Kabanata 26
Doktrina at mga Tipan 71–75
Pambungad at Timeline
Noong taglagas ng 1831, tinangka ng mga dating miyembro ng Simbahan na sina Ezra Booth at Symonds Ryder na siraan ang Simbahan at mga lider nito at pigilan ang mga tao na maging miyembro ng Simbahan. Nagsalita sila laban sa Simbahan sa harapan ng madla at walang puknat na naglathala ng mga artikulong laban sa mga Mormon sa mga lokal na pahayagan, na naging dahilan ng pagdami ng mga sumasalungat. Noong Disyembre 1, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 71. Dito, iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipagtanggol ang Simbahan at sugpuin ang mga kasinungalingan sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan ayon sa patnubay ng Espiritu.
Dahil sa mabilis na paglago ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, na sinabayan ng paglipat ni Bishop Edward Partridge sa Missouri, kinailangang tumawag ng isang bagong bishop na maglilingkod sa Ohio. Noong Disyembre 4, 1831, nakatanggap si Joseph Smith ng tatlong paghahayag na pinagsama-sama ngayon sa Doktrina at mga Tipan 72 (mga talata 1–8, 9–23, at 24–26). Sa mga paghahayag na ito tinawag ng Panginoon si Newel K. Whitney na maglingkod bilang bishop sa Ohio at inilahad ang kanyang mga responsibilidad.
Makalipas ang isang buwan ng pangangaral ng ebanghelyo upang sugpuin ang mga kasinungalingan na ikinalat nina Ezra Booth at Symonds Ryder, nagbalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio. Noong Enero 10, 1832, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 73, kung saan iniutos ng Panginoon kina Joseph at Sydney na ipagpatuloy ang kanilang pagsasalin ng Biblia.
Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 74 ay natanggap noong 1830, bago lumipat si Joseph Smith sa Ohio. Nakatala rito ang paliwanag ng Panginoon sa I Mga Taga Corinto 7:14.
Sa isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Enero 25, 1832, tumanggap si Joseph Smith ng dalawang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75 (mga talata 1–12 at 13–36). Sa mga paghahayag na ito tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder hinggil sa kanilang mga tungkulin bilang missionary at nagtalaga ng makakasama nila sa misyon.
-
1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 74.
-
Oktubre 1831Sinimulan ng pahayagan na Ohio Star ang paglalathala ng siyam na liham mula sa nag-apostasiyang si Ezra Booth na bumabatikos sa Simbahan at mga lider nito.
-
Nobyembre 1, 1831Naglabas ang isang kumperensya ng Simbahan ng resolusyon na ilathala ang mga paghahayag ni Joseph Smith bilang Aklat ng mga Kautusan.
-
Disyembre 1, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 71.
-
Disyembre 4, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 72.
-
Enero 10, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 73.
-
Enero 25, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 75.
Doktrina at mga Tipan 71: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Oktubre 1831, nagsimulang maglathala ang pahayagang Ohio Star ng mga liham na bumabatikos sa Simbahan at mga lider nito. Ang mga liham ay isinulat ni Ezra Booth, isang dating mangangaral na Methodist na naging miyembro ng Simbahan matapos basahin ang Aklat ni Mormon at makita na mahimalang napagaling ni Propetang Joseph Smith ang may rayumang bisig ni Alice (Elsa) Johnson. Gayunman, dahil sa kapalaluan naging mapambatikos si Ezra sa Propeta at sa Simbahan. Naglakbay siya papuntang Missouri bilang missionary noong tag-init ng 1831, ngunit nabago ang paniniwala niya nang mahirapan sa paglalakbay. Nawalan din siya ng gana nang hindi umakma sa inaasahan niya ang lupain ng Sion at ang pamumuno ni Joseph Smith. (Tingnan sa Matthew McBride, “Ezra Booth and Isaac Morley,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 131–32, o history.lds.org; Mark Lyman Staker, Hearken, O Ye People: The Historical Setting for Joseph Smith’s Ohio Revelations [2009], 296.)
Matapos bumalik mula sa Missouri noong Setyembre 1831, nagsimulang batikusin ni Ezra Booth ang Simbahan at si Propetang Joseph Smith. Sa isang kumperensya ng mga elder na idinaos noong Setyembre 6, si Ezra ay pinagbawalang “mangaral bilang Elder sa Simbahang ito” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 61). Kalaunan sa buwang iyon, siya at ang isa pang sumalungat, si Symonds Ryder, ay tumiwalag sa pagiging miyembro ng Simbahan. Sa kanyang mga liham sa Ohio Star, binatikos ni Ezra Booth si Propetang Joseph Smith bilang isang impostor, at sinabing isang pakana lamang ang mga paghahayag nito para makuhanan ng pera ang mga tao. Nakatala sa kasaysayan ni Joseph Smith na ang mga liham ni Booth na naglalaman “ng panlilinlang, kasinungalingan, at walang kabuluhang mga impormasyon upang ibagsak ang gawain ng Panginoon, ay nagpapakita ng kahinaan, kasamaan, kahangalan [ni Booth] at naglantad sa kanyang sarili sa kahihiyan na pag-uusapan ng mga tao” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 154, josephsmithpapers.org).
