Pangkalahatang Kumperensya
Ang Pangalan ng Simbahan Ay Hindi Dapat Mababago
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


13:36

Ang Pangalan ng Simbahan Ay Hindi Dapat Mababago

Kapag bukas-loob nating sinunod ang payo ng Panginoon na inihayag sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta, lalo na kapag taliwas ito sa inisyal nating iniisip, at nangangailangan ng pagpapakumbaba at sakripisyo, bibiyayaan tayo ng Diyos ng karagdagang espirituwal na lakas.

Sa isang press conference noong Agosto 16, 2018, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinaalam sa akin ng Panginoon ang kahalagahan ng pangalang ibinigay Niya para sa Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.1 May kinakaharap tayong gawain na iayon ang ating sarili sa Kanyang kalooban.”2

Dalawang araw pagkaraan nito, noong Agosto 18, nakasama ko si Pangulong Nelson sa Montreal, Canada. Kasunod ng aming miting ng mga miyembro sa kahanga-hangang Palais de Congrés, sinagot ni Pangulong Nelson ang mga tanong mula sa mga reporter. Inamin niya na “magiging isang hamon ang [muling itatag ang pangalan ng Simbahan, at] baguhin ang [isang] tradisyon na mahigit nang isandaang taon.” Ngunit idinagdag niya, “ang pangalan ng Simbahan ay hindi [dapat mababago].”3

Pitong linggo kasunod nito, nagsalita si Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya: “Ipinaalam sa akin ng Panginoon ang kahalagahan ng pangalang ibinigay Niya para sa Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Ang Tagapagligtas mismo ang nagsabing, ‘Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan.’” Pagkatapos, inulit ni Pangulong Nelson, “Ang pangalan ng Simbahan ay hindi [dapat mababago].”4

Isang Magandang Tanong

Isang magandang tanong ang itinanong: “Bakit ngayon?” kung kailan maraming dekada na nating tinanggap ang palayaw na “Mormon”? “Ang Mormon Tabernacle Choir,” ang mga video spot na “I’m a Mormon,” ang awit sa Primary na “I am a Mormon Boy [Ako ay Isang Batang Mormon]”?

Ang doktrina ni Cristo ay hindi nagbabago at walang hanggan. Gayunpaman, ang partikular at mahahalagang hakbang ng gawain ng Tagapagligtas ay inihahayag sa tamang panahon ng mga ito. Nitong umaga, sinabi ni Pangulong Nelson. “Ang Pagpapanumbalik ay isang proseso, hindi isang pangyayari.”5 At sinabi ng Panginoon, “Lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon.”6 Ngayon ang panahon natin, at binibigyang-diin nating muli ang inihayag na pangalan ng Simbahan.

Ang identidad at tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hinihingi sa atin na tawagin tayo sa Kanyang pangalan. Kamakailan ay nasa Kirtland, Ohio ako, kung saan si Propetang Joseph Smith, kasama ang iilang miyembro ng Simbahan, ay nagpropesiya, “Pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang daigdig.”7 Inilarawan ng Panginoon ang gawain ng dispensasyong ito na “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain.”8 Nabanggit Niya ang tungkol sa isang “tipang matutupad sa mga huling araw,” na magtutulot na “[mapagpala] ang lahat ng lahi sa mundo.”9

Ang mga salita sa kumperensyang ito ay isinasalin nang live sa 55 wika. Kalaunan, ang mga salitang ito ay maririnig at mababasa sa 98 wika sa mahigit 220 bansa at mga territoryo.

Ang Ikalawang Pagparito

Sa pagbabalik ng Tagapagligtas sa kamaharlikaan at kaluwalhatian, ang matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mapapabilang sa lahat ng bansa, lahat ng tao, lahat ng lahi, at lahat ng kultura ng daigdig.

Ang Lumalaking Impluwensiya ng Simbahan

Ang impluwensiya ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay hindi lamang mapapasa mga miyembro ng Simbahan. Dahil sa mga pagpapakita ng langit sa ating panahon, dahil sa sagradong banal na kasulatan na ipinanumbalik sa mundo, at sa makapangyarihang kaloob na Espiritu Santo, tayo ay magsisilbing maningning na liwanag sa burol habang ang malungkot na lilim ng kawalang-paniniwala kay Jesucristo ay magpapadilim sa mundo. Bagama’t hahayaan ng marami ang mundo na tabunan ng ulap o gawing marupok ang kanilang pananampalataya sa Manunubos, tayo ay “hindi matitinag sa [ating] kinaroroonan.”10 Malugod na tatanggapin ng mga Kristiyanong hindi natin kamiyembro ang ating tungkulin at ang ating tiyak na patotoo kay Cristo. Maging ang mga Kristiyanong nakatingin sa atin nang may pag-aalinlangan ay yayakapin tayo bilang mga kaibigan. Sa mga susunod na araw, tatawagin tayo sa pangalan ni Jesucristo.

