Pangkalahatang Kumperensya
Winawakasan ng Kapayapaan ni Cristo ang Pagkapoot
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


12:51

Winawakasan ng Kapayapaan ni Cristo ang Pagkapoot

Kapag puspos ng pag-ibig ni Cristo ang ating buhay, tumutugon tayo sa mga ’di-pagkakasundo nang may kaamuan, pagtitiis, at kabaitan.

Mahal kong mga kapatid, sa isang exercise stress test, unti-unting pinabibigat ang trabaho ng puso [ng tao]. Ang mga puso na kayang suportahan ang paglalakad ay maaaring mahirapan sa paakyat na pagtakbo. Sa ganitong paraan, naipapakita ng stress test ang isang posibleng sakit na hindi madaling napapansin. Ang anumang problemang nakita ay maaaring magamot bago pa man ito magdulot ng malulubhang problema sa pang-araw-araw na buhay.

Ang pandemyang COVID-19 ay tunay ngang isang pandaigdigang stress test! Magkahalong maganda at hindi maganda ang mga resulta nito. Nakagawa ng ligtas at epektibong mga bakuna.1 Ang mga propesyonal sa larangan ng medisina, guro, tagapag-alaga, at iba pa ay magigiting na nagsakripisyo—at patuloy na nagsasakripisyo. Maraming tao ang nagpamalas ng kagandahang-loob at kabutihan—at patuloy itong ipinamamalas. Gayunman, lumitaw ang hindi inaasahang mga problema. Ang mga indibiduwal na salat sa kakayahan ay nagdusa—at patuloy na nagdurusa. Ang mga taong nagsisikap na tugunan ang mga hindi pagkakapantay-pantay na ito ay dapat hikayatin at pasalamatan.

Ang pandemya ay isa ring espirituwal na stress test para sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga miyembro nito. Magkahalong maganda at hindi rin maganda ang mga resulta nito. Ang ating buhay ay napagpala ng pagmi-minister sa “mas dakila at mas banal na paraan,”2 ng kurikulum na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, at ng pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan na sinusuportahan ng Simbahan. Marami ang nagbigay ng tulong at kapanatagan sa mahirap na panahong ito, at patuloy itong ginagawa.3

Gayunman, sa ilang pagkakataon, naipakita ng espirituwal na stress test na ito na may tendensiya ang mga taong makipagtalo at sirain ang pagkakaisa. Makikita rito na may kailangan pa tayong gawin para magbago ang ating puso at magkaisa bilang mga tunay na disipulo ng Tagapagligtas. Hindi na bago ang hamong ito, ngunit napakakritikal nito.4

Nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga Nephita, itinuro Niya, “Huwag kayong magkakaroon ng mga pagtatalo sa inyo. … Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.”5 Kapag tayo ay galit na nakikipagtalo sa isa’t isa, si Satanas ay tumatawa at ang Diyos ng langit ay tumatangis.6

May dalawang dahilan ang pagtawa ni Satanas at ang pagtangis ng Diyos. Una, pinahihina ng pagtatalo ang ating patotoo sa mundo tungkol kay Jesucristo at sa pagtubos na makakamtan sa pamamagitan ng Kanyang “kabutihan, … awa, at biyaya.”7 Sinabi ng Tagapagligtas: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. … Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”8 Totoo rin ang kabaligtaran nito—malalaman ng lahat ng tao na hindi Niya tayo mga disipulo kapag hindi tayo nagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Bumabagal ang pagsulong ng Kanyang gawain-sa-huling-araw kapag may pagtatalo o pagkapoot9 na umiiral sa Kanyang mga disipulo.10 Pangalawa, ang pagtatalo ay nakasasama sa ating espirituwal na kalusugan. Nawawalan tayo ng kapayapaan, kagalakan, at kapahingahan, at humihina ang ating kakayahang madama ang Espiritu.

Ipinaliwanag ni Jesucristo na ang Kanyang doktrina ay hindi “pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi [ang Kanyang] doktrina [ay] ang mga gayong bagay ay maiwaksi.”11 Kung madaling masaktan ang aking damdamin o ako ay nagagalit o nagiging mapanghusga dahil iba ang opinyon ng ibang tao, “bagsak” ako sa espirituwal na stress test. Ang pagbagsak sa test na ito ay hindi nangangahulugang wala na akong pag-asang magbago. Bagkus, itinuturo nito na kailangan kong magbago. At makabubuting malaman iyan.

