Kabanata 10
Doktrina at mga Tipan 23–25
Pambungad at Timeline
Sa loob ng ilang araw pagkatapos maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830, limang indibiduwal ang lumapit kay Propetang Joseph Smith na nagnanais na malaman ang kanilang mga tungkulin sa ipinanumbalik na Simbahan. Isang personal na sagot ang ibinigay sa bawat isa sa kanila sa magkakasunod na limang paghahayag na kalaunan ay pinagsama sa Doktrina at mga Tipan 23.
Noong Hunyo at Hulyo 1830, nagkaroon ng pag-uusig sa Colesville, New York, laban kay Propetang Joseph Smith at iba pang mga miyembro ng Simbahan. Sa mahirap na panahong ito pinalakas ng Panginoon ang Propeta at si Oliver Cowdery sa pagbibigay sa kanila ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 24, kung saan sila ay tinagubilinan na maging matiisin sa mga paghihirap at patuloy na ituro at ihayag ang ebanghelyo.
Si Emma Smith, ang asawa ng Propeta, ay bininyagan noong Hunyo 28, 1830. Dahil sa pag-uusig noong panahong iyon napilitang ipagpaliban ang kanyang kumpirmasyon hanggang halos dalawang buwan ang lumipas, noong Agosto. Noong Hulyo 1830, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 25 kay Emma. Sa paghahayag na ito sinabi ng Panginoon kay Emma na siya ay isang hinirang na babae at nagbigay sa kanya ng mga tagubilin hinggil sa kanyang pamilya at mga responsibilidad sa Simbahan.
-
Abril 6, 1830Inorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
-
Abril 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 23.
-
Hunyo 9, 1830Ginanap ang unang kumperensya ng Simbahan sa tahanan ni Peter Whitmer Sr.
-
Hunyo 28, 1830Bininyagan si Emma Smith.
-
Hunyo 28–Hulyo 2, 1830Si Joseph Smith ay dinakip at pinawalang-sala sa paratang na mapaggawa ng gulo sa South Bainbridge, New York, at muli sa Colesville, New York.
-
Hulyo 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 24.
-
Hulyo 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 25.
-
Agosto 1830Kinumpirma si Emma Smith bilang miyembro ng Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 23: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Abril 1830, matapos maorganisa ang Simbahan, tumanggap sina Oliver Cowdery, Hyrum Smith, Samuel H. Smith, Joseph Smith Sr., at Joseph Knight Sr. ng mga indibiduwal na paghahayag mula sa Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nang unang ilathala ang mga banal na tagubilin sa Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan] noong 1833, itinala ang mga ito sa limang magkakahiwalay na paghahayag. Gayunpaman, simula nang mailathala ang Doktrina at mga Tipan noong 1835, ang mga ito ay pinagsama sa iisang bahagi o section.
Doktrina at mga Tipan 23
Bilang sagot sa kanilang mga naisin, inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa limang lalaki
Doktrina at mga Tipan 23:1–2. “Subalit mag-ingat sa kapalaluan, upang huwag kang matukso”
Naging kasangkapan si Oliver Cowdery sa pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon, at di pa natatagalan nang siya ay maordenan bilang pangalawang elder ng Simbahan (tingnan sa D at T 20:3) nang matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 23. Gayunman, ang Panginoon, dahil nalalaman ang mga kalakasan at kahinaan ni Oliver, ay pinayuhan siya na mag-ingat sa kapalaluan. Hinggil sa payo na ito, sinabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan: “Napakatalino ni Oliver at nagtamasa ng mga kahanga-hangang pagpapalang espirituwal. Gayunman, sa paglipas ng panahon nalimutan niya ang babala ng Panginoon, at pumasok ang kapalaluan sa kanyang puso. Sinabi kalaunan ni Brigham Young tungkol sa kapalaluang ito: ‘Nakakita na ako ng mga kalalakihan na kabilang sa kahariang ito, at talagang inakala nila na kung lalayo sila rito, ay hindi ito susulong. Isang lalaki lalo na, na naisip ko ngayon, … ay nagtataglay ng kakaibang angking talino at kahusayan. Maraming beses niyang sinabi kay Propetang Joseph na kung iiwan niya ang kahariang ito, hindi na ito susulong. Ang tinutukoy ko ay si Oliver Cowdery. Iniwan niya ito, at nagpatuloy ito sa pagsulong, at nagtagumpay sa lahat ng kumakalaban at dinala ng ligtas ang lahat ng kumapit dito [sa Journal of Discourses, 11:252]” (“The Prophetic Voice,” Ensign, Mayo 1996, 5–6).
Nang makaranas ng paghihirap ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, noong 1837, sinalungat ni Oliver Cowdery si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan at lumipat ito sa Missouri. Noong 1838, pinaratangan ng mga lider ng Simbahan sa Missouri si Oliver Cowdery ng “pang-uusig sa mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kaso na naghahangad na wasakin ang pagkatao ni Joseph Smith, hindi pagsunod sa mga lider ng Simbahan sa mga gawaing temporal, pagbebenta ng mga lupain sa Jackson County [na salungat sa payo na ibinigay ng Panginoon], at pag-iwan sa kanyang tungkulin bilang Assistant President ng Simbahan at nagpraktis ng pagka-abogasiya. Tumanggi si Oliver na humarap sa kapulungan o council, ngunit sumagot siya sa pamamagitan ng liham. Hindi niya gustong makialam ang Simbahan sa kanyang buhay at hiniling na wakasan na ang ugnayan niya sa Simbahan” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2003], 186–87). Itiniwalag si Oliver noong Abril 12, 1838. Hindi siya nakipag-ugnayan sa Simbahan sa loob ng 10 taon ngunit nabinyagan muli noong Nobyembre 12, 1848 sa Kanesville, Iowa. Bago makapaghanda si Oliver para sumama sa mga Banal sa Salt Lake Valley, nagkasakit siya nang malubha sa Richmond, Missouri, kung saan siya pumanaw noong Marso 3, 1850.
