Institute
Kabanata 20: Doktrina at mga Tipan 51–56


Kabanata 20

Doktrina at mga Tipan 51–56

Pambungad at Timeline

Ang mga Banal mula sa Colesville, New York, ay dumating sa Ohio noong Mayo 1831, at si Bishop Edward Partridge ang nag-asikaso ng kanilang matitirahan. Upang magabayan si Bishop Partridge, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51. Sa paghahayag na ito iniutos ng Panginoon kay Bishop Partridge kung paano isaayos ang pangangasiwa ng mga ari-arian at salapi sa mga Banal.

Noong Hunyo 3–6, 1831, ang mga elder ng Simbahan ay nagtipon para sa isang pagpupulong o kumperensya. Sa huling araw ng kumperensya, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52. Sa paghahayag na ito sinabi ng Panginoon na ang susunod na kumperensya ay gaganapin sa Missouri at ipinangako na Kanyang ipaaalam doon ang lugar ng lupaing mana ng mga Banal. Nagtalaga ang Panginoon ng mga elder na maglalakbay nang magkakapartner sa Missouri at tinagubilinan sila kung paano sila maglalakbay at mangangaral ng ebanghelyo. Inihayag din ng Panginoon ang huwaran para makilala ang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo.

Kasunod ng kumperensya noong Hunyo 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 53–56. Ang mga paghahayag na ito ay kinapapalooban ng mga tagubilin ng Panginoon sa ilang miyembro ng Simbahan na naninirahan sa Ohio ngunit lilipat na sa Missouri. Sa mga paghahayag na ito, nangusap ang Panginoon kina Sidney Gilbert, Newel Knight, at William W. Phelps at binigyan sila ng mga tagubilin tungkol sa mga gawain nila sa Simbahan at sa kanilang mga talento.

Noong Hunyo 1831, tinawag sina Ezra Thayre at Thomas B Marsh na magmisyon sa Missouri (tingnan sa D at T 52:22). Gayunman, dahil sa kapalaluan at kasakiman, hindi pa handa si Ezra na umalis kasama ni Thomas. Sa isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 56, pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag kay Ezra Thayre at tinawag si Selah J. Griffin na maging kompanyon ni Brother Marsh.

Mayo 14, 1831Ang mga Banal mula sa Colesville, New York, ay dumating sa Ohio at inanyayahang manirahan bilang isang grupo sa bukid ni Leman Copley sa Thompson, Ohio.

Mayo 20, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 51.

Mayo–Hunyo 1831Sinimulan ni Leman Copley ang pagpapaalis sa mga Banal na naninirahan sa kanyang lupain.

Hunyo 3–6, 1831Nagdaos ng isang kumperensya ng Simbahan sa Kirtland, Ohio. Sa kumperensya nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo, at ang mga unang high priest sa dispensasyong ito ay inorden.

Hunyo 6–15, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 52–56.

Hunyo 19, 1831Umalis sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at iba pa sa Ohio para sa kanilang unang paglalakbay papuntang Missouri.

Doktrina at mga Tipan 51: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Lake Erie harbor

Marami sa mga naunang Banal na nandayuhan mula New York patungong Ohio ang dumating na sakay ng barko sa Fairport Harbor sa dalampasigan ng Lake Erie, ilang milya lamang ang layo mula sa Kirtland.

Noong mga huling araw ng Disyembre 1830 at mga unang araw ng Enero 1831, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng mga paghahayag mula sa Panginoon na nagtatagubilin na magtipon ang mga Banal sa Ohio (tingnan sa D at T 37:1, 3; 38:32). Ang Colesville Branch, na binubuo ng mahigit 60 miyembro ng Simbahan, ay isa sa tatlong grupo ng mga Banal na aalis ng New York para magtipon sa Ohio. Umalis sila sa Colesville, New York, noong kalagitnaan ng Abril 1831 kasama sina Newel Knight bilang kanilang lider. Makalipas ang isang buwan na paglalakbay na may kasamang pagkaantala dahil sa masungit na panahon, nakarating sila sa Ohio noong mga kalagitnaan ng Mayo. Ayon kay Newel Knight, pagdating nila roon “pinayuhan sila na panatilihing magkakasama ang Colesville Branch at pumunta sa [isang] kalapit na bayan na tinatawag na Thompson, dahil isang lalaking nagngangalang [Leman] Copley ang nagmamay-ari ng malaking lupain doon na inalok niya para may matirhan ang mga Kapatid” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit nina Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 315; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan). Itinanong ni Bishop Edward Partridge kung paano tutustusan ang mga bagong dating na Banal, kaya nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon. Bilang tugon, natanggap ng Propeta noong Mayo 20, 1831 ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51.

Mapa 2: Ilang Mahahalagang Lugar sa Naunang Kasaysayan ng Simbahan
Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 51

Tinagubilinan ng Panginoon si Edward Partridge na tugunan ang mga temporal na pangangailangan ng mga Banal

Doktrina at mga Tipan 51:1–2. “[Magsaayos] alinsunod sa aking mga batas”

Itinanong ni Bishop Edward Partridge kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga temporal na pangangailangan ng mga miyembro ng Colesville Branch, at iniutos sa kanya ng Panginoon na isaayos sila “alinsunod sa aking mga batas” (D at T 51:2). Binigyan ng Panginoon ang ilan sa Kanyang mga lingkod ng awtoridad at responsibilidad na pamunuan at pangasiwaan ang espirituwal at temporal na gawain ng kaligtasan sa Simbahan. Mahalaga ang tungkuling ito na pag-organisa ng gawain; Ipinahayag ng Diyos na ang kanyang tahanan ay “isang bahay ng kaayusan, … at hindi isang bahay ng kaguluhan” (D at T 132:8; tingnan din sa D at T 88:119). Sa pagkakataong ito, inatasan si Bishop Partridge na isaayos ang mga Banal ayon sa batas ng paglalaan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga nandayuhan mula sa Colesville.

