Kabanata 5
Doktrina at mga Tipan 6; 8–9
Pambungad at Timeline
Dahil walang regular na tagasulat, paminsan-minsan lamang nagagawa ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon hanggang noong Marso 1829, nang iutos kay Propetang Joseph Smith na tumigil muna sa pagsasalin at maghintay ng tulong (tingnan sa D at T 5:30–34). Bilang katuparan ng pangako ng Panginoon na “maghahanda ng paraan” (D at T 5:34), dumating si Oliver Cowdery sa tahanan ng Propeta sa Harmony, Pennsylvania, at nag-alok ng tulong. Sa panibagong kasiglahan, nagsimulang magsaling muli si Joseph Smith noong Abril 7, 1829, katulong si Oliver bilang tagasulat. Kalaunan ng buwang iyon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6. Sa paghahayag na ito natanggap ni Oliver ang payo at kumpirmasyon hinggil sa kanyang gagampanan sa gawain ng Panginoon.
Nang isinasalin na ang Aklat ni Mormon, hinangad ni Oliver na magsalin. Sa isang paghahayag na natanggap noong Abril 1829 at nakatala sa Doktrina at mga Tipan 8, ipinangako ng Panginoon kay Oliver ang kaloob na paghahayag at ang kakayahang isalin ang mga sinaunang talaan.
Sinubukang simulan ni Oliver ang pagsasalin pero hindi siya makapagpatuloy. Sa kahilingan ni Oliver, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 9, kung saan ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit nahirapan si Oliver na magsalin at nagbigay din ng mga alituntunin hinggil sa paghahayag.
-
Mga huling buwan ng 1828Nalaman ni Oliver Cowdery ang tungkol kay Joseph Smith habang naninirahan sa Manchester, New York.
-
Abril 1829Naglakbay si Oliver Cowdery patungo sa Harmony, Pennsylvania, upang makipagkita kay Joseph Smith.
-
Abril 1829Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mabilis na naisagawa kasama si Oliver Cowdery bilang tagasulat.
-
Abril 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 6 at 8.
-
Abril 1829Sinubukan ni Oliver Cowdery na magsalin.
-
Abril 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 9.
Doktrina at mga Tipan 6: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong mga unang buwan ng 1829, si Propetang Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma ay nakatira sa isang maliit na bahay malapit sa bahay ng mga magulang ni Emma sa Harmony, Pennsylvania. Patuloy na isinalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon sa panahong ito sa tulong ni Emma, ngunit mabagal ang progreso ng gawain. Noong Marso, nagsumamo si Joseph sa Panginoon para humingi ng tulong, at bilang tugon nangako ang Panginoon, “Ako ay maghahanda ng mga paraan upang maisakatuparan mo ang mga bagay na aking ipinag-utos sa iyo” (D at T 5:34). Hindi nagtagal, dumating si Oliver Cowdery at naging palagiang tagasulat ni Joseph.
Si Oliver Cowdery ay isang guro na umuupa sa tahanan ng mga magulang ni Propetang Joseph Smith, na sina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith, noong taglamig ng 1828–29. Habang nasa Palmyra, New York, nabalitaan ni Oliver ang usap-usapan tungkol sa mga laminang ginto. Tinanong niya ang pamilya Smith tungkol sa kanyang narinig, at matapos magkaroon ng tiwala sa kanya si Joseph Smith Sr., marami pa siyang nalaman tungkol sa ginagawang pagsasalin ni Joseph Smith Jr. Itinala ni Propetang Joseph Smith kalaunan na ang “Panginoon ay nagpakita sa isang binata na nagngangalang Oliver Cowd[e]ry at ipinakita sa kanya ang mga lamina sa isang pangitain. … Dahil dito ninais niyang puntahan ako at magsulat para sa akin” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1:Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 16; ang pagbabaybay, pagbabantas, at paggamit ng malaking titik ay iniayon sa pamantayan).
Matibay ang paniniwala ni Oliver Cowdery na kalooban ng Panginoon na puntahan niya si Joseph Smith at tulungan ito, kaya kasama niyang nagpunta ang kapatid ni Joseph Smith na si Samuel sa Harmony, Pennsylvania, at dumating noong Abril 5, 1829. Sinimulan nina Joseph at Oliver ang pagsasalin noong Abril 7, 1829. Hindi pa natatagalan matapos nilang simulan ang gawain, tumanggap ang Propeta ng mga instruksyon mula sa Panginoon na nagtatagubilin kay Oliver at nagpapaliwanag ng kanyang tungkulin sa pagtulong kay Joseph.
