Ang Pinakamahalagang Pag-aari
Bawat isa sa atin ay kailangang lumapit kay Cristo nang may di-natitinag na katapatan sa Kanyang ebanghelyo.
Binanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa isang mayamang batang pinuno na patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa Kanyang paanan, at buong katapatang nagtanong sa Panginoon, “Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Matapos isa-isahin ang mahabang listahan ng mga kautusan na tapat na sinunod ng taong ito, sinabi ni Jesus sa kanya na ipagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, ibigay ang napagbilhan sa mga maralita, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Kanya. Dahil sa hayagang pag-uutos na ito, nakadama ng takot ang batang pinuno, at umalis siyang nalulungkot sapagkat, sinasabi sa mga banal na kasulatan, “siya’y maraming ari-arian.”1
Maliwanag na isa itong mahalagang kuwento na nagbibigay-babala tungkol sa paggamit ng kayamanan at sa mga pangangailangan ng mga maralita. Ngunit sa huli ito ay kuwento tungkol sa taos-puso at lubos na katapatan sa Diyos at sa Kanyang mga layunin para sa atin. May kayamanan man o wala, bawat isa sa atin ay kailangang lumapit kay Cristo nang may gayon ding di-natitinag na katapatan sa Kanyang ebanghelyo na inasahan sa batang pinunong ito. Sa salita ng mga kabataan ngayon, kailangan nating “itodo” ang ating katapatan.2
Sa kanyang di-malilimutang katha, naisip ni C. S. Lewis na tila sinasabi sa atin ng Panginoon ang ganito: “Ayaw ko … ng inyong oras … [o] ng inyong pera … [o] ng inyong gawa, ang gusto ko [lamang] ay Kayo. [Ang punong ito na inyong pinupungusan.] Ayokong pumutol ng isang sanga rito at ng isang sanga roon, gusto kong … putulin ang buong [puno]. [At ang ngipin na iyan.] Ayokong alisin ang bulok [nito], o takpan ito, o [pastahan] ito. [Gusto kong] bunutin ito. [Sa katunayan, nais kong] ibigay [ninyo sa akin ang inyong] buong likas na pagkatao. … [At] kapalit nito, pagkakalooban ko kayo ng bagong pagkatao. Sa katunayan, ibibigay ko sa inyo ang Aking Sarili: ang aking … kalooban ay magiging [inyong kalooban].”3
Lahat ng magsasalita sa pangkalahatang kumperensyang ito ay sasabihin, sa anumang paraan, ang sinabi ni Cristo sa mayamang batang lalaki: “Lumapit sa inyong Tagapagligtas. Lumapit nang lubos at nang buong puso. Pasanin ang inyong krus, gaano man ito kabigat, at sumunod sa Kanya.”4 Sasabihin nila ito dahil alam nila na sa kaharian ng Diyos, walang bahagyang pagsisikap, walang sinisimulan na hindi tinatapos, at walang umaatras. Sa mga humingi ng pahintulot na ilibing ang isang yumaong magulang o magpaalam man lang sa iba pang mga miyembro ng pamilya, ang sagot ni Jesus ay nag-uutos at malinaw. “Hayaan ninyong gawin iyan ng iba,” sabi Niya. “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”5 Kapag ipinagagawa sa atin ang mahihirap na bagay, maging ang mga bagay na salungat sa mga hangarin ng ating puso, alalahanin na ang katapatang ipinangako natin sa layunin ni Cristo ang dapat na maging pinakamahalaga sa ating buhay. Bagama’t tinitiyak sa atin ni Isaias na matatamo ito “[nang] walang salapi at walang halaga”6—at totoo ito—kailangan tayong maging handa, sabi nga ni T. S. Eliot, upang maibigay “ang lahat ng mayroon tayo.”7
Mangyari pa, lahat tayo ay may mga gawi o kamalian o pangyayari sa buhay na nakahahadlang sa atin na lubos na espirituwal na makibahagi sa gawaing ito. Ngunit ang Diyos ang ating Ama at madali Siyang magpatawad at makalimot sa mga kasalanang tinalikuran na natin, marahil dahil madalas tayong magkamali kaya’t marami Siyang pagkakataon na magawa ito. Anuman ang mangyari, tutulungan ng Diyos ang bawat isa sa atin anumang oras na hangarin nating magbago. Binigyan ng Diyos si Saul ng “ibang puso.”8 Iniutos ni Ezekiel sa lahat ng sinaunang Israel na iwaksi ang kanilang nakaraan at “magbagong puso at magbagong diwa.”9 Nanawagan si Alma ng “malaking pagbabago”10 na labis na magpapagalak sa kaluluwa, at itinuro mismo ni Jesus na “malibang ang isang tao’y ipanganak na muli ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”11 Ang kakayahang magbago at mamuhay sa mas banal na paraan ay isa sa mga kaloob ng Diyos noon pa man sa mga taong naghahangad nito.
