Pangkalahatang Kumperensya
Napakaganda—Napakasimple
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


13:7

Napakaganda—Napakasimple

Nawa’y panatilihin nating simple ang ebanghelyo habang ginagawa natin ang mga responsibilidad na ibinigay sa atin ng Diyos.

Pambungad

Masayang pagbati sa bawat isa sa inyo na nakikibahagi sa kumperensyang ito.

Ngayong araw, nais kong ilarawan ang dalawang elemento ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na susundan ng apat na nakakaantig na kuwento mula sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo na nagsasabuhay ng mga alituntuning ito. Ang unang elemento ng ipinanumbalik na ebanghelyo—ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos—ay nakatuon sa mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos. Ang pangalawang elemento ay nagpapaalala sa atin na malinaw, mahalaga, at simple ang ebanghelyo.

Mga Responsibilidad na Ibinigay ng Diyos

Upang makatanggap ng buhay na walang-hanggan, dapat tayong “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya.”1 Habang lumalapit tayo kay Cristo at tinutulungan ang iba na gayon din ang gawin, nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos, na nakatuon sa mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos.2 Ang mga responsibilidad na ito na ibinigay ng Diyos ay nakaayon sa mga susi ng priesthood na ipinanumbalik nina Moises, Elias, at Elijah, na nakatala sa ika-110 bahagi ng Doktrina at mga Tipan,3 at ang pangalawang dakilang utos na ibinigay sa atin ni Jesucriato na mahalin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili.4 Matatagpuan ang mga ito sa unang dalawang pahina ng in-update na Pangkalahatang Hanbuk, na maaaring basahin ng lahat ng miyembro.

Kung ang mga salita sa “Pangkalahatang Hanbuk” o ang “mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos” ay nagpapanginig sa inyo sa takot dahil iniisip ninyo na ito ay kumplikado, huwag mag-alala. Ang mga responsibilidad na ito ay simple, nagbibigay-inspirasyon, nakahihikayat, at kayang gawin. Narito ang mga iyon:

  1. Pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo

  2. Pangangalaga sa mga nangangailangan

  3. Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo

  4. Pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan

Tulad ko, maaari ninyong ituring ang mga ito bilang isang mapa na tutulong sa atin na makabalik sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.

Mga elemento ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan

Ang Ebanghelyo ay Malinaw, Mahalaga, at Simple

Dati nang nabanggit na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay “napakaganda at napakasimple.”5 Ngunit ang mundo ay hindi ganoon. Ito ay kumplikado, masalimuot, at puno ng kaguluhan at alitan. Pagpapalain tayo kapag hindi natin hinayaan na ang kaguluhan, na laganap sa mundo, ay makaimpluwensya sa paraan ng pagtanggap at pagsasabuhay natin ng ebanghelyo.

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Tinuturuan tayo ng maraming maliliit at mga karaniwang bagay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kailangan tayong mapaalalahanan na kapag pinagsama-sama sa pagdaan ng panahon, ang tila maliliit na bagay na ito ay magsasakatuparan ng mga dakilang bagay.”6 Inilarawan mismo ni Jesucristo na madaling dalhin ang Kanyang pamatok at magaan ang Kanyang pasan.7 Dapat nating sikapin na panatilihing simple ang ebanghelyo—sa ating buhay, sa ating mga pamilya, sa ating mga klase at korum, at sa ating mga ward at stake.

Habang pinakikinggan ninyo ang mga kuwentong ibabahagi ko, isaisip na ang mga ito ay maingat na pinili upang magbigay ng inspirasyon at impormasyon. Ang mga ginawa ng bawat Banal sa mga Huling Araw na ito ay huwaran para sa bawat isa sa atin sa pagsasabuhay ng ebanghelyo sa malinaw, mahalaga, at simpleng paraan habang tinutupad ang isa sa mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos na nabanggit kanina.

Pagsasabuhay ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Una, pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Si Jens ng Denmark ay nagdarasal araw-araw upang maisabuhay ang ebanghelyo at madama ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Natutuhan niyang kumilos kaagad kapag nadarama niyang pinapatnubayan siya ng Espiritu.