Doktrina at mga Tipan 6:1–24
Itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang kanyang tungkulin sa gawain ng Diyos
Doktrina at mga Tipan 6:6. “Hangaring ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion”
Inanyayahan ng Panginoon sina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery na “sundin ang [Kanyang] mga kautusan, at hangaring ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion” (D at T 6:6). Ito ang unang pagbanggit sa Sion sa Doktrina at mga Tipan. Ang “ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion” ay mauunawaang gawain ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, pag-oorganisa ng Simbahan ni Jesucristo sa ating panahon, at pangangaral ng ebanghelyo upang matipon ang iba pa sa Sion.
Doktrina at mga Tipan 6:7, 11. “Ang mga hiwaga ng Diyos”
Ipinangako ng Panginoon kay Oliver Cowdery na kung siya ay maghahangad ng karunungan, “ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa [kanya]” (D at T 6:7). Sa mga banal na kasulatan, ang pariralang “mga hiwaga ng Diyos” ay tumutukoy sa “mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag. Ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mga hiwaga sa mga yaong sumusunod sa ebanghelyo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga” scriptures.lds.org). Bagama’t ang mga katotohanang ito ay hindi ganap na batid at nauunawaan at pinahahalagahan ng mundo, ang mga tagasunod ni Jesucristo ay maaaring magkaroon ng kaalaman at pag-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta at mula sa personal na paghahayag na natatanggap sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Doktrina at mga Tipan ay humihikayat sa mga mambabasa na maghangad ng mas malaking espirituwal na kaalaman tungkol sa mga hiwaga ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at paghiling sa Diyos nang may pananampalataya (tingnan sa D at T 8:11; 42:61, 65; 63:23; 76:5–10, 114–17).
Doktrina at mga Tipan 6:10–12. kaloob kay Oliver Cowdery
Ang kaloob na taglay ni Oliver Cowdery na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 6:10–12 ay ang kaloob na paghahayag (tingnan sa D at T 8:2–5). Makatatanggap ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ng espirituwal na patnubay kapag sila ay nanalangin at humingi ng Kanyang tulong. Ang mga taong nabinyagan, tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at masigasig na sumusunod sa mga kautusan ay makatatanggap ng kaloob na paghahayag.
Doktrina at mga Tipan 6:14–17. “Sa tuwing magtatanong ka”
Si Oliver Cowdery ay isa sa mga unang tao na nagtanong sa Diyos tungkol sa gawain ni Propetang Joseph Smith. Tulad ng dapat gawin ng bawat isa sa atin, kailangan munang malaman ni Oliver kung paano matukoy ang mga pagpapatunay ng Espiritu. Mula sa mga salita ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6:14–15, natutuhan ni Oliver na makatatanggap siya ng gabay ng Diyos sa tuwing siya ay magdarasal. Ipinaalala ng Panginoon kay Oliver na bilang sagot sa kanyang mga panalangin, tinagubilinan siya ng Espiritu at nilinaw ang kanyang pag-iisip (tingnan sa D at T 6:14–15). Ipinaliwanag din ng Panginoon na ang patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na natanggap ni Oliver sa ganitong paraan ang naghikayat sa kanya na lisanin ang Palmyra at magpunta sa Harmony para maging bahagi ng gawaing ginagawa niya ngayon. Sa pagpapaalala kay Oliver ng kanyang mga nakaraang karanasan sa paghahayag, tinulungan ng Panginoon na madagdagan ang kakayahan ni Oliver na makakilala ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu sa hinaharap.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang isa sa mga dakilang aral na kailangang matutuhan ng bawat isa sa atin ay ang humiling. Bakit nais ng Panginoon na manalangin tayo sa Kanya at humiling? Dahil sa ganyang paraan natatanggap ang paghahayag. …
“Kung nadarama ninyo na hindi pa sinasagot ng Diyos ang inyong mga dalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatang ito [D at T 6:14–15]—pagkatapos ay maghanap na mabuti ng katibayan sa sarili ninyong buhay na maaaring nasagot na Niya kayo” (“Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 45, 47).
Doktrina at mga Tipan 6:18–19. “Umagapay sa aking tagapaglingkod na si Joseph”
Sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6, tiniyak ng Panginoon kay Oliver Cowdery na si Joseph Smith ay Kanyang tagapaglingkod. Nalaman ni Oliver na siya ay may tungkuling “umagapay,” o maging tapat at laging sumuporta sa tagapaglingkod ng Panginoon (D at T 6:18) at tanggapin nang may pagtitiis ang “payo” o pagwawasto, mula sa kanya (D at T 6:19). Sa paggawa kasama ang Propeta, ipinayo rin ng Panginoon kay Oliver na “pagpayuhan” si Joseph kapag kailangan (D at T 6:19). Ang Propeta ay may mga kahinaan na likas sa tao at kahit kailan ay hindi nagsabi na hindi siya nagkakamali. Noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay, sinabi ni Joseph Smith, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 609–10). Gayunman, nang ilarawan ang mga kahinaan ng kanyang kabataan, ibinigay ng Propeta ang kabatirang ito tungkol sa kanyang pagkatao: “Walang sinuman ang dapat mag-akala na ako ay nagkasala ng anumang mabigat o lubhang mapaminsalang mga kasalanan. Ang pagpapasiya na gumawa nito ay kailanma’y wala sa aking pagkatao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28).
Ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Si Joseph Smith ay isang mortal na nagsisikap na gampanan ang isang napakalaking misyon na itinakda ng Diyos anuman ang mangyari. Ang kahanga-hanga rito ay hindi siya kailanman nagpakita ng mga kahinaan ng tao, sa halip ay pinagtagumpayan ang kanyang misyon. Ang mga ibinunga nito ay hindi maikakaila at tunay na kapuri-puri” (“The Prophet Joseph Smith” [Brigham Young University–Idaho devotional, Set. 24, 2013], byui.edu/devotionalsandspeeches).
Doktrina at mga Tipan 6:22–24. “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan … ?”
Ang paghahayag ay matatanggap sa iba’t ibang paraan. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6:22–24, tinulungan ng Panginoon si Oliver Cowdery na matukoy na siya ay espirituwal na ginabayan nang makadama siya ng kapayapaan. Pinagtibay ni Elder Richard G. Scott: “Ang damdamin ng kapayapaan ang pinaka-karaniwang pagpapatibay na nararanasan ko mismo. Kapag nag-aalala akong mabuti tungkol sa isang bagay na mahalaga, na sinisikap na tagumpay itong malutas, patuloy akong nagsisikap nang may pananampalataya. Sa huli, dumarating ang ganap na kapayapaan, na lumulutas sa aking mga problema, tulad ng ipinangako Niya” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 10).
Doktrina at mga Tipan 6:25–37
Pinayuhan ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na magsalin at huwag mag-alinlangan o matakot
Doktrina at mga Tipan 6:25–28. Dalawang saksi ng Panunumbalik
Ang pangalawang kaloob na ipinangako kay Oliver Cowdery ay ang kaloob at mga susi ng pagsasalin. Ipinaliwanag ng Panginoon na sina Propetang Joseph Smith at Oliver ay magiging dalawang saksi na makapagpapatotoo na ang Kanyang mga salita ay ipinahayag na. Mahalagang kasama ni Joseph si Oliver bilang saksi kapag naganap ang iba pang mahahalagang pangyayari ng Panunumbalik. Halimbawa, si Oliver ay nakibahagi sa mga sumusunod:
-
Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon at paglalathala nito (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala).
-
Ang panunumbalik ng Aaronic Priesthood sa pamamagitan ni Juan Bautista (tingnan sa D at T 13).
-
Ang panunumbalik ng Melchizedek Priesthood sa pamamagitan nina Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72).
-
Ang pag-organisa sa Simbahan na pinamunuan ng dalawang elder (tingnan sa D at T 20:2–3).
-
Ang panunumbalik ng mga susi ng priesthood sa pamamagitan nina Moises, Elias, at Elijah (tingnan sa D at T 110).
Doktrina at mga Tipan 6:32, 37. “Masdan … [ang] aking mga kamay at paa”
Hindi pa alam kung ang Doktrina at mga Tipan 6:32, 37 ay tumutukoy sa literal o sa matalinghagang karanasan. Maaaring ipinapaalala lamang ng Panginoon kay Oliver ang naranasan niya nang una nitong marinig ang tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa mga laminang ginto (tingnan ang komentaryo sa karagdagang pinagmulang kasaysayan para sa D at T 6 sa manwal na ito).
Doktrina at mga Tipan 8: Karagdagang Pinagmulang kasaysayan
Habang nagsisilbing tagasulat ni Propetang Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, “labis na hinangad ni Oliver Cowdery na mapagkalooban ng kakayahang makapagsalin” (Joseph Smith, sa History of the Church, 1:36). Ipinangako ng Panginoon kay Oliver na “maging anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo” at sinabi sa kanya, “pagkakalooban kita ng isang kaloob, kung nanaisin mo na tanggapin ito mula sa akin, na makapagsalin, maging tulad ng aking tagapaglingkod na si Joseph” (D at T 6:8, 25). Ang interes ni Oliver sa pagsasalin ay maaaring lalong nadagdagan dahil naging pamilyar na sila ni Joseph sa mga tala sa Aklat ni Mormon na may kaugnayan sa kaloob na pagsasalin (tingnan sa Mosias 8:9–16). Sa mga ganitong kalagayan, natanggap ni Oliver sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ang mga tagubilin na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 8.