Salamat sa inyong marangal na pagsusumikap na ipaalam ang tunay na pangalan ng Simbahan. Sa isang kumperensya, tatlong taon na ang nakararaan, ipinangako sa atin ni Pangulong Nelson “na ang maingat na atensyon natin sa tamang paggamit sa pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas … ay [magdudulot sa atin] ng ibayong pananampalataya at … mas malakas na espirituwal na kapangyarihan.”11

Napatunayan ng matatapat na disipulo sa iba’t ibang dako ng daigdig ang pangakong ito.12

Inamin ni Brother Lauri Ahola na taga silangang Estados Unidos na may mga pagkakataong naaasiwa siyang ibahagi ang buong pangalan ng Simbahan. Pero dahil sa payo ng propeta, nagsisikap siya. Minsan, may dinalaw siyang kaibigan sa isang simbahan na iba ang relihiyon. Ito ang sabi niya:

Isang kakilala ang nagtanong, “Mormon ka ba?”

“‘Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, oo,’ sabi ko. Nagsimula siyang magtanong sa akin, bawat isa ay nagsisimula sa: ‘Naniniwala ba ang Simbahang Mormon … ?’ At sa bawat pagkakataon, sinimulan ko ang sagot ko sa [mga] katagang: ‘Sa ipinanumbalik na Simbahan ni [Jesus] Cristo, naniniwala kami …’

“… Nang mapansin niya na hindi ko tinatanggap ang titulong ‘Mormon,’ diretsahan niya akong tinanong, ‘Hindi ka ba Mormon?’

“Kaya tinanong ko siya kung kilala ba niya kung sino si Mormon—hindi niya kilala. Sinabi ko sa kanya na si Mormon ay isang propeta … [at] karangalan kong maugnay sa [kanya].

“‘Pero,’ pagpapatuloy ko, ‘si Mormon ay hindi namatay para sa aking mga kasalanan. Si Mormon ay hindi … nagdusa sa Getsemane o namatay sa krus [para sa akin]. … Si Jesucristo ang aking Diyos at aking Tagapagligtas. … At nais kong sa pamamagitan ng Kanyang pangalan ako makilala. …’

“… Pagkaraan ng ilang sandali ng katahimikan, [napabulalas ang kakilala ko], ‘Kung gayon, Kristiyano ka!’”13

Si Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya

Natatandaan ba ninyo ang mga salita ni Pangulong Nelson? “Ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.”14

Laging Binubuksan ng Panginoon ang Daan

Laging tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Palagi Niyang binubuksan ang daan para sa atin habang ginagawa natin ang Kanyang gawain.

Sa loob ng maraming taon umasa kaming mabili ang mga internet domain site na ChurchofJesusChrist.org at ChurchofJesusChrist.com. Pareho itong hindi ipinagbibili. Sa panahon ng pag-aanunsyo ni Pangulong Nelson, pareho na itong mabibili. Isa itong himala.15

Pinalawak ng Panginoon ang ating mga pagsisikap sa pagbago ng mga pangalan na matagal nang nakakabit sa Simbahan.

Sumusulong nang may pananampalataya, binago ang pangalang Mormon Tabernacle Choir sa The Tabernacle Choir at Temple Square. Ang website na LDS.org, na tumatanggap ng mahigit 21 milyong pagbisita kada buwan, ay ginawang ChurchofJesusChrist.org.16 Ang pangalang LDS Business College ay pinalitan ng Ensign College. Ang website na Mormon.org ay na-redirect sa ChurchofJesusChrist.org. Mahigit na isang libong produkto na may pangalang “Mormon” o “LDS” na nakakabit sa mga ito ang pinalitan ng pangalan. Ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw ay nag-adjust ng kanilang mga website, podcast, at Twitter account.

Bagong simbolo ng Simbahan

Lumikha tayo ng bagong simbolo na nakasentro kay Jesucristo.

“Sa gitna ng simbolo ay ang representasyon ng marmol na estatwa na gawa ni Thorvaldsen na Christus. Ipinapakita nito ang nabuhay na mag-uli, at buhay na Panginoon na nakaunat ang kamay upang yakapin ang lahat ng lalapit sa Kanya.