Nalaman ni Symonds Ryder (o Simonds Rider) ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo mula kay Ezra Booth. Si Symonds ay naging miyembro ng Simbahan matapos masaksihan ang itinuring niya na isang himala. Matapos mabinyagan, siya ay inordenang elder ng Simbahan. Binanggit sa mga tala kalaunan na noong natanggap niya ang opisyal na atas na mangaral ng ebanghelyo, nakita niyang mali ang pagbaybay ng kanyang pangalan sa sertipiko. Sa pag-aakala na hindi dapat magkaroon ng kahit kaunting mali ang isang inihayag na tawag, nagsimulang pagdudahan ni Symonds ang inspirasyon ni Joseph Smith bilang propeta. Naimpluwensyahan pa si Symonds ng nanghihinang pananampalataya ng kanyang matalik na kaibigan na si Ezra Booth, na umuwing naghihinanakit mula sa kanyang misyon sa Missouri. Higit sa anupaman, ang mga pag-aalinlangan niya sa alituntunin ng paglalaan ang tila naging sanhi ng panlalamig niya sa Simbahan. (Tingnan sa A. S. Hayden, Early History of the Disciples in the Western Reserve, Ohio [1875], 220–21, 251–52.) Matapos ihiwalay ang kanyang sarili sa Simbahan noong taglagas ng 1831, nagbigay si Symonds Ryder ng mga kopya ng isa sa mga di-nakalathalang paghahayag ni Propetang Joseph Smith sa pahayagang Western Courier sa pagtatangkang pigilan ang mga tao sa pagsapi sa Simbahan. Kalaunan ay sinabi ni Ryder na malalaman ng mga bagong binyag mula sa mga paghahayag na ito na “isang pakana ang ginawa para makuha sa kanila ang kanilang ari-arian at ipailalim ito sa pamamahala ni Joseph Smith ang propeta” (sa Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 144–45; tingnan din sa Hayden, Early History of the Disciples, 221).
Ang paghahayag ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 71 ay ibinigay dahil sa pagkapoot at negatibong publisidad na ipinakalat nina Ezra Booth at Symonds Ryder.
Doktrina at mga Tipan 71
Iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na tugunin ang mga bumabatikos o pumupuna sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 71:1. Ipangaral ang ebanghelyo “mula sa mga banal na kasulatan, alinsunod sa bahagi [ng] Espiritu”
Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na tugunan ang mga pamumuna sa Simbahan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo “mula sa mga banal na kasulatan, alinsunod sa bahaging iyon ng Espiritu at kapangyarihan na ibibigay sa inyo” (D at T 71:1) Ang payong ito ay nagsisilbing huwaran para sa lahat ng miyembro ng Simbahan sa pagsagot sa mga taong bumabatikos sa Simbahan at mga turo nito. Mababasa natin sa Aklat ni Mormon na ang pangangaral ng salita ng Diyos ay “may higit [na] malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay” (Alma 31:5). Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sinabi sa atin ng Panginoon na ang ‘tabak ng Espiritu … ay salita ng Diyos’ (Mga Taga Efeso 6:17); mapadadali nito ang pakikipag-ugnayan at tatagos nang higit sa anupaman. Kaya ang banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta ay isang pagpapala; ang mga ito ay susi sa pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu upang magawa nating makipag-ugnayan sa tinatawag ni Propetang Joseph Smith na ‘wika ng paghahayag’ (Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith [Salt Lake City: Deseret Book Co., 1976], p. 56)” (“Teaching by the Spirit—‘The Language of Inspiration’” [mensaheng ibinigay sa Church Educational System Symposium, Ago. 15, 1991], 1).
Doktrina at mga Tipan 71:2–7. “Lituhin ang inyong mga kaaway”
Iniutos ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Banal at sa mga tao sa mga karatig na rehiyon (tingnan sa D at T 71:2). Bukod pa rito, iniutos ng Panginoon sa kanila na “lituhin ang [kanilang] mga kaaway” (D at T 71:7), o sa madaling salita, patunayang mali ang mga kasinungalingan nito sa pag-anyaya sa mga ito na makipagkita at pag-usapan ang mga paratang. Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inanyayahan ni Sidney Rigdon si Ezra Booth na makipagkita sa kanya noong Disyembre 25, 1831, “kung saan niya ‘rerepasuhin’ ang mga liham ni Booth at ipapakita na ang mga ito ay ‘di-makatwiran at maling representasyon ng mga paksang tinatalakay nito’” (sa Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 145). Sinabi rin niya kay Symonds Ryder na magpulong sila sa harapan ng madla kung saan nila puwedeng pag-usapan ang Aklat ni Mormon. Wala ni isa sa dalawang lalaki ang tumanggap sa paanyaya.