Doktrina at mga Tipan 8
Tinulungan ng Panginoon si Oliver Cowdery na maunawaan ang diwa ng paghahayag
Doktrina at mga Tipan 8:1, 10–11. “[Humiling] nang may pananampalataya, nang may tapat na puso”
Sa isang naunang paghahayag, si Oliver Cowdery ay pinangakuan ng kaloob na magsalin (tingnan sa D at T 6:25). Gayunpaman, sa kaloob na ito, kinailangan ni Oliver na “[humiling] nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwala” (D at T 8:1) upang matanggap ang tulong ng Diyos sa pagsasalin.
Ang pangako na makatatanggap ng mga kaalaman at paghahayag mula sa Diyos ay ibinibigay sa lahat ng humihiling nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwala na makatatanggap sila. Binigyang-diin ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagtatanong sa Diyos kapag kailangan natin ng kaalaman at pag-unawa:
“Ngayon ay nabubuhay tayo sa isang mundo na hindi na nagtatanong sa Diyos ang mga tao—kundi sa Google na lang nila gustong magtanong. Kahit sa mga tanong tungkol sa pananampalataya, marami ang mas nagtitiwala na maibibigay ng Internet ang tumpak, walang kinikilingan, at balanseng mga sagot sa kanilang mga tanong kaysa sa pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, ang ating Ama sa Langit. …
“… Ang Internet ngayon ay puno ng mga nag-aabang na makapanlinlang ng mga walang alam at walang mga karanasan.
“Sa paghahanap natin ng katotohanan ng ebanghelyo, hindi lamang tayo kailangang humanap ng mapagkakatiwalaang mapagkukunan kundi kailangan din nating bigyan ng sapat na oras ang Panginoon sa ating araw-araw na gawain. Kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Kailangan nating mamuhay nang matwid sa harapan ng Diyos—kailangan nating gawin ang Kanyang kalooban [tingnan sa Juan 7:16–17]. At kahit kailan ay hindi ituturing na kalabisan ang pagsasabi natin na mahalagang dalhin ang ating mga espirituwal na alalahanin nang tuwiran sa Diyos at magtiwala sa Kanyang inspirasyon at patnubay” (“Women of Dedication, Faith, Determination, and Action” [mensaheng ibinigay sa Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 1, 2015], 5–6, womensconference.ce.byu.edu/transcripts).
Doktrina at mga Tipan 8:2–3. “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso”
Ang isang paraan na inihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga anak ay sa pamamagitan ng “diwa ng paghahayag” (D at T 8:3). Tulad ng ipinaliwanag ng Panginoon kay Oliver Cowdery sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, kinapapalooban ito ng isipan (katalinuhan) at puso (damdamin) (tingnan sa D at T 8:2).
Ang paghahayag ay maaaring dumating sa ating puso o sa ating isipan o sa dalawang ito. Ang isang paraan na maaaring dumating ang paghahayag sa ating puso’t isipan ay kapag ang mabubuting bagay o ideya ay pumapasok sa ating isipan at napagtibay na totoo ng espirituwal na damdamin na pumapasok sa ating puso. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ang mga karagdagang paraan na maaaring makipag-ugnayan ang Espiritu sa ating puso’t isipan:
“Ang impresyon sa isipan ay tiyak. Ang mga detalyadong salita ay maaaring marinig o madama at maisulat na parang idinidikta ang mga tagubilin.
“Ang komunikasyon sa puso ay mas pangkalahatang impresyon. Madalas nagsisimula ang Panginoon sa pagbibigay ng mga pahiwatig. Kapag kinilala ang kahalagahan nito at sinunod ang mga ito, ang isang tao ay nagkakaroon ng karagdagang kakayahan na makatanggap ng mas detalyadong tagubilin sa isipan. Ang impresyon sa puso, kung susundin, ay pinagtitibay ng mas detalyadong tagubilin sa isipan” (“Helping Others to Be Spiritually Led” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Ago. 11, 1998]; tingnan din sa Teaching Seminary: Preservice Readings [Church Educational System manual, 2004], 55).
Doktrina at mga Tipan 8:3. Si Moises at ang diwa ng paghahayag
Ipinaliwanag ng Panginoon na “ang diwa ng paghahayag” na ipinangako kay Oliver Cowdery, na tinaglay ni Propetang Joseph Smith, ay ang diwa ring yaon na gumabay kay Moises nang pamunuan niya ang mga anak ni Israel patawid sa Dagat na Pula (tingnan sa D at T 8:3). Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang paraan kung saan makatutulong sa atin ang halimbawa ni Moises na mas maunawaan ang diwa ng paghahayag:
“Bakit gagamitin ng Panginoon ang halimbawa ng pagtawid sa Dagat na Pula bilang klasikong halimbawa ng ‘diwa ng paghahayag’? Bakit hindi Niya ginamit ang Unang Pangitain? … O ang pangitain ng kapatid ni Jared? Maaari naman Niyang gamitin ang alinman sa mga ito, ngunit hindi Niya ginawa. Sa paghahayag na ito may iba pa siyang iniisip na layunin.
