Kabanata 2
Doktrina at mga Tipan 1
Pambungad at Timeline
Noong Nobyembre 1831, nakapagbigay ang Panginoon ng mahigit 60 paghahayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith para sa kapakanan ng Simbahan at mga miyembro. Upang mas madaling malaman ng mga miyembro ng Simbahan ang mga paghahayag na ito, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ilathala ang mga ito bilang isang aklat na tinatawag na Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments]. Noong Nobyembre 1, 1831, nagdaos ang Propeta ng kumperensya ng mga elder sa tahanan nina John at Alice (Elsa) Johnson sa Hiram, Ohio, kung saan isang komite ng mga elder na binubuo nina Sidney Rigdon, Oliver Cowdery, at William E. McLellin ang nagtangka ngunit nabigong makasulat ng paunang salita para sa Aklat ng mga Kautusan (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents Volume 2, July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 104). Pagkatapos ng pagtatangkang ito, tinanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1. Sinabi rito ng Panginoon, “Ang [paghahayag na ito ang] … aking paunang salita sa aklat ng aking mga kautusan” (D at T 1:6). Ipinahayag din Niya na maririnig ng lahat ng tao ang Kanyang “tinig ng babala” (D at T 1:4) at ang mga taong hindi makikinig sa Kanyang tinig at sa mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod ay mahihiwalay mula sa mga tao ng Diyos. Pinatotohanan ng Panginoon na ang mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith ay totoo at iniutos Niya sa Kanyang mga tao na saliksikin ang mga ito.
-
Setyembre 1831Umalis sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland at lumipat sa Hiram, Ohio.
-
Nobyembre 1831Ipinasiya sa isang kumperensya ng mga elder na maglathala ng 10,000 kopya ng Aklat ng mga Kautusan.
-
Nobyembre 1, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 1.
-
Nobyembre 20, 1831Sina Oliver Cowdery at John Whitmer ay umalis papuntang Missouri dala ang manuskrito ng Aklat ng mga Kautusan para ipalimbag.
Doktrina at mga Tipan 1: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Nobyembre 1 1831, tinipon ni Propetang Joseph Smith sa isang espesyal na pulong ang 10 elder sa Hiram, Ohio, upang talakayin ang pagtipon at paglathala ng mga paghahayag na natanggap na niya. Ang iminungkahing paglalathala ay magbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng Simbahan na mabasa ang mga paghahayag ng Panginoon at magsisilbing patotoo sa buong mundo na muling sinimulan ng Diyos na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban sa Kanyang mga anak sa lupa.
Ipinasiya ng mga dumalo sa kumperensya na maglimbag ng 10,000 kopya ng mga tinipong paghahayag (kalaunan ay naging 3,000 kopya na lamang ito) sa isang aklat na pamamagatang Aklat ng mga Kautusan. Iniutos sa isang komite ng mga elder na sumulat ng paunang salita para sa paglalathala. Nang ilahad ng komite ang draft ng paunang salita, tinutulan ito ng nagtipong grupo at hiniling sa Propeta na hingin ang patnubay ng Panginoon. “Pagkatapos yumuko si [Joseph Smith] at ang mga elder para manalangin, idinikta [ni Joseph], na ‘nakaupo sa bintana,’ ang paunang salita ‘sa pamamagitan ng Espiritu,’ habang isinusulat naman ito ni [Sidney] Rigdon. ‘Magsasabi ng ilang salita si Joseph at isusulat ni Sidney ang mga ito,’ [paggunita ni William E. McLellin], ‘pagkatapos ay babasahin ito nang malakas, at kung tama, ay ipagpapatuloy ni Joseph ang pagdidikta’” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2, July 1831–January 1833, 104). Inilathala ang paghahayag na ito bilang paunang salita sa Aklat ng mga Kautusan noong 1833 at ngayon ay bahagi 1 na ng ating kasalukuyang Doktrina at mga Tipan.
