Kabanata 21
Doktrina at mga Tipan 57–58
Pambungad at Timeline
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na magtipon sa isang kumperensya ng Simbahan sa Missouri (tingnan sa D at T 52:2–5), naglakbay si Propetang Joseph Smith at ang iba pa nang mahigit-kumulang 900 milya mula sa Ohio patungong Missouri. Noong Hulyo 20, 1831, ilang araw matapos dumating sa Jackson County, Missouri, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 57. Sa paghahayag na ito sinabi ng Panginoon na ang Independence, Missouri, ang dapat maging tampok na lugar ng Sion at ng templo nito, at tinagubilinan Niya ang ilang tao tungkol sa kanilang gawain sa pagtatayo ng Sion.
Noong Agosto 1, 1831, wala pang dalawang linggo matapos matanggap ni Joseph ang paghahayag na nagtatalaga sa Independence bilang tampok na lugar ng Sion, ilang mga miyembro ng Simbahan ang kumausap sa Propeta na nagnanais na malaman kung ano ang kalooban ng Panginoon sa magiging bahagi nila sa pagtatayo ng Sion. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58. Sa paghahayag na ito tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga alituntuning pagbabatayan sa pagtatatag ng lunsod ng Sion, kabilang na ang pagsunod sa mga kautusan, katapatan sa gitna ng kapighatian, paggamit ng kalayaan upang maisagawa ang kabutihan, at pagsisisi at kapatawaran.
-
Hulyo 14, 1831Dumating si Joseph Smith at ang mga kasama niya sa Jackson County, Missouri.
-
Hulyo 20, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 57.
-
Mga huling araw ng Hulyo 1831Dumating ang mga Banal na taga Colesville at ilang elder sa Jackson County.
-
Agosto 1, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 58.
-
Agosto 2–3, 1831Inilaan ang lupain sa Jackson County, Missouri, para sa pagtatatag ng Sion, at isang lugar para sa templo ang inilaan sa Independence, Missouri.
Doktrina at mga Tipan 57: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) na “ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito’y paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote, at hari nang may kakaibang galak” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2011] 211). Marami sa mga naunang Banal ang sabik na inasam ang pagtatatag ng Sion. Bilang bahagi ng Panunumbalik, nagbigay ang Panginoon sa mga Banal ng paunti-unting paghahayag tungkol sa pagtatayo ng lunsod ng Sion sa mundo sa mga huling araw. Halimbawa, mula sa Aklat ni Mormon nalaman ng mga Banal na ang lunsod ng Sion, o Bagong Jerusalem, ay itatayo sa kontinente ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 20:22; 21:23–24; Eter 13:2–10).
Sa isang paghahayag na ibinigay noong Setyembre 1830, ipinaliwanag ng Panginoon na hindi Niya ihahayag ang eksaktong lugar ng lunsod ng Sion noong panahong iyon ngunit sinabi Niya na ito ay “sa mga hangganan ng mga Lamanita” (D at T 28:9). Noong Disyembre 1830, habang ginagawa ni Propetang Joseph Smith ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia, nalaman niya na sa maligalig na panahon ng mga huling araw, pangangalagaan ng Panginoon ang Kanyang mga tao at titipunin sila sa “Banal na Lunsod” ng Sion (tingnan sa Moises 7:60–62). Noong Pebrero 9 1831, ipinaliwanag ng Panginoon na ihahayag Niya “kung saan itatayo ang Bagong Jerusalem” sa Kanyang “takdang panahon” (D at T 42:62). Isang buwan lang mula noon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nagsasaad na ang Sion ay magiging “isang lupa ng kapayapaan, isang lunsod ng kanlungan, isang lugar ng kaligtasan” sa isang masamang mundo (D at T 45:66–67). Lumakas ang pag-asa ng mga Banal tungkol sa Sion noong Hunyo 1831 nang iutos ng Panginoon na ang susunod na kumperensya ng Simbahan ay “gaganapin sa Missouri, sa lupain na aking ilalaan sa aking mga tao” (D at T 52:2). Sa paghahayag ding ito nangako ang Panginoon na ihahayag ang “lupain na [kanilang] mana” kung mananatiling tapat sina Joseph Smith at Sidney Rigdon (D at T 52:5).
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na magtipon para magdaos ng kumperensya ng Simbahan sa Missouri, si Propetang Joseph Smith at ilang kasama niya ay umalis ng Kirtland, Ohio, para pumunta roon noong Hunyo 19, 1831. Bukod pa rito, tinawag ng Panginoon ang malaking bilang ng mga maytaglay ng priesthood upang maglakbay nang dala-dalawa papuntang Missouri at mangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay sila (tingnan sa D at T 52:7–10, 22–33; 56:5–7). Matapos maglakbay nang mga 900 milya, dumating ang Propeta at kanyang mga kasama sa Independence, Jackson County, Missouri, noong Hulyo 14, 1831. Sinalubong sila roon nina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., at Ziba Peterson, na tinawag noong taglagas ng 1830 bilang mga missionary upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita (tingnan sa D at T 28:8; 30:5–8; 32:2–3). Kasama ng mga missionary na ito ang bagong binyag sa Simbahan, si Frederick G. Williams, na nagtanong kay Oliver Cowdery kung makakasama ba ito sa kanila sa paglalakbay.