Doktrina at mga Tipan 51:3–6. “Ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge … ay magtakda sa mga taong ito ng kanilang mga bahagi, bawat tao ayon sa [kanyang pangangailangan]”

Iniutos ng Panginoon kay Bishop Edward Partridge na ipatupad ang batas ng paglalaan sa mga pamilyang nandayuhan mula sa New York at nakatira sa lupaing pag-aari ni Leman Copley. Kailangang ilaan ng mga pamilyang ito ang kanilang ari-arian at suplay “kalakip ang isang tipan at isang kasulatan” (D at T 42:30). Pagkatapos si Bishop Partridge ay “mag[ta]takda sa mga taong ito ng kanilang mga bahagi” (D at T 51:3), ibig sabihin nito ay bibigyan niya ang bawat pamilya ng bahagi ng suplay ayon sa kanilang pangangailangan, kakulangan, at kalagayan—sa ilang pagkakataon ito ay higit pa sa inilaan ng pamilya. Magbibigay ang bishop sa bawat pamilya ng isang kasulatan na nagsasaad na ang bahagi o mana na kanilang tinanggap ay dapat nilang pangasiwaan mismo. Anumang sobra ay kailangang maimbak ni Bishop Partridge at gagamitin sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan sa Simbahan.

Ang proseso ng paglalaan ng mga ari-arian ay gagawin ayon sa alituntunin ng kalayaang pumili, tulad ng ipinaliwanag noong Hunyo 1833 sa liham kay Bishop Partridge at nilagdaan nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Frederick G. Williams, at Martin Harris: “Bawat tao ay dapat na siyang magpasiya kung gaano kalaki ang dapat niyang tanggapin, at gaano kalaki ang pahihintulutan niyang iwan sa pangangasiwa ng Bishop. … Ang paglalaan na ito ay dapat gawin nang may pahintulot ng magkabilang panig—sapagkat, ang bigyan ng karapatan ang Bishop na sabihin kung gaano kalaki ang dapat tanggapin ng [bawat tao] at sumunod sa pasiya ng Bishop, ay pagbibigay ng kapangyarihan sa Bishop ng higit pa sa taglay ng isang hari, at sa kabilang banda, ang tulutan ang bawat tao na sabihin kung gaano kalaki ang kanyang pangangailangan at obligahin ang Bishop na ibigay ito sa kanya, ay pagsadlak sa Sion sa kaguluhan at pagmukhaing Alipin ang Bishop. Sa katunayan, kailangang magkaroon ng balanse o angkop na pagkakapantay-pantay ng karapatan ang bishop at ang mga tao, nang sa gayon mapanatili ang pagkakasundo at mabuting samahan sa kalipunan ninyo. Samakatwid, ang mga taong naglalaan ng ari-arian sa Bishop sa Sion, at pagkatapos ay tumatanggap din ng mana kapalit nito, ay dapat ipakita sa Bishop na tama lang ang hininihingi niya tulad ng kanyang sinasabi” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 3: February 1833–March 1834, inedit nina Gerrit J. Dirkmaat at iba pa [2014], 153; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan).

Doktrina at mga Tipan 51:15–17. “Kikilos sila sa lupaing ito sa loob ng ilang taon”

Dahil nanghina sa pananampalataya si Leman Copley at hindi tumupad sa kanyang tipan na ilaan ang kanyang lupain, natirhan lamang ng mga Banal na taga Colesville ang kanyang bukid sa Thompson, Ohio, nang ilang linggo. Inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 51:16 na alam ng Panginoon na makakapanatili lamang sila roon “sa maikling panahon.” Gayunpaman, pinayuhan niya ang mga Banal na magtrabaho at mamuhay na parang magtatagal sila roon nang maraming taon. Sinunod ng karamihan sa mga Banal na taga Colesville ang mga tagubiling ito. Sa maikling panahong pananatili nila ay hinawan nila ang lupa, nagtanim, at nagsimulang magtayo ng mga bahay, na naiwan ding lahat nang paalisin sila ni Leman Copley. Kalaunan tinagubilinan ng Panginoon ang Colesville Branch na lumipat sa Missouri upang tumulong na pagtatatag ng saligan ng Sion (tingnan sa D at T 54; 58:6–7).

kabukiran ni Leman Copley, Thompson, Ohio

Lugar ng bukid ni Leman Copley sa Thompson (na ngayon ay Madison), Ohio, kung saan inanyayahan niyang manirahan ang mga Banal mula sa Colesville, New York.

Doktrina at mga Tipan 51:19. “Isang matapat, makatarungan at matalinong katiwala”

Ang mga Banal mula sa Colesville Branch ay maraming isinakripisyo nang lisanin nila ang kanilang mga tahanan sa New York at lumipat sa Ohio gaya ng iniutos ng Panginoon. Hindi pa sila nagtatagal doon ay pinalayas na sila sa lupain ni Leman Copley at sinabihang lumipat muli—sa pagkakataong ito mga 900 milya (1,448 kilometro) pakanluran patungong Jackson County, Missouri. Ang pangako na “kung sinuman ang matatagpuang isang matapat, makatarungan at matalinong katiwala ay papasok sa kagalakan ng kanyang Panginoon, at magmamana ng buhay na walang hanggan” (D at T 51:19) ay tiyak na nakatulong na mapalakas ang pagtitiwala ng mga Banal sa Panginoon sa mahirap na panahong ito.