Doktrina at mga Tipan 23:3. “Ang iyong tungkulin ay sa simbahan magpakailanman … dahil sa iyong mag-anak”
Bilang nakatatandang kapatid ni Propetang Joseph Smith, nasaksihan ni Hyrum ang maraming pinakaunang pangyayari sa Panunumbalik. Tumulong siya sa paglalathala ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng direktang pakikipagtulungan sa manlilimbag. Naglingkod siya bilang pangulo ng unang branch ng Simbahan sa Colesville, New York. Sa buong buhay niya tapat niyang sinuportahan ang kanyang kapatid at mayroong matibay na patotoo na si Joseph ay isang propeta ng Diyos.
Noong Mayo 1829 sinabi ng Panginoon kay Hyrum na pag-aralan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon kapag natapos ang pagsasalin at huwag munang ipahayag ang ebanghelyo hangga’t hindi naoorganisa ang Simbahan at kanyang natamo ang salita (tingnan sa D at T 11:21–22). Noong Abril 1830 nang ibigay ang paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 23, matapos ilathala ang Aklat ni Mormon at iorganisa ang Simbahan, sinabi sa kanya na ang kanyang tungkulin ay manghikayat—manghimok at magpalakas ng loob—“at patuloy na palakasin ang simbahan” (D at T 23:3). Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, na pangalawang apo-sa-tuhod ni Hyrum Smith, kung paano pinalakas ni Hyrum ang Simbahan at sinuportahan ang kanyang kapatid na Propeta:
“Sa buong buhay ni Hyrum, ang mga puwersa ng kasamaan ay nagsama-sama laban sa kanya sa pagtatangkang ilugmok siya o udyukan siyang lumihis ng landas.
“Pagkatapos ng pagpanaw ng kanyang kuya na si Alvin noong 1823, malaki ang naging responsibilidad ni Hyrum sa pamilya Smith. Kasabay nito, tinulungan at pinaglingkuran niya ang kanyang kapatid, si Joseph ang Propeta, sa mahaba at mahirap na proseso ng Panunumbalik. Sa huli, siya ay nakasama ni Joseph at ng iba pang mga martir ng nakaraang mga dispensasyon ng ebanghelyo. Ang kanyang dugo ay itinigis bilang huling patotoo niya sa mundo.
“Sa lahat ng ito, matibay na nanindigan si Hyrum. Alam niya ang kahahantungan ng kanyang buhay, at pinili niyang tahakin ito. Para kay Joseph, si Hyrum ay isang kompanyon, tagapagtanggol, tagapagtaguyod, mapagkakatiwalaan, at kalaunan ay namatay na martir kagaya niya. Hindi makatwirang pang-uusig ang naranasan nila sa buong buhay nila. Bagama’t mas nakatatanda siya, kinilala ni Hyrum ang pagiging Propeta ng kanyang kapatid. Bagama’t kung minsan ay matindi siyang magpayo kay Joseph, madalas umayon si Hyrum sa kanyang nakababatang kapatid.
“Tungkol sa kanyang kapatid, sinabi minsan ni Joseph, ‘Brother Hyrum, napakatapat ng puso mo! Nawa’y putungan ka ng Walang Hanggang Jehova ng mga walang hanggang pagpapala sa iyong uluhan, bilang gantimpala sa pangangalaga mo sa aking kaluluwa! Maraming kapighatian ang naranasan natin’ [sa History of the Church, 5:107–8]. …
“Tapat na naglingkod si Hyrum sa Simbahan” (“Hyrum Smith: ‘Firm as the Pillars of Heaven,’” Ensign, Nob. 1995, 6–7).
