Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos sa Dakilang Kaluwalhatian
Sa pagtupad ng ating mga tipan, nasasandatahan tayo ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.
Ipinagdarasal kong maliwanagan at mapagtibay tayong lahat ng Banal na Espiritu habang iniisip natin ang kagila-gilalas na gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Ang Unang Pagdalaw ni Moroni kay Joseph Smith
Tinatayang tatlong taon makalipas ang Unang Pangitain, noong gabi ng Setyembre 21, 1823, ang batang si Joseph Smith ay nanalangin upang humingi ng tawad sa kanyang mga kasalanan at malaman ang kanyang kalagayan at katayuan sa harapan ng Diyos.1 Isang katauhan ang nagpakita sa tabi ng kanyang higaan, tinawag si Joseph sa kanyang pangalan at sinabing “siya’y isang sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos … na ang kanyang pangalan ay Moroni.” Ipinaliwanag niya “na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa kay [Joseph]”2 at sinabi rito ang tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Kung susuriin, napakahalaga na ang Aklat ni Mormon ay isa sa unang mga paksa na tinalakay ni Moroni.
Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo at mabisang instrumento ng pagbabalik-loob sa mga huling araw. Ang layunin natin sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay anyayahan ang lahat na lumapit kay Jesucristo,3 tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at magtiis hanggang wakas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas.4 Ang pangunahing layunin ng pangangaral ng ebanghelyo ay ang pagtulong sa mga indibiduwal na maranasan ang malaking pagbabago ng puso5 at mabigkis sa Panginoon sa pamamagitan ng sagradong mga tipan at ordenansa.
Ang pagbibigay-alam ni Moroni kay Joseph Smith tungkol sa Aklat ni Mormon ay pinasimulan ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan para sa mga indibiduwal sa panig ng tabing na kinalalagyan natin sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Sa pagpapatuloy niya sa pagtagubilin kay Joseph, binanggit ni Moroni ang mga salita mula sa aklat ni Malakias sa Lumang Tipan, na may bahagyang pagkakaiba sa mga salitang ginamit sa King James version:
“Masdan, ihahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.
“… At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito.”6
Ang ating layunin sa pagtatayo ng mga templo ay upang maisagawa sa mga banal na lugar na ito ang sagradong mga tipan at ordenansa na kinakailangan para sa kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan, kapwa para sa buhay at patay. Ang tagubilin ni Moroni kay Joseph Smith tungkol sa mahalagang gagampanan ni Elijah at sa awtoridad ng priesthood ay pinalawig ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa panig ng tabing na kinalalagyan natin at sinimulan sa ating dispensasyon ang gawain para sa mga patay sa kabilang panig ng tabing.
Sa pagbubuod, ang mga turo ni Moroni noong Setyembre ng 1823 tungkol sa Aklat ni Mormon at sa misyon ni Elijah ay naitatag ang doktrinal na pundasyon para sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa magkabilang panig ng tabing.
Mga Turo ni Propetang Joseph Smith
Ang mga aral na natutuhan ni Joseph Smith mula kay Moroni ay inimpluwensiyahan ang bawat aspekto ng kanyang ministeryo. Halibawa, sa isang kapita-pitagang pagpupulong na idinaos sa Kirtland Temple noong Abril 6,1837, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”7
Halos eksaktong pitong taon makaraan nito, noong Abril 07, 1844, nagbigay ng pahayag si Joseph Smith na mas kilala ngayon bilang King Follet Discourse. Ipinahayag niya rito, “Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay.”8
Ngunit sa paanong paraan naging pinakadakilang tungkulin at responsibilidad na iniatang sa atin ng Diyos ang pangangaral ng ebanghelyo at pagsasaliksik tungkol sa ating pumanaw na mga ninuno? Naniniwala ako na binibigyang-diin ni Propetang Joseph Smith sa parehong pahayag ang pangunahing katotohanan na ang mga tipan, na ginawa sa pamamagitan ng awtoridad ng mga ordenansa ng priesthood, ay maaari tayong ibigkis sa Panginoong Jesucristo at ang sentro ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa parehong panig ng tabing.
Ang gawaing misyonero at gawain sa templo at family history ay magkasama at nagtutulungang aspekto ng isang dakilang gawain na nakatuon sa mga sagradong tipan at ordenansa na tinutulungan tayong matanggap ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating mga buhay at, sa huli, makabalik sa piling ng Ama sa Langit. Ito ang dahilan kung bakit ang dalawang pahayag ng propeta na tila magkasalungat sa unang tingin ay, sa katotohanan, binibigyang-diin ang sentro ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw.
Nakabigkis sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga Tipan at mga Ordenansa
Sabi ng Tagapagligtas:
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso: at makakatagpo kayo ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa.
“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”9
Pinapasan natin ang pamatok ng Tagapagligtas kapag ang mga sagradong tipan at ordenansa ay pinag-aaralan, karapat-dapat na tinatanggap, at tinutupad natin. Nabibigkis tayo sa Tagapagligtas kapag tapat nating inaalala at ginagawa ang lahat ng makakaya natin na mamuhay ayon sa mga obligasyong tinanggap natin. At ang ugnayang iyon sa Kanya ang mapagkukunan natin ng espirituwal na lakas sa bawat sandali ng ating buhay.
