Institute
Kabanata 9: Doktrina at mga Tipan 20–22


Kabanata 9

Doktrina at mga Tipan 20–22

Pambungad at Timeline

Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, iniutos ng Panginoon na iorganisa ang Kanyang Simbahan sa Abril 6, 1830. Bagama’t ang paghahayag na ito, na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 20, ay naitala nang ilang araw pagkatapos maiorganisa ang Simbahan, ang mga bahagi nito ay maaaring naipahayag noong Hunyo 1829. Binigyang-diin ng paghahayag na ito ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon, inilahad ang mga responsibilidad ng mga katungkulan sa priesthood, at nagbigay ng mga tagubilin para sa mga ordenansa ng binyag at para sa sakramento.

Sa araw na inorganisa ang Simbahan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 21. Nakasaad dito na itinalaga siya ng Panginoon bilang propeta, tagakita, at lider ng ipinanumbalik na Simbahan at hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na pakinggan at sundin ang mga salita ng Propeta. Matapos itatag ang Simbahan, may mga taong nagtanong kung kinakailangan pa bang binyagan muli ang mga taong nabinyagan na sa iba pang mga simbahan para maging mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan. Nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22, kung saan itinuro ng Panginoon na ang binyag ay kailangang isagawa ng mga taong may tamang awtoridad.

Katapusan ng Marso 1830Natapos ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon.

Abril 6, 1830Ang Simbahan ay inorganisa ni Joseph Smith sa Fayette, New York.

Abril 6, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 21.

Pagkatapos ng Abril 6 1830Natapos at naitala ang Doktrina at mga Tipan 20 (bagama’t ang ilang bahagi ay maaaring natanggap mga ilang buwan bago ito).

Abril 16, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 22.

Hunyo 9, 1830Ginanap ang unang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York.

Doktrina at mga Tipan 20: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Itinala ni Propetang Joseph Smith na noong Hunyo 1829, sa tahanan ni Peter Whitmer Sr., iniutos ng tinig ng Diyos na iordenan nila ni Oliver Cowdery ang isa’t isa na mga elder ngunit nagtagubilin na ipagpaliban ang ordinasyon hanggang sa makapagtipun-tipon ang mga kapatid at ibigay ang kanilang boto ng pagsang-ayon (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 326; tingnan din sa D at T 128:21). Gayon din noong Hunyo, iniutos ng Panginoon kay Oliver Cowdery na tumulong sa “[pag]tatayo [ng] simbahan [ng Panginoon]” (D at T 18:5) dahil ang Aklat ni Mormon ay matatapos na noong panahong iyon. Kasunod nito, tinipon ni Oliver ang isang dokumento na tinawag na “Articles of the Church of Christ,” na naglalaman ng mga detalye tungkol sa mga ordenansa, mga katungkulan sa priesthood, at mga tuntunin sa Simbahan na matatagpuan sa Aklat ni Mormon (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 368–74). Marahil ay layunin ng impormasyong ito na gabayan ang mga sumasampalataya hanggang sa panahong maitatag ang Simbahan.

silid sa itaas sa bahay ni Peter Whitmer Sr., na itinayo muli, Fayette, New York

Silid sa itaas sa bahay ni Peter Whitmer Sr., na itinayo muli sa Fayette, New York, kung saan natapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon at kung saan narinig ang tinig ng Diyos (tingnan sa D at T 128:21)

Bagama’t hindi nakasaad ang eksaktong petsa kung kailan natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20, ibinuod ni Propetang Joseph Smith ang mga nangyari sa pagtanggap ng banal na tagubilin: “Sa ganitong paraan patuloy na nagbigay ng mga tagubilin sa amin ang Panginoon sa pana-panahon, tungkol sa mga tungkulin na ipinagkaloob sa amin, at marami pang ibang bagay tungkol dito, natamo namin ang sumusunod mula sa kanya, sa pamamagitan ng Diwa ng propesiya at paghahayag; na hindi lamang nagbigay sa amin ng maraming kaalaman, kundi nagsabi rin sa amin ng eksaktong araw, ayon sa kanyang kalooban at kautusan, kung kailan namin dapat simulan na iorganisa muli ang kanyang Simbahan, dito sa lupa” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 336; ang pagbabaybay ay inayos ayon sa pamantayan). Ang mga tagubiling iyon ay nakilala bilang “Articles and Covenants of the Church of Christ.”

