Pangkalahatang Kumperensya
Ang Maging Alagad ni Cristo
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


9:49

Ang Maging Alagad ni Cristo

Upang maging alagad ni Cristo kailangan nating pagsikapang iayon ang ating mga kilos, ugali, at buhay sa Tagapagligtas.

Sa aking personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, humanga ako sa pagbabalik-loob ni Saulo ng Tarso, na kalaunan ay nakilala bilang Pablo, tulad ng inilarawan sa Biblia.

Aktibong inuusig ni Pablo ang Simbahan at ang mga Kristiyano. Ngunit dahil sa kapangyarihan ng langit at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, siya ay ganap na nabago, at naging isa sa mga dakilang lingkod ng Diyos. Ang kanyang huwaran sa buhay ay ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa isa sa mga turo ni Pablo sa mga taga-Corinto, inanyayahan niya silang maging kanyang alagad dahil siya mismo ay isang alagad ni Cristo (tingnan sa 1 Corinto 11:1). Ito ay isang taos-puso at totoong paanyaya mula noong panahon ni Pablo hanggang ngayon: ang maging alagad ni Cristo.

Nagsimula akong magmuni-muni kung ano kahulugan ng maging alagad ni Cristo. At ang mas mahalaga, nagsimula akong magtanong, “Paano ko Siya dapat tularan?”

Upang maging alagad ni Cristo kailangan nating pagsikapang iayon ang ating mga kilos, ugali, at buhay sa Tagapagligtas. Ito ay pagtatamo ng mga banal na katangian. Ito ay pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo.

Napag-aralan ko ang ilang aspekto ng buhay ng Tagapagligtas, at isinama ko sa aking mensahe ngayon ang apat sa Kanyang mga katangian na nais kong tularan at ibahagi sa inyo.

Ang unang katangian ng Tagapagligtas ay pagiging mapagpakumbaba. Si Jesucristo ay talagang mapagpakumbaba na bago pa man Siya isinilang. Sa Kapulungan sa Langit, kinilala at hinayaan Niyang manaig ang kalooban ng Diyos sa plano ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Sinabi Niya, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).

Alam natin na si Jesucristo ay nagturo ng pagpapakumbaba at nagpakumbaba Siya mismo upang luwalhatiin ang Kanyang Ama.

Mamuhay tayo nang mapagpakumbaba dahil nagdudulot ito ng kapayapaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:23). Ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng kaluwalhatian, at dahil dito ay nalulugod ang Diyos sa atin: “At kayong lahat ay magsuot ng kapakumbabaan sa inyong pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat ang Diyos ay sumasalungat sa mga palalo, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba” (1 Pedro 5:5). Ang pagpapakumbaba ay naghahatid ng mga banayad na sagot. Ito ang pinagmumulan ng matwid na pagkatao.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund:

“Naaalala ng mga indibiduwal na lumalakad nang may kapakumbabaan na kasama ng Diyos kung ano ang ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila.”

“Kumikilos tayo nang marangal na kasama ng Diyos sa pamamagitan ng paglakad nang may kapakumbabaan na kasama Niya” (“Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 111, 109).

Ang pangalawang katangian ng Tagapagligtas ay pagkakaroon ng tapang. Kapag naiisip ko si Jesucristo sa edad na 12, na nakaupo sa templo ng Diyos kasama ang mga guro ng kautusan at nagtuturo sa kanila ng mga banal na bagay, napansin ko na sa murang edad ay mayroon na Siyang matinding katapangan, isang natatanging katapangan. Bagama’t inaasahan ng karamihan na makitang tinuturuan ng mga guro ng kautusan ang batang lalaki, tinuturuan Niya sila dahil “sila ay nakikinig sa kanya, at nagtatanong sa kanya” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46 ).

Naglingkod kami ng full-time mission sa Democratic Republic of the Congo Mbuji-Mayi Mission mula 2016 hanggang 2019. Ang paglalakbay sa mission papunta sa isang zone mula sa isa pang zone ay sa pamamagitan ng pagbibiyahe sa kalsada. Isang hindi kanais-nais na kaganapan ang nangyari sa lugar na iyon nang magsulputan sa kalsada at manggulo sa mga manlalakbay ang mga armadong bandido na may matatalim na sandata.

Limang missionary na naglalakbay mula sa isang zone papunta sa isa pa bilang bahagi ng pag-transfer ang naging biktima ng mga ganitong panggugulo. Dahil kami mismo ay naging biktima na nito, nagsimula kaming mangamba para sa buhay at kaligtasan naming lahat, at nag-atubili pa nga kaming maglakbay sa mga kalsadang ito upang bisitahin ang mga missionary at magdaos ng mga zone conference. Hindi namin alam kung hanggang kailan iyon magtatagal. Gumawa ako ng ulat, na ipinadala ko sa Area Presidency, at ipinahayag ko ang takot ko na maglakbay dahil ito lamang ang kalsadang daraanan para mapuntahan ang aming mga missionary.

