Pangkalahatang Kumperensya
Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


10:28

Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan

Simple lang ang aking paanyaya ngayon: ibahagi ang ebanghelyo. Ipakita kung sino kayo talaga at itaas ang ilawan.

Habang sakay ng eroplano papuntang Peru ilang taon na ang nakararaan, nakatabi ko ang isang pasahero na nagpakilalang ateista. Itinanong niya sa akin kung bakit naniniwala ako sa Diyos. Sa pagpapatuloy ng aming masayang pag-uusap, sinabi ko sa kanya na naniwala ako sa Diyos dahil nakita Siya ni Joseph Smith—at pagkatapos idinagdag ko na ang kaalaman ko tungkol sa Diyos ay nagmula sa aking personal at espirituwal na karanasan. Ibinahagi ko ang paniniwala ko na “ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos”1 at tinanong ko siya kung paano ba sa paniwala niya ang mundo—itong oasis ng buhay na ito sa hungkag na kalawakan—ay nalikha. Sumagot siya na malamang isang “aksidente” ang nangyari sa paglipas ng hindi mabilang na taon. Nang ipaliwanag ko kung gaano kaimposible na magdulot ang “aksidente” ng gayong kagandahan at kaayusan, sandali siyang natamik at magiliw na sinabi, “Napaisip mo ako.” Itinanong ko kung babasahin ba niya ang Aklat ni Mormon. Babasahin daw niya, kaya pinadalhan ko siya ng kopya.

Lumipas ang ilang taon, may nakilala akong bagong kaibigan sa paliparan sa Lagos, Nigeria. Nagkakilala kami nang tingnan niya ang aking pasaporte. Tinanong ko siya tungkol sa kanyang mga paniniwala sa relihiyon, at nagpahayag siya ng malakas na pananalig sa Diyos. Ibinahagi ko ang saya at sigla na dulot ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at itinanong ko kung gusto niyang malaman pa ang tungkol dito mula sa mga missionary. Sinabi niyang oo, naturuan, at nabinyagan. Pagkalipas ng isa o dalawang taon, habang naglalakad ako sa paliparan ng Liberia, narinig ko ang isang tinig na tinatawag ang pangalan ko. Lumingon ako, at nakita ang lalaki ring iyon na lumalapit nang nakangiti. Masaya kaming nagyakap at ipinaalam niya sa akin na aktibo siya sa Simbahan at tumutulong sa mga missionary para maturuan ang kanyang kasintahan.

Ngayon, hindi ko alam kung binasa ng kaibigan kong ateista ang Aklat ni Mormon o sumapi sa Simbahan. Iyon ang ginawa ng aking pangalawang kaibigan. Sa dalawang ito, ang aking responsibildad2—aking oportunidad—ay pareho lamang: ibahagi ang liwanag ng ebanghelyo—magmahal, magbahagi, at mag-anyaya sa bawat isa sa kanila sa normal at natural na paraan.3

Mga kapatid, naranasan ko ang mga pagpapalang dulot ng pagbabahagi ng ebanghelyo, at kamangha-mangha ang mga ito. Narito ang ilan sa mga iyon:

Ang Pagbabahagi ng Ebanghelyo ay Nagbibigay ng Kagalakan at Pag-asa

Hindi nga ba’t nalalaman natin na nabuhay tayo bilang mga anak ng ating Ama sa Langit bago tayo pumarito sa mundo4 at ang mundo ay nilikha upang mabigyan ang bawat tao ng oportunidad na magkaroon ng katawan, magkaroon ng karanasan, matuto, at umunlad upang tumanggap ng buhay na walang hanggan—na siyang buhay ng Diyos.5 Alam ng Ama sa Langit na tayo ay magdurusa at magkakasala sa mundo, kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak, na ang “hindi mapapantayang buhay”6 at walang hanggang pagbabayad-sala7 ay ginawang posible para mapatawad at mapagaling tayo.8

Ang malaman ang mga katotohanang ito ay nagpapabago ng buhay! Kapag natutuhan ng isang tao ang maluwalhating layunin ng buhay, naunawaan na nagpapatawad at sumasaklolo si Cristo sa lahat ng sumusunod sa Kanya, at pagkatapos ay piniling sundin si Cristo at nagpabinyag, bumubuti ang kalagayan ng buhay—kahit hindi nagbabago ang mga pangkalahatang sitwasyon sa buhay.

Isang masayahing sister na nakilala ko sa Onitsha, Nigeria, ang nagsabi sa akin na simula nang malaman niya ang ebanghelyo at nagpabinyag (at ngayon babanggitin ko ang mga katagang sinabi niya), “lahat ay mabuti para sa akin. Masaya ako. Ako ay nasa langit na.”9 Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kagalakan at pag-asa sa mga kaluluwa ng nagbibigay at tumatanggap. Tunay ngang, “anong laki ng inyong kagalakan”10 kapag ibinabahagi ninyo ang ebanghelyo! Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdaragdag sa taglay na kagalakan at pag-asa.11

Ang Pagbabahagi ng Ebanghelyo ay Nagdudulot ng Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Buhay

Nang mabinyagan tayo, bawat isa sa atin ay pumasok sa walang hanggang12 tipan sa Diyos na “paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan,”13 na kabilang dito ang “tumayo bilang mga saksi [sa Kanya] sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”14 Kapag tayo ay “ma[na]natili” sa Kanya sa pagtupad sa tipang ito, ang nagpapasigla, nagpapalakas, at nagpapabanal na kapangyarihan ng kabanalan ay dadaloy sa ating buhay mula kay Cristo, tulad ng isang sanga na tumatanggap ng pagkain mula sa puno.15

