Seminaries and Institutes
Lesson 19: Pagtatanggol sa Kalayaang Pangrelihiyon


19

Pagtatanggol sa Kalayaang Pangrelihiyon

Pambungad

Ang kalayaang pangrelihiyon ay isang sagradong pribilehiyo na maniwala at kumilos kung paano tayo pipili—manindigan sa ating sarili at pagkatapos ay mamuhay ayon sa dikta ng ating budhi—at kasabay nito ay iginagalang ang mga karapatan ng ibang tao (tingnan sa D at T 134:4). Sa lesson na ito, susuriin ng mga estudyante ang mga tala sa Aklat ni Mormon kung saan ang mga indibiduwal at mga pangkat ay naghangad na pabagsakin ang Simbahan ng Diyos at wasakin ang mga karapatan at kalayaang pangrelihiyon. Mapapaalalahanan ang mga estudyante na kinakailangang maprotektahan at mapangalagaan ngayon ang kalayaang pangrelihiyon.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Robert D. Hales, “Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 111–13.

  • Dallin H. Oaks, “Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 29–35.

  • “Why We Need Religious Freedom,” mormonnewsroom.org/article/why-religious-freedom.

  • “An Introduction to Religious Freedom,” mormonnewsroom.org/article/introduction-religious-freedom.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 29:10–11, 16–18, 25–26, 32; Alma 30:7–9

Ang kahalagahan ng kalayaang pumili at kalayaang pangrelihiyon

Ipaalala sa mga estudyante na bago tayo pumarito sa lupa, tayo ay nakibahagi sa Kapulungan sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga pangunahing layunin at ibinunga ng kapulungang ito. Pagkatapos ay ipakita at basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang pinakamahalagang usapin sa kapulungang iyon sa langit bago tayo isinilang ay: Magkakaroon ba ng walang-limitasyong kalayaan ang mga anak ng Diyos na piliin ang landas na kanilang tatahakin, mabuti man ito o masama, o pipilitin at pupuwersahin silang sumunod? Si Cristo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nanindigan sa unang panukala—kalayaang pumili; nanindigan si Satanas sa huli—sapilitan at puwersahan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 70).

“Nilinaw sa mga banal na kasulatan na nagkaroon ng malaking digmaan sa langit, isang labanan tungkol sa alituntunin ng kalayaan, ang karapatang pumili” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 70).

“Ang digmaang nagsimula sa langit tungkol sa usaping ito ay hindi pa tapos. Ang labanan ay nagpatuloy sa mortalidad” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 70).

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na ang labanan sa premortal na daigdig tungkol sa kalayaan at pagpili ay nagpapatuloy sa buhay na ito?

  • Sa palagay ninyo, bakit hangad ni Satanas na wasakin ang kalayaan?

Kapag sumagot na mga estudyante, isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970):

Pangulong David O. McKay

“Kasunod ng pagkakaloob mismo ng buhay, ang karapatang pamahalaan ang buhay na iyon ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 238).

Ipaalala sa mga estudyante na pagkaraan ng maraming siglo matapos dumating si Lehi sa lupang pangako, ang mga Nephita ay pinamunuan ng mga hari. Gayunman, iminungkahi ni Haring Mosias na magtatag ng isang bagong uri ng pamahalaan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mosias 29:10–11, 16–18, 25–26 at alamin kung bakit iminungkahi ni Mosias ang bagong uri ng pamahalaan.

  • Anong dahilan ang ibinigay ni Haring Mosias sa paghahangad na ipatupad ang isang bagong uri ng pamahalaan?

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang sistema ng mga hukom ay angkop at kinailangan upang mapanatili ang kalayaan sa lipunan ng mga Nephita. Hinangad din ng iba pang mga lipunan na magtatag at mapangalagaan ang kalayaan, bagama’t ang mga sistema ng kanilang mga pamahalaan ay iba ang pagkakatatag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 29:32 habang inaalam ng klase kung bakit nais ni Mosias na pangalagaan ang kalayaan ng kanyang mga tao.

  • Bakit kinakailangang pangalagaan ang kalayaan ng mga Nephita?

  • Kaninong responsibilidad ang tumulong sa pangangalaga ng ating mga karapatan at pribilehiyo? Paano natin maisasakatuparan ang pangangalagang ito?

Ipaliwanag na ang paggamit ng kalayaan ng indibiduwal ay hindi dapat pumalit sa pagsunod sa mga batas ng lupain.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 30:7–9 at tukuyin ang isa sa mga karapatan na tiniyak ng bagong pamahalaan ng mga Nephita.

Maaari mong ipaliwanag na ang scripture passage na ito ay nagpapakita na hindi pinahihintulutan ng Panginoon ang pagkutya o diskriminasyon sa iba batay sa kanilang paniniwala o hindi paniniwala sa Diyos (tingnan din sa D at T 134:4).

