Mga Himala ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Alam ko na ang Kanyang ebanghelyo ay magdadala sa atin ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan, hindi lamang sa ngayon, kundi pagpapalain din nito ang hindi mabibilang na iba pa sa mga susunod na salinlahi.
Mabuhay! Dala ko sa inyo ang pagmamahal at magigiliw na ngiti mula sa mga kahanga-hangang Banal ng Pilipinas. Ngayong taon ang ika-60 taon mula nang dumating ang mga unang missionary sa mga pulo ng Pilipinas. Ngayon, mayroong 23 misyon at higit 800,000 miyembro ng Simbahan sa 123 na mga stake. Mayroon na ngayong pitong templong bukas, itinatayo, o inanunsyo. Ito ay isang tunay na himala. Nasasaksihan natin ang katuparan ng propesiya sa 2 Nephi 10:21: “Dakila ang mga pangako ng Panginoon sa kanila na nasa mga pulo ng dagat.”
Ang himalang ito ay isa ring katuparan ng propesiyang ibinigay sa isang panalangin ni noon ay Elder Gordon B. Hinckley sa Maynila noong 1961. Sa panalanging iyon, ipinahayag ni Elder Hinckley: “Hinihiling po namin ang Inyong mga pagpapala para sa mga mamamayan ng lupaing ito, na sila ay maging palakaibigan at magiliw at mabait at mapagbigay sa mga yaong paparito, at na marami, opo, Panginoon, ipinapangalangin namin na libu-libo ang tumanggap sa mensaheng ito at mapagpala dahil dito. Nawa’y basbasan po Ninyo sila ng mga bukas na isip at mapag-unawang puso, at ng pananampalatayang tumanggap, at ng tapang na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo” (panalangin sa paglalaan sa American War Memorial Cemetery, Pilipinas, Abr. 28, 1961).
Bukod pa sa libu-libong matatapat na mga Banal sa mga Huling Araw, nagdulot din ang himala ng ebanghelyo ng mga positibong pagbabago sa bansa at sa mga mamamayan nito. Ako ay isang buhay na saksi nito. Anim na taong gulang ako nang sumapi ang aking mga magulang sa Simbahan sa katimugang pulo ng Mindanao. Noong panahong iyon, isa pa lamang ang misyon sa buong bansa at walang mga stake. Walang hanggan ang pasasalamat ko para sa tapang at dedikasyon ng aking mga magulang na sundin ang Tagapagligtas. Iginagalang ko sila at ang lahat ng pioneer ng Simbahan sa Pilipinas. Inihanda nila ang daan para pagpalain ang mga susunod na salinlahi.
Sinabi ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon: “At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal” (Mosias 2:41).
Habang ating ipinapamuhay at sinusunod ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo, tayo ay pinagpapala, binabago, at nagbabalik-loob upang higit na maging katulad ni Jesucristo. Sa ganoong paraan binago at pinagpala ng ebanghelyo ang mga Banal na Pilipino, kabilang ang aking pamilya. Ang ebanghelyo talaga ang daan patungo sa isang masaya at masaganang buhay.
Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Maraming Pilipino ang may likas na paniniwala sa Diyos. Madali para sa aming magtiwala kay Jesucristo at malamang makatatanggap kami ng mga sagot sa mga panalangin namin.
Magandang halimbawa nito ang pamilyang Obedoza. Si Brother Obedoza ang aking branch president noong ako ay isang kabataan. Ang pinakadakilang hangarin nina Brother at Sister Obedoza ay ang mabuklod ang kanilang pamilya sa Manila Temple. Nakatira sila sa Lungsod ng General Santos, 1,000 milya (1,600 km) mula sa Maynila. Para sa isang pamilyang kinabibilangan ng siyam na tao, tila imposible ang paglalakbay patungo sa templo. Subalit tulad ng mangangalakal na ibinenta ang lahat ng mayroon siya upang mabili ang isang mahalagang perlas (tingnan sa Mateo 13:45–46), ipinasiya ng mag-asawang ito na ipagbili ang kanilang bahay upang magkaroon ng pamasahe. Nag-alala si Sister Obedoza dahil wala na silang babalikang bahay. Subalit tiniyak sa kanya ni Brother Obedoza na maglalaan ang Panginoon.
