Pangkalahatang Kumperensya
Araw-araw na Pagbabalik-loob
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


13:43

Araw-araw na Pagbabalik-loob

Kailangan natin ang patuloy na liwanag mula sa langit araw-araw. Kailangan natin ang panahon na “mapawi ang kasalanan.” Mga oras ng personal na pagbabalik-loob.

Nagtitipon tayo sa magandang umaga ng Sabbath na ito upang mangusap tungkol kay Cristo, magalak sa Kanyang ebanghelyo, at suportahan at tulungan ang bawat isa habang tinatahak natin “ang daan” ng ating Tagapagligtas.1

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagtitipon tayo para sa layuning ito tuwing araw ng Sabbath sa loob ng buong taon. Kung hindi kayo miyembro ng Simbahan, malugod namin kayong binabati at nagpapasalamat kami sa pagsama ninyo sa amin na sambahin ang Tagapagligtas at matuto sa Kanya. Katulad ninyo, nagsisikap kami—bagama’t sa hindi perpektong paraan—na maging mas mabubuting kaibigan, kapitbahay, at tao,2 at nagsisikap kaming gawin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa ating Huwaran na si Jesucristo.

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo

Sana’y nadarama ninyo ang katapatan ng aming patotoo. Buhay si Jesucristo! Siya ang Anak ng buhay na Diyos, at pinapatnubayan Niya ang mga propeta sa mundo ngayon. Inaanyayahan namin ang lahat na pumarito, pakinggan ang salita ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang kabutihan! Pinatototohanan ko na kasama natin ang Diyos at tunay na lalapit Siya sa lahat ng magsisilapit sa Kanya.3

Isang karangalan para sa amin na tahaking kasama ninyo ang makipot at makitid na landas ng pagkadisipulo ng Maestro.

Ang Kasanayan ng Paglalakad ng Diretso

May teorya na madalas paulit-ulit marinig na ang mga taong naliligaw ay naglalakad nang paikut-ikot lang sa isang lugar. Kamakailan lamang, sinubukan ng mga siyentipiko sa Max Planck Institute for Biological Cybernetics ang teoryang iyon. Dinala nila ang mga kalahok sa eksperimento sa isang makapal na kagubatan at binigyan sila ng mga simpleng tagubilin: “Maglakad nang pa-diretso.” Walang makikitang mga tanda sa daan. Kinailangang umasa ang mga kalahok sa sarili nilang sentido sa pagtukoy ng direksyon.

Ano sa tingin ninyo ang nangyari?

Pagtitibay ng mga siyentipiko, “Tunay na naglalakad nang paikut-ikot ang mga tao kapag wala silang maaasahang mga tanda sa direksyon na patutunguhan nila.”4 Nang tanungin pagkatapos ng eksperimento, may kumpiyansang sinabi ng ilan sa mga kalahok na hindi sila nagpaikut-ikot saglit man lamang. Sa kabila ng kanilang kumpiyansa, nakita sa datos ng GPS na naglakad sila nang paikut-ikot ng may distansyang 20 metro mula sa magkabilang dulo ng bilog.

Bakit napakahirap sa ating maglakad nang diretso? May haka-haka ang ilang mananaliksik na ang maliliit at tila ‘di-mahalagang pagbabago sa paligid ang dahilan. Ang ilan ay nagsasabing dahil ito sa katotohanang mas malakas ang isang binti natin kaysa sa isa pa. Gayunpaman, “mas malamang” na nahihirapan tayong maglakad nang diretso “[dahil] sa tumitinding ‘di-kasiguraduhan kung saan patungo ang diretso.”5

Anuman ang dahilan, likas sa tao na: kung walang maaasahang mga tanda sa daan, naliligaw tayo.

Ang Maligaw mula sa Daan

Hindi ba’t nakatutuwang isipin kung paanong ang maliliit at tila ‘di-mahahalagang bagay ay maaaring makagawa ng malaking kaibahan sa buhay natin?

Alam ko ito mula sa aking personal na karanasan bilang isang piloto. Sa tuwing malapit na ako sa paliparan, alam ko na karamihan sa natitira kong gawain ay kinabibilangan ng patuloy na paggawa ng maliliit na pagwawasto sa kurso upang ligtas kong madala ang eroplano sa dapat nitong paglapagan.

Maaaring may katulad kayong karanasan sa pagmamaneho ng sasakyan. Ang lakas ng hangin, mga baku-bako sa daan, hindi perpektong pagkakapuwesto ng gulong, kakulangan sa atensyon—at banggitin pa ang kilos ng ibang mga drayber—lahat ng iyan ay maaari kayong ilayo sa gusto ninyong puntahan. Kapag nabigo kayong bigyan ng atensyon ang mga ito, maaaring maging hindi maganda ang inyong araw.6

Sasakyan sa pool

Pisikal na nangyayari ito sa atin.