Doktrina at mga Tipan 1:1–23
Ang tinig ng babala ng Panginoon ay para sa lahat ng tao
Doktrina at mga Tipan 1:1. “Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan”
Sinimulan ng Panginoon ang Kanyang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 1 sa pag-uutos sa Kanyang mga tao na makinig. Ang salitang makinig ay makikita nang maraming beses sa buong Doktrina at mga Tipan. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang wikang Hebreo ng Lumang Tipan ay kadalasang gumagamit ng magkaparehong kataga para sa pakikinig (sa Panginoon) at pagsunod (sa Kanyang salita)” (“Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 24). Tanging sa pakikinig o pagsunod sa Panginoon lamang natin matatakasan ang paghahatol na darating sa daigdig.
Doktrina at mga Tipan 1:2. “Ang tinig ng Panginoon ay sumasalahat ng tao”
Itinuro ng Panginoon na ang Kanyang mga salita at mga babala ay hindi lamang nilayon para sa mga tao ng Kanyang Simbahan kundi para sa lahat ng tao. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) kung paano ipararating ang tinig ng babala ng Panginoon sa lahat ng tao:
“Hindi ko maintindihan … na kailangang maantig ang bawat puso at makarinig ang bawat tainga sa buhay na ito. Ngunit kung hindi pa nila narinig, kung hindi dumating ang pagkakataong ito sa kanila mula sa pangangaral ng mga Elder at sa mga bagay na inilathala sa salita ng Panginoon na ipinaalam sa pamamagitan ng paghahayag, ang pagkakataon ay darating sa kanila at dapat nilang marinig ito sa daigdig ng mga espiritu.
“At ang Panginoon sa Kanyang kabaitan at awa ay nilayong dalhin ang mga katotohanang ito ng ipinanumbalik na Ebanghelyo sa bawat kaluluwa na nabubuhay o nagsipanaw na. Sa ganitong paraan ay maaantig ang bawat puso at ang bawat tainga ay makaririnig”(sa Conference Report, Okt. 1931, 16).
Doktrina at mga Tipan 1:8–9. Ibuklod ang “mapag-alinlangan at mapanghimagsik”
Ang mga tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, nakatatanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa, at nananatiling masunurin sa mga utos ay magkakamit ng buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 14:7; 20:25, 29). Ang masasama na hindi naniwala o pinili ang magrebelde laban sa liwanag ng ebanghelyo na natanggap nila ay daranas ng kaparusahan dahil sa kanilang pagsuway (tingnan sa D at T 133:71–72).
Doktrina at mga Tipan 1:14. “[Tumalima] sa mga salita ng mga propeta at apostol”
Nagbabala ang Panginoon na ang mga hindi sumusunod sa Kanyang tinig at sa mga salita ng Kanyang mga propeta at mga apostol ay “ihihiwalay” sa mga tao ng Diyos. Ang “ihiwalay” ay mawalay sa kapangyarihan, impluwensya, at mga pagpapala ng Diyos at sa huli ay mawalay sa Kanyang piling. Pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang pagpapalang dulot ng pagsunod sa payo ng mga propeta: “Sa bawat pagkakataon sa buhay ko na pinili kong ipagpaliban ang pagsunod sa inspiradong payo o nagpasiya na hindi ako kasali doon, napag-alaman ko na inilagay ko ang sarili ko sa panganib. Sa bawat pagkakataon na nakinig ako sa payo ng mga propeta, nadama ang pagpapatibay nito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, natuklasan kong napunta ako sa ligtas na lugar” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).
Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga pagpapalang dumarating sa atin kapag sinusunod natin kaagad ang payo ng propeta: “Napakahalaga … na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating kalipunan. Dakila at kagila-gilalas ang mga pagpapalang dumarating sa ating buhay kapag pinakikinggan natin ang salita ng Panginoon na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng propeta. … Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at mabilis ang ating pagtugon. Makikita sa kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan sa pagtugon sa payo ng mga propeta tulad ng ginawa ni Nephi noon: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon’ (1 Ne. 3:7)” (“His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65).
