Institute
Kabanata 11: Doktrina at mga Tipan 26–28


Kabanata 11

Doktrina at mga Tipan 26–28

Pambungad at Timeline

Pagkatapos iorganisa ang Simbahan, naglakbay nang ilang beses si Propetang Joseph Smith sa pagitan ng Harmony, Pennsylvania, at ng mga branch ng Simbahan sa New York upang palakasin ang mga miyembro at maitatag ang Simbahan. Dahil dito kakaunti na lang ang oras niya para maasikaso ang kanyang bukid at maglaan para sa kanyang mga temporal na pangangailangan. Noong Hulyo 1830, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag na nag-uutos kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer kung paano nila dapat gugulin ang kanilang oras habang naghahanda sa nalalapit na kumperensya ng Simbahan sa panahon ng taglagas. Ang paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 26, ay nagbigay ng patnubay para sa mga bagay na espirituwal at temporal at nagbigay ng karagdagang tagubilin tungkol sa alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon sa Simbahan.

Habang nasa Harmony noong Agosto 1830, umalis si Joseph Smith upang kumuha ng alak para sa sakramento at nagpakita sa kanya ang isang sugo mula sa langit. Ang Propeta ay binigyan ng mga tagubilin tungkol sa mga sagisag ng sakramento pati na rin ang kahalagahan ng pagsusuot ng buong kagayakan o baluti ng Diyos. Ang mga tagubilin na natanggap niya ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 27.

Dahil sa dumaraming pag-uusig sa Harmony, Pennsylvania, tinanggap nina Joseph at Emma Smith ang paanyaya ni Peter Whitmer Sr. na manirahan muli kasama ang kanyang pamilya sa Fayette, New York. Nang makarating sila roon sa mga unang araw ng Setyembre 1830, nalaman ng Propeta na ipinamalita ni Hiram Page na nakatatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng isang bato. Nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28, kung saan nilinaw ng Panginoon ang kaayusan ng pagtanggap ng paghahayag para sa Simbahan.

Hunyo 1830Ang mga pang-uusig ng mga mandurumog sa Colesville, New York, ay nakahadlang sa pagkumpirma ng mga bagong binyag.

Hunyo 1830Sinimulan ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Biblia sa pamamagitan ng pagdidikta ng “Mga Pangitain ni Moises” (Moises 1).

Hulyo 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 26.

Agosto 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 27.

Agosto 1830Sinabi ni Hiram Page na nakatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan.

Mga unang araw ng Setyembre 1830Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Fayette, New York.

Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 28.

Setyembre 26–28, 1830Ang ikalawang kumperensya ng Simbahan ay ginanap sa Fayette, New York.

Oktubre 1830Umalis si Oliver Cowdery at ang iba pa para sa misyon sa mga Lamanita.

Doktrina at mga Tipan 26: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Kasunod ng paglalathala ng Aklat ni Mormon at ng pagkakatatag ng Simbahan, si Propetang Joseph Smith ay naglakbay pabalik-pauwi sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, upang bisitahin ang mga miyembro ng tatlong branch ng Simbahan sa New York (Manchester, Fayette, at Colesville). Sa Colesville, New York, ilan sa mga bagong binyag na miyembro ang hindi nakumpirma matapos ang kanilang binyag dahil sa pang-uusig ng mga mandurumog at pagdakip sa Propeta sa maling paratang na siya ay “mapaggawa ng gulo, at nagdudulot ng kaguluhan sa bayan dahil sa pangangaral ng Aklat ni Mormon” (Joseph Smith, sa History of the Church, 1:88). Noong Hulyo 1830, iniutos ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer na bumalik sa Colesville at kumpirmahin ang mga nabinyagan doon (tingnan sa D at T 26:1). Itinala ni Newel Knight, “Ang paghahayag na ito ay isang malaking kasiyahan sa maliit na grupo ng kalalakihan at kababaihan sa Colesville matapos lisanin paminsan-minsan, ng mga Tagapaglingkod ng Diyos, dahil sa kabuktutan ng masasama na patuloy na naghahangad na sirain ang gawain ng Diyos sa lupa” (Newel Knight autobiography, circa 1871, 114–15, Church History Library, Salt Lake City).

Mapa 3: Hilagang-Silangan ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 26

Tinagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod ukol sa alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon

Doktrina at mga Tipan 26:1. Ang mga tagubilin ng Panginoon para sa susunod na kumperensya

Iniutos na noon ng Panginoon sa mga Banal na “magtitipun-tipon sa isang pagpupulong minsan sa tatlong buwan, o sa pana-panahon sa pag-aatas o pagtatakda ng naturang kapulungan” (D at T 20:61). Ang unang kumperensya ng Simbahan ay ginanap sa Fayette, New York, noong Hunyo 9, 1830. Noong Hulyo 1830, noong naninirahan si Propetang Joseph Smith sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, sinabi ng Panginoon na nalalapit na ang panahon na si Joseph ay “mag[tu]tungo sa kanluran upang magdaos ng susunod na pagpupulong” (D at T 26:1). Ang pagpupulong o kumperensya ay ginanap noong Setyembre 26–28, 1830, sa Fayette, na mga 100 milya (161 kilometro) hilagang-kanluran ng Harmony.

