Pangkalahatang Kumperensya
Pagbibigay ng Kabanalan sa Panginoon
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


10:16

Pagbibigay ng Kabanalan sa Panginoon

Ang sakripisyo ay hindi gaanong tungkol sa “pagsusuko ng” anumang bagay, ito ay tungkol lalo na sa “pagbibigay sa” Panginoon.

Noong nakaraang taon, habang naglilingkod sa Asia North Area Presidency, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula kay Pangulong Russell M. Nelson na nag-aanyaya sa akin na maglingkod bilang Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric. Magiliw niyang inanyayahan ang aking asawang si Lori na sumali sa pag-uusap. Pagkatapos ng tawag na iyon, hindi pa rin kami makapaniwala nang magtanong ang aking asawa, “Ano ba ang ginagawa ng Presiding Bishopric?” Matapos mag-isip sandali, sumagot ako, “Hindi ko gaanong alam!”

Makalipas ang isang taon—at matapos ang lubos na pagpapakumbaba at pasasalamat—masasagot ko na ang tanong ng aking asawa nang may mas malinaw na pagkaunawa. Bukod sa marami pang bagay, pinangangasiwaan ng Presiding Bishopric ang gawaing pangkapakanan at pangkawanggawa ng Simbahan. Ang gawaing ito ay umaabot na ngayon sa buong mundo at natutulungan ang mas marami pang mga anak ng Diyos nang higit kaysa kailanman.

Bilang Presiding Bishopric, natutulungan kami ng mababait na empleyado ng Simbahan at ng iba pa, na kinabibilangan ng Relief Society General Presidency, na kasama naming naglilingkod sa Welfare and Self-Reliance Executive Committee ng Simbahan. Sa aming tungkulin bilang mga miyembro ng komiteng iyon, hiniling ng Unang Panguluhan sa akin—gayundin kay Sister Eubank, na nagsalita sa atin kagabi—na ibahagi sa inyo ang tungkol sa pagkakawanggawa ng Simbahan kamakailan. Partikular din nilang hiniling na ipaabot namin ang kanilang malaking pasasalamat—dahil, naging posible, mga kapatid, ang mga pagkakawanggawang iyon dahil sa inyo.

Mga donasyong pangkawanggawa
Karagdagang mga donasyong pangkawanggawa

Habang nakikita namin nang may pag-aalala ang mga unang epekto sa ekonomiya na dulot ng krisis na COVID-19 sa iba’t ibang panig ng mundo, madali na sana sa amin na asahan ang pagbaba ng perang kontribusyon ng mga Banal. Kunsabagay, ang mga miyembro natin ay nakaranas din ng mga dagok ng pandemya. Isipin ninyo ang naramdaman namin nang makita namin ang kabaligtaran nito! Ang mga donasyong pangkawanggawa noong 2020 ang pinakamataas—at mas tumataas pa sa taong ito. Dahil sa inyong pagiging bukas-palad, naisagawa ng Simbahan ang pinakamalawak na pagtugon nito mula nang simulan ang Humanitarian Fund, na may mahigit 1,500 COVID relief project sa mahigit 150 bansa. Ang mga donasyong ito, na ibinigay ninyo nang taos-puso sa Panginoon, ay ibinili ng mga pagkain, oxygen, medical supply, at bakuna para sa mga taong hindi sana nakatanggap nito kung hindi dahil sa donasyon ninyo.

Mga refugee
Mga refugee
Mga refugee

At kasinghalaga ng mga kontribusyong ito ang napakaraming oras at lakas na ibinibigay ng mga miyembro ng Simbahan sa mga gawaing pangkawanggawa. Kahit na nanalasa ang pandemya, ang mga kalamidad na dulot ng kalikasan, kaguluhan sa lipunan, at pabagu-bagong lagay ng ekonomiya ay nariyan pa rin at patuloy na inaalisan ng matitirhan ang napakaraming tao. Iniulat ngayon ng United Nations na mahigit 82 milyong tao sa buong mundo ang puwersahang nawalan ng tirahan.1 Dagdag pa rito ang napakaraming iba pa na nagpasiyang tumakas mula sa kahirapan o kalupitan upang maghanap ng mas magandang buhay para sa kanilang sarili o sa kanilang mga anak, at magsisimula kayong magkaroon ng bahagyang pagkaunawa na laganap ang sitwasyong ito sa buong mundo.

Malugod kong ibinabalita na dahil sa oras at mga talento ng napakaraming boluntaryo, napangangasiwaan ng Simbahan ang mga sentro para sa mainit na pagtanggap sa mga refugee at nandarayuhan sa maraming lugar sa Estados Unidos at Europa. At salamat sa inyong mga kontribusyon, nakapagbibigay tayo ng mga pagkain, pondo, at mga volunteer upang matulungan ang mga kaparehong programa ng iba pang mga organisasyon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hayaan ninyong ipaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa mga Banal na tumulong na pakainin, damitan, kaibiganin, at suportahan ang mga refugee na ito na maging matatag at makatayo sa sariling mga paa.