Itinuro ni Sister Carol F. McConkie, tagapayo sa Young Women General Presidency, ang kahalagahan ng pakikinig sa mga turo ng propeta kahit na tila mahirap itong sundin o hindi tanggap ng nakararami:
“Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak at nais Niyang malaman at maunawaan nila ang Kanyang plano ng kaligayahan. Dahil dito, tumatawag Siya ng mga propeta, mga taong inordenan ng kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. …
“Sinusunod natin ang salita ng propeta kahit ito ay tila hindi makatwiran, hindi angkop, at mahirap gawin. Sa mga pamantayan ng mundo, ang pagsunod sa propeta ay maaaring hindi gusto ng lahat, salungat sa pulitika, o hindi tanggap ng lipunan. Ngunit ang pagsunod sa propeta ay laging tama. …
“Kapag pinakinggan natin ang mga salita ng mga propeta, itinatayo natin ang ating mga tahanan at ating buhay sa isang tiyak na saligan na walang hanggan, ‘sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos’ [Helaman 5:12]” (“Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 77–79).
Doktrina at mga Tipan 1:16. “Ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos”
Ayon sa inspiradong paunang salitang ito na nasa Doktrina at mga Tipan, inilarawan ng Panginoon ang ilan sa mga sitwasyon na kakikitaan ng kasamaan at pag-aapostasiya na iiral sa mundo dahil “bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos” (D at T 1:16). Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano ginagawa iyan ng mga tao ngayon:
“Ang mga lipunang kinabibilangan ng marami sa atin ay maraming henerasyon nang bigong itaguyod ang disiplinang moral. Itinuro na nila na nagbabago ang katotohanan at lahat ay nagpapasiya para sa sarili kung ano ang tama. Ang mga konseptong tulad ng kasalanan at mali ay tinagurian nang ‘mga paghatol sa pinahahalagahan.’ Ayon sa paglalarawan ng Panginoon, ‘Bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos’ (D at T 1:16).
“Bunga nito, naglaho na ang disiplina sa sarili, at sinisikap panatilihin ng mga lipunan ang kaayusan at paggalang sa pamamagitan ng pamimilit” (“Disiplinang Moral,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 106).
Doktrina at mga Tipan 1:16. “Babilonia na makapangyarihan”
Tinukoy ng Panginoon ang masamang mundo bilang “Babilonia na makapangyarihan” (D at T 1:16). Dahil sa kamunduhan at kabulukan ng sinaunang Babilonia, at dahil ito ang lugar kung saan tinangay at inalipin ang mga anak ni Israel, ang Babilonia ay madalas gamitin sa matalinghagang salita sa mga banal na kasulatan upang kumatawan sa kasalanan at kasamaan ng mundo at sa espirituwal na pagkabihag na maipapataw nito sa mga anak ng Diyos (tingnan sa D at T 133:14).
Inilarawan ni Elder David R. Stone ng Pitumpu ang Babilonia at ang laganap na impluwensya nito ngayon:
“Walang partikular na lungsod ngayon na kumakatawan sa Babilonia. Ang Babilonia, sa panahon ng sinaunang Israel, ay isang lungsod na naging mahalay, mababang uri, at tiwali. Ang pangunahing gusali sa lungsod ay isang templo ng huwad na diyos, na madalas nating tawaging Bel. …
“Gayunman, ang kahalayan, katiwalian at kababaan ng uri, at pagsamba sa mga huwad na diyos, ay makikita sa maraming lungsod, malaki at maliit, na nagkalat sa buong mundo. …
“Napakaraming tao sa mundo na gumaya sa sinaunang Babilonia sa pamumuhay sa sarili nilang paraan, at pagsunod sa isang diyos na ‘ang larawan ay kahalintulad ng daigdig’ [D at T 1:16]” (“Sion sa Gitna ng Babilonia,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 90–91).