“Bilang simbolo, si Jesus ay nakatayo sa ilalim ng isang arko [na nagpapaalala] sa atin sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na lumalabas mula sa libingan.”17

Ang pangalan ng Simbahan sa iba-ibang wika
Ang pangalan ng Simbahan sa karagdagang wika

Ginagamit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang disenyo sa mahigit 50 wika. Nakakuha ng mga bagong pangalan ng domain sa iba’t ibang dako ng mundo.

Pasasalamat para sa Tulong ng Iba

Pinasasalamatan natin ang maraming mabubuti at magigiliw na tao na iginagalang ang ating hangaring tawagin tayo sa ating tamang pangalan. Nabasa ko ang isang artikulo kamakailan na nagbanggit ng isang Katolikong cardinal na tumutukoy sa “mga Banal sa mga Huling Araw.”18 Nang nakipag-usap ako sa isang lider ng isang simbahang Kristiyano noong nakaraang buwan sa silangang Estados Unidos, tinukoy niya ang Simbahan sa kanyang unang pagbanggit sa buong pangalan natin, at sinundan ito ng higit sa isang beses ng, “ang Simbahan ni Jesucristo.”

Napagtanto namin na ang pagdaragdag ng anim na salita sa ating pangalan ay hindi magiging ideyal para sa media, ngunit tulad ng ipinropesiya ni Pangulong Nelson, “makikiisa ang responsableng media sa pagtugon sa ating kahilingan.”19 Salamat sa pagbibigay sa amin ng parehong konsiderasyon na ibinibigay sa mga organisasyong pangkultura, atletiko, pulitikal, o komunidad sa pamamagitan ng paggamit ng aming piniling pangalan.

May ilan, sa pag-asang sirain o maliitin ang kahalagahan ng ating misyon, ay patuloy tayong tatawaging mga “Mormon” o “ang simbahang Mormon.” May pagggalang nating hinihiling sa mga patas na media na igalang ang hangad nating tawagin sa ating pangalan na halos 200 taon na.

Ang Tapang ng mga Banal sa mga Huling Araw

Libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw ang walang takot na nagpapahayag ng pangalan ng Simbahan. Habang ginagawa natin ang ating bahagi, magsusunuran ang iba pa. Gustung-gusto ko ang kuwentong ito mula sa Tahiti.

Nagpasiyang sundin ng sampung taong gulang na si Iriura Jean ang payo ni Pangulong Nelson.

“Sa kanyang klase sa paaralan, pinag-usapan nila ang kanilang ginawa noong katapusan ng linggo … at ikinuwento ni Iriura ang tungkol … sa simbahan.

“Sinabi ng titser niyang si Vaite Pifao, ‘O, Mormon ka pala?’

“Matapang na sinabi ni Iriura, ‘Hindi po, … miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!’

Sumagot ang titser niya, ‘Oo nga, … Mormon ka.’

“Ipinagpilitan ni Iriura, ‘Hindi po titser, miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!’

“Namangha si Ms. Pifao sa matibay na paniniwala ni Iriura at napaisip kung bakit ipinipilit nitong gamitin ang mahabang pangalan ng kanyang simbahan. [Nagpasiya siyang dagdagan ang kaalaman tungkol sa Simbahan.]

“[Hindi nagtagal, nang si Sister] Vaite Pifao ay nabinyagan [nagpasalamat siya] na nagpasiyang sundin ni Iriura ang payo ni Pangulong Nelson.”20

Ang sister na nalaman ang tungkol sa Simbahan dahil sa kanyang estudyante

“Ang pangalan ng Simbahan ay hindi dapat mababago.” Sumulong tayo nang may pananampalataya. Kapag bukas-loob nating sinunod ang payo ng Panginoon na inihayag sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta, lalo na kapag taliwas ito sa inisyal nating iniisip, at nangangailangan ng pagpapakumbaba at sakripisyo, bibiyayaan tayo ng Diyos ng karagdagang espirituwal na lakas at ipadadala ang Kanyang mga anghel upang tulungan at paligiran tayo.21 Matatanggap natin ang patunay ng Panginoon at ang Kanyang pag-apruba.

Saksi ako sa kapangyarihan ng langit na tinataglay ng ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson. Ang taos-pusong pinakahahangad niya ay bigyang-kasiyahan ang Panginoon at mapagpala ang mga anak ng ating Ama sa Langit. Mula sa sagrado at personal na karanasan, nagpapatotoo ako sa pagmamahal ng Panginoon sa kanya. Siya ang propeta ng Diyos.

Nagpapatotoo ako na si Jesus ang buhay na Cristo, ang Anak ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.