Pagkatapos bumisita ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika, ang mga tao ay nagkaisa; “hindi nagkaroon ng alitan sa buong lupain.”12 Sa palagay ba ninyo sila ay nagkaisa dahil silang lahat ay pare-pareho, o dahil hindi magkakaiba ang kanilang mga opinyon? Sa palagay ko hindi ito gayon. Sa halip, naglaho ang pagtatalo at pagkapoot dahil inuna nila sa lahat ang kanilang pagiging disipulo ng Tagapagligtas. Ang kanilang mga pagkakaiba ay hindi kasinghalaga ng kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas, at sila ay nagkaisa bilang “mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.”13 Ang bunga nito ay “wala nang mas maliligayang tao … na nilikha ng kamay ng Diyos.”14

Ang pagkakaisa ay nangangailangan ng pagsisikap.15 Nabubuo ito kapag nagsisikap tayong magkaroon ng pag-ibig ng Diyos sa ating puso16 at nakatuon tayo sa ating walang hanggang tadhana.17 Pinagkakaisa tayo ng ating karaniwan, pangunahing pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos18 at ng ating katapatan sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Bunga nito, ang ating pagmamahal sa Diyos at ang ating pagiging disipulo ni Jesucristo ay lumilikha ng tunay na malasakit sa iba. Pinahahalagahan natin ang maraming iba’t ibang katangian, pananaw, at talento ng ibang tao.19 Kung hindi natin kayang unahin ang ating pagiging disipulo kay Jesucristo kaysa sa ating mga personal na interes at pananaw, kailangan nating muling suriin ang ating mga priyoridad at magbago.

Maaaring masabi natin na, “Siyempre maaari tayong magkaisa—kung sasang-ayon ka sa akin!” Mas mabuti kung itatanong natin, “Ano ang magagawa ko upang magkaroon ng pagkakaisa? Paano ako tutugon upang matulungan ang taong ito na mas mapalapit kay Cristo? Ano ang magagawa ko upang mabawasan ang pagtatalo at makabuo ng isang mapagmahal at mapagmalasakit na komunidad sa Simbahan?”

Kapag puspos ng pag-ibig ni Cristo ang ating buhay,20 tumutugon tayo sa mga ’di-pagkakasundo nang may kaamuan, pagtitiis, at kabaitan.21 Mas inaalala natin ang damdamin ng ibang tao kaysa sa sarili nating damdamin. Sinisikap nating “mamagitan at magtaguyod ng pagkakaisa.”22 Hindi tayo nakikibahagi sa “away tungkol sa mga kuru-kuro,” hindi hinuhusgahan ang mga hindi natin makasundo, at hindi gumagawa ng anumang ikatitisod ng iba.23 Sa halip ay iniisip natin na ang mga hindi natin makasundo ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya batay sa mga karanasan nila sa buhay.

Nagtrabaho ang aking asawa bilang abogado sa loob ng 20 taon. Bilang abogado, madalas niyang makatrabaho ang mga taong nagtatanggol ng mga pananaw na salungat sa mga pananaw niya. Pero natuto siyang hindi sumang-ayon nang hindi nawawalan ng paggalang o nagagalit. Maaari niyang sabihin sa kabilang kampo, “Alam kong hindi tayo magkakasundo sa usaping ito. Gusto kita. Iginagalang ko ang opinyon mo. Sana ay mabigyan mo rin ako ng gayon ding paggalang.” Kadalasang nagbubunga ito ng paggalang at maging pagkakaibigan, kahit na may mga pagkakaiba sila.

Kahit ang mga dating magkaaway ay maaaring magkaisa sa kanilang pagiging disipulo ng Tagapagligtas.24 Noong 2006, dumalo ako sa paglalaan ng Helsinki Finland Temple upang magbigay-pugay sa aking ama at lolo’t lola na mga unang miyembro ng Simbahan sa Finland. Ang mga Finn, kabilang na ang aking ama, ay ilang dekada nang nangangarap na magkaroon ng templo sa Finland. Noong panahong iyon, kabilang sa temple district ang Finland, Estonia, Latvia, Lithuania, Belarus, at Russia.

May nalaman akong kamangha-mangha sa [araw ng] paglalaan. Ang unang araw ng pagbubukas ng templo ay nakalaan para sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng mga miyembrong Russian. Mahirap ipaliwanag kung gaano naging kahanga-hanga ito. Nagkaroon ng maraming digmaan sa pagitan ng Russia at Finland sa loob ng ilang siglo. Ang aking ama ay walang tiwala at namumuhi hindi lamang sa bansang Russia kundi gayundin sa lahat ng Russian. Ipinahahayag niya ang gayong saloobin nang may matinding emosyon, na siyang karaniwang nadarama ng mga Finn para sa Russia. Kinabisado niya ang mga tulang epiko na nagsasalaysay sa digmaan sa pagitan ng mga Finn at Russian noong ika-19 na siglo. Ang kanyang mga karanasan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan muling nagkalaban ang Finland at Russia, ay walang naidulot na pagbabago sa kanyang mga opinyon.

