Institute
Kabanata 23: Doktrina at mga Tipan 63


Kabanata 23

Doktrina at mga Tipan 63

Pambungad at Timeline

Noong tag-init ng 1831, pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang paglalaan ng lupain sa Independence, Missouri, kung saan itatatag ng mga Banal ang Sion. Nang bumalik ang Propeta sa Kirtland, Ohio, noong Agosto 27, sabik malaman ng mga Banal doon ang tungkol sa bagong lupaing ito at ang kanilang gawaing gagampanan sa pagtatatag ng Sion.

Sa kasamaang-palad, habang wala ang propeta, tinalikdan ng ilang miyembro ng Simbahan ang mga kautusan ng Panginoon at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Noong Agosto 30, 1831, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, kung saan binalaan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga bunga ng kasamaan at paghihimagsik. Sinabi rin ng Panginoon sa mga Banal kung paano maghandang magtipon sa Sion at maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Hulyo 14, 1831Dumating si Joseph Smith at ang iba pa sa Independence, Missouri.

Agosto 2–3, 1831Inilaan ang lupain sa Jackson County, Missouri, para sa pagtatatag ng Sion, at isang lugar para sa templo ang inilaan sa Independence, Missouri.

Agosto 27, 1831Bumalik sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland, Ohio.

Agosto 30, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 63.

Doktrina at mga Tipan 63: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Nang bumalik si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan sa Ohio mula sa Missouri noong Agosto 27, 1831, ibinalita nila sa mga miyembro ng Simbahan doon na tinukoy ng Panginoon ang Jackson County, Missouri, bilang lokasyon ng lunsod ng Sion. Itinala ng Propeta: “Sa mga araw na ito na ang Simbahan ay nagsisimula pa lamang, may malaking pananabik na matanggap ang … salita ng Panginoon sa bawat paksa sa anumang pamamaraan na may kinalaman sa ating kaligtasan; at yayamang ‘ang lupain ng Sion’ ngayon ang pinakamahalagang bagay rito sa lupa na isinasaalang-alang, ako ay nagtanong sa Panginoon para sa karagdagang kaalaman sa pagtitipon ng mga Banal, at pagbili ng lupain, at iba pang mga bagay” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 146, josephsmithpapers.org). Noong Agosto 30, bilang sagot sa kanyang tanong, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63. Maaaring kabilang sa “iba pang mga bagay” na itinanong ng Propeta ay ang kanyang pag-aalala para sa ilang miyembro ng Simbahan sa Ohio na nakagawa ng mabibigat na kasalanan at tinalikdan ang Simbahan habang siya at ang iba pang mga namumunong elder ay nasa Missouri. Nakatulong ang paghahayag na linawin na tanging matatapat na tagasunod lamang ni Jesucristo ang dapat pumunta at tumulong sa pagtatatag ng Sion sa Missouri.

Mapa 2: Ilang Mahahalagang Lugar sa Naunang Kasaysayan ng Simbahan

Doktrina at mga Tipan 63:1–21

Ang Panginoon ay nagbabala tungkol sa mga bunga ng paghihimagsik at kasamaan at nangako sa matatapat ng mana

Doktrina at mga Tipan 63:1–6. “Makinig, kayo na tumatawag sa inyong sarili na mga tao ng Panginoon”

Sa mga naunang paghahayag sinabi ng Panginoon sa mga Banal na para makapagtayo at makapanirahan sa Zion dapat sila ay mabubuting tao (tingnan sa D at T 58:19; 59:1, 3). Sinimulan Niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63 na may taimtim na paalala na ang Kanyang mga kautusan ay hindi dapat balewalain at ang mga magwawalang-bahala o maghihimagsik laban dito ay parurusahan. Kailangan ang paalalang ito dahil maraming miyembro ng Simbahan ang sabik na magtayo ng Sion ngunit hindi sumusunod sa mga batas ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 63:7–13. “Ang mga tanda ay sumusunod sa yaong sumasampalataya”

Sa panahon ng tag-init at taglagas ng 1831, ilang miyembro ng Simbahan ang nawalan ng pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo at hayagang nagsalita nang laban kay Propetang Joseph Smith. Dalawang kritiko na hayagang bumabatikos ang nag-apostasiya at nagsimulang maglathala ng mga materyal na laban sa mga Mormon sa mga pahayagan simula noong Setyembre at Oktubre ng 1831. Isa sa mga kritiko ay si Ezra Booth, isang dating mangangaral na Methodist na sumapi sa Simbahan noong 1831 matapos mabasa ang Aklat ni Mormon, makausap si Joseph Smith, at masaksihan ang pagpapagaling ng Propeta sa pilay na braso ni Alice (Elsa) Johnson. Pagkatapos ng kanyang binyag, inordenan si Ezra Booth bilang high priest at tinawag na magmisyon sa Missouri. Inasahan niya na makapagbibinyag siya ng marami sa pagpapakita ng kagila-gilalas na mga tanda at paggawa ng mga himala. Gayunman, matapos ang pangangaral sa maikling panahon nang hindi nakikita ang mga resultang inaasahan niya, si Booth ay “tumalikod, at … tumiwalag sa pananampalataya” (Joseph Smith, sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 154, josephsmithpapers.org).

