Pangkalahatang Kumperensya
Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


15:54

Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan

Ang mga banal na kasulatan ay malinaw na nagtuturo ng pinagmulan at pangangailangan para sa isang simbahan na pinamumunuan ng ating Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad.

Maraming taon na ang nakalipas, si Elder Mark E. Petersen, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsimula sa kanyang mensahe sa halimbawang ito:

“Si Kenneth at ang kanyang asawang si Lucille ay mabubuting tao, tapat at matwid. Gayunman, hindi sila nagsisimba, at pakiramdam nila ay magiging maayos sila nang wala ito. Tinuturuan nila ang kanilang mga anak ng katapatan at kabanalan at sinasabi nila sa kanilang sarili na iyan ang lahat ng magagawa ng Simbahan para sa kanila.

“At, iginigiit pa nila na kailangan nila ang kanilang Sabado’t Linggo para sa paglilibang ng pamilya … [at] ang aktibong pagdalo sa simbahan ay makasasagabal sa kanilang paglilibang.”1

Ngayon, ang mensahe ko ay para sa mabubuti at relihiyosong tao na tumigil sa pagdalo o pakikibahagi sa kanilang mga simbahan.2 Kapag sinasabi kong “mga simbahan,” isinasama ko ang mga sinagoga, mosque, o iba pang organisasyong pangrelihiyon. Nag-aalala kami na ang pagdalo sa lahat ng ito ay nabawasan nang malaki, sa mga bansa.3 Kung hindi na natin pinahahalagahan ang ating mga simbahan sa anumang kadahilanan, inilalagay natin sa panganib ang ating sariling espirituwal na buhay, at ang malaking bilang ng mga tao na inihihiwalay ang kanilang sarili sa Diyos ay nakababawas ng Kanyang mga pagpapala sa ating mga bansa.

Ang pagdalo at aktibidad sa simbahan ay tumutulong sa atin na maging mas mabubuting tao at mabubuting impluwensya sa buhay ng iba. Sa simbahan itinuturo sa atin kung paano ipamumuhay ang mga espirituwal na alituntunin. Natututo tayo sa isa’t isa. Ang isang nakahihikayat na halimbawa ay mas epektibo kaysa sa isang sermon. Lumalakas tayo sa pakikisalamuha sa mga taong kapareho natin ng paniniwala. Sa pagdalo at pakikibahagi sa simbahan, ang ating puso, tulad ng sinasabi sa Biblia ay, “[n]agkakaisa sa pag-ibig.”4

I.

Ang mga banal na kasulatan na ibinigay ng Diyos sa mga Kristiyano na nasa Biblia at sa makabagong paghahayag ay malinaw na nagtuturo na kailangan ang isang simbahan. Kapwa ipinapakita nito na nagtatag si Jesucristo ng isang simbahan at pinlano na ang simbahan ang siyang magpapatuloy ng Kanyang gawain. Siya ay tumawag ng Labindalawang Apostol at binigyan sila ng awtoridad at mga susi upang pamahalaan ito. Itinuturo ng Biblia na si Jesucristo ang “ulo ng iglesya”5 at ang mga pinuno nito ay ibinigay “[para sa ikasasakdal ng] mga banal, [para] sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.”6 Talagang nilinaw sa Biblia ang pinagmulan ng simbahan at ang pangangailangan para dito ngayon.

Sinasabi ng ilan na ang pagdalo sa mga miting sa simbahan ay hindi nakatutulong sa kanila. Sabi ng iba, “Wala akong natutuhan ngayon” o “Walang kumausap sa akin” o “Sumama ang loob ko.” Ang mga personal na kabiguan ay hindi dapat humadlang sa atin sa doktrina ni Cristo, na nagturo sa atin na maglingkod, hindi para paglingkuran.7 Isinasaisip ito, inilarawan ng isa pang miyembro ang layunin niya sa pagsisimba:

“Ilang taon na ang nakalipas, binago ko ang pag-uugali ko tungkol sa pagsisimba. Hindi na ako pumupunta sa simbahan para sa sarili ko, kundi para sa iba. Nagpasiya akong batiin ang mga taong mag-isang nakaupo, kausapin ang mga bisita, … magboluntaryo sa isang gawain. …

“Sa madaling salita, pumupunta ako sa simbahan kada linggo para maging aktibo, hindi para walang gawin, at makagawa ng mabuti sa buhay ng mga tao.”8

Pagbati sa mga nasa simbahan

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na “hindi tayo pumupunta sa mga miting ng Sabbath para maaliw o matagubilinan lamang. Pumupunta tayo para sambahin ang Panginoon. Ito ay responsibilidad ng bawat isa. … Kung hindi kayo nasisiyahan sa mga miting na ito, kayo ang nabigo. Walang ibang makasasamba para sa inyo; kayo ang dapat gumawa ng sarili ninyong paghihintay sa Panginoon.”9

Ang pagdalo sa Simbahan ay magbubukas ng ating puso at magpapabanal ng ating kaluluwa.

Pulong ng ward council

Sa simbahan hindi lang tayo naglilingkod nang mag-isa o sa sarili nating pagpili o kaginhawahan. Karaniwan tayong naglilingkod bilang isang grupo. Kapag naglilingkod tayo, nabibigyan tayo ng mga pagkakataong makipagtulungan. Ang paglilingkod na ginagabayan ng Simbahan ay tumutulong sa atin na madaig ang ating pagkamakasarili na makahahadlang sa ating espirituwal na pag-unlad.

May iba pang mahahalagang kapakinabangan na babanggitin ko nang maikli. Sa simbahan nakikihalubilo tayo sa mabubuting tao na nagsisikap na maglingkod sa Diyos. Nagpapaalala ito sa atin na hindi tayo nag-iisa sa ating mga gawaing pangrelihiyon. Kailangan nating lahat na makisalamuha sa iba, at ang mga samahan sa simbahan ay ilan sa pinakamabubuting mararanasan natin, para sa atin at sa ating asawa at mga anak. Kung wala ang mga samahang iyon, lalo na sa mga anak at matatapat na magulang, ipinapakita sa pananaliksik na lalong mahihirapan ang mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa kanilang relihiyon.10

II.

Natalakay ko na ang tungkol sa mga simbahan sa pangkalahatan. Ngayon naman ay tatalakayin ko ang espesyal na mga kadahilanan kung bakit kinakailangan ang pagiging miyembro, pagdalo, at pakikibahagi sa ipinanumbalik na simbahan ng ating Tagapagligtas, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Salt Lake Temple

Pinatototohanan natin na ang mga banal na kasulatan, noon at ngayon, ay malinaw na nagtuturo ng pinagmulan at pangangailangan para sa isang simbahan na pinamumunuan ng ating Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad. Pinatototohanan din natin na ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay itinatag upang ituro ang kabuuan ng Kanyang doktrina at gamitin ang Kanyang awtoridad ng priesthood upang maisagawa ang mga ordenansang kinakailangan para makapasok sa kaharian ng Diyos.11 Ang mga miyembrong hindi dumadalo sa Simbahan at umaasa lamang sa sariling espirituwalidad ay inihihiwalay ang kanilang sarili sa mahahalagang bahaging ito ng ebanghelyo: ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood, ang kabuuan ng ipinanumbalik na doktrina, at ang mga motibasyon at oportunidad na ipamuhay ang doktrinang iyon. Nawala sa kanila ang pagkakataon na maging karapat-dapat sa walang hanggang pagsasama ng pamilya.