Doktrina at mga Tipan 23:4. “Ikaw ay hindi pa tinatawag upang mangaral sa sanlibutan”
Si Samuel Smith, nakababatang kapatid ng Propeta, ang pangatlong tao na nabinyagan matapos maipanumbalik ang Aaronic Priesthood noong Mayo 1829. Bagama’t hindi siya gaanong kilala hindi tulad ng kanyang mga kapatid na sina Joseph at Hyrum, si Samuel ay isa sa Walong Saksi na nakakita sa mga laminang ginto. Noong panahong matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 23, hindi iniutos ng Panginoon kay Samuel na ipangaral ang ebanghelyo. Gayunman, matapos siyang maordenan na elder noong Hunyo 9, 1830, si Samuel ay tinawag bilang unang missionary sa Simbahan at nagsimulang maglakbay sa kalapit na mga bayan sa paligid ng Palmyra para magbenta ng mga kopya ng Aklat ni Mormon at mangaral ng ebanghelyo. Sa isang paglalakbay na iyon nakabenta siya ng isang kopya ng Aklat ni Mormon na humantong kalaunan sa pagbabalik-loob ni Brigham Young at Heber C. Kimball, at marami sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Doktrina at mga Tipan 23:5. “Ang iyo ring tungkulin ay manghikayat, at palakasin ang simbahan”
Ang Doktrina at mga Tipan 23 ang ikalawang naitalang paghahayag para kay Joseph Smith Sr. Ang ama ng propeta ay nagbigay ng kinakailangang suporta at panghihikayat sa kanyang anak. Naging miyembro siya ng Simbahan noong araw na iorganisa ito. Siya ay nagmisyon, mula Agosto 1830, kasama ang kanyang anak na si Don Carlos sa hilagang bahagi ng New York upang maihatid ang mensahe ng ebanghelyo sa mga kamag-anakan. Sa kanyang tungkulin kalaunan bilang unang patriarch ng Simbahan, nagkaroon siya ng pagkakataong basbasan, hikayatin, at payuhan ang maraming naunang miyembro ng Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 23:6–7. “Tungkulin mo na makiisa sa tunay na simbahan”
Noong panahong matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 23, si Joseph Knight Sr. ay hindi pa nabinyagan bilang miyembro ng Simbahan. Siya ay malapit na kaibigan ni Propetang Joseph Smith at nagpakita sa kanya ng labis na kabaitan. Binigyan niya ang Propeta ng mga suplay habang isinasalin nito ang Aklat ni Mormon. Ninais niyang magpabinyag kasama ang iba pa sa araw na itinatag ang Simbahan, ngunit ipinasiya niyang ipagpaliban ito dahil gusto niyang pag-aralan pang lalo ang Aklat ni Mormon. Siya lamang ang isa sa limang indibiduwal sa paghahayag na ito na hindi sinabihan nang tuwiran na siya ay “wala sa ilalim ng kaparusahan” (D at T 23:1, 3, 4, 5). Di-nagtagal matapos matanggap ang paghahayag na ito, si Joseph Knight Sr. ay nabinyagan, at inilarawan kalaunan ni Joseph Smith na “tapat at tunay, at makatarungan at uliran, at banal at mabait, nanatiling tapat at sumasampalataya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 542).
Doktrina at mga Tipan 24: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Sa huling bahagi ng Hunyo 1830, naglakbay sina Joseph Smith, Emma Smith, Oliver Cowdery, David Whitmer, at John Whitmer mula sa Harmony, Pennsylvania, para bisitahin ang mga miyembro ng Simbahan at iba pang mga naniniwala sa Colesville, New York. Noong Sabado, Hunyo 26, isang sapa ang ginawan ng dam para ihanda sa mga pagbibinyag kinabukasan (Linggo), ngunit nang gabing iyon ay winasak ng galit na mga mandurumog ang dam. Kinabukasan ng Lunes ng umaga, muling ginawa ang dam at 13 katao ang nabinyagan, kabilang si Emma Smith. Gayunpaman, nang matapos ang mga pagbibinyag, isang grupo ng halos 50 katao ang nagtipon, kinutya at pinagbantaang sasaktan ang mga Banal. Nang gabing iyon, nagpulong ang mga Banal upang kumpirmahin ang mga nabinyagan nang araw na iyon, ngunit bago pa man magawa ang kumpirmasyon, dinakip si Joseph sa akusasyon na siya ay “mapaggawa ng gulo, at nagdudulot ng kaguluhan sa bayan dahil sa pangangaral ng Aklat ni Mormon” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 396).
Nang papunta na sa korte para sa paglilitis, natakasan ni Joseph ang mga mandurumog sa tulong ng mga kasamang constable na naawa sa kanya. Matapos mapawalang-sala sa mga paratang sa kanya, muli na namang dinakip si Joseph ng isang constable mula sa ibang bayan. Nang gabing iyon, kinutya at pinagsalitaan ng masama si Joseph ng “ilang kalalakihan,” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 402), at kinaumagahan ay humarap siya sa paglilitis. Napawalang-sala muli si Joseph at natakasan ang isa pang grupo ng mga mandurumog habang siya ay papauwi.
Sinikap muli nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na makasama ang mga bagong binyag na miyembro sa Colesville, ngunit di-nagtagal nang makarating na sila, nagtipong muli ang mga mandurumog. Napilitang tumakas sina Joseph at Oliver, at muntik nang maabutan ng mga mandurumog na tumugis sa kanila sa buong magdamag (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 414). Noong Hulyo, matapos silang makabalik sa Harmony, natanggap nina Joseph at Oliver ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 24.
