Institute
Kabanata 7: Doktrina at mga Tipan 4; 11–12; 14–16


Kabanata 7

Doktrina at mga Tipan 4; 11–12; 14–16

Pambungad

Noong mga unang buwan ng 1829, binisita ni Joseph Smith Sr. ang kanyang anak na si Joseph sa Harmony, Pennsylvania. Habang naroon, ninais ni Joseph Smith Sr. na malaman kung ano ang maitutulong niya sa gawain ng Panginoon. Nagtanong ang Propeta sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 4. Sa paghahayag na ito, inilahad ng Panginoon ang mga katangiang dapat taglay ng isang tao upang maging karapat-dapat na tumulong sa Kanyang gawain.

Noong Mayo 1829, naglakbay ang nakatatandang kapatid ng Propeta na si Hyrum patungo sa Harmony, Pennsylvania, para bisitahin si Joseph. Sa kahilingan ni Hyrum, hiniling ng Propeta sa Panginoon na ihayag ang Kanyang kalooban hinggil sa kanyang kapatid. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11, sinabi ng Panginoon kay Hyrum ang kailangan niyang gawin para itatag ang Sion.

Binisita ni Joseph Knight Sr. si Propetang Joseph Smith noong Mayo 1829. Ipinahayag niya ang kanyang pagnanais na maglingkod at tumulong sa gawain ng Diyos. Nasa Doktrina at mga Tipan 12 ang ipinayo ng Panginoon sa kanya.

Matapos lumipat sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, at ipinagpatuloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, tumanggap ang propeta ng mga paghahayag para sa tatlo sa mga anak na lalaki ni Peter Whitmer Sr. na sina David, John, at Peter Whitmer Jr. Sa mga paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 14–16, binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng pangangaral ng pagsisisi para makapagdala ng mga kaluluwa sa Kanya.

Enero 1829Binisita ni Joseph Smith Sr. sina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania.

Pebrero 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 4.

Mayo 1829Binisita sina Joseph at Emma Smith nina Hyrum Smith at Joseph Knight Sr.

Mayo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 11–12.

Mga Hunyo 1, 1829Sina Joseph at Oliver ay lumipat sa Fayette, New York, para ituloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Hunyo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 14–16.

Huling bahagi ng Hunyo 1829Nakita ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi ang mga laminang ginto.

Doktrina at mga Tipan 4: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Si Joseph Smith Sr. ay isa sa mga unang nakarinig ng mga kuwento tungkol sa mga pagpapakita at paghahayag ng langit na ibinigay sa kanyang anak na si Joseph. Siya ay matatag na naniwala sa kanyang anak at tagapagtanggol ng banal na misyon ni Joseph. Noong Enero 1829, naglakbay si Joseph Smith Sr. at ang kanyang anak na si Samuel mula sa kanilang bahay na malapit sa Palmyra, New York, patungo sa Harmony, Pennsylvania, para bisitahin si Joseph Smith Jr. at ang asawa nito na si Emma. Sa pagbisitang ito, hiniling ni Joseph Smith Sr. na mabigyan siya ng paghahayag sa posibleng gagampanan niya sa gawain ng Diyos. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 5.) Ang paghahayag na ibinigay bilang tugon ay naglalarawan ng mahahalagang katangian na dapat taglay ng isang tao para matawag sa gawain ng Diyos. Nang makabalik sa kanyang tahanan, inanyayahan ni Joseph Smith Sr. at ng kanyang asawang si Lucy na tumira sa kanila ang guro sa paaralan na si Oliver Cowdery. Nang magtanong si Oliver ng tungkol kay Joseph Smith Jr. at sa usap-usapan na narinig niya tungkol sa isang “gintong Biblia,” sa una ay nag-atubiling magbigay ng detalye si Joseph Smith Sr, batid na maraming iba pa sa komunidad ang bumatikos sa kanyang anak. Gayunman, sa huli ay ibinahagi niya ang ilan sa mga katotohanan tungkol sa mga lamina ng Aklat ni Mormon at sa gawain ni Joseph na maisalin ang mga ito. Ang tawag sa gawain na natanggap ni Joseph Smith Sr. sa Doktrina at mga Tipan 4 ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanya na maging komportableng magsabi pa kay Oliver Cowdery ng tungkol sa mga lamina. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 11, 13.)

Larawan
Mapa 3: Hilagang-Silangang Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 4

Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith Sr. kung ano ang kinakailangan upang maging karapat-dapat ang isang tao na tumulong sa Kanyang gawain

Doktrina at mga Tipan 4:1. “Isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap”

Noong unang panahon, ipinropesiya ng Panginoon na magkakaroon ng apostasiya sa mga huling araw. Samakatwid, sabi Niya, “pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha” (Isaias 29:14).