Pagpapagaling sa balikat ni Elsa Johnson, ni Sam Lawlor

Pagpapagaling sa Balikat ni Elsa Johnson, ni Sam Lawlor. Himalang napagaling ni Propetang Joseph Smith ang balikat ni Alice (Elsa) Johnson.

Ang isa pang kritiko ay si Symonds Ryder (o Simonds Rider), na ipinakilala ni Ezra Booth sa Simbahan. Si Ryder ay naglakbay patungong Kirtland, Ohio, upang alamin ang tungkol sa Simbahan, at habang naroon siya narinig niyang hinulaan ng isang miyembro ng Simbahan na lilindol sa China. Ilang linggo kalaunan, noong Abril 1831, nabasa ni Symonds ang balita tungkol sa mapaminsalang lindol sa Peking, China, at naniwala na nakasaksi siya ng isang mahimalang propesiya. Di-nagtagal ay nabinyagan siya, ngunit makalipas ang ilang buwan hayagan niyang kinalaban ang Simbahan.

Ang mga tagubilin na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63 tungkol sa mga taong naghahanap ng mga tanda ay nakatulong para linawin na bagama’t kailangang maghangad ng mga espirituwal na kaloob ang mga Banal sa mga Huling Araw, hindi sila dapat humingi ng mga tanda para bigyang-kasiyahan ang kuryusidad, kumbinsihin ang iba sa katotohanan, o suportahan ang kanilang sariling relihiyon. Bagkus, ang mga tanda at himala ay dumarating dahil sa pananampalataya kay Jesucristo na kaakibat ang kalooban ng Diyos (tingnan din sa D at T 35:8; 58:64).

Nagpayo si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa paghahangad ng mga tanda:

“Sa pagbabahagi ng mga patotoo at sa ating mga mensahe sa publiko bihira nating banggitin ang ating mga mahimalang karanasan, at bihirang umasa sa mga tanda na totoo ang ebanghelyo. Ang karaniwan lamang na ginagawa natin ay pagtibayin ang ating patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at magbigay ng ilang detalye sa kung paano natin ito natamo. Bakit kaya? Ang mga tanda ay sumusunod sa yaong sumasampalataya. Ang paghahangad ng isang himala para mapabalik-loob ang isang tao ay maling paghahangad ng tanda. …

“May mga magandang dahilan kung bakit hindi natin hinahangad na pagbalik-loobin ang iba sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda. ‘Ang makakita ng mga tanda o himala ay hindi matibay na pundasyon para sa pagbabalik-loob. Pinatunayan sa mga kasaysayan sa mga banal na kasulatan na ang mga taong nagbalik-loob dahil sa mga tanda at himala ay nalilimutan ang mga ito kalaunan at muling natutukso sa mga kasinungalingan at panlilinlang ni Satanas at ng kanyang mga alagad (Hel. 16:23; 3 Ne. 1:22; 2:1; 8:4.). …

“‘Taliwas sa patotoo ng Espiritu, na maaaring panibaguhin paminsan-minsan kung kinakailangan ng isang taong karapat-dapat na tumatanggap nito, ang makakita ng tanda o makaranas ng himala ay minsan lamang nangyayari na mapapawi sa alaala ng nakasaksi nito at unti-unting mawawala ang epekto nito sa kanya’ [Dallin H. Oaks, The Lord’s Way (1991), 87]” (“Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 10).

loob ng tahanan ni Newel K. Whitney, Kirtland Ohio

Si Ezra Booth, isang Methodist minister, ay naging miyembro ng Simbahan matapos masaksihan ang mahimalang pagpapagaling sa silid na ito sa tahanan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio.

Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano inihahanda ng pananampalataya ang isang tao na maniwala:

“Sa daigdig na puno ng pagdududa at pag-aalinlangan, ang ekspresyon na ‘dapat makita muna bago maniwala’ ay sumusuporta sa katwiran na, ‘Ipakita mo sa akin, at ako ay maniniwala.’ Gusto muna nating makita ang lahat ng katibayan at ebidensya. Tila mahirap maniwala batay lang sa pananampalataya.

“Kailan natin matututuhan na sa mga bagay na espirituwal taliwas dito ang nararapat—maniwala muna upang makakita? Ang espirituwal na paniniwala ay nauuna sa espirituwal na kaalaman. Kapag naniniwala tayo sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo, ibig sabihin ay may pananampalataya tayo” (“What Is Faith?” sa Faith [1983], 43).