Ayon sa kasaysayan ni Joseph Smith, nang dumating ang Propeta sa Independence, ginugol niya ang panahon sa pagmumuni-muni tungkol sa pagtatatag ng Sion at sa kalagayan ng mga American Indian na nakatira sa buong hangganan ng Missouri. Humantong ang kanyang pagmumuni-muni sa isang tanong: “Kailan mamumukadkad ang ilang gaya ng rosas; kailan itatatag ang Sion sa kanyang kaluwalhatian, at saan itatayo ang iyong Templo, na kung saan ang lahat ng bansa ay magtutungo sa mga huling araw?” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 127, josephsmithpapers.org). Kasunod nito, noong Hulyo 20, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 57.
Doktrina at mga Tipan 57
Inihayag ng Panginoon ang lugar ng Sion at tinagubilinan ang mga tao tungkol sa kanilang gawaing gagampanan sa pagtatayo nito
Doktrina at mga Tipan 57:1–3. Inihayag ng Panginoon ang lugar para sa lunsod ng Sion
Bilang tugon sa tanong ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na ang Independence, Jackson County, Missouri, ang “lupang pangako, at ang lugar para sa lunsod ng Sion” (D at T 57:2). Ang lugar para sa lunsod ng Sion ay matatagpuan lamang sa ibaba ng isang kurbada sa Missouri River at mga 10 milya pasilangan ng Missouri-Indian territory line (sa kasalukuyan ay hangganan ng Missouri-Kansas). Ang lupaing bumubuo sa Missouri at ilang karatig estado ay naging bahagi ng Estados Unidos matapos ang Louisiana Purchase noong 1803. Pagkatapos ng pagbili, ang mga bagong dating, na karamihan ay mula sa ibang mga estado sa timog, ay lumipat sa Missouri upang manirahan sa lupain. Ang Missouri ay naging estado noong 1821, at noong 1826 nilikha ng lehislatura ng estado ang Jackson County. Ang katatatag na bayan ng Independence, na kung saan ay matatagpuan ang daang pangkalakalan na tinawag na Santa Fe Trail, ang naging sentro ng lalawigan. Sa panahon ng paghahayag na ito, ang Jackson County ay mayroon lamang ilang daang residente at ilang pampublikong gusali, kabilang ang bahay-hukuman.
Doktrina at mga Tipan 57:3. “Independence ang tampok na lugar”
Nang italaga ng Panginoon ang Jackson County, Missouri, bilang lugar kung saan itatayo ang lunsod ng Sion, sinabi Niya na ang lunsod ng Independence ang magiging “tampok na lugar” (D at T 57:3). Ang pagiging tampok na lugar ay tumutukoy, kahit paano, sa gagampanan ng Sion, o Bagong Jerusalem, bilang isa sa dalawang kabisera (ang isa ay Jerusalem) ng kaharian ng Panginoon sa panahon ng Milenyo (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie [1955], 3:71). Mula sa lokasyong ito pamamahalaan mismo ng Panginoon ang gawain at pamamaraan ng Kanyang kaharian.
Binigyang-diin ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng Sion bilang “tampok na lugar” nang ituro niya ang sumusunod: “Hayaang magtipon ang Israel sa mga stake ng Sion sa lahat ng bansa. Hayaang ang bawat lupain ay maging Sion sa mga taong itinalagang manirahan dito. Hayaang ang kabuuan ng ebanghelyo ay maging para sa lahat ng mga banal sa lahat ng bansa. Hayaan na walang pagpapalang ipagkait sa kanila. Hayaang magtayo ng mga templo kung saan isasagawa ang kabuuan ng mga ordenansa ng bahay ng Panginoon. Ngunit may isang tampok na lugar, isang lugar kung saan itatayo ang pangunahing templo, isang lugar kung saan paroroon ang Panginoon, isang lugar kung saan ang batas ay lalaganap upang pamahalaan ang buong mundo. … At ang tampok na lugar na iyon ay ang tinatawag ngayon ng mga tao na Independence sa Jackson County, Missouri, ngunit sa araw na darating ay magiging Sion ng ating Diyos at Lunsod ng Kabanalan ng kanyang mga tao. Ang pagtatayuan ay napili na; ang lugar ay alam na; ang utos ay lumabas na; at ang ipinangakong tadhana ay tiyak” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 595).
Doktrina at mga Tipan 57:3. “Ang dako para sa templo”
Bilang karagdagan sa paghahayag ng pook para sa lunsod ng Sion, inihayag din ng Panginoon na ang dako para sa templo ay “nasa gawing kanluran, sa lote na hindi malayo mula sa bahay-hukuman” (D at T 57:3). Ang templong ito ay itatayo sa mga huling araw bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ang kahalagahan ng templo na itatayo sa Independence, Missouri: “Tungkol sa mga templo kung saan lahat ng mga bansa ay darating sa mga huling araw, ito ay itatayo sa Bagong Jerusalem bago ang Ikalawang Pagparito, lahat ay bahagi ng mga panimulang proseso na maghahanda sa mga tao para sa pagbabalik ng kanilang Panginoon” (A New Witness for the Articles of Faith, 595).