Isang taon bago ang paglalaan sa Helsinki Finland Temple, ang komite ng templo na ekslusibong binubuo ng mga miyembrong Finnish, ay nagpulong upang talakayin ang mga plano para sa paglalaan. Sa pagpupulong, binanggit ng isang tao na ang mga Banal na Russian ay maglalakbay nang ilang araw para makadalo sa paglalaan at maaaring inaasam nila na matanggap ang mga pagpapala ng templo bago sila umuwi. Iminungkahi ng chairman ng komite na si Brother Sven Eklund na kung maaari ay maghintay sandali ang mga Finn, at paunahin ang mga Russian sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa temple. Sumang-ayon dito ang buong komite. Ipinagpaliban muna ng matatapat na mga Banal na Finn ang kanilang mga pagpapala sa templo para mapagbigyan ang mga Banal na Russian.

Kalaunan ay isinulat ng Area President na si Elder Dennis B. Neuenschwander, na naroon sa pulong ng komite: “Ngayon lamang ako nakadama ng ganitong pagmamalaki para sa mga Finn. Isinantabi ang magulong kasaysayan ng Finland at ng kalapit nitong bansa sa silangan [Russia] … at ang kanilang pananabik na sa wakas ay nagkaroon na ng templo sa kanilang bansa. Ang paunahing pumasok sa templo ang mga Russian [ay] pagpapahayag ng pagmamahal at sakripisyo.”25

Nang sabihin ko sa aking ama ang kabutihang ito, naantig ang kanyang puso at napaluha siya, na bihirang makita sa isang tigasing Finn. Mula noon hanggang sa kanyang pagpanaw pagkalipas ng tatlong taon, hindi na siya nagsalita ng negatibo tungkol sa Russia. Nabigyang-inspirasyon ng halimbawa ng kanyang mga kababayan, nahikayat ang aking ama na piliing unahin ang kanyang pagiging disipulo ni Jesucristo kaysa sa lahat ng anupamang bagay. Ang mga Finn ay Finnish pa rin; ang mga Russian ay Russian pa rin; hindi nila tinalikuran ang kanilang mga kultura, kasaysayan, o karanasan para maitaboy ang pagkapoot. Hindi nila ito kailangang gawin. Sa halip, pinili nilang unahin ang kanilang pagiging disipulo ni Jesucristo.26

Kung nagawa nila ito, magagawa rin natin. Maaari nating dalhin sa Simbahan ni Jesucristo ang ating pamana, kultura, at mga karanasan. Hindi ikinahiya ni Samuel ang kanyang pamana bilang isang Lamanita,27 at hindi rin ikinahiya ni Mormon ang kanyang pagiging Nephita.28 Ngunit inuna ng bawat isa ang kanilang pagiging disipulo ng Tagapagligtas.

Kung hindi tayo nagkakaisa, hindi tayo sa Kanya.29 Inaanyayahan ko kayo na matatag ang loob na unahin ang inyong pagmamahal sa Diyos at pagiging disipulo ng Tagapagligtas kaysa sa lahat ng anupamang bagay.30 Tuparin natin ang tipan na bahagi ng ating pagiging disipulo—ang tipan na magkaisa.

Tularan natin ang halimbawa ng mga Banal mula sa iba’t ibang panig ng mundo na matagumpay na nagiging mga disipulo ni Cristo. Makaaasa tayo kay Jesucristo, na “ating kapayapaan, na … giniba ang gitnang pader ng alitang humahati [sa pamamagitan ng kanyang nagbabayad-salang sakripisyo].”31 Titibay ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo sa mundo, at mananatiling espirituwal na malusog tayo.32 Pinatototohanan ko na kapag ating “iniwaksi ang pagtatalo” at maging “katulad ng Panginoon sa pagmamahal at nakiisa sa Kanya nang may pananampalataya,” mapapasaatin ang Kanyang kapayapaan.33 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “The First Presidency Urges Latter-day Saints to Wear Face Masks When Needed and Get Vaccinated Against COVID-19,” Newsroom, Ago. 12, 2021, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; “Vaccines Explained,” World Health Organization, who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/covid-19-vaccines/explainers; “Safety of COVID-19 Vaccines,” Centers for Disease Control and Prevention, Set. 27, 2021, cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/vaccines/safety/safety-of-vaccines.html; “COVID-19 Vaccine Effectiveness and Safety,” Morbidity and Mortality Weekly Report, Centers for Disease Control and Prevention, cdc.gov/mmwr/covid19_vaccine_safety.html.