Sa sumunod na buwan sinikap nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na pawiin ang hindi mabuting damdaming namumuo laban sa Simbahan dahil sa mga artikulo ni Ezra Booth sa pahayagan. Nangaral ang dalawang lalaki sa buong hilagang Ohio, nagturo ng ebanghelyo at pinabulaanan ang mga pahayag laban sa Simbahan at sa mga lider nito. Ayon sa Propeta, ang kanilang pagsisikap na sundin ang payo ng Panginoon at pagtugon sa pamamagitan ng pangangaral ng mga katotohanan ng ebanghelyo nang may patnubay ng kapangyarihan ng Espiritu “ay nakapagpahinahon sa sumisidhing damdaming idinulot ng mga mapanirang-puring liham na inilalathala noon sa ‘Ohio Star,’ sa Ravenna, ng … nag-apostasiyang si Ezra Booth” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 179, josephsmithpapers.org).
Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag nakarinig o nakabasa tayo ng mga pambabatikos sa Simbahan at mga turo nito, mahalagang tumugon sa paraang katulad ng kay Cristo ayon sa patnubay ng Espiritu Santo:
“Kapag sumasagot tayo sa mga nagpaparatang sa atin tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, hindi lang tayo nagiging higit na katulad ni Cristo, inaanyayahan din natin ang iba na damhin ang Kanyang pagmamahal at sumunod sa Kanya.
“Ang pagsagot sa paraan ni Cristo ay hindi nakaplano o nakabatay sa isang pormula. Iba-iba ang pagtugon ng Tagapagligtas sa bawat sitwasyon. …
“Sa pagtugon natin sa iba, bawat sitwasyon ay magiging kaiba. Sa kabutihang-palad, alam ng Panginoon ang nasa puso ng mga nagpaparatang sa atin at kung paano tayo epektibong makatutugon sa kanila. Kapag naghahangad ng patnubay ng Espiritu ang mga tunay na disipulo, tumatanggap sila ng inspirasyon na akma sa bawat sitwasyon. Sa bawat sitwasyon, ang mga tunay na disipulo ay tumutugon sa mga paraang mag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 72–73).
Doktrina at mga Tipan 71:9. “Walang sandata na ginawa laban sa inyo ang mananaig”
Tinanggap nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangako ng Panginoon na kung sila ay mananatiling tapat, ang kanilang mga kaaway ay madadaig (tingnan sa D at T 71:7). Pagkatapos ay inulit ng Panginoon ang mga pangako Niya sa sinaunang Israel sa pamamagitan ni propetang Isaias na “walang almas [o sandata] na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan” (Isaias 54:17; tingnan sa D at T 71:7). Sa madaling salita, ang Diyos at ang Kanyang gawain ay laging magwawagi, anuman ang pambabatikos na gawin laban sa Simbahan. Sa kabila ng pagtalikod at pambabatikos nina Ezra Booth at Symonds Ryder, patuloy na nagtagumpay sa pangangaral ng ebanghelyo ang mga missionary. Ginunita ni Ira Ames, na nakatira sa New York, na nang mabasa niya ang liham ni Booth sa pahayagan, “nakadama siya ng impresyon na may isang bagay na kakaiba sa Mormonismo. Palaging pinag-uusapan ito sa komunidad” (sa Hayden, Early History of the Disciples, 302). Di-nagtagal matapos mabasa ni Ira Ames ang mga liham ni Booth, may dumating na mga missionary sa bayan ni Ira at siya ay nabinyagang miyembro ng Simbahan (tingnan sa Hayden, Early History of the Disciples, 303). Dahil dito, sa halip na mapigilan nina Booth at Ryder ang mga tao sa pagtanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ay lalo pa nilang inilantad ang Simbahan sa mga tao, at sa ilang pagkakataon ay nakatulong sa pagdami ng mga nagpaturo at nabinyagan.