Mga dalawang taon matapos niyang matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 57, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang karagdagang paghahayag hinggil sa lugar kung saan itatayo ang templo. Noong 1833, may ipinadrowing na plat map ang Propeta na nagpapakita ng temple complex na may 24 na gusaling itatayo nang magkakatabi sa Independence (tingnan sa History of the Church, 1:357–59). Ang pagtitipon at pagtatayo ng lunsod ng Sion, o Bagong Jerusalem, tulad nang ipinahayag ng Panginoon, ay magsisimula sa “lugar ng templo” (D at T 84:4).
Doktrina at mga Tipan 57:4–5. “Karunungan na ang lupain ay bilhin ng mga banal”
Sa isang naunang paghahayag, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “ipunin … ang lahat ng salaping maaari [nilang makuha] sa kabutihan” upang maging handa sila na makabili ng lupain sa Sion kapag inihayag ng Panginoon ang lugar sa kanila (D at T 48:4–5). Matapos ihayag ang lokasyon ng Sion, sinabi ng Panginoon sa mga elder na bilhin ang bawat sukat ng lupain na “nasa gawing kanluran, maging patungo sa hangganan na bumabaybay sa pagitan ng Judio at Gentil” (D at T 57:4). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang linyang nasa pagitan ng mga Judio at Gentil, “ay tumutukoy sa hangganan na naghihiwalay sa mga Lamanita [o American Indian] mula sa mga naninirahan sa Jackson County. Nang panahong iyon ibinigay ng Estados Unidos sa mga Indian ang mga lupain sa kanluran ng Missouri, ngunit kalaunan ay binawi rin. Ang mga Lamanita, na mga Israelita, ay tinatawag na mga Judio, at ang mga Gentil, na karamihan ay walang kinikilalang batas, ay mga taong nakatira sa silangang dako ng ilog” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:206).
Sa panahong ito sa kanlurang Estados Unidos, maraming mamamayan ang “nag-squatting” upang makakuha ng ari-arian o lupain. Ibig sabihin nito ay titirahan nila ang lupain o ari-arian na walang nag-ookupa na may intensyong iparehistro ito kalaunan bilang pag-aari nila sa bahay-hukuman. Pagsapit ng tag-init ng 1831 nang ibigay ang paghahayag na ito, karamihan sa mga lupain na iniutos ng Panginoon na bilhin ng mga Banal ay inangkin na ng mga naninirahan doon, kaya kinailangang bilhin ng mga Banal ang lupain mula sa kanila. Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na bumili ng ari-arian, bumili si Bishop Edward Partridge noong Disyembre 1831 ng 63 acres mula kay Jones Hoy Flournoy (tingnan sa Church History in the Fulness of Times, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 129). Ang loteng ito ay nakilala bilang lote ng templo dahil bahagi ito ng lupaing itinalaga ng Panginoon para sa templo.
Doktrina at mga Tipan 57:7–16. Iniutos ng Panginoon sa mga tao na manirahan sa lupain ng Sion at tinagubilinan sila sa mga gagawin nila sa pagtatayo ng Sion
Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 57:7–16, iniutos ng Panginoon sa ilang elder na “manirahan” mismo sa Jackson County, Missouri. Layunin ng Panginoon na manatili ang mga kalalakihang ito sa Jackson County at linangin ang lugar at gawin itong kanilang bagong tahanan. Ang utos na ito ay maaaring ikinagulat ng ilan sa mga kalalakihang ito na walang kaalam-alam na iuutos sa kanila na manatili sila sa Missouri noong iwan nila ang kanilang mga tahanan sa Ohio isang buwan pa lang ang nakararaan.
Ang utos na manatili sa Missouri ay hindi madali. Ang mga sinabihang manatili sa lugar ay may mga alalahanin sa paglipat ng kanilang pamilya mula sa Ohio at pagbuo ng bagong buhay sa hangganan ng Amerika. Sumulat ng isang liham si Bishop Edward Partridge sa kanyang asawang si Lydia, na kung saan “ipinaalam niya na hindi na siya babalik sa Ohio sa tag-init na iyon at sa halip ay sila ng kanilang limang anak na babae ang pumunta sa hangganan ng Missouri upang makasama niya. Bukod pa riyan, sa halip na bumalik sa Ohio para tulungan silang lumipat nang taglagas na iyon, isinulat niya, ‘Dapat narito ang isa man lang sa amin ni Brother Gilbert para asikasuhin ang benta sa Disyembre [at] dahil hindi ko alam kung makakabalik siya sa araw na iyon ay naisip ko na manatili muna rito na taliwas sa inaasahan [ko].’ Binalaan din niya sila na kapag magkakasama na sila sa Missouri, ‘Kailangan nating magtiis ng hirap [at] pansamantalang hindi mararanasan ang dati nating nakasanayan sa loob ng [maraming] taon’ [Letter, Ago. 5, 1831, sa Edward Partridge letters, 1831–1835, Church History Library]. … Walang tutol na sinunod ni Lydia ang paghahayag na lumipat, at nag-impake at tinipon ang kanyang limang anak at naglakbay pakanluran sa lugar na hindi pa niya napuntahan” (Sherilyn Farnes, “A Bishop unto the Church,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 79–80, history.lds.org).