  • Paano nakabubuti sa lipunan ang pangangalaga sa kalayaang pangrelihiyon?

Upang matulungan ang mga estudyante sa pagsagot sa tanong na ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod:

“Ang kalayaang pangrelihiyon, o kalayaang pumili ayon sa dikta ng sariling konsiyensya, ay mahalaga sa ikabubuti ng iba’t ibang lipunan. Tinutulutan nito na umunlad ang iba’t ibang relihiyon at paniniwala. Pinoprotektahan ng kalayaang pangrelihiyon ang mga karapatan ng lahat ng mga grupo at indibiduwal, kabilang ang pinakamahina, relihiyoso man o hindi” (“Religious Freedom,” mormonnewsroom.org/official-statement/religious-freedom).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pangunahing aspeto ng kalayaang pangrelihiyon, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito sa isang estudyante:

Elder Robert D. Hales

“Mayroong apat na pundasyon ang kalayaan sa relihiyon na dapat nating panghawakan at protektahan bilang mga Banal sa mga Huling Araw.

“Ang una ay ang kalayaang maniwala. …

Ang pangalawang pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang ibahagi ang ating pananampalataya at mga paniniwala sa iba. …

Ang pangatlong pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang bumuo ng organisasyong pangrelihiyon at sumamba nang matiwasay kasama ang iba. …

“Ang pang-apat na pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang ipamuhay ang ating pananampalataya—ang malayang paggamit ng pananampalataya hindi lamang sa tahanan at chapel kundi sa mga pampublikong lugar din” (“Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 112).

Ibuod ang apat na pundasyon o aspetong ito sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod:

Kalayaang maniwala, magbahagi, bumuo, at magpamuhay.

  • Paano nahahadlangan ng restriksyon sa alinman sa apat na aspetong ito ang mga oportunidad natin na umunlad sa espirituwal?

  • Paano nakaapekto sa inyong buhay ang mga aspetong ito ng kalayaang pangrelihiyon?

Alma 2:1–10, 12, 27–28; 44:1–5; 46:4–5, 10–16, 19–22

Pangangalaga sa kalayaang pangrelihiyon

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference, at ipaliwanag na ang mga scripture passage na ito ay naglalaman ng mga halimbawa ng mga banta sa kalayaang pangrelihiyon:

Alma 2:1–4

Alma 46:4–5, 10

Sabihin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang unang scripture passage at sa natitirang kalahati ng klase ang pangalawang scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang layunin ng mga taong nagbanta sa kalayaang pangrelihiyon.

  • Ayon sa mga scripture passage na ito, ano ang mga layunin nina Amlici at Amalikeo?

  • Paano nakaapekto sa mga lipunan ang pagkawala ng kalayaang pangrelihiyon sa mga talang ito?

Idagdag ang sumusunod na bold text sa mga scripture reference na nasa pisara:

Alma 2:1–4, 5–10, 12, 27–28

Alma 46:4–5, 10, 11–16, 19–22

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talata na idinagdag sa scripture passage na binasa nila, at sabihin sa kanila na alamin ang ginawa ng mabubuting tao upang maprotektahan ang kanilang kalayaang pangrelihiyon.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga scripture passage na ito tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalayaang pangrelihiyon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Tungkulin nating ipagtanggol ang ating mga pamilya, ang ating relihiyon, at kalayaan. Kung mananalangin tayo sa Diyos at makikipagtipan na susundin ang Kanyang mga kautusan, tayo ay Kanyang palalakasin sa pagtatanggol sa ating mga karapatan at relihiyon.)

Kung may oras pa, maaari mo ring basahin ang Alma 44:1–5 sa klase at talakayin kung paano napalakas ang mga Nephita ng kanilang pananampalataya laban kay Zerahemnas at sa mga Lamanita.

  • Sa Aklat ni Mormon, madalas manganib ang kalayaang pangrelihiyon sa pamamagitan ng pag-uusig at digmaan. Paano nagbabanta ang mga indibiduwal at grupo sa kalayaang pangrelihiyon ngayon?

Kung kailangan para masagot ang tanong na ito, basahin ang sumusunod na pahayag tungkol sa pagdami ng banta sa kalayaang pangrelihiyon sa Estados Unidos. Ipaliwanag na samantalang ang pahayag na ito ay may kinalaman sa mga problema lalo na ng Amerika, marami pang ibang bansa ang nakararanas ng ganitong mga problema sa kalayaang pangrelihiyon. (Paalala: Gamitin lamang ang pahayag na ito upang magbigay ng halimbawa kung paano tinatangkang supilin ang kalayaang pangrelihiyon. Huwag hayaang mauwi ito sa talakayan tungkol sa mga karapatan ng mga homoseksuwal o iba pang isyu sa pulitika.)

