Institute
Kabanata 25: Doktrina at mga Tipan 66–70


Kabanata 25

Doktrina at mga Tipan 66–70

Pambungad at Timeline

Noong Oktubre 29, 1831, si William E. McLellin, isang bagong binyag sa Simbahan, ay nagtanong sa Panginoon ng limang tanong at ipinagdasal na makatanggap ng sagot sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Pagkatapos ay hiniling ni William sa Propeta na magtanong sa Panginoon para sa kanya. Si Joseph, na hindi alam ang ipinagdasal o ang limang tanong ni William, ay nanalangin sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 66. Idinetalye sa paghahayag na ito ang mga pagpapala at partikular na payo hinggil sa espirituwal na katayuan ni William at sa kanyang tawag na mangaral ng ebanghelyo.

Noong Nobyembre 1831, nagtipon ang mga maytaglay ng priesthood para sa isang serye ng mga pagpupulong o kumperensya sa Hiram, Ohio, upang talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith mula sa Panginoon hanggang sa panahong iyon. Sa kumperensya, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1, na itinakda niya bilang Kanyang paunang salita sa aklat ng mga paghahayag na ilalathala. Ibinigay rin ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 67, kung saan tinugon Niya ang mga namumuna sa wika ng mga paghahayag na natanggap ng Propeta.

Habang nasa kumperensya, apat na elder ang humiling kay Joseph Smith na magtanong sa Panginoon tungkol sa Kanyang kalooban para sa kanila. Bilang tugon, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 68. Kabilang sa paghahayag ang payo sa mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo, karagdagang kaalaman tungkol sa nilalaman ng banal na kasulatan, mga tagubilin tungkol sa tungkulin ng mga bishop, at kautusan sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.

Sa mga kumperensyang ito, iniutos kay Oliver Cowdery na dalhin sa Missouri ang manuskrito ni Joseph Smith ng mga tinipong paghahayag mula sa Ohio para maipalimbag. Noong Nobyembre 11, 1831, idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 69, na nag-uutos kay John Whitmer na samahan si Oliver sa Missouri at patuloy na magtipon ng mga materyal na pangkasaysayan bilang mananalaysay at manunulat ng Simbahan. Nang sumunod na araw sa isang kumperensya sa Hiram, Ohio, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 70. Sa paghahayag na iyon nagtalaga ang Panginoon ng anim na kalalakihan na mangangasiwa sa paglalathala ng Kanyang mga paghahayag kay Joseph Smith.

Oktubre 29, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 66.

Nobyembre 1–2, 1831Tinalakay ng mga elder sa isang kumperensya ng Simbahan na ginanap sa Hiram, Ohio, ang paglalathala ng mga paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith (ang Aklat ng mga Kautusan). Sa kumperensya, natanggap ng Propeta ang Doktrina at mga Tipan 67–68.

Nobyembre 11, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 69.

Nobyembre 12, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 70.

Nobyembre 20, 1831Sina Oliver Cowdery at John Whitmer ay lumisan ng Ohio para pumunta sa Missouri para ipalimbag ang mga paghahayag sa Aklat ng mga Kautusan.

Doktrina at mga Tipan 66: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Noong tag-init ng 1831, si William E. McLellin, isang dating titser sa paaralan at nabiyudo lamang kamakailan, ay nabinyagang miyembro ng Simbahan sa Jackson County, Missouri. Di-nagtagal matapos mabinyagan siya ay naorden na elder at ipinangaral ang ebanghelyo kasama si Hyrum Smith bago dumalo sa isang kumperensya ng Simbahan sa Orange, Ohio. Sa kumperensya, nakaharap ni William si Propetang Joseph Smith sa unang pagkakataon at naorden na high priest.

Noong Oktubre 29, 1831, habang nasa tahanan ni Joseph Smith sa Hiram, Ohio, si William ay “lihim na ipinagdasal sa Panginoon na ihayag ang sagot sa kanyang limang tanong sa pamamagitan ng [K]anyang Propeta” (William E. McLellin, The Journals of William E. McLellin, 1831-1836, inedit nina Jan Shipps at John W. Welch [1994], 248). Hiniling ni William kay Joseph Smith na magtanong sa Panginoon para sa kanya nang walang binabanggit na anuman sa kanyang mga panalangin o mga tanong. Patungkol sa paghahayag na idinikta ng Propeta, isinulat ni William kalaunan na “lahat ng tanong na idinulog ko sa Panginoon … ay nasagot nang husto at sa aking lubos na kasiyahan. Ninais kong magkaroon ng patotoo tungkol sa inspirasyong natatanggap ni Joseph. At ako hanggang sa ngayon ay itinuturing ito na isang katibayan na hindi ko maaaring pabulaanan” (The Journals of William E. McLellin, 249).

Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 66

Pinuri ng Panginoon si William E. McLellin at iniutos sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo at talikdan ang kasamaan

Doktrina at mga Tipan 66:1–2. “Pinagpala ka sa pagtanggap mo sa aking walang hanggang tipan, maging ang kabuuan ng aking ebanghelyo”

Sinabi ng Panginoon kay William E. McLellin na pinagpala siya sa pagtalikod sa kanyang mga kasalanan at sa pagtanggap sa “walang hanggang tipan, maging ang kabuuan ng … ebanghelyo (D at T 66:2) sa pamamagitan ng pagpapabinyag. Sa panahon ng pagbabalik-loob ni William, ang mga katagang “kabuuan ng ebanghelyo” ay kinabibilangan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog, kaloob na Espiritu Santo, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos (tingnan sa D at T 39:5–6). Gayunman, sa panahong ito ng paghahayag mayroong mga ordenansa at mga tipan na kailangan para sa kadakilaan na ihahayag pa lamang. Sa tamang panahon, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng Panginoon ang lahat ng mga ordenansa at tipan na kailangan upang magmana ng kadakilaan sa kaharian ng Diyos, kabilang na ang mga yaong isinasagawa sa mga banal na templo.

Itinuro ni Elder John M. Madsen ng Pitumpu na ngayon ang kabuuan ng ebanghelyo at walang hanggang tipan ng Panginoon ay tumutukoy sa lahat ng mga tipan ng ebanghelyo at mga ordenansang kailangan sa kaligtasan:

“Para makilala ang Panginoong Jesucristo, tayo at ang buong sangkatauhan ay kailangang tanggapin Siya. …

“Para tanggapin Siya, kailangan nating tanggapin ang kaganapan ng Kanyang ebanghelyo, walang katapusang tipan, pati ang lahat ng katotohanan o batas, tipan, at ordenansang kailangan para makabalik ang sangkatauhan sa piling ng Diyos” (“Buhay na Walang Hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2002, 79).

Doktrina at mga Tipan 66:3. “Ikaw ay malinis, subalit hindi lahat”

Pagkatapos purihin si William E. McLellin sa pagtalikod sa kanyang mga kasamaan at pagtanggap sa ipinanumbalik na katotohanan sa pamamagitan ng pagpapabinyag, sinabi ng Panginoon na siya ay malinis, subalit hindi lubos (tingnan sa D at T 66:3). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na si William ay tumanggap ng kapatawaran, “ngunit malinaw sa kanyang puso’t isipan na may nalalabi pa ring bagay na hindi niya lubos na nalinis sa sarili sa pamamagitan ng lubos na pagsisisi” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:245). Pinayuhan ng Panginoon si William na pagsisihan ang mga bagay na iyon na hindi kalugud-lugod sa Kanya at nangako na ihahayag Niya kay William kung ano ang kailangan niyang pagsisihan. Gayundin, kapag hinangad nating malaman ang kalooban ng Diyos, tutulungan Niya tayong umunlad sa espirituwal sa pagpapakita sa atin kung ano ang kailangan nating pagsisihan.

William McLellin

Si William E. McClellin, na bagong binyag sa Simbahan, ay nakibahagi sa kumperensya ng Simbahan sa Hiram, Ohio, noong Nobyembre 1831. Kalaunan ay tinawag siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835. Itiniwalag siya dahil sa pag-apostasiya noong 1838.

Inilarawan ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu kung paano inihahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga pagbabago at pagpapabuting kailangan nating gawin sa ating buhay:

“Ang paglalakbay sa pagkadisipulo ay hindi madali. Tinatawag itong ‘tuwid na landas tungo sa pag-unlad’ [Neal A. Maxwell, ‘Testifying of the Great and Glorious Atonement,’ Ensign, Okt. 2001, 12]. Sa ating paglalakbay sa makipot at makitid na landas, patuloy tayong hinahamon ng Espiritu na maging mas mabuti at patuloy na sumulong. Ang Espiritu Santo ang ulirang makakasama sa paglalakbay. Kung tayo ay mapagpakumbaba at madaling turuan, hahawakan Niya ang ating kamay at aakayin tayo pauwi.