Doktrina at mga Tipan 63:14–19. Ang kasalanan na pakikiapid

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63:14–19, nagbabala ang Panginoon na ang ilan sa mga Banal ay nagkasala ng pakikiapid. Ang salitang pakikiapid ay tumutukoy sa isang tao na may seksuwal na relasyon sa ibang tao maliban sa kanyang asawa (tingnan sa D at T 42:22–26; 59:6; 66:10). Sa mga napatunayang nagkasala, “hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot” (D at T 63:16), ibig sabihin ay kung hindi magsisisi ang mga nakikiapid, makikita na lang nila ang sarili na sumasalungat sa gawain ng Diyos. Dahil ang imoralidad at pakikiapid ay kabilang sa pinakamabibigat na kasalanan, ang mga taong piniling magpatuloy sa kasamaan sa halip na magsisi ay daranas ng napakatinding sakit ng damdamin—“sa lawang yaon na nagniningas sa apoy at asupre”—at espirituwal na kamatayan, na kilala rin bilang “ikalawang kamatayan”(D at T 63:17; tingnan din sa Alma 12:16; Helaman 14:16–19; D at T 29:27–29; 76:36–38).

Doktrina at mga Tipan 63:16. “Siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasaan siya … [ay] hindi [mapapasakanya] ang Espiritu”

Ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga tumitingin nang may pagnanasa sa iba ay “hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya” (D at T 63:16). Sa isang naunang paghahayag na kilala bilang “batas ng Simbahan,” nagbigay ang Panginoon ng gayon ding babala sa mga Banal laban sa pagnanasa at sa kasalanan na pakikiapid (tingnan D at T 42:22–24). Sa karaniwang kahulugan, ang pagnanasa ay matinding pananabik o labis na pananabik. Subalit, sa konteksto ng mga talatang ito, ang pagnanasa ay tumutukoy sa mahalay at makamundong hangaring makagawa ng kasalanang seksuwal. Sa mundo ngayon, ang pagkakaroon ng pornograpiya ay naging sanhi ng pagdanas ng maraming tao ng mapaminsalang epekto ng pagnanasa. Inilarawan ni Elder Dallin H. Oaks kung paano sinisira ng pornograpiya ang espirituwalidad:

“‘Ang pornograpiko o malalaswang kuwento at mga larawan ay mas malala pa sa marumi o kontaminadong pagkain. Ang katawan ay may mga depensa upang alisin ang mga pagkaing hindi nito kailangan. Bukod sa ilang panganib, ang sirang pagkain ay magdudulot lamang ng sakit sa inyo ngunit hindi magdudulot ng permanenteng pinsala sa inyong katawan. Sa kabaligtaran, ang isang taong palaging nagbabasa o nanonood ng maruruming kuwento o pornograpiko o malalaswang larawan at literatura ay inirerekord ang mga ito sa kahanga-hangang retrieval system na tinatawag nating utak. Hindi isusuka ng utak ang mga duming pumasok dito. Sa sandaling nairekord na, ito ay mananatili sa alaala, na ipinapakita ang mahahalay na larawan sa inyong isipan at inilalayo kayo sa mabubuting bagay sa buhay’ [Dallin H. Oaks, Challenges for the Year Ahead (polyeto, 1974), 4–5; inilimbag muli sa “Things They’re Saying,” New Era, Peb. 1974, 18)]. …

“… Ang mga naghahangad at gumagamit ng pornograpiya ay nawawalan ng kapangyarihan ng priesthood. …

“Nawawala din sa mga tumatangkilik ng pornograpiya ang pagsama ng Espiritu. Ang pornograpiya ay lumilikha ng mga imahinasyong sumisira sa espirituwalidad. …

“Paulit-ulit na itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang Espiritu ng Panginoon ay hindi tatahan sa maruming tabernakulo. Kapag marapat tayo sa pagtanggap ng sakrament, may pangako sa atin na ‘sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu.’ Para maging kwalipikado sa pangakong iyon nakikipagtipan tayo na “lagi [natin] siyang alalahanin’ (D at T 20:77). Ang mga naghahangad at gumagamit ng pornograpiya para gisingin ang damdamin ukol sa seks ay talagang lumalabag sa tipang iyon. Nilalabag din nila ang sagradong tipan na iiwas sa masasama at maruruming gawain. Hindi mapapasakanila ang Espiritu ng Panginoon. …

“Matindi rin ang pinsalang dulot ng pornograpiya sa ating pinakamahalagang personal na mga pakikipagrelasyon. …

“Pinapatay ng pornograpiya ang kakayahan ng isang tao na masiyahan sa normal na damdaming dulot ng paglalambingan, at espirituwal na pakikipag-ugnayan sa opposite sex. Sinisira nito ang kagandahang-asal na pumipigil sa tao laban sa di-angkop, di-normal, o ilegal na kilos o ugali. Dahil manhid na ang konsiyensya, naaakay ang mga tagatangkilik ng pornograpiya na gayahin ang nakita nila, nang hindi na iniisip pa ang magiging epekto nito sa kanilang buhay o sa buhay ng iba.