Doktrina at mga Tipan 58: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Sa mga huling araw ng Hulyo 1831, ilan sa mga elder na nangangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay patungo sa Missouri, kasama ang mga miyembro ng Colesville Branch, ang nagsimulang magdatingan sa kanlurang Missouri. Ilan sa mga bagong dating ang umasang isang papaunlad na komunidad ng mga bagong miyembro ang kanilang madaratnan, ngunit nanlumo sila sa kanilang nakita. Sina Oliver Cowdery, Ziba Peterson, Peter Whitmer Jr., at Frederick G. Williams ay nakarating na sa hangganan ng Missouri noong Enero 1831 at nagsimulang magtagumpay sa pangangaral sa mga American Indian, ngunit dahil sa hindi sila nakakuha ng tamang permiso para makapasok sa Indian Territory bunga ng pagsalungat ng mga Indian na kinatawan at ministro sa lugar, napilitang umalis ang mga missionary. Pagkatapos mapaalis mula sa Indian Territory noong Pebrero 1831, nangaral ang mga missionary sa mga puting naninirahan sa Jackson County. Bagama’t masigasig sa pangangaral ang mga missionary, wala pang 10 ang sumapi sa Simbahan sa panahon na nagsimulang magdatingan si Propetang Joseph Smith at mga elder sa Missouri noong Hulyo 1831. Sa halip na organisadong pamayanan na sapat ang laki para mapagkasya ang mga nandarayuhang Banal, ang nadatnan ng mga bagong dating ay maliit na komunidad na halos hindi pa nalilinang ang lupain (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 12).
Sa panahon ding iyon, hindi nagkasundo sina Propetang Joseph Smith at Bishop Edward Partridge tungkol sa bibilhing lupain para sa mga Banal. Sa opinyon ni Bishop Partridge ibang lote ang dapat na bilhin sa halip na ang pinili ng Propeta (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 12–13). Sa ganitong mga kalagayan, at ang inaasam na pagtatayo ng Sion, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 58.
Doktrina at mga Tipan 58:1–13
Pinayuhan ng Panginoon ang mga elder na maging matapat sa kabila ng kapighatian
Doktrina at mga Tipan 58:1–13. Ang kaalaman ng Diyos sa simula pa lamang
Bagama’t nagpakita ang ilan sa mga elder ng panlulumo sa nadatnan nila sa Missouri, marami sa mga bagong dating na Banal mula sa Colesville at ilang elder ang masigasig at sabik na malaman kung ano ang magagawa nila para makatulong sa pagtatatag ng Sion. Bago ibigay sa mga bagong dating na Banal ang partikular na mga tagubilin na kanilang hinihingi, ipinropesiya ng Panginoon ang magiging tadhana ng Sion at ng mga Banal. Bilang bahagi ng propesiyang ito, sinabi ng Panginoon sa mga Banal na daranas sila ng pagdurusa ngunit nangako na kung sila ay “matapat sa kapighatian” ang kanilang gantimpala ay magiging “mas dakila sa kaharian ng langit” (D at T 58:2). Sinabi rin ng Panginoon sa mga Banal na sila ay “[n]aparangalan sa pagtatatag ng saligan” ng Sion (D at T 58:7), na nangangahulugan na hindi mangyayari ang pagtatapos ng pagtatag ng Sion sa kanilang panahon kundi sa hinaharap.
Inilarawan ni Elder Orson F. Whitney (1855–1931) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaalaman ng Panginoon sa simula pa lamang tungkol sa pagtatatag ng Sion:
“Sa lahat ng mga pangyayari, ang naganap ay tiyak na nakinita na. Ang banal na kaalaman sa simula pa lamang ay sumasaklaw sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa gawain ng Panginoon. Nang iutos Niya sa Kanyang mga tao na itayo ang Bagong Jerusalem, alam niya kung gaano kalaki o kaliit, ang kakayahan nilang maisagawa iyon sa gayong direksyon—alam na niya bago o pagkatapos pa man niyang gawin ito. Ang pagkabigla o pagkabigo ay hindi natin maiisip sa kanya. Ang pinakamatalino at pinakamakapangyarihang Nilalang na lumikha ng mga tao, tumubos, at lumuwalhati ng ‘milyun-milyong mundo na tulad nito’ [Moises 7:30], ay hindi magugulat sa anumang nangyayari sa ating maliit na planeta.