Doktrina at mga Tipan 24
Nakatanggap ng tagubilin sina Joseph Smith at Oliver Cowdery para sa kanilang mga tungkulin
Doktrina at mga Tipan 24:3. “Gawin ang iyong tungkulin”
Noong Marso 1829, nalaman ni Propetang Joseph Smith na kapag natapos ang pagsasalin ng mga lamina ng Aklat ni Mormon, siya ay “oordenan at hahayo at maghahatid ng salita [ng Panginoon] sa mga anak ng tao” (D at T 5:6). Nang iorganisa ang Simbahan isang taon na ang nakalilipas, si Joseph ay inordenan bilang unang elder. Ang mga banal na tagubilin na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 24 ay nagsilbing paalala kay Joseph na ang kanyang panahon at atensyon ay dapat iukol sa kanyang tungkulin bilang propeta ng Panginoon sa halip na sa mga gawaing temporal. Ipinaliwanag ng Panginoon na susuportahan ng mga miyembro ng Simbahan si Joseph Smith sa mga temporal na pangangailangan, na siyang magpapala sa kanila (tingnan din sa D at T 41:7; 43:12–14). Sa harap ng pang-uusig na naranasan ni Joseph at ng mga miyembro ng Simbahan, maaaring naisin ng marami na hindi gaanong gumawa para maisulong ang Simbahan upang makaiwas sa mas marami pang pang-uusig. Gayunman, pinayuhan ng Panginoon ang propeta na gampanan ang kanyang tungkulin, ibig sabihin ay dagdagan ang kanyang oras at katapatan sa kanyang tungkulin. Tungkol sa mga maytaglay ng priesthood, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Makahulugan ang salitang gampanan. Ibig sabihin nito ay palakihin, paliwanagin, mas ilapit, at palakasin. …
“Mangyari pa, kayong lahat ay pamilyar sa largabista (binoculars). Kapag tumingin kayo sa mga lente ng largabista at ipopokus ang mga ito, pinalalaki ninyo ang lahat ng bagay na nakikita ninyo at dahil diyan ay mas malapit ang mga ito sa inyo. Ngunit kung babaliktarin ninyo ito at sisilip sa kabilang dulo nito, ang mga bagay na nakita ninyo ay liliit at mas malayo.
“Ganoon din ang ating mga ikinikilos bilang mga maytaglay ng priesthood. Kapag ginampanan natin ang ating mataas at banal na tungkulin, kapag ipinakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa, kapag ginamit natin ang ating lakas at mga talento upang mapalakas ang pananampalataya at maipalaganap ang katotohanan, ginagampanan natin ang ating priesthood. Sa kabilang dako, kapag makasarili tayo, kapag nagpapakasasa tayo sa kasalanan, kapag itinuon lamang natin ang ating paningin sa mga bagay ng daigdig sa halip na sa mga bagay ng Diyos, humihina ang ating priesthood” (“Magnify Your Calling,” Ensign, Mayo 1989, 46–47).
Doktrina at mga Tipan 24:4. “Kung hindi ka nila tatanggapin”
Dapat espirituwal na tanggapin, o sang-ayunan ng mga Banal si Propetang Joseph Smith at tulungan siya sa mga bagay na temporal. Ang mga tumatanggap sa propeta ngayon at kumikilos ayon sa kanyang mga salita ay tatanggap ng mga pagpapala, at ang mga hindi tumatanggap sa kanya ay susumpain. Sinabi ni Sister Carol F. McConkie, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:
“Upang makaayon sa mga banal na layunin ng langit, sinasang-ayunan natin ang propeta at nagpapasiyang mamuhay ayon sa kanyang mga salita. …
“Sa isang mundong nanganganib sa kagutuman sa kabutihan at kagutuman sa espirituwal, iniutos sa atin na sang-ayunan ang propeta. Kapag ating pinakinggan, pinanindigan, at sinang-ayunan ang sinasabi ng propeta, ating pinatototohanan na tayo ay may pananampalataya na mapagpakumbabang sumunod sa kalooban, sa karunungan, at itinakdang panahon ng Panginoon.
“Sinusunod natin ang salita ng propeta kahit ito ay tila hindi makatwiran, hindi angkop, at mahirap gawin. Sa mga pamantayan ng mundo, ang pagsunod sa propeta ay maaaring hindi gusto ng lahat, salungat sa pulitika, o hindi tanggap ng lipunan. Ngunit ang pagsunod sa propeta ay laging tama. …
“Ikinararangal at kinaluluguran ng Panginoon ang mga nakikinig sa tagubilin ng propeta” (“Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 77–78).
Doktrina at mga Tipan 24:8. “Ako ay makakasama mo”
Si Propetang Joseph Smith ay 24 na taong gulang nang matanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 24. Sa bahaging ito ng kanyang buhay, natiis ni Joseph ang maraming hamon at pagsubok, gaya ng masakit na operasyon sa binti, pagpanaw ng kanyang mahal na kapatid, ang pangungutya at pag-uusig ng kanyang komunidad dahil sa Unang Pangitain at mga laminang ginto, ang pagpanaw ng kanyang panganay na anak, ang pagkawala ng 116 na pahina ng manusktrito n Aklat ni Mormon, at ang pang-uusig ng mga mandurumog sa Colesville, New York, at mga pag-aresto at paglilitis dahil sa mga maling paratang. Tiyak na napanatag si Joseph nang sabihin sa kanya ng Panginoon, “Ikaw ay aking iniahon mula sa iyong mga pagdurusa, at pinagpayuhan ka, kaya nga ikaw ay iniligtas mula sa lahat ng iyong mga kaaway, at … mula sa mga kapangyarihan ni Satanas at mula sa kadiliman!” (D at T 24:1). Gayunman, natutuhan ng Propeta na kailangan niyang “maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas ng marami” (D at T 24:8). Gayunman, tiniyak at ipinangako sa kanya ng Panginoon na “ako ay makakasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw” (D at T 24:8).