Doktrina at mga Tipan 26:1. “Ilaan ninyo ang inyong panahon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan”

Sa panahong isinasalin ang Aklat ni Mormon, nalaman ni Propetang Joseph Smith na “maraming malinaw at mahahalagang bagay” (1 Nephi 13:28) ang nawala sa Biblia at ang mga katotohanang iyon ay ipanunumbalik balang araw (tingnan sa 1 Nephi 13:28, 32).

Bukod sa mga katotohanang iyon na itinuro sa Aklat ni Mormon, nakatulong ang inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia at ang iba pang mga paghahayag para maibalik ang mga nawawalang katotohanan. Noong Oktubre 1829, bumili sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng Biblia mula kay E. B. Grandin sa Palmyra, New York, na ginamit sa inspiradong pagsasalin ng Biblia. Noong Hunyo 1830, nang simulan ni Joseph ang pagsasalin ng Biblia sa pamamagitan ng paghahayag, idinikta niya ang “Mga Pangitain ni Moises,” na ngayon ay Moises 1 sa Mahalagang Perlas. Bagama’t walang nakatala kung saan naroon sina Joseph at Oliver nang matanggap ang paghahayag na ito, itinala kalaunan ng Propeta na “sa gitna ng lahat ng pagsubok at paghihirap na kailangan naming malampasan, ang Panginoon, na higit na nakaaalam ng aming kakulangan ng kaalaman at maselang kalagayan, ay minarapat na pagkalooban kami ng lakas, at bigyan kami ng ‘taludtod sa taludtod na kaalaman—kaunti rito at kaunti roon’ [tingnan sa 2 Nephi 28:30], kung saan ang sumusunod [Moises 1] ay napakahalagang kapirasong espirituwal na pagkain” (sa History of the Church, 1:98).

Posibleng ang nais ng Panginoon na “ilaan ninyo ang inyong panahon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan” (D at T 26:1) ay isang tagubilin para kay Joseph na magpatuloy sa kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia na kilala ngayon bilang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (tingnan sa Robert J. Matthews, “A Plainer Translation”: Joseph Smith’s Translation of the Bible, a History and Commentary [1975], 27).

Doktrina at mga Tipan 26:2. “Lahat ng bagay ay nararapat na gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan”

Ang alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon ay unang ipinatupad sa dispensasyong ito nang maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830. Ang mga mananampalataya na nagtipon sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. ay hinilingang magbigay ng pagsang-ayon na si Joseph Smith ang dapat na maglingkod bilang unang namumunong elder sa Simbahan at si Oliver Cowdery ay dapat mamuno sa ilalim ni Joseph bilang pangalawang elder. Nagpatuloy ang pangkalahatang pagsang-ayon sa Simbahan simula noon. Nagpapakita ito ng paniniwala sa alituntunin na malayang maipapahayag ng lahat ng tao ang kanyang kagustuhang sang-ayunan o tutulan ang mga yaong tinawag sa katungkulan sa kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon ay pinagtibay muli sa ilang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa D at T 26:2; 28:13; 38:34; 42:11; 104:71–72, 85; 124:144).

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang kahulugan sa atin ngayon ng pagsang-ayon sa ating mga lider:

“Madalas nating awitin ang, ‘Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta’ [‘Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,’ Mga Himno, blg. 15]. Nauunawaan ba natin ang ibig sabihin nito? Isipin ang pribilehiyong ibinigay ng Panginoon sa atin na sang-ayunan ang Kanyang propeta, na ang payo ay magiging dalisay, malinis, walang anumang pansariling hangarin, at lubos na totoo!

“Paano natin talaga sinasang-ayunan ang isang propeta? Bago pa man siya naging Pangulo ng Simbahan, ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith, ‘Isang mahalagang tungkulin para sa mga Banal na … sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan, at gawin ito hindi lamang sa pagtataas ng kamay, kundi sa gawa at sa katotohanan’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 256; idinagdag ang pagbibigay-diin]” (“Pagsang-ayon sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 74).

paglalarawan ng pagkalahatang pagsang-ayon sa miting ng Simbahan

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “lahat ng bagay ay nararapat na gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon,” sa Simbahan (D at T 26:2).

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang layunin ng boto ng pagsang-ayon ay hindi upang ipahayag ang sariling kagustuhan hinggil sa mga yaong tinawag ng Panginoon: “Ang mga maytaglay ng priesthood ang pumipili, sa inspirasyon ng ating Ama sa Langit, at pagkatapos tungkulin ng mga Banal sa mga Huling Araw, kapag nagtipon sila sa kumperensya, o sa iba pang pagpupulong, sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay, na sumang-ayon o tumutol; at sinasabi ko na walang karapatan ang sinuman na magtaas ng kanyang kamay para tumutol, o iba ang gustuhin, maliban kung mayroon siyang kadahilanan na makatwiran kung ihaharap sa mga yaong namumuno. Sa madaling salita, wala akong karapatan na itaas ang aking kamay para tutulan ang isang tao na itinalaga sa anumang katungkulan sa Simbahang ito, dahil lamang sa hindi ko siya gusto, o dahil sa ilang personal na di-pagkakaunawaan o dahil sa nadarama ko, ngunit maliban lamang kung nakagawa siya ng mali, ng paglabag sa mga batas ng Simbahan na hindi magpapamarapat sa kanya sa katungkulang tinawag para gamapanan niya” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1956], 3:123–24).