Espirituwal na nangyayari din ito sa atin.

Karamihan sa mga pagbabago sa espirituwal na buhay natin—positibo at negatibo—ay nangyayari nang paunti-unti, sa paisa-isa ng hakbang. Katulad ng mga kalahok sa pag-aaral sa Max Planck, maaaring hindi natin napapansin na naliligaw na pala tayo. Maaari ngang mataas pa ang kumpiyansa natin na naglalakad tayo nang diretso. Ngunit ang katotohanan ay, kung walang mga tanda sa daan na gagabay sa atin, tuluyan tayong maliligaw at mapupunta sa mga lugar na hindi natin naisip na mapupuntahan natin.

Totoo ito para sa mga indibiduwal. Totoo rin ito para sa mga lipunan at bansa. Punung-puno ang mga banal na kasulatan ng mga halimbawa.

Nasasaad sa aklat ng Mga Hukom na pagkatapos mamatay ni Josue “may ibang salinlahing bumangon … na hindi kilala ang Panginoon, ni ang mga bagay na kanyang ginawa para sa Israel.”7

Sa kabila ng mga kamangha-manghang pamamagitan, pagbisita, at pagsaklolo ng langit, at mahimalang tagumpay na nasaksihan ng mga anak ni Israel noong buhay pa sina Moises at Josue, sa loob ng isang henerasyon ay tinalikuran ng mga tao ang Daan at nagsimulang gawin ang mga bagay na gusto nila. Siyempre pa, hindi nagtagal at pinagbayaran nila ang ganoong pag-uugali.

Kung minsan, lumilipas nang ilang henerasyon ang pagtalikod na ito. Kung minsan nangyayari ito sa loob lamang ng ilang taon o buwan.8 Ngunit maaaring mapagdaanan nating lahat ito. Gaano man kalakas ang ating espirituwal na mga karanasan sa nakaraan, bilang mga tao, maaaring malihis pa rin tayo. Iyon ay paulit-ulit na nangyayari mula pa sa mga araw ni Adan hanggang ngayon.

Narito ang Mabuting Balita

Ngunit may pag-asa pa. Hindi katulad ng mga naligaw na kalahok sa eksperimento, mayroon tayong maaasahan at nakikitang mga tanda sa daan na magagamit natin upang suriin ang ating daan.

At ano ang mga tandang ito sa daan?

Siyempre pa’t kasama rito ang pagdarasal araw-araw at pagninilay sa mga banal na kasulatan at paggamit ng inspiradong mga kagamitan tulad ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Bawat araw, makalalapit tayo sa trono ng Diyos nang may pagpapakumbaba at katapatan. Maaari nating pagnilayan ang ating mga kilos at muling balikan ang mga sandali ng araw natin—iniisip ang ating mga kagustuhan at pagnanais mula sa Kanyang pananaw. Kung naliligaw tayo, nakikiusap tayo sa Panginoon na ituwid tayo, at nangangako tayong mas pagbubutihin pa.

Inaakay ng Tagapagligtas ang Kanyang tupa

Ang oras na ito ng pag-iisip ay isang oportunidad para magsimulang muli. Ito ay isang halamanan [panahon] ng pagbabalik-tanaw kung saan makapaglalakad tayo kasama ang Panginoon at matatagubilinan, mapalalakas, at madadalisay ng nakasulat at inihayag-ng-Espiritu na salita ng ating Ama sa Langit. Ito ay sagradong oras kung kailan inaalala natin ang ating taimtim na mga tipan na sundin ang maamong si Cristo, kung kailan sinusuri natin ang ating progreso at itinutuwid ang ating sarili ayon sa mga espirituwal na tanda sa daan na inilaan ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Isipin na ito ay inyong personal at pang-araw-araw na pagbabalik-loob. Sa ating paglalakbay sa landas ng kaluwalhatian, alam natin kung gaano kadaling tumalikod. Ngunit katulad ng maliliit na paglihis na maaari tayong ilayo sa Daan ng Tagapagligtas, maibabalik din tayo ng maliliit at simpleng pagtuwid. Kapag pinadidilim ng takot o pagdududa ang buhay natin, katulad ng madalas mangyari, ang ating araw-araw na pagbabalik-loob ay binubuksan ang ating puso sa liwanag ng langit, na umiilaw sa ating mga kaluluwa at itinataboy ang mga anino, takot, at pagdududa.

Maliliit na Timon, Malalaking Barko

Kung hinahanap natin ito, siguradong “ang Diyos ay magbibigay sa [atin] ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo.”9 Kasindalas ng paghiling natin, ituturo Niya sa atin ang Daan at tutulungan tayong sundan ito.

