Pangkalahatang Kumperensya
Pinagpala ng Panginoon sa Lahat ng Aking mga Araw
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


8:59

Pinagpala ng Panginoon sa Lahat ng Aking mga Araw

Paano tayo tumutugon sa ating mga paghihirap? Nagpapasalamat ba tayo dahil mas nakatuon tayo sa ating mga pagpapala kaysa sa ating mga problema?

Ang pandemyang COVID-19 ay isa sa maraming pagsubok at hamon na kinaharap ng mga anak ng Diyos sa buong kasaysayan ng daigdig. Sa simula ng taong ito, kami ng aking minamahal na pamilya ay nakaranas ng madidilim na sandali. Ang pandemya at iba pang mga sanhi ay nagdulot ng kamatayan at pasakit sa aming pamilya sa pagpanaw ng ilan sa aming mga mahal sa buhay. Kahit ipinagamot, ipinag-ayuno, at ipinagdasal, sa loob ng limang linggo, ang aking kapatid na sina Charly at Susy, at aking bayaw na si Jimmy ay sumakabilang-buhay.

Minsan napapaisip ako kung bakit umiyak ang Tagapagligtas nang makita niyang nagdadalamhati si Maria dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Lazaro, gayong alam Niya na may kapangyarihan Siya na buhayin muli si Lazaro, at kaagad Niyang gagamitin ang kapangyarihang ito upang sagipin ang Kanyang kaibigan mula sa kamatayan.1 Napahanga ako sa pagkahabag at pagdamay ng Tagapagligtas kay Maria; naunawaan Niya ang hindi mailalarawang sakit na nadama ni Maria sa pagpanaw ng kanyang kapatid na si Lazaro.

Gayon ding katinding sakit ang madarama natin kapag naranasan natin ang pansamantalang pagkawalay sa atin ng ating mga mahal sa buhay. Ang Tagapagligtas ay lubos na nahahabag sa atin. Hindi Niya tayo sinisisi dahil mas nakatuon tayo sa pansamantalang sitwasyon o limitado ang pananaw natin sa ating buhay sa kawalang-hanggan. Bagkus, nahahabag Siya sa atin dahil dumaranas tayo ng kalungkutan at pagdurusa.

Nais ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo na magkaroon tayo ng kagalakan.2 Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay. Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos, … makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”3

Noong ako ay isang bata pang missionary, naaalala ko nang makatanggap ng nakapanlulumong balita ang isang mahusay na missionary na hinahangaan ko. Ang kanyang ina at nakababatang kapatid na lalaki ay namatay sa isang kalunus-lunos na aksidente. Inalok ng mission president ang elder na ito na umuwi upang makadalo sa libing. Subalit, pagkatapos makausap ang kanyang ama sa telepono, ang missionary na ito ay nagpasyang manatili at tapusin ang kanyang mission.

Pagbisita sa missionary na nasa ospital

Makalipas ang maikling panahon, habang naglilingkod kami ng missionary na ito sa parehong zone, nakatanggap kami ng kompanyon ko ng isang emergency call; kinuha ng ilang magnanakaw ang bisikleta ng missionary na ito at sinaksak siya ng kutsilyo. Kinailangan nilang maglakad ng kanyang kompanyon patungo sa pinakamalapit na ospital, kung saan namin sila pinuntahan ng aking kompanyon. Habang papunta kami sa ospital, nalungkot ako para sa missionary na ito. Naisip ko na baka napakalungkot niya at tiyak, pagkatapos ng nakakatakot na karanasang ito, gugustuhin na niyang umuwi.

Gayunman, nang makarating kami sa ospital, nakita ko ang missionary na ito na nakahiga sa kanyang kama habang naghihintay na maoperahan—at nakangiti siya. Naisip ko, “Paano pa siya nakakangiti sa nangyaring ito?” Habang nagpapagaling siya sa ospital, masigla siyang namigay ng mga polyeto at kopya ng Aklat ni Mormon sa mga doktor, nars, at ibang mga pasyente. Sa kabila ng mga pagsubok na ito, ayaw niyang umuwi. Sa halip, naglingkod siya nang may pananampalataya, sigla, lakas, at sigasig hanggang sa huling araw ng kanyang mission.

