Pagpapalalim ng Ating Pagbabalik-loob kay Jesucristo
Ang mga banal na kasulatan at ang ating kaalaman tungkol sa Diyos ay mga kaloob—mga kaloob na napakadalas nating binabale-wala. Pahalagahan natin ang mga pagpapalang ito.
Maraming salamat, Elder Nielson, sa iyong magandang mensahe. Kailangan namin iyan.
Mahal kong mga kapatid, itinuro sa atin kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang gawin nang mahusay ang anumang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi naiiba diyan ang pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at tiwala sa Kanya ay nangangailangan ng pagsisikap.” Kabilang sa mga mungkahing ibinigay niya upang mapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay ang pagiging masigasig na mag-aaral, na itinutuon ang ating sarili sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang mas maunawaan ang misyon at ministeryo ni Cristo. (Tingnan sa “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103.)
Nalaman natin sa Aklat ni Mormon na ang mga banal na kasulatan ay mahalaga sa pamilya ni Lehi—kaya nga bumalik pa sa Jerusalem si Nephi at ang kanyang mga kapatid upang kunin ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4).
Inihahayag ng mga banal na kasulatan ang kalooban ng Diyos para sa atin, tulad ng ginawa ng Liahona para kay Nephi at sa kanyang ama. Noong nabali ang kanyang pana, kinailangan ni Nephi na malaman kung saan siya pupunta upang makakuha ng pagkain. Ang kanyang amang si Lehi ay tumingin sa Liahona at nakita ang mga nakasulat dito. Natuklasan ni Nephi na ang mga ikiran ay gumagana ayon sa kanilang pananampalataya, pagsisikap, at pagsunod sa mga iyon. Nakita rin niya na may mga nakasulat na madaling basahin na nagbigay sa kanila ng kaalaman tungkol sa landas ng Panginoon. Nalaman niya na isinasakatuparan ng Diyos ang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Liahona. Umakyat siya sa bundok at nakakuha ng pagkain para sa kanyang pamilya, na lubhang nahirapan dahil sa kakulangan ng pagkain. (Tingnan sa 1 Nephi 16:23–31.)
Sa aking palagay, si Nephi ay isang tapat na mag-aaral ng banal na kasulatan. Mababasa natin na si Nephi ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, pinagbulayan ang mga ito sa kanyang puso, at isinulat ang mga ito para sa ikatututo at kapakinabangan ng kanyang mga anak (tingnan sa 2 Nephi 4:15–16).
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Kung tayo ay ‘magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, … [tayo] ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:20].
“Ang magpakabusog ay hindi lamang tumikim. Ang ibig sabihin ng magpakabusog ay namnamin. Namnamin natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga ito na nalulugod sa pagtuklas at matapat na pagsunod. Kapag nagpakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, nakaukit ang mga ito sa mga ‘tapyas ng pusong laman’ [II Mga Taga Corinto 3:3]. Nagiging mahalagang bahagi ang mga ito ng ating pagkatao” (“Living by Scriptural Guidance,” Liahona, Ene. 2001, 21).
Ano ang Ilang Bagay na Gagawin Natin Kapag Nalulugod ang Ating Kaluluwa sa mga Banal na Kasulatan?
Mag-iibayo ang ating pagnanais na maging bahagi ng pagtitipon ng Isarel sa magkabilang panig ng tabing. Magiging natural na sa atin ang pag-anyaya sa ating pamilya at mga kaibigan na makinig sa mga missionary. Tayo ay magiging karapat-dapat, at magkakaroon tayo ng current temple recommend upang makapunta sa templo nang madalas. Tayo ay magsisikap na hanapin, ihanda, at isumite ang mga pangalan ng ating mga ninuno sa templo. Tayo ay magiging tapat sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, magsisimba tuwing Linggo upang mapanibago ang ating mga tipan sa Panginoon kapag nakibahagi tayo nang karapat-dapat sa pagtanggap ng sakramento. Magpapasiya tayo na mananatili sa landas ng tipan, namumuhay ayon sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:44).
Ano ang Ibig Sabihin sa Inyo ng Malugod sa mga Bagay ng Panginoon?
Ang pagkalugod sa mga banal na kasulatan ay higit pa sa pagnanais na matuto. Nakaranas si Nephi ng malaking kagalakan sa kanyang buhay. Gayunman, nakaranas din siya ng paghihirap at kalungkutan (tingnan sa 2 Nephi 4:12–13). “Gayunpaman,” sabi niya, “alam ko kung kanino ako nagtiwala” (2 Nephi 4:19). Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, mas mauunawaan natin ang plano ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos, at magtitiwala tayo sa Kanyang mga pangako sa atin na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, at sa mga pangako at pagpapala ng kanyang mga propeta ngayon.
