Institute
Kabanata 4: Doktrina at mga Tipan 5; 17


Kabanata 4

Doktrina at mga Tipan 517

Pambungad at Timeline

Ilang buwan mula nang maiwala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, ninais niyang mabigyan pa ng karagdagang katibayan na totoong may mga laminang ginto. Ang kanyang asawa ay hayagang nagsalita nang laban kay Propetang Joseph Smith, na pinaparatangan ito na niloloko nito ang kanyang asawa at ang iba dahil sinasabi nito na nasa kanya ang sinaunang talaan. Noong Marso 1829, bumalik si Martin sa Harmony, Pennsylvania, para itanong kung maaari ba niyang makita ang mga lamina. Nalaman ni Joseph sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 5 na tatawag ang Panginoon ng tatlong saksi na makakakita sa mga lamina at patototohanan sa mundo ang mga ito. Ipinangako ng Panginoon kay Martin na kung siya ay magpapakumbaba, pahihintulutan siyang makita ang mga lamina.

Noong Hunyo 1829, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 17, sinabi ng Panginoon na maaaring makita nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ang mga lamina at ang iba pang mga sagradong bagay ayon sa kanilang pananampalataya. Matapos magkaroon ng patotoo tungkol sa mga lamina, sila ay “magpapatotoo sa mga ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos” (D at T 17:3).

Mga unang buwan ng 1829Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mabagal na nagsimula.

Marso 1829Hiniling ni Martin Harris na makita ang mga lamina; ang Doktrina at mga Tipan 5 ay natanggap.

Abril–Mayo 1829Tumulong si Oliver Cowdery bilang tagasulat habang isinasalin ni Joseph Smith ang mga lamina.

Hunyo 1829Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay pansamantang lumipat sa Fayette, New York.

Hunyo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 17.

Hunyo 1829Dinalaw ni Moroni si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi at ipinakita sa kanila ang mga lamina.

Mga Hulyo 1, 1829Natapos nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Doktrina at mga Tipan 5: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sa mga sumunod na buwan mula nang mawala ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, pinagtuunan nang husto ng asawa ni Martin Harris, si Lucy, ang pag-uudyok sa iba na kalabanin si Propetang Joseph Smith. Ikinagalit niya na gumugol ng panahon at pera ang kanyang asawa sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ikinagalit din niya na ipinagkait ng Propeta ang kahilingan niya noon na makita ang mga laminang ginto. Nagsampa siya ng legal na reklamo laban kay Joseph at nagtipon ng maraming tao na handang magbigay ng testimonya na nagsinungaling si Joseph sa pagsasabi nito na may mga lamina. Bukod pa sa pagbabanta na isasakdal si Joseph, binalaan ng mga taong ito si Martin na kung hindi siya sasama sa kanila sa pagtestimonya sa di umano’y panlilinlang at pandaraya ni Joseph Smith, lalabas na kasabwat siya ni Joseph at pareho silang makukulong.

Sa panahong ito hindi pa nakikita mismo ni Martin ang mga lamina, kahit naging tagasulat siya ni Joseph. Matapos magpunta sa tahanan nina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania, sinabi ni Martin na gusto niyang mabigyan ng karagdagang katibayan na magpapatunay na totoong may mga lamina. Maaaring inisip niya na kung makikita niya mismo ang mga lamina, magiging handa siyang magtestimonya sa korte na totoong may mga lamina at malilinis na ang pangalan nila ni Joseph Smith laban sa paratang na pandaraya. Matapos mapakinggan ni Joseph ang kahilingan ni Martin na makita ang mga lamina, nagtanong siya sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 5 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 14–15).