Sa Doktrina at mga Tipan, ang mga salitang katiwala at pangangasiwa ay may kaugnayan sa batas ng paglalaan at tumutukoy sa mga suplay o mga lupain na ibinigay ng Panginoon sa mga taong inilaan ang lahat sa ilalim ng tipan. Itinuro Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pangangasiwa ay mga personal na responsibilidad at mga tungkulin din natin:

“Tayo ay nabubuhay sa mga panahong mapanganib kung kailan marami ang naniniwala na hindi tayo mananagot sa Diyos at wala tayong personal na pananagutan o pangangasiwa sa ating sarili o sa iba. Marami sa mundo ang nakatuon sa pansariling kasiyahan, inuuna ang sarili, at maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa kabutihan. Hindi sila naniniwala na sila ang tagapagbantay ng kanilang kapatid. Gayunpaman, sa Simbahan naniniwala tayo na ang mga pangangasiwang ito ay sagradong pagtitiwala. …

“… Ang mga alituntunin ng pagkakaroon ng pananagutan at pangangasiwa ay napakahalaga sa ating doktrina.

“Sa Simbahan, ang pangangasiwa ay hindi limitado sa temporal na pagtitiwala o responsibilidad. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: ‘Tayo ang tagapangasiwa ng ating mga katawan, isipan, pamilya, at ari-arian. … Ang isang matapat na tagapangasiwa ay yaong namamahala nang matwid, nangangalaga sa sariling pamilya, at nagmamalasakit sa mahihirap at nangangailangan’ [‘Welfare Services: The Gospel in Action,’ Ensign, Nob. 1977, 78]. …

“Tungkol sa ating pangangasiwa sa ating mga pamilya, may ilang nagturo na kapag nag-ulat tayo sa Tagapagligtas at inutusan Niya tayo na magbigay-sulit sa mga responsibilidad natin dito sa mundo, dalawang mahahalagang tanong ang may kinalaman sa ating mga pamilya. Ang una ay ang kaugnayan natin sa ating asawa, at ang pangalawa ay ang tungkol sa bawat isa sa ating mga anak. …

“Sa lahat ng pagsisikap natin na mangasiwa, sinusunod natin si Jesucristo. Sinisikap nating sundin ang ipinagagawa Niya, kapwa ang Kanyang mga turo at Kanyang halimbawa. …

“Inaasam ko na pag-iisipang muli ng bawat isa sa atin at bilang pamilya ang mga pangangasiwa na may responsibilidad tayo at pananagutan. Dalangin ko na gawin natin ito nalalamang mananagot tayo sa Diyos sa huli” (“Pangangasiwa—Isang Sagradong Pagtitiwala” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 91, 93–94).

Doktrina at mga Tipan 52: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sa katapusan ng Mayo 1831, halos lahat ng mga miyembro ng Simbahan sa New York mula sa Palmyra, Fayette, at Colesville ay lumipat na sa Ohio bilang pagsunod sa utos ng Panginoon. Noong Hunyo 3–6, 1831, nagdaos ng isang pangkalahatang kumperensya ang Simbahan sa sunud-sunod na pagpupulong sa Kirtland, Ohio. Ang kumperensyang ito ay maaaring katuparan ng paghahayag na ibinigay noong Pebrero 1831 kung saan sinabi ng Panginoon na “ang mga elder ng aking simbahan ay pisanin, mula sa silangan at mula sa kanluran, at mula sa hilaga at mula sa timog” (D at T 44:1). Kung ang mga elder ay naging tapat at nananampalataya, nangako ang Panginoon na “ibubuhos [Niya] ang [Kanyang] Espiritu sa kanila” (D at T 44:2).

Sa kumperensya “ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan na lubos na ikinagalak ng mga banal” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 118, josephsmithpapers.org). Nagpatotoo ang ilan na nakita nila ang Diyos sa pangitain habang nasa pulong (tingnan sa The Life of Levi Hancock, sinipi sa Karl Ricks Anderson, Joseph Smith’s Kirtland: Eyewitness Accounts [1989], 107–8). Sinabi ni Lyman Wight na nasaksihan niya “ang mga nakikitang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos na kasinglinaw marahil nang nangyari noon sa araw ng Pentecostes,” na kinapapalooban ng “pagpapagaling sa maysakit, pagpapalayas ng mga demonio, pagsasalita sa di-kilalang wika, paghiwatig ng mga espiritu, at pagpopropesiya nang may dakilang kapangyarihan” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 322; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan). Isinulat ng mananalaysay ng Simbahan na si John Whitmer: “Ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan kay Joseph [Smith] sa isang kakaibang paraan. At [si Joseph Smith] ay nagpropesiya na si Juan na Tagapaghayag ay kasama sa sampung lipi ni Israel … upang ihanda sila sa kanilang pagbabalik mula sa matagal nilang pagkakawatak-watak” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, inedit ni Karen Lynn Davidson at iba pa [2012], 39; ang pagbabaybay at pagpapalaki ng mga titik ay iniayon sa pamantayan).

Inorden din ni Propetang Joseph Smith sa kumperensya ang ilan sa mga elder sa katungkulan ng high priest. Ito ang unang pag-oorden sa katungkulan ng high priest sa ipinanumbalik na Simbahan. Sinabi ng Propeta, “Malinaw na binigyan tayo ng Panginoon ng kapangyarihan ayon sa gawaing dapat gawin, at lakas ayon sa gawaing nasa ating harapan, at awa at tulong ayon sa ating mga pangangailangan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 413).