Doktrina at mga Tipan 72: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon (tingnan sa D at T 71:1–7) noong Disyembre 3, 1831, sina Propetang Joseph Smith at Sidney Ridgon ay naglakbay mula Hiram papuntang Kirtland, Ohio, upang ipahayag ang ebanghelyo at pawiin ang masamang damdaming namumuo laban sa Simbahan. Ayon sa kasaysayan ng Propeta, sa sumunod na araw, Disyembre 4, “ilan sa mga Elder at mga miyembro ang sama-samang nagtipon upang malaman ang kanilang tungkulin at mapalakas,” at matapos talakayin ang kanilang “temporal at Espirituwal na kapakanan,” natanggap ng Propeta ang tatlong magkakaugnay na paghahayag, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 72 (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 176, josephsmithpapers.org). Sa pag-abot ng Simbahan hanggang Missouri at sa paglipat ni Bishop Edward Partridge sa Independence, nawalan ng bishop ang mga Banal sa Ohio. Sa isa sa mga paghahayag, sinabi ng Panginoon na kailangang tumawag ng bagong bishop sa Ohio (tingnan sa D at T 72:2).
Doktrina at mga Tipan 72
Tinawag ng Panginoon si Newel K. Whitney bilang bishop sa Ohio at ipinaliwanag ang mga tungkulin ng bishop
Doktrina at mga Tipan 72:2–3. “Magbigay-sulit sa kanilang pangangasiwa, maging sa panahong ito at sa kawalang-hanggan”
Dahil may mga miyembro ng Simbahan sa Ohio ang nagpapamuhay ng batas ng paglalaan, kailangan ang bishop para tumanggap ng mga inilaang ari-arian, mamahagi at mamahala ng mga indibiduwal na pangangasiwa, mangolekta ng mga sumobrang kita, at kumuha ng mga pondo mula sa kamalig na ibibigay sa mga nangangailangan (tingnan ang komentaryo sa D at T 42:30–39 sa manwal na ito). Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “magsulit” ng kanilang pangangasiwa sa bishop (D at T 72:3). Ang alituntunin ng pangangasiwa ay batay sa turo na ang lahat ng bagay ay pag-aari ng Panginoon at tayo ay Kanyang mga katiwala (tingnan sa D at T 104:13–16). Bagama’t hindi tayo binibigyan ng pangangasiwaan sa ilalim ng batas ng paglalaan ngayon, pinagkakalooban naman tayo ng Panginoon ng espirituwal at temporal na mga responsibilidad na pananagutan natin sa Kanya.
Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang gayong responsibilidad kung saan kailangan nating magbigay-sulit:
“Bawat isa sa inyo ay may walang hanggang tungkulin na hindi maaaring alisin sa inyo ng sinumang lider sa Simbahan. Ito ay isang tungkuling ibinigay sa inyo ng ating Ama sa Langit. Sa tungkuling ito na walang hanggan, gaya ng lahat ng iba pang mga tungkulin, mayroon kayong pangangasiwaan. … Ang pinakamahalagang pangangasiwang ito ay ang dakilang responsibilidad na ibinigay sa inyo ng inyong Ama sa Langit na bantayan at pangalagaan ang sarili ninyong kaluluwa.
“Balang araw, mapapakinggan natin ang tinig ng Panginoon na tumatawag sa atin na magbigay-sulit sa ating pinangasiwaan sa mundo. Ang pagbibigay-sulit na ito ay magaganap kapag tinawag tayo na ‘tumayo sa harapan [ng Panginoon] sa dakila at araw ng paghuhukom’ [2 Nephi 9:22]” (”True to the Truth,“ Ensign, Mayo 1997, 16).
Doktrina at mga Tipan 72:8. “Ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney ang siyang tao na itatalaga”
Si Newell K. Whitney ay negosyante na may-ari ng tindahan sa Kirtland, Ohio, kasama ang kanyang kasosyo sa negosyo na si A. Sidney Gilbert. Bago malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, si Newel at ang kanyang asawang si Ann, ay naging bahagi ng kongregasyon ni Sidney Rigdon na Reformed Baptist, at kanilang “ninais ang mga bagay ng Espiritu.” Isang gabi noong 1829, habang nagdarasal sila na magabayan, nakatanggap sila ng malakas na espirituwal na pahiwatig. Ipinaliwanag ni Ann:
“‘Napasaamin ang Espiritu at nalukuban ng ulap ang bahay … Isang maluwalhating pagkamangha ang namayani sa amin. Nakita namin ang ulap at nadama ang Espiritu ng Panginoon. Pagkatapos ay nakarinig kami ng tinig mula sa ulap na nagsasabing, “Maghandang tanggapin ang salita ng Panginoon, sapagka’t ito ay paparating.” Ito ay labis naming ikinamangha, ngunit sa sandaling iyon batid naming ang salita ng Panginoon ay paparating sa Kirtland’ [Andrew Jenson, Latter-day Saint Biographical Encyclopedia, 4 tomo (1901–36), 1:223]” (“Newel K. Whitney: A Man of Faith and Service,” Museum Treasures, history.lds.org).
