ang iba bilang isang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos?
Alma 18:33–35; 23:5–6; 26:2–5, 15; 29:9–10
Pagtulong sa mga tao na magbalik-loob
Ipaalala sa mga estudyante na bukod sa pagtuturo sa atin na maaari tayong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, itinuturo rin sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa maaaring maging impluwensya natin sa iba.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 18:33–35 habang inaalam ng klase ang naisagawa ni Ammon bilang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natuklasan nila bilang isang alituntunin. (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod: Kapag naging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos, binibigyan niya tayo ng kakayahan na matulungan ang ibang tao na malaman ang katotohanan.)
Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang epekto ng pagtulong sa iba na malaman ang katotohanan, ipabasa nang tahimik sa klase ang Alma 23:5–6. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang nangyari sa mga Lamanita nang malaman nila ang katotohanan.
-
Anong mga salita o parirala ang naglalarawan ng epekto ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa kung ano ang maaaring mangyari kapag dinadala natin ang ibang mga tao sa kaalaman ng katotohanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kapag dinadala natin ang ibang mga tao sa kaalaman ng katotohanan, tinutulungan natin silang magbalik-loob sa Panginoon.)
Ipaliwanag na kapwa pinatotohanan nina Ammon at Alma ang mga katotohanang ito. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 26:2–5, 15 at Alma 29:9–10 habang inaalam ng klase ang maaaring maging impluwensya natin sa ibang mga tao kapag ibinahagi natin ang ebanghelyo bilang mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
-
Ano ang pinakagusto ninyo sa damdaming ipinahayag nina Ammon at Alma?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naranasan nila nang ibahagi nila ang ebanghelyo sa ibang mga tao.
Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon nila na matulungan ang ibang mga tao na malaman ang ebanghelyo at magbalik-loob. Sabihin sa kanila na isipin kung paano nila gagamitin ang mga alituntunin at pag-uugaling ito na natutuhan nila sa lesson na ito sa kanilang araw-araw na pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
1 Nephi 13:37; Mosias 15:14–19, 26–28; 28:3; Alma 17:2–3, 6, 9–12, 16, 25; 18:10, 33–35; 21:16; 22:1, 12–14; 23:5–6; 26:2–5, 11–12, 15, 26–29; 29:9–10; 31:30–34.
-
M. Russell Ballard, “Magtiwala Kayo sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 43–45.
-
Don R. Clarke, “Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 97–99.