“… Ang Diyos na Nakaaalam ng lahat ay nalalaman sa simula pa lamang ang gagawin, o hindi tatapusin, ng mga nagtatayong iyon ng Sion, at iniakma niya ang kanyang mga plano nang nararapat. Malinaw na hindi pa panahon para sa pagtubos ng Sion. Hindi pa handang itayo ng mga Banal ang Jerusalem” (Saturday Night Thoughts: A Series of Dissertations on Spiritual, Historical, and Philosophic Themes [1921], 187).
Doktrina at mga Tipan 58:3. “Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos”
Ilan sa mga naunang Banal ang may mga haka-haka tungkol sa pagtatatag ng Sion sa kanilang panahon. Marami sa kanila ang naniniwala na nalalapit na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Dahil dito, maaaring inakala ng ilan na ang pagtatayo ng Sion at ng templo roon ay mangyayari nang mabilis at nang walang gaanong hirap. Gayunman, nagbabala ang Panginoon sa mga Banal, “Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito” (D at T 58:3). Idinagdag pa ng Panginoon sa mga Banal na daranas sila ng pagdurusa, ngunit nangako siya na sa huli, kung mananatili silang tapat, sila ay “puputungan ng maraming kaluwalhatian” (tingnan sa D at T 58:3–6). Tayo rin kung minsan ay may mga haka-haka o iniisip na maaaring hindi tugma sa plano ng Diyos. Ibinahagi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ipinahayag ng awtor na si C. S. Lewis, na hindi natin laging nauunawaan kung ano ang inilalaan ng Diyos sa atin:
“Inilarawan ni C. S. Lewis, sa kanyang aklat na Mere Christianity, ang ating kaugnayan sa Diyos sa isang espesyal na paraan na makatutulong sa atin na mapahalagahan kung paanong ang pagsunod sa Kanyang kalooban ang tanging paraan para umunlad sa espirituwal:
“‘Isipin mo kunwari na isa kang bahay na buhay. Dumating ang Diyos para itayong muli ang bahay na iyan. Noong una, siguro, nauunawaan mo ang ginagawa Niya. Inaayos Niya ang mga alulod at nagtatapal ng mga butas sa bubong at kung anu-ano pa; alam mong kailangan talagang ayusin na ang mga iyon kaya hindi ka na nagulat. Pero ngayon pinupukpok na Niya ang bahay kaya talagang masakit na at parang hindi naman kailangang gawin iyon. Ano bang balak Niya? Kaya pala ganoon ay dahil nagtatayo Siya ng bahay na ibang-iba sa naisip mo—nagdudugtong ng bagong silid dito, nagdadagdag ng palapag diyan, nagtatayo ng tore, gumagawa ng patyo [courtyard]. Akala mo gagawin ka Niyang isang maliit na kubo: pero ang itinatayo pala Niya ay palasyo. …’ (New York: The Macmillan Company, 1952, p. 160.)” (“The Value of Home Life,” Ensign, Peb. 1972, 5).
Maliban pa sa nais Niyang magtayo ang mga Banal ng lunsod ng Sion, may mga karagdagang dahilan ang Panginoon sa pag-uutos sa kanila na manirahan sa kanlurang Missouri. Inihayag Niya na kasama sa Kanyang mga layunin ang ihanda ang mga puso ng Kanyang mga tao, turuan sila ng pagsunod, at ihanda sila na magpatotoo tungkol sa Kanyang gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:5–13).
Doktrina at mga Tipan 58:8–11. “Isang piging ng matatabang bagay, ng mga alak na laon”
Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na isa sa mga dahilan kung bakit gusto Niyang itatag nila ang saligan ng Sion ay upang tumulong sa paghahanda ng “isang piging ng matatabang bagay, ng mga alak na laon na totoong sala” (D at T 58:8). Kahalintulad nito ang propesiya ni Isaias na ang Panginoon ay “gagawa … sa lahat ng mga bayan, ng isang kapistahan ng mga matabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon … na totoong sala” (Isaias 25:6). Ang dalawang simbolong ito ng piging o kapistahan—“matatabang bagay” at “mga alak na laon na totoong sala”—ay mga palatandaan ng yaman, na nagpapahiwatig na ang piging na ito ay napakahalaga. Sinabi rin ng Panginoon sa mga sinaunang Banal na “lahat ng bansa ay aanyayahan” sa kapistahang ito, “mayaman at matalino, ang marurunong at ang mararangal; … ang mga maralita, ang mga lumpo, at bulag, at bingi” (D at T 58:9–11; tingnan din sa Mateo 22:1–10). Ang propesiyang ito ay nagtuturo na aanyayahan ang lahat ng bansa na kumain ng saganang mga pagpapala ng ebanghelyo sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Doktrina at mga Tipan 58:14–33
Inilahad ng Panginoon ang mga tungkulin ng bishop, iniutos sa mga Banal na sundin ang mga batas ng lupain, at pinayuhan silang gamitin ang kanilang kalayaang pumili sa paggawa ng mabuti
Doktrina at mga Tipan 58:14–16. “Tumalima siya at baka siya bumagsak”
Bilang tugon sa pagtatalo ni Bishop Edward Partridge at ni Propetang si Joseph Smith hinggil sa kalidad ng mga lupain na maaaring bilhin sa Sion, pinagsabihan ng Panginoon si Bishop Partridge at binalaan siya na ang kanyang “hindi paniniwala at kabulagan ng puso” ay maaaring humantong sa kanyang pagbagsak kung hindi siya magsisisi (D at T 58:15). Tinanggap ni Bishop Partridge ang babala at pangaral ng Panginoon nang may kababaang-loob. Sa isang liham sa kanyang asawang si Lydia, ilang araw matapos matanggap ang paghahayag na ito, inilarawan ni Bishop Partridge ang kanyang pagpapakumbaba: Alam mo na mahalaga ang aking tungkulin, … [at] dahil paminsan-minsan ay napagsasabihan ako, pakiramdam ko ay babagsak ako, hindi dahil isinusuko ko ang gawain, kundi natatakot ako na kulang ang aking kakayahan para magampanan ang tungkulin na magiging katanggap-tanggap sa aking ama sa langit. … Ipagdasal mo na hindi ako bumagsak” (sinipi sa “A Bishop unto the Church,” 81, history.lds.org).