Ang isa pang malaking kapakinabangan ng ipinanumbalik na Simbahan ay tinutulungan tayo nitong umunlad sa espirituwal. Ang ibig sabihin ng pag-unlad ay pagbabago. Sa espirituwal na kahulugan, ito ay pagsisisi at pagsisikap na mas lumapit sa Panginoon. Sa ipinanumbalik na Simbahan mayroon tayong doktrina, pamamaraan, at inspiradong mga lider na tumutulong sa atin na magsisi. Ang layunin nila, maging sa mga council para sa mga miyembro, ay hindi para magparusa, at hindi ito tulad ng hatol ng isang criminal court. Ang mga miyembro ng mga council ng Simbahan ay mapagmahal na nagsisikap na tulungan tayo na maging karapat-dapat sa awa ng pagpapatawad na makakamtan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

mga couple missionary
Naglalakad papunta sa templo

Ang sariling espirituwalidad ay bihirang makapagbigay ng motibasyon at paraan para sa di-makasariling paglilingkod na inilaan ng ipinanumbalik na Simbahan. Ang magagandang halimbawa nito ay ang mga kabataang lalaki at babae at senior couple na isinantabi ang kanilang pag-aaral o pagreretiro para magmisyon. Nagtatrabaho sila bilang mga missionary sa mga hindi pamilyar na lugar na hindi nila pinili. Totoo rin ito sa matatapat na miyembro na nakikibahagi sa di-makasariling paglilingkod na tinatawag nating “gawain sa templo.” Hindi magiging posible ang paglilingkod na ito kung hindi ito itinataguyod, inoorganisa, at pinamamahalaan ng Simbahan.

Ang pananampalataya at paglilingkod ng ating mga miyembro sa Simbahan ang nagturo sa kanila kung paano makipagtulungan sa iba upang makinabang ang mas malaking komunidad. Ang gayong uri ng karanasan at pag-unlad ay hindi nangyayari sa pagkakanya-kanya na laganap sa lipunan ngayon. Sa lugar na sakop ng ating mga lokal na ward, nakikihalubilo at nakikipagtulungan tayo sa mga taong maaaring hindi natin pinili, mga taong nagtuturo at sumusubok sa atin.

Bukod pa sa pagtulong sa atin na matutuhan ang mga espirituwal na katangian tulad ng pagmamahal, pagkahabag, pagpapatawad, at pagtitiis, binibigyan tayo nito ng mga pagkakataong matutuhan kung paano makipagtulungan sa mga taong magkakaiba ng pinagmulan at gusto. Ang kapakinabangang ito ay nakatulong sa marami sa ating miyembro at maraming organisasyon ang napagpala ng kanilang pakikibahagi. Kilala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang kakayahang mamuno at makiisa sa mga gawaing nangangailangan ng pagtutulungan. Ang tradisyong iyan ay nagmula sa ating magigiting na pioneer na nanirahan sa Intermountain West at nagtatag ng ating mabuting tradisyon na di-makasariling pagtulong para sa kabutihan ng lahat.

Helping Hands project

Karamihan sa mga gawaing pangkawanggawa ay kailangang maisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng resources ng mga indibiduwal at pagtutulungan sa malawakang paglilingkod. Ginagawa ito ng ipinanumbalik na Simbahan sa pamamagitan ng napakaraming pagkakawanggawa nito sa buong mundo. Kabilang dito ang mga kagamitang pang-edukasyon at medikal, pagpapakain sa nagugutom, pangangalaga sa mga refugee, pagtulong na magamot ang mga epekto ng adiksiyon, at marami pang iba. Kilala ang mga miyembro ng ating Simbahan sa kanilang mga proyektong Helping Hands sa mga nasalanta ng kalamidad. Dahil miyembro tayo ng Simbahan, nagiging bahagi tayo ng gayon kalaking gawain. Ang mga miyembro ay nagbabayad din ng mga handog-ayuno upang matulungan ang mga maralita sa lugar nila.

Pagtanggap ng sakramento

Bukod pa sa nadaramang kapayapaan at kagalakan sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu, tinatamasa ng mga miyembrong dumadalo sa Simbahan ang mga bunga ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo, tulad ng mga pagpapala sa pagsunod sa Word of Wisdom at ang temporal at espirituwal na pag-unlad na ipinangako sa pagsunod sa batas ng ikapu. Pinagpapala rin tayo sa pagsunod sa mga payo ng mga inspiradong lider.