Siyempre pa, kailangan nito ang patuloy na pagsisikap natin. Hindi tayo maaaring makuntento sa espirituwal na mga karanasan ng nakaraan. Kailangan natin ng patuloy na pagdaloy nito.

Hindi tayo laging makakaasa sa patotoo ng ibang tao. Kailangang magkaroon tayo ng sarili nating patotoo.

Kailangan natin ang patuloy na liwanag mula sa langit araw-araw.

Kailangan natin ang panahon na “mapawi ang kasalanan.”10 Mga oras ng personal na pagbabalik-loob.

Hindi “mananatiling marumi” ang “umaagos na tubig.”11 Upang mapanatiling dalisay ang ating mga iniisip at ikinikilos, kailangan nating sumulong!

Kung tutuusin, ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at ng Simbahan ay hindi rin isang minsanang pangyayari. Ito ay nagpapatuloy na proseso—nang paisa-isang araw, nang paisa-isang puso.

Sa paglipas ng mga araw, lumilipas din ang ating buhay. Isang manunulat ang naglarawan ng ganito: “Ang isang araw ay parang isang buong buhay. Nagsisimula kang may ginagawang isang bagay, ngunit magtatapos na may ginagawang iba, nagpaplano na gawin ang isang gawain, ngunit hindi ito nagagawa. … At sa pagtatapos ng iyong buhay, ang kabuuan ng iyong buhay ay may ganoon ding kalidad ng pakikipagsapalaran. Ang iyong buong buhay ay pareho ng takbo ng isang araw.”12

Gusto mo bang baguhin ang takbo ng iyong buhay?

Baguhin ang takbo ng iyong araw.

Nais mo bang baguhin ang iyong araw?

Magbago sa oras na ito.

Baguhin ang iniisip, nadarama, at ginagawa mo ngayon mismo.

Ang isang maliit na timon ay kayang gabayan ang isang malaking barko.13

Ang maliliit na piraso ng laryo ay makabubuo ng magagarang mansyon.

Ang maliliit na binhi ay maaaring maging higanteng mga sequioa.

Ang mga minuto at oras na ginamit nang mabuti ang bumubuo ng mabuting buhay. Magdudulot ang mga ito ng kabutihan, magpapalaya sa atin mula sa pagiging alipin ng ating mga kahinaan, at gagabayan tayo tungo sa landas ng kapatawaran at kabanalan.

Ang Diyos ng mga Bagong Simula

Kasama ninyo, nagpapasalamat ako sa napakagandang kaloob ng bagong oportunidad, bagong buhay, at bagong pag-asa.

Itinataas natin ang ating mga tinig sa pagbibigay-puri sa ating mapagbigay at mapagpatawad na Diyos. Sapagkat tunay na Siya ay isang Diyos ng mga bagong simula. Ang dakilang layunin ng Kanyang mga gawa ay tulungan tayo, ang Kanyang mga anak, na magtagumpay sa ating mga pagsisikap na makamit ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.14

Maaari tayong maging bagong mga nilalang kay Cristo, sapagkat ipinangako ng Diyos, “Kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin”15 at “hindi na naaalaala ang mga ito.”16

Minamahal na mga kapatid, mga kaibigan, lahat tayo ay naliligaw paminsan-minsan.

Ngunit makababalik tayo sa tamang landas. Maaari nating malampasan ang mga kadiliman at pagsubok ng buhay na ito at mahanap ang daan pabalik sa ating mapagmahal na Ama sa Langit kung hahanapin at tatanggapin natin ang espirituwal na mga tanda sa daan na ibinigay Niya, yayakapin ang personal na paghahayag, at magsisikap na gawin ang araw-araw na pagbabalik-loob. Sa ganitong paraan tayo nagiging tunay na mga disipulo ng ating minamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa paggawa nito, ngingiti ang Diyos sa atin. “Ang Panginoon ay … pagpapalain ka sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos. Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan para sa kanya.”17

Dalangin ko na gawin natin ang araw-araw na pagbabalik-loob at magpatuloy sa pagsisikap natin na tahakin ang Daan ni Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Itinuro ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Nakapaloob sa NIV First-Century Study Bible ang paliwanag na ito: “Ang paglalarawan sa landas o daan sa Biblia ng mga Hebreo ay kadalasang sumasagisag sa pagsunod sa mga kautusan o turo ng Diyos [tingnan sa Mga Awit 1:1; 16:11; 86:11]. Ito ay pangkaraniwan at sinaunang talinghaga na nangangahulugang pakikilahok sa isang hanay ng mga paniniwala, turo, o gawi. Ang Dead Sea Scrolls community ay tinawag ang kanilang mga sarili na tagasunod ng ‘daan,’ na nangangahulugang mga tagasunod sila ng sarili nilang interpretasyon ng daan na ikinalulugod ng Diyos. Si Pablo at ang mga naunang Kristiyano ay tinawag din ang kanilang sarili na ‘[mga] tagasunod ng Daan’ [tingnan sa Mga Gawa 24:14]” (sa “What the Bible Says about the Way, the Truth, and the Life,” Bible Gateway, biblegateway.com/topics/the-way-the-truth-and-the-life).

