Institute
Kabanata 6: Doktrina at mga Tipan 7; 13; 18


Kabanata 6

Doktrina at mga Tipan 7; 1318

Pambungad at Timeline

Sa panahon na isinasalin ang Aklat ni Mormon noong Abril 1829, nagkaiba ng opinyon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa kung namatay ba o patuloy na nabuhay sa mundo si Apostol Juan. Nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon sa pamamagitan ng Urim at Tummim at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 7. “Ang paghahayag ay isang naisaling ulat ng talaang isinulat ni Juan sa balat ng tupa” (D at T 7, section heading) at nagtuturo na ipinagkaloob ng Panginoon ang naisin ni Juan na mabuhay at makapagdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo hanggang sa Ikalawang Pagparito.

Habang isinasalin ang 3 Nephi sa mga lamina ng Aklat ni Mormon, nalaman nina Joseph at Oliver ang awtoridad na magbinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Noong Mayo 15, 1829, nagpunta sila sa kakahuyan malapit sa sakahan ni Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania, at ipinagdasal ang tungkol sa awtoridad na ito. Bilang sagot sa kanilang dalangin, nagpakita bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang si Juan Bautista at ipinagkaloob sa kanila ang Aaronic Priesthood. Ang mga sinabi ni Juan Bautista ay nasa Doktrina at mga Tipan 13.

Noong Hunyo 1829, nang malapit nang matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith na naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa pagtatatag ng Simbahan ni Cristo. Sa paghahayag na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 18, tinawag sina Oliver Cowdery at David Whitmer na mangaral ng ebanghelyo at inatasan silang maghanap ng labindalawang lalaking maglilingkod bilang mga Apostol. Idinetalye rin sa paghahayag ang maraming tungkulin ng mga taong tatawaging mga Apostol.

Abril 1829Patuloy na isinalin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga laminang ginto.

Abril 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 7.

Mayo 15, 1829Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13).

Mayo–Hunyo 1829Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood.

Hunyo 1829Ipinakita sa Tatlong Saksi ang mga laminang ginto.

Hunyo 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 18.

Doktrina at mga Tipan 7: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Ang tanong nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery kung namatay ba si Apostol Juan o kung patuloy ba siyang nabuhay sa mundo hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay malamang na ibinatay sa Juan 21:18–23. Sa talatang ito ipinropesiya ng Panginoon ang pagkamatay ni Pedro, at pagkatapos ay itinanong ni Pedro sa Tagapagligtas kung ano ang mangyayari kay Apostol Juan. Tumugon ang Panginoon, “Kung ibig kong siya’y manatili hanggang sa ako’y pumarito, ay ano nga sa iyo?” (Juan 21:23). Ang tanong tungkol sa nangyari kay Juan ay pangkaraniwan na sa mga Kristiyano noong panahon ni Joseph Smith.

Nagpasiya sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na hanapan ng sagot ang kanilang tanong sa pamamagitan ng pagtatanong sa Panginoon gamit ang Urim at Tummim. Matapos tanungin ang Panginoon, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 7. Ang paghahayag na ito ay “isang naisaling ulat ng talaang isinulat ni Juan sa balat ng tupa at itinago niya na rin” (D at T 7, section heading). Hindi natin alam kung na kay Joseph Smith ang aktuwal na talaang isinulat sa balat ng tupa. Maaaring nakita lamang niya ang talaan sa pangitain o natanggap ang naisaling mga salita sa pamamagitan ng Urim at Tummim.

Mapa 3: Hilagang-Silangang Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 7

Si Juan, ang Pinakamamahal ay isang nilalang na nagbagong-kalagayan na naglilingkod upang makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo hanggang sa Ikalawang Pagparito

Doktrina at mga Tipan 7:1–3. “Ikaw ay mamamalagi hanggang sa ako ay pumarito sa aking kaluwalhatian”

Ipinagkaloob ng Panginoon ang kahilingan ni Apostol Juan na madaig ang kamatayan upang patuloy na mabuhay si Juan at makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo (tingnan sa Juan 21:21–23). Ang pagpapala ng Panginoon kay Juan ay hindi nangangahulugan na hindi na mamamatay si Juan; sa halip, ang ibig sabihin nito ay hindi siya mamamatay hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 16:28; Marcos 9:1; Lucas 9:27; 3 Nephi 28:7–8). Upang mabuhay si Juan sa mundo hanggang sa Ikalawang Pagparito, binago ang kanyang mortal na katawan upang maging isang nilalang na nagbagong-kalagayan. Ang mga taong nagbagong-kalagayan ay “mga tao na nagbago upang hindi nila maranasan ang sakit o kamatayan hanggang sa kanilang pagkabuhay na mag-uli sa kawalang-kamatayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taong Nagbagong-kalagayan, Mga,” scriptures.lds.org).