Si Jens ng Denmark

Ikinuwento ni Jens ang sumusunod:

“Nakatira kami sa maliit at mapayapang bahay na yari sa kahoy at may pawid na bubong sa sentro ng maliit at maaliwalas na nayon, malapit sa lawa.

Masaya at payapang nayon
Lawa ng nayon

“Sa gabing ito na dama ang pinakamagandang panahon ng tag-init sa Denmark, bukas ang mga pinto at bintana, at mapayapa at tahimik ang kapaligiran. Dahil sa aming maliliwanag at mahahabang gabi ng tag-init, hindi ako nagmadaling palitan ang pundidong bombilya sa aming utility room.

Ilaw o liwanag sa utility room

“Ngunit bigla kong nadama na kailangan ko na itong palitan kaagad! Kasabay niyon, narinig ko ang aking asawang si Mariann na tinatawag ako at ang aming mga anak para maghugas ng kamay dahil handa na ang hapunan!

“Sa tagal na naming mag-asawa, alam ko nang hindi ito ang oras para gumawa ng ibang bagay maliban sa maghugas ng kamay, pero sinabi ko kay Mariann na pupunta lang ako sa tindahan para bumili ng bagong bombilya. Nadama kong kailangan ko nang umalis kaagad.

“Ang tindahan ay nasa kabila lang ng lawa. Karaniwa’y nilalakad lang namin ito, pero ngayon ay nagbisikleta ako. Habang nagbibisikleta sa tabi ng lawa, nahagip ng aking paningin ang isang batang lalaki, na mga dalawang taong gulang, na mag-isang naglalakad sa gilid ng lawa, malapit na malapit sa tubig—at bigla siyang nahulog! Kakikita ko pa lang sa kanya—pero bigla siyang naglaho!

“Walang ibang nakakita sa pangyayaring ito kundi ako. Mabilis akong bumaba sa aking bisikleta, tumakbo, at tumalon sa lawa na hanggang baywang ang tubig. Natakpan na ng halamang-tubig ang ibabaw ng lawa, kaya halos wala nang makita sa tubig. Pero nadama kong may gumalaw sa isang gilid. Inilubog ko ang aking kamay sa tubig, nahawakan ko ang damit ng bata, at hinila ko siya pataas. Nagsimula siyang sumingap, umubo, at umiyak. Hindi nagtagal ay muling nakasama ng bata ang kanyang mga magulang.”

si Jens at ang kanyang pamilya

Sa pagdarasal ni Brother Jens tuwing umaga na tulungan siyang matukoy ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, kahit tila kakatwa ito tulad ng pagpapalit kaagad ng bombilya, hinihiling din niya na maging kasangkapan siya sa pagtulong sa mga anak ng Diyos. Isinasabuhay ni Jens ang ebanghelyo sa paghahangad ng banal na patnubay sa bawat araw, pagsisikap na maging karapat-dapat, at paggawa ng lahat ng kanyang makakaya upang masunod ang patnubay kapag dumarating ito.

Pangangalaga sa mga Nangangailangan

Narito ang isang halimbawa ng pangangalaga sa mga nangangailangan. Isang araw, sinamahan ng isang stake president sa Cúcuta Stake sa Colombia ang stake Young Women president para bisitahin ang dalawang young women—at ang kuya nila—na dumaranas ng matitinding pagsubok. Kamakailan ay pumanaw ang kanilang ama, isang taon matapos pumanaw ang kanilang ina. Ang tatlong magkakapatid na lang ang nakatira sa kanilang maliit na bahay. Ang mga pader nito ay yari sa magaspang na kahoy na pinatungan ng mga plastik na supot, at ang natatakpan lang ng yerong bubong ay ang kanilang tulugan.