“Gayunman, kailangan nating hingin ang direksyon ng Panginoon habang nasa daan. Kailangan nating itanong ang ilang mahihirap na tanong, tulad ng ‘Ano ang kailangan kong baguhin?’ ‘Paano ko paghuhusayin pa?’ ‘Anong mga kahinaan ang kailangan kong gawing kalakasan?’ …

“Hindi sinasabi sa atin ng Espiritu Santo na pagandahin lahat nang minsanan. Kung ganito ang gagawin Niya, panghihinaan tayo ng loob at susuko. Ang Espiritu ay kumikilos sa atin ayon sa sarili nating bilis, sa paisa-isang hakbang, o gaya ng itinuro ng Panginoon, ‘taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, … at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, … sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan’ [2 Nephi 28:30]. Halimbawa, kung ipinadarama sa iyo ng Espiritu Santo na sabihin ang ‘salamat’ nang mas madalas, at tumugon ka sa paramdam na iyon, maaaring madama Niya na dapat ka nang bigyan ng mas malaking hamon—tulad ng [matutuhan] na sabihing, ‘Sori; kasalanan ko po.’

“Ang napakagandang sandali para itanong sa Panginoon ang ‘Ano pa ang kulang sa akin?’ ay kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Itinuro ni Apostol Pablo na ito ay panahon para suriin ang ating sarili [tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:28]. Sa mapitagang kapaligirang ito, habang ang ating isipan ay nakatuon sa langit, marahang masasabi sa atin ng Panginoon ang susunod nating gagawin” (“Ano Pa ang Kulang sa Akin?” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 33–34).

Doktrina at mga Tipan 66:4–13. “Ako, ang Panginoon, ay ipakikita sa iyo kung ano ang aking niloloob hinggil sa iyo”

Ninais ni William E. McLellin na malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanya. Tulad ng marami sa mga Banal noon, sabik siyang lumipat sa Jackson County, Missouri. Gayunman, sa halip na ipadala si William sa Sion, iniutos ng Panginoon sa kanya na maglakbay pasilangan at ipahayag ang ebanghelyo kasama ang nakababatang kapatid ng propeta na si Samuel H. Smith. Sinabi ng Panginoon kay William na sasamahan Niya ito at ipinangako sa kanya ang kapangyarihang magpagaling ng maysakit.

Nilisan nina William at Samuel ang Hiram, Ohio, ilang linggo matapos matanggap ang kanilang tawag at naglakbay sa buong silangang Ohio na ipinangangaral ang ebanghelyo. Itinala ni William sa kanyang journal ang mga mahimalang pagpapagaling sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay bilang katuparan ng pangako ng Panginoon sa kanya (tingnan sa D at T 66:9; The Journals of William E. McLellin, 1831–1836, 66). Sa kabila ng ilang tagumpay, dumanas ang dalawang missionary ng maraming oposisyon habang nangangaral ng ebanghelyo. Sa pagdating ng taglamig, nagkasakit si William at nagpasiya noong mga huling araw ng Disyembre na bumalik. Sa paggawa nito, binale-wala ni William ang tagubilin ng Panginoon na “maging matiisin sa pagdurusa” at “huwag babalik” mula sa kanyang misyon hanggang sa ang Panginoon ang magpabalik sa kanya (D at T 66:9).

Pinayuhan din ng Panginoon si William na “huwag maghangad na manligalig” at “talikdan ang lahat ng kasamaan” (D at T 66:10). Ang ibig sabihin ng manligalig ay maantala o mabigatan sa isang bagay na nakapipigil sa iyong umunlad. Ang sumunod sa utos na talikdan ang lahat ng kasamaan ay nagpapaalala sa atin na ang kasalanan ang pangunahing balakid na hahadlang sa ating espirituwal na pag-unlad. Partikular na binalaan ng Panginoon si William na iwasan ang imoralidad, isang tuksong tila nahirapan siyang paglabanan (tingnan sa D at T 66:10). Ipinangako ng Panginoon kay William na kung susundin niya ang Kanyang payo at patuloy na magiging matapat “hanggang wakas” siya ay puputungan ng buhay na walang hanggan (D at T 66:12).

Si William ay tapat na naglingkod sa Panginoon nang ilang panahon, at noong 1835 tinawag siyang maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang malungkot, hindi sinunod ni William ang payo ng Panginoon na patuloy na maging matapat hanggang wakas, at kalaunan ay nag-apostasiya at kinalaban si Propetang Joseph Smith. Noong siya ay itiwalag sa Simbahan noong Mayo 1838, inamin niya na siya ay “tumigil sa pagdarasal, pagsunod sa mga kautusan, at nagpakasasa sa lahat ng mahalay na bagay” (Joseph Smith, sa Manuscript History of the Church, vol. B-1, pahina 796, josephsmithpapers.org).