Ang mga salita sa Doktrina at mga Tipan 4:1 ay nagsasaad na sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito, hindi pa natutupad ang ipinropesiya ni Isaias. Ipinahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) ang sumusunod tungkol sa talatang ito: “Noong ibigay ang paghahayag na ito kay Propetang Joseph, siya ay 23 taong gulang lamang. Hindi pa nailathala ang Aklat ni Mormon; wala pang sinuman ang naordenan sa priesthood. Hindi pa naorganisa ang Simbahan; subalit ginawa ang pahayag nang walang pasubali na ‘isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao’” (sa Conference Report, Okt. 1966, 86). Ilang karagdagang paghahayag ang ibinigay bago ang pag-organisa ng Simbahan na naglalaman ng gayunding mga salita tulad ng matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 4:1 (tingnan sa D at T 6:1; 11:1; 12:1; 14:1).

Larawan
paglalarawan kay Joseph Smith Sr.

Si Joseph Smith Sr., ang ama ng propeta, ang isa sa mga unang nakaalam at tumanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 4:2–3. “[Paglingkuran] siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas”

Bagama’t ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 4 ay orihinal na ibinigay kay Joseph Smith Sr., ito ay magagamit ng sinumang tao na nagnanais na makibahagi sa gawain ng Diyos. Isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972): “Ang paghahayag na ito ay napakaikli, pitong talata lamang, subalit ito ay naglalaman ng sapat na payo at tagubilin para sa habambuhay na pag-aaral. … Marahil wala ng iba pang paghahayag sa lahat ng ating mga kasulatan na naglalaman ng mas mahalagang tagubilin hinggil sa mga katangiang dapat na taglay ng mga miyembro ng Simbahan para sa paglilingkod sa Diyos, at sa maikli subalit malamang pamamaraan kaysa sa paghahayag na ito. Ito ay kasinglawak at kasintaas at kasinglalim ng kawalang-hanggan” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:35).

Kailangan sa mga nagnanais na maglingkod sa Diyos ang pagiging masigasig, tulad ng ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Nalaman natin mula sa utos na ito [sa D at T 4:2] na hindi sapat ang maglingkod sa Diyos nang buo nating kakayahan at lakas. Siya na tumitingin sa ating puso at nakaaalam sa ating iniisip ay higit pa rito ang hinihingi. Para makatayong walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos sa huling araw, kailangan natin Siyang paglingkuran nang buong puso at isipan.

“Ang maglingkod nang buong puso at isipan ay malaking hamon sa ating lahat. Ang gayong paglilingkod ay kailangang walang halong makasariling ambisyon. Tanging dalisay na pag-ibig ni Cristo ang dapat magbunsod nito” (“Why Do We Serve?” Ensign, Nob. 1984, 15).

Doktrina at mga Tipan 4:4. “Ang bukid ay puti na upang anihin”

Sa Kanyang mortal na ministeryo, nangusap ang Panginoon sa Kanyang mga disipulo at inihambing ang mga taong handang tanggapin ang ebanghelyo sa mga butil sa bukid na handa nang anihin: “Itanaw mo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin” (Juan 4:35). Ang mga butil na tulad ng trigo o barley ay nagbabago ng kulay habang lumalaki. Kapag maliit pa ang butil, berde ang kulay nito, ngunit habang lumalaki ay nagiging mapusyaw ang kulay nito. Kapag handa na ang mga butil para anihin, masasabing ito ay “puti.” Ginamit ng Panginoon ang metaporang ito sa ilang paghahayag sa mga huling araw upang ipahiwatig na inihanda ang mga tao na maturuan ng ebanghelyo at matipon sa Panginoon at Kanyang Simbahan (tingnan sa D at T 6:3; 11:3; 12:3; 14:3; 31:4; 33:3).

Ipinaalala ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa mga lider at mga miyembro ng Simbahan na ang bukid ay handa pa ring anihin:

“Inaanyayahan ko kayong maging malaking hukbo na masigasig sa gawaing ito at magkaroon ng malaking hangarin na tulungan ang mga missionary sa napakalaking responsibilidad nila na dalhin ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. ‘Masdan ang bukid ay puti na upang anihin’ (D at T 4:4). Paulit-ulit na itong ipinahayag ng Panginoon. Hindi ba tayo magtitiwala sa Kanyang salita?

“Bago itinatag ang Simbahan, may gawaing misyonero na. Nagpatuloy ito simula noon, sa kabila ng maraming panahon ng paghihirap na pinagdaanan ng ating mga tao. Ipasiya nating lahat, sa ating kalooban, nang buong katatagan na bumangon sa isang bagong oportunidad, isang bagong pagkaunawa sa responsibilidad, isang bagong pagpapasan ng obligasyon na tulungan ang ating Ama sa Langit sa Kanyang maluwalhating gawain na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak sa buong mundo” (“Find the Lambs, Feed the Sheep,” Ensign, Mayo 1999, 110).