“Nakakaadik din ang pornograpiya. Sinisira nito ang kakayahang magdesisyon at ‘naaadik’ ang mga gumagamit nito, at lalo silang naghahanap ng higit pa. …

“… Kapag tinagalan ng tao ang pag-iisip sa masamang kaisipan na sapat para lumayo ang Espiritu, nawawala sa kanila ang espirituwal na proteksiyon at napapasailalim sila sa kapangyarihan at utos ng diyablo” (“Pornograpiya,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 88–89).

Sa ating panahon, ang paglaganap ng pornograpiya ay naglantad sa marami sa tuksong pagnasaan ang iba. Ipinahayag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang paggamit ng pornograpiya ay isang mahalay na aktibidad na naglilimita sa kakayahan ng tao na matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu:

“Binabalaan ko kayo. Napakahusay ni Satanas sa pagharang sa espirituwal na komunikasyon sa [pamamagitan ng] pag-uudyok sa mga tao, sa [pamamagitan ng] panunukso, na labagin ang mga batas na kinasasaligan ng espirituwal na komunikasyon. Nakukumbinsi pa niya ang ilan na hindi nila kayang tumanggap ng gayong patnubay mula sa Panginoon.

“Bihasa na si Satanas sa paggamit ng nakalululong na kapangyarihan ng pornograpiya para mawalan ng kakayahan ang tao na maakay ng Espiritu. Ang pag-atake ng pornograpiya sa lahat ng malupit, nakabubulok, nakakasirang anyo nito ay nakapagdulot na ng hapis, pagdurusa, hinanakit, at paghihiwalay ng mag-asawa. Isa ito sa pinakamasasamang impluwensya sa daigdig. Sa pamamagitan man ng babasahin, pelikula, telebisyon, malalaswang musika, kabastusan sa telepono, o sa nag-aanyayang personal computer screen, ang pornograpiya ay lubhang nakalululong at nakakasira. Ang mabisang kasangkapang ito ni Lucifer ay nagpapababa sa puso’t isipan at kaluluwa ng gumagamit nito. Lahat ng nabibihag sa kaakit-akit at nakasasabik na web at nananatiling gayon ay malululong sa imoral at mapangwasak na impluwensya nito. Para sa marami, ang pagkalulong ay hindi madaraig nang walang tulong. Napakapamilyar ng kalunus-lunos na gawaing ito. Nagsisimula ito sa pag-uusisa na ginagatungan ng pag-uudyok at kinakatwiranan ng maling paniniwala na kapag ginawa nang lihim, hindi nito ipapahamak ang iba. Dahil sa paniniwala sa kasinungalingang ito, lalo nila itong sinusubukan, na mas matitindi ang pag-uudyok, hanggang sa magsara ang bitag at kontrolin sila ng napakaimoral at nakalululong na mga gawing ito. …

“Kung kayo ay nabitag sa pornograpiya, lubos na mangakong daigin ito ngayon. Humanap ng tahimik na lugar; agarang manalangin para sa tulong at suporta. Magtiyaga at sumunod. Huwag sumuko” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8–9).

Doktrina at mga Tipan 63:20–21. Ang pagbabagong-anyo ng mundo

Nangako ang Panginoon na ang mga Banal na piniling gawin ang Kanyang kalooban at nagtitiis hanggang wakas ay mamanahin ang terestriyal na daigdig kapag nagsimula na ang Milenyo at kapag ang mundo ay naging isang selestiyal na daigdig din at bahagi ng selestiyal na kaharian na kasunod ng Milenyo at Huling Paghuhukom (tingnan sa D at T 38:17–20; 45:58; 63:49; 88: 17–20). Ang pariralang “ang araw ng pagbabagong-anyo” sa Doktrina at mga Tipan 63:20 ay tumutukoy sa panahon na kasunod ng Ikalawang Pagparito ng Panginoon, kapag ang “mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Ang pagbabago, o pagbabagong-anyo nito, ay magaganap matapos “[maubos],” o maalis ang lahat ng masasama at nabubulok na bagay ng mundo, at “lahat ng bagay ay magiging bago” (D at T 101:24–25). Ang mundo mismo ay babalik sa malaparaisong kaluwalhatian na taglay nito bago ang Pagkahulog nina Adan at Eva (tingnan sa Isaias 11:6–7; 51:3; D at T 133:22–24, 29). Ayon sa Doktrina at mga Tipan 63:21, ang pagbabagong-anyong ito ng mundo ay ipinakita sa pangitain kina Apostol Pedro, Santiago, at Juan sa kanilang sagradong karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:1–3, 9).

Ang mundo na tanaw mula sa kalawakan

Ang mga taong nagtitiis nang may pananampalataya at ginagawa ang kalooban ng Panginoon “ay makatatanggap ng mana sa mundo … kapag ang mundo ay nagbagong-anyo” (D at T 63:20–21).