Pinoprotektahan Tayo ng Pagbabahagi ng Ebanghelyo mula sa Tukso

Ipinag-uutos ng Panginoon:

“Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa. …

“… Iniutos ko na … kayo ay lumapit sa akin, nang inyong madama at makita; maging gayon din ang inyong gagawin sa sanlibutan; at sinuman ang lalabag sa kautusang ito ay pinahihintulutan ang kanyang sarili na maakay sa tukso.”16

Kapag pinili nating hindi ibahagi ang liwanag ng ebanghelyo, napupunta tayo sa kadiliman, kung saan madali tayong matukso. Higit pa riyan, ang kabaligtaran nito ay totoo: kapag pinili nating ibahagi ang liwanag ng ebanghelyo, mas ganap na nalalapit tayo sa liwanag na iyon at sa proteksyong ibinibigay nito laban sa tukso. Napakalaking pagpapala ito sa mundo ngayon!

Ang Pagbabahagi ng Ebanghelyo ay Nagpapagaling

Tinanggap ni Sister Tiffany Myloan ang paanyayang tumulong sa mga missionary kahit may sarili siyang napakabibigat na problema, kabilang diyan ang pag-aalinlangan sa kanyang pananampalataya. Sinabi niya sa akin kamakailan na ang pagtulong sa mga missionary ay nagpanibago ng kanyang pananampalataya at pananaw sa buhay. Sabi niya, “Ang gawaing misyonero ay talagang nagpapagaling.”17

Kagalakan. Pag-asa. Patuloy na kalakasan mula sa Diyos. Proteksyon mula sa tukso. Paggaling. Lahat ng ito—at marami pang iba (kabilang ang kapatawaran ng mga kasalanan)18—ay dumadalisay sa atin mula sa langit habang ibinabahagi natin ang ebanghelyo.

Ngayon, Pagbaling sa Ating Dakilang Oportunidad

Mga kapatid, marami sa “lahat … ng grupo, pangkat, at sekta … na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”19 Ang pangangailangang ibahagi ang ating liwanag ay hindi pa naging ganito katindi sa buong kasaysayan ng tao. Higit kailanman, mas madaling ma-access ngayon ang katotohanan.

Si Jimmy Ton, na lumaking isang Buddhist, ay humanga sa isang pamilyang nagkuwento ng kanilang buhay sa YouTube. Nang malaman niya na sila ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinag-aralan niya mismo ang ebanghelyo sa online, binasa ang Aklat ni Mormon gamit ang app, at nabinyagan matapos makausap ang mga missionary sa kolehiyo.20 Si Elder Ton ay isa nang full-time missionary ngayon.

Siya at ang kanyang mga kapwa missionary sa iba’t ibang panig ng mundo ay ang batalyon ng Panginoon—sabi nga ng ating propeta.21 Hindi ginagawa ng mga missionary na ito ang palasak na ginagawa ng mundo: habang iniuulat sa survey na ang Gen Z ay lumalayo sa Diyos,22 ang ating mga kabataang mandirigmang23 elder at sister ay inilalapit ang mga tao sa Diyos. At ang dumaraming bilang ng mga miyembro ng Simbahan ay nakikiisa sa mga missionary sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tinutulungan ang mas marami pang kaibigan na lumapit kay Cristo at sa Kanyang Simbahan.

Ang ating mga Banal sa mga Huling Araw sa Liberia ay tumulong na mabinyagan ang 507 na kaibigan sa 10 buwan na walang mga full-time missionary na naglilingkod sa kanilang bansa. Nang marinig ng isa sa ating mga kahanga-hangang stake president doon ang maaaring pagbalik ng mga full-time missionary, sinabi niya: “Ah, salamat, matutulungan na nila kami ngayon sa aming gawain.”

Tama siya: ang pagtitipon ng Israel—na pinakadakilang layunin sa mundong ito24ay ating responsibilidad sa tipan. At ito ang ating panahon! Simple lang ang aking paanyaya ngayon: ibahagi ang ebanghelyo. Ipakita kung sino kayo talaga at itaas ang ilawan. Humingi ng tulong sa [Diyos sa] langit at sundin ang mga espirituwal na pahiwatig. Ikuwento ang inyong buhay nang normal at natural, at anyayahan ang iba pang taong lumapit at tumingin, lumapit at tumulong, at lumapit at mapabilang.25 At magalak habang tinatanggap ninyo at ng inyong mga minamahal ang mga ipinangakong pagpapala.

Alam ko na kay Cristo ang mabubuting balitang ito ay ipinangangaral sa inaapi; kay Cristo ang mga bagbag na puso ay pinagagaling; kay Cristo ang kalayaan ay ipinahahayag sa mga bihag; at kay Cristo, kay Cristo lamang, ang mga tumatangis ay binibigyan ng putong na bulaklak sa halip na mga abo.26 Kaya nga napakahalagang ipaalam ang mga bagay na ito!27

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang may akda at ang tagatapos ng ating pananampalataya.28 Kanyang tatapusin, Kanyang kukumpletuhin, ang ating pagsampalataya—hindi man lubos na perpekto—ang pagbabahagi natin ng liwanag ng ebanghelyo. Gagawa Siya ng mga himala sa ating buhay at sa buhay ng lahat ng Kanyang tinitipon, sapagkat Siya ay Diyos ng mga himala.29 Sa kamangha-manghang pangalan ni Jesucristo, amen.