Doktrina at mga Tipan 4:4. “Siya na humahawak sa kanyang panggapas … [ay] nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa”

Larawan
Hawakan ang Iyong Panggapas

Hawakan ang Iyong Panggapas ni Greg Newbold. Ang panggapas o karit ay kagamitan sa pagsasaka na may nakabaluktot na talim para sa paggapas ng mga butil.

Ang panggapas o karit ay isang malaking itak na pabaluktot ang talim na ginagamit sa paggapas ng butil. Ginagamit ng manggagapas ang karit na pawasiwas na inihaharap sa kanya o sa pagtaga sa pinakaibabang bahagi ng pananim. Ang paggamit ng panggapas na ito para umani ng mga butil ay napakahirap at matagal gawin. Inilalarawan sa metaporang ito ang kailangang sigasig upang makapagdala ng mga tao kay Jesucristo.

Nagbigay ng karagdagang kaalaman si Elder Kevin R. Duncan ng Pitumpu tungkol sa kung paano magagamit ang metapora ng isang panggapas sa gawaing misyonero:

“Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na humawak ng panggapas nang buo nating lakas (tingnan sa D at T 4:4). Madalas akong gumamit ng karit sa aming bukid. Para sa akin, nalaman ko na hindi sapat na iwasiwas lamang nang malakas ang karit. Kailangan ding hasain ang karit para tumalas at makapanggapas. Kung mapurol, maraming oras ang sasayangin ko sa pagwasiwas rito nang wala naman akong nagagapas.

“Sa bukid, may panghasa kami na palaging nakahanda para hasain ang aming karit araw-araw. Sa gawaing misyonero at sa lahat ng aspeto ng buhay, kailangan nating panatilihing matalas ang ating espirituwal na panggapas upang matamo natin ang ating pinakamahusay na potensyal. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, pagdarasal, at pagsunod sa lahat ng kautusan ay makatutulong para mapanatili tayong matalas at kapaki-pakinabang” (“Abandoned Seeds in Rocky Places,” New Era, Hulyo 2014, 18).

Sa Doktrina at mga Tipan 4:4 ipinangako ng Panginoon na sa pamamagitan ng ating gawaing misyonero, makapagdadala tayo ng kaligtasan sa ating sariling kaluluwa. Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung paano ito maaaring mangyari: “Kapag taos-puso ninyong inanyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo, magbabago ang puso ninyo. … Sa pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya, matutuklasan ninyo na kayo mismo ay napalapit sa Kanya” (“Lumapit Kay Cristo,” Liahona, Mar. 2008, 52).

Doktrina at mga Tipan 4:5–6. “Pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal … ang kinakailangan upang maging karapat-dapat siya sa gawain”

Hindi kinakailangan ng Panginoon sa isang tao na maging maganda ang pisikal na kaanyuan o napakatalino para tumulong sa Kanyang gawain. Sa halip, iniutos Niya na magsikap ang taong iyon upang magkaroon ng mga katangian na katulad ng kay Cristo na nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 4:5–6. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang mangyayari kapag nagkaroon tayo ng mga katangiang ito: “Kung matindi ang hangad ninyong taglayin ang mga katangian ni Cristo na kinapapalooban ng ‘pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, [at paglilingkod],’ [D at T 4:6], gagawin kayong kasangkapan ng Ama sa Langit sa Kanyang mga kamay para sa kaligtasan ng maraming kaluluwa” (“Ako Baga, Panginoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 58).

Doktrina at mga Tipan 4:7. “Humingi, at ikaw ay tatanggap”

Nalaman ni Joseph Smith Sr. mula sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 4 na nakahanda ang Panginoon na bigyan ng espirituwal na patnubay at tulong ang mga tinawag sa gawain. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katangian ni Cristo para matulungan tayo na matamo ang mga sagot sa ating panalangin:

“Para makatanggap ang bawat isa sa inyo ng paghahayag na akma sa sarili ninyong mga pangangailangan at responsibilidad, may ilang tuntuning dapat mamayani. Inuutusan kayo ng Panginoon na magkaroon ng pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.’ At sa inyong matibay na ‘pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, [at] sigasig,’ maaari kayong magsihingi, at kayo’y tatanggap; maaari kayong magsituktok, at kayo ay pagbubuksan. [D at T 4:5–6; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa talata 7.] …

“Bawat Banal sa mga Huling Araw ay maaaring maging marapat sa personal na paghahayag” (“Magsihingi, Magsihanap, Magsituktok,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 83–84).

Doktrina at mga Tipan 11: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Ipinakita ng nakatatandang kapatid ni Joseph Smith na si Hyrum na patuloy siyang naniniwala sa gawain ni Joseph nang bisitahin niya ang Propeta noong Mayo 1829 sa Harmony, Pennsylvania. Nang malaman niya ang progreso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon at ang panunumbalik ng priesthood, gusto niyang malaman kung ano ang nais ng Panginoon na gawin niya para makatulong sa gawain. Ginamit ni Joseph ang Urim at Tummim upang matamo ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11. Bininyagan ni Joseph si Hyrum ilang linggo ang nakalipas, noong Hunyo 1829, at si Hyrum ay nagkaroon ng pribilehiyong maging isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon. Siya rin ay naging isa sa anim na orihinal na miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo nang ito ay iorganisa noong Abril 6, 1830.

