Seminaries and Institutes
Lesson 9: ‘Hanapin Muna Ninyo ang Kaharian ng Diyos’


9

“Hanapin Muna Ninyo ang Kaharian ng Diyos”

Pambungad

Nang hikayatin ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon ang kanyang mga tao na hanapin muna ang kaharian ng Diyos (tingnan sa Jacob 2:18), ginawa niya ito noong panahong laganap ang kapalaluan, pagmamahal sa kayamanan, at imoralidad. Ang mga kasalanang ito ay banta sa pagkakaisa at pag-unlad ng kaharian ng Diyos sa lupa. Upang mahanap ang kaharian ng Diyos dapat ipriyoridad ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maging determinado na talikuran ang kasalanan at mas lubos na hanapin ang kaharian ng Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dieter F. Uchtdorf, “Kapalaluan at ang Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 55–58.

  • “Huwag Kang Magkakaroon ng Ibang mga Dios sa Harap Ko,” kabanata 14 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 174–84.

  • “Ang Dakilang Utos—Mahalin ang Panginoon,” kabanata 1 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 43–52.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 7:14–16, 19, 21–24

Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon kung paano tatahakin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga bagay na kailangang i-check o tingnan nang regular para mapanatiling gumagana nang maayos ang mga ito (halimbawa, pag-check ng engine oil o mga smoke detector battery, o pagpapatingin sa isang doktor o dentista).

  • Anong kabutihan ang maidudulot ng pag-check o pagtingin sa mga ito nang regular? (Maaayos natin ang mga problema at maiiwasan ang disgrasya o panganib sa hinaharap.)

Ipaliwanag na tulad nito kailangan din natin palaging suriin ang kalagayan ng ating espirituwal na buhay upang malaman ang ating mga kahinaan at makaiwas sa panganib.

Sabihin sa mga estudyante na noong naglilingkod si Nakababatang Alma bilang mataas na saserdote, pinuntahan niya ang mga tao ng Simbahan sa Gedeon at hinikayat sila na suriin ang kanilang espirituwal na kalagayan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 7:19 at alamin ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa Gedeon.

  • Paano inilarawan ni Alma ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa Gedeon? (Ang mga tao ay “nasa landas na patungo sa kaharian ng Diyos.”)

Ipaliwanag na ang “kaharian ng Diyos” ay may dalawang magkahiwalay na kahulugan—ang isa ay nasa mundo at ang isa ay nasa langit. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa Alma 7:19 ang “kaharian ng Diyos” ay tumutukoy sa kahariang selestiyal:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na itinayo sa panahong ito ay ang kaharian ng Diyos sa lupa. … Sa mga walang hanggang daigdig, ang kahariang selestiyal ay ang kaharian ng Diyos. … Layunin ng ebanghelyo na ihanda ang mga tao para sa isang pamana sa kahariang selestiyal ng Diyos” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 415–17.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 7:14–16 at alamin kung ano ang iniutos ni Alma sa mga tao na dapat nilang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan.

  • Sa inyong palagay, bakit hinikayat ni Alma ang mga tao na magsisi gayong sila ay nasa landas na ng kabutihan? (Ang mga tao ng Gedeon ay kailangang manatili sa landas ng kabutihan.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 7:21–24. Sabihin sa klase na alamin ang mga dapat gawin at ang mga ugaling tutulong sa atin para mamana ang kaharian ng Diyos.

  • Ano ang kailangan nating gawin at maging ugali upang matahak ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante na isinusulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sinusunod natin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nakatulong sa kanila ang mga ginagawa nila upang higit na maging katulad ni Jesucristo at makasulong patungo sa kaharian ng Diyos. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang nadarama nila sa pagsulong na ginagawa nila sa kasalukuyan.

1 Nephi 10:21; 2 Nephi 9:39; Jacob 2:12–14, 20–28; 3:10–12; Mosias 2:20–25; 4:13, 21–26; 3 Nephi 12:27–30

Ang pagmamahal sa kayamanan, kapalaluan, at imoralidad ang humahadlang sa atin sa paghahanap ng kaharian ng Diyos

Ipaliwanag na sa buong Aklat ni Mormon, ang mga propeta ng Diyos ay nagbabala sa mga tao laban sa kasalanan. Halimbawa, iniutos ng Panginoon kay Jacob na pagsabihan ang kanyang mga tao para sa mga kasalanang “karumal-dumal sa Diyos” (Jacob 2:5).

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Jacob 2:12–14, Jacob 2:20–21, at Jacob 2:23–28. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga scripture passage na ito para sa mga partikular na kasalanan na binanggit ni Jacob. Imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang naglalarawan sa mga kasalanang ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga kasalanang binanggit ni Jacob sa bawat scripture passage. Isulat ang bawat kasalanang matutukoy nila sa itaas ng kaugnay na scripture reference sa pisara tulad ng sumusunod:

Pagmamahal sa kayamanan

Kapalaluan

Imoralidad

Jacob 2:12–14

Jacob 2:20–21

Jacob 2:23–28

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 3:10–12, at sabihin sa klase na hanapin ang mga salita at parirala na ginamit ni Jacob para ilarawan ang kabigatan ng mga kasalanan ng mga tao.

  • Anong mga salita o parirala ang naglalarawan ng kabigatan ng mga kasalanan ng mga tao?