Ang buong teksto ng Articles and Covenants ay isinulat kaagad matapos ang pulong sa pag-oorganisa na ginanap noong Abril 6, 1830, at nagbigay ng buod ng mga paniniwala ng Simbahan ni Jesucristo at ng tungkol sa mga katungkulan at ordenansa na nakapaloob dito. Sa unang kumperensya ng Simbahan, na idinaos noong Hunyo 9, 1830, sa tahanan ni Peter Whitmer Sr., ang Articles and Covenants ay binasa at inilahad sa mga miyembro para sang-ayunan (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 116–26). Nang sumunod na ilang taon, ang Articles and Covenants, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 20, ay binago sa pana-panahon nang patuloy na makatanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag hinggil sa istruktura ng Simbahan. Halimbawa, ang Doktrina at mga Tipan 20:65–67 ay idinagdag pagkatapos maihayag ang katungkulan na high priest sa Kirtland, Ohio, noong Hunyo 1831 (tingnan sa section heading ng D at T 52).

Mapa 3: Hilagang-Silangan ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 20:1–36

Isinalaysay ang mga pangyayari sa Panunumbalik at ibinuod ang mga katotohanang itinuro sa Aklat ni Mormon

ang bahay ni Peter Whitmer Sr., na itinayo muli, Fayette, New York

Ang bahay ni Peter Whitmer Sr. na itinayo muli sa Fayette, New York

Doktrina at mga Tipan 20:1. “Ang pagsikat ng Simbahan ni Cristo sa mga huling araw na ito”

Kasunod ng pagkamatay ng mga sinaunang Apostol, may mga di-awtorisadong pagbabago na ginawa sa organisasyon, doktrina, at mga ordenansa ng Simbahan ni Jesucristo. Pagkaraan ng maraming siglo ng apostasiya, ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Kasama sa Panunumbalik na ito ang pag-organisa ng Simbahan ni Cristo noong Abril 6, 1830. Pinatotohanan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang tadhana ng Simbahan ng Panginoon:

“Nagpulong sina Joseph Smith at ang mga kasamahan niya sa tagong bahay na yari sa kahoy sa bukirin ni Peter Whitmer sa tahimik na bayan ng Fayette, New York, at itinatag ang Simbahan ni Cristo.

“Mula sa maliit na simulang iyon isang tunay na kamangha-manghang bagay ang nangyari. Naging dakila ang kasaysayan ng gawaing ito. Ang mga miyembro natin ay dumanas ng lahat ng uri ng paghihirap. Hindi kayang mailarawan ang kanilang mga sakripisyo. Kahanga-hanga ang kanilang mga pagsisikap. Ngunit mula sa lahat ng matitindi at mahihirap na sakripisyong ito ay naganap ang isang maluwalhating bagay. Ngayo’y nasa kasukdulan tayo ng panahon at natatanaw ang mga bunga nito.

“Mula sa orihinal na anim na miyembro ay umusbong ang isang malaking pamilya ng mga sumasampalataya. … Mula sa tahimik na bayang iyon ay umusbong ang isang simbahan na nakakalat na ngayon sa 160 bansa sa daigdig … Sa malawak na sakop nito ay mga miyembrong mula sa maraming bansa na nagsasalita ng maraming wika. Wala pang nangyaring ganito noon. Mula sa paghahawi ng tabing ng nakaraan ay natanaw ang isang magandang huwaran. Nakikita ito sa mga buhay ng maligaya at kalugud-lugod na mga tao. Nagbabadya ito ng mga kagila-gilalas na bagay na darating pa” (“The Church Goes Forward,” Ensign, Mayo 2002, 4).