Matapos sang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan si Pangulong Thomas S. Monson bilang Pangulo ng Simbahan sa unang pagkakataon, binigyang-diin ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang batas ng pangkalahatang pagsang-ayon sa Simbahan bilang pakikipagtipan. Itinuro niya na kapag nagtataas tayo ng ating mga kamay, ito ay “hindi lamang pagboto” na “ipinangangako ang ating sarili, kundi isang tipan, na sasang-ayunan at susundin ang mga batas, ordenansa, kautusan, at ang propeta ng Diyos” (“Pagkakaroon ng Patotoo sa Diyos Ama; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 29).

Doktrina at mga Tipan 27: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Pickerel Pond sa sakahan ni Joseph Knight, Colesville, New York

Si Emma Smith ay nabinyagan malapit sa Pickerel Pond sa sakahan ni Joseph Knight sa Colesville, New York (larawang kuha noong mga 1907).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Bago pa makabalik si Propetang Joseph Smith sa Colesville, New York, binisita siya at ang kanyang asawang si Emma nina Newel at Sally Knight, sa Harmony, Pennsylvania, noong Agosto 1830. Dahil sa pag-uusig mula sa mga mandurumog noong Hunyo, si Sally Knight ni si Emma Smith ay hindi pa nakumpirmang miyembro ng Simbahan at nabigyan ng kaloob na Espiritu Santo. Bago umuwi ang mga Knight, nagpasiya ang mga mag-asawa na tumanggap ng sakramento nang magkakasama at isagawa ang kumpirmasyon. Isinulat ni Joseph, “Lumabas ako para kumuha ng alak para sa sakrament ngunit hindi pa ako nakalalayo nang magpakita sa akin ang isang sugo mula sa langit” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 428). Natanggap ni Joseph ang mga tagubilin na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 27 mula sa sugo.

Umuwi si Joseph at, matapos ihanda ang alak na sariling gawa nila, ang mga naroon ay nagdaos ng maliit na pulong at tumanggap ng sakramento, at nakumpirma sina Emma at Sally. Kalaunan ay itinala ng Propeta na “ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos sa amin, [at] pinapurihan namin ang Panginoong Diyos, at labis na nagalak” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 432).

Doktrina at mga Tipan 27:1–4

Itinuro kay Joseph Smith ang mga katotohanan tungkol sa mga simbolo ng sakramento

Doktrina at mga Tipan 27:1–4. “Hindi mahalaga kung anuman ang inyong kainin o … inumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento”

Ang mga panalangin sa sakramento na nakatala sa mga banal na kasulatan ay nagpapahiwatig na alak ang ginamit upang ipaalaala sa mga nananampalataya ang dugo ng Tagapagligtas na itinigis alang-alang sa kanila (tingnan sa Moroni 5; D at T 20:40, 78–79). Alak ang ginamit para sa sakramento nang iorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830. Ang sugo mula sa langit na nangusap kay Propetang Joseph Smith noong Agosto 1830 ay nagsabing hindi kailangan ang alak upang alalahanin ang sakripisyo ng Panginoon hangga’t tinatanggap natin ito “na ang mga mata ay nakatuon sa [Kanyang] kaluwalhatian” (D at T 27:2). Partikular na binalaan si Joseph na huwag bumili ng alak o matapang na inumin mula sa mga kaaway ng Simbahan para gamitin sa sakramento, ngunit maaari siyang gumamit ng alak kung siya ang gumawa nito. Kahit natanggap na ang Word of Wisdom noong 1833, ang paggamit ng tubig sa halip na alak ay hindi pa naisagawa saanman noong una. Gayunpaman, tubig na ang ginagamit ngayon ng Simbahan para sa sakramento.

Kapag walang tinapay na magagamit para sa sakramento, ang angkop na panghalili rito ay maaaring gamitin. Halimbawa, ang mga patatas o balat ng patatas ay ginamit minsan sa sakramento ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Europa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (tingnan sa Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Okt. 1952, 120).

loob ng tahanan ni Joseph Smith, sa Harmony, Pennsylvania

Loob ng tahanan nina Joseph at Emma Smith na itinayo muli sa Harmony, Pennsylvania, kung saan pinatuloy nila sina Newel at Sally Knight noong Agosto 1830

Doktrina at mga Tipan 27:2. “Kayo ay [tumanggap] ng sakramento … na ang mga mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian”

Ang pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento upang alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang dapat na pinakamahalagang bahagi ng ating pagsamba sa araw ng Sabbath. Ang tungkulin natin na aalalahanin ang pag-aalay ng katawan at dugo ng Tagapagligtas habang tumatanggap tayo ng sakramento ay inilarawan ng anghel na nagpakita kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 27:2). Higit sa lahat, dapat tayong “tumatanggap ng sakramento … na ang mga mata ay nakatuon sa kaluwalhatian [ng Panginoon]” (D at T 27:2). Ang kahulugan ng “mga mata [na] nakatuon” ay espirituwal na nakapokus sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain ng pagtubos. Ipinaalala sa atin ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano madaling nawawala ang pansin natin sa totoong layunin ng sakramento:

“Ang ordenansa ng sakrament ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa sakrament miting sa Simbahan. Ito lamang ang miting sa araw ng Sabbath na maaaring daluhan nang sama-sama ng buong pamilya. …

“Sa sakrament miting—lalo na sa oras ng pagbibigay ng sakrament—kailangang ituon natin ang pansin sa pagsamba at iwasang gumawa pa ng iba lalo na ng mga pagkilos na makagagambala sa pagsamba ng iba. … Ang sakrament miting ay hindi oras ng pagbabasa ng mga libro o magasin. Mga kabataan, hindi ito oras ng pabulong na pakikipag-usap sa cell phone o pagte-text sa mga taong nasa ibang lugar. Kapag tayo ay tumatanggap ng sakrament, gumagawa tayo ng sagradong tipan na palagi nating aalalahanin ang Tagapagligtas. Napakalungkot makita ang mga taong hayagang lumalabag sa tipang iyon sa mismong miting na pinaggagawaan nila ng tipang ito” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob 2008, 17–19).