Sa isang paghahayag na ibinigay noong Setyembre 11, 1831, sinabi ng Panginoon kay Edward Partridge na nagkasala siya, ngunit sinabi Niya na kung siya ay magsisisi ay mapapatawad siya (tingnan sa D at T 64:17). Si Bishop Partridge ay nagsisi kalaunan at sa huli ay napatawad. Ayon sa katitikan o talang isinulat sa pulong na ginanap noong Marso 1832, inamin ni Bishop Partridge na “ikinalungkot niya” ang hindi nila pagkakasundo ni Propetang Joseph Smith (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 62).
Doktrina at mga Tipan 58:16–20. “[Itinalaga] na maging isang hukom sa Israel ”
Tinawag ng Panginoon si Bishop Edward Partridge upang pangasiwaan ang pagtatatag at pagtatayo ng lunsod ng Sion. Iniutos din Niya kina Bishop Partridge at Sidney Gilbert na manatili sa Missouri upang pamahalaan ang mga ari-arian ng Simbahan at bumili ng lupain sa loob at palibot ng Independence, Missouri. Ang pangunahing responsibilidad ni Bishop Partridge ay pangasiwaan ang batas ng paglalaan sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga paglalaan ng mga Banal at pagbibigay sa kanila ng kanilang mga pangangasiwa (tingnan sa D at T 41:9–11; 42:30–35, 71–73; 51; 57:7, 15). Responsibilidad din niya ang hatulan ang mga tao ng Diyos ayon sa batas ng Diyos (tingnan sa D at T 58:17–18). Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang ilan sa mga paraan ng paghatol ng mga bishop sa mga tao: “Nakatatakot at nakalululang responsibilidad ang tumayo bilang hukom ng mga tao. Kayo ang magiging hukom nila sa ilang mga pangyayari tulad ng pagkamarapat na maging miyembro ng Simbahan, pagkamarapat na makapasok sa bahay ng Panginoon, pagkamarapat na mabinyagan, pagkamarapat na makatanggap ng priesthood, pagkamarapat na magmisyon, pagkamarapat na magturo at maging opisyal sa mga organisasyon. Kayo ang magiging hukom ng kanilang pagkamarapat na makatanggap ng tulong sa oras ng kagipitan mula sa mga handog-ayuno ng mga tao at pagkain mula sa [kamalig] ng Panginoon” (“Ang mga Pastol ng Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 61).
Doktrina at mga Tipan 58:24–25. “Sila ay magsasanggunian sa kanilang sarili at sa akin”
Sinabi ng Panginoon kay Bishop Edward Partridge at sa mga tagapayo nito na manirahan na sa Missouri. Sinabi rin sa kalalakihang ito na isama ang kanilang mga pamilya sa Missouri, “habang sila ay magsasanggunian sa kanilang sarili at sa akin” (D at T 58:25). Ang tagubilin na magsanggunian sa kanilang sarili o sa isa’t isa at sa Panginoon ay huwaran na dapat nating sundin bilang mga Banal sa mga Huling Araw kapag humihingi tayo ng inspirasyon at patnubay mula sa Panginoon. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang malakas na espirituwalidad at inspiradong tagubilin” ay maaaring magmula sa maayos na pagsasanggunian o pagpapayo. Ipinangako rin niya na “walang problema sa pamilya, ward, o stake na hindi malulutas kung maghahanap tayo ng mga solusyon ayon sa paraan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasanggunian o pagpapayo—talagang pagsasanggunian o pagpapayo—sa isa’t isa” (Counseling with Our Councils [1997], 2, 4).