Mapa 3: Hilagang-Silangang Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 5:1–22

Ilalabas ng Panginoon ang Kanyang salita sa mga huling araw sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at tatlong saksi ang magpapatotoo nito

Doktrina at mga Tipan 5:1–3. Nais ni Martin Harris na makita ang mga lamina

Natanggap ni Martin Harris ang ilang katibayan na talagang taglay ni Propetang Joseph Smith ang mga laminang ginto. Bago iyon naglingkod siya bilang tagasulat ni Joseph habang nagsasalin ang Propeta mula sa mga lamina. Sa hangad na mapagtibay ang pagiging totoo nito, ipinakita ni Martin ang kopya ng mga nakaukit sa mga lamina sa mga iskolar sa New York. Iniuwi rin niya ang 116 na isinaling pahina ng manuskrito para ipakita sa kanyang asawa at sa iba pa at nang sa gayon ay mapatunayan na mahalagang gawain ang kanyang pinagkakaabalahan. Gayunman, nang bumalik siya sa Harmony, Pennsylvania noong Marso 1829, sinabi ni Martin sa ama ni Emma, si Isaac Hale, na gusto niyang “makita pa” ang mga lamina (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 15).

paglalarawan sa mga lamina ng Aklat ni Mormon

Isang replika ng mga lamina ng Aklat ni Mormon

Doktrina at mga Tipan 5:1–3. “Ikaw ay nararapat na tumayong saksi sa mga bagay na ito”

Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na tungkulin niyang patotohanan ang Aklat ni Mormon at ang kanyang sagradong tungkulin ay patotohanan ito sa mundo, sa halip na ipakita ang mga lamina sa lahat ng tao. Dahil si Joseph Smith ay ang propeta at tagakita na siyang piniling magsalin sa mga lamina sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, ang kanyang patotoo tungkol sa kabanalan ng Aklat ni Mormon ay nagsisilbing pangunahing saksi sa katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo.

Sinunod ng Propeta ang utos na ito ng Panginoon kahit sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Isinalaysay ni Elder Jeffery R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Habang nakapiit sa [Carthage Jail], binalingan ni Joseph ang mga tanod na humuli sa kanya at nagbigay ng kanyang malakas na patotoo sa tunay na kabanalan ng Aklat ni Mormon. Di nagtagal pagkatapos noon ang dalawang saksing ito [si Joseph at ang kanyang kapatid na si Hyrum] ay namatay sa tama ng bala ng baril.

“Bilang isa sa isang libong elemento ng aking sariling patotoo sa kabanalan ng Aklat ni Mormon, ipinahahayag ko ang isa pang katibayan ng katotohanan nito. Sa pinakadakila—at pinakahuling—oras ng kanilang pangangailangan, itatanong ko sa inyo: gagawa ba ng kalapastanganan ang mga lalaking ito sa harapan ng Diyos sa patuloy na pagtutuon ng kanilang buhay, dangal, at sariling pagsasaliksik para sa walang hanggang kaligtasan sa isang aklat (at kasunod nito sa isang simbahan at isang ministeryo) na kanilang binuo mula sa haka-haka lamang?

“… Sabihin ninyo sa akin kung sa oras na ito ng kamatayan ay papasok ang dalawang ito sa kinaroroonan ng kanilang Walang Hanggang Hukom na bumabanggit at humahanap ng kapanatagan sa isang aklat na, kung hindi salita ng Diyos, ay mababansagan silang mga impostor at huwad hanggang sa huling sandali? Hindi nila gagawin iyan! Pinili nilang mamatay sa halip na itatwa ang banal na pinagmulan at walang hanggang katotohanan ng Aklat ni Mormon” (“Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 89).

Doktrina at mga Tipan 5:6–10. “Ang salinlahing ito ay tatanggap ng aking salita sa pamamagitan mo”

Si Joseph sa Kakahuyan

Si Joseph sa Kakahuyan, ni A. D. Shaw

Nangako ang Panginoon na matapos maisalin ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, si Propetang Joseph Smith ay ioorden upang maihatid ang salita ng Panginoon sa “salinlahi” (D at T 5:8, 10), o dispensasyong ito. Ang dispensasyon ay isang panahon kung kailan inihahayag, o “ibinibigay,” ng Panginoon ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo, awtoridad ng priesthood, at mga ordenansa.