“Ang mga problema sa kalayaang pangrelihiyon ay maraming pinagmumulan. Ang pag-usbong ng adbokasiya para sa mga karapatan ng mga homoseksuwal ay nagpabago sa kalayaang pangrelihiyon sa maraming paraan. Ang mga pagbabago sa pangangalaga ng kalusugan ay banta sa mga taong naniniwala sa kasagraduhan ng buhay. Ang mga ito at ang iba pang mga pangyayari ay nagdudulot ng problema sa mga organisasyong pangrelihiyon at sa mga taong maka-Diyos. Ang mga ito ay banta … na maglilimita sa paraan kung paano pamamahalaan ng mga organisasyong pangrelihiyon ang kanilang gawain at ari-arian. Ang mga ito ay nag-uudyok ng paggamit ng pamimilit o karahasan laban sa mga unibersidad, paaralan at serbisyong panlipunan na may kaugnayan sa relihiyon. … Sa mga ito at sa iba pang mga kalagayan, nakikita natin na ang kalayaang pangrelihiyon at kalayaang pumili ayon sa dikta ng sariling konsiyensya ay unti-unti at patuloy na humihina” (“An Introduction to Religious Freedom,” mormonnewsroom.org/article/introduction-religious-freedom).

Ipaliwanag na ang Simbahan ay naniniwala sa pagiging pantay-pantay ng lahat ng tao. Sinusunod ang Saligan ng Pananampalataya 1:11, dapat nating angkinin ang ating karapatang pangrelihiyon sa patas at balanseng paraan na nirerespeto rin ang mga karapatan at interes ng ibang tao (tingnan sa “Mormon Leaders Call for Laws That Protect Religious Freedom,” mormonnewsroom.org/article/church-news-conference-on-religious-freedom-and-nondiscrimination).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):

Propetang Joseph Smith

“Kung naipamalas na na handa akong mamatay para sa isang ‘Mormon,’ matapang kong ipinahahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili.

“Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 404).

  • Bakit mahalagang pangalagaan ang kalayaang pangrelihiyon para sa lahat ng tao at hindi lamang ang para sa mga Banal sa mga Huling Araw? (Ang pangangalagang iyon ay magiging dahilan para magamit ng ibang tao ang kanilang kalayaan ayon sa plano ng Diyos at magkaroon ng payapa at mabuting lipunan. Kung nais nating maproptektahan at maigalang ang ating mga paniniwala sa relihiyon, dapat nating protektahan at igalang ang mga paniniwala ng iba.)

  • Ano ang ilang angkop na paraan na maaari nating gawin para mapangalagaan at mapalakas ang ating kalayaang pangrelihiyon?

Upang masagot ang tanong na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales:

Elder Robert D. Hales

“Mga kapatid, responsibilidad nating pangalagaan ang banal na mga kalayaan at karapatang ito para sa ating sarili at sa ating mga inapo. Ano ang maaari nating gawin?

“Una, tayo ay maaaring maging maalam. Alamin ang mga bagay na nangyayari sa inyong komunidad na maaaring magkaroon ng epekto sa kalayaan sa relihiyon.

“Pangalawa, sa inyong sariling kakayahan, makiisa sa iba na may dedikasyon sa kalayaan sa relihiyon na tulad natin. Magtulungan upang mapangalagaan ang kalayaan sa relihiyon.

“Pangatlo, mamuhay sa paraang kayo ay magiging mabuting halimbawa ng inyong pinaniniwalaan—sa salita at gawa. Ang uri ng pamumuhay ng ating relihiyon ay mas mahalaga kaysa sinasabi natin tungkol sa ating relihiyon” (“Pangangalaga sa Kalayaan,” 112).

  • Paano kayo magkakaroon ng kaalaman sa mga isyung nakakaapekto sa kalayaang pangrelihiyon sa inyong komunidad?

  • Anong iba pang mga grupo sa inyong lugar ang may pagnanais ding tulad ninyo na mapangalagaan ang kalayaang pangrelihiyon?

  • Ano ang ginagawa ninyo o nakikitang ginagawa ng iba para masuportahan ang kalayaang pangrelihiyon?

Ipaalam sa mga estudyante ang mga resources tungkol sa kalayaang pangrelihiyon na makukuha sa mormonnewsroom.org. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang maaari nilang gawin para masuportahan at maipagtanggaol ang kalayaang pangrelihiyon, at ibahagi ang iyong patotoo na papatnubayan sila ng Ama sa Langit sa kanilang mga pagsisikap.

Mga Babasahin ng mga Estudyante