Sa kanyang tugon, si Elder Kevin Hamilton, na aming Africa Southeast Area President, ay sumulat sa akin: “Ang payo ko ay gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya. Maging matalino at madasalin. Huwag ninyong sadyaing ilagay ang inyong mga sarili o ang inyong mga missionary sa panganib, ngunit kasabay nito ay sumulong nang may pananampalataya. ‘Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili’ (2 Timoteo 1:7).”

Ang payong ito ay labis na nagpalakas sa amin at nagtulot sa amin na patuloy na maglakbay at maglingkod nang may katapangan hanggang sa matapos ang aming mission, dahil nakatanggap kami ng patnubay mula sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng banal na kasulatan na iyon.

Sa makabagong banal na kasulatan, mababasa natin ang mga inspiradong salita ni Propetang Joseph Smith na sumasalamin sa panghihikayat ng Panginoon sa atin: “Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid; at humayo, humayo sa pananagumpay!” (Doktrina at mga Tipan 128:22).

Magkaroon tayo ng tapang na gawin ang tama kahit hindi ito popular—tapang na ipaglaban ang ating pananampalataya at kumilos nang may pananampalataya. Magkaroon tayo ng tapang na magsisi araw-araw, tapang na tanggapin ang kalooban ng Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan. Magkaroon tayo ng tapang na mamuhay nang matwid at gawin ang inaasahan sa atin sa ating iba’t ibang responsibilidad at tungkulin.

Ang pangatlong katangian ng Tagapagligtas ay pagiging mapagpatawad. Sa Kanyang mortal na ministeryo, pinigilan ng Tagapagligtas ang pambabato sa isang babaeng nahuli sa pangangalunya. Iniutos Niya sa babae na “humayo … at … huwag … nang magkasala” (Juan 8:11). Ito ang naghikayat sa babae na magsisi at napatawad siya kalaunan, sapagkat tulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan, niluwalhati ng babae ang Diyos mula sa oras na iyon, at naniwala siya sa Kanyang pangalan (tingnan sa Joseph Smith Translation, John 8:11 [sa John 8:11, footnote c]).

Sa Pamaskong debosyonal noong Disyembre 2018, nagsalita ang ating mahal na Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa apat na regalong natanggap natin mula sa Tagapagligtas. Sinabi niya na ang isang regalong inihahandog ng Tagapagligtas ay ang kakayahang magpatawad:

“Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo.

“Madalas ay madaling magpatawad sa isang tao na taos-puso at mapagpakumbabang humihingi ng inyong kapatawaran. Subalit ipagkakaloob sa inyo ng Tagapagligtas ang kakayahang patawarin ang sinumang gumawa sa inyo nang masama sa anumang paraan” (“Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo” [Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 2, 2018], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Taos-puso nating patawarin ang isa’t isa upang matamo ang kapatawaran ng Ama. Pinapalaya tayo ng pagpapatawad at ginagawa tayo nitong karapat-dapat na tumanggap ng sakramento tuwing Linggo. Kailangan nating magpatawad upang tayo ay maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo.

Ang pang-apat na katangian ng Tagapagligtas ay pagiging mapagsakripisyo. Bahagi ito ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ginawa ng Tagapagligtas ang dakilang pagsasakripisyo ng Kanyang buhay para sa atin upang tayo ay matubos. Nadarama ang sakit ng sakripisyo, hiniling Niya sa Kanyang Ama na ilayo ang kopa, ngunit ginawa pa rin Niya ang lahat upang makumpleto ang walang-hanggang sakripisyo. Ito ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ganito ang itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Ang sakripisyo ay pagpapakita ng dalisay na pagmamahal. Ang laki ng pagmamahal natin sa Panginoon, sa ebanghelyo, at sa ating kapwa-tao ay masusukat sa kung ano ang handa nating isakripisyo para sa kanila” (“The Blessings of Sacrifice,” Ensign, Mayo 1992, 76).

Maaari tayong magsakripisyo ng oras upang magsagawa ng ministering, maglingkod sa iba, gumawa ng kabutihan, gumawa ng family history, at gampanan ang ating tungkulin sa Simbahan.

Maaari tayong magbigay ng pinansyal na tulong sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu, mga handog-ayuno, at iba pang donasyon upang maitayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Kailangan nating magsakripisyo upang matupad ang mga tipang ginawa natin sa Tagapagligtas.

Dalangin ko na sa pagsunod natin kay Jesucristo at paggamit ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay maging mas mapagpakumbaba, mas maging matapang, mas magpatawad, at mas magsakripisyo para sa Kanyang kaharian.

Pinatototohanan ko na buhay ang ating Ama sa Langit at kilala Niya ang bawat isa sa atin, na si Jesus ang Cristo, na si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos ngayon. Pinatototohanan ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa lupa at totoo ang Aklat ni Mormon. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Manunubos, amen.