Doktrina at mga Tipan 20:1. Ang Simbahan ni Cristo

Nang opisyal na maorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan noong Abril 6, 1830, ito ay tinawag na Simbahan ni Cristo. Noong 1834, inaprubahan ng kapulungan ng Simbahan ang titulong Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang napiling alternatibong pangalan para sa Simbahan. Sa huli, sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong Abril 1838, ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang Simbahan ay tatawaging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4).

Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang layunin at kahalagahan ng Simbahan ng Diyos sa paghahangad natin ng kadakilaan:

“Kadakilaan ang mithiin ng mortal na paglalakbay na ito, at walang sinumang makakarating doon kung wala ang ebanghelyo ni Jesucristo: Kanyang Pagbabayad-sala, ang mga ordenansa, at ang gumagabay na doktrina at mga alituntunin na matatagpuan sa Simbahan.

“Sa Simbahan natin natututuhan ang mga gawa ng Diyos at natatanggap ang biyaya ng Panginoong Jesucristo na nagliligtas sa atin. Sa Simbahan tayo bumubuo ng mga pangako at tipan ng mga walang-hanggang pamilya na nagiging pasaporte natin sa kadakilaan. Ang Simbahan ang may kapangyarihan ng priesthood na nagtataguyod sa atin para malampasan ang mapanganib na mga tubig ng mortalidad” (“Ang Diyos ang Namamahala,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 27).

Doktrina at mga Tipan 20:2–16. Ang Aklat ni Mormon at mga pangyayari sa Panunumbalik

paglalarawan kay Joseph Smith

Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Inilahad muli sa Doktrina at mga Tipan 20 ang ilan sa mahahalagang pangyayari sa Panunumbalik. Halimbawa, dinalaw ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo si Joseph Smith, at “nakatanggap ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan” sa panahon ng Unang Pangitain (D at T 20:5). Ang “banal na anghel” na si Moroni ay nagpakita kay Joseph Smith at tinuruan siya at “nagbigay sa kanya ng mga kautusan na pumukaw sa kanya” (D at T 20:6–7). Kalaunan ay nakuha ni Joseph Smith ang mga laminang ginto at binigyan ng “kapangyarihan” at “mga pamamaraan” sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon (D at T 20:8). Ang iba pa, tulad ng Tatlong Saksi, ay tumanggap ng patunay sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 20:10). Ang panunumbalik ng awtoridad ng priesthood ay makikita sa ordenasyon nina Joseph Smith at Oliver Cowdery bilang una at pangalawang elder ng Simbahan (tingnan sa D at T 20:2–3).

Ang paghahayag na ito ay nagpapatotoo rin na pinagtitibay ng Aklat ni Mormon ang katotohanan ng Biblia (tingnan sa D at T 20:11; tingnan din sa 1 Nephi 13:40; Mormon 7:8–9). Bukod pa rito, binigyang-diin ng paghahayag na ito ang mahalagang papel na ginampanan ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pangangako ng buhay na walang hanggan sa “yaong mga tatanggap nito nang may pananampalataya” at pagkundena sa “yaong mga magpapatigas ng kanilang mga puso sa kawalan ng pananampalataya, at tatanggihan ito” (D at T 20:14–15).

Doktrina at mga Tipan 20:9. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman “ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo”

Tinukoy ng Panginoon ang “kabuuan ng ebanghelyo” (D at T 20:9) bilang “ang tipan na aking ipinadala upang mapanumbalik muli ang aking mga tao, na mula sa sambahayan ni Israel” (D at T 39:11). Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng ilang pagpapahayag na nagsasabi na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 20:9; 27:5; 42:12; 135:3).

Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Ipinahayag mismo ng Panginoon na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng ‘kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.’ (D at T 20:9.) Hindi ibig sabihin niyan na naglalaman ito ng lahat ng turo, lahat ng doktrina na ipinahayag. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay makikita natin sa Aklat ni Mormon ang kabuuan ng mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan. At itinuturo ang mga ito nang malinaw at simple nang sa gayon matutuhan maging ng mga bata ang paraan ng kaligtasan at kadakilaan. Napakaraming ibinibigay ng Aklat ni Mormon na nagpapalawak ng ating pang-unawa sa mga doktrina ng kaligtasan. Kung wala ito, maraming itinuturo sa iba pang mga banal na kasulatan ang hindi magiging napakalinaw at napakahalaga” (“The Keystone of Our Religion,” Ensign, Ene. 1992, 5).

Doktrina at mga Tipan 20:17–36. “Sa pamamagitan ng mga bagay na ito nalalaman natin”

Sa Doktrina at mga Tipan 20:17, ang pariralang “sa pamamagitan ng mga bagay na ito” ay tumutukoy sa mga katotohanan na alam natin sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 20:8–10). Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nabigyan ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga doktrinang may kinalaman sa ating personal na kaligtasan, lalo na sa mahalagang ginagampanan ni Jesucristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

“Sa ikadalawampung bahagi ng Doktrina at mga Tipan, naglaan ang Panginoon ng ilang talata upang ibuod ang mahahalagang katotohanang itinuturo ng Aklat ni Mormon. (Tingnan sa mga talata 17–36.) Tungkol ito sa Diyos, sa paglikha sa tao, sa Pagkahulog, sa Pagbabayad-Sala, sa pag-akyat ni Cristo sa langit, sa mga propeta, pananampalataya, pagsisisi, binyag, sa Espiritu Santo, pagtitiis, panalangin, pagbibigay ng katwiran at pagpapabanal sa pamamagitan ng biyaya, at pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.

“Dapat nating malaman ang mahahalagang katotohanang ito. Itinuro nina Aaron at Ammon at ng kanilang mga kapatid sa Aklat ni Mormon ang ganitong uri din ng mga katotohanan sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 18:22–39), na ‘nasa kadiliman’ (Alma 26:3). Matapos matanggap ang mga walang hanggang katotohanang ito, nakasaad sa Aklat ni Mormon, na ang mga nagbalik-loob na mga Lamanitang iyon ay hindi na kailanman nagsitalikod sa Diyos. (Tingnan sa Alma 23:6.)

“Kung naturuan ang ating mga anak at apo ng mga katotohanan ding ito at sinunod ang mga katotohanang ito, sila ba ay magsisitalikod sa Diyos? Maiituro natin nang mabuti sa kanila ang Aklat ni Mormon sa oras ng pagkain, sa ating mga fireside, sa ating mga silid bago matulog, at sa ating mga sulat at pagtawag sa telepono—sa lahat ng ating mga ginagawa” (“A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 7).

Ang pariralang “aming nalalaman” ay ginamit nang ilang beses sa Doktrina at mga Tipan 20:17–36 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:17, 29, 30, 31, 35). Ito ay nagpapakita ng diwa ng patotoo at nagpapaalala sa mga miyembro ng Simbahan na ang mga pangunahing doktrinang ito ang humuhubog sa ating mga paniniwala.

Doktrina at mga Tipan 20:37–84

Inihayag ng Panginoon ang mga tungkulin ng mga katungkulan sa priesthood at nagbigay ng mga tagubilin para sa binyag at sakramento

Doktrina at mga Tipan 20:37. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu?

Upang matanggap ang kapatawaran sa ating mga kasalanan, kailangan nating “humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu” (D at T 20:37). Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung ano ang ibig sabihin ng bagbag na puso at nagsisising espiritu: “Ang kalumbayang mula sa Diyos ay kaloob ng Espiritu. Ito ay malalim na pagkaunawa na nagalit ang ating Ama at ating Diyos sa ating mga ginawa. Ito ay matindi at malinaw na kaalaman na dahil sa ating ikinilos ay naghirap at nagdusa ang Tagapagligtas, Siya na walang–sala, maging ang pinakadakila sa lahat. Lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang katawan dahil sa ating mga kasalanan. Ang tunay na pagdadalamhating ito ng isipan at espiritu ang tinutukoy sa mga banal na kasulatan na pagkakaroon ng ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 97).

