Pangkalahatang Kumperensya
Isang Porsyento na Mas Mahusay
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


10:1

Isang Porsyento na Mas Mahusay

Bawat pagsisikap na ginagawa natin para magbago—gaano man ito kaliit sa ating paningin—ay maaaring maging dahilan ng pinakamalaking pagbabago sa ating buhay.

Sa loob ng mahigit isang siglo, ang pambansang koponan ng mga siklista ng Great Britain ay itinuring na katatawanan sa mundo ng mga siklista. Dahil sa kakulangan sa husay, iilang gintong medalya lamang ang nakuha ng mga siklistang Briton sa loob ng 100 taon ng pakikipagpaligsahan sa Olympics, at higit pa rito ganap silang bigo sa pinakatampok na kompetisyon ng mga siklista, ang 3-linggong Tour de France—kung saan wala pang siklistang Briton ang nanalo sa loob ng 110 taon. Dahil sa nakaaawang kalagayan ng mga siklistang Briton noon, may ilang tagagawa ng bisikleta ang tumangging bentahan ang mga Briton sa takot na habambuhay na madungisan ang pinapangalagaan nilang reputasyon. At kahit naglaan na ng malaking pondo para sa mga pinakabagong teknolohiya at para sa mga makabagong pagsasanay, hindi pa rin sila natulungang manalo nito.

Mga siklistang Briton

Walang nagbago, hanggang noong 2003, kung kailan nagkaroon ng maliit at hindi kapansin-pansing pagbabago na mula noon ay nagpabago ng kapalaran ng mga siklistang Briton. Ipinakita rin ng bagong pilosopiya nila ang isang walang hanggang alituntunin—na may pangako—hinggil sa ating madalas na nakalilitong pakikipagsapalaran sa mundo upang pahusayin ang ating sarili. Anong nangyari sa pagbibisikleta ng mga Briton na napakahalaga sa ating personal na paghahangad na maging mas mabuting mga anak na babae at lalaki ng Diyos?

Noong 2003, si Sir David Brailsford ay kinuhang maging coach. Hindi tulad ng mga naunang coach na tinangkang ipilit ang agarang pagbabago, nagtuon si Sir Brailsford sa isang istratehiya na tinawag niyang “pagsasama-sama ng maliliit na paghusay sa kakayahan.” Ito ay nagtuon sa pagkakaroon ng maliliit na pagpapahusay sa lahat ng bagay. Kinailangan nito ang patuloy na pagsukat ng mga pangunahing datos, at pagtutok sa partikular na mga kahinaan.

Hindi ito nalalayo sa paniniwala ng Lamanita na si Samuel na “[lumakad] nang maingat.”1 Ang pananaw na ito na mas malawak at mas nakatuon sa kabuuan ay iniiwasan ang patibong ng pagtutuon sa kitang-kitang mga problema o kasalanan. Sinabi ni Brailsford, “Ang alituntuning ito ay nanggaling sa ideya na kung iisa-isahin mo ang bawat bagay na may kinalaman sa pagbibisikleta, at babaguhin ang mga iyon nang kahit 1 porsyento, magkakaroon ng makabuluhang pagbabago kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito.”2

Ang kanyang pamamaraan ay nakaayon sa pamamaraan ng Panginoon, na nagturo din sa atin ng kahalagahan ng 1 porsyento—maging kapalit man nito ang 99 na porsyento. Siyempre pa, ang itinuturo Niya roon ay ang kautusan na hanapin ang bawat indibidwal na nangangailangan. Ngunit ano kaya ang mangyayari kung gagamitin natin ang alituntuning iyon sa kalugud-lugod na ikalawang alituntunin ng ebanghelyo, na pagsisisi? Sa halip na maging balakid ang paulit-ulit na pagkakasala at pagsisisi, ano kaya ang mangyayari kung paliliitin natin ang ating pokus—habang pinalalawak natin ito? Sa halip na subukang gawing perpekto ang lahat, paano kung susubukan nating magtuon lamang isang bagay ?