Bagama’t ang mga miyembro ng Simbahan sa kumperensya ay may masayang espirituwal na karanasan, itinala ni John Whitmer na naroon din ang kaaway: “Habang ibinubuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa kanyang mga tagapaglingkod, sinasamantala rin ng Diyablo ang pagkakataon na ipakita ang kanyang kapangyarihan, [at] iginapos niya si Harvey Whitlock … upang hindi siya makapagsalita.” Inihayag ng Panginoon ang pakana ng kaaway sa Propeta, at na “inutusan [ni Joseph] ang demonyo sa pangalan ni Cristo at ito ay lumisan na aming ikinagalak at ikinapanatag” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, 40–41; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan).

Sa huling araw ng kumperensya, Hunyo 6, tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52. Makalipas ang ilang taon ay isinulat niya sa isang pahayagan ng Simbahan na natanggap ang paghahayag na ito “sa pamamagitan ng isang makalangit na pangitain” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 327).

Doktrina at mga Tipan 52

Iniutos ng Panginoon sa ilang lider ng Simbahan na maglakbay sa Missouri at magbigay ng huwaran na susundin o tutularan upang maiwasan ang panlilinlang

Doktrina at mga Tipan 52:1–5. “Ang lupain na inyong mana”

Nang ibinigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52, sabik na inasam ng mga Banal ang pagtatayo ng lunsod ng Sion, na ipinropesiya sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Eter 13:3–6; D at T 28:9; Moises 7:62). Sa isang paghahayag na ibinigay noong Marso 1831, nangako ang Panginoon na ihahayag niya ang lugar ng lupain na bibilhin ng mga Banal bilang mana (tingnan sa D at T 48:4–6). Sila ay titipunin sa lupaing ito at itatayo ang lunsod ng Sion, o Bagong Jerusalem. Ang lunsod na ito ay maging isang lugar ng kanlungan at kaligtasan para sa mga Banal (tingnan sa D at T 45:64–71). Noong Hunyo 1831 iniutos ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na magpunta sa Missouri at magdaos ng susunod na kumperensya ng Simbahan doon. Pagkarating doon, kung sila ay tapat, nangako ang Panginoon na ihahayag ang lupaing kanilang mana. Kahit na sinabi ng Panginoon sa mga Banal na kasalukuyang tinitirhan ng “mga kaaway” ang lupain, ipinangako Niyang “mamadaliin ang lunsod [ang Sion] sa kanyang panahon” (D at T 52:42–43). Ang pagtukoy ng Panginoon sa mga kaaway ng mga Banal ay pagbadya sa pagsalungat at pagkapoot na mararanasan ng mga miyembro ng Simbahan mula sa mga lokal na residente ng Missouri kapag nagsimula na silang magtipon sa Jackson County, Missouri.

Doktrina at mga Tipan 52:9–10, 33–34. Ituro ang inihayag sa mga apostol at mga propeta

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52, tumawag ang Panginoon ng 26 na kalalakihan, bukod pa kay Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon, na maglalakbay bilang mga missionary sa Missouri. Sila ay inutusang maglakbay nang halos 900 milya (1,448 kilometro) sa iba’t ibang ruta, nangangaral at nagbibinyag habang nasa daan. Iniutos ng Panginoon sa kanila na magturo ng “wala nang ibang bagay kundi ang mga isinulat ng mga propeta at apostol, at ang yaong mga itinuro sa kanila ng Mang-aaliw sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya” (D at T 52:9; tingnan din sa Mosias 18:18; 25:21–22). Hinikayat din ng mga propeta sa mga huling araw ang mga miyembro ng Simbahan na umasa sa mga salita ng mga propeta at sa patnubay ng Espiritu Santo sa pagtuturo ng doktrina ng ebanghelyo.

Sa kanyang pagsasalita sa mga tagapagturo ng relihiyon sa Simbahan, itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) ng Unang Panguluhan:

“Ang inyong pangunahing gawain, ang mahalaga sa lahat at natatanging tungkulin ninyo, ay ituro ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo dahil iyon ay inihayag sa mga huling araw na ito. Ituturo ninyo ang ebanghelyong ito na gamit bilang inyong mga mapagkukunan at batayan ang mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan at ang mga salita ng mga tinawag ng Diyos na mamuno sa Kanyang mga tao sa mga huling araw na ito. Hindi ninyo … ipipilit na isama sa inyong gawain ang sarili ninyong kakaibang pilosopiya, anuman ang pinagmulan nito o gaano man ito kalugud-lugod o makatwiran para sa inyo. …

“Hindi ninyo … dapat baguhin ang mga doktrina ng Simbahan o ibahin ang mga ito sapagka’t ang mga ito ay inihayag ayon sa pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan ng Simbahan at ng mga tao na nagtataglay ng awtoridad na ipahayag ang isipan at kalooban ng Panginoon sa Simbahan” (The Charted Course of the Church in Education, binagong edisyon [booklet 2004; mensahe Church Educational System religious educators, Ago. 8, 1938], 10).