Doktrina at mga Tipan 20:38. “Ang isang apostol ay isang elder”

Sa mga unang taon ng ipinanumbalik na Simbahan, ang salitang apostol ay madalas gamitin sa mga elder na nasa gawaing misyonero (halimbawa, tingnan sa pagtukoy ng Panginoon kina Oliver Cowdery at David Whitmer sa D at T 18:9, 14). Makatutulong din na malaman na sa panahong ibigay ang pagpapahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20, ang katungkulan na high priest sa Melchezidek priesthood ay hindi pa napapahayag. Ang titulong “Elder” ay ginagamit ngayon upang ilarawan ang sinumang maytaglay ng Melchizedek Priesthood na tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo, anuman ang kanyang katungkulan sa priesthood. “Halimbawa, ang mga lalaking missionary ay tinatawag na mga elder. Gayundin, ang isang Apostol ay isang elder, at angkop na itawag sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa o mga Korum ng Pitumpu (D at T 20:38; 1 Ped. 5:1)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elder,” scriptures.lds.org).

Doktrina at mga Tipan 20:38–59. Mga tungkulin sa Priesthood

Nang maorganisa ang Simbahan noong 1830, inilahad ng Panginoon ang mga responsibilidad at tungkulin ng mga elder, priest, teacher, at deacon. Simula ng panahong iyon, idinagdag ang mga karagdagang detalye hinggil sa mga katungkulang ito sa priesthood. Gayunman, ang mahahalagang tagubilin na nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 20:38–59 ay mga alituntuning dapat patuloy na pag-aralan at sundin ng lahat ng maytaglay ng priesthood. Binigyang-diin ni Pangulong Thomas S. Monson ang pangangailangan na malaman natin ang ating tungkulin at gampanan ito upang mapaglingkuran ang iba:

“Ang pagkasaserdote [priesthood] ay higit pa sa isang kaloob, ito ay isang tungkuling maglingkod, isang pribilehiyo na makahikayat, at pagkakataong [mapagpala] ang buhay ng iba.

“Ang tawag ng tungkulin ay darating nang dahan-dahan habang tayo na nagtataglay ng pagkasaserdote ay tumutugon sa mga tungkuling ibinibigay sa atin. Si Pangulong George Albert Smith, ang mahinahon, ngunit [mahusay na] pinuno ay nagpahayag, ‘Tungkulin muna ninyo na pag-aralan ang nais ng Panginoon at pagkatapos sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas ng [inyong] banal na Pagkasaserdote, gawin ang inyong tungkulin sa harap ng inyong kapwa sa paraang ang mga tao ay magagalak na sumunod sa inyo’ [sa Conference Report, Abr. 1942, 14]” (“Gawin ang Inyong Tungkulin—Iyan ang Pinakamainam,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 59).

Doktrina at mga Tipan 20:75–79. Pagtanggap ng sakramento “sa pag-alaala sa Panginoong Jesus”

Ang sakramento ay pinangasiwaan nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Abril 6, 1830, ang araw na inorganisa ang Simbahan. Iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan na “magtipon nang madalas upang makakain ng [sakramento] sa pag-alaala sa Panginoong Jesus” (D at T 20:75).