  • Si Jacob ay gumamit ng pariralang “ang kakila-kilabot na ibubunga” ng kasalanan (talata 12). Sabihin sa mga estudyante na i-cross-reference ang Jacob 3:12 sa 2 Nephi 9:39 at 1 Nephi 10:21. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bawat isa sa mga talatang ito. Sabihin sa klase na alamin ang iba pang mga bunga ng kasalanan. Sabihin sa klase na tumukoy ng isang katotohanan mula sa mga scripture passage na ito tungkol sa kung paano maaapektuhan ng mga kasalanang tulad ng kapalaluan, imoralidad, at pagmamahal sa kayamanan ang isang taong naghahanap ng kaharian ng Diyos. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang kasalanan ay humahantong sa espirituwal na kamatayan at humahadlang sa atin sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.)

Idagdag ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara:

Pagmamahal sa kayamanan

Kapalaluan

Imoralidad

Jacob 2:12–14

Mosias 4:13, 21–26

Jacob 2:20–21

Mosias 2:20–25

Jacob 2:23–28

3 Nephi 12:27–30

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga bagong scripture passage at basahin ito. Sabihin sa kanila na humanap ng mga paraan upang maiwasan ang mga kasalanan na pagmamahal sa kayamanan, kapalaluan, at imoralidad. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano makatutulong sa isang miyembro ng Simbahan ang payo sa mga scripture passage na ito sa paghahanap niya ng kaharian ng Diyos at pagpapalakas ng Simbahan ng Diyos sa lupa?

Mateo 6:33; Jacob 2:17–19

Dapat nating hanapin ang kaharian ng Diyos nang higit sa lahat ng iba pang mga bagay

Ipaliwanag na bukod sa pagbibigay ng babala sa kanyang mga tao tungkol sa pagmamahal sa kayamanan, kapalaluan, at imoralidad, nagpayo si Jacob upang matulungan sila na madaig ang kanilang di-matwid na mga hangarin. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Jacob 2:17–19 habang inaalam ng klase ang payo na ibinigay ni Jacob.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa payo ni Jacob na makatutulong sa atin sa pag-iwas sa kasalanan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Iniutos sa atin ng Diyos na hanapin ang kaharian ng Diyos nang higit sa lahat ng iba pang mga bagay)

  • Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng hanapin muna ang kaharian ng Diyos?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 47).

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na “nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay” kapag ang inuna nating ipriyoridad ay ang Diyos?

  • Ano ang halimbawa ng isang bagay na nalagay sa tamang lugar o naglaho sa inyong buhay nang inuna ninyo ang Ama sa Langit at ang Kanyang kaharian sa inyong buhay?

  • Ano ang magiging epekto sa atin ng pag-uuna sa Diyos kapag tinutukso tayo ng kapalaluan, pagmamahal sa kayamanan, imoralidad, o iba pang mga kasalanan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 6:33. Sabihin sa mga estudyante na ganito ang nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith: “Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ]).

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang ibig sabihin ng ‘inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos’ ay unahin ang Diyos at ang Kanyang gawain. Ang gawain ng Diyos ay ang isakatuparan ang buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39), at lahat ng ipinahihiwatig nito. … Ang iba pa ay di-gaanong mahalaga. … May nagsabing, kung hindi natin uunahing piliin ang kaharian ng Diyos, hindi gaanong mahalaga sa huli kung ano ang pinili natin bilang kapalit nito” (“Focus and Priorities,” Ensign, Mayo 2001, 83–84).

  • Ano ang ilang paraan na maitatatag ng isang young adult na miyembro ng Simbahan “ang kaharian ng Diyos”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Sa pamamagitan ng pagpili na mapunta sa kaharian [ng Diyos], inihihiwalay natin—hindi inilalayo—ang ating sarili mula sa daigdig. Ang mga damit natin ay magiging disente, magiging dalisay ang ating isip, magiging malinis ang ating pananalita. Mabuti ang mga pelikula at palabas sa telebisyon na panonoorin natin, ang musikang pakikinggan natin, ang mga aklat, magasin, at mga pahayagan na babasahin natin. Pipili tayo ng mga kaibigan na maghihikayat sa ating maabot ang ating walang hanggang mga mithiin, at pakikitunguhan natin nang mabuti ang iba. Iiwasan natin ang mga bisyo ng imoralidad, pagsusugal, sigarilyo, alak, at bawal na gamot. Makikita sa mga gawain natin sa araw ng Linggo ang pagsunod sa kautusan ng Diyos na alalahanin at panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Tutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pakikitungo natin sa iba. Mamumuhay tayo sa paraang magiging karapat-dapat tayo upang makapasok sa bahay ng Panginoon” (“The Covenant of Baptism: To Be in the Kingdom and of the Kingdom,” Ensign, Nob. 2000, 8).

  • Paano nakaiimpluwensya nang malaki sa bawat aspeto ng ating buhay ang paghahanap ng kaharian ng Diyos?

  • Paano naimpluwensyahan ng paghahanap sa kaharian ng Diyos ang inyong buhay o ang buhay ng isang kapamilya o kakilala?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin upang patuloy na hanapin ang kaharian ng Diyos. Hikayatin silang makinig sa mga panghihikayat ng Espiritu at isulat kung ano ang plano nilang gawin. Patotohanan ang mga pagpapalang darating kapag inuna natin ang Diyos sa ating buhay.

Mga Babasahin ng mga Estudyante