“Una sa lahat, ang paghahayag ay dumarating bilang sagot sa tanong, karaniwang agarang tanong—hindi palagi, ngunit karaniwan. Ang hamon kay Moises ay iligtas ang kanyang sarili at ang mga anak ni Israel mula sa nakapanghihilakbot nilang kalagayan. …
“Kakailanganin din ninyo ang impormasyon, ngunit sa mga bagay na napakahalaga malamang na hindi ito darating maliban na lang kung ito ay inyong naisin nang agad-agad, nang may pananampalataya, at mapagkumbaba. Ang tawag dito ni Moroni ay paghahangad ‘nang may tunay na layunin’ (Moroni 10:4). Kung sa ganyang paraan kayo maghahangad, at ipagpapatuloy ang gayong paraan, hindi kayo maililihis ng kaaway mula sa tamang landas.
“Ang Dagat na Pula ay magbubukas sa tapat na naghahangad. May kapangyarihan ang kaaway na harangan ang daan, tipunin ang hukbo ni Faraon at tugisin ang pagtakas natin hanggang sa dulo ng pampang, ngunit hindi niya tayo magagapi kung hindi natin siya tutulutan. Iyan ang pangunahing aral tungkol sa pagtawid sa Dagat na Pula, ng inyong mga Dagat na Pula, sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag.
“Sa proseso ng paghahayag at sa paggawa ng mahahalagang desisyon, takot ang halos laging nakapagpapahamak, kung minsan ay nakapaparalisa. …
“Iyan mismo ang problema na kinaharap ng mga anak ni Israel sa pampang ng Dagat na Pula. Iyan ang pangalawang aral. May kinalaman ito sa paghawak nang mahigpit sa naunang liwanag. Sinasabi sa tala na, ‘At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila’y natakot na mainam’ (Exodo 14:10).
“… Susubukin ang ating pananampalataya habang pinaglalabanan natin ang padududa sa sarili at pag-aalinlangan. May mga araw na tayo ay mahimalang maaakay palabas ng Egipto—tila malaya, tila makararating na sa paroroonan—ngunit haharap na naman pala sa isa pang sagabal, tulad ng tubig o dagat na iyon na nasa ating daraanan. Sa mga panahong iyon kailangan nating paglabanan ang tukso na matakot at mawalan ng pag-asa.
“‘At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon. … Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon’ (Exodo 14:13–14).
“Muli, iyan ang pangalawang aral sa diwa ng paghahayag. Matapos ninyong makuha ang mensahe, matapos ninyong magsakripisyo para madama ang Kanyang pagmamahal at marinig ang salita ng Panginoon, magpatuloy. Huwag matakot, huwag mag-atubili, pagtuunan ang mas mahalagang layunin, huwag magmaktol.
“Ang pangatlong aral mula sa diwa ng paghahayag ng Panginoon sa mahimalang pagtawid sa Dagat na Pula ay, kung sinabi sa inyo ng Diyos na tama ang isang bagay, kung talagang totoo nga para sa inyo ang isang bagay, maglalaan Siya ng paraan na maisagawa ninyo ito” (“Remember How You Felt,” New Era, Ago. 2004, 7–8).
Doktrina at mga Tipan 8:4–5. “Ito ang iyong kaloob; gamitin ito”
Matatamasa ng bawat taong naghahangad na sundin si Jesucristo ang kaloob na paghahayag na ito na ipinangako kay Oliver Cowdery (tingnan sa D at T 6:10–12). Itinuro ng Panginoon na upang matanggap ang kaloob na ito dapat nating “gamitin ito” (D at T 8:4). Tinalakay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin maaaring “gamitin” ang diwa ng paghahayag:
“Ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay. …
“… Sa mga banal na kasulatan, ang impluwensya ng Espiritu Santo ay madalas ilarawan bilang ‘marahan at banayad na tinig’ (I Mga Hari 19:12; 1 Nephi 17:45; tingnan din sa 3 Nephi 11:3) at ‘tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan’ (Helaman 5:30). Dahil ang Espiritu ay bumubulong sa atin nang marahan at banayad, madaling maunawaan kung bakit dapat nating iwasan ang di-angkop na media, pornograpiya, at nakapipinsala at nakalululong na mga bagay at pag-uugali. Ang mga kasangkapang ito ng kaaway ay makapipinsala at lubusang sisira sa ating kakayahang kumilala at tumugon sa mga mensahe mula sa Diyos na inihatid sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Dapat isiping mabuti at ipagdasal ng bawat isa sa atin kung paano labanan ang mga panunukso ng diyablo at matwid na ‘gamitin ito,’ maging ang diwa ng paghahayag, sa ating personal na buhay at sa pamilya” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87–88).