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isa sa mga dahilan kung bakit isang pagpapala ang makibahagi sa sagradong ordenansang ito: “Ang mga panalangin sa sacrament ay nagpapatunay na isa sa mga pangunahing layunin ng sacrament ayon sa pagkatatag ng Panginoong Jesucristo ay na ‘lagi [natin] siyang alalahanin’ (D at T 20:77, 79). Malinaw na kabilang sa pag-alaala sa Tagapagligtas ang pag-alaala sa Kanyang Pagbabayad-sala, na simbolikong kinakatawan ng tinapay at tubig bilang mga sagisag ng Kanyang pagdurusa at kamatayan. Hindi natin dapat kalimutan kailanman ang ginawa Niya para sa atin, dahil kung hindi sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, mawawalan ng kahulugan ang buhay. Gayunman, sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, nagkaroon ng walang hanggan at banal na mga posibilidad ang ating buhay” (“Na Lagi Siyang Alalahanin” Liahona, Abr. 2011, 49).

silid sa itaas sa bahay ni Peter Whitmer Sr., na itinayo muli, Fayette, New York

Silid sa loob ng tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, kung saan inorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830

Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa pagpili natin ng tama ang pagtupad sa tipan na laging alalahanin si Jesucristo:

“Kapag dumarating ang mga araw-araw na pagsubok o hamon sa atin, karaniwang nagtutuon tayo sa sandaling iyon. Ngunit kapag ginawa natin iyon, maaaring makagawa tayo ng maling pagpili, manlumo, o mawalan ng pag-asa. Dahil sa ganitong ugali ng tao, pinayuhan tayo ng mga propeta na alalahanin ang walang hanggang pananaw. Sa ganyang paraan lamang natin matagumpay na malalakbay ang mortalidad. …

“Bawat linggo tinutulungan tayo ng sakramento na maalaala ang kabutihan at magagandang pangako ng Diyos. Sa pagtanggap sa simple at nakikitang bagay—isang piraso ng tinapay at isang inom ng tubig—nangangako tayo na laging aalalahanin ang Tagapagligtas at ang Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo. Sa pamamagitan ng sakramento, mapaninibago natin ang ating mga tipan at maipahahayag ang ating kahandaang sundin ang Kanyang mga kautusan. …

“Sa tulong ng sakramento, lagi natin Siyang maaalaala at mapapanatili ang ating walang hanggang pananaw” (“Maintaining an Eternal Perspective,” Ensign, Mar. 2014, 56, 59).

Doktrina at mga Tipan 20:77. “Sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak”

Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ipinahahayag natin ang kahandaan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahulugan ng kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo:

“Ang ating pagpapatunay na handa nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo ay may ilang iba’t ibang kahulugan. …

“… Tinaglay natin ang pangalan ni Jesucristo nang tayo ay mabinyagan sa kanyang pangalan, nang mapabilang tayo sa kanyang Simbahan at kapag ipinahahayag natin ang ating pananampalataya sa kanya, at kapag ginagawa natin ang gawain ng kanyang kaharian. …

“Napakahalaga na kapag tumatanggap tayo ng sakramento hindi natin pinatutunayan na tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Ipinapakita natin ang ating kahandaang gawin ito. (Tingnan sa D at T 20:77.) Ang katotohanan na ipinapakita lamang natin ang ating kahandaan ay nagpapahiwatig na dapat mayroong isang bagay na gawin bago natin talagang mataglay ang sagradong pangalang iyon sa ating sarili ayon sa pinakamahalagang kahulugan nito. …

“Ang kahandaan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo ay … maaaring mangahulugan ng kahandaang taglayin sa ating sarili ang awtoridad ni Jesucristo. Ayon sa kahulugang ito, sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento pinatutunayan natin na handa tayong makibahagi sa mga sagradong ordenansa sa templo at tumanggap ng pinakamataas na mga pagpapala sa pangalan at sa awtoridad ng Tagapagligtas kapag ninais niyang ipagkaloob ito sa atin. …

“… Kapag ipinakita natin ang ating kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, ipinahihiwatig natin na tutuparin natin ang ating pangako na gagawin ang lahat ng ating makakaya upang matamo ang buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama. Ipinahahayag natin ang ating kandidatura—ang ating determinasyon na magsikap na matamo ang—kadakilaan sa kahariang selestiyal” (“Taking upon Us the Name of Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1985, 80–82).