Doktrina at mga Tipan 58:26–29. Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na gamitin ang kanilang kalayaang pumili sa paggawa ng kabutihan
Nang hingin ng mga Banal ang mga tagubilin ng Panginoon para maisakatuparan ang banal na utos na itatag at itayo ang Sion, sinabi ng Panginoon sa kanila, “Ito ay hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay” (D at T 58:26). Tinagubilinan din Niya sila na gamitin ang kanilang kalayaan upang “gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27). Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ito na itatag ang Sion ng Panginoon at nagbigay sa kanila ng mga gabay na alituntunin, ngunit hinayaan Niyang sila ang mag-isip ng mga detalye kung paano ito gawin. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
“Karaniwan ay ibinibigay sa atin ng Panginoon ang mga pangkalahatang layuning isasakatuparan at ilang patnubay na susundin, ngunit inaasahan niya na tayo ang gagawa ng karamihan sa mga detalye at pamamaraan. Ang mga pamamaraan at tuntunin ay karaniwang nabubuo sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin at pamumuhay sa paraan na matatamo at masusunod natin ang mga dikta ng Espiritu. Ang mga taong di-gaanong espirituwal, tulad noong mga panahon ni Moises, ay kinailangang utusan sa maraming bagay. Ngayon ang mga taong espirituwal ay nakatuon sa mga layunin, inaalam ang mga tagubilin ng Panginoon at ng kanyang mga propeta, pagkatapos ay kumikilos nang may panalangin—nang hindi na inuutusan ‘sa lahat ng bagay.’ Ang ganitong pag-uugali ay naghahanda sa mga tao sa pagiging diyos. …
“Kung minsan umaasam at naghihintay ang Panginoon na kusang kumilos ang kanyang mga anak, at kapag hindi sila kusang kumikilos, nawawala sa kanila ang mas mahalagang gantimpala, at kinalilimutan na lang ng Panginoon ang lahat at hinahayaan silang pagdusahan ang mga bunga nito o kaya’y mas lalo pa niyang ipinaliliwanag ang dapat nilang gawin. Madalas na nangangamba ako na kapag mas ipinaliliwanag pa niya ito, mas lumiliit ang ating gantimpala” (sa Conference Report, Abr. 1965, 121–22).
Doktrina at mga Tipan 58:30–33. “Ako ay nag-uutos at ang mga tao ay hindi sumusunod”
Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na kung hindi nila susundin ang Kanyang utos, ipawawalang-bisa Niya ito at aalisin ang mga pagpapalang matatanggap sana nila kung naging masunurin lamang sila (tingnan sa D at T 58:32). Ang katotohanang ito ay nagsilbing isang babala sa mga sinaunang Banal na inutusang itatag ang Sion. Kung hindi nila susundin ang Kanyang mga kautusan, pawawalang-bisa ng Panginoon ang utos na itatag ang Sion at mawawala sa mga Banal ang mga pagpapalang matatanggap sana nila.
Nagpropesiya rin ang Panginoon na kapag pinawalang-bisa Niya ang utos na itatag ang Sion at ipinagkait ang mga pagpapala dahil sa pagsuway ng mga Banal, na may ilang magsasabi na “hindi ito ang gawain ng Panginoon” (D at T 58:33). Binalaan ng Panginoon ang mga taong magsasabi nito na magmumula ang kanilang gantimpala “sa kailaliman, at hindi sa kaitaasan” (D at T 58:33).
Doktrina at mga Tipan 58:34–65
Ang Panginoon ay nagbigay ng mga karagdagang tagubilin tungkol sa Sion, nagturo ng mga alituntunin ng pagsisisi at kapatawaran, at iniutos sa mga elder na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo
Doktrina at mga Tipan 58:38–42. “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito”
Ipinahayag ng Panginoon na patatawarin ang mga taong nagsisisi at “hindi na [Niya] naaalaala ang [kanilang mga kasalanan]” (D at T 58:42). Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2014) ng Korum ng Labindalawang Apostol na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pangakong ito ay totoo kahit anong mga kasalanan ang nagawa natin:
“Anuman ang naging mga kasalanan natin, gaano man tayo nakasakit sa iba, ang kasalanang iyan ay mabuburang lahat. Para sa akin, marahil ang pinakamagandang mga kataga sa mga banal na kasulatan ay nang sabihin ng Panginoon, ‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ [D at T 58:42].
“Iyan ang [pangako] ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Pagbabayad-sala” (“Ang Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 77).
Inaakala ng ilang tao na kung naaalala pa nila ang kanilang mga kasalanan, hindi pa sila napapatawad. Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung bakit naaalala pa natin ang ating mga kasalanan kahit napatawad na tayo: “Sisikapin ni Satanas na papaniwalain tayo na hindi napatawad ang ating mga kasalanan dahil naaalaala natin ang mga ito. Sinungaling si Satanas; pinalalabo niya ang ating paningin at inaakay tayo palayo sa landas ng pagsisisi at kapatawaran. Hindi nangako ang Diyos na hindi na natin maaalaala ang ating mga kasalanan. Ang pag-alaala ay makatutulong sa atin upang hindi na natin maulit pa ang gayunding pagkakamali. Ngunit kung mananatili tayong totoo at tapat, ang alaala ng ating mga kasalanan ay unti-unting malilimutan sa paglipas ng panahon. Bahagi ito ng kinakailangang proseso ng pagpapagaling at pagpapadalisay” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 101).