Doktrina at mga Tipan 24:9. “Sa mga temporal na gawain ikaw ay hindi magkakaroon ng lakas”
Hindi tumatanggap ng karagdagang kakayahan ang mga miyembro at lider ng Simbahan upang magtamasa ng kayamanan. Lahat ay dumaranas ng pagsubok at panganib sa buhay na ito. Gayunpaman, ang ilan ay maaaring biniyayaan ng mga talento para sa negosyo, pananalapi, at iba pang mga bagay. Hindi ito ang mga kaloob ni Joseph Smith. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Halos masadlak sa pagdarahop [si Joseph Smith]. Sa gitna ng pagsisikap na gampanan ang mabibigat na responsibilidad ng kanyang banal na tungkulin, kailangan niyang magtrabaho bilang magsasaka o mangangalakal upang matustusan ang kanyang pamilya. Ginawa niya ito nang walang pambihirang espirituwal na kaloob na nakatulong sa kanyang tungkulin bilang propeta. Pinayuhan siya ng Panginoon na ‘sa mga temporal na gawain ikaw ay hindi magkakaroon ng lakas, sapagkat ito ay hindi mo tungkulin’ (D at T 24:9)” (“Joseph, the Man and the Prophet,” Ensign, Mayo 1996, 71).
Doktrina at mga Tipan 24:13–14. “Huwag humingi ng mga himala”
Ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay makapagpapaalis ng mga diyablo at makapagbibigay ng basbas sa mga maysakit, ngunit ang mga himala ay nangyayari ayon sa kalooban ng Panginoon at kapag may pananampalataya. Ang mga himala ay hindi ibinibigay upang mapaniwala o ma-convert ang mga tao sa katotohanan kundi upang mapalakas ang mga yaong nagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon. (Tingnan din sa Marcos 16:16–18, 20; Mormon 9:23–25; D at T 84:64–73.)
Doktrina at mga Tipan 24:15. “Pagpapagpag ng alikabok ng inyong mga paa”
Pinahintulutan ng Panginoon sina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery na “[magpagpag] ng alikabok ng [kanilang] mga paa” bilang patotoo laban sa mga hindi tatanggap sa kanila (D at T 24:15). Hinggil dito, itinuro ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapagpag ng alabok sa mga paa ng isang tao bilang patotoo laban sa isa pang tao ay naunawaan ng mga Judio na sumasagisag sa pagwawakas ng pakikipagkapatiran at hindi pananagot sa mga ibubunga na maaaring kasunod nito. Ito ay naging ordenansa ng pagkundena at pagpapatotoo ayon sa mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga apostol [tingnan sa Mateo 10:12–14; Marcos 6:10–11; Lucas 9:4–5]. … Sa kasalukuyang dispensasyon, iniutos din ng Panginoon sa Kanyang mga awtorisadong lingkod na magpatotoo laban sa mga taong kumakalaban nang hayagan at may masamang intensyon sa katotohanan kapag inihayag nang may awtoridad (tingnan sa D at T 24:15; 60:15; 75:20; 84:92; 99:4). Ang responsibilidad na magpatotoo sa harapan ng Panginoon sa pamamagitan ng simbolong ito na kumukundena ay napakatindi kaya dapat gamitin lamang sa kakaiba at matinding kalagayan, ayon sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 345). Hindi awtorisado ang mga full-time missionary na gawin ito ngayon.
Doktrina at mga Tipan 24:18. “Hindi dapat magdala ng supot ng salapi o supot ng pagkain”
Iniutos din kina Joseph Smith at Oliver Cowdery na “hindi dapat magdala ng supot ng salapi o supot ng pagkain” (D at T 24:18), nangangahulugang naglakbay sila nang walang pera at umasa lamang sa kabutihan ng iba, lalo na ng mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 24:3), para sa paglalaan ng pagkain at tirahan. Alam ng Panginoon na kakailanganin ang lahat ng oras at lakas ng Propeta sa kanyang mga responsibilidad sa pamumuno sa Simbahan, kaya’t iniutos Niya na magbigay ang Simbahan ng mga kinakailangang temporal na tulong para sa Propeta at kanyang pamilya upang maituon niya ang kanyang oras at pansin sa gawain ng Panginoon. Sa mga paghahayag kalaunan binanggit muli ng Panginoon na dapat magbigay ang Simbahan ng temporal na tulong para sa Propeta upang magampanan niya ang tungkuling ibinigay sa kanya (tingnan sa D at T 41:7; 43:13). Bagama’t walang swelduhang lider ang Simbahan, ang tuntuning ito ay sinusunod ngayon ng Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pangangailangan para sa mga lider ng Simbahan na tinawag na maglingkod nang full-time sa Simbahan, na nagtutulot sa kanila na ilaan ang kanilang buong lakas, panahon, at atensiyon sa gawain ng Panginoon.
Doktrina at mga Tipan 25: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Si Emma Smith ay kabilang sa 13 Banal na bininyagan sa Colesville, New York, noong Hunyo 28, 1830. Dahil sa pagkilos ng mga mandurumog at pagdakip kay Propetang Joseph Smith dahil sa mga maling paratang, ang mga bagong binyag na ito ay hindi nakumpirma bilang mga miyembro ng Simbahan noong gabing iyon. Sa pagitan ng binyag ni Emma noong Hunyo at kumpirmasyon kalaunan noong Agosto, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25 kay Emma sa pamamagitan ng kanyang asawang si Joseph. Sa lahat ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith para sa mga indibiduwal hanggang Hulyo 1830, ito ang unang ibinigay sa isang babae. Ang paghahayag na ito ay nagpapakita ng mahalagang tungkuling gagampanan ni Emma sa Panunumbalik. Pinili siya na maging unang pangulo ng Relief Society noong Marso 1842 sa Nauvoo, Illinois. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 162).