Doktrina at mga Tipan 11

Inihayag ng Panginoon kay Hyrum Smith kung ano ang kailangan niyang gawin para makatulong sa gawain

Doktrina at mga Tipan 11:2. Ang salita ng Diyos ay “mas matalas kaysa espadang may dalawang talim”

Ang kapangyarihan ng salita ng Diyos ay inilarawan na “mas matalas kaysa espadang may dalawang talim” sa ilang talata sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa D at T 6:2; 11:2; 12:2; 14:2; 33:1). Ang isang sandata na may dalawang talim ay mas makakatabas kaysa espadang iisa lamang ang talim. Ang salita ng Diyos ay inilarawan na mas matalas pa kaysa gayong sandata. Tulad ng “marahan at banayad na tinig na … tumatagos sa lahat ng bagay (D at T 85:6), ang salita ng Diyos ay mabilis na tatagos sa kaibuturan ng kaluluwa ng isang tao.

Ipinaliwanag pa ni Elder Orson Pratt (1811–1831) ang matalinghagang paglalarawan ng espada at paano nito inilalarawan ang kapangyarihan ng salita ng Diyos: “Ang mensahe ng simpleng katotohanan, kapag ipinadala ng Diyos—kapag inilathala ng banal na awtoridad, sa pamamagitan ng banal at inspiradong kalalakihan, ay tumatagos sa isipan na parang matalas na espadang may dalawang talim, at hinihiwa nang pira-piraso ang mga maling palagay na gawa ng tao, ang malakas na impluwensya ng mga maling tradisyong kinamulatan, na ginawang sagrado dahil sa matagal na panahon nang umiiral at ginawang katanggap-tanggap ng karunungan ng tao. Ipinakikita nito nang buong katumpakan ang pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan—ng doktrina ni Cristo at ng mga doktrina ng tao; madali nitong napapabulaanan ang bawat argumentong ginagamit ng kaalaman ng tao. Ang mga opinyon, paniniwalang ginawa ng mga taong walang gabay ng langit, at mga doktrinang nagmula sa mga institusyong pangrelihiyon, lahat ay nangawala na parang hamog sa umaga—lahat ay nawalan ng kabuluhan kumpara sa mensaheng nagmula mismo sa langit” (“Divine Authority—or was Joseph Smith Sent of God?” Orson Pratt’s Works on the Doctrines of the Gospel [1945], 1:1).

Doktrina at mga Tipan 11:6–8. “Ikaw ang magiging daan upang magawa ang maraming kabutihan sa salinlahing ito”

Ipinangako ng Panginoon kay Hyrum Smith na kung susundin niya ang mga kautusan, siya ay magiging daan upang magawa ang maraming kabutihan sa kanyang buong buhay. Inilahad ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mahahalagang nagawa ni Hyrum Smith:

“Tinulungan at pinaglingkuran ni [Hyrum] ang kanyang kapatid na si Joseph ang Propeta, sa mahaba at mahirap na proseso ng Panunumbalik. Kalaunan, namatay siya bilang martir katulad ni Joseph at ng iba pang martir ng nakaraang mga dispensasyon ng ebanghelyo. Tinigis ang kanyang dugo bilang kanyang pangwakas na patotoo sa mundo. …

“Naglingkod si Hyrum nang buong katapatan sa Simbahan. Noong 1829 kabilang siya sa iilang taong pinahintulutan na makita ang mga laminang ginto kung saan isinalin ang Aklat ni Mormon, at sa buong buhay niya nagpatotoo sa kabanalan ng Aklat ni Mormon bilang isa sa Walong Saksi na ‘nakakita sa mga lamina at nahawakan ang mga ito’ [sinipi sa Richard Lloyd Anderson, Investigating the Book of Mormon Witnesses [1981], 158–59]. … Sa edad na tatlumpu, siya ang pinakamatanda sa anim na lalaking pinili noong 1830 upang pormal na iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling–Araw. … Bilang chairman ng temple committee, sinuportahan ni Hyrum ang Simbahan sa tila imposibleng gawain ng pagtatayo ng Kirtland Temple sa panahon na karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay literal na walang maibigay para sa gawain. Makalipas ang ilang taon, inulit niya ang paglilingkod na ito nang itayo ang Nauvoo Temple.