Ang pinakamagandang pagpapala na natatanggap natin ay ang mga ordenansang isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na kailangan para sa kawalang-hanggan, kabilang na ang sakramento na natatanggap natin tuwing araw ng Sabbath. Ang pinakadakilang ordenansa sa ipinanumbalik na Simbahan ay ang walang hanggang tipan ng kasal, na ginagawang posible ang pagpapatuloy ng maluwalhating ugnayan ng pamilya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang alituntuning ito sa di-malilimutang paraan. Sinabi niya: “Hindi maaaring pangarapin lang natin na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Dapat nating sundin ang mga batas kung saan nakasalalay ang mga pagpapalang iyon.”12

Isa sa mga batas na iyon ay ang sumamba sa simbahan tuwing araw ng Sabbath.13 Ang ating pagsamba at pamumuhay nang ayon sa mga walang hanggang alituntunin ay naglalapit sa atin sa Diyos at nagpapaibayo ng ating kakayahang magmahal. Si Parley P. Pratt, isa sa mga orihinal na Apostol sa dispensasyong ito, ay inilarawan ang nadama niya nang ipaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang mga alituntuning ito: “Nadama ko na ang Diyos ay talagang aking Ama sa langit; na si Jesus ay aking kapatid, at ang mahal kong asawa ay isang imortal, at makakasama ko sa kawalang-hanggan; isang mabait na anghel, na ibinigay sa akin para panatagin ako, at putong ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan. Sa madaling salita, ngayon ay maaari na akong magmahal nang may lubos na sigla at pang-unawa rin.”14

Magtatapos ako na ipinapaalala sa lahat na hindi tayo naniniwala na ang kabutihan ay maisasakatuparan sa pamamagitan lamang ng isang simbahan. Nakikita natin ang napakaraming tao na sumusuporta at nagsasagawa ng di-mabilang na mabubuting gawa na hindi inorganisa ng isang simbahan. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay indibiduwal na nakikibahagi sa marami sa mga ito. Nakikita natin ang mga gawaing ito bilang pagpapahayag ng walang hanggang katotohanan na “ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”15

Sa kabila ng mabubuting gawa na maisasakatuparan nang walang simbahan, ang kabuuan ng doktrina at nakapagliligtas at nakapagpapadakilang mga ordenansa nito ay matatamo lamang sa ipinanumbalik na Simbahan. Dagdag pa rito, ang pagdalo sa Simbahan ay nagbibigay sa atin ng lakas at pag-unlad ng pananampalataya na nagmumula sa pakikihalubilo sa iba pang mga mananampalataya at pagsamba kasama ang mga taong nagsisikap ding manatili sa landas ng tipan at maging mas mabubuting disipulo ni Cristo. Dalangin ko na maging matatag tayong lahat sa mga karanasang ito sa Simbahan habang sinisikap nating matamo ang buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mark E. Petersen, “Eternal Togetherness,” Ensign, Nob. 1974, 48.

  2. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 108–11.

  3. Tingnan sa Jeffrey M. Jones, “U.S. Church Membership Falls below Majority for First Time,” Gallup, Mar. 29, 2021, news.gallup.com/poll/341963/church-membership-falls-below-majority-first-time.aspx.

  4. Colosas 2:2.

  5. Tingnan sa Efeso 5:23–24.

  6. Efeso 4:12.

  7. Tingnan sa Santiago 1:27.

  8. Mula kay Mark Skousen para kay Dallin H. Oaks, Feb. 15, 2009.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 208.

  10. Tingnan sa Elizabeth Weiss Ozotak, “Social and Cognitive Influences on the Development of Religious Beliefs and Commitment in Adolescence,” Journal for the Scientific Study of Religion, vol. 28, no. 4 (Dec. 1989), 448–63.

  11. Tingnan sa Juan 3:5.

  12. Russell M. Nelson, “Ngayon ang Panahon Para Maghanda,” Liahona, Mayo 2005, 18.

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9.

  14. Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. (1938), 298.

  15. Doktrina at mga Tipan 84:46; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 58:27–28.