Larawan sa kagandahang-loob ng NASA Johnson Space Center

Tinukoy ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ang apat na yugto ng buhay sa mundo: “Ang mundong ito ay dumadaan sa apat na malalaking antas o kalagayan: 1. Ang paglikha at ang kalagayan bago naganap [umiiral bago] ang pagkahulog. 2. Ang telestiyal na kalagayan na umiral mula noong pagkahulog ni Adan. 3. Ang terestriyal na kalagayan [o pagbabagong-anyo ng mundo] na iiral kapag dumating ang Tagapagligtas at ang pasimulan ang Milenyo. 4. Ang selestiyal o huling kalagayan ng mundo kapag natamo na nito ang kadakilaan” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie [1954], 1:82).

Doktrina at mga Tipan 63:22–56

Binigyan ng Panginoon ng gabay ang mga Banal sa pagtatayo ng Sion at nangakong pagpapalain ang matatapat

Doktrina at mga Tipan 63:22–23. “Isang balon ng tubig na buhay, na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan”

Nangako ang Panginoon na magbibigay ng kaalaman, o “mga hiwaga ng [Kanyang] kaharian” sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan (D at T 63:23). Ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos ay tumutukoy sa mga walang-hanggang katotohanan na matatanggap o malalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag. Inihalintulad ng Panginoon ang pagtanggap ng espirituwal na pagbuhos ng kaalamang ito sa pagkakaroon ng isang “balon ng tubig na buhay” sa ating kalooban na nagdudulot ng “buhay na walang hanggan” (D at T 63:23). Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer kung paano nag-aanyaya ng patuloy na paghahayag ang ating katapatan: “Maging mapanampalataya at ang inyong pananampalataya ay patuloy na lalakas, ang inyong kaalaman tungkol sa katotohanan ay madaragdagan, at ang inyong patotoo sa Manunubos, sa Pagkabuhay na Mag-uli, sa Pagpapanumbalik ay magiging ‘isang balon ng tubig na buhay, na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan’ [D at T 63:23]. Pagkatapos ay matatanggap na ninyo ang patnubay sa iyong mga pagpapasiya sa araw-araw na pamumuhay” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 61).

Doktrina at mga Tipan 63:24–31, 41. “Sila ay sama-samang magtipun-tipon sa lupain ng Sion, hindi nagmamadali”

Nang bumalik si Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, at nalaman ng mga Banal na tinukoy ng Panginoon ang Independence, Missouri, bilang tampok na lugar para sa lunsod ng Sion, marami ang sabik na simulan ang proseso ng paglipat doon. Gayunpaman, nilinaw ng Panginoon sa mga Banal na huwag magtipon sa lupain ng Sion nang “nagmamadali” (D at T 63:24; tingnan din sa D at T 58:56). Sa katunayan, binigyan ng Panginoon ang Propeta ng kakayahan na “makakilala sa pamamagitan ng Espiritu” kung sino ang lilipat doon (D at T 63:41).

Hinggil sa mga tagubiling ito mula sa Panginoon, ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung bakit dapat magtipon ang mga Banal sa maayos na pamamaraan sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng Simbahan: “[Ang mga naunang miyembro] ay binalaan na huwag makipagtalo sa kanilang mga kapitbahay, na karamihan ay may matinding galit sa mga miyembro ng Simbahan. Sinabi ng Panginoon na hindi kailangang dumanak ang dugo para matamo ang lupain. Yaong nagkaroon ng pribilehiyo na sama-samang makapagtipon doon ay hindi dapat magtungo sa Sion nang nagmamadali, kundi dahan-dahan. Maliwanag ang dahilan kung bakit ipinayo ito, sapagka’t ang pagmamadali ay hahantong sa kaguluhan, sa hindi kasiya-siyang kondisyon at nakakahawang karamdaman, at pagkatapos, magdudulot din ito ng ligalig at takot sa puso ng kanilang mga kaaway at magpapatindi ng pagsalungat. Gusto silang wasakin ni Satanas at sa kanyang galit ay inudyukan silang makipag-away at makipagtalo gayundin ang mga dati nang nakatira sa Missouri” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:232).