“Si Hyrum ay naglingkod sa Ohio bishopric, sa unang high council, bilang patriyarka, tagapayo sa Unang Panguluhan, at sa huli isa sa dalawang tao lamang na naglingkod bilang Assistant President of the Church. …

“Maliwanag na si Hyrum Smith ay isa sa matitibay na haligi ng Panunumbalik. Ngunit ang nakakalungkot, maraming miyembro ng Simbahan ang di-gaanong alam ang tungkol sa kanya maliban sa siya ay pinaslang kasama ng kanyang kapatid sa Carthage Jail. Mahalaga iyan, ngunit marami pa siyang ginawa. Sa katunayan, sinabi minsan ni Joseph Smith na makabubuti sa kanyang tagasunod kung tutularan nila si Hyrum [tingnan sa History of the Church, 5:108]” (“Hyrum Smith: ‘Firm as the Pillars of Heaven,’” Ensign, Nob. 1995, 6–7).

Doktrina at mga Tipan 11:9. “Huwag magsabi ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito”

Ang ibig sabihin ng utos ng Panginoon na “huwag magsabi ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito” (D at T 11:9) ay ipangaral ang katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at ang kaligtasan na matatamo ng mga yaong nagsisisi at sumusunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang “huwag magsabi ng anuman kundi pagsisisi” ay hindi nangangahulugang hindi natin dapat ituro ang iba pang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay ituon natin sa ebanghelyo ang ating pagtuturo, na siyang ebanghelyo ng pagsisisi at kaligtasan sa pamamagitan ng awa, biyaya, at kabutihan ng Panginoong Jesucristo.

Larawan
Susquehanna River

Ang Susquehanna River na malapit sa tahanan nina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania

Doktrina at mga Tipan 11:12–14. “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti”

Sa mga buwan bago matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 11, itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery kung paano hangarin at madama ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo (tingnan sa D at T 6; 8–9). Sa paghahayag na ito idinagdag ng Panginoon sa pagkaunawang iyan ang karagdagang kaalaman tungkol sa paraan na makikilala ang impluwensya at patnubay ng Espiritu. Pinayuhan ng Paginoon si Hyrum Smith na magtiwala sa Espiritu ng Panginoon at itinuro sa kanya na ang Espiritu ay “nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba” (D at T 11:12).

Pinagtibay din ng Panginoon ang Kanyang naunang tagubilin na maghahayag ang Espiritu sa ating isipan at sa ating puso (tingnan sa D at T 8:2). Sa paghahayag na ito kay Hyrum, ipinaliwanag ng Panginoon na ang Espiritu ay “magbibigay-liwanag sa iyong isipan” at “magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan” (D at T 11:13). Kapag binigyang-liwanag ng Espiritu ang ating isipan, mas malinaw nating nakikita at nauunawaan ang katotohanan (tingnan sa D at T 76:12). Itinuro ng Panginoon kay Hyrum na ang karagdagang pang-unawang ito ay isang paraan kung saan tutulungan siya ng Espiritu na “[malaman], ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin” (D at T 11:14).

Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit tayo dapat magtiwala sa Espiritu kapag nahaharap tayo sa mga hamon at humihingi ng patnubay para sa ating buhay: “Batid ng Ama sa Langit na haharap kayo sa mga hamon at kakailanganin ninyong gumawa ng ilang desisyong lalampas sa kakayahan ninyong magpasiya nang tama. Sa Kanyang plano ng kaligayahan, naglaan Siya ng paraan para tumanggap kayo ng tulong sa gayong mga hamon at desisyon habang kayo ay nabubuhay. Ang tulong na iyon ay darating sa inyo mula sa Espiritu Santo bilang espirituwal na patnubay. Isa itong kapangyarihan, na higit pa sa sarili ninyong kakayahan, na gusto ng mapagmahal na Ama sa Langit na gamitin ninyo palagi para sa inyong kapayapaan at kaligayahan” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 6).

Doktrina at mga Tipan 11:15–21. “Maghintay … hanggang sa matanggap mo ang aking salita, ang aking bato, ang aking simbahan, at ang aking ebanghelyo”

Ipinaalala ng Panginoon kay Hyrum Smith na hindi pa siya tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo (tingnan sa D at T 11:15). Bago dumating ang tawag na iyon, itinuro ng Panginoon kay Hyrum kung ano ang dapat niyang gawin para maituro ang Kanyang ebanghelyo nang may kapangyarihan at Espiritu. Noong Mayo 1829 nang ibigay ang paghahayag na ito, hindi pa nabinyagan si Hyrum, at hindi pa naibigay sa kanya ang kaloob na Espiritu Santo. Iniutos sa kanya ng Panginoon na maghintay na mangaral hanggang makapagtamo siya ng dagdag na pang-unawa sa ebanghelyo at malaman nang may katiyakan ang doktrina ng Panginoon. Ipinangako kay Hyrum na sa panahong ito, kung susundin niya ang mga kautusan at sasamo sa Espiritu, mapapasakanya ang Espiritu at kakayahang matulungan ang iba na malaman ang katotohanan.