Doktrina at mga Tipan 25
Ang Panginoon ay nagbigay ng personal na payo at tagubilin kay Emma Smith
Doktrina at mga Tipan 25:1. “Mga anak na lalaki at babae sa aking kaharian”
Lahat ng tao na pumaparito sa mundo ay mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit. Itinuturo ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan na yaong tumatanggap ng ipinanumbalik na ebanghelyo at ng mga kalakip na tipan at ordenansa, at tunay na isinilang na muli, ay kinukupkop sa pamilya ng Panginoong Jesucristo. Siya ay nagiging Ama ng kanilang espirituwal na pagsilang muli at ang Ama ng kanilang kaligtasan. Ito ang ibig sabihin ni Haring Benjamin nang magsalita siya sa mga nakadama ng malaking pagbabago ng puso at gustong pumasok sa tipan na susundin ang mga kautusan ng Diyos: “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae” (Mosias 5:7; tingnan din sa Eter 3:14; D at T 35:2; 39:4–6; 45:8). Kamakailan lang nabinyagan noon si Emma Smith sa Simbahan kaya tinawag siya ng Tagapagligtas na Kanyang anak na babae sa Doktrina at mga Tipan 25.
Doktrina at mga Tipan 25:2–3. “Lumalakad sa landas ng kabanalan sa harapan ko”
Ang kabanalan na katangiang katulad ng kay Cristo ay “huwaran ng pag-iisip at pag-uugali na nakabatay sa mataas na pamantayan ng moralidad … [at] kailangan … para matanggap ang patnubay ng Espiritu” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 136). Hinggil sa tagubilin ng Panginoon kay Emma Smith na “[lumakad] sa landas ng kabanalan sa harapan ko” (D at T 25:2), sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Nadarama ko na ang mga salitang iyon ay ibinigay kay Emma Smith, at sa ating lahat, bilang kundisyon na dapat sundin para makatanggap tayo ng mana sa kaharian ng Diyos. Ang kawalan ng kabanalan ay talagang hindi tugma sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Wala nang mas gaganda pa sa kabanalan. Walang lakas na higit kaysa sa lakas ng kabanalan. …
“Nakasisiya na sa pahayag na ito, nang ibigay ng Panginoon kay Emma ang dakilang pangakong iyon na mayroong kundisyon, idinagdag niya, ‘Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay isang hinirang na babae.’ [D at T 25:3.] Lubos akong nagpapasalamat para sa kaloob na pagpapatawad na ipinagkaloob ng ating maawaing Ama. Sinabi ng Panginoon sa propetang si Isaias hinggil sa mga yaong nagsisi at napatawad, ‘Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng bagong paligong tupa.’ (Is. 1:18.)
“Sa sinumang nakaririnig sa aking tinig na maaaring nagdadalamhati sa mabibigat na kasalanan sa kanilang buhay, ako ay magbibigay ng katiyakan, ibinigay ng mga sinauna at makabagong paghahayag, na kung mayroong pagsisisi ay mayroong pagpapatawad. Huwag manatili sa malalaking pagkakamali ng nakaraan. Sa halip ay, ‘[umasa] ka sa Diyos at [mabuhay].’ (Alma 37:47.)” (“If Thou Art Faithful,” Ensign, Nob. 1984, 91).
Doktrina at mga Tipan 25:3. Sa paanong paraan naging “isang hinirang na babae” si Emma?
Sinabi ng Panginoon na si Emma Smith ay “isang hinirang na babae” (D at T 25:3), ibig sabihin ay pinili siya dahil sa kanyang katapatan na tumulong sa gawain ng Diyos. Ipinaliwanag kalaunan ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) ang kahulugan ng titulong ito nang iorganisa niya ang Relief Society noong Marso 17, 1842: “Tumulong ako sa pagsisimula ng organisasyon ng ‘The Female Relief Society of Nauvoo’ sa Lodge Room. Si Sister Emma Smith, Pangulo, at sina Sister Elizabeth Ann Whitney at Sarah M. Cleveland, mga Tagapayo. Nagbigay ako ng maraming tagubilin, nagbasa mula sa Bagong Tipan, at Aklat ng Doktrina at mga Tipan, hinggil sa Hinirang na Babae, at ipinaliwanag ang kahulugan ng hinirang ay mahirang sa isang partikular na gawain … at ang paghahayag ay naisakatuparan nang mahirang si Sister Emma sa Panguluhan ng Relief Society, siya na dating inordenan upang magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan” (sa History of the Church, 4:552–53).
Doktrina at mga Tipan 25:4. Ano ang hindi nakita ni Emma na maaaring naging dahilan para bumulung-bulong siya?