Binigyang-diin ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mahalagang tungkulin ni Propetang Joseph Smith sa dispensasyong ito: “Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith: ‘Ang salinlahing ito ay tatanggap ng aking salita sa pamamagitan mo’ (D at T 5:10). Ang ibig sabihin nito ay kung nais nating matanggap ang mga kaalaman tungkol sa Diyos, ang kaalaman ng katotohanan, ang kaalaman tungkol sa kaligtasan, at alamin ang mga bagay na dapat nating gawin upang isakatuparan ang ating sariling kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon, ito ay dapat dumating sa pamamagitan ni Joseph Smith at hindi sa anupamang paraan. Siya ang kinatawan, ang instrumento na itinalaga ng Panginoon na magbibigay ng katotohanan tungkol sa kanyang sarili at sa kanyang mga batas sa lahat ng tao sa buong mundo sa panahong ito” (Sermons and Writings of Bruce R. McConkie, ed. Mark L. McConkie [1989], 19).

Doktrina at mga Tipan 5:6–7. Ang pisikal na katibayan ay hindi makahihikayat sa mga tao na maniwala

Kabilang sa “mga bagay” (D at T 5:2) na ipinagkatiwala ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ay ang mga laminang ginto (tingnan sa D at T 5:1). Ang makita at masuri lamang ang mga lamina ay hindi makapagpapaniwala sa mga tao sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ang mga palatandaan ay hindi nagbubunga ng pananampalataya (tingnan ang komentaryo sa manwal na ito para sa D at T 63:7–11). Isang halimbawa sina Laman at Lemuel na nakakita ng anghel ngunit hindi nakaranas ng pagbabago ng puso (tingnan sa 1 Nephi 3:28–31). Ang patotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon ay hindi nagmumula sa pagtingin sa mga lamina kundi sa kahandaang maniwala sa mga salita ng Panginoon na matatagpuan sa aklat. Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kaloob mula sa Langit na matatamo lamang matapos nating piliing maniwala at hangarin at panghawakan ito. … Ang kalakasan ng inyong pananampalataya sa hinaharap ay hindi basta mangyayari kung wala kayong pagpiling gagawin” (“Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 65). Sa pag-uulit ng pariralang “aking mga salita” tulad nang nakatala sa D at T 5:6–7, inanyayahan tayo ng Panginoon na magtuon sa mga turo at doktrina ng Aklat ni Mormon para magkaroon ng patotoo tungkol sa katotohanan sa halip na magtuon sa mga lamina.

Doktrina at mga Tipan 5:11–18. Tatlong tagapaglingkod ang magpapatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon

Sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa Panginoon, tinawag ni Propetang Joseph Smith sina Oliver Cowdery, Martin Harris, at David Whitmer upang maglingkod bilang ang tatlong “mga tagapaglingkod” (D at T 5:11) na tinukoy sa Doktrina at mga Tipan 5:11–18. Maririnig ng tatlong lalaking ito ang tinig ng Diyos na nagpapahayag na ang mga lamina ay “naisalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos,” at ipakikita sa kanila ng isang anghel ang mga lamina (“Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” Aklat ni Mormon). Nang makita kalaunan ng Walong Saksi ang mga lamina, hindi sila nakarinig ng tinig ng Diyos o nakakita ng anghel. Samakatwid, ang pahayag ng Panginoon tungkol sa Tatlong Saksi na “walang sinuman ang pagkakalooban ko ng kapangyarihang ito, na tumanggap ng ganito ring patotoo” (D at T 5:14) ay maaaring tumukoy sa kakaibang katangian ng kanilang karanasan. Upang mabasa ang iba pa tungkol sa karanasan ng Tatlong Saksi, tingnan ang komentaryo sa kabanatang ito para sa Doktrina at mga Tipan 17.

Doktrina at mga Tipan 5:16. “Sila ay aking dadalawin sa paghahayag ng aking Espiritu”

Bagama’t ipinangako ng Panginoon na ipapakita ang mga lamina ng Aklat ni Mormon sa tatlong saksi (D at T 5:11–13), ipinangako rin Niya na sinuman ang maniniwala sa Kanyang mga salita ay tatanggap ng espirituwal na patotoo. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa katotohanan ng espirituwal na patotoo na ito: “Sa paghahangad ninyo ng personal na patotoo—ng inyong personal na paghahayag—matutuklasan ninyo na ang Ama sa Langit ay naglaan ng natatanging paraan upang malaman ninyo mismo ang katotohanan: sa pamamagitan ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, isang personaheng espiritu na kilala natin bilang Espiritu Santo” (“Buhay na Walang Hanggan—ang Makilala ang Ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 82).