Kagabi, ibinahagi ni Sister Eubank sa inyo ang ilan sa magagandang nagawa ng mga Banal na may kinalaman dito. Habang pinagninilayan ko ang mga gawaing ito, madalas kong maisip ang alituntunin ng sakripisyo at ang tuwirang kaugnayan nito sa dalawang dakilang utos na ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa.

Sa makabagong paggamit, ang salitang sakripisyo ay nagpapahiwatig ng “pagsuko” ng mga bagay-bagay para sa Panginoon at sa Kanyang kaharian. Gayunman, noong sinaunang panahon, ang kahulugan ng salitang sakripisyo ay mas iniugnay sa dalawang salitang-ugat nito na Latin: sacer, na ang ibig sabihin ay “sagrado” o “banal,” at facere, na ang ibig sabihin ay “gawin.”2 Kung gayon, noong sinauna, ang ibig sabihin ng sakripisyo ay literal na “gawing banal ang isang bagay o isang tao.”3 Sa kahulugang ito, ang sakripisyo ay proseso upang maging banal at makilala ang Diyos, hindi isang pangyayari o ritwal na “pagsuko” ng mga bagay-bagay para sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon, “Nalulugod ako sa [pag-ibig sa kapwa] kaysa alay, ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.”4 Nais ng Panginoon na tayo ay maging banal,5 magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao,6 at makilala Siya.7 Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, “At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.”8 Sa huli, hinihingi ng Panginoon ang ating mga puso; nais Niya tayong maging mga bagong nilalang kay Cristo.9 Tulad ng iniutos Niya sa mga Nephita, “Mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.”10

Kabanalan sa Panginoon

Ang sakripisyo ay hindi gaanong tungkol sa “pagsuko ng” anumang bagay, ito ay tungkol lalo na sa “pagbibigay sa” Panginoon. Nakaukit sa pasukan ng bawat templo natin ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon; Bahay ng Panginoon.” Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng sakripisyo, napapabanal tayo sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, at sa mga altar ng banal na templo, nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ibinibigay natin ang ating kabanalan sa Panginoon. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Ang pagpapasakop ng kalooban [o puso11] ng isang tao ang talagang tanging maiaalay natin sa altar ng Diyos. … Gayunman, kapag sa huli ay isinuko natin ang ating sarili, sa pamamagitan ng pagsuko ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, talagang may ibinibigay na tayo sa Kanya!”12

Kapag ang mga sakripisyo natin para sa iba ay itinuring na “pagsuko” lamang, maaari nating madama na pasanin ang mga ito at madidismaya tayo kapag hindi kinilala o ginantimpalaan ang ating mga sakripisyo. Ngunit kapag itinuturing natin na ito ay “pagbibigay sa” Panginoon, ang ating mga sakripisyo para sa iba ay nagiging mga kaloob, at ang kagalakang dulot ng pagbibigay nang sagana ang mismong gantimpala. Kapag hindi na tayo naghahangad ng pagmamahal, pagsang-ayon, o pasasalamat mula sa iba, ang ating mga sakripisyo ay nagiging pinakadalisay at pinakataos-pusong pagpapahayag ng ating pasasalamat at pagmamahal sa Tagapagligtas at sa ating kapwa. Anumang pagmamalaki sa nagawang sakripisyo ay napapalitan ng pasasalamat, kabutihang-loob, kapanatagan, at kagalakan.13

Ang isang bagay ay nagagawang banal—ito man ay ang ating buhay, mga pag-aari, panahon, o mga talento—hindi lamang sa pamamagitan ng pagsuko nito kundi sa pamamagitan ng paglalaan14 nito sa Panginoon. Ang pagkakawanggawa ng Simbahan ay isang uri ng ganitong kaloob. Ito ay produkto ng sama-sama at inilaang mga handog ng mga Banal, na nagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak.15

si Sister Canfield kasama ang mga pinaglilingkuran niya

Sina Steve at Anita Canfield ay mga kinatawan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo na nakaranas mismo ng nakapagpapabago ng buhay na mga pagpapala dahil sa pagbibigay sa Panginoon. Bilang mga welfare at self-reliance missionary, ang mga Canfield ay hinilingang tumulong sa mga kampo ng mga refugee at mga sentro ng mga nandarayuhan sa buong Europa. Sa kanyang propesyon, si Sister Canfield ay isa sa pinakamahusay na interior designer sa buong mundo na kinokontrata ng mayayamang kliyente upang mapaganda ang kanilang mararangyang tahanan. Ngunit bigla niyang nasumpungan ang kanyang sarili sa isang lubos na naiibang mundo habang naglilingkod siya sa mga taong nawalan ng halos lahat ng materyal na pag-aari. Sinabi niya na ipinagpalit niya ang “mga marmol na daanan para sa maruruming sahig,” at sa paggawa nito ay nadama niya ang di-masusukat na kasiyahan nang kinaibigan nilang mag-asawa—at kalaunan ay minahal at niyakap—ang mga nangailangan ng kanilang pagkalinga.