Doktrina at mga Tipan 58:43. “Masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon”
Matapos ituro sa mga Banal na mapapatawad sila sa kanilang mga kasalanan, inihayag ng Panginoon ang mga kinakailangang gawin sa pagsisisi: pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan. Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng magtapat ng kasalanan: “Ang pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan ay malalalim na konsepto. Higit pa ito sa simpleng pagsasabi ng ‘Inaamin ko; Patawad.’ Ang pagtatapat ay isang taos-puso, kung minsan ay mahirap na pag-amin ng kamalian at pagkakasala sa Diyos at sa tao” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 40).
Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng talikdan ang ating mga kasalanan: “Ang pagtalikod sa mga kasalanan ay nagpapahiwatig na huwag na itong balikan pa. Nangangailangan ng panahon ang pagtalikod. Para matulungan tayo, paminsan-minsan ay itinitira ng Panginoon ang ilang pagkakamali natin sa ating alaala. Mahalagang bahagi ito ng ating pagkatuto sa buhay na ito” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob 2009, 42).
Doktrina at mga Tipan 58:50–52. Iniutos ng Panginoon kay Sidney Rigdon na magsulat ng deskripsyon tungkol sa lupain ng Sion
Iniutos ng Panginoon kay Sidney Rigdon na “[magsulat] ng isang paglalarawan ng lupain ng Sion … at ito ay [ipinaalam] sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu” (D at T 58:50). Ang paglalarawang ito, kasama ang isang liham at isang suskrisyon, ay ibibigay sa mga miyembro ng Simbahan upang mangalap ng perang pambili ng mga lupain sa Missouri (tingnan sa D at T 58:51). Dahil walang mga retrato noong panahong iyon, ang diskripsyon ni Sidney ay makatutulong sa mga miyembro na mailarawan sa isip nila ang lupain at mahikayat sila na magbigay ng donasyon.
Doktrina at mga Tipan 58:57. “Italaga at ilaan ng aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ang lupaing ito”
Iniutos ng Panginoon kay Sidney Rigdon na ilaan ang lupain ng Sion at ang pagtatayuan ng templo (tingnan sa D at T 58:57). Inilalarawan sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith ang mga kaganapan ng paglalaan na naganap matapos matanggap ang paghahayag na ito: “Noong [pangalawang] araw ng Agosto, tinulungan ko ang Colesville branch ng Simbahan sa paglalatag ng unang troso para sa isang bahay bilang pundasyon ng Sion sa bayan ng Kaw, labingsiyam na kilometro pakanluran ng Independence. Binuhat at inilatag ng labindalawang kalalakihan ang troso, bilang parangal sa labindalawang lipi ng Israel. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng panalangin, ang lupain ng Sion ay inihandog at inilaan ni Elder [Sidney] Rigdon; at panahon iyon ng kagalakan sa mga naroon, at nasulyapan nila ang hinaharap, ang panahong kailangan pang ihayag sa ikalulugod ng matatapat” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 137, josephsmithpapers.org). Kinabukasan, Agosto 3, 1831, inilaan ni Propetang Joseph Smith ang pagtatayuan sa templo (tingnan sa Manuscript History of the Church, vol. A-1,” pahina 139).
Doktrina at mga Tipan 58:46–47, 59, 63–64. Ang ebanghelyo ay kailangang ipangaral sa lahat ng tao
Iniutos ng Panginoon sa mga elder na hindi inatasang manatili sa Sion na “ipangaral ang ebanghelyo sa mga lugar sa palibot; at pagkatapos nito … ay bumalik sa kanilang mga tahanan” (D at T 58:46). Inatasan ng Panginoon ang mga unang missionary na ito, tulad ng ginawa Niya sa kanyang mga Apostol bago ang Kanyang Pag-akyat sa Langit (tingnan sa Mateo 28:19–20), na dalhin ang ebanghelyo “hanggang sa buong daigdig, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo—ang ebanghelyo ay dapat na maipangaral sa bawat kinapal” (D at T 58:64).
Hinggil sa atas na ito, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang matatapat na disipulo ni Jesucristo ay magigiting na missionary noon pa man at magpakailanman. Ang missionary ay isang alagad ni Cristo na nagpapatotoo na Siya ang Manunubos at nagpapahayag ng mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo.
“Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang simbahang may mga missionary noon pa man at magpakailanman. Tinanggap ng bawat miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas ang sagradong obligasyon na tumulong sa pagtupad ng banal na tungkuling ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol, tulad ng nakatala sa Bagong Tipan. …
“Taimtim na ginagampanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang responsibilidad na ito na turuan ang lahat ng tao sa lahat ng bansa tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Naniniwala kami na ang simbahan ding iyon na itinatag ng Tagapagligtas noong araw ang simbahang muli Niyang itinatag sa lupa sa mga huling araw. Ang doktrina, mga alituntunin, awtoridad ng priesthood, mga ordenansa, at mga tipan ng Kanyang ebanghelyo ay matatagpuan ngayon sa Kanyang Simbahan. …
Tunay ngang isang dakilang responsibilidad para sa amin ang dalhin ang mensaheng ito sa bawat bansa, lahi, wika, at tao” (“Magsiparito Kayo, at Inyong Makikita,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 107).