Ang Pinagtipanang mga Tao ng Panginoon
Inaanyayahan ko kayong isipin ang mga biyayang ipinangako sa mga disipulo ni Jesucristo na tumutupad sa kanilang tipan. Halimbawa, “namasdan [ni Nephi] ang simbahan ng Kordero ng Diyos [sa mga huling araw], at ang bilang nito ay kakaunti, … [ang] mga banal ng Diyos, ay nasa lahat din ng dako ng mundo; at ang kanilang nasasakupan … ay kakaunti.”10
“Namasdan [din niya] ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, … at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”11
Ang katagang “nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” ay hindi lamang isang magandang ideya o halimbawa ng mabulaklak na salita sa banal na mga kasulatan. Bagkus, ang mga biyayang ito ay madaling makikita sa buhay ng ‘di-mabilang na mga disipulo ng Panginoon sa mga huling araw.
Ang mga tungkulin ko bilang miyembro ng Labindalawa ay dinadala ako sa iba’t ibang panig ng mundo. At pinagpala akong makilala ang marami sa inyo at matuto ng ‘di-malilimutang mga aral mula sa inyo. Pinatototohanan ko na ang pinagtipanang mga tao ng Panginoon ngayon ay tunay na nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian. Naging saksi ako sa pananampalataya, tapang, pananaw, pagtitiyaga, at kaligayahan na higit pa sa kapasidad ng isang mortal—na tanging Diyos lang ang makapagbibigay.
Nasaksihan ko ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian, na natanggap sa pamamagitan ng katapatan sa mga tipan at ordenansa, sa buhay ng isang batang miyembro ng Simbahan na bahagyang naparalisa sa isang kakila-kilabot na aksidente. Pagkalipas ng ilang buwan ng mahirap na paggaling at pag-adjust sa bagong buhay na limitado ang paggalaw, nakipagkita at nakipag-usap ako sa matatag na taong ito. Sa pag-uusap namin, itinanong ko, “Ano ang natutuhan mo sa karanasang ito?” Ang agad niyang sagot ay, “Hindi ako malungkot. Hindi ako galit. At lahat ay magiging okey.”
Nasaksihan ko ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian, na natanggap sa pamamagitan ng katapatan sa mga tipan at ordenansa, sa buhay ng mga bagong binyag at kinumpirma na mga miyembro ng Simbahan. Sabik na matuto at maglingkod ang mga convert na ito, at handa sila ngunit kadalasa’y hindi sigurado kung paano iwawaksi ang mga nakagisnang ugali at tradisyon, ngunit masaya silang maging “mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos.”12
Nasaksihan ko ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian na natanggap sa pamamagitan ng katapatan sa mga tipan at ordenansa sa buhay ng isang pamilyang nangalaga sa isang asawa at magulang na may sakit na walang lunas. Ang matatag na mga disipulong ito ay sinabing may mga panahon na nadama nilang nag-iisa sila—at mga panahon na alam nilang pinasisigla at pinalalakas sila ng kamay ng Panginoon. Nagpasalamat ang pamilyang ito sa mahihirap na karanasan sa mortalidad na nagiging dahilan para lumago tayo at maging mas katulad ng ating Ama sa Langit at Manunubos na si Jesucristo. Tinulungan at pinagpala ng Diyos na makasama ng pamilyang ito ang Espiritu Santo at ginawang ligtas na kanlungan ang kanilang tahanan tulad ng templo.
Nasaksihan ko ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian na natanggap sa pamamagitan ng katapatan sa mga tipan at ordenansa sa buhay ng isang miyembrong naranasan ang sakit na dulot ng diborsyo. Ang espirituwal at emosyonal na paghihirap ng sister na ito ay dinagdagan ng kawalang-katarungang nadama niya dahil sa paglabag ng asawa niya sa mga tipan at pagkawasak ng relasyon nila. Ginusto niyang mabigyan siya ng hustisya at may managot sa pangyayari.
Habang pinagdurusahan ng tapat na babaeng ito ang lahat ng nangyari sa kanya, pinag-aralan at pinag-isipan niya ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas nang higit pa sa ginawa niya sa buong buhay niya. Unti-unti, mas naunawaan niya ang mapanubos na misyon ni Cristo na dumalisay sa kanyang kaluluwa—ang paghihirap Niya para sa ating mga kasalanan, at gayundin sa ating mga sakit, kahinaan, kabiguan, at kalungkutan. At nakatanggap siya ng inspirasyon na tanungin ang sarili ng isang mahalagang tanong: hihingin mo ba na bayaran muli ang mga pagkakasalang iyon gayong nabayaran na ito? Natanto niya na walang hustisya o awa kung gagawin pa iyon.
Natutuhan ng babaeng ito na ang pagbigkis ng sarili niya sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ay nagpapagaling ng mga sugat na idinulot ng maling paggamit ng ibang tao sa kanilang kalayaang pumili at tinulungan siyang magpatawad, tumanggap ng kapayapaan, awa, at pagmamahal.
Pangako at Patotoo
Ang mga pangako at biyaya ng tipan ay posible lamang dahil sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Inaanyayahan Niya tayong isaalang-alang Siya,13 lumapit sa Kanya,14 matuto sa Kanya,15 at ibigkis ang ating sarili sa Kanya16 sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Pinatototohanan at ipinapangako ko na ang pagtupad sa mga tipan ay sasandatahan tayo ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian. At pinatototohanan ko na ang buhay na Panginoong Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Masaya kong pinatototohanan ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.