labas ng bahay nina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania

Ang muling itinayong bahay nina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania

Doktrina at mga Tipan 7:4–5. Ninais ni Juan na makagawa pa ng mas dakilang gawain

Bilang tugon sa tanong ni Pedro tungkol sa mangyayari kay Apostol Juan ipinaliwanag ng Tagapagligtas na hiniling si Juan na manatili sa mundo at ipagpatuloy ang kanyang gawain. Ginamit ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang naisin ni Juan para ilarawan ang kahalagahan ng pangangaral ng ebanghelyo:

“Hiniling ni Apostol Juan sa Panginoon kung siya, si Juan, ay maaaring mamalagi sa mundo nang higit sa karaniwang itatagal ng buhay ng tao upang makapagdala ng mga kaluluwa sa Diyos. Sa pagkakaloob sa kahilingang iyon, sinabi ng Tagapagligtas na ito ay ‘isang mas dakilang gawain’ at mas marangal na ‘naisin’ kaysa sa pagnanais na ‘kaagad’ na makapiling ang Panginoon [tingnan sa D at T 7].

“Gaya ng lahat ng propeta at apostol, naunawaan ni Propetang Joseph Smith ang malalim na kahulugan ng kahilingan ni Juan nang sabihin niyang, ‘Matapos masabi ang lahat ng iyon, ang [ating] pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ang ipangaral ang Ebanghelyo’ [Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith (1976), 113]” (“Witnesses unto Me,” Ensign, Mayo 2001, 16).

Doktrina at mga Tipan 7:6. “Siya ay maglilingkod para sa mga … naninirahan sa mundo”

Bagama’t alam natin na pinahintulutan si Apostol Juan na manatili sa mundo, wala tayong gaanong alam sa kanyang paglilingkod bilang nilalang na nagbagong-kalagayan. Alam natin na nagpakita si Juan kasama ang nabuhay na mag-uling sina Pedro at Santiago para ipagkaloob ang Melchizedek Priesthood kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery. Gayundin, ayon sa tala ni John Whitmer sa isang kumperensya ng Simbahan noong Hunyo 1831, sa Kirtland, Ohio, “ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan kay Joseph [Smith] sa isang kakaibang paraan, at siya ay nagpropesiya na si Juan na Tagapaghayag ay naroon sa Sampung Lipi ni Israel na inakay palayo … ,upang ihanda sila sa kanilang pagbabalik mula sa matagal nilang pagkakawatak-watak” (sa History of the Church, 1:176).

Doktrina at mga Tipan 7:7. “Sa inyong tatlo ibibigay ko … ang mga susi ng ministeryong ito”

Ipinangako ng Panginoon kina Pedro, Santiago, at Juan na ipagkakaloob sa kanila ang mga susi ng ministeryo para sa kanilang dispensasyon hanggang sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 27:12–13; tingnan din sa Mateo 17:1–9). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) kung ano ang mga susing ito: “Ang mga susi ng paglilingkod na sinasabi ni Juan na … ibinigay kina Pedro, Santiago, at sa kanya mismo, ay kinapapalooban ng awtoridad ng Panguluhan ng Simbahan sa kanilang dispensasyon” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:49). Ipinagkaloob nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ring iyon kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery, na nagbigay sa kanila ng awtoridad na pamunuan at pangasiwaan ang Simbahan ng Diyos sa mundo sa huling dispensasyong ito, ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.

Doktrina at mga Tipan 13: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Bumilis ang mahimalang gawain ng pagsasalin ng mga lamina ng Aklat ni Mormon noong Abril at Mayo 1829. Inilarawan ni Oliver Cowdery ang nadama niya sa pangyayaring iyon nang ganito: “Ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan—ang maupo sa ilalim ng tinig na dinidiktahan ng inspirasyon sa langit, pinukaw ng isang sukdulang pasasalamat ang pusong ito! Sa araw-araw ako ay nagpatuloy, nang walang umaabala, na magsulat mula sa kanyang bibig, habang [nagsasalin si Joseph Smith] sa pamamagitan ng Urim at Tummim” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala).