Kilala at mahal ng Panginoon si Emma Smith. Ang kanyang utos para kay Emma na “huwag bumulung-bulong” (D at T 25:4) ay dumating dahil hindi niya nakita ang mga lamina ng Aklat ni Mormon. Naroon siya habang ginagawa ang ilang pagsasalin ng mga laminang ginto at pansamatalang naging tagasulat. Maaaring masakit para sa kanya na pinahintulutan ang Tatlong Saksi at Walong Saksi na makita ang mga ito at siya ay hindi pinahintulutan. Bagama’t hindi nagkaroon ng pagkakataon si Emma na makita ang mga lamina, ipinaliwanag niya kalaunan na sa panahon ng pagsasalin, “ang mga lamina ay kadalasang nakapatong sa ibabaw ng mesa nang walang anumang pagtatangkang itago ang mga ito, nakabalot sa maliit na linen na mantel, na ibinigay ko sa kanya [Joseph Smith] para pambalot sa mga ito. Kinapa ko minsan ang mga lamina, habang nakapatong ang mga ito sa ibabaw ng mesa, kinakapa ang mga gilid at hugis nito. Tila malambot ang mga ito tulad ng makapal na papel, at may maririnig na tunog ng metal kapag ang mga gilid ay nagalaw, gaya ng paglipat ng mga pahina sa isang aklat. …
“Hindi ko tinangkang hawakan ang mga lamina, kinapa ko lamang ito [nang nakabalot sa tela]. … Natiyak ko na gawain ito ng Diyos, at hindi na kailangan pang makita ang mga ito” (“Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290; ang pagbabaybay ay inayon sa pamantayan).
Doktrina at mga Tipan 25:5–9. “Ang tungkulin ng iyong tawag”
Nagdanas ng maraming paghihirap at kalungkutan si Emma Smith nang madama niya rin ang mga paghihirap, kalupitan, at pang-uusig na naranasan ng kanyang asawa. Tinawag ng Panginoon si Emma upang aluin at suportahan ang kanyang asawa sa kanyang naiibang tungkulin bilang Propeta ng Panunumbalik. Bukod pa rito, binigyan si Emma ng mahahalagang tungkulin na mamuno at magturo sa Simbahan. Itinuro ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society General President, ang sumusunod tungkol sa tungkuling ginampanan ni Emma sa Panunumbalik:
“Nang simulang ipanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muli Niyang isinama [tulad ng ginawa Niya noong sinauna] ang kababaihan sa isang huwaran ng pagkadisipulo. Ilang buwan matapos pormal na itatag ang Simbahan, inihayag ng Panginoon na si Emma Smith ang itatalaga bilang pinuno at guro sa Simbahan at bilang opisyal na katuwang ng kanyang asawa, ang Propeta [tingnan sa D at T 25]. Sa tungkulin niyang tulungan ang Panginoon na itayo ang Kanyang kaharian, pinagbilinan siya kung paano dagdagan ang kanyang pananampalataya at sariling kabutihan, paano patatagin ang kanyang pamilya at tahanan, at paano paglingkuran ang iba.
“Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na simula nang ipanumbalik ang ebanghelyo sa dispensasyong ito, nangailangan na ang Panginoon ng matatapat na kababaihang makikibahagi bilang Kanyang mga disipulo” (“Ang Inaasahan Kong Maunawaan ng Aking mga Apong Babae (at Lalaki) tungkol sa Relief Society,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 110).
Tungkol sa mahahalagang kontribusyon na nagagawa ng kababaihan sa Simbahan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang kababaihan ng dispensasyong ito ay naiiba sa kababaihan ng iba pang dispensasyon dahil ang dispensasyong ito ay naiiba sa lahat. Ang kaibhang ito ay nagdudulot kapwa ng mga pribilehiyo at ng mga responsibilidad.
“… Noong 1979, si Pangulong Spencer W. Kimball ay nagpropesiya tungkol sa magiging impluwensya ng kababaihang tumutupad ng mga tipan sa kinabukasan ng Simbahan ng Panginoon. Ipinropesiya niya: ‘Ang karamihan sa malaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 266].
“Mahal kong mga kapatid na babae, kayo na napakahalagang katuwang namin sa mga huling araw na ito, ang panahong nakinita noon ni Pangulong Kimball ay ang ngayon. Kayo ang kababaihang nakinita niya! Ang inyong kabutihan, liwanag, pagmamahal, kaalaman, katapangan, pagkatao, pananampalataya, at matwid na buhay ang magdadala ng iba pang mabubuting kababaihan ng mundo sa Simbahan, kasama ang kanilang mga pamilya, sa mas maraming bilang kaysa noon!
“Kailangan naming mga kapatid ninyong lalaki ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!
“Ipinahayag ni Pangulong [Boyd K.] Packer:
“‘Kailangan namin ng kababaihang organisado at marunong mag-organisa. Kailangan namin ng kababaihang may kakayahang mamuno na kayang magplano at mamahala at mangasiwa; kababaihang makapagtuturo, kababaihang maninindigan. …
“‘Kailangan namin ng kababaihang nakakahiwatig at nakikita ang mga kalakaran ng mundo at nakakapansin sa mga yaong bagama’t popular ay mababaw o mapanganib’ [“The Relief Society,” Ensign, Nov. 1978, 8].
“Ngayon, idaragdag ko na kailangan namin ng kababaihang alam kung paano magagawa ang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at matatapang na tagapagtanggol ng moralidad at mga pamilya sa mundong ito na puno ng kasalanan. Kailangan namin ng kababaihang tapat na gumagabay sa mga anak ng Diyos sa pagtahak sa landas ng tipan tungo sa kadakilaan; kababaihang nakakaalam kung paano tumanggap ng personal na paghahayag, na nauunawaan ang kapangyarihan at kapayapaang nagmumula sa endowment sa templo; kababaihang nakakaalam kung paano manawagan sa mga kapangyarihan ng langit na pangalagaan at palakasin ang mga anak at pamilya; kababaihang hindi takot magturo” (“Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 96).