Doktrina at mga Tipan 52:14–21. “Ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay”

Sa kumperensya na ginanap noong Hunyo 3–6, 1831, nasaksihan ng mga elder ng Simbahan ang pagkakaiba ng ipinapakita ng kasamaan at ng kapangyarihan ng Diyos. Sa huling araw ng kumperensya, inihayag ng Panginoon sa mga elder ang huwaran para makita ang pagkakaiba ng mga manlilinlang o impostor sa mabubuting tagapaglingkod ng Diyos (tingnan sa D at T 52:14–21). Nagbigay siya ng halimbawa ng mga bunga ng mga taong gumagawa o kumikilos na taglay ang Espiritu ng Diyos. Kasama pa ng mga naunang tagubilin (tingnan sa D at T 43:1–7; 46:7–8; 50:1–25), nakatulong ang paghahayag na ito na mabawasan ang kalituhan sa mga lider at miyembro ng Simbahan tungkol sa mga mapanlinlang na espiritu at ang labis na inaasal at ikinikilos o pagsamba ng mga nananampalataya. Itinuro ni Elder Paul E. Koelliker ng Pitumpu:

“Noong Hunyo ng 1831, nang tawagin ang mga lider ng Simbahan noong araw, sinabihan si Joseph Smith na ‘si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot na nililinlang ang mga bansa.’ Upang mapaglabanan ang nakagagambalang impluwensyang ito, sinabi ng Panginoon na bibigyan Niya tayo ng ‘isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi [tayo] malinlang’ (D at T 52:14).

“Ang mga huwaran ay mga paggagayahan, mga gabay, paulit-ulit na mga hakbang, o mga landas na sinusundan ng isang tao para manatiling nakaayon sa layunin ng Diyos. Kung susundin natin ang mga ito, mananatili tayong mapagpakumbaba, nakamasid, at mahihiwatigan natin ang tinig ng Banal na Espiritu mula sa mga tinig na gumagambala at umaakay sa atin palayo” (“Talagang Mahal Niya Tayo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 16).

Doktrina at mga Tipan 52:33–34. “Siya na matapat, siya rin ay pangangalagaan at pagpapalain ng maraming bunga”

Ang mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay sila patungong Missouri ay pinangakuan na kung sila ay tapat ay gagabayan sila ng Panginoon na nagbabantay sa kanila at pagpapalain sila “ng maraming bunga” (D at T 52:34). Si Bishop Edward Partridge ay isa sa mga tinawag na iwanan ang kanyang pamilya at maglakbay patungong Missouri. Si Lydia, asawa ni Bishop Partridge, “ay nag-iwan ng tala tungkol sa kalagayan nila nang matanggap ng kanyang asawang si Edward ang atas na ito sa isang paghahayag. Lahat ng kanilang mga anak ay nahawa ng tigdas mula sa ilan sa mga nagsidating na miyembro mula New York na nakituloy sa kanilang pamilya. Isinulat niya na ang kanilang ‘panganay na anak na babae ay nagkasakit ng pulmonya, at habang nasa malubha itong kalagayan, tinawag ang aking asawa sa pamamagitan ng paghahayag na pumunta sa Missouri kasama ang iba pa para maghanap ng lugar na pagtitipunan ng mga Banal, at inisip ng mga hindi naniniwala na walang matinong tao ang aalis sa ganitong kalagayan. At naisip ko na may dahilan ako para isipin na nagsimula na ang mga pagsubok ko, at nangyari nga [ang mga iyon], ngunit ang mga pagsubok na ito tulad ng iba pa ay nasundan ng mga pagpapala dahil gumaling ang aming anak.’ (Partridge, Genealogical Record, 6.)” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 330).

Doktrina at mga Tipan 52:39–40. “Alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan”

Ang mga elder ng Simbahan na hindi inatasang magpunta sa misyon ay inatasang kalingain ang mga miyembro ng Simbahan, at higit sa lahat, “alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap” (D at T 52:40). Ipinaliwanag ng Panginoon na ang pangangalaga sa mga maralita at maysakit ay isang katangian ng Kanyang mga disipulo. Sa Kanyang mortal na ministeryo, ang Tagapagligtas ay kumalinga sa mga may karamdaman at naghihirap, at pinagaling at pinanatag ang mga ito. Naglingkod siya sa mga maralita at nangangailangan, kinalinga sila sa pisikal at espirituwal. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung ano ang magagawa natin upang alalahanin ang mga nangangailangan:

“Sa sama-samang pag-alaala sa mga maralita, nangangailangan, at mga naaapi sa harapan ng Panginoon ay nagkakaroon, nang hindi sinasadya ngunit makatotohanan, ng higit na pag-ibig sa kapwa kaysa sa sarili, ng paggalang sa iba, ng hangaring maglingkod sa mga pangangailangan ng iba. Hindi maaaring hilingin ng isang tao sa Diyos na tulungan ang isang kapitbahay na nababagabag nang hindi nahihikayat na gumawa ng kahit ano para matulungan ang kapitbahay na iyon. …

“Narinig kong sinabi ng isang tao noong makalawa, ‘Binago ko ang mga sinasabi ko sa aking panalangin. Sa halip na sabihing, ‘Pagpalain ang dukha at ang mga maysakit at nangangailangan,’ ang sinasabi ko ngayon ay, ‘Ama, ipakita po Ninyo sa akin kung paano ko tutulungan ang mga maralita at ang mga maysakit at nangangailangan, at bigyan ninyo ako ng matibay na pananalig na magawa ito’” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 457–58).

Doktrina at mga Tipan 53: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Si Sidney Gilbert ay kasosyo ni Newel K. Whitney sa N. K. Whitney and Company store sa Kirtland, Ohio. Kabilang si Sidney at kanyang pamilya sa mga miyembrong sumapi sa Simbahan sa Kirtland. Noong Hunyo 8, 1831, dalawang araw pagkatapos ng kumperensya ng Simbahan, nilapitan ni Sidney Gilbert ang Propeta para malaman kung ano ang nais ng Panginoon na gawin niya. Nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 53.

lugar ng Gilbert and Whitney store, Independence, Missouri

Si Sidney Gilbert ay kasosyo ni Newell K. Whitney sa negosyo. Matapos lumipat sa Missouri ang ilan sa mga Banal, nagtayo siya ng tindahan ng Simbahan sa lugar na ito sa Independence, Missouri.