Mga kaibigan, sa ating kasalukuyang panahon nakikita natin ang lahat ng uri ng pagkakahati-hati at iba’t ibang mga grupo, malalaki at maliliit na grupo, mga digital tribe, at mga partido sa pulitika, at laganap ang alitan. Maaari nating tanungin ang ating sarili kung ang “mas dakila at mas banal”12 na buhay, na sinabi ni Pangulong Nelson, ay isang bagay na maaari nating hangarin? Habang ginagawa ito, makabubuting alalahanin natin ang kahanga-hangang panahon sa Aklat ni Mormon kung saan itinanong at sinagot ng mga tao ang tanong na iyan nang may pagsang-ayon:
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lahat ng tao, sa buong lupain … dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.
“At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, … ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.
“Walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga “ita”; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.
“[At] labis silang pinagpala!”13
Ano ang susi sa pagkakaroon ng kuntento at masayang buhay na ito? Ito ay nakasaad sa isang pangungusap: “[Ang] pag-ibig sa Diyos [ay] nananahan sa mga puso ng tao.”14 Kapag ang pag-ibig sa Diyos ang nananaig sa ating buhay, sa pakikipag-ugnayan natin sa isa’t isa at sa nadarama natin sa buong sangkatauhan, ang mga diskriminasyon, paglalagay ng mga label, at artipisyal na pagkakahati-hati ay nagsisimulang mapawi, at nadaragdagan ang kapayapaan. Iyan ang mismong nangyari sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Wala nang mga Lamanita, o Jacobeo, o Josefita, o Zoramita. Wala nang mga “ita”. Isang bagong mas mainam na pagkakakilanlan ang ginamit ng mga tao. Lahat sila, sinasabi rito, ay nakilala bilang “mga anak ni Cristo.”15
Siyempre, ang tinutukoy natin dito ay ang unang dakilang utos na ibinigay sa sangkatauhan—ang ibigin ang Diyos nang lubos, nang walang pag-aalinlangan o pasubali, ibig sabihin, nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.16 Ang pag-ibig sa Diyos ang unang dakilang utos sa sansinukob. Ngunit ang una at dakilang katotohanan sa buong sansinukob ay mahal tayo ng Diyos sa paraan ding iyon—nang lubos, nang walang pag-aalinlangan o pasubali, nang Kanyang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. At kapag ang dakilang damdaming iyon sa Kanyang puso at sa ating mga puso ay nagtugma, mapupuspos tayo ng espirituwal at moral na lakas. Pagkatapos, tulad ng isinulat ni Teilhard de Chardin, “sa ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng daigdig, matutuklasan ng tao ang apoy.”17
At sa gayon lamang natin masusunod nang mabuti ang pangalawang dakilang utos sa paraang walang pagkukunwari. Kung talagang mahal natin ang Diyos kaya nagsisikap tayong maging lubos na tapat sa Kanya, bibigyan Niya tayo ng kakayahan, lakas, determinasyon, at paraan upang mahalin ang ating kapwa at ang ating sarili. Sa gayon marahil ay muli nating masasabi, “Wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.”18
Mga kapatid, dalangin ko na magtagumpay tayo kung saan nabigo ang mayamang pinunong iyon, na ating papasanin ang krus ni Cristo, gaano man ito kahirap, anumang pagsubok at anuman ang mangyari. Pinatototohanan ko na kapag nangako tayong susundin Siya, ang tatahakin natin, sa anumang paraan, ay maaaring kapalooban ng pagtitiis sa mahihirap na pagsubok tulad ng naranasan Niya sa krus. Gaano man kayaman ang batang pinuno, hindi sapat ang yaman niya para makaiwas siya sa pagharap sa mahihirap na sitwasyon na nauugnay sa mga simbolong iyon, at gayon din tayo. Para sa pagpapala ng pagtanggap ng pinakadakila sa lahat ng mga pag-aari—ang kaloob na buhay na walang hanggan—sapat lamang na hilingin sa atin na manatili sa landas sa pagsunod sa Pinakapunong Saserdote ng ating Pagpapahayag, ang ating Tala sa Umaga, Tagapamagitan, at Hari. Nagpapatotoo ako kasama ng di-gaanong kilalang si Amaleki nang sinauna na bawat isa sa atin ay dapat, “ialay ang [ating] buong kaluluwa bilang handog sa kanya.”19 Nang may gayong determinasyon at di-natitinag na katapatan, inaawit natin:
Purihin ang Diyos; sa Kanya’y tapat:
Sa Iyong mapantubos na pag-ibig. …
Puso’y narito, at iniaalay;
Ibigkis sa kalangitan.20
Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.