Doktrina at mga Tipan 8:6–9. Ano ang “kaloob ni Aaron”?
Nang unang mailathala ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 8 sa 1833 Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan], inilarawan ang kaloob ni Oliver Cowdery bilang “kaloob na makapagsalin gamit ang isang tungkod” (tingnan sa “Book of Commandments, 1833,” pahina 19, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Jeffrey G. Cannon, “Oliver Cowdery’s Gift,” footnote 9, sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 19, tingnan din sa history.lds.org). Ito ay maaaring tumutukoy sa isang bagay na ginamit ni Oliver Cowdery paminsan-minsan, na tinawag na divining rod. Gayunman, walang talang ibinigay sina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery kung ginamit nga ba ang nasabing “tungkod.” Sa 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan, ang pariralang “ang kaloob na makapagsalin gamit ang isang tungkod” ay ginawang “ang kaloob ni Aaron” (tingnan sa “Doctrine and Covenants, 1835,” pahina 161 [section XXXIV, talata 3], josephsmithpapers.org; tingnan din sa Melvin J. Petersen, “Preparing Early Revelations for Publication,” Ensign, Peb. 1985, 20). Ang bahagyang pagbabagong ito ay nagpapakita na ang pinakamensahe ay ang kaloob na makatanggap ng paghahayag gayundin ang kapangyarihang magsalin ng mga sinaunang talaan na may gabay ng kalangitan.
Mababasa natin sa Biblia “ang pagtanggap ng mga tao ng mga espirituwal na pagpapamalas sa pamamagitan ng pisikal na mga bagay tulad ng mga tungkod, ahas na tanso sa isang tikin … , ng epod (isang bahagi ng kasuotan ng saserdote na may kasamang dalawang mahahalagang bato), at ang Urim at Tummim” (Richard E. Turley Jr., Robin S. Jensen, and Mark Ashurst-McGee, “Joseph the Seer,” Ensign, Okt. 2015, 49). Inilarawan sa Biblia ang paggamit ni Moises at ng kanyang kapatid na si Aaron ng mga tungkod bilang kasangkapan at panlabas na pagpapahayag ng kalooban at kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Exodo 4:1–5, 17; 7:9–12; 14:15–18; Mga Bilang 17:1–10). Dahil dito, ang pariralang “kaloob ni Aaron” (D at T 8:6) ay maaaring mas karaniwang paraan ng pagtukoy sa kaloob ni Oliver na “pagsasalin gamit ang isang tungkod” at nagpapatunay ng pagkakaugnay nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa mga tungkuling ginampanan nina Moises at Aaron. Matapos kilalanin na taglay ni Oliver ang “kaloob ni Aaron,” muling tiniyak ng Panginoon kay Oliver na ang kaloob na magsalin ay idadagdag sa mga kaloob na paghahayag na taglay na niya kung siya ay kikilos nang may pananampalataya at “[hindi lalapastanganin]” ang mga banal na kaloob na ito (tingnan sa D at T 8:8–11).
Doktrina at mga Tipan 9: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Tulad ni Joseph Smith, Ingles lamang ang alam na wika ni Oliver Cowdery at hindi makapagsalin ng sinaunang talaan maliban na lang kung matulungan siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sinimulan ni Oliver Cowdery ang pagtatangakang isalin ang mga lamina ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, ngunit “hindi [siya] nagpatuloy tulad ng [kanyang] pinasimulan” kaya inalis ang pribilehiyo mula sa kanya (D at T 9:5). Sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinangako ng Panginoon kay Oliver na magkakaroon siya ng susunod na pagkakataong magsalin ng iba pang mga talaan. Pinayuhan siya ng Panginoon na patuloy na maglingkod bilang tagasulat ng Propeta hanggang sa matapos ang pagsasalin ng mga lamina.