    Noong 1873, isang sinaunang aklat na pinamagatang Didache ang natagpuan sa silid-aklatan ng patriyarka ng Jerusalem sa Constantinople. Maraming mga iskolar ang naniniwala na isinulat at ginamit ito noong huling bahagi ng unang siglo (AD 80-100). Nagsisimula ang Didache sa mga salitang ito: “May dalawang daan, ang daan ng buhay at daan ng kamatayan, ngunit may malaking pagkakaiba ang dalawang daan na ito. Ang daan ng buhay, kung gayon, ay ito: Una, mahalin ang Diyos na lumikha sa iyo; pangalawa, ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Teaching of the Twelve Apostles, trans. Roswell D. Hitchcock and Francis Brown [1884], 3).

    Tinutukoy ng iba pang mga source, tulad ng The Expositor’s Bible Commentary na “sa unang mga taon ng simbahan, ang mga tumanggap sa pagiging Mesias ni Jesus at tinanggap siya bilang kanilang Panginoon ay tinawag ang kanilang sarili na mga tagasunod ng ‘Daan’ [tingnan sa Mga Gawa 19:9, 23; 22:4; 24:14, 22]” (ed. Frank E. Gaebelein at iba pa [1981], 9:370).

  2. Tingnan sa Mosiah 2:17.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63.

  4. “Walking in Circles,” Ago. 20, 2009, Max-Planck-Gesellschaft, mpg.de.

  5. “Walking in Circles,” mpg.de. Ipinapakita ng imaheng ito ang GPS tracking ng apat na kalahok sa pagsasaliksik. Tatlo sa kanila ay naglakad sa maulap na araw. Ang isa sa kanila (SM) ay nagsimulang maglakad habang natatakpan ng mga ulap ang araw, ngunit nawala ang mga ulap makalipas ng 15 minuto, at nakita nito paminsan-minsan ang sikat ng araw. Pansinin na nang hindi na natatakpan ang araw, mas matagumpay na nakapaglakad nang diretso ang kalahok.

  6. Para sa isang halimbawa ng trahedya kung paanong ang paglihis ng dalawang antas lamang ay nagpabagsak sa isang pampasaherong eroplano sa Mount Erebus sa Antarctica, kung saan 257 katao ang namatay, tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Liahona, Mayo 2008, 57–60.

  7. Mga Hukom 2:10.

  8. Pagkatapos ng pagbisita ni Cristo sa Amerika, tunay na nagsisi ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, nagpabinyag, at natanggap ang Espiritu Santo. Kung dati ay palaaway at mapagmataas silang mga tao, ngayon ay “hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa” (4 Nephi 1:2). Ang panahon na ito ng kabutihan ay tumagal ng mga dalawang siglo bago tumalikod sa Daan ang mga tao dahil sa kapalaluan. Gayunpaman, ang pagtalikod na espirituwal ay maaari ding mangyari nang mas mabilis. Halimbawa, ilang dekada ang nakalipas, sa ika-50 taon ng pamamahala ng mga hukom sa Aklat ni Mormon, nagkaroon ng “patuloy na kapayapaan at labis na kagalakan” sa mga tao. Ngunit dahil sa kapalaluang pumasok sa puso ng mga miyembro ng Simbahan, pagkatapos ng maikling panahon na apat na taon, “nagkaroon ng maraming pagtatalo sa simbahan, at nagkaroon din ng alitan sa mga tao, hanggang sa magkaroon ng maraming pagdanak ng dugo” (tingnan sa Helaman 3:32–4:1).

  9. Doktrina at mga Tipan 121:26.

  10. Mga Gawa 3:19.

  11. Doktrina at mga Tipan 121:33.

  12. Michael Crichton, Jurassic Park (2015), 190.

  13. “Kunin bilang halimbawa ang mga barko. Kahit na napakalalaki ng mga ito at pinatatakbo ng malalakas na hangin, napakaliit na timon ang ginagamit sa paggabay nito sa kung saan gusto pumunta ng piloto” (Santiago 3:4, New International Version).

  14. Tingnan sa Moises 1:39.

  15. Mosiah 26:30.

  16. Doktrina at mga Tipan 58:42.

  17. Deuteronomio 28:8–9; tingnan din sa mga talata 1–7.