Para mapangasiwaan ang bilang ng mga Banal na nagtitipon sa Sion, iniutos ng mga lider ng Simbahan sa mga nasa Ohio na gustong pumunta sa Missouri na kumuha ng katibayang inisyu ng Simbahan bago sila mandayuhan at makibahagi sa batas ng paglalaan sa Missouri. Gayunman, hindi pinansin ng maraming sabik na miyembro ang tagubilin at nagdagsaan sila sa Missouri. Isinulat kalaunan ng mananalaysay ng Simbahan na itinalaga ni Propetang Joseph Smith, “Kaagad sinimulan ng mga miyembro ang pagtitipon sa Jackson County, at ikinatuwa nila nang labis ang bagay na ito. Iniutos sa kanila na huwag magmadaling umalis kundi sa halip ay ihanda muna ang lahat ng mga bagay-bagay. Kailangang ipadala ang salapi sa bishop, at sa sandaling mabili na ang mga lupain, at nagawa na ang mga paghahanda, ipapaalam ito ng bishop, upang matipon ang mga miyembro. Ngunit hindi pinansin ang regulasyong ito, dahil talagang gustung-gusto na ng mga miyembro ng simbahan na pumunta sa Sion, na tawag sa lugar na ito. Nangamba ang mayayaman na ipadala ang kanilang pera na pambili ng mga lupain, at dumagsa ang malaking bilang ng mahihirap, nang walang anumang lugar na matirhan, na salungat sa payo ng bishop at ng iba pa, hanggang sa magsimulang mayamot nang husto ang mga dati nang nakatira roon” (John Corrill, A Brief History of the Church of Christ of Latter Day Saints [1839], 18–19, josephsmithpapers.org; tingnan din sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, inedit nina Karen Lynn Davidson at iba pa [2012], 146).

Doktrina at mga Tipan 63:25–27. “Ako, ang Panginoon, ay ibinibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar”

Sa Lucas 20:19–26, mababasa natin kung paano tinangka ng mga punong saserdote at eskriba na hulihin si Jesus sa pamamagitan ng pagtatanong sa Kanya kung marapat bang magbayad ng buwis ang mga Judio sa Romanong emperador na si Cesar. Alam nila na kung sinabi Niyang oo, itataboy Siya ng mga Judio dahil galit sila sa mga Romano, na sumakop sa kanila. Kung hindi naman ang sagot ni Jesus, isusumbong nila Siya sa mga Romano, na dadakip sa Kanya dahil sa pagtataksil sa pamahalaang Romano. Ipinakita sa kanila ni Jesus ang isang denario na may larawan doon ni Cesar at sinabing “Kung gayo’y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios” (Lucas 20:25).

paglalarawan kay Jesus na itinuturo ang tungkol sa pagbibigay ng buwis kay Cesar

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal, na tulad Niya, ay kailangan nilang “ibigay … kay Cesar ang kay Cesar” (tingnan sa D at T 63:25–27).

Ang pagbanggit ng Panginoon sa pangyayaring ito sa Doktrina at mga Tipan 63:26–27 ay nakatulong para maituro sa mga Banal na bagama’t pag-aari ng Panginoon ang buong mundo, kailangan pa ring bumili ng mga Banal ng mga lupain na pagtatayuan ng lunsod ng Sion ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon. Ang pagbiling ito ay kailangan para magkaroon ng legal na pag-aari sa lupain ang mga Banal at maiwasan ang kaguluhan tungkol dito sa hinaharap.

Doktrina at mga Tipan 63:33–35. “Ang mga banal din ay bahagyang makatatakas”

Bilang tugon sa tumitinding kasamaan sa mundo, nagtakda ang Panginoon ng mga kahatulan at kaparusahan. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63:33–35, ang mga mapanghimagsik ay parurusahan at kalaunan ay wawasakin, at bagama’t magdurusa rin ang mga Banal, ipinangako ng Panginoon na Siya ay paroroon sa kanila. Itinala ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) ang nangyari sa pulong sa kanyang tahanan noong Setyembre 1839: “Ipinaliwanag [ko] ang pagparito ng Anak ng Tao; gayundin na maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makakatakas’ [tingnan sa D at T 63:34]; gayunman maraming Banal ang makakatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuc 2:4]; subalit maraming mabubuti ang magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos. Kaya nga hindi banal na alituntunin ang sabihin na si ganoon at ganito ay nagkasala sapagkat nagkasakit sila o namatay, sapagkat lahat ng laman ay mamamatay; at sinabi ng Tagapagligtas, ‘Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan’ [tingnan sa Mateo 7:1]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 294).

Doktrina at mga Tipan 63:38–40. Iniutos kay Titus Billings na pumunta sa Sion

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na nakatira sa bukid ni Isaac Morley—kabilang na sina Joseph at Emma Smith—na ayusin na ang dapat isaayos para sa paglipat. Nang tawagin si Isaac Morley noong Hunyo 1831 para magmisyon sa Missouri, ang kanyang bayaw na si Titus Billings ang pinamahala sa ari-arian. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63:38–40, iniutos kay Titus Billings na ibenta ang lupain at gamitin ang pera sa pagpunta sa Missouri at tulungan ang iba na gawin din ang gayon. Dahil kailangan nilang lumipat, inanyayahan nina John at Alice (Elsa) Johnson sina Joseph at Emma Smith na lumipat sa kanilang sakahan sa Hiram, Ohio, tinatayang 30 milya sa timog-silangan ng Kirtland.