Doktrina at mga Tipan 11:20. “Ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan”

Tinagubilinan ng Panginoon si Hyrum Smith nang apat na beses sa Doktrina at mga Tipan 11 na sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa D at T 11:6, 9, 18, 20). Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naaangkop ang mga salita ng Panginoon kay Hyrum sa bawat isa sa atin:

“Ang isa sa pinakatanyag at madalas banggiting mga talata sa banal na kasulatan ay nasa Moises 1:39. Malinaw at maikling inilalarawan sa talatang ito ang gawain ng Amang Walang Hanggan: ‘Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ (idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Isang kasamang banal na kasulatan na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan ang gayundin kalinaw at kaikli ngunit malaman ang paglalarawan tungkol sa ating pangunahing gawain bilang mga anak ng Amang Walang Hanggan. Magandang pag-isipan na ang talatang ito ay parang hindi gayon katanyag at hindi gaanong nababanggit. “Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 11:20; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Kung gayon, ang gawain ng Ama ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Ang ating gawain ay ang sundin ang Kanyang mga kautusan nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 101–2).

Doktrina at mga Tipan 11:21–22. “Hangarin munang matamo ang aking salita”

Hindi iniutos ng Panginoon kay Hyrum Smith na magsimula nang ipangaral ang ebanghelyo. Sa halip, iniutos Niya kay Hyrum na pag-aralan ang Biblia at pati na rin ang Aklat ni Mormon kapag natapos na ang pagsasalin nito (tingnan sa D at T 11:22). Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon na maaari nang humayo si Hyrum at ipangaral ang Kanyang salita at ipinangakong tutulungan ito ng Espiritu. Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring kung paano maihahanda ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang isang tao upang maipahayag ang ebanghelyo nang may kapangyarihan ng Diyos:

“Gagabayan ng Espiritu Santo ang sasabihin natin kung pag-aaralan at pagninilay-nilayin natin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Ang mga salita ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya sa Banal na Espiritu. Ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao’ (D at T 11:21). Sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makaaasa tayo sa mga pagpapalang ito kahit sa mga karaniwang pakikipag-usap o sa klase kapag hiniling ng isang guro na sagutin natin ang isang tanong. Madarama natin ang ipinangakong kapangyarihan ng Panginoon: ‘Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin: kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao’ (D at T 84:85).

“Pinahahalagahan natin ang salita ng Diyos hindi lamang sa pagbabasa ng mga salita ng mga banal na kasulatan kundi sa pag-aaral ng mga ito. Mas mapangangalagaan tayo sa pagninilay-nilay ng ilang mga salita, na hinahayaan ang Espiritu Santo na gawin itong mga kayamanan natin, kaysa mabilis at pahapyaw na pagbuklat ng mga kabanata ng banal na kasulatan” (“Feed My Lambs,” Ensign, Nob. 1997, 83–84).

Doktrina at mga Tipan 12: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Nakilala ni Joseph Knight Sr. at ng kanyang pamilya si Joseph Smith sa huling bahagi ng 1826 nang inupahan ni Joseph Knight si Joseph at ang iba na magtrabaho sa kanyang bukid at gilingan sa Colesville, New York, na mga 115 milya sa timog-silangan ng Palmyra. Habang nakatira si Joseph sa pamilyang Knight, sinabi niya sa kanila na isang personahe mula sa langit ang nagpakita sa kanya at sinabi sa kanya kung saan nakabaon ang isang sinaunang talaan. Isinulat ng isa sa mga anak na lalaki, si Newel Knight, na ang pamilya ay “humanga nang lubos sa katotohanan ng kanyang pahayag tungkol sa mga lamina ng Aklat ni Mormon na ipinakita sa kanya ng isang Anghel ng Panginoon” (sinipi sa William G. Hartley, “The Knight Family: Ever Faithful to the Prophet,” Ensign, Ene. 1989, 43).

Kalaunan, habang isinasalin ni Propetang Joseph Smith ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, tinulungan siya ni Joseph Knight sa ilang pagkakataon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at kaunting halaga. Marahil sa isa sa mga pagbisita ni Joseph Knight para magdala ng mga suplay kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Harmony, Pennsylvania, na natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 12 noong mga huling bahagi ng Mayo 1829.

Larawan
loob ng bahay ni Joseph Knight Sr.

Loob ng bahay ni Joseph Knight Sr. sa Colesville (Ninevah), New York

Doktrina at mga Tipan 12

Itinuro kay Joseph Knight Sr. kung ano ang kailangan upang makatulong sa gawain ng Panginoon

Doktrina at mga Tipan 12:1–9. Mga tagubilin para sa mga tinawag na tumulong sa gawain ng Diyos

Ang pag-uulit ng mga tagubilin na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 12 at iba pang bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay nagpapakita na ang mga alituntunin na namamahala sa gawain ng kaligtasan ay angkop sa lahat ng nagnanais na tumulong sa gawain (tingnan sa D at T 4; 6; 11; 1214).