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 5:16, sinabi rin ng Panginoon na ang pagtanggap ng espirituwal na patotoo ay may nagpapabagong epekto sa mga nananampalataya. Ito ang isang dahilan kung bakit hindi magiging sapat na makita lang ang mga lamina. Ang pagbabasa sa aklat, paniniwala sa mga salita, at pagtanggap ng espirituwal na pagpapamalas ng katotohanan ay nagdudulot ng pagbabago—isang espirituwal na pagsilang—sa mambabasa.

dalagita na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Kapag pinag-aralan natin nang may panalangin ang Aklat ni Mormon, pagtitibayin sa atin ang katotohanan nito sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Doktrina at mga Tipan 5:21–22. “Huwag nang patangay pa sa mga panghihikayat ng mga tao”

Pinarusahan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith sa pagkakataong ito at sa iba pa (tingnan sa D at T 3:3–9; 64:5–7). Ipinapakita ng mga paghahayag na ito na ang mga piniling tagapaglingkod ng Panginoon ay hindi perpektong mga tao bagama’t nagsisikap silang gawin ang kalooban ng Panginoon. Ang tanging perpekto, walang kapintasan na tao na nabuhay sa mundo ay si Jesucristo; lahat ng iba pa ay nagkasala, nangangailangan ng banal na awa, at dapat magsisi (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Ito ang isang dahilan kung bakit dapat nating itayo ang ating espirituwal na pundasyon kay Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:12) at sumunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagtaguyod sa Kanyang mga piling tagapaglingkod “sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” (D at T 43:12).

Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):

“Alam natin na ang ating mga ninuno ay mga tao lamang. Walang dudang nakagagawa sila ng mga pagkakamali. …

“Iisa lamang ang perpektong tao na nabuhay sa mundo. Ginamit ng Panginoon ang mga taong hindi perpekto para itatag ang kanyang perpektong lipunan. Kung nagkamali ang ilan sa kanila paminsan-minsan, o kung ang kanilang pagkatao ay bahagyang may kahinaan sa anumang paraan, ang kahanga-hanga rito ay ang mas marami nilang nagawa” (“The Continuing Pursuit of Truth,” Ensign, Abr. 1986, 5).

Doktrina at mga Tipan 5:23–35

Sinabi ng Panginoon kay Martin Harris na maaari siyang matawag na isa sa Tatlong Saksi kung siya ay magsisisi

Doktrina at mga Tipan 5:23–28. Ang nagagawa ng kapakumbabaan

Ipinangako ng Panginoon kay Martin Harris na maaari siyang maging saksi ng mga lamina ng Aklat ni Mormon, o ng “mga bagay na ito” (D at T 5:2, 11), kung siya ay magpapakumbaba, aaminin ang mga kamaliang nagawa niya, at maging handang patotohanan sa mundo ang mga bagay na makikita niya. Sa kabila ng hirap na dinanas sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, nahirapan si Martin na mapakumbabang magtiwala na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 14–15.

Ang pagpapakumbaba ay hinihingi sa lahat ng mga taong nagnanais na maging disipulo ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu: “Sa pamamagitan ng prosesong ito [maging tulad ng isang bata], di maglalaon at makakamtan natin ang mga katangian ng bata na pagiging mahinahon, mapagpakumbaba, mapagtitiis, mapagmahal, at masunurin sa espiritu. Ang tunay na pagpapakumbaba ay hahantong sa pagsasabi natin sa Diyos, ‘Gawin nawa ang iyong kalooban.’ At, dahil talagang nakakaapekto ang pag-uugali natin sa ginagawa natin, ang pagkamasunurin natin ay makikita sa ating pamimitagan, pasasalamat, at pagkukusang tumanggap ng mga tungkulin, payo, at pagwawasto” (“To Walk Humbly with God,” Ensign, Mayo 2001, 10).