Noong Mayo, isinalin nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery “ang ulat na ibinigay hinggil sa ministeryo ng Tagapagligtas sa labi ng mga binhi ni Jacob, sa lupalop na ito [ng Amerika]” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala). Kasama sa talang iyan ang 3 Nephi 9–28, kung saan ang binyag sa pamamagitan ng tamang awtoridad ay nabanggit nang maraming beses. Nais nina Joseph at Oliver na may malaman pa kaya nagpunta sila sa kakahuyan para ipagdasal na patnubayan sila ng Panginoon.

Itinala ng Propeta, “Habang kami ay nasa gayong ayos, nananalangin at nananawagan sa Panginoon, isang sugo mula sa langit ang bumaba sa isang ulap ng liwanag, at habang nakapatong ang kanyang mga kamay sa amin, inordenan niya kami” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:68).

Ang anghel na sugo ay si Juan Bautista, na isa nang niluwalhati at nabuhay na mag-uling nilalang, at tinagubilinan niya sina Joseph at Oliver na binyagan ang isa’t isa. Dahil dito, nagpunta sila sa kalapit na Susquehanna River, kung saan bininyagan ni Joseph si Oliver, at pagkatapos ay bininyagan ni Oliver si Joseph. Matapos mabinyagan, inordenan nila ang isa’t isa sa Aaronic Priesthood, tulad ng tagubilin ni Juan Bautista. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:70–72.)

Sinabi rin ni Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery na siya ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ni Pedro, Santiago, at Juan, na mayhawak ng mga susi ng Melchizedek Priesthood. Ipinaliwanag niya na sa takdang panahon, matatanggap din nina Joseph at Oliver ang Melchizedek Priesthood. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72.) Ang mga katibayan mula sa kasaysayan ay nagpapahiwatig na sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagpakita kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery bago sumapit ang Hunyo 1 1829, at ipinagkaloob ang Melchizedek Priesthood sa kanila (tingnan sa Larry C. Porter, “The Restoration of the Aaronic and Melchizedek Priesthoods,” Ensign, Dis. 1996, 33).

kakahuyan sa Aaronic Priesthood Restoration Site

Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista sa isang lugar malapit sa tahanan ni Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania.

Doktrina at mga Tipan 13

Ipinagkaloob ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Doktrina at mga Tipan 13:1. Paliwanag tungkol sa mga susi ng priesthood

Nangyari ang panunumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood nang ipagkaloob ng mga sugo mula sa langit ang awtoridad at mga susi kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery (tingnan sa D at T 13:1; 110:11–16; 128:20–21). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ang pagkakaiba ng awtoridad ng priesthood at mga susi ng priesthood:

“Ang Pagkasaserdote [Priesthood] sa pangkalahatan ay ang awtoridad na ibinigay sa tao upang kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang bawat lalaking inordenan sa anumang antas sa Pagkasaserdote ay may awtoridad na ibinigay sa kanya.

“Ngunit kinakailangan na ang bawat kilos na ginampanan sa ilalim ng kapangyarihan na ito ay dapat na gawin sa angkop na panahon at lugar, sa angkop na paraan, at alinsunod sa angkop na orden. Ang [kapangyarihan] na mapangasiwaan ang mga gawaing ito ay bumubuo sa mga susi ng [Priesthood]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan Joseph F. Smith [1998], 170)

Sa Inyo na Aking Kapwa mga Tagapaglingkod

Sa Inyo na Aking Kapwa mga Tagapaglingkod, ni Linda Curley Christensen. Noong Mayo 15, 1829, ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Doktrina at mga Tipan 13:1. “[Ang] mga susi ng paglilingkod ng mga anghel”

Ipinapakita ng Doktrina at mga Tipan na ang mga anghel ay mga tagapaglingkod ng Panginoon na naghahatid ng mga mensahe at naglilingkod sa mga anak ng Diyos sa mundo (tingnan sa D at T 7:5–6; 20:5–10; 29:42; 43:25; 84:42; 103:19–20; 109:22). Nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon na “sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga anghel ay nagpapakita at naglilingkod sa mga anak ng tao; kaya nga, kung ang mga bagay na ito ay tumigil, sa aba sa mga anak ng tao, sapagkat ito ay dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, at lahat ay walang saysay” (Moroni 7:37). Ang mga anghel ay naglilingkod sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata (tingnan sa Alma 32:23).