Doktrina at mga Tipan 1:17. Paghahanda sa mundo para sa “mga kapahamakang sasapit”
Sa Kanyang pagkaunawa sa mga magaganap, tinawag ng Diyos si Propetang Joseph Smith upang tumulong na ihanda ang daigdig para sa “kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo” (D at T 1:17). Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng mga propeta maiiwasan natin ang mga kalamidad sa mga huling araw: “Kung makikinig tayo sa mga propeta sa araw na ito, ang kahirapan ay maaaring mapalitan ng mapagmahal na pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Maraming malalang problema sa kalusugan ang maiiwasan kapag sinunod ang Word of Wisdom at ang batas ng kadalisayan ng puri. Pagpapalain tayo dahil sa pagbabayad ng ikapu at magkakaroon tayo ng sapat para sa ating mga pangangailangan. Kung susundin natin ang payo ng mga propeta, maaari tayong mabuhay sa mundo nang hindi na kailangang dumanas ng pasakit at pagkasira ng buhay. Hindi ibig sabihin nito ay wala na tayong mga hamon sa buhay. Magkakaroon pa rin tayo nito. Hindi ibig sabihin nito ay hindi na tayo susubukin. Susubukin pa rin tayo, dahil bahagi ito ng ating layunin sa mundo. Ngunit kung tayo ay makikinig sa payo ng ating propeta, tayo ay lalakas at makakayanan natin ang mga pagsubok sa buhay na ito. Magkakaroon tayo ng pag-asa at kagalakan“ (“Hear the Prophet’s Voice and Obey,” Ensign, Mayo 1995, 17).
Doktrina at mga Tipan 1:24–33
Binigyan ng Panginoon si Joseph Smith ng kapangyarihan na isalin ang Aklat ni Mormon at itatag ang Kanyang totoong Simbahan
Doktrina at mga Tipan 1:24. “Ibinigay sa aking mga tagapaglingkod sa kanilang kahinaan”
Sinabi ng Panginoon na Siya ay nagbigay ng mga kautusan at paghahayag sa kanyang mga tagapaglingkod sa “kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika” (D at T 1:24). Sa pagpapaliwanag sa katangian ng paghahayag na ibinigay ng mga banal na nilalang sa mortal na kalalakihan at kababaihan, itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–1877): “Ang mga paghahayag ng Diyos ay naglalaman ng tamang doktrina at alituntunin bagama’t hindi pa lubusang perpekto; ngunit imposible para sa mga mahihina, hindi pa lubos na handa at makasalanang mga tao sa mundo ang makatanggap ng paghahayag mula sa Makapangyarihang Diyos sa buong kaganapan nito. Kinailangan Niyang mangusap sa atin sa paraang makauunawa tayo” (“Discourse,” Deseret News, Ago. 1, 1855, 162).
Ipinaliwanag ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu na “tila itinuring [ni Propetang Joseph Smith] ang manuskrito ng mga paghahayag na pinakamainam niyang ginawa para mapasaatin ang tinig ng Panginoon na nagpakababa para mangusap sa tinawag ni Joseph na ‘mali-mali, bali-baliko, kalat-kalat, at di-perpektong pananalita’ ng tao” (“The Joseph Smith Papers: The Manuscript Revelation Books,” Ensign, Hulyo 2009, 49).
Pinuna ng ilan sa mga unang miyembro ng Simbahan ang mga salita sa paghahayag, na hindi nauunawaan na ang katotohanan ng mga turong nakapaloob dito ay hindi batay sa pagbaybay, pagbabantas, o gramatika. Habang inihahanda na ang paglalathala ng mga paghahayag, si Joseph Smith, at iba pa sa ilalim ng kanyang pamamahala, ay gumawa ng mga pagbabago at pagtatama sa ilan sa mga teksto para linawin ang mga salita at layunin ng paghahayag.
Noon pa mang Nobyembre 1831, ipinasiya sa isang kumperensya ng Simbahan na “iwasto ni Joseph Smith Jr ang mga kamalian o pagkakamaling iyon na matutuklasan niya sa pamamagitan ng banal na Espiritu habang nirerepaso ang mga paghahayag [at] mga kautusan [at] pati na ang kabuuan ng mga banal na kasulatan” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 123).
Gayunman, naunawaan ni Propetang Joseph Smith, na ang paghahayag ng Panginoon ay maaaring baguhin o palawakin sa patuloy na paghahayag ng Panginoon ng Kanyang katotohanan (tingnan sa Gerrit Dirkmaat, “Great and Marvelous Are the Revelations of God,” Ensign, Ene. 2013, 47).