Sakahan ni Isaac Morley, Kirtland Ohio

Ipinagkatiwala ni Isaac Morley sa bayaw niyang Titus Billings ang kanyang sakahan sa Kirtland, Ohio, kung saan maraming Banal ang nakatira. Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, ipinagbili ang sakahan (tingnan sa D at T 63:38–40).

Doktrina at mga Tipan 63:49–52. “Pinagpala ang mga patay na nangamatay sa Panginoon”

Yaong nagtiis nang may pananampalataya at kabutihan, hanggang sa kamatayan, ay mabubuhay na mag-uli sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Sila ay tatanggap ng Kanyang kaluwalhatian at makakasama ang mabubuti na nabubuhay sa panahong iyon sa pagmamana ng lugar sa lunsod ng Sion sa panahon ng Milenyo (tingnan sa D at T 61:39; 63:49; 88:96–98; 101:35). Ang mga bata na nabubuhay sa lupa kapag nagsimula na ang panahon ng Milenyo ay “lalaki hanggang sa sila ay tumanda” at mamamatay din “sa isang kisap-mata’” (D at T 63:51; tingnan din sa Isaias 65:20). Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang mga tao sa mundo ay mortal pa rin, ngunit isang pagbabago ang mangyayari sa kanila at magkakaroon sila ng kapangyarihan sa sakit, karamdaman at kamatayan. Ang kamatayan ay halos lubos na maglalaho sa mundo, dahil ang tao ay mabubuhay gaya sa gulang ng isang puno o isang daang taon (Tingnan sa [D at T] 63:50–51), at pagkatapos ay mamamatay sa hustong gulang ng tao, ngunit ang kamatayang ito ay darating sa isang kisap-mata at pagdaka ang mortal ay magiging imortal. Walang mga puntod, at ang mabubuti ay dadalhin tungo sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli” (Church History and Modern Revelation, 1:461).

Doktrina at mga Tipan 63:53–54. “Ang mga bagay na ito … ay nalalapit na”

Mula sa perspektibo ng Diyos sa panahon, ang mga kaganapan ng Ikalawang Pagparito ay “nalalapit na” (D at T 63:53). Kahit hindi natin alam ang oras ng Ikalawang Pagparito, ang talinghaga ng Panginoon tungkol sa mga mangmang at matatalinong dalaga ay nagpapaalala sa atin na maghanda na ngayon para sa araw na iyon (tingnan sa Mateo 25:1–13). Napakahalaga na ituring natin na malapit na ang Ikalawang Pagparito upang maihanda natin ang ating sarili. Ang paglilinaw na ito sa Doktrina at mga Tipan 63:54 na “hanggang sa oras na yaon ay mayroon pa ring mga hangal na birhen sa gitna ng marurunong” ay nangangahulugan na maging sa mga Banal sa mga Huling Araw ay may masasama at ihihiwalay mula sa mabubuti, tulad sa talinghaga ng trigo at mga agingay o pangsirang damo (tingnan sa Mateo 13:24–30, 36–43). Samakatwid, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magsisi at maghanda para sa Kanyang pagparito. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks kung bakit kinakailangang maghanda ng mga miyembro ng Simbahan:

“Bagama’t wala tayong kapangyarihang baguhin ang katotohanan ng Ikalawang Pagparito at di natin alam ang mismong oras, mapapabilis natin ang sarili nating paghahanda at mapagsisikapang impluwensyahan ang paghahanda ng mga nasa paligid natin.

“Ang talinghagang may mahalaga at mapaghamong turo sa paksang ito ay ang sampung birhen. Tungkol dito’y sinabi ng Panginoon, ‘At sa araw na iyon, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen’ (D at T 45:56).

“Sa ika-25 kabanata ng Mateo, [ikinumpara] ng talinghagang ito ang kalagayan ng limang hangal at limang matatalinong dalaga. Inanyayahan ang sampu sa kasalan, ngunit kalahati lang sa kanila ang may handang langis sa kanilang ilawan nang dumating ang kasintahang lalaki. Ang limang nakahanda ay nakapasok sa kasalan, at isinara na ang pinto. Ang limang naantala sa paghahanda ay nahuli. Sarado na ang pinto, at ayaw na silang papasukin ng Panginoon na nagsabing, ‘Hindi ko kayo nangakikilala’ (t. 12). ‘Mangagpuyat nga kayo,’ sabi ng Tagapagligtas, ‘sapagka’t hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras [ng pagdating ng Anak ng tao]’ (t. 13).

“Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating ito” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8).