Matapos ang kanilang pagbisita, nalaman ng mga lider na ito na kailangan nilang tumulong. Sa pamamagitan ng ward council, sinimulan ang planong tulungan ang tatlong kabataan. Ang mga lider ng ward at stake—Relief Society, elders quorum, Young Men, Young Women—at maraming pamilya ay masigasig na nagkaisang pagpalain ang pamilyang ito.

Bahay na itinatayo
Bahay na itinatayo

Kinontak ng mga organisasyon sa ward ang ilang miyembro ng ward na nagtatrabaho sa konstruksyon. Ang ilan ay tumulong sa pagdisenyo, nag-alay ng oras at serbisyo, naghanda ng pagkain, at ang iba naman ay nagbigay ng mga kailangang materyales.

tahanan na tapos na

Nang matapos ang maliit na bahay, napakasaya ng mga tumulong at ng tatlong kabataan na mga miyembro ng ward. Dahil sa pagmamahal at kapanatagang nadama ng mga naulilang kabataan na ito mula sa kanilang pamilya sa ward, alam nila na hindi sila nag-iisa at laging nariyan ang Diyos para sa kanila. Nadama ng mga tumulong ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa pamilyang ito at nagsilbi silang Kanyang mga kamay sa paglilingkod sa mga ito.

Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo

Palagay ko matutuwa kayo sa halimbawang ito na pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ang 17 taong gulang na si Cleiton na mula sa Cape Verde ay walang ideya kung ano ang magiging bunga ng pagpasok niya sa seminary ng kanyang ward isang araw. Ngunit ang kanyang buhay at ang buhay ng iba ay mababago magpakailanman dahil sa ginawa niya.

Medyo matagal na rin nabinyagan sa Simbahan si Cleiton, kasabay ang kanyang ina at kuya, pero tumigil sa pagsisimba ang pamilya. Ang simpleng pagdalo niya sa seminary ay naging daan sa napakalaking pagbabago sa kanyang pamilya.

Masaya siyang tinanggap ng iba pang kabataan sa seminary. Siniguro nila na mapapanatag si Cleiton at hinikayat nila siya na dumalo sa iba pang aktibidad. Ginawa nga niya iyon at hindi nagtagal ay nagsimula na siyang dumalo sa iba pa niyang miting sa Simbahan. Kinakitaan ng matalinong bishop ng espirituwal na potensyal si Cleiton at inanyayahan niya ito na maging kanyang assistant. “Mula noon,” sabi ni Bishop Cruz, “si Cleiton ay naging magandang halimbawa at impluwensya sa iba pang kabataan.”

Ang unang tao na inanyayahan ni Cleiton na bumalik sa simbahan ay ang kanyang ina, sumunod ay ang kanyang kuya. Inanyayahan din niya ang kanyang mga kaibigan. Ang isa sa mga kaibigang iyon ay kasing-edad niya, si Wilson. Sa una pa lang na pakikipagkita sa mga missionary, sinabi na ni Wilson na gusto niyang magpabinyag. Humanga at namangha ang mga missionary sa dami na ng naibahagi ni Cleiton kay Wilson.

mga kabataang lalaki sa Cape Verde
Pag-anyaya sa iba na magsimba
Lumalaking grupo ng aktibong mga kabataan

Hindi natapos doon ang mga pagsisikap ni Cleiton. Tinulungan niyang makabalik ang iba pang miyembro na di-gaanong aktibo, bukod pa sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan na iba ang relihiyon. Ngayon, ang ward ay mayroon nang 35 aktibong kabataan at dumaraming estudyante sa seminary, at ang malaking dahilan nito ay ang mga pagsisikap ni Cleiton na magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Si Cleiton at ang kanyang kuya na si Cléber ay kapwa naghahandang maglingkod sa full-time mission.

Pagbubuklod ng mga Pamilya sa Walang-hanggan

Sa huli, hayaan ninyong magbahagi ako ng magandang halimbawa ng pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan. Unang nalaman ni Lydia na taga-Kharkiv, Ukraine ang tungkol sa templo mula sa mga missionary. Nakadama kaagad si Lydia ng matinding hangarin na makapunta sa templo, at pagkatapos ng kanyang binyag, sinimulan na niyang paghandaan ang pagtanggap ng temple recommend.