Ipinaliwanag ni Juan Bautista kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery na ang Aaronic Priesthood ang “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel” (D at T 13:1). Ibinigay ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kabatiran:

“Ano ang ibig sabihin na hawak ng Aaronic Priesthood ‘[ang] susi ng paglilingkod ng mga anghel’ at ang ‘ebanghelyo ng pagsisisi, at ang kapatawaran ng mga kasalanan’ [D at T 84:26–27]? Ang kahulugan nito ay matatagpuan sa ordenansa ng binyag at ng sakramento. Ang binyag ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at ang sakramento ay pagpapanibago ng mga tipan at mga pagpapala ng binyag. Dapat na pareho itong pangunahan ng pagsisisi. Kapag tinutupad natin ang mga tipang ginawa sa ordenansang ito, pinangakuan tayo na palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. Ang paglilingkod ng mga anghel ay isa sa mga pagpapahayag ng Espiritu na iyon. …

“… Bilang isang kabataang maytaglay ng Aaronic Priesthood, hindi ko inisip na makakakita ako ng anghel, at inisip ko kung ano ang kinalaman sa Aaronic Priesthood ng gayong mga pagpapakita.

“Ngunit maaaring hindi rin nakikita ang paglilingkod ng mga anghel. Ang mga mensahe ng mga anghel ay maaaring ipabatid sa pamamagitan ng tinig o maipaparating sa isipan o puso. …

“… Karamihan sa mga pakikipag-ugnayan ng mga anghel ay nadarama o naririnig sa halip na nakikita. …

“Sa pangkalahatan, ang mga pagpapala ng espirituwal na patnubay at komunikasyon ay ibinibigay lamang sa mga taong malinis. Gaya ng ipinaliwanag kanina, sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Aaronic Priesthood na binyag at sakramento, tayo ay nalilinis sa ating mga kasalanan at pinangangakuan na kung tutuparin natin ang ating mga tipan laging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. Naniniwala ako na ang pangakong iyan ay hindi lamang tumutukoy sa Espiritu Santo kundi pati na rin sa paglilingkod ng mga anghel, sapagkat ‘ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo’ (2 Ne. 32:3). Kaya nga ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ang nagbubukas ng pinto para sa lahat ng miyembro ng Simbahan na karapat-dapat na tumanggap ng sakramento para mapatnubayan ng Espiritu ng Panginoon at ng paglilingkod ng mga anghel” (“The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Ensign, Nob. 1998, 37–39).

Doktrina at mga Tipan 13:1. Ang mga susi ng pagsisisi at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ang ibig sabihin ng humawak ng mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan:

“Wala sa [atin] ang namuhay nang walang kasalanan mula nang [tayo] ay binyagan. Kung walang oportunidad na malinis pa tayo matapos ang ating binyag, bawat isa sa atin ay espirituwal na maliligaw. …

“Tayo ay inutusang magsisi sa ating mga kasalanan at lumapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at tumanggap ng sakramento bilang pagsunod sa mga tipan nito. Kapag pinaninibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa ganitong paraan, pinaninibago ng Panginoon ang nakalilinis na epekto ng ating binyag. Sa ganitong paraan tayo ay nalinis at maaaring mapasaatin sa tuwina ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. …

“Hindi tayo maglalabis sa pagbanggit ng kahalagahan ng Aaronic Priesthood na ito. Lahat ng mahahalagang hakbang na ito na nauukol sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ay isinasagawa sa pamamagitan ng nakapagliligtas na ordenansa ng binyag at nagpapanibagong ordenansa ng sakramento. Ang mga ordenansang ito ay parehong pinangangasiwaan ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood sa ilalim ng pamamahala ng bishopric, na gumagamit ng mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag at ng kapatawaran ng mga kasalanan” (“The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” 38).

Doktrina at mga Tipan 13:1. Ano ang ibig sabihin ng mag-aalay muli ng “handog sa Panginoon sa kabutihan” ang mga anak na lalaki ni Levi?

Noong unang panahon, iniutos ng Diyos sa Kanyang mga tao na mag-alay ng mga hayop bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Ang layunin ng pagpapadanak ng dugo ng isang hayop ay tumutulong sa mga tao na asamin nang may pananampalataya ang panahon kung kailan ang dugo ni Jesucristo ay ititigis bilang pagbabayad-sala para sa kanilang mga kasalanan. Mula sa panahon ni Moises hanggang sa kamatayan ni Jesucristo, iniutos ng batas ni Moises na ang pag-aalay ng mga hayop at mga handog na susunugin ay dapat isagawa ng mga saserdote na namamahala sa tabernakulo o templo. Ang mga saserdote ay ang mga inapo ni Levi na itinalaga ng Panginoon na maglingkod sa santuwaryo (tingnan sa Mga Bilang 18:20–21). Kaya ang mga katagang “mga anak na lalaki ni Levi” ay tumutukoy sa mga maytaglay ng priesthood.