Isang hapon, inanyayahan kaming mag-asawa sa bahay ng isang kaibigan. Hindi pa narinig ng kanilang pitong-taong-gulang na anak na lalaki na si David ang kuwento sa Biblia tungkol kay David at Goliat, at nais niya itong marinig. Nang simulan ko ang kuwento, naantig siya sa kung paano napatumba at napatay ni David ang Filisteo gamit ang tirador at bato nang walang espada, sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya at sa ngalan ng Diyos ng Israel (tingnan sa 1 Samuel 17).
Habang nakatingin sa akin ang kanyang itim na mga mata, matapat niyang itinanong, “Sino po ang Diyos?” Ipinaliwanag ko sa kanya na ang Diyos ang ating Ama sa Langit at makikilala natin Siya sa mga banal na kasulatan.
Pagkatapos ay tinanong niya ako, “Ano po ang mga banal na kasulatan?” Sinabi ko sa kanya na ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos at mababasa niya rito ang magagandang kuwento na tutulong sa kanya na mas makilala pa ang Diyos. Nakiusap ako sa kanyang ina na gamitin ang kanyang Biblia sa tahanan at basahin kay David ang buong kuwento bago ito matulog. Tuwang-tuwa siya habang nakikinig sa kuwento. Ang mga banal na kasulatan at ang ating kaalaman tungkol sa Diyos ay mga kaloob—mga kaloob na napakadalas nating binabale-wala. Pahalagahan natin ang mga pagpapalang ito.
Habang nasa misyon noong ako ay mas bata pa, napansin ko na kapag nagturo kami gamit ang mga banal na kasulatan, nababago ang buhay ng maraming tao. Nalaman ko ang kapangyarihang taglay nito at kung paano nito babaguhin ang ating buhay. Ang bawat taong tinuruan namin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay mga natatanging indibiduwal na may iba’t ibang pangangailangan. Ang mga banal na kasulatan—oo, ang mga propesiyang isinulat ng mga banal na propeta—ay naghatid sa kanila ng pananampalataya sa Panginoon at ng pagsisisi at pagbabago sa kanilang puso.
Pinuspos sila ng kagalakan ng mga banal na kasulatan dahil nakatanggap sila ng inspirasyon, patnubay, kapanatagan, lakas, at mga sagot sa kanilang mga pangangailangan. Marami sa kanila ang nagpasiyang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay at nagsimulang sundin ang mga kautusan ng Diyos.
Hinikayat tayo ni Nephi na malugod sa mga salita ni Cristo, dahil ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:3).
Inaanyayahan ko kayo na magkaroon ng permanenteng plano sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay isang napakagandang sanggunian para sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo, pagpapalalim ng ating pagbabalik-loob kay Jesucristo, at tumutulong sa atin na maging katulad Niya. Kapag pinag-aralan natin ang ebanghelyo, hindi lamang tayo naghahanap ng bagong impormasyon; sa halip, tayo ay nagsisikap na maging “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17).
Ang Espiritu Santo ang umaakay sa atin tungo sa katotohanan at nagpapatotoo sa atin ng katotohanan (tingnan sa Juan 16:13). Pinalilinaw Niya ang ating isipan at pinahuhusay ang ating pang-unawa at inaantig ang ating puso sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Dinadalisay ng Espiritu Santo ang ating puso. Pinupukaw Niya sa atin ang hangaring mamuhay ayon sa katotohanan at ibinubulong Niya sa atin ang mga paraan para magawa ito. “Ang Espiritu Santo … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay” (Juan 14:26).
Tinutukoy ang mga salitang inihayag Niya kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng ating Tagapagligtas:
“Ang mga salitang ito ay hindi mula sa mga tao ni galing sa tao, kundi mula sa akin; …
“Sapagkat ang aking tinig ang nangusap ng mga ito sa inyo; sapagkat ang mga ito ay ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo … ;
“Dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita” (Doktrina at mga Tipan 18:34–36).
Kailangan nating hingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Ang mithiing ito ang dapat mangibabaw sa ating mga desisyon at gumabay sa ating mga iniisip at ikinikilos. Kailangan nating hangarin ang lahat ng bagay na nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu at iwaksi ang anumang bagay na nagtataboy sa impluwensyang ito.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang pinakamamahal na Anak ng ating Ama sa Langit. Mahal ko ang aking Tagapagligtas. Nagpapasalamat ako sa Kanyang mga banal na kasulatan at sa Kanyang mga buhay na propeta. Si Pangulong Nelson ay Kanyang propeta. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.