Di-nagtagal pagkatapos ng karanasang iyon, narinig ng mga Whitney ang salita ng Panginoon nang anyayahan ni Sidney Rigdon na mangaral ang mga missionary sa kanyang kongregasyon. Ang mga Whitney ay naging miyembro ng Simbahan noong Nobyembre 1830. Ilang buwan kalaunan sina Joseph at Emma Smith ay dumating sa Kirtland. Isinulat ng Propeta: “Kaming mag-asawa ay tumira sa pamilya ni Brother Whitney nang ilang linggo, at nadama ang kanilang kabaitan at malasakit sa lahat ng bagay, na inaasahan na, lalo na kay Sister Whitney” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 93, josephsmithpapers.org). Kalaunan, noong Setyembre 1832, pinatira ng mga Whitney sina Joseph at Emma Smith sa itaas na silid ng kanilang tindahan, na naging punong-himpilan ng Simbahan nang ilang panahon.
Nang matawag si Newel na maglingkod bilang bishop sa Ohio noong Disyembre 1831, sinabi niya kay Propetang Joseph Smith ang nadarama niyang kakulangan ng kakayahan. Ikinuwento ng apo ni Bishop Whitney na si Elder Orson F. Whitney (1855–1931) ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang nadama ng kanyang lolo nang tawagin ito na maging bishop at ang mga katiyakang natanggap nito:
“Ang isiping manungkulan sa mahalagang responsibilidad na ito (ang katungkulan na bishop) ay halos higit pa sa makakaya ni [Newel K. Whitney]. Kahit iilan lamang ang likas na mas may kakayahang maging karapat-dapat sa gayong posisyon, pinag-alinlangan pa rin niya ang kanyang kakayahan, at inisip na hindi niya makakayang tugunan ang mataas at sagradong pagtitiwalang iyon. Sa kanyang pagkabalisa kinausap niya ang Propeta:
“‘Hindi ko nakikita ang sarili ko na isang bishop, Brother Joseph; ngunit kung sinasabi mong kagustuhan ito ng Panginoon, susubukan ko.’
“‘Hindi lang salita ko ang dapat mong paniwalaan;’ ang mahinahong sagot ng Propeta, ‘Humayo ka at itanong mo mismo sa Ama.’
“Nagpasiya si Newel … na sundin ang ipinayo [ng Propeta]. Sinagot ang kanyang mapagkumbaba at taimtim na panalangin. Sa katahimikan ng gabi at pag-iisa sa kanyang silid, narinig niya ang tinig mula sa langit: ‘Ang iyong lakas ay nasa akin.’ Ang mga salita ay kaunti at simple, ngunit napakahalaga nito. Ang kanyang pag-aalinlangan ay napawi tulad ng hamog bago sumikat ang araw. Pagdaka’y hinanap niya ang Propeta, sinabi sa kanya na siya ay napanatag, at handa siyang tanggapin ang katungkulan kung saan siya tinawag” (sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:271).
Si Newel K. Whitney ay naglingkod bilang bishop hanggang sa siya ay pumanaw noong 1850.
Doktrina at mga Tipan 72:9–19. Ang mga tungkulin ng bishop
Sa unang panahong ito ng organisasyon, ang Simbahan ay hindi pa nahahati sa mga ward o branch na may mga bishop o branch president na namumuno na hindi katulad sa panahon ngayon. Noong Disyembre 4, 1831, may dalawang bishop lamang—si Bishop Edward Partridge sa Missouri at si Bishop Newel K. Whitney sa Ohio. Ang mga responsibilidad na inilahad ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 72:9–19 ay may kaugnayan unang-una sa tungkulin ni Bishop Whitney sa ilalim ng batas ng paglalaan.
Bagama’t hindi na natin ipinamumuhay ang batas ng paglalaan sa paraang katulad ng ginawa ng mga naunang Banal, marami sa mga tungkulin na nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 72 ay angkop pa rin sa mga bishop ngayon. Responsibilidad ng mga bishop na pangasiwaan ang pamamahagi ng pagkain at suplay mula sa bishops’ storehouse sa mga miyembrong nangangailangan, at sila ay tumatanggap at may responsibilidad para sa mga pondo ng Simbahan sa pamamagitan ng ikapu, mga handog-ayuno, at iba pang mga donasyon (tingnan sa D at T 72:10). Ang mga bishop ay naglilingkod bilang mga kinatawan ng Panginoon kapag nagbibigay-sulit ang mga miyembro tungkol sa kanilang mga responsibilidad at tungkulin (tingnan sa D at T 72:11). Pinangangalagaan nila ang espirituwal at temporal na kapakanan ng mga Banal. Higit sa lahat, mayroon silang tungkulin na hanapin at pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan na sakop ng kanilang ward (tingnan sa D at T 72:11–12). Bilang mga hukom sa Israel, ang mga bishop ay may banal na tungkulin din na alamin at patunayan ang pagiging karapat-dapat ng mga miyembro na magpabinyag, tumanggap ng priesthood, magmisyon, pumasok sa bahay ng Panginoon, at maglingkod sa mga tungkulin sa ward (tingnan sa D at T 72:17). Bukod dito, bilang mga pangkalahatang hukom sila ay responsable sa pagtipon at pangangasiwa ng mga disciplinary council sa kanilang ward kapag may mga nakagawa ng mabigat na kasalanan (tingnan sa D at T 58:17–18).