Ang mga banal na kasulatan ay naglalarawan ng ilang mahahalagang paraan na makapag-aalay ang mga miyembro ng Simbahan ng “handog sa Panginoon sa kabutihan” (D at T 13:1). Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo sa atin na “lumapit kay Cristo … at ialay ang [ating] buong kaluluwa bilang handog sa kanya” (Omni 1:26). Ipinropesiya ni Isaias na sa mga huling araw, yaong mga tinipon ng Panginoon ay “dadalhin ang lahat [ng kanilang] mga kapatid … na pinakahandog sa Panginoon” (Isaias 66:20), ibig sabihin dadalhin sa templo ang mga napabalik-loob. Bukod pa riyan, nagbigay si Propetang Joseph Smith ng inspiradong tagubilin na dapat “maghain” ang mga Banal sa mga Huling Araw “sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan; at … ialay sa kanyang banal na templo … ang isang aklat na naglalaman ng mga talaan ng ating mga patay” (D at T 128:24).

Hinggil sa pag-aalay ng hayop, ibinigay ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) ang sumusunod na paliwanag:

“Inakala ng karamihan na tuluyan nang lumipas ang pagsasakripisyo nang maialay na ang Dakilang Sakripisyo [ibig sabihin ang Panginoong Jesucristo], at hindi na kailangan pang magkaroon ng ordenansa ng pag-aalay ng hain o sakripisyo sa hinaharap: ngunit tiyak na hindi nababatid ng mga naniniwala rito ang mga tungkulin, karapatan at awtoridad ng priesthood, o ng mga Propeta.

“Ang pag-aalay ng hain o sakripisyo noon pa man ay kaugnay at bahagi na ng mga tungkulin ng Priesthood. Nagsimula ito sa Priesthood, at magpapatuloy hanggang sa matapos ang pagparito ni Cristo, sa bawat henerasyon. …

“Kapag naitayo na ang Templo ng Panginoon, at ang mga anak na lalaki ni Levi ay napadalisay, ang mga sakripisyong ito, pati na ang bawat ordenansa na nauukol sa Priesthood, ay lubusang ipanunumbalik at ipagkakaloob ang lahat ng kapangyarihan, mga bunga, at mga pagpapala. Ito ay umiral at iiral kailanman kapag ang kapangyarihan ng [Melchizedek] Priesthood ay naipakita na; dahil kung hindi paano maisasakatuparan ang panunumbalik ng lahat ng bagay na sinabi ng mga banal na Propeta? Hindi dapat ipagpalagay na muling ipapatupad ang batas ni Moises kaakibat ang lahat ng ritwal nito at iba’t ibang seremonya; hindi ito sinabi ng mga Propeta; ngunit ang mga bagay na ginanap bago ang panahon ni Moises, halimbawa na, ang sakripisyo, ay ipagpapatuloy” (sa History of the Church, 4:211–12).

Si Pangulong Joseph Fielding Smith ay nagbigay ng karagdagang paglilinaw tungkol sa pag-aalay ng mga hayop sa mga huling araw: “Ang pag-aalay ng mga hayop ay isasagawa upang makumpleto ang Panunumbalik kapag itinayo ang nabanggit na templo; sa simula ng milenyo, o sa panunumbalik, ang mga pag-aalay ng dugo ay isasagawa pa hanggang makumpleto ang kabuuan ng panunumbalik sa dispensasyong ito. Pagkatapos niyan ang pag-aalay ay may iba ng kahulugan” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1955], 3:94).

Doktrina at mga Tipan 18: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, marahil noon pang 1828, na itatatag na muli sa mundo ang Kanyang Simbahan (tingnan sa D at T 10:53–55). Noong Hunyo 1829, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nagpatuloy sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Sa panahong ito, hinangad nina Joseph at Oliver na malaman kung paano gamitin ang mga susi ng Melchizedek Priesthood na kamakailan lamang ipinagkaloob sa kanila ng mga sugo mula sa langit. Habang nagdarasal sa isang silid sa bahay ng mga Whitmer, narinig nila ang tinig ng Panginoon na nag-utos sa kanila na gamitin ang priesthood upang mag-orden ng mga elder, mangasiwa ng sakramento, at magbigay ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Gayunman, iniutos ng Panginoon na hintayin muna nilang matipon ang mga sumasampalataya bago nila isagawa ang mga ordenansang ito. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 326, 328.)