Doktrina at mga Tipan 5:30–34. Ang Panginoon ay maglalaan ng paraan upang matapos ang pagsasalin

Kaunti pa lang ang nagagawa ni Propetang Joseph Smith sa gawain ng pagsasalin mula nang maibalik sa kanya ang mga lamina ng Aklat ni Mormon pagkatapos maiwala ang 116 na pahina ng manuskrito. Posibleng sa panahong ito, si Emma Smith at ang kanyang kapatid na si Reuben Hale ang tumulong kay Joseph bilang mga tagasulat (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 4). Nang ibigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 5 noong Marso 1829, sinabi ng Panginoon na dapat “[tumigil] ng ilang panahon” si Joseph (D at T 5:30) at maghintay hanggang “[makapag]handa” Siya ng “mga paraan” na matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon (D at T 5:34). Tila natupad ito nang dumating si Oliver Cowdery sa Harmony, Pennsylvania, ilang linggo matapos matanggap ni Joseph ang paghahayag na ito (tingnan ang komentaryo sa manwal na ito para sa Doktrina at mga Tipan 6).

kahon na yari sa kahoy na naglalaman ng mga lamina ng Aklat ni Mormon

Ang mga lamina ng Aklat ni Mormon ay ikinakandado kung minsan sa kahon na ito na yari sa kahoy para palaging maingatan.

Doktrina at mga Tipan 17: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Noong Marso 1829, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na Kanyang pahihintulutan ang tatlong tagapaglingkod na makita ang mga lamina ng Aklat ni Mormon at nang sa gayon ay maging mga saksi na magpapatotoo sa mundo (tingnan sa D at T 5:11–15). Kalaunan, noong tinatapos na niya ang pagsasalin sa maliliit na lamina sa panahong matatapos na ang kanyang gawain sa Aklat ni Mormon, ipinaalalang muli kay Joseph ang plano ng Panginoon na magtalaga ng tatlong saksi na makakakita sa mga lamina (tingnan sa 2 Nephi 27:12–14; Eter 5:2–4). Itinala ni Propetang Joseph Smith, “Hindi pa natatagalan mula nang malaman namin ito, naisip nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at … Martin Harris (na [dumating] para kumustahin ang progreso ng aming gawain), na hilingin sa akin na itanong sa Panginoon kung maaari ba niyang ibigay sa kanila ang [pribilehiyo] na sila ang maging tatlong natatanging saksing ito; at sa huli ay lalong tumindi ang pagnanais nila, at [hinikayat] ako nang labis, at bunga nito ay pumayag ako, at sa pamamagitan ng Urim at Tummim, ay natanggap ko mula sa Panginoon para sa kanila ang sumusunod na Paghahayag [D at T 17]” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 314; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay).

Doktrina at mga Tipan 17

Iniutos ng Panginoon sa Tatlong Saksi na magpatotoo tungkol sa mga lamina

Doktrina at mga Tipan 17:1–2. “Makikita ninyo ang mga lamina”

Ang pangako na tatlong saksi ang pahihintulutang makita ang mga lamina ng Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na bagay ay matutupad lamang kapag may pananampalataya sila na katulad ng “taglay ng mga sinaunang propeta” (D at T 17:2). Sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ay binigyan kalaunan ng pribilehiyong makita ang mga laminang ginto, ang baluti sa dibdib, ang espada ni Laban, ang Urim at Tummim, at ang “mapaghimalang tagaturo,” o Liahona (D at T 17:1; tingnan din sa Alma 37:38–39). Nagpatotoo kalaunan si David Whitmer, “Nakita namin hindi lamang ang mga lamina ng A[klat] ni M[ormon] kundi pati ang mga Lamina ng Aklat ni eter [sic], ang mga lamina na naglalaman ng kasamaan ng mga tao sa mundo, at maraming iba pang mga lamina” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 380). Maliban sa pagkakita sa mga laminang ginto, ang pagkakita sa iba pang mga sinaunang bagay ay nagpatunay sa Tatlong Saksi na ang mga pangyayari at mga tao na inilarawan sa Aklat ni Mormon ay totoo.

sakahan ni Peter Whitmer Sr.