Doktrina at mga Tipan 21: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Pagkatapos ng iniutos ng Panginoon na iorganisa ang Kanyang Simbahan, nagtipon si Propetang Joseph Smith ng mga 60 nananampalataya sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, noong Martes, Abril 6, 1830. Inorganisa nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Simbahan alinsunod sa kalooban ng Diyos at alinsunod sa mga batas ng estado ng New York. Nagkaroon sa pulong ng panalangin, mga pagsang-ayon, ordenasyon, at pangangasiwa ng sakramento, at pagkumpirma sa mga nabinyagan. Sa pulong na ito, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 21.

Doktrina at mga Tipan 21

Dapat pakinggan at sundin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga salita ni Joseph Smith

Doktrina at mga Tipan 21:1. Mga responsibilidad ni Joseph Smith

Sa mga mananampalataya na tinipon noong araw na maorganisa ang Simbahan, inilarawan ng Panginoon ang mga banal na tungkulin na ibinigay sa Kanyang inordenang tagapaglingkod na si Joseph Smith. Si Joseph ay tatawaging “tagakita, tagapagsalin, propeta, isang apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan” (D at T 21:1; tingnan din sa D at T 107:91–92; 124:125; 127:12; 135:3). Dahil sa mga sagradong responsibilidad na ito, makikita ang kaibahan ni Joseph Smith sa lahat ng iba pang mga lider ng relihiyon sa kanyang panahon. Ang magiting na propetang ito sa mga huling araw ay hindi lamang isang namumunong lider; siya ay pinahintulutan ng Diyos na itatag ang Simbahan ng Panginoon at ipaalam ang inihayag na salita ng Panginoon.

paglalarawan ng pag-organisa ng Simbahan

Ang Simbahan ay inorganisa noong Abril 6, 1830, sa Fayette, New York.

Doktrina at mga Tipan 21:1. “May talaang iingatan sa inyo”

Ang kahalagahan ng pag-iingat ng talaan sa Simbahan ay binigyang-diin sa paghahayag na ibinigay sa pulong noong iorganisa ang Simbahan. Sinabi ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu at dating Church Historian na ang utos ng Panginoon na mag-ingat ng talaan ay iniuutos pa rin ngayon: “Alalahanin natin ang kasaysayan ng Simbahan ni Jesucristo at ang mga miyembro nito. Binibigyan ng mga banal na kasulatan ng mataas na priyoridad ang kasaysayan ng Simbahan. Sa katunayan, karamihan sa nilalaman ng mga banal na kasulatan ay kasaysayan ng Simbahan. Nang araw mismo na itinatag ang Simbahan, iniutos ng Diyos kay Joseph Smith, ‘Masdan, may talaang iingatan sa inyo’ [D at T 21:1]. Tumalima si Joseph sa utos na ito at hinirang si Oliver Cowdery, ang pangalawang elder ng Simbahan at kanyang pangunahing katuwang na maging unang mananalaysay ng Simbahan. Nag-iingat tayo ng talaan upang tulungan tayong makaalaala, at ang talaan ng pagkakatatag at pag-unlad ng Simbahan ay iningatan mula noong panahon ni Oliver Cowdery hanggang ngayon. Ang hindi pangkaraniwang talaang ito ay nagpapaalaala sa atin na muling binuksan ng Diyos ang langit at nagpahayag ng mga katotohanang kailangang gawin ng ating henerasyon” (“Pakatandaan at nang Huwag Masawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 37).

Doktrina at mga Tipan 21:4–6. “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin … nang buong pagtitiis at pananampalataya”

Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga piling tagapaglingkod. Noong Abril 1830, tinagubilinan ang mga mananampalataya na magiging miyembro ng Simbahan na “[tumalima]” sa mga salita at kautusan ni Propetang Joseph Smith na para bang nagmula ito sa bibig ng Panginoon (tingnan sa D at T 21:4–5). Sa isa pang paghahayag, ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit maituturing ang propeta na tagapagsalita ng Diyos: “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).