Samantala, habang hinihintay nila ang utos ng Panginoon na iorganisa ang Simbahan, tinatapos na ng Propeta at ni Oliver Cowdery ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, kasama rito ang pagsasalin ng mga aklat ng 3 Nephi at Moroni. Parehong naglalaman ang mga aklat na ito ng mga tagubilin tungkol sa mga ordenansa ng priesthood at pamamaraan ng Simbahan, na malamang na nagsilbing inspirasyon at gabay nila habang kanilang pinag-iisipan ang panahon na iuutos na ng Panginoon na iorganisa nilang muli ang Kanyang Simbahan sa mundo.

Sa ganitong konteksto ng mga pangyayari natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 18. Ang paghahayag na ito ay para kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at David Whitmer, na nagbigay ng tagubilin tungkol sa pagtatayo ng Simbahan. Ito rin ay naglalaman ng mga tagubilin sa mga taong tatawagin bilang Labindalawang Apostol.

Ang Tinig nina Pedro, Santiago, at Juan

Ang Tinig nina Pedro, Santiago, at Juan, ni Linda Curley Christensen. Ang Melchizedek Priesthood ay ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Doktrina at mga Tipan 18:1–25

Nagbigay ng mga tagubilin ang Panginoon para sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan at tinawag sina Oliver Cowdery at David Whitmer na mangaral ng pagsisisi

Doktrina at mga Tipan 18:1–5. “Manalig sa mga bagay na nakasulat”

Noong Hunyo 1829, habang tinatapos nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aklat ni Mormon, inihayag ng Panginoon ang dapat gawin tungkol sa pagtatayo ng Simbahan sa sandaling dumating na ang panahong pormal nang ioorganisa ang Simbahan (tingnan sa D at T 18, section heading). Upang magabayan si Oliver sa gawaing ito, ipinayo ng Panginoon sa kanya na umasa sa mga bagay na nasusulat sa Aklat ni Mormon. Bago inorganisa ang Simbahan, ginamit ni Oliver ang Aklat ni Mormon upang tipunin ang listahan ng mahahalagang ordenansa at tipan sa isang dokumentong tinatawag na “Articles of the Church of Christ” [Mga Saligan ng Simbahan ni Cristo]. Ang dokumentong ito ang maaaring naging gabay ng mga sumasamplataya sa mga sumunod na buwan bago pormal na maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 368–69.)

Doktrina at mga Tipan 18:9–16. Sina Oliver Cowdery at David Whitmer ay tinawag sa tungkulin na katulad ng kay Pablo

Di nagtagal matapos magpakita si Moroni sa Tatlong Saksi, sina Oliver Cowdery at David Whitmer, dalawa sa mga saksing iyon, ay inutusang “ipangaral ang pagsisisi sa mga taong ito” (D at T 18:14). Sinabi ng Panginoon na sila ay “tinawag maging sa gayon ding tungkulin kung saan [tinawag si Apostol Pablo]” (D at T 18:9). Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 26:15–20, ipinaliwanag ni Pablo kay Haring Agripa na tinawag siya bilang “ministro at saksi” ng mga bagay na nakita niya (Mga Gawa 26:16). Sinabi ni Pablo na tungkulin niya ang mangaral “sa mga taga Damasco, at sa Jerusalem din naman, at sa buong lupain ng Judea” (Mga Gawa 26:20) gayon din sa mga Gentil, “upang idilat ang kanilang mga mata, upang sila’y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman” (Mga Gawa 26:18). Kasunod ng kanyang pagbabalik-loob, si Pablo ay nagpagal sa nalalabing panahon pa ng kanyang buhay upang tulungan ang iba na magsisi at magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

sa kahabaan ng Susquehanna River sa pagitan ng Colesville, NY, at Harmony, PA

Nangyari ang panunumbalik ng Melchizedek Priesthood sa ilang sa pagitan ng Harmony, Pennsylvania, at Colesville, New York (larawang kuha noong mga 1907).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Doktrina at mga Tipan 18:10. “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos”