Doktrina at mga Tipan 12:8. “Walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal”

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 12, sinabi ng Panginoon kay Joseph Knight Sr. na mahalagang magkaroon ng katangian ni Cristo upang makatulong sa Kanyang gawain. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ang paraan kung paano matatamo ng tao ang mga katangiang ito: “Ang mga katangiang pagbabatayan ng paghatol sa atin ay espirituwal. Kabilang dito ang pagmamahal, kabanalan, integridad, habag, at paglilingkod sa kapwa. Ang inyong espiritu, na kasama at nananahan sa inyong katawan, ay kayang taglayin at ipamalas ang mga katangiang ito sa mga paraang mahalaga sa inyong walang-hanggang pag-unlad. Ang espirituwal na pag-unlad ay natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas, pati na ang endowment at mga ordenansa ng pagbubuklod sa banal na templo” (“Salamat sa Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 79).

Doktrina at mga Tipan 14–16: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Di-nagtagal pagdating niya sa Harmony, Pennsylvania, nagpadala ng liham si Oliver Cowdery sa kaibigan niyang si David Whitmer sa Fayette, New York, na ipinapaliwanag na siya ay naglilingkod bilang tagasulat ni Joseph Smith na nagsasalin ng mga lamina ng Aklat ni Mormon. Patuloy na nakipag-ugnayan si Oliver sa pamilyang Whitmer sa mga sumunod na buwan at nagpatotoo sa katotohanan ng mga lamina.

Nang magsimula nang tumindi ang pag-uusig sa Harmony laban kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery, hiniling ng Propeta kay Oliver na sumulat ito kay David Whitmer, na nagtatanong kung maaari ba silang pumunta roon at tapusin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa kanyang tahanan. Bilang tugon, inanyayahan ng ama ni David, na si Peter Whitmer Sr., sina Joseph at Oliver na tumira sa kanila kahit kailan hangga’t kailangan nila upang matapos ang pagsasalin.

Gusto ni David Whitmer na pumunta agad sakay ng bagon para sunduin ang Propeta at si Oliver Cowdery, ngunit kailangan niyang mag-araro at ihanda ang lupa sa bukid bago siya makaalis. “Nang matapos sa pag-aararo natuklasan niya na natapos niya sa isang araw ang gawain na karaniwang dalawang araw ang kailangan para matapos. Pati ang ama ni David ay namangha rin sa malaking himalang ito. Sinabi ni Peter Whitmer, Sr., ‘Tiyak na may makapangyarihang kamay ang kumilos dito, at sa palagay ko kailangan mong pumunta kaagad sa Pennsylvania pagkatapos mong maisabog ang plaster of paris.’ (Ang plaster of paris ay ginagamit upang mabawasan ang acidity ng lupa.) Kinabukasan ay nagpunta si David sa bukid upang maisabog ang plaster, ngunit laking gulat niya nang makita niya na tapos na ang gawain. Sinabi ng kanyang kapatid na babae, na nakatira malapit sa bukid, na tinawag siya ng kanyang mga anak para tingnan ang tatlong dayuhan na napakahusay na magsabog ng plaster. Akala niya ay mga inupahan sila ni David para magtrabaho.

“Dahil sa tulong na ito ng langit, nagmamadali nang umalis si David Whitmer para sa tatlong-araw na paglalakbay patungong Harmony. Sinalubong siya nina Joseph Smith at Oliver Cowdery nang malapit na siya sa bayan. Bagama’t hindi sinabi kaagad ni David kung saan siya nanggaling, nakita na ni Joseph sa pangitain ang mga detalye ng paglalakbay ni David patungo sa Harmony” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 56–57).

Inihatid ni David sina Joseph at Oliver sa Fayette, New York, at dumating doon sa unang bahagi ng Hunyo 1829. Isinulat kalaunan ni Joseph Smith na “sina David, John, at Peter Whitmer Jr. ay naging masisigasig naming kaibigan at katulong sa gawain” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 308). Ang tatlong magkakapatid na ito, “bawat isa na nakatanggap ng patotoo sa katotohanan ng gawain, ay labis na nabahala sa bagay tungkol sa kani-kanilang mga gawain” (D at T 14, section heading). Bilang sagot sa kanilang mga katanungan, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag para sa bawat isa sa magkakapatid (tingnan sa D at T 14–16).

Doktrina at mga Tipan 14–16

Inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban kina David Whitmer, John Whitmer, at Peter Whitmer Jr.

