Ang Walang-Maliw na Pagkahabag ng Tagapagligtas
Ang pagpapakita ng pagkahabag sa ibang tao ang diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Isa sa pinakakapuna-punang alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas habang Siya’y nagmiministeryo sa lupa ay ang kahalagahan ng pagtrato sa iba nang may pagkahabag. Pagnilayan natin ang altuntuning ito at ang pagsasabuhay nito sa pagbabalik-tanaw sa kuwento ng pagbisita ni Jesus sa bahay ni Simon na isang Fariseo.
Ikinuwento sa Ebanghelyo ni Lucas na ang isang babae, na itinuturing na makasalanan, ay pumasok sa tahanan ni Simon habang naroon si Jesus. Sa mapagpakumbabang pagsisisi, lumapit ang babae kay Jesus, hinugasan ang Kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok, at hinagkan at binuhusan ang mga ito ng pabango.1 Ang palalong punong-abala, na itinuturing ang sarili niya na nakalalamang sa babae, ay nag-isip nang may paninisi at pagmamataas, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya’y makasalanan.”2
Dahil sa mapagmataas na ugaling ito ng Fariseo, hinusgahan niya nang hindi makatarungan si Jesus at ang babae. Ngunit sa Kanyang perpektong karunungan, alam ng Tagapagligtas ang iniisip ni Simon at, sa pagpapakita ng dakilang karunungan, hinamon Niya ang panghahamak ni Simon, at pinagsabihan siya dahil sa kakulangan niya ng paggalang sa isang espesyal na panauhing katulad ni Jesus sa kanyang tahanan. Sa katunayan, ang direktang pananalita ni Jesus sa Fariseo ay nagpatunay na talagang taglay ni Jesus ang kaloob ng propesiya at na ang babaeng ito, na may mapagpakumbaba at nagsisising puso, ay nagsisi at pinatawad sa kanyang mga kasalanan.3
Katulad ng marami pang pangyayari sa ministeryo ni Jesus noong nabubuhay pa Siya, ipinapakita ng kuwentong ito na nagpakita ng pagkahabag ang Tagapagligtas sa lahat ng lumalapit sa Kanya—nang walang pinipili—at lalo na sa mga lubos na nangangailangan ng Kanyang tulong. Ang pagsisisi at mapitagang pagmamahal na ipinakita ng babae kay Jesus ay ebidensiya ng kanyang tapat na pagsisisi at pagnanais na makatanggap ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan. Sa kabilang banda, ang pagmamataas ni Simon, gayundin ang matigas niyang puso,4 ay pumiigil sa kanya na magpakita ng habag sa nagsisising kaluluwa, at pinag-isipan ang Tagapagligtas ng mundo nang may panghahamak. Makikita sa ugali niya na ang paraan niya ng pamumuhay ay istrikto at hungkag na pagsunod sa mga patakaran at panlabas na pagpapakita ng kanyang mga paniniwala sa pamamagitan ng pagmamalaki at maling kabanalan.5
Ipinapakita ng mahabagin at personal na paglilingkod ni Jesus sa kuwentong ito ang perpektong huwaran kung paano tayo dapat makipag-ugnayan sa ating kapwa tao. Maraming halimbawa sa banal na mga kasulatan kung paanong ang Tagapagligtas, na naantig ng malalim at walang-maliw na pagkahabag, ay nakipag-ugnayan sa mga tao noong Kanyang panahon at tinulungan ang mga nagdurusa at mga “nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.”6 Iniunat Niya ang Kanyang maawaing kamay sa mga nangangailangan ng tulong sa kanilang mga paghihirap, kapwa sa pisikal at espirituwal.7
Ang mahabaging pag-uugali ni Jesus ay nagmumula sa pag-ibig sa kapwa-tao,8 sa Kanyang dalisay at ganap na pagmamahal, na siyang diwa ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang pagiging mahabagin ay pangunahing katangian ng mga taong naghahangad ng kabanalan at ang banal na katangiang ito ay kasama ng iba pang katangiang Kristiyano tulad ng pakikidalamhati sa mga nagdadalamhati at pagkakaroon ng habag, awa, at kabaitan.9 Ang pagpapakita ng habag sa iba ay, sa katunayan, ang diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo at tanda ng ating espirituwal at emosyonal na pagiging malapit sa Tagapagligtas. Dagdag pa rito, ipinapakita nito ang antas ng impluwensya Niya sa paraan ng ating pamumuhay at ipinapakita ang kadakilaan ng ating mga espiritu.
Mahalagang pansinin na ang pagpapakita ni Jesus ng habag ay hindi paminsan-minsan o kinailangang ipakita batay sa listahan ng mga gawaing dapat tapusin kundi mga araw-araw na pagpapakita ng Kanyang dalisay na pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak at ng Kanyang walang-maliw na hangaring tulungan sila.
Natukoy ni Jesus ang pangangailangan ng mga tao, kahit sa malayo. Kaya, hindi nakakagulat, halimbawa, na pagkatapos pagalingin ang alipin ng senturion,10 naglakbay si Jesus mula Capernaum papunta sa lunsod ng Nain. Doon ginawa ni Jesus ang isa sa pinaka-nakakaantig na himala Niya sa Kanyang ministeryo sa lupa nang inutusan Niya ang isang patay na lalaki, ang tanging anak ng balong ina, na bumangon at mabuhay. Natanto ni Jesus hindi lamang ang matinding pagdurusa ng inang iyon kundi ang mahirap na sitwasyon ng kanyang buhay, at naantig Siya ng tunay na pagkahabag para rito.11
Katulad ng makasalanang babae at balo ng Nain, marami sa mga kakilala natin ang naghahanap ng pag-alo, atensyon, pagiging kabilang, at anumang tulong na maiaalok natin sa kanila. Lahat tayo ay maaaring maging instrumento sa kamay ng Panginoon at kumilos nang may pagkahabag sa mga nangangailangan, tulad ng ginawa ni Jesus.