Pinayuhan din ng Panginoon ang mga magiging miyembro ng Kanyang Simbahan na tanggapin ang mga salita ni Propetang Joseph Smith “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (D at T 21:5). Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) kung paano naaangkop ang scripture passage na ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan ngayon: “Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay ang gawin mismo ang sinabi ng Panginoon sa Simbahan noong araw na itatag ang Simbahan. Kailangan tayong matutong makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta, ‘tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko; … na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya’ (D at T 21:4–5). May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 99–100).

Doktrina at mga Tipan 22: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Hindi nagtagal matapos maorganisa ang Simbahan, ang ilang nagnais na sumapi sa bagong tatag na Simbahan ni Cristo ay nag-alangang sundin ang utos na magpabinyag muli. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang tungkol sa banal na awtoridad … ay hindi tumimo nang matagal sa kanilang isipan. Nang naisin nilang maging miyembro ng Simbahan, matapos magkaroon ng patotoo na totoo ang ikinuwento ni Joseph Smith, nagtaka sila kung bakit kinakailangang binyagan pa silang muli gayong nasunod na nila ang ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:109).

Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22 ay natanggap noong Abril 16, 1830. Ang pinakaunang nakasulat na tala ng paghahayag na ito ay isinama kung minsan bilang bahagi ng Articles and Covenant, dahil marahil nililinaw ng paghahayag ang doktrina ng binyag na itinuro sa Doktrina at mga Tipan 20.

Doktrina at mga Tipan 22

Ang binyag ay kailangang isagawa ng mga maytaglay ng wastong awtoridad

Doktrina at mga Tipan 22:1. “Isang bago at walang hanggang tipan”

Sinagot ng Panginoon ang tanong tungkol sa pangangailangang mabinyagan muli ang mga bagong miyembro sa pagpapahayag na “isang bago at walang hanggang tipan” ang ibinigay (D at T 22:1). Ang kabuuan ng ebanghelyo ay tinukoy na bago at walang hanggang tipan kapag inihayag ito sa isang bagong dispensasyon. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

“Ang bago at walang hanggang tipan ay ang kabuuan ng ebanghelyo. Ito ay binubuo ng ‘Lahat ng tipan, kasunduan, obligasyon, sumpaan, pangako, ginawa, koneksyon, ugnayan, o inaasahan’ na ibinuklod sa mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako, o ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo ng Simbahan na mayhawak ng mga susi. …

“Ang kasal sa kawalang-hanggan ay isang bago at walang hanggang tipan. Ang binyag ay isang bago at walang hanggang tipan din, at gayon din naman ang ordenasyon sa priesthood, at lahat ng iba pang mga tipan ay walang hanggan at bahagi ng bago at walang hanggang tipan na sumasaklaw sa lahat ng bagay” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr. [1966], 1:65).

pampang ng Senaca Lake

Marami sa mga naunang Banal ang nabinyagan sa Seneca Lake, malapit sa Fayette, New York (larawang kuha noong mga 1897–1927).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Doktrina at mga Tipan 22:2. “Hindi kayo makapapasok sa makipot na pintuan sa pamamagitan ng mga batas ni Moises”

Ang “makipot na pintuan” ay tumutukoy sa binyag (tingnan sa 2 Nephi 31:17–18). Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22, inihambing ng Panginoon ang mga taong gustong sumapi sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan nang hindi muling nabibinyag sa mga taong umaasa sa batas ni Moises nang hindi nananampalataya kay Jesucristo. Gamit ang paghahambing na ito, binigyang-diin ng Panginoon ang pangangailangang talikuran ang “mga patay” na gawa (D at T 22:3)—kabilang ang pagbibinyag nang walang awtoridad ng priesthood—na hindi magliligtas at tanggapin ang bago at walang hanggang tipan ng ebanghelyo, tulad ng kinailangang gawin ng mga naunang convert na mga Judio sa Kristiyanismo.