Doktrina at mga Tipan 73: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Matapos ang isang buwan na pangangaral ng ebanghelyo sa Ohio sa silangan, na sinisikap na salungatin ang mga epekto ng mga liham ni Ezra Booth laban sa Simbahan at mga lider nito, bumalik sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon sa tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio. Ilang araw kalaunan, noong Enero 10, 1832, idinikta ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 73, na “ipinaaalam ang kalooban ng Panginoon” sa mga elder ng Simbahan hanggang sa pagtitipon sa susunod na kumperensya, na ginanap dalawang linggo kalaunan (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 179, josephsmithpapers.org).
Doktrina at mga Tipan 73
Iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipagpatuloy ang pagsasalin ng Biblia
Doktrina at mga Tipan 73:3–4. “Kinakailangan na magsalin muli”
Iniutos ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na ituloy muli ang inspiradong pagsasalin ng Biblia at ipagpatuloy ang pangangaral sa kanilang lugar hanggang sa susunod na kumperensya ng Simbahan (tingnan sa D at T 73:3–4). Pagkatapos ng kumperensya, gayunpaman, dapat nilang lubusang ilaan ang kanilang panahon sa “gawain ng pagsasalin hanggang sa ito ay matapos” (D at T 73:4). Masigasig na ginawa ng Propeta at ni Sidney Rigdon ang pagsasalin ng Biblia mula sa panahong ito hanggang Hulyo 2, 1833, nang isulat ng mga tagapagsalin sa mga kapatid sa Missouri na natapos na nila, nang araw na iyon, ang pagsasalin sa Biblia. Ang ilang bahagi ng isinalin ni Joseph Smith ay matatagpuan sa Mahalagang Perlas (mga aklat nina Moises at Joseph Smith—Mateo) at sa dumarami pang mga wika sa Latter-day Saint edition ng Biblia. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay may “malaking impluwensya sa Simbahan dahil marami sa mga ito ang bumubuo sa nilalaman ng Doktrina at mga Tipan. Mahigit kalahati ng kasalukuyang Doktrina at mga Tipan ay binubuo ng mga paghahayag na natanggap sa loob ng tatlong taon na ginugol ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Biblia. Maraming paghahayag ang natanggap bilang mga direktang sagot sa mga bagay na nadama ni Joseph na kailangang itanong bunga ng paglawak ng kanyang pang-unawa sa ebanghelyo habang masigasig niyang ibinabalik ang malilinaw at mahahalagang bahagi ng Biblia” (Elizabeth Maki, “Joseph Smith’s Bible Translation,” sa Revelations in Context, 103, o history.lds.org).
Para sa karagdagang paliwanag ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 35:20 sa manwal na ito.
Doktrina at mga Tipan 74: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Nang kopyahin ng mananalaysay at manunulat ng Simbahan ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 74 sa opisyal na talaan, itinala niya ang petsang 1830 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 228). Ilang taon kalaunan, ang mga nag-eedit sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith ay nagkamali nang isulat nila na natanggap ng Propeta ang paghahayag na ito noong Enero 1832 habang ginagawa niya ang mga inspiradong rebisyon sa Bagong Tipan. Gayunman, tinukoy ni John Whitmer ang Wayne County, New York, na lugar kung saan idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag na ito at 1830 ang petsa nang ito ay matanggap. Inilarawan kalaunan sa kasaysayan ng Propeta ang paghahayag na ito bilang “isang Paliwanag ng sulat para sa unang Mga Taga Corinto, ika-7 kabanata, ika-14 na talata” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 178, josephsmithpapers.org). Ang talata sa I Mga Taga Corinto 7:14 ay madalas banggitin noong panahon ni Joseph Smith upang pangatwiranan ang pagbibinyag sa sanggol.