Doktrina at mga Tipan 25:7. Ang kahulugan ng salitang inordenan
Noong Marso 17, 1842, sa pulong para iorganisa ang Female Relief Society of Nauvoo, si Emma Smith ay nahirang na pangulo, at sina Sarah M. Cleveland at Elizabeth Ann Whitney ay napili bilang mga tagapayo ni Emma sa panguluhan. Inordenan ni John Taylor sina Sarah at Elizabeth sa kanilang mga tungkulin. Gayunman, nang “ipatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo ni Gng. Smith,” “binasbasan niya siya, at pinagtibay sa kanya ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob sa kanya” (The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History, inedit nina Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow [2016], 32; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan). Nilinaw ni Propetang Joseph Smith na si Emma ay hindi inordenan sa pulong dahil “siya ay inordenan noong panahong ibigay ang paghahayag [D at T 25]” (The First Fifty Years of Relief Society, 32; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan; tingnan din sa The Joseph Smith Papers, Journals: Volume 2: December 1841–April 1843, inedit ni Andrew H. Hedges at ng iba pa [2011], 45, tala 163).
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) kung ano ang kahulugan nang sabihin ng Panginoon na si Emma Smith ay “oordenan sa ilalim ng kamay [ni Propetang Joseph Smith] (D at T 25:7): “Ang katagang ‘ordenan’ ay karaniwang ginagamit sa mga unang araw ng Simbahan bilang pagtukoy sa ordinasyon at pag-set apart. … Ang mga lalaking maytaglay ng Priesthood ay sinasabing ‘inordenan’ upang mangulo sa mga branch at magsagawa ng mga espesyal na gawain. Ang mga babae rin ay sinasabing ‘inordenan’ kapag tinawag sila sa ilang espesyal na tungkulin o responsibilidad. Sa mga nakaraang taon nagkaroon ng pagkakaiba sa kahulugan ng ordenan at i-set apart. Ang kalalakihan ay inoordenan sa mga katungkulan sa Priesthood at isini-set apart na mangulo sa mga stake, ward, branch, mission, at auxiliary organization. Ang kababaihan ay isini-set apart—hindi inoordenan—bilang mga pangulo ng mga auxiliary organization, para sa mission, atbp. Ang pahayag na ito na ‘inordenan’ si Emma Smith upang magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, ay hindi nangangahulugang ipinagkaloob sa kanya ang Priesthood, kundi siya ay na-set apart sa tungkuling ito, na naisakatuparan sa Relief Society ng Simabahan” (Church History and Modern Revelation, [1953], 1:126).
Doktrina at mga Tipan 25:10. “Isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito”
Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, tungkol sa mga tagubilin ng Panginoon kay Emma Smith sa Doktrina at mga Tipan 25:10: “Sa palagay ko ay hindi niya sinasabi kay Emma na hindi na ito dapat mag-alala sa lugar na kanilang titirhan, pagkain sa kanilang hapag-kainan, at kasuotan. Sinasabi niya kay Emma na hindi niya dapat pakaisipin at masyadong hangarin ang mga bagay na ito, gaya ng ginagawa ng marami sa atin. Ang sinasabi niya kay Emma ay mas ituon ang isipan sa mga bagay na mas makabuluhan, mga bagay na ukol sa katuwiran at kabutihan, mga bagay na ukol sa pagkakawanggawa at pag-ibig sa kapwa, mga bagay na ukol sa kawalang-hanggan” (“If Thou Art Faithful,” 91).
Doktrina at mga Tipan 25:11–12. “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso”
Makikita sa mga banal na kasulatan ang katibayan na ang musika ay laging mahalagang bahagi ng pagsamba para sa mga anak ng Diyos (tingnan sa I Mga Cronica 15:27; Mateo 26:30; Mga Taga Colosas 3:16; Alma 26:8; Mormon 7:7; Moroni 6:9; D at T 136:28). Ipinahayag ng Panginoon na “ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin” (D at T 25:12). Inatasan ng Panginoon si Emma Smith na “gumawa ng isang pagtitipon ng mga banal na himno” (D at T 25:11). Noong 1835, inilathala ang unang himnaryo ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, at tinukoy si Emma Smith sa pahina ng pamagat na siyang pumili ng mga himno. Tinipon niya ang 90 teksto ng himno na karamihan ay mula sa mga Protestante, kasama ang mga bagong himno na isinulat ng mga miyembro ng Simbahan, tulad ni W. W. Phelps.
Doktrina at mga Tipan 25:16. “Ito ang aking tinig sa lahat”
Bagama’t ang mga paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan ay orihinal na ibinigay sa mga partikular na indibiduwal, angkop at mahalaga para sa mga mambabasa na isaalang-alang ang mga katotohanan at alituntunin ng doktrina na matatagpuan sa mga scripture passage na parang tinanggap nila ang mga ito nang personal mula sa Panginoon. Ang masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga mambabasa na matukoy ang mahahalagang katotohanang ito. Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) ng Unang Panguluhan: “Hindi mapag-aaralan nang mabuti ng sinuman ang mga banal na kasulatan nang hindi inaalam ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang maingatan ang mga alituntunin para sa ating kapakanan” (“The Message of the Old Testament,” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Ago. 17, 1979], 3). Kapag ang mga katotohanan at alituntunin ay natukoy at pinahalagahan, maipamumuhay ang mga ito sa araw-araw.
Karagdagang Sanggunian
-
“Joseph Smith’s Teachings about Priesthood, Temple, and Women,” Gospel Topics, topics.lds.org.