Doktrina at mga Tipan 9
Inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin tungkol sa paghahayag
Doktrina at mga Tipan 9:1–11. Ang pagtatangkang magsalin ni Oliver Cowdery
Wala tayong alam na maraming detalye tungkol sa pagtatangka ni Oliver Cowdery na magsalin. Walang alinlangang matindi ang kanyang hangarin na isalin ang Aklat ni Mormon, ngunit matapos siyang magsimula, hindi na siya nagpatuloy. Ipinaliwanag ng Panginoon na si Oliver ay “hindi nagpatuloy tulad ng [kanyang] pinasimulan” (D at T 9:5) at sinabi na kung ginamit niya ang mga alituntunin sa pagtanggap ng paghahayag, siya “sana ay nakapagsalin” (D at T 9:10). Kinuha ng Panginoon ang pagkakataon ni Oliver na magsalin, ngunit sinabi niya kay Oliver na may “iba [pang] mga talaan” na pahihintulutan siyang tumulong na magsalin (D at T 9:2).
Doktrina at mga Tipan 9:2. “May iba pa akong mga talaan”
Kahit na ipinaalam ng Panginoon kay Oliver Cowdery na siya ay may “iba [pang] mga talaan” na kailangang isalin (D at T 9:2; tingnan din sa D at T 6:26), hindi natin alam kung talagang tumulong si Oliver sa pagsasalin ng alinman sa mga ito. Gayunman, nagsilbing tagasulat ni Propetang Joseph Smith si Oliver sa panahong isinasalin ang Biblia. Gayundin, ibinigay kalaunan kay Joseph Smith ang ilang Egyptian artifacts na may kasamang mga papyrus. Nang masuri ng Propeta ang mga papyrus, nakatanggap siya ng paghahayag tungkol sa buhay at mga turo ni Abraham. Kahit hindi natin eksaktong alam kung paano isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Abraham, alam natin na tinulungan siya ni Oliver bilang tagasulat.
Doktrina at mga Tipan 9:5–9. “Wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin”
Tumatanggap tayo ng personal na paghahayag ayon sa kalooban at takdang panahon ng Panginoon. Kasama sa ilang paraan na makapaghahanda tayo sa pagtanggap ng personal na paghahayag ang pagkakaroon ng mabuting hangarin (tingnan sa D at T 6:8, 20), paghiling nang may pananampalataya (tingnan sa D at T 8:1), at pagsunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa D at T 63:23). Natutuhan ni Oliver Cowdery na bago humiling ng sagot sa Diyos tungkol sa isang bagay, kailangan niyang “pag-aralan ito sa [kanyang] isipan” (D at T 9:8).
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangang pagsamahin ni Oliver ang pag-aaral at pananampalataya: “Ang tamang kaugnayan ng pag-aaral at pananampalataya sa pagtanggap ng banal na kaalaman ay inilarawan sa pagtatangka ni Oliver Cowdery na magsalin ng mga sinaunang talaan. Nabigo siya dahil ‘wala [siyang] inisip,’ kundi humiling o magtanong lamang sa Diyos. (D at T 9:7.) Sinabi ng Panginoon sa kanya na kailangang ‘pag-aralan [niya] ito sa [kanyang] isipan’ at pagkatapos ay itanong kung ito ay tama. (D at T 9:8.) Pagkatapos nito ay saka pa lamang ihahayag ng Panginoon kung tama o hindi ang salin. At tanging sa pagtanggap lamang ng paghahayag na iyon maisusulat ang teksto, dahil ‘hindi ka makasusulat ng yaong banal maliban kung ibigay ito sa iyo mula sa akin.’ (D at T 9:9.) Sa pagtatamo ng banal na kaalaman, ang karunungan at pag-aaral ay hindi mga panghalili sa paghahayag. Ang mga ito ay mga paraan para makamtan ang layunin, at ang resulta ay paghahayag mula sa Diyos” (“Alternate Voices,” Ensign, Mayo 1989, 30).
Ang proseso ng pagtanggap ng personal na paghahayag ay madalas na nangangailangan ng pagsisikap at matinding pagsusumigasig pa nga mula sa atin. Itinuro ni Elder Richard G. Scott kung bakit hindi lamang paghingi ng kasagutan ang dapat nating gawin: “Naniniwala ako na walang simpleng pormula o pamamaraang agad magtutulot sa inyo na mabihasa sa kakayahang magabayan ng [tinig] ng Espiritu. Inaasahan ng ating Ama na matututo kayong makamit ang tulong na iyon ng langit sa pagsampalataya sa Kanya at sa Kanyang Banal na Anak na si Jesucristo. Kung tatanggap kayo ng inspiradong patnubay sa paghingi lamang nang hindi ito pinagsisikapan, manghihina kayo at higit na aasa sa Kanila. Alam Nila na darating ang mahalagang personal na pag-unlad kapag pinagsikapan ninyong matutuhan kung paano magabayan ng Espiritu” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 7).