Ipinakita ng anghel na si Moroni ang mga lamina ng Aklat ni Mormon kay Joseph Smith at sa Tatlong Saksi sa lugar na malapit sa sakahan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York.

Doktrina at mga Tipan 17:3–7. Ang pangitain na natanggap ng Tatlong Saksi

Ang espirituwal na karanasan na ipinangako ng Panginoon ay naganap noong malapit nang matapos ang Hunyo 1829 habang tinatapos ni Propetang Joseph Smith ang gawain ng pagsasalin sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. Itinala ng Propeta ang sumusunod:

“Mga ilang araw matapos ibinigay ang nabanggit na utos sa itaas [D at T 17], kaming apat, [na sina], Martin Harris, David Whitmer, Oliver Cowdery, at ako, ay nagkasundong magpunta sa kakahuyan at sinikap na matamo, sa pamamagitan ng taimtim at mapagkumbabang dalangin, ang katuparan ng mga pangako na ibinigay sa paghahayag na ito [ang makita ang mga lamina at ang iba pang mga bagay]. … Kaya pumili kami ng lugar na malapit sa [bahay] ni G. Whitmer, at nagtungo kami roon, at nang nakaluhod na kami, sinimulan naming ipagdasal nang may lubos na pananampalataya sa Pinakamakapangyarihang Diyos na ipagkaloob sa amin ang katuparan ng mga pangakong iyon. Ayon sa unang napagkasunduan, sinimulan ko ang pagdarasal nang malakas sa ating Ama sa Langit at isa-isa na silang nagsisunod pagkatapos ko; gayunman, hindi pa rin kami nakatanggap ng anumang sagot o pahiwatig na sumasang-ayon ang langit sa aming hinihiling.

“Sinunod naming muli ang gayunding pagkakasunud-sunod ng pananalangin, bawat isa ay nagsumamo at nagdasal sa Diyos nang halinhinan, ngunit wala pa rin kaming natamo. Sa pangalawang pagkakataon na nabigo kami, iminungkahi ni Martin Harris na siya ay lalayo mula sa amin sa paniniwalang siya ang dahilan kaya hindi namin matanggap ang aming ipinagdarasal. Lumayo nga siya mula sa amin, at lumuhod kaming muli at hindi pa kami natatagalan sa pagdarasal nang makita namin ang isang liwanag sa aming ulunan, na napakaliwanag, at masdan, nakatayo sa aming harapan ang isang anghel. Hawak niya ang mga laminang ipinagdarasal naming makita. Isa-isa niyang binuklat ang mga pahina, para makita namin ang mga ito, upang malinaw naming maunawaan ang mga nakaukit doon. Ipinakilala niya ang sarili kay David Whitmer, at sinabi, ‘David, pinagpala ang Panginoon, at siya na tumutupad sa kanyang mga utos,’ maya-maya pa ay may narinig kaming tinig mula sa maningning na liwanag sa aming ulunan, na nagsasabing: ‘Ang mga laminang ito ay naipahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos; at ang pagsasalin sa mga ito na nakita ninyo ay tama, at inuutusan ko kayo na itala ang anumang nakikita at naririnig ninyo ngayon’.

“Iniwan ko na sina David at Oliver at umalis upang hanapin si Martin Harris, na nakita ko sa may kalayuan na taimtim na nananalangin. Maya-maya pa ay sinabi niya sa akin na hindi pa sinasagot ng Panginoon ang kanyang hiling, at taimtim siyang nakiusap sa akin na samahan siya sa pagdarasal, upang makamtan din niya ang mga pagpapalang katatanggap lamang namin. Magkasama nga kaming nanalangin, at natamo sa huli ang ninanais namin, ngunit hindi pa man kami natatapos ay muling binuksan sa amin ang pangitaing ito; muling [binuksan] sa akin, at minsan ko pang nakita … at narinig ang mga bagay na ito; habang sa sandali ring iyon, sumigaw si Martin Harris, marahil sa labis na kagalakan ng ‘Sapat na, sapat na, namasdan na ng aking mga mata, namasdan na ng aking mga mata,’ at habang lumulukso ay kanyang isinigaw, Hosana, purihin ang Diyos; at labis na nagagalak” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: 1832–1834, 316, 318, 320; ang pagbabantas, pagbabaybay, at paggamit ng malaking titik ay iniayon sa pamantayan).