Doktrina at mga Tipan 63:55–56. Ipinahayag ng Panginoon na “ang … mga isinulat [ni Sidney Rigdon] ay hindi [Niya] matatanggap”

Isang buwan bago natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, iniutos ng Panginoon kay Sidney Rigdon na sumulat ng diskripsyon ng lupain ng Sion na maipapakita sa iba para makapangalap ng pondong pambili ng mga lupain sa Missouri (tingnan sa D at T 58:50–52). Matapos itong isulat ni Sidney, ipinahayag ng Panginoon na ang diskripsyon niya ng lupain ay “hindi matatanggap” dahil “dinadakila niya ang kanyang sarili sa kanyang puso, at hindi tumatanggap ng payo, sa halip ay pinighati ang Espiritu” (D at T 63:55–56). Bagama’t sa unang diskripsyon ay lumabis si Sidney sa paglalarawan ng mga katangian ng Jackson County, (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013] 54, note 305), malinaw na hindi nito natugunan ang mga inaasahan ng Panginoon. Bagama’t ganito ang nangyari, iniutos ng Panginoon na sumulat siya ng pangalawang draft, na tinanggap na sa pagkakataong ito, at dahil dito ay nakapangalap ng pondo para sa Sion.

Doktrina at mga Tipan 63:57–66

Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga tagapaglingkod na alalahanin ang kasagraduhan ng Kanyang pangalan at magsalita nang may pagpipitagan tungkol sa lahat ng mga sagradong bagay

Doktrina at mga Tipan 63:57–64. “Mag-ingat kung paano nila sinasambit ang aking pangalan sa kanilang mga labi”

Noong ibigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, ilan sa mga Banal ang kumilos sa pangalan ng Panginoon nang walang wastong awtoridad at, samakatuwid, ay nasa ilalim ng kaparusahan (tingnan sa D at T 63:60–63). Sinabihan ng Panginoon ang mga Banal na magsisi, iniutos sa lahat na “mag-ingat kung paano nila sinasambit ang [Kanyang] pangalan sa kanilang mga labi” (D at T 63:61). Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks na dapat gamitin ang pangalan ng Panginoon nang may awtoridad at pagpipitagan:

“Ang banal na kasulatan na ito [D at T 63:61–62] ay nagpapakita na sinasambit natin ang pangalan ng Panginoon nang walang kabuluhan kapag ginagamit natin ang kanyang pangalan nang walang karapatan. Ito ay malinaw na nangyayari kapag ang mga sagradong pangalan ng Diyos Ama at Kanyang anak na si Jesucristo, ay ginagamit sa kalapastanganan: sa pagmumura, pagtuligsa, o kapag ginawang bukambibig sa kaswal na usapan.

“Ang mga pangalan ng Ama at ng Anak ay ginagamit nang may awtoridad kapag mapitagan nating itinuturo at pinatotohanan ang mga ito, kapag nagdarasal tayo, at kapag nagsasagawa tayo ng mga sagradong ordenansa ng priesthood.

“Wala nang mas sagrado o mahalagang salita sa lahat ng ating wika kaysa sa mga pangalan ng Diyos Ama at ng kanyang Anak, na si Jesucristo. …

“Kapag ang mga pangalan ng Diyos Ama at ng kanyang Anak na si Jesucristo, ay ginagamit nang may pagpipitagan at karapatan, sumasamo ang mga ito ng kapangyarihan na hindi kayang maunawaan ng taong mortal.

“Dapat malinaw sa bawat mananampalataya na ang makapangyarihang mga pangalang ito—kung saan sa pamamagitan nito ay nagagawa ang mga himala, nalikha ang daigdig, nalikha ang tao, at sa pamamagitan nito ay maliligtas tayo—ay banal at dapat ituring nang may lubos na pagpipitagan. Tula ng nabasa natin sa makabagong paghahayag, ‘Tandaan na yaong nagmumula sa kaitaasan ay Banal, at kailangang sambitin nang may pag-iingat, at sa panghihimok ng Espiritu.’ (D at T 63:64.)” (“Reverent and Clean,” Ensign, Mayo 1986, 49–51).

Doktrina at mga Tipan 63:65–66. “Isang tahanan, gaya ng itinuro sa kanila sa pamamagitan ng panalangin ng Espiritu”

Sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay may tig-isang maliit na bahay sa sakahan ni Isaac Morley. Dahil iniutos na ipagbili ang sakahan, sinabi ng Panginoon kina Joseph at Sidney na hingin ang patnubay ng Diyos sa paghahanap ng bagong lugar na matitirhan (tingnan sa D at T 63:65). Noong Setyembre 17, 1831, lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Hiram, Ohio, sa piling ng pamilya ni John at Alice (Elsa) Johnson. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, lumipat ang mga Rigdon sa isang bahay na yari sa troso doon din sa Hiram. Tiyak na ikinabalisa ng mga pamilya ng Propeta at ni Sidney Rigdon ang kanilang temporal na mga pangangailangan nang malaman nila na mawawala ang kanilang bahay sa sakahan ni Morley. Sinikap panatagin ng Panginoon ang kanilang mga ikinakabalisa sa pagpapaalala sa kanila na sila ay papatnubayan ng Espiritu kapag nagsumamo sila sa Diyos sa panalangin, at dahil sa kanilang pagtitiis sila ay pagpapalain (tingnan sa D at T 63:65–66).