Doktrina at mga Tipan 27:5–18

Inilarawan ng Panginoon ang isang malaking pagtitipon sa huling araw ng Kanyang mga tagapaglingkod mula sa lahat ng dispensasyon upang tumanggap ng sakramento

Doktrina at mga Tipan 27:5–14. “Ako ay iinom ng bunga ng puno ng ubas na kasama kayo sa mundo”

paglalarawan kay Jesucristo sa Huling Hapunan

Ipinangako ni Jesucristo na darating ang araw na Siya “ay iinom ng bunga ng puno ng ubas” na kasama muli ang Kanyang mga disipulo, tulad ng ginawa Niya noong Huling Hapunan (D at T 27:5).

Nang pulungin ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa Jerusalem upang kumain sa araw ng Paskua at pinasimulan ang ordenansa ng sakramento, ipinaalam Niya sa kanila na Siya ay “hindi … iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios.” (Lucas 22:18; tingnan din sa Mateo 26:29; Marcos 14:25). Inaasam sa propesiya na ito ang araw na tatanggap si Jesucristo ng sakramento bilang bahagi ng mga pangyayari na may kaugnayan sa Kanyang pagbabalik sa mundo sa kaluwalhatian. Noong Agosto 1830, nalaman ni Propetang Joseph Smith na hindi lamang ang mga sinaunang propeta ang magtitipong magkakasama para tumanggap ng mga simbolo ng sakramento kasama ng Tagapagligtas kundi pati na rin ang “lahat na ibinigay sa [Kanya] ng Ama mula sa sanlibutan” (D at T 27:14), ibig sabihin lahat ng matatapat na miyembro ng Simbahan na lumapit kay Cristo at nagtiis hanggang wakas.

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung sino ang may pribilehiyo na makibahagi sa mahalagang kaganapang ito: “Si Jesus ay tatanggap muli ng sakramento kasama ang kanyang mga mortal na disipulo sa mundo. Ngunit hindi lamang ang mga mortal ang makakasama rito. Pinangalanan Niya ang iba pa na makakasama Niya at makikibahagi sa sagradong ordenansa [tingnan sa D at T 27:5–14]. … Ang sakramento ay pangangasiwaan balang-araw, sa mundong ito, kapag nariyan na ang Panginoong Jesus, at kapag naroon ang lahat ng mabubuti sa lahat ng panahon. Ito, mangyari pa, ay magiging bahagi ng malaking kapulungan sa Adan-ondi-Ahman” (The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 587). Hinggil sa pangyayaring iyan, itinuro din ni Elder McConkie: “Bawat matapat na tao sa buong kasaysayan ng mundo, bawat taong nabuhay na karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng Ama ay dadalo at makikibahagi sa sakramento, kasama ng Panginoon” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 595).

Doktrina at mga Tipan 27:5–13. mga susi ng Priesthood

Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 27:5–13 ang ilan sa mga sinaunang propeta at apostol na maytaglay ng mga susi ng awtoridad ng priesthood at makikibahagi balang-araw sa sakramento kasama ang Tagapagligtas. Ang panunumbalik ng mga susi na ito ng priesthood sa mga huling araw ay mahalaga sa pagtatatag ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844):

“Nagpasiya ang Diyos na walang magaganap na walang hanggang kaganapan hangga’t hindi naisasakatuparan ang bawat dispensasyon at sama-samang natipon. …

“… Lahat ng ordenansa at tungkulin na kinailangan sa Priesthood, sa ilalim ng mga tagubilin at kautusan ng Pinakamakapangyarihan sa alinmang dispensasyon, ay iiral lahat sa huling dispensasyon, samakatwid lahat ng bagay na umiral sa ilalim ng awtoridad ng priesthood sa alimang panahon, ay iiral muli, upang isakatuparan ang panunumbalik na binigkas ng lahat ng Banal na Propeta” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 597–98).

Pinatotohanan ni Elder Bruce R. McConkie na ang mga susi ng awtoridad ng priesthood ay ibinigay kay Joseph Smith at sa mga sumunod na propeta at apostol sa ating dispensasyon: “Alam natin na ipinanumbalik ng Diyos sa mga huling araw na ito ang kabuuan ng kanyang walang hanggang ebanghelyo para sa kaligtasan ng lahat ng tao sa mundo na maniniwala at susunod; at kanyang tinawag si Joseph Smith, Jr., upang kanyang maging propeta sa mga huling araw, upang maging una at punong Apostol sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, at ibinigay sa kanya ang lahat ng susi at priesthood at kapangyarihan na taglay ni Pedro at ng mga Apostol at ng mga sinaunang propeta sa panahon ng kanilang paglilingkod; at ang mga susing ito at ang banal na pagka-Apostol na ito ay tinaglay [ng bawat Pangulo ng Simbahan hanggang sa kasalukuyan]; at ang banal na pagka-Apostol na ito ay patuloy na tataglayin ng isang Apostol hanggang sa isa pa hanggang sa dumating ang Panginoong Jesucristo sa kaulapan ng langit upang personal na maghari sa mundo. … Tanging ang kanyang pangalan ang ibinigay sa ilalim ng langit kung saan sa pamamagitan nito darating ang kaligtasan, at tayo ang kanyang mga tagapaglingkod” (“Upon This Rock,” Ensign, Mayo 1981, 77).