Doktrina at mga Tipan 14:7. “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas”

Ang payo ng Panginoon na “[sundin] mo ang aking mga kautusan at [magtiis] hanggang wakas” (D at T 14:7) ay maituturing na babala kay David Whitmer. Si David ay naging isa sa tatlong saksi at isa rin sa anim na orihinal na miyembro ng Simbahan. Di-naglaon ay nanirahan siya sa Missouri at naglingkod bilang lider ng Simbahan doon. Gayunman, noong 1837, sumama si David Whitmer sa mga taong tumalikod mula sa Simbahan. Siya ay itiniwalag noong Abril 13, 1838, at hindi na bumalik sa Simbahan, ngunit pinatotohanan niya ang mga lamina ng Aklat ni Mormon hanggang sa siya ay mamatay. Ang kahalagahan ng pagtitiis hanggang wakas ay ipinaliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Iniisip ng iba na ang magtiis hanggang wakas ay simpleng pagdurusa sa buhay. Higit pa ito rito—ito ang proseso ng paglapit kay Cristo at pagiging ganap sa Kanya. …

“Ang pagtitiis hanggang wakas ay doktrina ng pagpapatuloy sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan matapos pasukin ng isang tao ang landas na yaon sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap sa Espiritu Santo. Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangailangan ng buong puso natin. …

“Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangahulugan na naitatag natin ang ating buhay sa mga doktrina ng ebanghelyo, sinusunod ang mga pamantayan ng Simbahan, mapagpakumbabang naglilingkod sa ating kapwa, namumuhay ng gaya ng kay Cristo, at tinutupad ang ating mga tipan” (Magpatuloy,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 101).

Doktrina at mga Tipan 14:7. Ang “buhay na walang hanggan … [ay] pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang buhay na walang hanggan at kung bakit ito itinuturing na siyang pinakadakilang kaloob na matatanggap natin mula sa Diyos:

“Ang buhay na walang hanggan ay ang uri ng buhay na ipinamumuhay ng Diyos at samakatwid ay ‘pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos’ (D at T 14:7); at dahil ang mga nagtatamo nito ay nagiging katulad ng Diyos, sila ay isa sa kanya.

“Ang kadakilaan ay binubuo ng pamana sa pinakamataas na langit sa selestiyal na daigdig, kung saan nagpapatuloy ang pamilya at nagtatamo ang bawat tumatanggap para sa kanyang sarili ng walang-hanggang pamilya, na itinulad sa pamilya ng Diyos na ating Ama sa Langit, upang ang bawat dinakilang tao ay mamuhay na tulad ng Diyos at sa gayon ay maging isa sa kanya. …

“Samakatwid, ang maligtas at magtamo ng kadakilaan ay magmana ng buhay na walang hanggan, lahat ay nangangahulugan na maging isa sa Diyos, na mamuhay nang tulad Niya, mag-isip nang tulad Niya, kumilos nang tulad niya, magtamo ng gayon ding kaluwalhatian, kapangyarihan, at lakas na taglay Niya” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 130).

Doktrina at mga Tipan 15–16. Ang mga paghahayag na naglalaman ng magkakatulad na mga salita

Kung minsan magkakaparehong mensahe ang inihahayag ng Panginoon sa iba’t ibang tao dahil maaaring magkakatulad ang kanilang mga naisin o kalagayan. Halimbawa, ang mission call na ibinibigay ng Pangulo ng Simbahan ay halos magkakatulad ang mga nilalaman. Gayon pa man, nadarama ng mga tumatanggap ng mission call na para talaga sa kanila ang tagubiling ibinibigay nito habang ginagabayan sila nito sa kanilang pagmimisyon. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 15–16, tinawag ng Panginoon sina John Whitmer at Peter Whitmer sa kanilang pangalan at ipinahayag ang Kanyang kalooban sa kanila.

Doktrina at mga Tipan 15:4–6 (16:4–6). “Ang bagay na magiging pinakamahalaga para sa iyo”

Sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 15–16, pinagpala ng Panginoon sina John at Peter Whitmer dahil naibahagi nila sa iba ang mga salita ng Diyos. Nalaman nila na ang pangangaral ng pagsisisi at pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo ay ang pinakamakabuluhang bagay na magagawa nila. Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ang isa sa mga dahilan kung bakit lubhang napakahalaga ang pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo: “Huwag kalimutan kailanman, mga kapatid, na nasa natin ang mga doktrinang maglalapit sa mga tao sa Panginoon. May kapangyarihan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na magdulot ng lubos at tumatagal na ligaya sa kaluluwa—na pahahalagahan at mamahalin hanggang sa walang hanggan. Hindi lang natin pinasasapi ang mga tao sa ating Simbahan; ibinabahagi natin sa kanila ang kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ngunit kahit makapangyarihan ang ating mensahe, hindi ito maipipilit o maigigiit sa mga tao. Maibabahagi lang ito—nang puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa, espiritu sa espiritu—sa pakikipagkapwa at pagmamalasakit at pagmamahal” (“Ang Mahalagang Papel ng Gawaing Misyonero ng Miyembro,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 40).

Larawan
paglalarawan ng dalawang missionary noon

Tinawag ng Panginoon ang mga Banal noon sa misyon upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo.

Print