Halimbawa, paano kung sa inyong bagong mas malawak na pananaw. natuklasan ninyong nakakaligtaan ninyong magbasa ng Aklat ni Mormon araw-araw? Sa halip na madaliing basahin ang lahat ng 777 na pahina nang magdamag, ano kaya kung magbasa lang tayo nang kahit isang porsyento nito—mga walong pahina sa isang araw—o ilan mang pahina na mas angkop sa sitwasyon ninyo? Maaari kayang ang pagsasama-sama ng maliliit ngunit patuloy na pagbabago tungo sa kabutihan sa ating buhay ang daan sa tagumpay kahit sa pinakanakaiinis na pagkukulang natin? Gagana ba talaga ang pamamaraang ito ng pagtutuon sa pagtatama natin sa maliliit na bahagi ng ating mga kakulangan?

Sinabi ng tanyag na manunulat na si James Clear na ang pamamaraang ito ay magbibigay sa atin ng mas malaking tyansang magtagumpay. Naniniwala siya na ang “mga gawi ay ang ‘patung-patong ng pakinabang natin na bunga ng pagpapabuti sa ating sarili.’ Kung kaya ninyong bumuti nang isang porsyento sa isang bagay bawat araw, sa katapusan ng taon … magiging mas mahusay kayo nang 37 beses sa bagay na iyon.”3

Ang maliliit na napabuti ni Brailsford ay nag-umpisa sa mga bagay na kapansin-pansin, gaya ng mga kagamitan ng bisikleta, mga kit fabric, at mga huwaran sa pagsasanay. Ngunit hindi tumigil doon ang grupo niya. Patuloy silang naghanap ng mapapabuti pa nila nang isang porsyento sa mga hindi napapansin at hindi inaasahang bagay tulad ng nutrisyon at pagmementena ng kalusugan. Sa pagdaan ng panahon, ang hindi mabilang na maliliit na pagpapabuti ng mga bagay-bagay ay nagsama-sama at naghatid ng kamangha-manghang resulta, na dumating nang mas mabilis kaysa sa inasahan ninuman. Tunay ngang sumailalim sila sa walang-hanggang alituntunin na “taludtod sa taludtod; tuntunin sa tuntunin; kaunti rito at kaunti roon.”4

Maisasakatuparan ba ng maliliit na pagbabago ang “malaking pagbabago”5 na hinahangad ninyo? Kung isasagawa nang tama, nakatitiyak ako nang 99 porsyento na maisasakatuparan ng mga ito! Ngunit ang isang dapat tandaan sa pamamaraang ito ay upang mapagsama-sama ang maliliit na pagpapabuti, kailangan ng tuluy-tuloy na pagsisikap. At bagama’t hindi tayo magiging perpekto, kailangan nating maging determinado sa ating paninindigan nang may katumbas na pagtitiyaga. Gawin ninyo iyan, at ang nakalulugod na gantimpala ng dagdag na kabanalan ay maghahatid sa inyo ng ligaya at kapayapaan na hinahangad ninyo. Gaya ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi isang pangyayari lang; ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”6

Binhi ng mustasa
Puno ng mustasa

Malinaw ang inihayag ng mga banal na kasulatan hinggil sa kinakailangang pananampalataya upang magsisi. Ang tanging kailangan sa una ay “kahit bahagyang pananampalataya.”7 At kung isasabuhay natin itong kaisipang “binhi ng mustasa”8, makaaasa tayo ng mga hindi inaasahan at katangi-tanging pagbabago sa ating buhay. Ngunit tandaan, gaya ng hindi natin tatangkaing magbago mula sa pagiging Atilla the Hun patungo sa pagiging Mother Teresa nang magdamag lamang, dapat din nating baguhin nang paunti-unti ang ating huwaran ng pagbabago. Kahit na ang mga kinakailangang pagbabago sa iyong buhay ay napakalaki, magsimula sa maliit. Lalo na kung nakadarama ka ng pagkabigla o panghihina ng loob.

Tandaan na hindi langing tulad ng diretsong linya ang prosesong ito. Kahit ang mga pinakadeterminado ay nakararanas ng mga hamon. Dahil naranasan ko rin ito mismo, alam kong maaari nating madama minsan na parang 1 porsyento tayong umaabante at 2 porsyentong umaatras. Ngunit kung magpapatuloy tayo sa ating pagsisikap na makamit ang 1 porsiyento ng pagbabago, Siya na “[nagdala ng] ating mga karamdaman”9 ay tiyak na tutulungan tayo.