Doktrina at mga Tipan 27:15–18. “Magsuot kayo ng aking buong baluti”

Pinayuhan ni Apostol Pablo ang mga Banal na taga Efeso na “mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo’y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo” (Mga Taga Efeso 6:11; tingnan din sa Mga Taga Efeso 6:11–18), at ang gayon ding payo ay ibinigay sa mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 27:15–18). Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang ilan sa makahulugang simbolo ng kagayakan o baluti ng Diyos at kung ano ang dapat nating hangaring maprotektahan kung isusuot natin ang buong kagayakan o baluti ng Diyos: “Mayroon tayong apat na bahagi ng katawan na pinakamadaling matukso ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Ang baywang, na sumisumbolo sa karangalan, kalinisang-puri. Ang puso na sumisimbolo sa ating pag-uugali. Ang ating mga paa, ang ating mga mithiin o layunin sa buhay at ang huli ay ang ating ulo, ang ating mga iniisip” (Feet Shod with the Preparation of the Gospel of Peace, Brigham Young University Speeches of the Year [Nob. 9, 1954], 2).

Kasunod ng pahayag ng Panginoon na “Dahil dito, pasiglahin ang inyong mga puso at magalak, at bigkisan ang inyong mga balakang, at magsuot kayo ng aking buong baluti” (D at T 27:15) ay ang Kanyang pangako na hindi lamang ang Kanyang mga tagapaglingkod mula sa mga nagdaang dispensasyon ang mapaparoon sa banal na sacrament meeting kapag bumalik siya sa mundo kundi pati rin “silang lahat na ibinigay sa akin ng Ama mula sa sanlibutan” (D at T 27:14). Ito ay nagmumungkahi ng isang mahalagang kaugnayan ng baluti ng Diyos at ng pagiging handa at karapat-dapat na mapabilang sa mga yaong matitipon na kasama ng Tagapagligtas bago ang Kanyang pagbabalik sa kaluwalhatian sa mundo.

Doktrina at mga Tipan 28: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sa araw na iorganisa ang Simbahan, iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan na “kayo ay tatalima sa lahat ng mga salita at kautusang ibibigay [ng Propeta] … sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig” (D at T 21:4–5). Gayunman, matagal bago lubos na naunawaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kahulugan ng doktrinang ito. Noong tag-init ng 1830, sumulat si Oliver Cowdery kay Propetang Joseph Smith para ipaalam sa kanya na sa palagay niya ay mayroong mali sa isa sa mga utos na nakapaloob sa scripture passage na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 20:37, at iniutos ni Oliver sa Propeta na palitan ang mga salita.

Ipinaliwanag ni Joseph Smith: “Kaagad akong sumulat sa kanya upang sagutin siya, kung saan itinanong ko sa kanya, kung sa anong awtoridad niya ako inuutusan na palitan, o burahin, dagdagan o alisin ang isang paghahayag o kautusan mula sa Makapangyarihang Diyos. Pagkatapos ng ilang araw binisita ko siya at ang pamilya ni Ginoong Whitmer, at nalaman ko na sumang-ayon ang pamilya sa opinyon [ni Oliver] … ; at hindi naging madali para sa akin na sikaping mapaliwanagan ang sinuman sa kanila tungkol sa bagay na iyon. … Sa huli, … nagawa ko na maipaunawa hindi lamang sa pamilya Whitmer, kundi pati na rin kay Oliver Cowdery na nagkamali sila” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 426).

Sa mga unang araw ng Setyembre 1830 nangyari ang isa pang mabigat na hamon sa kaayusan ng Panginoon sa pagbibigay ng paghahayag sa Kanyang Simbahan. Dahil sa matinding pag-uusig sa Harmony, Pennsylvania, lumipat sina Joseph at Emma Smith sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Nang dumating sila roon, nalaman ni Joseph na ipinamamalita ni Hiram Page na nakatatanggap siya ng mga paghahayag sa pamamagitan ng isang bato. Labis na natuwa at sinuportahan ng mga Whitmer at ni Oliver Cowdery ang di-umano’y mga paghahayag na ito.