Doktrina at mga Tipan 74
Ipinaliwanag ng Panginoon ang ibig sabihin ng I Mga Taga Corinto 7:14
Doktrina at mga Tipan 74:1–5. Ang mga maling paniniwala ng ating mga ama
Ang Doktrina at mga Tipan 74 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto ng kasaysayan tungkol sa mga turo ni Apostol Pablo sa I Mga Taga Corinto 7:14. Ang payo niya sa mga Banal sa Corinto ay tumutukoy sa problema ng mag-asawa kung saan ang mga babae ay nagbalik-loob na sa ebanghelyo ni Jesucristo samantalang patuloy pa ring ginagawa ng kanilang mga asawa ang mga nasa batas ni Moises. Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan 74:3 na nagkaroon ng pagtatalo dahil gusto ng mga ama na ipatuli ang kanilang mga anak na lalaki at mapasailalim sa batas ni Moises, na natupad na ng Tagapagligtas at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Maraming bata sa ganitong mga sitwasyon, na pinalaki sa ilalim ng batas ni Moises, ang nagkaedad at “tumalima sa mga paniniwala ng kanilang mga ama at hindi naniwala sa ebanghelyo ni Cristo” (D at T 74:4). Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na ikinasal sa mga hindi sumasampalataya na huwag makipaghiwalay sa kanilang asawa kundi manatiling kasal sa asawa at mabuhay nang tapat. Sa paggawa nito, ang mga sumasampalatayang asawa ay makapagbibigay ng mabuting impluwensya sa kanilang pamilya (tingnan sa I Mga Taga Corinto 7:13–14; D at T 74:1).
Hindi itinuturo ni Apostol Pablo na isinilang na marumi o makasalanan ang mga anak. Sa halip, itinuro niya na ang sumasampalatayang asawa ay magkakaroon ng mabuting impluwensya na maaaring humikayat sa mga anak, pagdating nila sa edad ng pananagutan, na sundin ang ebanghelyo at maging “banal” (I Mga Taga Corinto 7:14; D at T 74:1) sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 74:5, pinayuhan ni Pablo ang mga taong hindi pa kasal na huwag magpakasal sa mga hindi sumasampalataya maliban na lang kung pumayag ang mapapangasawa na ang batas ni Moises “ay matigil na sa kanila.” Ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga rekomendasyong ito ay hindi utos mula sa kanya, kundi sa halip ay payo na nagmula mismo kay Pablo.
Doktrina at mga Tipan 74:6–7. “Ang paniniwala … na ang maliliit na bata ay hindi banal”
Ilan sa mga Judio na sumunod sa batas ni Moises noong panahon ni Apostol Pablo ang naniwala sa maling tradisyon na ang mga sanggol na batang lalaki ay isilang na hindi banal o marumi, maliban na lang kung sila ay nakipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng pagtutuli. Ang gayong turo, gayunman, ay salungat sa payo ng propeta na ang maliliit na bata ay walang kasalanan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 3:16), “may buhay na walang hanggan” (Mosias 15:25), at “buhay kay Cristo”(Moroni 8:12, 22). Bukod pa rito, ang ituro na ang mga bata ay hindi banal ay salungat sa layunin ng Panginoon sa pagpapasimula ng pagtutuli kay Abraham. Sa dagdag na kaalaman mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, nalaman natin na ang pagtutuli ay sumasagisag sa pakikipagtipan ng Panginoon sa angkan ni Abraham na “ang mga bata ay walang pananagutan sa … harapan [ng Panginoon] hanggang sa sila ay magwalong taong gulang” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 17:11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan], scriptures.lds.org).
Para sa karagdagang mga turo hinggil sa kaligtasan ng maliliit na bata, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 29:46–50 sa manwal na ito.
Doktrina at mga Tipan 75: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Enero 25, 1832, idinaos sa Simbahan ang isang kumperensya sa Amherst, Ohio, mga 50 milya silangan ng Kirtland. Inilahad sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith na habang nasa kumperensya “sabik na hiniling sa akin ng mga Elder na magtanong ako sa Panginoon, upang malaman nila ang higit na nakalulugod sa [Panginoon], na kanilang gawin, upang maipaunawa sa mga tao ang kanilang kalagayan” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 180, josephsmithpapers.org). Si Orson Pratt, na itinalagang pangulo ng mga elder sa kumperensya, ay isinalaysay kalaunan, “Sa Kumperensyang ito kinilala si Propetang Joseph bilang Pangulo ng High Priesthood, at ipinatong ni Elder Sidney Rigdon ang mga kamay nito sa kanyang ulunan at ibinuklod sa kanya ang mga pagpapala na nauna na niyang natanggap.” Sinabi rin ni Elder Pratt na “sa pakiusap ng Priesthood, nagtanong ang Propeta sa Panginoon, at isang paghahayag ang ibinigay at isinulat sa harapan ng kapulungan, na nagtatalaga sa marami sa mga Elder na magmisyon” (“History of Orson Pratt,” The Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 27 [Ene. 28, 1865], 56). Idinikta ng Propeta ang dalawang paghahayag sa kumperensya, na kalaunan ay pinagsama at nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75. Ang unang paghahayag (D at T 75:1–22) ay ibinigay sa isang pangkat ng mga elder na nagbigay ng kanilang mga pangalan para maglingkod bilang missionary. Ang pangalawang paghahayag na nakatala sa (D at T 75:23–36) ay ibinigay sa isang grupo ng mga elder na nagnanais malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanila.