Kung tayo ay nakagawa ng mabibigat na kasalanan, maliwanag at tiyak ang sinabi ng Panginoon; kailangan nating huminto, humingi ng tulong sa ating bishop, at agad na tumalikod sa gayong mga gawain. Ngunit gaya ng tagubilin ni Elder David A. Bednar: “Ang maliit, matatag, at nag-iibayong espirituwal na pagpapaunlad ay ang mga hakbang na gusto ng Panginoon na gawin natin. Ang paghahandang makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos ay isa sa mga pangunahing layunin ng buhay at panghabambuhay na mithiin; hindi ito bunga ng pabugso-bugsong paggawa ng mga masidhing espirituwal na bagay.”10

Mga siklistang Briton

Gumagana ba talaga ang pamamaraang ito ng pagtutuon sa pagtatama natin sa maliliit na bahagi ng ating mga pagkakamali sa pagsisisi at nagkakaroon ba ng tunay na pagbabago? Nasa resulta ba nito ang patunay? Pag-isipan ang nangyari sa pagbibisikleta ng mga Briton sa nakalipas na dalawang dekada mula nang ipatupad nila ang pilosopiyang ito. Kamangha-manghang anim na beses nagwagi ang mga siklistang Briton sa ipinagbubunying Tour de France. Sa nakaraang apat na Oympic Games, Great Britain ang naging pinakamatagumpay na bansa sa lahat ng kompetisyon ng pagbibisikleta. At sa katatapos lamang na Tokyo Olympics, ang UK ang nanalo ng pinakamaraming gintong medalya sa pagbibisikleta.

Mga kampeon sa Olympics

Retrato ng mga siklistang Briton nina (clockwise mula sa kaliwa sa itaas) Friedemann Vogel, John Giles, at Greg Baker/Getty Images

Gayunpaman, ang mahalagang pangako sa atin sa landas ng kawalang-hanggan na “magtatagumpay tayo kay Cristo”11 ay mas maningning pa kaysa sa pilak at ginto. At habang nagsisikap tayong magbago sa maliliit ngunit tuloy-tuloy na paraan tungo sa kabutihan, pinangakuan tayo ng “di nasisirang putong ng kaluwalhatian.”12 Sa ilalim ng liwanag ng walang-katapusang kaluwalhatian, inaanyayahan ko kayo na suriin ang inyong buhay at tingnan kung ano ang nagpapahinto o nagpapabagal sa inyong paglalakbay sa landas ng tipan. Pagkatapos ay palawakin ang inyong pananaw. Sikaping gumawa ng mga katamtaman ngunit makakaya ninyong pagsasaayos sa inyong buhay na makapagdadala sa inyo ng kaligayahan dahil naramdaman ninyong mas bumuti kayo.

Tandaan, isang maliit na bato lamang ang ginamit ni David upang pabagsakin ang tila hindi magagapi na higante. Ngunit may nakahanda siyang apat na bato. Sa gayong paraan din, ang makasalanang disposisyon at walang-hanggang tadhana ng Nakababatang Alma ay binago ng isang simple at napakalinaw na kaisipan—ang pag-alala sa mga turo ng kanyang ama tungkol sa nakaliligtas na biyaya ni Jesucristo. Gayundin ito sa ating Tagapagligtas, na, kahit walang kasalanan ay “hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan.”13

Jesucristo

Siya na nakaaalam kapag nahulog ang isang maya at nakatuon kapwa sa maliliit at mahahalagang sandali ng ating mga buhay ay handa ring tulungan kayo ngayon sa anumang hangarin ninyong pagbabago nang isang porsyento, mula sa kumprensyang ito. Dahil bawat pagsisikap na ginagawa natin para magbago—gaano man ito kaliit sa ating paningin—ay maaaring maging dahilan ng pinakamalaking pagbabago sa ating buhay.

Sa layuning ito, itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang bawat paggawa ng matuwid na hangarin, bawat paglilingkod, at maging bawat pagsamba, gaano man kaliit at kakaunti, ay nagdaragdag sa ating espiritwal na pagsulong.”14 Tunay nga na sa pamamagitan ng maliliit, karaniwan, at, oo, maging sa 1 porsiyento lamang ng mga bagay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.15 Ang ganap na tagumpay ay may 100 porsyentong katiyakan, “pagkatapos ng lahat ng ating magagawa,”16 sa pamamagitan ng lakas, kabutihan, at awa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.