Ganito ang sinabi ni Newel Knight, na dumating sa Fayette para dumalo sa ikalawang kumperensya ng Simbahan:

“Nang dumating ako roon nakita ko ang labis na pag-aalala ni Brother Joseph tungkol sa mga pangyayari na may kaugnayan kay [Hiram] Page, na lumikha ng bahagyang pagtatalu-talo sa mga kapatid sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga paghahayag hinggil sa pamamahala ng Simbahan at sa iba pang mga bagay, na sinabi niyang natanggap niya sa pamamagitan ng isang bato na pag-aari niya. Mayroon siyang isang balumbon ng mga papel na puno ng mga paghahayag na ito, at marami sa Simbahan ang naakay palayo ng mga ito. Sinunod din ni Oliver Cowdery at ng pamilya Whitmer ang mga ito, bagama’t ang mga ito ay salungat sa Bagong Tipan at mga paghahayag sa mga huling araw na ito. Nabigyan si Satanas ng pagkakataon na udyukan ang maliit na kawan, at hinangad niyang maisagawa sa pamamagitan ng paraang ito ang hindi nagawa ng pag-uusig. Nagulumihanan si Joseph at halos hindi alam ang gagawin sa biglaang pangyayaring ito. Nang gabing iyon ay naroon ako sa isang silid kasama siya at halos buong gabi siyang nanalangin at nagsumamo. Matapos ang maraming pagsisikap at pagtuturo sa mga kapatid na ito, sila ay nakumbinsi sa kanilang kamalian, at nagtapat, sinasabing ang mga paghahayag ay hindi mula sa Diyos, at napagtanto na si Satanas ang may pakana upang talikuran nila ang kanilang paniniwala sa tunay na plano ng kaligtasan. Dahil sa mga bagay na ito, nagtanong si Joseph sa Panginoon bago magsimula ang kumperensya at natanggap ang paghahayag [na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28], kung saan malinaw na ipinahayag ng Diyos ang Kanyang kaisipan at kalooban hinggil sa pagtanggap ng paghahayag.

“Sa ginanap na kumperensya, ang unang ginawa ay pag-usapan ang paksa tungkol sa bato na naugnay kay [Hiram] Page, at matapos ang masusing pagsisiyasat at pag-uusap, si Brother Page at lahat ng miyembro ng Simbahan na naroon ay iwinaksi ang nasabing bato at ang mga paghahayag na kaugnay nito, na lubos naming ikinasiya. …

“Sa panahong ito labis na naipakita sa amin ang kapangyarihan ng Diyos at nakasisiyang masaksihan ang karunungang ipinakita ni Joseph sa pangyayaring ito, sapagkat tunay na binigyan siya ng Diyos ng malaking karunungan at kapangyarihan, at tila para sa akin, hanggang ngayon, na wala sa sinumang nakakita ng pagtugon niya nang may kabutihan, sa gitna ng gayong masalimuot na kalagayan, ang mag-aalinlangan na nasa kanya ang Panginoon, dahil kumilos siya—hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng karunungan ng Diyos ” (“Newel Knight’s Journal,” sa Scraps of Biography [1883], 10:64–65).

Doktrina at mga Tipan 28

Nalaman ni Oliver Cowdery na tanging Pangulo ng Simbahan lamang ang makatatanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan

Doktrina at mga Tipan 28:1–7. Ang paghahayag ay ibinibigay sa wastong linya ng awtoridad

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28, na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith para kay Oliver Cowdery, ibinigay ng Panginoon ang tamang kaayusan ng pagtanggap ng paghahayag sa Simbahan. Bagama’t inordenan si Oliver bilang pangalawang elder ng Simbahan, ang kanyang tungkulin ay hindi ang tumanggap ng mga paghahayag o isulat ang mga kautusan para sa Simbahan, ni ang utusan si Joseph Smith, na siyang namumuno sa Simbahan. Sa halip, dapat tularan ni Oliver ang halimbawa ni Aaron, na “matapat na ipahayag ang mga kautusan at paghahayag” (D at T 28:3) na ibinigay sa propeta ng Panginoon. Tulad ni Moises, si Joseph Smith ang propeta na tumanggap ng mga susi ng kaharian sa kanyang panahon. Gayunpaman, pinangakuan si Oliver na siya ay papatnubayan ng Mang-aaliw at pagkakalooban ng kapangyarihan at awtoridad kapag itinuro niya ang mga bagay na inihayag kay Propetang Joseph Smith.

paglalarawan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery na tinatapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon

Inihambing ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery kina Moises at Aaron (tingnan sa D at T 28:2–3).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Napakahalaga na matanggap ni Oliver Cowdery ang payo na ito, dahil nagiging ugali niyang usisain ang Propeta maging tungkol sa mga bagay-bagay sa paghahayag. Maraming magandang nangyari mula sa di kanais-nais na pangyayaring iyon, dahil naituro sa mga miyembro na may kaayusan sa Simbahan at isa lamang ang itinalaga na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag para sa kanilang patnubay, at siya ang taong tinawag ng Diyos” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:135).

Sa pagsasalita tungkol sa angkop na kaayusan na ito ng pagtanggap ng paghahayag, itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Salungat sa pamahalaan ng Diyos na ang sinumang miyembro ng Simbahan, o sinuman, na makatanggap ng tagubilin para sa mga taong may awtoridad na mas mataas kaysa sa kanila; … kung ang isang tao ay may pangitain o dalawin ng mga sugo mula sa langit, iyon ay para sa kanyang sariling kapakinabangan at patnubay; sapagkat ang mga pangunahing alituntunin, pamahalaan, at doktrina ng Simbahan ay napapailalim sa mga susi ng kaharian” (Mga Turo: Joseph Smith, 229). Kalaunan sa isang pagkakataon ipinahayag niya, “Ang mga Pangulo o [Unang] Panguluhan ay nasa buong Simbahan; at ang mga paghahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay ipararating sa pamamagitan ng Panguluhan. Ito ang kaayusan ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng [Melchizedek] Priesthood. Pribilehiyo rin ito ng sinumang pinuno ng Simbahang ito na tumanggap ng mga paghahayag, basta’t patungkol sa kanyang katungkulan at tungkulin sa Simbahan” (Mga Turo: Joseph Smith, 229).

