Pangkalahatang Kumperensya
Alalahanin ang Inyong mga Nagdurusang Banal, O Aming Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


10:17

Alalahanin ang Inyong mga Nagdurusang Banal, O Aming Diyos

Ang pagtupad sa mga tipan ay nagkakaloob ng kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo na nagbibigay ng lakas at maging ng kagalakan sa inyo na mga nagdurusa.

Nakapaloob sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ang mortal na karanasan kung saan lahat ng Kanyang mga anak ay susubukin at haharap sa mga pagsubok.1 Limang taon na ang nakalipas, ako ay nasuri na may kanser. Nadama ko at nadarama ko pa rin ang mga pisikal na sakit na dulot ng mga operasyon, radiation treatment, at mga side effect ng gamot. Nagdusa ako sa emosyonal sa mga nakakapagod na gabing wala akong tulog. Ayon sa istatistikang medikal, malaki ang tsansa na pumanaw ako nang mas maaga kaysa sa inaasahan ko, at iwan nang pansamantala ang pamilya na napakahalaga sa akin.

Saanman kayo nakatira, ang pisikal o emosyonal na pagdurusa dahil sa iba’t ibang uri ng mga pagsubok at mga kahinaang mortal ay naging bahagi, kasalukuyang bahagi, o magiging bahagi ng inyong buhay.

Ang pisikal na pagdurusa ay maaaring resulta ng pagtanda, di-inaasahang mga sakit, at aksidente; gutom o kawalan ng matitirhan; o pang-aabuso, mararahas na pagkilos, at digmaan.

Ang emosyonal na pagdurusa ay maaaring magmula sa pagkabalisa o depresyon; pagtataksil ng asawa, magulang, o pinagkakatiwalaang lider; problema sa trabaho o sa pera; hindi patas na panghuhusga ng iba; pagpili ng mga kaibigan, anak, o iba pang miyembro ng pamilya; pang-aabuso sa iba’t ibang anyo nito; hindi natupad na pangarap na makapag-asawa o magkaroon ng anak; malubhang pagkakasakit o maagang pagkamatay ng mga mahal sa buhay; o marami pang ibang dahilan.

Paano ninyo matitiis ang kakaiba at kung minsan ay talagang nakapanghihinang mga pagdurusa na dumarating sa bawat isa sa atin?

Mabuti na lamang, natatagpuan ang pag-asa sa ebanghelyo ni Jesucristo, at ang pag-asa ay maaari ring maging bahagi ng inyong buhay. Ngayon, ibabahagi ko ang apat na alituntunin ng pag-asa mula sa mga banal na kasulatan, mga turo ng propeta, maraming pagbisita sa ministering, at sa nagpapatuloy na pagsubok sa aking kalusugan. Ang mga alituntuning ito ay hindi lamang pangkalahatan kundi talagang makatutulong din sa personal.

Una, ang pagdurusa ay hindi nangangahulugang ang Diyos ay hindi nasisiyahan sa inyong buhay. Dalawang libong taon na ang nakalipas, nakita ng mga disipulo ni Jesus ang isang bulag sa templo at nagtanong sila, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya’y ipinanganak na bulag?”

Ang kanyang mga disipulo, katulad ng maraming tao sa ngayon, ay tila may maling paniniwala na ang lahat ng paghihirap at pagdurusa sa buhay ay resulta ng kasalanan. Subalit sumagot ang Tagapagligtas, “Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”2

Ang gawain ng Diyos ay isakatuparan ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.3 Ngunit paano maisusulong ng mga pagsubok at pagdurusa—lalo na ang pagdurusa na dulot ng maling paggamit ng kalayaang pumili ng ibang tao4—ang gawain ng Diyos?

Sinabi ng Panginoon sa Kanyang pinagtipanang tao, “Dinalisay kita … ; sinubok kita sa hurno ng kapighatian.” 5 Anuman ang sanhi ng inyong mga pagdurusa, maaaring gamitin ang mga ito ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit upang dalisayin ang inyong kaluluwa.6 Mapapasan ng mga dinalisay na kaluluwa nang may tunay na pakikiramay at habag ang mga pasanin ng iba.7 Ang mga dinalisay na kaluluwa na “nanggaling sa malaking kapighatian” ay handang mamuhay nang masaya sa piling ng Diyos magpakailanman, at “papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”8

Pangalawa, alam na alam ng Ama sa Langit ang inyong pagdurusa. Habang nasa gitna ng mga pagsubok, maaaring maisip natin na malayo ang Diyos at wala Siyang pakialam sa ating paghihirap. Maging si Propetang Joseph Smith ay nagpahayag ng ganitong damdamin sa isang mahirap na sandali sa kanyang buhay. Nang mabilanggo siya sa Liberty Jail habang napakaraming Banal ang puwersahang pinaaalis sa kanilang mga tahanan, nanalangin si Joseph na humihingi ng pang-unawa: “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?” Nagtapos siya sa ganitong pagsamo: “Alalahanin ang inyong mga nagdurusang banal, O aming Diyos.”9

Ang sagot ng Diyos ay pinanatag si Joseph at ang lahat ng nagdurusa:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”10

Ibinahagi sa akin ng maraming nagdurusang mga Banal kung paano nila naramdaman ang pagmamahal ng Diyos sa panahon ng kanilang mga pagsubok. Malinaw kong naaalala ang isang sandali sa pakikibaka ko laban sa kanser nang hindi pa matukoy ng mga doktor ang sanhi ng ilan sa matitinding sakit na nararamdaman ko. Nakaupo ako noon kasama ang aking asawa, at mananalangin na kami para sa aming tanghalian. Sa halip, ang tanging nagawa ko ay umiyak na lamang, “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo ako. Malubha po ang aking sakit.” Sa sumunod na mga 20 hanggang 30 segundo, lubos kong naramdaman ang Kanyang pagmamahal. Walang dahilan na ibinigay sa akin para sa aking karamdaman, walang pahiwatig tungkol sa kalalabasan, at walang kaginhawahan sa sakit na nararamdaman ko. Naramdaman ko lamang ang Kanyang dalisay na pagmamahal, at iyon ay sapat na.