Doktrina at mga Tipan 9:8–9. “Ang iyong dibdib ay [mag-aalab] … [o] ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip”
Sa pamamagitan ng payo ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3, nalaman ni Oliver Cowdery na nangungusap ang Panginoon sa isipan at puso ng Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa Doktrina at mga Tipan 9:8–9, ipinaalala ng Panginoon kay Oliver na makakakilala siya ng mga paghahayag sa pamamagitan ng kanyang damdamin at isipan. Itinuro sa kanya ng Panginoon na kung ang pagsasalin ay totoo, “madarama [niya] na ito ay tama” (D at T 9:8). Ginamit ng Panginoon ang pariralang “ang iyong dibdib ay [mag-aalab]” (D at T 9:8) upang ilarawan ang mga pamamatnubay ng Espiritu.
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks kung paano maaaring makipag-ugnayan sa atin ang Espiritu sa pamamagitan ng pag-aalab sa ating dibdib: “Ano ang kahulugan ng ‘pag-aalab sa dibdib’? Kailangan bang mag-init ang ating damdamin, gaya ng pagniningas na dulot ng apoy? Kung iyan ang ibig sabihin niyon, hindi pa ako nakadama ng pag-aalab sa dibdib. Siguradong ang ibig sabihin ng salitang ‘pag-aalab’ sa talatang ito ay damdamin ng kapanatagan at katiwasayan. Iyan ang patotoong natatanggap ng marami. Sa ganyang paraan gumagana ang paghahayag” (“Teaching and Learning by the Spirit,” Ensign, Mar. 1997, 13).
Mahalagang tandaan na ang mga pahayag ng Panginoon na “ang iyong dibdib ay [mag-aalab]” (D at T 9:8) at “ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip” (D at T 9:9) ay ibinigay kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery para magabayan sila habang kanilang isinasalin ang Aklat ni Mormon. Kapag naghangad tayo ng espirituwal na patnubay, hindi makabubuti na lagi nating inaasahan na makikipag-ugnayan sa atin ang Espiritu Santo sa ganitong paraan. Ipinaalala sa atin ng mga banal na kasulatan na maaaring makipag-ugnayan sa atin ang Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan (tingnan sa D at T 6:23; 8:2–3; 9:8; 11:12–13; 85:6; 128:1).
Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ang ibig sabihin ng “pagkatuliro ng pag-iisip” na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 9:9: “Nilinaw ng Panginoon, ‘Subalit kung [ang iminumungkahi mo] ay hindi tama … ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip.’ Para sa akin, magulo iyan, at hindi ako mapapanatag” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” 10).
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):
“Sa ating panahon, tulad noon, maraming tao ang umaasa na kung may paghahayag man ay darating ito sa kamangha-manghang paraan. …
“Sa pag-asam ng mga bagay na kagila-gilalas, maaaring hindi lubos na nakatuon ang mga tao sa patuloy na pagdaloy ng inihayag na pakikipag-ugnayan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 285).
Doktrina at mga Tipan 9:8–9. Paano kung hindi mo maramdamang nakatanggap ka na ng sagot?
Kapag nagtatanong tayo ng mahahalagang bagay sa Panginoon sa panalangin, may pangako mula sa kanya na “kung ito ay tama … madarama mo na ito ay tama. Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon” (D at T 9:8–9). Gayunman, kung minsan ay mahirap malaman kung nakatanggap tayo ng sagot.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott kung ano ang dapat nating gawin kapag hindi natin maramdaman na nakatanggap tayo ng sagot mula sa Diyos: “Ano ang gagawin ninyo kapag kayo ay nakapaghandang mabuti, taimtim na nanalangin, naghintay ng sapat na panahon para sa sagot, at wala pa rin kayong madamang kasagutan? Maaari kayong magpasalamat kapag nangyari iyon, dahil patunay ito ng Kanyang pagtitiwala. Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. Kapag sensitibo kayo sa mga paramdam ng Espiritu, isa sa dalawang bagay ang tiyak na mangyayari sa tamang panahon: maaaring matuliro ang isipan, na ibig sabihin ay mali ang pasiya, o kapayapaan o pag-aalab sa dibdib ang madarama, na nagpapatunay na tama ang inyong pasiya. Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” 10).
Ibinigay ni Pangulong Brigham Young ang sumusunod na kabatiran: “Kung hihingi ako sa kanya ng karunungan hinggil sa anumang pangangailangan sa buhay, o tungkol sa sarili kong gawain, o ng aking mga kaibigan, aking mag-anak, aking mga anak, o ng mga taong aking pinamumunuan, at hindi makatanggap ng kasagutan mula sa kanya, at pagkatapos ay gagawin ko ang pinakamabuting paraan na mapagpapasiyahan ko, kanyang aariin at igagalang ang kasunduang iyon, at gagawin niya ito sa lahat ng layon at hangarin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 53).