Inilahad ni Elder Dallin H. Oaks kung paano nagpapatuloy ngayon ang kaayusang ito ng paghahayag sa Simbahan: “Ang bahay ng ating Ama sa Langit ay bahay ng kaayusan, kung saan iniuutos sa kanyang mga tagapaglingkod na ‘kumilos sa katungkulang itinalaga sa [kanila]’ (D at T 107:99). Ang alituntuning ito ay angkop sa paghahayag. Tanging ang pangulo ng Simbahan ang tumatanggap ng paghahayag upang magabayan ang buong Simbahan. Ang stake president lamang ang tumatanggap ng paghahayag para mapatnubayan ang kanyang stake. Ang taong tumatanggap ng paghahayag para sa ward ay ang bishop. Para sa isang pamilya, iyon ay ang namumunong priesthood ng pamilya. Tumatanggap ang mga lider ng paghahayag para sa sarili nilang nasasakupan. Maaaring tumanggap ang mga tao ng paghahayag na gagabay sa sarili nilang buhay. Ngunit kapag ipinahihiwatig ng isang tao na nakatatanggap siya ng paghahayag para sa isang tao na hindi sakop ng kanyang katungkulan—gaya ng isang miyembro ng Simbahan na nagsasabing tumanggap siya ng paghahayag para patnubayan ang buong Simbahan o ang isang tao na nagsasabing tumanggap siya ng paghahayag para patubayan ang isang tao na wala naman siyang awtoridad para pamunuan ito ayon sa kaayusan ng Simbahan—makatitiyak kayo na ang mga paghahayag na iyan ay hindi mula sa Panginoon” (“Revelation” [Brigham Young University devotional, Set. 29, 1981], 7, speeches.byu.edu).

Doktrina at mga Tipan 28:8–10, 14–16. Tinawag si Oliver Cowdery na magmisyon sa mga Lamanita

Si Oliver Cowdery ay tinawag na mamuno sa misyon sa mga Lamanita (tingnan sa D at T 28:8–10, 14–16; tingnan din sa D at T 30:5–6; 32:1–3). Ang katagang mga Lamanita ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao sa Aklat ni Mormon, na karamihan sa kanila ay mga inapo ni Laman, na panganay na anak ni Lehi. Ang paggamit ng Panginoon ng katagang mga Lamanita sa Doktrina at mga Tipan 28:9 ay nagpapahiwatig na ang ilan sa mga inapo ni Lehi ay mga Native American, o American Indian, na, noong panahong iyon, ay nakatira sa dating itinuturing na kanluraning hangganan ng Estados Unidos. Noong Mayo 1830, ipinasa ng United States Congress ang Indian Removal Bill, na nag-utos sa lahat ng American Indian na lumipat sa federal Indian Territory sa kanluran ng estado ng Missouri. Dahil dito, si Oliver Cowdery at ang kanyang mga kasama ay naglakbay sa kanlurang Missouri, “sa mga hangganan ng mga Lamanita” (D at T 28:9), upang ituro ang ebanghelyo sa mga American Indian.

Hindi sinasabi ng Aklat ni Mormon na nagmula lamang sa pamilya ni Lehi ang mga American Indian. Sinabi ni Pangulong Anthony W. Ivins (1852–1934) ng Unang Panguluhan: “Dapat maging maingat tayo sa paggawa ng mga konklusyon. Itinuturo sa Aklat ni Mormon ang kasaysayan ng tatlong magkakaibang grupo ng mga tao … na nagmula sa lumang daigdig [old world] at nagpunta sa kontinenteng ito. Hindi nito sinasabi na walang taong nauna sa kanila [sa kontinenteng ito]. Hindi nito sinasabi sa atin na walang mga taong nagsipunta rito matapos manirahan dito [ang mga tao sa Aklat ni Mormon]. At kung mayroon mang natuklasan na nagsasabi ng pagkakaiba-iba sa lahing pinagmulan, maituturing ngang gayon ito, at makatwiran, dahil naniniwala tayo na may iba pang mga tao na nagsipunta sa kontinenteng ito” (sa Conference Report, Abr. 1929, 15).

Doktrina at mga Tipan 28:9. “Ang lunsod ng Sion ay itatayo … sa mga hangganan ng mga Lamanita”

Matapos ilathala ang Aklat ni Mormon, ang mga Banal ay naging pamilyar sa mga propesiya tungkol sa Sion sa mga huling araw—ang Bagong Jerusalem na itatayo sa lupalop ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 20:22; 21:22–23; Eter 13:4–8). Natural lamang na magtanong ang mga Banal tungkol sa lokasyon nito. Noong tag-init ng 1830, hinangad ni Hiram Page na matuklasan ang lokasyon ng lunsod ng Sion sa mga huling araw sa pamamagitan ng bato na pinaniniwalaan niyang magbibigay sa kanya ng paghahayag. Gayunman, natiyak niya kalaunan na siya ay nalinlang ni Satanas, at iwinaksi niya ang nasabing “mga paghahayag.” Kasama sa pagtawag kay Oliver Cowdery na mangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita, sinabi ng Panginoon na ang lugar na pagtatayuan ng lunsod ng Zion “ay sa mga hangganan ng mga Lamanita” (D at T 28:9). Pagkaraan ng ilang buwan, ang lugar para sa Sion ay tinukoy na Missouri (tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 57:1–3 sa manwal na ito).