Ibinuklod sila sa templo bilang pamilya sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan noong 1985. Sa templo ay nakahanap sila ng kagalakang walang kapantay—ang kanilang perlas na hindi mabibili ng salapi. At tulad ng sinabi ni Brother Obedoza, naglaan nga ang Panginoon. Pagkauwi nila mula sa Maynila, binigyan sila ng mababait na kakilala ng mga lugar na matitirhan, at kalaunan ay nakabili sila ng kanilang sariling tahanan. Inaalagaan ng Panginoon ang mga yaong nagpapakita ng pananampalataya sa Kanya.
Ang pangalawang alituntunin ng ebanghelyo ay pagsisisi. Kasama sa pagsisisi ang pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Diyos para sa kapatawaran. Ito ay pagbabago ng isipan at puso. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, ito ay “paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw” (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019).
Ang pagsisisi ay tulad ng isang sabon. Bilang isang batang chemical engineer, nagtrabaho ako sa isang pabrika ng sabon sa Pilipinas. Natutuhan ko kung paano gumawa ng sabon at ang buong proseso nito. Kapag inihahalo ninyo ang mga langis sa isang alkali na base at nagdaragdag ng mga antibacterial na agent, lumilkha ito ng isang makapangyarihang bagay na makapapatay ng mga bacteria at virus. Tulad ng sabon, ang pagsisisi ay isang panlinis. Binibigyan tayo nito ng pagkakataong maalis ang ating mga karumihan at ating mga dating pagkakamali upang maging karapat-dapat tayo na makapiling ang Diyos, sapagkat “walang maruming bagay ang magmamana ng kaharian ng [Diyos]” (Alma 11:37).
Sa pamamagitan ng pagsisisi, nagagamit natin ang naglilinis at nagpapabanal na kapangyarihan ni Jesucristo. Ang pagsisisi ay isang mahalagang bahagi ng proseso ng pagbabalik-loob. Ganito ang nangyari sa mga Anti-Nephi-Lehi sa Aklat ni Mormon. Sila ay mga Lamanita na ganap na nagbalik-loob kung kaya’t “kailanman ay hindi [na sila] nagsitalikod” (tingnan sa Alma 23:6–8). Binaon nila sa lupa ang kanilang mga sandata ng digmaan at hindi na nila ito muling ginamit. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sirain ang tipang iyon. At pinatunayan nila ito. Alam natin na ang kanilang mga sakripisyo ay nagdulot ng mga himala; ang libu-libong lumaban sa kanila ay binitawan ang kanilang mga sandata at nagbalik-loob. Pagkaraan ng ilang taon, ang kanilang mga anak na lalaki, na kilala natin bilang mga matatapang na kabataang mandirigma, ay pinrotektahan sa digmaan sa kabila ng matitinding hamon!
Ang pamilya ko at maraming mga Banal na Pilipino ay dumaan sa kaparehong proseso ng pagbabalik-loob. Nang tanggapin namin ang ebanghelyo ni Jesucristo at sumapi sa Simbahan, inayon namin ang aming mga gawi at kultura sa ebanghelyo. Kinailangan naming bitawan ang mga maling tradisyon. Nakita ko ito sa aking ama nang nalaman niya ang tungkol sa ebanghelyo at nagsisi. Lagi siyang naninigarilyo noon, subalit itinapon niya ang kanyang mga sigarilyo at hindi na muling humawak nito. Dahil sa kanyang pagpapasiyang magbago, apat na salinlahi mula sa kanya ang pinagpala.
Inaakay tayo ng pagsisisi na gumawa at tumupad ng mga tipan sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa. Ang unang ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Tinutulutan tayo ng pagbibinyag na matanggap ang kaloob na Espiritu Santo at gumawa ng isang tipan sa Panginoon. Mapapanibago natin ang tipan sa binyag na ito kada linggo kapag nakikibahagi tayo sa sakramento. Ito rin ay isang himala!
Mga kapatid, inaaanyayahan ko kayong danasin ang himalang ito sa inyong buhay. Lumapit kay Jesucristo at piliing manampalataya sa Kanya; magsisi; at gawin at tuparin ang mga tipang matatagpuan sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Tutulungan kayo nito na pumatok kay Cristo at tanggapin ang kapangyarihan at mga pagpapala ng kabanalan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20).
Pinatototohanan ko na totoo si Jesucristo at buhay Siya at mahal Niya ang bawat isa sa atin. Alam ko na ang Kanyang ebanghelyo ay magdadala sa atin ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan, hindi lamang sa ngayon, kundi pagpapalain din nito ang hindi mabibilang na iba pa sa mga susunod na salinlahi. Iyon ang dahilan ng magaganda at magigiliw na ngiti ng mga Banal na Pilipino. Ito ang himala ng ebanghelyo at ng doktrina ni Cristo. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.