Sa simula ng Aklat ni Mormon, sinabi ni Nephi, “Nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, labis [akong] [pinag]pala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw.”4

Naiisip ko ang maraming pagsubok na naranasan ni Nephi, at karamihan sa mga ito ay isinama niya sa kanyang pagsulat. Ang kanyang mga pagsubok ay tumutulong sa atin na maunawaan na lahat tayo ay may madidilim na sandali. Ang isa sa mga pagsubok na ito ay nangyari nang iutos kay Nephi na bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso na nasa kamay ni Laban. Ang ilan sa mga kapatid ni Nephi ay may maliit na pananampalataya, at hinampas pa nila ng pamalo si Nephi. Nakaranas muli ng isa pang pagsubok si Nephi nang mabali ang kanyang pana at hindi siya makakuha ng pagkain para sa kanyang pamilya. Kalaunan, nang iutos kay Nephi na gumawa ng isang sasakyang-dagat, kinutya siya ng kanyang mga kapatid at tumangging tulungan siya. Sa kabila nito at ng marami pang ibang mga pagsubok sa kanyang buhay, palaging kinikilala ni Nephi ang kabutihan ng Diyos.

Si Nephi na itinali sa sasakyang-dagat

Habang tumatawid ang kanyang pamilya sa karagatan patungo sa lupang pangako, ang ilang miyembro ng pamilya ni Nephi ay “nagsimulang magsaya,” magsalita nang magaspang, at makalimutan na ang kapangyarihan ng Panginoon ang nangalaga sa kanila. Nang pagsabihan sila ni Nephi, sila ay nagalit at iginapos siya ng mga lubid para hindi siya makagalaw. Nakasaad sa Aklat ni Mormon na ang kanyang mga kapatid ay “labis na nagmalupit [sa kanya]”; ang kanyang mga galanggalangan at bukung-bukong “ay lubhang namaga, at labis ang pananakit.”5 Nalungkot si Nephi sa katigasan ng puso ng kanyang mga kapatid at may mga pagkakataong labis siyang nagdadalamhati.6 “Gayunpaman,” sabi ni Nephi, “ako ay umasa sa aking Diyos, at pinapurihan siya sa buong maghapon; at hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap.”7

Mahal kong mga kapatid, paano tayo tumutugon sa ating mga paghihirap? Tayo ba ay bumubulong-bulong sa harap ng Diyos dahil sa mga ito? O, tulad ni Nephi at ng aking kaibigan na dating missionary, nagpapasalamat ba tayo sa salita, isip, at gawa dahil mas nakatuon tayo sa ating mga pagpapala kaysa sa ating mga problema?

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagpakita ng halimbawa noong Kanyang ministeryo dito sa lupa. Sa mga sandali ng paghihirap at pagsubok, iilan lamang ang mga bagay na makapagbibigay sa atin ng mas higit na kapayapaan at kaluguran bukod pa sa paglilingkod sa ating kapwa tao. Isinalaysay sa aklat ni Mateo ang nangyari nang malaman ng Tagapagligtas na ang Kanyang pinsan na si Juan Bautista ay pinugutan ng ulo sa utos ni Haring Herodes upang pasayahin ang anak na babae ni Herodias:

“Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila’y umalis at ibinalita kay Jesus.

“Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan.

“Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.

“Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain.

“Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.”8

Ipinakita ni Jesucristo na sa mga panahon ng pagsubok at pagdurusa maaari nating makita ang paghihirap ng iba. Dahil nahahabag tayo, maaari natin silang tulungan at palakasin. Habang ginagawa natin ito, napalalakas din tayo ng ating paglilingkod na tulad ng kay Cristo. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang pinakamabisang lunas para sa pag-aalala na alam ko ay pagtatrabaho. Ang pinakamabisang lunas sa kawalan ng pag-asa ay paglilingkod. Ang pinakamabisang lunas sa kapaguran ay ang hamon na tulungan ang isang taong mas pagod.”9

Dito, sa Simbahan ni Jesucristo, ay marami akong pagkakataon na magminister at maglingkod sa aking kapwa tao. Sa mga panahong iyon, nadama ko pinagagaan ng Ama sa Langit ang aking mga pasanin. Si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos sa mundo; isa siyang dakilang huwaran kung paano tayo magmiminister sa ating kapwa sa panahon ng mahihirap na pagsubok. Isinasama ko ang aking patotoo sa mga patotoo ng iba pang mga Banal, na ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Naramdaman ko ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa aking madidilim na sandali. Nauunawaan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating mga pasakit at paghihirap. Nais Niyang pagaanin ang ating mga pasanin at panatagin tayo. Dapat nating tularan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmiminister sa mga taong may mas mabibigat na pasanin kaysa sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.