Pagkatapos ng karanasang iyon, isang pahayag ang isinulat at nilagdaan ng bawat isa sa mga saksi. Ang pahayag na iyon, na kilala bilang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” ay inilathala sa unang edisyon ng Aklat ni Mormon at sa lahat na mga kasunod na edisyon na inilathala ng Simbahan.

bantayog ng Tatlong Saksi sa Richmond, Missouri

Isang bantayog sa Richmond, Missouri na nagpaparangal sa Tatlong Saki ng Aklat ni Mormon

Doktrina at mga Tipan 17:4–5. “Inyong patototohanan na nakita ninyo ang mga ito”

Matapos makita ang mga laminang ginto, tumulong sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris sa tungkuling ipahayag sa mundo na totoo ang mga lamina at ang kabanalan ng Aklat ni Mormon. Isinalaysay ni Lucy Mack Smith, ina ni Propetang Joseph Smith, ang sumusunod na tala na naglalarawan ng naramdaman ni Joseph nang bumalik ito sa tahanan ng mga Whitmer matapos ang pangitain: “[Noong] bumalik sila sa bahay, nasa pagitan ng alas-3 at alas-4 na ng hapon. Nakaupo si Gng. Whitmer at si G. Smith [Joseph Smith Sr.] at ako sa isang kwarto. Nakaupo ako sa tabi ng kama. Pagpasok ni Joseph umupo siya sa tabi ko. ‘Itay!—Inay!—’ sabi niya, ‘hindi ninyo alam kung gaano ako kasaya. Ipinakita ng Panginoon ang mga lamina sa 3 pang tao maliban sa akin, na nakakita rin ng isang anghel at kailangang sumaksi sa katotohanan ng aking sinabi, sapagkat alam nila sa kanilang sarili na hindi ko nililinlang ang mga tao. At talagang nadarama ko na parang naginhawahan ako sa mabigat na pasaning halos hindi ko na makayang tiisin, ngunit ngayon ay kabahagi na sila sa pasaning ito, at nagagalak ang aking kaluluwa na hindi na ako lubos na nag-iisa sa mundo’” (“Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 8, page 11, josephsmithpapers.org; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan).

Tulad ng nakatala sa Aklat ni Mormon, ipinropesiya ng Panginoon na maliban kay Joseph Smith at sa Tatlong Saksi “wala nang ibang makamamalas [ng aklat], maliban sa ilan alinsunod sa kalooban ng Diyos, upang magbigay ng patotoo sa kanyang salita sa mga anak ng tao” (2 Nephi 27:13; tingnan din sa talata 12). Tumutukoy ito sa Walong Saksi na kapwa nakita at nahawakan ang mga laminang ginto (tingnan sa “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” Aklat ni Mormon). Sa kabuuan, mayroong 12 saksi ng mga lamina ng Aklat ni Mormon (si Joseph Smith, ang Tatlong Saksi, at ang Walong Saksi) na inutusang ipahayag ang kanilang patotoo sa mundo.

Ilan pang karagdagang tao ang nakahaplos sa mga lamina, noong nakatakip ng tela ang mga lamina, at noong naramdaman ang bigat nito habang nakalagay ang mga ito sa isang sako. Si Mary Whitmer, asawa ni Peter Whitmer Sr., ay may kakaibang karanasan sa panahong ito. Siya at ang kanyang asawa ay nagkaroon ng dagdag na responsibilidad nang patuluyin nila ang mga Smith at si Oliver Cowdery sa kanilang tahanan habang tinatapos ng Propeta ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Naalala ng kanilang anak na si David, na bagama’t hindi dumaing ang kanyang ina, nadama niyang labis na nahihirapan ito. “Isinalaysay kalaunan ni David ang nangyari isang araw nang pumunta sa kamalig ang kanyang ina upang gatasan ang mga baka: ‘Sinalubong siya malapit sa bakuran ng isang matandang lalaki [na nakita na ni David noon] (batay sa pagkalarawan ng kanyang ina sa matandang ito) na nagsabi sa kanya: “Naging matapat ka at masigasig sa paggawa, ngunit napapagod ka dahil sa dagdag na gawain; nararapat lamang na makatanggap ka ng katibayan upang mapalakas ang iyong pananampalataya.” Pagkatapos ay ipinakita nito sa kanya ang mga lamina’” (Church History in the Fulness of Times [Church Educational System manual, 2000], 57–58).