May kilala akong batang babae na isinilang na may malalang kaso ng cleft lips at cleft palate. Sa pangalawang araw pa lang ng kanyang buhay sa mundo, kinailangan na niyang dumaan sa maraming operasyon. Naantig ng tunay na pagkahabag para sa mga dumaranas ng hamong ito, nagsisikap ang batang ito at ang kanyang mga magulang na magbigay ng suporta, pag-unawa, at emosyonal na tulong sa iba na nahaharap sa mahirap na realidad na ito. Sumulat sila sa akin kamakailan at nagsabing: “Dahil sa hamon na kinakaharap ng aming anak, nakilala namin ang kamangha-manghang mga tao na nangailangan ng pag-alo, suporta, at paghihikayat. Ilang taon na ang nakalipas, ang aming anak, na 11 anyos na ngayon, ay nakipag-usap sa mga magulang ng isang sanggol na may katulad na hamon. Sa pag-uusap na ito, pansamantalang tinanggal ng aming anak ang mask na suot niya dahil sa pandemya upang makita ng mga magulang na mayroong pag-asa, kahit na maraming pagdaraanan ang sanggol sa susunod na mga taon upang maayos ang problema. Nagpapasalamat kami sa oportunidad na ipaabot ang aming pakikiramay sa mga naghihirap, tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas sa amin. Dama namin na naiibsan ang sakit na nadarama namin kapag nakakatulong kami sa iba.”
Mahal kong mga kaibigan, habang sadya nating sinisikap na maging mahabagin sa ating buhay, tulad ng ipinakita ng Tagapagligtas, magiging mas sensitibo tayo sa mga pangangailangan ng iba. Sa pagiging mas sensitibo, mapupuno ng tapat na interes at pagmamahal ang bawat pagkilos natin. Kikilalanin ng Panginoon ang ating mga pagsisikap, at siguradong mabibiyayaan tayo ng mga oportunidad na maging mga instrumento sa Kanyang mga kamay sa pagpapalambot ng mga puso at paghahatid ng kaginhawahan sa “mga kamay na nakababa.”12
Nilinaw din ng payo ni Jesus kay Simon na Fariseo na hindi tayo kailanman dapat maging malupit sa paghatol at walang habag sa ating kapwa dahil lahat tayo ay nangangailangan ng pag-unawa at awa mula sa mapagmahal na Ama sa Langit dahil sa mga pagkukulang natin. Hindi ba ito mismo ang itinuro ng Tagapagligtas sa isa pang okasyon nang sabihin Niyang, “Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?”13
Dapat nating tandaan na hindi madaling intindihin ang lahat ng dahilan sa ugali o reaksyon ng isang tao. Nakalilinlang ang panlabas na anyo at kadalasang hindi ipinapakita ang kabuuan ng pag-uugali ng isang tao. Hindi katulad natin, nakikita ni Cristo nang malinaw ang lahat ng anggulo ng isang partikular na sitwasyon.14 Kahit na alam Niya ang mga kahinaan natin, hindi tayo isinusumpa ng Tagapagligtas, sa halip ay patuloy na nakikipagtulungan sa atin nang buong habag, tinutulungan tayong tanggalin ang troso na nasa ating mata. Palaging tumitingin si Jesus sa puso, hindi sa kaanyuan.15 Siya mismo ang nagpahayag, “Huwag kayong humatol batay sa anyo.”16
Ngayon, isaalang-alang ang matalinong payo ng Tagapagligtas sa labindalawang Nephita hinggil sa tanong na ito:
“At alam ninyo na kayo ay magiging mga hukom ng mga taong ito, alinsunod sa kahatulan na aking ibibigay sa inyo, na magiging makatarungan. Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”17
“Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap.”18
Sa kontekstong ito, hinahatulan ng Panginoon ang mga taong hindi matwid na humahatol sa mga taong sa palagay nila ay nagkakamali. Upang makagawa tayo ng matwid na paghatol, dapat sikapin nating maging katulad ng Tagapagligtas at tingnan nang may habag ang kamalian ng iba, maging tulad ng pagtingin Niya. Dahil malayo pa ang tatahakin natin bago tayo maging ganap, siguro’y mas magandang umupo tayo sa harapan ni Jesus at humingi ng awa para sa ating mga pagkakamali, tulad ng ginawa ng nagsisising babae sa bahay ng Fariseo, at huwag sayangin ang oras at lakas natin sa pag-iisip ng mga pagkakamali ng iba.
Mga kaibigan, pinatototohanan ko na habang sinisikap nating isabuhay ang halimbawa ng pagkahabag na ipinakita ng Tagapagligtas, madaragdagan ang kakayahan nating purihin ang kabutihan ng mga tao sa paligid natin at mababawasan ang likas na ugali nating husgahan ang kanilang mga pagkakamali. Bubuti ang ugnayan natin sa Diyos, at siguradong magiging mas maganda ang ating buhay, mas lalambot ang ating mga puso, at matatagpuan natin ang walang-hanggang pinagmumulan ng kaligayahan. Makikilala tayo bilang mga tagapamayapa,19 na ang mga salita ay kasing-dalisay ng hamog sa umaga ng tagsibol.
Dalangin ko na maging mas matiisin tayo at mas unawain natin ang ating kapwa, at na ang awa ng Panginoon, sa ganap na kaamuan, ay ibsan ang kawalan natin ng pasensiya sa mga pagkakamali ng iba. Ito ang paanyaya ng Tagapagligtas sa atin. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Siya ang perpektong halimbawa ng maawain at matiyagang pagkadisipulo. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa banal na pangalan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.