Doktrina at mga Tipan 1:29. Ginawang posible ng Panginoon ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon
Natanggap ni Joseph Smith mula sa anghel na si Moroni ang sinaunang talaan na tinukoy sa Doktrina at mga Tipan 1:29 bilang “ang talaan ng mga Nephita.” Nang lumabas ang Aklat ni Mormon, walang alam na ibang wika ang batang Propeta bukod sa Ingles. Kung gayon, ang kakayahan niyang isalin ang Aklat ni Mormon ay ipinagkaloob sa awa at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos (tingnan din sa D at T 5:4; 135:3).
Doktrina at Mga Tipan 1:30. Ang Simbahan ay lalabas “mula sa pagkakatago”
Binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang Kanyang mga tagapaglingkod upang itatag ang Kanyang Simbahan at “maipakita ito mula sa pagkakatago” (D at T 1:30). Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pahayag na ito:
“Ang pagkakatago noon ng Simbahan ay napalitan na ng pagkalantad. Ang pagkakatago ay tumutukoy sa isang bagay na ‘karaniwang hindi alam’ at ‘malayo sa mga sentro ng aktibidad’: samakatuwid, ang isang bagay na nasa pagkakatago ay kadalasang hindi nauunawaan.
“Inilarawan ng Panginoon kung paano Niya dadalhin ang Kanyang gawain sa mga huling araw ‘mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman.’ (D at T 1:30; tingnan din sa 1 Ne. 22:12; 2 Ne. 1:23; 27:29.) Samakatwid, tulad ng nakinita, si Cristo at ang Kanyang gawain ay magiging isang ilaw na hindi maitatago. (Tingnan sa D at T 14:9.)” (“Out of Obscurity,” Ensign, Nob. 1984, 8).
Doktrina at Mga Tipan 1:30. “Ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo”
Malinaw na pinatotohanan ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang isang dahilan kung bakit ito ang tanging totoong Simbahan:
“Habang sinasang-ayunan natin [ang propeta at iba pang mga general authority], nakita at nadama natin ang katibayan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kapwa totoo at buhay. …
“Ito ang totoong Simbahan, ang tanging tunay na Simbahan, dahil narito ang mga susi ng priesthood. Sa Simbahang ito lamang inilagak ng Panginoon ang kapangyarihang magbuklod sa lupa at magbuklod sa langit tulad ng ginawa niya sa panahon ni Apostol Pedro. Ang mga susing iyon ay ibinalik kay Joseph Smith, na binigyang-karapatan namang igawad ang mga ito sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa” (“Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 20).
Ipinaliwanag pa ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paanong totoo at buhay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: “Ipinahayag ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ‘ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa ibabaw ng buong lupa’ (D at T 1:30). Ang ipinanumbalik na Simbahang ito ay totoo dahil ito ang Simbahan ng Tagapagligtas; Siya ‘ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay’ (Juan 14:6). At buhay ang Simbahang ito dahil sa mga gawain at kaloob ng Espiritu Santo. Kaypalad nating mabuhay sa panahong ang priesthood ay nasa ibabaw ng lupa, at matatanggap natin ang Espiritu Santo” (“Tanggapin ang Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 97).
Dahil ang Simbahan ay isang buhay na simbahan, na ginagabayan at pinapatnubayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ito ay patuloy na lumalago at umaakma sa pabagu-bagong sitwasyon at kalagayan sa daigdig sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag mula sa Diyos sa Kanyang mga propeta. Ang patotoo ng Panginoon na ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na Simbahan ay hindi nangangahulugan na walang tinataglay na ilang katotohanan ang ibang mga simbahan. Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi ibig sabihin nito na ang lahat ng simbahan ay walang itinuturong katotohanan. Mayroon silang itinuturong katotohanan—ilan sa kanila ay napakaraming itinuturo na totoo. May anyo ng kabanalan ang mga ito. Karaniwang matatapat ang mga namumuno at sumusunod, at marami sa kanila ang lubos na ipinamumuhay ang mga katangian ng pagiging Kristiyano. Gayunpaman, hindi kumpleto ang mga katangiang ito. Ipinahayag niya, ‘… itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito.’ [Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.] …
“Ngayon ay hindi natin sinasabi na mali [ang ibang mga simbahan] ngunit sinasabi nating hindi sila kumpleto. Ang kabuuan ng ebanghelyo ay naipanumbalik na. Ang kapangyarihan at awtoridad na kumilos para sa Kanya ay taglay natin. Ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood ay nasa Simbahang ito” (“The Only True and Living Church,” Ensign, Dis. 1971, 40–41).