Doktrina at mga Tipan 53

Tinawag ng Panginoon si Sidney Gilbert upang ipangaral ang ebanghelyo at maglakbay papuntang Missouri

Doktrina at mga Tipan 53:1–4. “Talikdan ang sanlibutan”

Si Sidney Gilbert ay umalis ng Kirtland, Ohio, noong mga huling araw ng Hunyo 1831 para sundin ang utos ng Panginoon na ipangaral ang ebanghelyo at maging “isang kinatawan” ng Simbahan (D at T 53:4). Pagdating niya sa Missouri noong tag-init ng 1831, nagtayo siya ng isang mercantile store at, bilang isang kinatawan ng Simbahan, tumulong kay Bishop Edward Partridge sa pagbili ng lupa para sa mga pangangasiwa at gusali ng Simbahan (tingnan sa D at T 57:6, 8). Iniutos ng Panginoon kay Sidney na “talikdan ang sanlibutan” ( D at T 53:2); kailangang sundin niya ang mga kautusan, iwan ang kanyang negosyo sa Kirtland at magtungo ng Missouri, at gamitin ang kanyang talento sa pagnenegosyo upang makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupain ng Sion. Ang utos ng Panginoon na talikdan ang sanlibutan ay hindi nangangahulugang ihihiwalay na ni Sidney ang kanyang sarili mula sa sanlibutan. Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Sa Simbahan, madalas nating binabanggit ang mga katagang: ‘Mamuhay sa mundo ngunit hindi mamumuhay tulad ng mga nasa mundo.’ …

“Marahil, dapat nating banggitin ang mga kataga … bilang dalawang magkahiwalay na utos. Una, ‘Mamuhay sa mundo.’ Makibahagi; magkaroon ng kabatiran. Sikaping maging maunawain at mapagparaya at pahalagahan ang pagkakaiba-iba. Gumawa ng mga makabuluhang kontribusyon sa lipunan sa pamamagitan ng paglilingkod at pakikibahagi. Pangalawa, ‘Hindi mamumuhay tulad ng mga nasa mundo.’ Huwag sumunod sa mga maling landas o magbago para lang makibagay o tanggapin ang hindi tama.

“… Sa kabila ng lahat ng kasamaan sa mundo, at sa kabila ng lahat ng pagsalungat sa kabutihan na nakikita natin sa lahat ng dako, hindi natin dapat tangkaing ialis ang ating sarili o ang ating mga anak sa daigdig. Sinabi ni Jesus, ‘Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura,’ o pampaalsa. (Mat. 13:33.) Kailangan nating patatagin ang daigdig at tulungan ang lahat na manaig laban sa lahat ng kasamaan na nakapalibot sa atin” (“ The Effects of Television, ” Ensign, Mayo 1989, 80).

Doktrina at mga Tipan 54: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Noong dumating sa Kirtland, Ohio ang mga Banal mula sa Colesville, New York, noong Mayo 1831, pinayuhan silang pumunta sa kalapit na lugar ng Thompson, “dahil isang lalaking nagngangalang [Leman] Copley ang nagmamay-ari ng malaking lupain doon at inalok niyang patirahin doon ang mga Kapatid” (Newel Knight, sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 315; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan). Noong una ay pumayag si Leman na patirahin ang mga Banal na taga New York sa kanyang lupain kapalit ng paglilinang at pagpapaganda nila sa kanyang lupain. Pagdating nila, kaagad nagsimula ang mga miyembro ng Colesville na taniman at tayuan ng mga bahay ang 759-acre na bukid. Di nagtagal, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51, na nag-uutos sa mga nakatira sa Thompson na ipamuhay ang batas ng paglalaan.

Nang simulang tirahan ng mga Banal ang kanyang lupain, sumama si Leman Copley sa iba pang mga missionary sa pagpunta sa North Union, Ohio, upang ipangaral ang ebanghelyo sa United Society of Believers in Christ’s Second Appearing (Shakers), isang sekta ng relihiyon na kinabilangan ni Leman bago siya sumapi sa Simbahan (tingnan sa D at T 49). Hindi nagtagumpay ang misyon, at nagsimulang pagdudahan ni Leman ang kanyang patotoo tungkol sa mensahe ng ipinanumbalik na Simbahan. Kalaunan, sumangguni siya kay Ashbel Kitchell, ang lider ng mga Shaker, at magkasama silang nagpunta sa bukid ni Leman at sinabihan ang mga Banal na kailangan na nilang umalis. Sinira ni Leman ang tipang ginawa niya sa Panginoon na ilaan ang kanyang bukid. Itinala ni Joseph Knight Jr. na sa kabila ng magandang pagbabagong ginawa ng mga Banal sa maikling panahon na tumira sila roon, “kinailangan naming iwan ang bukid [ni Copley] at magbayad ng animnapung dolyar bilang danyos” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 335). Dahil hindi alam ang gagawin, pumunta sina Newel Knight at ang iba pang mga elder ng grupong mula sa Colesville sa Propeta para humingi ng payo. Nagtanong si Joseph sa Panginoon noong Hunyo 10, 1831, at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 54.