Pumunta si Lydia sa Freiberg Germany Temple upang matanggap ang kanyang endowment at pagkatapos ay gumugol siya ng ilang araw upang magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay. Matapos ang paglalaan ng Kyiv Ukraine Temple, lalong dumalas ang pagpunta ni Lydia sa templo. Sila ng asawa niyang si Anatoly ay nabuklod doon para sa kawalang-hanggan at kalaunan ay tinawag na maglingkod bilang mga temple missionary. Magkatulong silang nakahanap ng mahigit 15,000 mga pangalan ng mga ninuno at nagsikap na magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga ito.

mag-asawang taga-Ukraine sa templo

Nang tanungin tungkol sa nadarama niya hinggil sa gawain sa templo, sabi ni Lydia, “Ano ang natanggap ko sa templo? Nakagawa ako ng mga bagong tipan sa Diyos. Napalakas ang aking patotoo. Natutuhan ko kung paano makatanggap ng personal na paghahayag. Nakapagsasagawa ako ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa aking mga namatay na ninuno. At nagagawa kong mahalin at paglingkuran ang ibang tao.” Sa huli, sinabi niya ang napakatotoong pahayag na ito: “Nais ng Panginoon na pumunta tayo nang madalas sa templo.”

Konklusyon

Nabigyang-inspirasyon ako ng kabutihan ng mga Banal sa mga Huling Araw na ito, na may iba’t ibang karanasan na tampok sa apat na kuwentong ito. Maraming matututuhan mula sa mga mahimalang bunga ng simpleng pagsasabuhay ng mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo. Ang lahat ng ginawa nila ay kaya rin nating gawin.

Nawa’y panatilihin nating simple ang ebanghelyo habang ginagawa natin ang mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos: Na isabuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo upang maging sensitibo sa mga pahiwatig tulad ng ginawa ni Jens sa Denmark. Na pangalagaan ang mga nangangailangan, tulad ng ipinakita ng mga miyembro sa Cúcuta Stake sa Colombia nang ayusin nila ang bahay ng mga ulilang miyembro ng ward. Na anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo, tulad ng ginawa ni Cleiton, na mula sa bansa sa Africa na Cape Verde, sa kanyang mga kaibigan at kapamilya. Panghuli, na ibuklod ang mga pamilya sa walang-hanggan, tulad ng ipinakita ni Sister Lydia, na mula sa Ukraine, sa pamamagitan ng kanyang mga sariling ordenansa sa templo, pagsisikap sa family history, at paglilingkod sa templo.

Ang paggawa nito ay tiyak na magdudulot ng kagalakan at kapayapaan. Ipinapangako at pinatototohanan ko ito—at si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at ating Manunubos—sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Moroni 10:32.

  2. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2, SimbahanniJesucristo.org.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16. Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi,” Liahona, Mayo 2020, 70: “Matapos ilaan ang unang templo sa dispensasyong ito sa Kirtland, Ohio, ipinanumbalik ng tatlong propeta—sina Moises, Elias, at Elijah—ang ‘mga susi ng dispensasyong ito,’ kabilang ang mga susi na nauukol sa pagtitipon ng Israel at sa gawain ng mga templo ng Panginoon.” Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Maghandang Humarap sa Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 114: “Ipinanumbalik ng mga sinaunang propeta ang mga susi ng priesthood para sa mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. … Ang mga susing ito ay nagbibigay ng ‘kapangyarihan mula sa kaitaasan’ [Doktrina at mga Tipan 38:38] para sa mga itinalaga ng Diyos na tungkulin, na bumubuo sa pangunahing layunin ng Simbahan.”

  4. Tingnan sa Mateo 22:36–40.

  5. Sa Matthew Cowley Speaks: Discourses of Elder Matthew Cowley of the Quorum of the Twelve of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (1954), xii.

  6. Dallin H. Oaks, “Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Liahona, Mayo 2018, 89.

  7. Tingnan sa Mateo 11:30.