Pinatototohanan ko na ang ating Ama sa Langit, na nababatid maging ang pagkahulog ng isang maya, ay nalalaman ang inyong pagdurusa.11

Pangatlo, ibinibigay ni Jesucristo ang Kanyang nagpapalakas na kapangyarihan upang matulungan kayo na magkaroon ng lakas na mapagtiisan nang mabuti ang inyong pagdurusa. Ang nagpapalakas na kapangyarihang ito ay posible dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.12 Nababahala ako na maraming miyembro ng Simbahan ang nag-iisip na kung sila ay magiging mas matatag lamang, maaari nilang malampasan nang mag-isa ang anumang pagdurusa. Mahirap mamuhay nang ganito. Ang inyong pansamantalang kalakasan ay hindi kailanman maihahambing sa walang katapusang kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpapatibay sa inyong kaluluwa.13

Itinuro sa Aklat ni Mormon na si Jesucristo ay “dadalhin sa kanyang sarili” ang ating mga pasakit, mga karamdaman, at mga sakit upang tulungan tayo.14 Paano ninyo matatanggap ang lakas na ibinibigay sa inyo ni Jesucristo upang matulungan at mapalakas kayo sa mga panahon ng pagdurusa? Ang susi upang magawa ito ay ibigkis ang inyong sarili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtupad ng inyong mga tipan sa Kanya. Ginagawa natin ang mga tipang ito kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa ng priesthood.15

Ang mga tao ni Alma ay pumasok sa tipan ng pagbibinyag. Kalaunan, nagdusa sila dahil inalipin sila at pinagbawalan na sumamba nang hayagan o kahit manalangin man lang nang malakas. Gayunpaman, tinupad nila ang kanilang mga tipan sa abot ng kanilang makakaya sa pamamagitan ng pananalangin nang tahimik sa kanilang mga puso. Bunga nito, dumating ang banal na tulong. “Pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan.”16

Sa ating panahon, nag-aanyaya ang Tagapagligtas, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”17 Kapag tinutupad natin ang ating tipan sa sacrament na palagi Siyang alalahanin, ipinapangako Niya na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Binibigyan tayo ng Espiritu ng lakas na tiisin ang mga pagsubok at magawa ang hindi natin kayang gawin nang mag-isa. Mapagagaling tayo ng Espiritu, bagama’t tulad ng itinuro ni Pangulong James E. Faust, “Ang ilang pagpapagaling ay maaaring maganap sa ibang mundo.”18

Pinagpapala rin tayo ng mga tipan at ordenansa sa templo, kung saan “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”19 Binisita ko ang isang babae na nawalan ng isang anak na babae dahil sa isang malagim na aksidente, at pagkatapos, nawalan ng asawa dahil sa kanser. Tinanong ko siya kung paano niya natitiis ang gayong kawalan at pagdurusa. Sinabi niya na ang lakas ay nanggagaling sa espirituwal na katiyakan na ang pamilya ay walang hanggan, na natanggap niya sa regular na pagsamba sa templo. Tulad ng ipinangako, ang mga ordenansa sa bahay ng Panginoon ay sinakbitan siya ng kapangyarihan ng Diyos.20

Pang-apat, piliin na magkaroon ng kagalakan sa bawat araw. Madalas madama ng mga nagdurusa na ang gabi ay hindi na matatapos, at ang umaga ay hindi na darating. OK lang na umiyak.21 Gayunpaman, bagama’t nakararanas kayo ng madidilim na gabi ng pagdurusa, maaari kayong magising sa maliliwanag na umaga ng kagalakan kapag pinili ninyong manampalataya.22

Halimbawa, binisita ko ang isang bata-bata pang ina na ginagamot dahil sa kanser, na nakangiti habang nakaupo sa kanyang upuan sa kabila ng sakit na nadarama at pagkalagas ng buhok. Nakilala ko ang isang may edad na mag-asawa na masayang naglilingkod bilang mga lider ng kabataan bagama’t hindi sila nagkaroon ng anak. Nakasama ko ang isang butihing babae—isang hindi pa masyadong matanda na lola, isang ina, at isang asawa—na pumanaw pagkalipas ng ilang araw ng aking pagbisita. Gayunpaman, sa kabila ng kalungkutan ng pamilya, nagkaroon ng tawanan at masasayang paggunita ng mga alaala.

Isinasabuhay ng nagdurusang mga Banal na ito ang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na:

“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.

“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”23

Pinatototohanan ko24 na naaalala ng ating Ama sa Langit ang Kanyang nagdurusang mga Banal, mahal Niya kayo, at lubos na nagmamalasakit sa inyo. Alam ng Tagapagligtas kung ano ang nadarama ninyo. “Tunay na kanyang pinasan ang ating mga dalamhati, at dinala ang ating mga kalungkutan.”25 Alam ko—bilang isang tao na araw-araw tumatanggap ng lakas26—na ang pagtupad sa mga tipan ay nagkakaloob ng kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo na nagbibigay ng lakas at maging ng kagalakan sa inyo na mga nagdurusa.

Sa lahat ng nagdurusa, dalangin ko na, “Nawa’y ipagkaloob sa inyo ng Diyos na ang inyong mga pasanin ay gumaan, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak.”27 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.