Sinabi ng mga Canfield, “Hindi namin naramdamang ‘isinuko’ namin ang anumang bagay upang mapaglingkuran ang Panginoon. Ang hangarin lang namin ay ‘magbigay sa’ Kanya ng aming oras at lakas upang pagpalain ang Kanyang mga anak sa anumang angkop na paraan na magagamit Niya kami. Habang nakikipagtulungan kami sa ating mga kapatid, ang anumang panlabas na anyo—anumang pagkakaiba sa mga pinagmulan o kabuhayan—ay hindi na namin napansin, at ang nakita lang namin ay ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Walang anumang antas ng tagumpay sa propesyon o materyal na pakinabang ang makapapantay sa naidulot na pag-unlad sa amin ng mga karanasang ito ng paglilingkod sa pinakaabang mga anak ng Diyos.”

Ang kuwento ng mga Canfield at ang maraming iba pang tulad nito ay nakatulong sa akin na pahalagahan ang mga titik ng isang simple ngunit makahulugang kanta sa Primary:

Ang sabi ng sapa, “Magbigay, magbigay!”

Habang umaagos,

“Kahit munti saan man magtungo

Ang halama’y tutubo.”

Oo, bawat isa sa atin ay munti, ngunit kapag nagsama-sama tayo upang magbigay sa Diyos at sa ating kapwa; saanman tayo magtungo, napauunlad at napagpapala ang mga buhay.

Ang ikatlong talata ng kantang ito ay hindi gaanong pamilyar ngunit nagtatapos sa magiliw na paanyayang ito:

Tularan si Jesus, “Magbigay, magbigay!”

Ang bawat nilalang ay may maibibigay;

Tulad ng sapa at ng bulaklak:

Sa Diyos alay ang buhay.16

Mahal kong mga kapatid, habang nabubuhay tayo para sa Diyos at sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating kabuhayan, oras, at oo, maging ng ating sarili, iniiwan natin ang mundo nang mas maganda, iniiwang mas masaya ang mga anak ng Diyos, at, sa prosesong ito ay nagiging mas banal.

Nawa’y pagpalain kayo nang sagana ng Panginoon sa mga sakripisyong sagana ninyong ibinibigay sa Kanya.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay. “Tao ng Kabanalan ang kanyang pangalan.”17 Si Jesucristo ay Kanyang Anak at nagbibigay ng lahat ng mabubuting kaloob.18 Nawa’y maging banal tayo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at pagtupad sa ating mga tipan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at laging magbigay ng higit na pagmamahal at kabanalan sa Panginoon.19 Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Global Trends: Forced Displacement in 2020,” UNHCR report, June 18, 2021, unhcr.org.

  2. Ang sakripisyo ay mula sa salitang Latin na sacrificium, na binubuo ng dalawang salitang-ugat na Latin na sacer at facere ayon sa Merriam-Webster Dictionary (tingnan sa merriam-webster.com). Ang ibig sabihin ng salitang sacer ay “sagrado” o “banal,” at ang ibig sabihin ng salitang facere ay “gawin” ayon sa Latin English Dictionary (tingnan sa latin-english.com).

  3. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sakripisyo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Oseas 6:6; tingnan sa footnote b, na nagsasaad na ang ibig sabihin ng awa sa Hebreo ay “pag-ibig sa kapwa” o “mapagmahal na kabaitan.” Tingnan din sa Mateo 9:10–13; 12:7.

  5. Tingnan sa Levitico 11:44.

  6. Tingnan sa Moroni 7:47.

  7. Tingnan sa Mosias 5:13.

  8. 1 Corinto 13:3; tingnan din sa Mosias 2:21.

  9. Tingnan sa 2 Corinto 5:17.

  10. 3 Nephi 9:20, idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa talata 19.

  11. Ang salitang puso ay idinagdag dito bilang kasingkahulugan ng salitang kalooban.

  12. Neal A. Maxwell, “Swallowed Up in the Will of the Father,” Ensign, Nob. 1995, 24; idinagdag ang pagbibigay-diin. Tingnan din sa Omni 1:26; Mga Taga Roma 12:1.

  13. Tingnan sa Moroni 10:3.

  14. Ang ibig sabihin ng ilaan ay “ipahayag o italaga bilang sagrado,” ayon sa American Heritage Dictionary.

  15. Tingnan sa Mateo 22:36–40.

  16. “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 116.

  17. Moises 6:57.

  18. Tingnan sa Moroni 10:18.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:8.