ang Sagradong Kakahuyan na tanaw mula sa sakahan ng mga Smith

Ipinakita ni Joseph Smith ang mga lamina ng Aklat ni Mormon sa Walong Saksi sa isang lugar o malapit sa sakahan ng kanyang Ama sa Palmyra, New York. Ang Sagradong Kakahuyan ay makikita sa likuran (larawang kuha noong mga 1907).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Doktrina at mga Tipan 17:6. Ang patotoo ng Panginoon sa Aklat ni Mormon

Bukod sa patotoo na ibinigay ng mga natatanging saksi ng Aklat ni Mormon, ibinigay mismo ng Panginoon ang isang tiyak na pagpapatunay na ito ay totoo. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie:

“Isa sa pinakataimtim na sumpa na ibinigay sa tao ay matatagpuan sa mga salita ng Panginoon tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. ‘Naisalin niya [ibig sabihin si Joseph Smith] ang aklat, maging yaong bahagi na aking iniutos sa kanya, at yayamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay ito ay totoo.’ (D at T 17:6.)

“Ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa Aklat ni Mormon. Sa patotoong ito itinaya ng Diyos ang Kanyang pagkadiyos. Dahil kung hindi totoo ang aklat hindi rin totoo ang Diyos. Walang pahayag ngayon at kahit kailan na mas pormal o mas makapangyarihan kaysa rito na batid ng mga tao o ng mga diyos” (“The Doctrine of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1982, 33).

Doktrina at mga Tipan 17:7–9. “Upang aking maisakatuparan ang aking mabubuting layunin”

Ang utos na ibinigay sa Tatlong Saksi na magpatotoo ay mahalaga sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Kung itatatwa man nila ang kanilang patotoo, maaaring maging dahilan ito upang hindi maniwala ang mga tao kay Propetang Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon.

Patungkol sa Tatlong Saksi, sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bawat isa sa tatlo ay may sapat na dahilan na itatwa ang kanyang patotoo kung ito ay mali, o palabuin ang mga detalye kung mayroon mang hindi tumpak rito. Tulad ng alam ng nakararami, dahil sa hindi pagkakasundo o mga inggitan sa iba pang mga lider ng Simbahan, bawat isa sa tatlong saksi ay itiniwalag mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mga walong taon matapos ang paglalathala ng kanilang patotoo. Nagkani-kanya na sila ng landasin, walang interes na bumuo ng isang lihim na samahan o kasunduan. Ngunit sa katapusan ng kanilang buhay—mula 12 hanggang 50 taon mula nang itiwalag sila—wala ni isa sa mga saksing ito ang nagtatwa sa kanilang nailathalang patotoo o nagsabi ng anumang magbibigay ng bahid sa katotohanan nito” (“The Witness: Martin Harris,” Ensign, Mayo 1999, 36).

Ipinangako ng Panginoon ang Kanyang biyaya sa Tatlong Saksi dahil marami ang sasalungat sa kanilang mga patotoo. Pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Kailanma’y hindi itinatwa ng Tatlong Saksi ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon. Hindi nila maatim dahil alam nilang totoo ito. Nagsakripisyo sila at nagpakahirap nang higit sa alam ng karamihan. … Ang patuloy nilang pagpapatunay sa nakita at narinig nila sa kamangha-manghang karanasang iyon, sa matagal nilang pagkakawalay sa Simbahan at kay Joseph, ang higit na nagpapalakas sa kanilang patotoo” (“Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 90).