Doktrina at mga Tipan 54

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na taga Colesville na lisanin ang Ohio, at lumipat sa Missouri

Doktrina at mga Tipan 54:3–6. Ang nasirang tipan ay “walang halaga at walang bisa”

Ang desisyon ni Leman Copley na paalisin ang mga miyembro ng Colesville Branch mula sa kanyang lupain ay desisyon din na sirain ang sagradong tipan na ginawa niya na pagbibigay ng lahat ng kanyang ari-arian sa Panginoon. Ang mga Banal mula sa New York ay nakipagtipan din na ilaan ang lahat ng mayroon sila (tingnan sa D at T 51). Sa kasamaang palad, dahil sa pag-ayaw ni Leman na tuparin ang kanyang tipan, imposible nang matupad ng mga Banal na taga Colesville na tuparin ang kanilang tipan; dahil dito, ipinahayag ng Panginoon na ang tipan ay “walang halaga at walang bisa” (D at T 54:4). Ipinahiwatig ng Panginoon ang masamang kahihinatnan ng mga sumira sa kanilang mga tipan at ang awang ipinangako sa lahat ng mga tumupad sa kanilang mga Tipan (tingnan sa D at T 54:5–6).

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan:

“Tanging ang mga gumagawa at tumutupad ng tipan ang makapag-aangkin ng pinakamataas na mga pagpapala ng kahariang selestiyal. Oo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagtupad ng tipan, pinag-uusapan natin ang puso at pinakadiwa ng ating layunin sa mortalidad.

“Ang tipan ay isang may bisang espirituwal na kasunduan, isang taimtim na pangako sa Diyos na ating Ama na mamumuhay at mag-iisip at kikilos tayo sa isang partikular na paraan—ang pamamaraan ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Bilang kapalit, ipinapangako sa atin ng Ama, Anak, at ng Espiritu Santo ang ganap na kaluwalhatian ng buhay na walang-hanggan. …

“… Kung talagang gusto nating magtagumpay sa ating mga tungkulin, kung gusto nating makamtan ang bawat tulong at bawat benepisyo at bawat pagpapala mula sa Ama, kung gusto nating mabuksan ang pintuan ng langit sa atin upang matanggap ang mga kapangyarihan ng kabanalan, kailangan nating tupdin ang ating mga tipan!” (“Keeping Covenants: A Message for Those Who Will Serve a Mission,” New Era, Ene. 2012, 2–4).

Doktrina at mga Tipan 54:7–10. “Humayo ngayon at lisanin ang lupain”

Matapos iwan ang kanilang mga tahanan sa New York noon lamang nakaraang buwan, ang mga miyembro ng Colesville Branch ay wala na namang matirhan. Bilang sagot sa problemang ito, iniutos muli ng Panginoon na lumipat sila—sa pagkakataong ito sa Missouri, halos 900 milya (1,448 kilometro) ang layo. Kahit mahirap ang utos na ito para sa grupong ito na may mahigit sa 60 matatapat na miyembro ng Simbahan, sinabi ng Panginoon sa mga Banal na maging “mapagtiis sa pagdurusa hanggang sa pagparito ko” at sinabing, “Masdan, ako ay kaagad na paparito, at ang aking panggantimpala ay dala ko” (D at T 54:10). Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, nilisan ng mga Banal na taga Colesville, sa pamumuno ni Newel Knight ang Ohio at dumating sa Independence, Missouri, sa katapusan ng Hulyo 1831. Kabilang sila sa mga unang Banal sa mga Huling Araw na nagtipon sa lupain ng Sion.

Doktrina at mga Tipan 55: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

William W. Phelps

Si William W. Phelps ay isang manunulat, editor ng pahayagan, at publisher nang mabinyagan siya sa Simbahan noong Hunyo 1831.

Habang naghahanda si Propetang Joseph Smith sa pagpunta sa Missouri noong Hunyo 1831, dumating si William W. Phelps sa Kirtland, Ohio, mula sa Canandaigua, New York. Si William ay nagtrabaho bilang isang editor ng pahayagan, manunulat, at manlilimbag. Noong Abril 1830, bumili si William ng kopya ng Aklat ni Mormon mula kay Parley P. Pratt. Matapos basahin at ikumpara ang Aklat ni Mormon sa Biblia, nagpasiya siyang sumapi sa ipinanumbalik na Simbahan. Isinulat niya kalaunan, “Bagama’t ang katawan ko ay hindi nabinyagan sa simbahang ito hanggang noong … Hunyo, 1831, gayon pa man naroon ang puso ko simula nang mabasa ko ang Aklat ni Mormon” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 337). Pagkarating ni William sa Kirtland kasama ang kanyang asawa at mga anak, itinanong ng Propeta sa Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil kay William Phelps at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 55. Matapos matanggap ng Propeta ang paghahayag na ito noong Hunyo 14, 1831, bininyagan at inorden na elder si William W. Phelps. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagpunta siya sa Missouri kasama ang propeta upang manirahan doon at simulan ang gawaing tinawag siyang gawin.

Doktrina at mga Tipan 55

Tinagubilinan ng Panginoon si William Phelps tungkol sa kanyang tungkulin sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 55:4. “Ang gawain ng paglilimbag, at ng pagpili at pagsulat ng mga aklat”

Si William W. Phelps ay isang halimbawa kung paano inihahanda ng Panginoon ang mga tao upang itayo ang Kanyang kaharian kung sila ay handang sumunod sa Kanya. Iniutos ng Panginoon kay William na gamitin ang kanyang mga talento at karanasan bilang isang manunulat, editor, at publisher para tulungan si Oliver Cowdery “sa gawain ng paglilimbag, at ng pagpili at pagsulat ng mga aklat para sa mga paaralan ng simbahang ito” (D at T 55:4). Maraming naisulat si William para sa Simbahan pati na sa pagpapalathala at pagpapalimbag ng mga sulatin nito. Sa Missouri, inilimbag niya ang Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments] at ang unang pahayagan ng Simbahan, The Evening and the Morning Star. Kalaunan ay tumulong siya na maihanda at mailimbag ang 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan at ang unang himnaryo ng Simbahan. Isinulat din niya ang mga titik ng maraming himno ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang “Espiritu ng Diyos,” “Purihin ang Propeta,” at “Manunubos ng Israel.”