  2. Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 69.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:5.

  4. Sa loob ng maraming taon, marami na ring apostol at propeta ang nagsalita tungkol sa pagkakaisa at pagtatalo. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Marvin J. Ashton, “No Time for Contention,” Ensign, Mayo 1978, 7–9; Marion G. Romney, “Unity,” Ensign, Mayo 1983, 17–18; Russell M. Nelson, “The Canker of Contention,” Ensign, Mayo 1989, 68–71; Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 32–35; Henry B. Eyring, “That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 66–68; D. Todd Christofferson, “Sa Sion ay Magsitungo,” Liahona, Nob. 2008, 37–40; Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 77–79; Quentin L. Cook, “Mga Pusong Magkakasama sa Kabutihan at Pagkakaisa,” Liahona, Nob. 2020, 18–22; Gary E. Stevenson, “Mga Pusong Magkakasama,” Liahona, Mayo 2021, 19–23.

  5. 3 Nephi 11:28–29.

  6. Tingnan sa Moises 7:26, 28, 33. Hindi nito ipinahihiwatig na ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay nagpapatuloy sa kasalukuyan o na Siya ay patuloy na nagdurusa; natapos na ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala. Gayunman, ang Kanyang walang-hanggan at perpektong pakikiramay at habag na Kanyang natanggap sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay nagtutulot sa Kanya na makadama ng kabiguan at kalungkutan.

  7. 2 Nephi 2:8.

  8. Juan 13:34, 35.

  9. Ang pagkapoot ay isang kalagayan o saloobin kung saan ang isang tao ay aktibong sumasalungat sa isa pang tao o bagay; ito ay nangangahulugan din ng pakikipag-away, hidwaan, sama ng loob, galit, at matinding pagkamuhi o pagkainis. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “poot” ay isalin din bilang “galit.” Ito ang kabaligtaran ng agape, na isinalin bilang “pag-ibig.” Tingnan sa James Strong, The New Strong’s Expanded Exhaustive Concordance of the Bible (2010), Greek dictionary section, bilang 2189.

  10. Tingnan sa Juan 17:21, 23.

  11. 3 Nephi 11:30.

  12. 4 Nephi 1:18.

  13. 4 Nephi 1:17.

  14. 4 Nephi 1:16.

  15. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap” (sa Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 16).

  16. Tingnan sa 4 Nephi 1:15. May mga taong naabot ang ganitong uri ng pagkakaisa. Noong panahon ni Enoch, “tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18).

  17. Tingnan sa Mosias 18:21.

  18. Tingnan sa Mga Gawa 17:29; Mga Awit 82:6.

  19. Tingnan sa 1 Corinto 12:12–27.

  20. Tingnan sa Moroni 7:47–48.

  21. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:30–31.

  22. Dallin H. Oaks, “Pagtatanggol sa Ating Saligang-Batas na Binigyang-Inspirasyon ng Langit,” Liahona, Mayo 2021, 107.

  23. Tingnan sa Roma 14:1–3, 13, 21.

  24. Pinuna ng Tagapagligtas ang Kanyang “mga disipulo, noong unang panahon, [na] naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan. Dahil dito,” panghihikayat ni Jesus sa Kanyang mga disipulo sa mga huling araw, “sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa.”(Doktrina at mga Tipan 64:8–9).

  25. Personal na pakikipag-ugnayan kay Elder Dennis B. Neuenschwander.

  26. Sa karaniwang pamamaraan ng isang Finn, nang tinalakay ni Brother Eklund ang desisyong ito, sinabi niyang makatwiran lamang ito. Sa halip na purihin ang kagandahang-loob ng mga Finn, nagpahayag siya ng pasasalamat sa mga Russian. Nagpasalamat ang mga Finn para sa malaking kontribusyon ng mga Russian sa gawaing isinagawa nila sa loob ng Helsinki Finland Temple. (Personal na pakikipag-ugnayan kay Sven Eklund.)

  27. Tingnan sa Helaman 13:2, 5.

  28. Tingnan sa 3 Nephi 5:13, 20.

  29. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:27.

  30. Tingnan sa Lucas 14:25–33.

  31. Efeso 2:14–15.

  32. Tingnan sa Efeso 2:19.

  33. Tingnan sa Russell M. Nelson, “The Canker of Contention,” Ensign, Mayo 1989, 71.