Ipinaalala kina Oliver Cowdery at David Whitmer na kinakailangan ang pangangaral ng ebanghelyo dahil mahalaga ang mga kaluluwa ng mga anak ng Diyos (tingnan sa D at T 18:10). Isinalaysay ni Pangulong Thomas S. Monson ang sumusunod tungkol sa kahalagahan ng isang kaluluwa:

“Noong Marso 1967 kung kailan bago pa lang akong naglilingkod bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa, dumalo ako sa isang kumperensya ng Monument Park West Stake sa Salt Lake City. Ang kompanyon ko para sa kumperensyang ito ay miyembro ng General Church Welfare Committee, si Paul C. Child. …

“Nang siya na ang magsasalita, kinuha ni Pangulong Child ang Doktrina at mga Tipan at iniwan ang pulpito para makasama ang mga kalalakihan na maytaglay ng priesthood na pinatutungkulan niya ng kanyang mensahe. Binuklat niya ang bahagi 18 at sinimulang basahin ang [mga talata 10 at 15]. …

“Matapos basahin ang mga banal na kasulatan tinanong ni Pangulong Child ang kalalakihan: ‘Ano ang kahalagahan ng kaluluwa ng isang tao?’ Iniwasan niyang tumawag ng isang bishop, stake president, o high councilor para sumagot. Sa halip, pinili niya ang isang elders quorum president—isang kapatid na medyo inaantok at hindi naunawaan ang kahalagahan ng tanong.

“Sumagot ang nagulat na lalaki, ‘Brother Child, maaari bang pakiulit ninyo ang tanong?’

“Inulit ang tanong: ‘Ano ang kahalagahan ng kaluluwa ng isang tao?’

“… Taimtim kong ipinagdasal ang quorum president na iyon. Nanatili siyang walang imik sa tila napakatagal na sandali at pagkatapos ay sinabing, ‘Brother Child, ang kahalagahan ng kaluluwa ng isang tao ay ang kakayahan nitong maging katulad ng Diyos.’

“Pinag-isipang mabuti ng lahat ng naroon ang sagot na iyon. Nagbalik si Brother Child sa pulpito, lumingon sa akin, at sinabi, ‘Napakagandang sagot; napakalalim!’ Nagpatuloy siya sa kanyang mensahe, ngunit patuloy kong pinag-isipan ang inspiradong sagot na iyon” (“My Brother’s Keeper,” Ensign, Nob. 1994, 43).

Kalaunan ay sinabi ni Pangulong Monson: “Responsibilidad nating makita ang tao hindi sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaaring kahinatnan nila. Makikiusap ako sa inyo na isipin ninyo sila sa ganitong paraan” (“Tingnan ang Kapwa Ayon sa Maaaring Kahinatnan Nila, ” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 70).

Doktrina at mga Tipan 18:15–16. Ano ang ibig sabihin ng mangaral ng pagsisisi?

Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang pangangangaral ng pagsisisi ay nangangahulugan lamang ng pagtulong sa mga tao na makabalik sa Diyos” (“Preparing for Your Spiritual Destiny” [Brigham Young University fireside address, Ene. 10, 2010], 7, speeches.byu.edu).

Doktrina at mga Tipan 18:20. “Makipagtalo laban sa … simbahan ng diyablo”

Ang Doktrina at mga Tipan 18:20 ay hindi dapat ituring na utos na makipag-away o makipagdebate sa iba tungkol sa ebanghelyo. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Kapag iniuutos sa atin na ‘huwag makipagtalo laban sa anumang Simbahan maliban sa simbahan ng diyablo’, dapat nating maunawaan na ito ay ang pagtuturo sa atin na labanan ang lahat ng kasamaan, na siyang salungat sa kabutihan at katotohanan” (Church History and Modern Revelation, 1:83). Hindi ito panawagan na sumalungat tayo sa iba pang mga simbahan at mga miyembro nito.

Doktrina at mga Tipan 18:21–25. Dapat taglayin ng lahat ang pangalan ni Cristo

Sa pamamagitan ng pagsisisi, pagbibinyag, at pagtitiis hanggang wakas, ipinapakita natin ang ating pagnanais na taglayin ang pangalan ni Cristo sa atin. Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung ano ang ibig sabihin ng: “Nangangako tayong tataglayin ang Kanyang pangalan sa ating sarili. Ibig sabihin dapat nating makita ang ating sarili na katulad Niya. Uunahin natin Siya sa ating buhay. Gugustuhin natin ang gusto Niya sa halip na ang gusto natin o ang itinuturo ng mundo na gustuhin natin” (“That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 67).