Doktrina at mga Tipan 56: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Si Ezra Thayre ay isa sa mga naunang sumapi sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Matapos lumipat mula sa New York patungong Kirtland, Ohio, si Thayre ay inatasan na manirahan at magtrabaho kasama si Joseph Smith Sr. sa sakahan ni Frederick G. Williams, na nasa misyon sa Missouri. Noong Hunyo 6, 1831, iniutos ng Panginoon kina Thomas B. Marsh at Ezra Thayre na maglakbay patungo sa Missouri at mangaral habang nasa daan (tingnan sa D at T 52:22). Siyam na araw kalaunan, handa nang lumisan si Thomas kasama ang iba pang mga elder na maglalakbay papuntang Missouri. Gayunman, hindi pa handa si Ezra, kaya walang kasama si Thomas. Kinausap ni Thomas si Propetang Joseph Smith, at ninais na malaman kung ano ang gagawin. Nagtanong ang propeta sa Panginoon noong Hunyo 15, 1831, at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 56. Hindi malinaw kung ano ang humadlang kay Ezra Thayre sa pagtupad sa kanyang misyon. Gayunman, sa paghahayag kay Joseph Smith, iniutos ng Panginoon kay Ezra na “magsisi sa kanyang kapalaluan at sa kanyang kasakiman at sundin ang naunang kautusan” na ibinigay sa isang paghahayag hinggil sa kanyang mga tungkulin sa bukid ni Frederick G. Williams (D at T 56:8). Nakasaad rin sa paghahayag na “walang paghahati-hating gagawin sa lupain [ni William]” (D at T 56:9). Maaaring may binayaran si Ezra Thayre sa utang na pinambili sa lupain kaya gusto niyang magkaroon ng legal na titulo sa isang bahagi ng bukid. Marahil dahil sa matinding pagnanais na masiguro ang kanyang pinansiyal na kapakanan ay nawalan siya ng pagnanais na umalis kasama ni Thomas B. Marsh sa kanilang misyon sa Missouri. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 309–14, 339–40.)

Doktrina at mga Tipan 56

Pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag sa misyon ni Ezra Thayre at binalaan ang mga Banal tungkol sa kasakiman at kapalaluan

Doktrina at mga Tipan 56:4–7. “Dahil dito ako, ang Panginoon ay nag-uutos at nagpapawalang-bisa, sa inaakala kong mabuti”

Maaari ding magpahayag at magpawalang-bisa ang Diyos ng mga kautusan, subalit iginagalang Niya ang ating kalayaan at tinutulutan tayong piliing sundin o suwayin ang Kanyang mga utos. Kapag sinusuway natin ang mga utos ng Panginoon, tayo ay Kanyang pananagutin. Isipin kung paano inilarawan sa mga kasunod na halimbawa ang pahayag na “Ako, ang Panginoon ay nag-uutos at nagpapawalang-bisa, sa inaakala kong mabuti” (D at T 56:4): Dahil hinayaan ni Ezra Thayre na hadlangan ng mga alalahanin ng mundo ang pagtupad sa kanyang misyon, pinawalang-bisa ng Panginoon ang kanyang tungkulin at tumawag ng ibang makakasama ni Thomas B. Marsh (tingnan sa D at T 56:5, 8). Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na taga Colesville na tumira sa Thompson, Ohio, ngunit dahil sinira ni Leman Copley ang kanyang pangako na papayagang mamalagi ang mga Banal sa kanyang lupain, iniutos ng Panginoon na maglakbay sila papuntang Missouri (tingnan sa 54:7–8). Si Newel Knight ay tinawag sa misyon (tingnan sa D at T 52:32), ngunit pinawalang-bisa ng Panginoon ang tawag na iyon at sinabi sa kanya na patuloy na pamunuan ang mga Banal na taga Colesville at tulungan silang lumipat sa Missouri (tingnan sa D at T 54, section heading; D at T 54:2, 7–8). Matapos ipawalang-bisa ng Panginoon ang utos kay Newel na ipangaral ang ebanghelyo na kasama si Selah Griffin, iniutos Niya kay Selah na kay Thomas B. Marsh na lang sumama sa Missouri (tingnan sa D at T 56:5–6).

Doktrina at mga Tipan 56:14–18. “Marami kayong bagay na gagawin at pagsisisihan”

Tinukoy ng Panginoon ang mga kasalanan na kailangang pagsisihan ng mga Banal na humadlang sa pagpapamuhay nila sa batas ng paglalaan. Sa halip na hangaring gawin ang kalooban ng Panginoon at itayo ang Kanyang Simbahan at kaharian ayon sa Kanyang mga pamamaraan, ang hinangad nila ay ang sariling kagustuhan.

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang dalisay na puso ay halimbawa ng dalisay na kaluluwa. Sila ang mga tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa mga tubig ng binyag; na, matapos ang binyag, ay namuhay sa paraang mapapanatili nila ang kapatawaran ng mga kasalanan; na ang mga kasalanan na nasa kanilang mga kaluluwa ay tinulutang tupukin ng apoy sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sila ay may takot sa Diyos at mabubuting kaluluwa; at dahil sa pagiging dalisay, ay naging marapat na makita at makasama ang iba pang dalisay na mga nilalang, na ang namumuno ay ang Panginoon ng Kadalisayan” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 492).