Doktrina at mga Tipan 1:31–33. “Siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin”
Sa Doktrina at mga Tipan 1:31–33, malinaw na ipinahayag ng Panginoon kung paano Niya itinuturing ang kasalanan. Dahil sa awa, idinagdag Niya sa Kanyang pahayag ang pangako ng kapatawaran para sa mga taong nagsisisi at sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nakatutulong ang pagsunod sa mga kautusan para mapatawad sa mga kasalanan: “Binigyang-diin ng banal na kasulatan na iyon [D at T 1:31–32] na hindi tinutulutan ng Panginoon ang kasalanan subalit patatawarin Niya ang nagsisising makasalanan dahil sa Kanyang ganap na pag-ibig. Itinuturo din dito na hindi lang mahalagang sundin ang kautusang inyong nilabag, kundi sa pagsunod sa lahat ng utos ay magkakaroon kayo ng dagdag na lakas at suporta [sa gagawing] pagsisisi” (“Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 87).
Doktrina at mga Tipan 1:34–39
Ang mga salita at paghahayag ng Panginoon na nakapaloob sa Doktrina at mga Tipan ay totoo at “matutupad na lahat”
Doktrina at mga Tipan 1:37. “Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay”
Pinatotohanan ng Panginoon ang katotohanan ng mga paghahayag na nakapaloob sa Doktrina at mga Tipan at hinikayat ang Kanyang mga Banal na “saliksikin ang mga kautusang ito” (D at T 1:37). Pinatotohanan ni Pangulong Brigham Young: “Ang aklat ng Doktrina at mga Tipan ay ibinigay para sa mga Banal sa mga Huling Araw [lalung-lalo na] para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at mga pagkilos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 136).
Doktrina at mga Tipan 1:38. “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod”
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga salita at mga babala sa pamamagitan ng Kanyang pinili at tinawag na mga tagapaglingkod. Kapag nagsasalita ang mga propeta bilang mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon, parang ang Panginoon mismo ang nagsasalita. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard: “Natuklasan ko sa aking paglilingkod na yaong mga naligaw at nalito ay karaniwang yaong mga tao na kadalasan ay … nalilimutan na kapag nagsasalita ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa sa nagkakaisang tinig, ito ang tinig ng Panginoon para sa panahong iyon. Ipinaalala sa atin ng Panginoon, ‘Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa’ [D at T 1:38]” (“Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 90).
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson kung paano ipinapaalam ang tinig ng Panginoon sa Kanyang mga propeta at mga apostol:
“Ang Pangulo ng Simbahan ay maaaring maglahad o magbigay-kahulugan sa mga doktrina batay sa paghahayag sa kanya (tingnan, halimbawa, ang D at T 138). Ang paliwanag ukol sa doktrina ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng magkasamang kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan, halimbawa, ang Opisyal na Pahayag 2). Palaging nababanggit sa pinag-uusapan sa kapulungan ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga lider ng Simbahan, at mga dating ginagawa. Ngunit sa huli … ang adhikain ay hindi lamang ang magkaisa ang mga miyembro ng kapulungan kundi ang magtamo ng paghahayag mula sa Diyos. Ito ay prosesong kinapapalooban kapwa ng katwiran at pananampalataya na makamit ang kagustuhan at kalooban ng Panginoon.
“Dapat ding alalahanin na hindi lahat ng pahayag ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang isang pahayag ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o may-bisa sa buong Simbahan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ‘ang propeta [ay] isang propeta lamang kapag kumikilos siya bilang gayon’ [Joseph Smith, sa History of the Church, 5: 265]” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88).