Doktrina at mga Tipan 75
Ang Panginoon ay tumawag ng mga magkompanyon na missionary at tinagubilinan sila
Doktrina at mga Tipan 75:2–5. Ang mga gantimpala ng matapat na pagpapahayag ng ebanghelyo
Nangako ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala sa matatapat na nagpapahayag ng ebanghelyo, kabilang na ang karangalan, kaluwalhatian, at buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 75:5). Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang iba pang mga karagdagang pagpapala na dumarating sa atin kapag matapat nating ibinabahagi ang ebanghelyo sa ibang tao:
“Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kapayapaan at kagalakan sa ating sariling buhay, pinalalaki ang ating puso at kaluluwa alang-alang sa iba, pinalalakas ang ating pananampalataya, pinatitibay ang ating ugnayan sa Panginoon at pinalalawak ang ating pang-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo.
“Nangako ang Panginoon ng malalaking pagpapala sa atin ayon sa kung gaano natin pinagbuti ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Tatanggap tayo ng tulong mula sa kabilang tabing kapag nagaganap ang espirituwal na mga himala. Sinabi sa atin ng Panginoon na higit na mapapatawad ang ating mga kasalanan sa pagdadala natin ng mga kaluluwa kay Cristo at pananatiling matatag sa pagpapatotoo sa sanlibutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 307).
Doktrina at mga Tipan 75:27. “Ipaaalam mula sa kaitaasan … kahit saan sila tutungo”
Sa dalawang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 75, binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng panalangin sa gawaing misyonero. Ipinangako ng Panginoon na kung ang mga taong tinawag bilang mga missionary ay magtatanong sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, ang “Mang-aaliw, [ay] magtuturo sa kanila ng lahat ng bagay na kinakailangan para sa kanila” (D at T 75:10) at sasabihin sa kanila kung “saan sila tutungo” upang ipahayag ang ebanghelyo (D at T 75:27). Nagpatotoo si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag tayo ay humingi ng tulong at sinunod ang mga pahiwatig ng Espiritu, gagabayan tayo ng Panginoon sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba:
“Kailangan tayong humingi ng tulong at patnubay sa Panginoon upang maging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay para sa taong handa na—na gusto Niyang tulungan natin ngayon. Pagkatapos, kailangan tayong maging matalas sa pakikinig at sundin ang paghihikayat ng Kanyang Espiritu kung paano tayo magpapatuloy.
“Ang mga paghihikayat na iyon ay darating. Batid natin mula sa di-mabilang na personal na mga patotoo na sa sarili Niyang paraan at panahon naghahanda ang Panginoon ng mga taong tatanggap sa Kanyang ebanghelyo. Ang mga taong ito ay naghahanap, at kapag hinahangad nating matukoy sila, sasagutin ng Panginoon ang kanilang mga dasal sa pagsagot sa ating dasal. Hihikayatin Niya at gagabayan ang mga nagnanais at taimtim na naghahangad ng patnubay kung paano, saan, kailan, at kanino ibabahagi ang Kanyang ebanghelyo” (“Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Ene. 2002, 8).
Doktrina at mga Tipan 75:29. “Maging masigasig … sa lahat ng bagay”
Kasama sa utos ng Panginoon na “Maging masigasig … sa lahat ng bagay” (D at T 75:29) ang Kanyang utos sa mga tinawag na magmisyon na asikasuhin kung paano maitataguyod ang kanilang mga pamilya habang naglilingkod sila. Kung hindi nila maitataguyod ang kanilang pamilya habang nasa misyon sila, ang mga lalaking iyon ay kailangang manatili sa tahanan, pangalagaan ang kanilang pamilya, at maglingkod sa Simbahan sa kanilang lugar (tingnan sa 75:24–28). Ang maging masigasig sa lahat ng bagay ay maging matiyaga, maingat, at masipag, lalo na sa paglilingkod sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming halimbawa at payo tungkol sa pagiging masigasig. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, “Ang masigasig na paggawa ng mga bagay na pinakamahalaga ay aakay sa atin tungo sa Tagapagligtas ng sanlibutan” (“Sa mga Bagay na Pinakamahalaga” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 21).