Doktrina at mga Tipan 28:11–14. “Si Satanas ay nilinlang siya”

Ang isyu sa problemang nilikha ni Hiram Page ay inakala niya na tutulutan siya ng Panginoon na makatanggap ng paghahayag na hindi niya pribilehiyong matanggap. Ang pag-aakalang ito ay naging dahilan para malinlang at maimpluwensyahan siya ni Satanas. Ang pamilya Whitmer at iba pa sa Fayette, New York, kabilang si Oliver Cowdery, na naniwala sa sinabi ni Hiram Page ay mga nalinlang din. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 28, inatasan si Oliver na iwasto si Hiram Page at ituro ang mga totoong alituntunin. Itinala ni Propetang Joseph Smith na sa kumperensya noong Setyembre 1830, “Si Brother Page, gayundin ang mga miyembro ng Simbahan na naroon, ay iwinaksi na ang nasabing bato at lahat ng bagay na may kaugnayan dito” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 452).

Pinatotohanan ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan na ang Pangulo ng Simbahan lamang ang tanging makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan at ipinaliwanag kung paano ito nagbibigay ng kaayusan at proteksyon sa mga Banal sa mga Huling Araw:

“Sinasabi ng ilan na nag-aangkin sila ng mas mataas na espirituwal na kaloob o awtoridad na hindi nagmumula sa itinatag na awtoridad ng priesthood ng Simbahan. Sinasabi nila na sila ay naniniwala sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo at tinatanggap ang Pangulo ng Simbahan bilang legal na tagapangasiwa niyon, subalit sinasabi nila na may mas mataas silang awtoridad na hindi taglay ng Pangulo [ng Simbahan]. Ito ay madalas ginagawa upang pangatwiranan ang isang aktibidad na hindi ayon sa mga doktrina ng Simbahan. Gayunpaman, walang mas mataas na awtoridad dahil ang Pangulo ng Simbahan ang humahawak at gumagamit ng lahat ng mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa. Sinabi ng Panginoon hinggil sa Pangulo ng Simbahan ‘na walang ibang itinalaga [para tumanggap ng mga kautusan at paghahayag] maliban sa ito ay sa pamamagitan niya ’ [D at T 43:4]. …

“… Ang patuloy na paghahayag at pamumuno sa Simbahan ay dumarating sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan, at hindi niya ililigaw kailanman ang mga Banal” (“The Prophetic Voice,” Ensign, Mayo 1996, 6–7).

Doktrina at mga Tipan 28:11. “Ang mga bagay na yaon na kanyang isinulat mula sa bato ay hindi mula sa akin”

Sa kanlurang New York noong mga unang taon ng 1800s, maraming tao ang naniwala na maaaring tumanggap ang mga tao ng kahima-himalang kaalaman sa pamamagitan ng kagamitang tulad ng isang bato o divining rod. Sinabi ni Hiram Page na lumalabas ang mga salita sa batong angkin niya. Sinabi niya na matapos niyang idikta ang mga salita at ipakopya ito sa papel, ang mga salita sa bato ay mawawala at ibang mga salita ang lilitaw (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents: Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 184). Kinundena ng Panginoon ang mga huwad na paghahayag ni Hiram Page.

Bukod sa paggamit ng Urim at Tummim, maaaring gumamit din si Propetang Joseph Smith ng bato ng tagakita o seer stone na natagpuan niya noong kanyang kabataan para isalin ang isang bahagi ng Aklat ni Mormon. May ilang haka-haka tungkol sa paraan kung paano ginamit ng Propeta ang Urim at Tummim upang isalin ang Aklat ni Mormon at tungkol sa iba pang mga detalye sa proseso ng pagsasalin, ngunit sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi natin alam ang mga detalye” (“By the Gift and Power of God,” Ensign, Ene. 1997, 39). Ang isang napakahalagang pagkakaiba kina Joseph Smith at Hiram Page ay ang pagtawag ng Diyos kay Joseph Smith upang isagawa ang pagsasalin at tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan (tingnan sa D at T 21:1–6). Sa kabilang banda, malinaw na inihayag ng Panginoon na nilinlang ni Satanas si Hiram Page at ang mga naniwala sa mga salitang idinikta ni Hiram (tingnan sa D at T 28:11).

Pinayuhan tayo ni Pangulong James E. Faust na iwasan natin ang mga aktibidad na magiging dahilan para maimpluwensyahan ni Satanas ang ating buhay:

“Hindi magandang pag-usapan si Satanas. Tingin ko’y mahusay siyang magpanggap. …

“Hindi magandang ugali ang maging interesado kay Satanas at sa kanyang mga kababalaghan. Walang mabuting ibubunga ang paglapit sa kasamaan. Kagaya ng paglalaro ng apoy, napakadaling madarang. … Ang tanging ligtas na gawin ay lumayo nang husto sa kanya at sa anuman sa kanyang kasamaan o kriminalidad. Ang kasalanang pagsamba sa diyablo, pangkukulam, panggagaway, voodoo, engkanto, mahika negra, at lahat ng iba pang anyo ng kademonyohan ay dapat iwasang lagi” (“Ang mga Puwersang Magliligtas sa Atin,” Liahona, Enero 2007, 3).