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagtataglay natin sa pangalan ni Jesucristo, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79 sa manwal na ito.

Doktrina at mga Tipan 18:26–47

Inihayag ng Panginoon ang tungkulin at misyon ng Labindalawang Apostol

Doktrina at mga Tipan 18:27–32. “Ang Labindalawa ay … [ta]taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso”

Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay inorganisa noong Pebrero 1835. Gayunman, anim na taon bago ito, noong Hunyo 1829, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 18. Ang paghahayag na ito ay naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa misyon ng Labindalawa kapag tinawag na sila. Ipinapaliwanag nito na kinakailangang ipahayag ng Labindalawa ang ebanghelyo sa mga Gentil at sa mga Judio, taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, at magkaloob ng mahahalagang ordenansa, at isaayos ang gawain ayon sa patnubay ng Espiritu Santo.

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng tataglayin ng mga Apostol sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo: “Maraming talata sa mga banal na kasulatan na tumutukoy sa ‘pangalan ni Jesucristo’ ang malinaw na tumutukoy sa awtoridad ng Tagapagligtas. Ito talaga ang totoong kahulugan na nais iparating nang iulat ng pitumpu kay Jesus na ‘pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.’ (Lucas 10:17.) Ginamit ng Doktrina at mga Tipan ang kahulugan ding ito nang ilarawan nito ang Labindalawang Apostol ng dispensasyong ito na ‘silang magnanais na taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso.’ (D at T 18:27.) Ang Labindalawa ay itinalaga kalaunan bilang ‘mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig,’ at ‘gaganap sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng tagubilin ng Panguluhan ng Simbahan.’ (D at T 107:23, 33.)” (“Taking upon Us the Name of Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1985, 81).

Doktrina at mga Tipan 18:34–36. “Narinig ninyo ang aking tinig”

Sinabi ng Panginoon sa mga magiging Apostol na ang mga salita sa Doktrina at mga Tipan 18 ay hindi ibinigay ng tao kundi sa pamamagitan ng Kanyang tinig. Ipinaliwanag ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu kung ano ang dapat nating gawin upang marinig ang tinig ng Panginoon: “Kung tayo ay aasa kay Cristo at bubuksan ang ating mga mata at ating mga tainga, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita natin ang ginagawa ng Panginoong Jesucristo sa ating buhay, pinalalakas ang ating pananampalataya sa Kanya nang may katiyakan at katibayan. Mas titingnan natin ang lahat ng ating mga kapatid kung paano sila nakikita ng Diyos, nang may pagmamahal at habag. Maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, sa mga bulong ng Espiritu, at sa mga salita ng mga buhay na propeta” (“Mga Matang Nakakakita at mga Taingang Nakaririnig,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 125).

binatilyo na pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan

Maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.

Doktrina at mga Tipan 18:37. “Hanapin ninyo ang Labindalawa”

Sa panahong ibinigay ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 18, hindi nabanggit si Martin Harris sa mga tagubilin ng Panginoon. Gayunman, sumama kalaunan si Martin kina Oliver Cowdery at David Whitmer sa pagpili ng Labindalawang Apostol. Nagampanan ng Tatlong Saksi, na tumanggap ng natatanging saksi sa katotohanan ng Panunumbalik, ang kanilang gawain na “hanapin … ang Labindalawa” (D at T 18:37), na inordenan bilang Apostol. Noong tawagin ang mga Apostol noong Pebrero 1835, sinabi ni Oliver Cowdery na mula nang matanggap ang paghahayag na ito noong 1829, “palagi na naming iniisip kung paano mahahanap ang Labindalawang ito” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–Hunyo 1831, 70).

Doktrina at mga Tipan 18:44. “Sa pamamagitan ng inyong mga kamay ako ay gagawa ng isang kagila-gilalas na gawain”

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung paano ginagawa ng Panginoon ang kanyang gawain sa pamamagitan natin:

“Kapag tinularan natin ang perpektong halimbawa [ng Tagapagligtas], ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso. …

“… Mahabag tayo sa iba at iunat natin ang ating mga kamay sa kanila, dahil lahat ay tumatahak sa kani-kanyang mahirap na landas. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, na ating Guro, tinawag tayo para tumulong at magpagaling sa halip na manghusga. …

“… Mangako tayo na maging Kanyang mga kamay, nang ang iba sa pamamagitan natin ay madama ang Kanyang magiliw na yakap” (“Kayo ang Aking mga Kamay,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 68–69, 75).