Doktrina at mga Tipan 67: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Pagsapit ng taglagas ng 1831, si Propetang Joseph Smith ay nakatanggap ng mahigit 60 paghahayag mula sa Panginoon. Inihanda ang mga pagtitipon at paglalathala ng mga paghahayag upang gawin itong mas madaling mabasa ng mga miyembro ng Simbahan. Noong Nobyembre 1–2, 1831, isang grupo ng mga lider ng priesthood ang nagtipon sa isang kumperensya sa tahanan nina John at Alice (Elsa) Johnson sa Hiram, Ohio, upang talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag sa isang aklat na pinamagatang Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments]. Nagpasiya ang mga lider ng priesthood na maglimbag ng 10,000 kopya (kalaunan ay naging 3,000 kopya na lamang).

Bukid ni John Johnson sa Hiram, Ohio

Isang espesyal na kumperensya ng Simbahan ang idinaos dito, sa tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio, noong mga unang araw ng Nobyembre 1831 upang tipunin ang mga paghahayag ni Propetang Joseph Smith at ihandang ipalimbag ang mga ito sa Aklat ng mga Kautusan (tingnan sa section heading ng D at T 67).

Hangad ng Propeta na isama sa Aklat ng mga Kautusan ang isang nakasulat na patotoo ng mga elder na nagpapahayag ng katotohanan ng mga paghahayag gaya ng pagpapatotoo ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Habang nasa kumperensya, nagtanong si Joseph sa mga elder kung “anong patotoo ang nais nilang isama sa mga kautusan [paghahayag] na ito na hindi magtatagal ay dadalhin sa buong mundo” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 97). Ilan sa mga kapatid ang “tumayo at nagsabi na handa silang patotohanan sa mundo na alam nila na [ang mga paghahayag] ay nagmula sa Panginoon” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 97). Gayunman, may ilang hindi nakadama ng gayong espirituwal na paniniwala, at nag-atubili silang patotohanan na ang mga paghahayag ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyong nagmula sa Diyos. Sinabi rin ng ilang elder ang alalahanin nila hinggil sa wikang ginamit sa mga paghahayag. Bilang tugon sa mga alalahaning ito, natanggap ni Propertang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 67.

Doktrina at mga Tipan 67

Pinayuhan ng Panginoon ang mga taong namuna sa wika ng paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith

Doktrina at mga Tipan 67:5–9. “Yaong mabuti ay nanggagaling sa itaas, mula sa Ama”

Tila may alinlangan pa rin ang ilan sa mga elder tungkol sa banal na pinagmulan ng mga paghahayag kay Propetang Joseph Smith dahil sa mga kamalian sa wika at komposisyon. Si Joseph Smith ay walang pormal na edukasyon, at hindi naman siya laging mahusay sa pagsasalita o pagsulat. Gayon pa man, ang Panginoon ay naghayag ng katotohanan sa Kanyang Propeta at tinulutang ipahayag ito “alinsunod sa pamamaraan ng [kanyang] wika” (D at T 1:24). Hinamon ng Panginoon ang mga nag-iisip na mas mahusay silang maghayag kaysa sa Propeta na italaga ang pinakamarunong sa kanila na piliin ang itinuturing niyang pinakamaliit o pinakasimpleng paghahayag at sumulat ng isang “tulad nito” (D at T 67:7). Tinanggap ni William E. McLellin, dating titser, ang hamon.

Si Joseph Smith Jr. Habang Tumatanggap ng Paghahayag, ni Daniel A. Lewis

Si Joseph Smith Jr. Habang Tumatanggap ng Paghahayag, ni Daniel A. Lewis. Pinuna ng ilan sa mga elder ang mga salitang ginamit ni Propetang Joseph Smith sa kanyang mga paghahayag (tingnan sa D at T 67:4–9).

Inilarawan ni Joseph Smith ang kinalabasan ng pagtatangka ni William na magsulat ng isang paghahayag: “Sinikap ni [William] E. McLellin … na magsulat ng [paghahayag] na katulad sa isa sa pinakamaliit o pinakasimpleng paghahayag ng Panginoon, ngunit hindi nagtagumpay; napakabigat na responsibilidad na magsulat sa pangalan ng Panginoon. Ang mga elder at lahat ng naroon na nakasaksi sa walang kabuluhang pagtatangka ng isang tao na gayahin ang wika ni Jesucristo, ay pinanibago ang kanilang pananampalataya sa kabuuan ng ebanghelyo at sa katotohanan ng mga kautusan na ibinigay ng Panginoon sa simbahan sa pamamagitan ko; at ang mga elder ay nagpakita ng kahandaang patotohanan ang katotohanan nito sa buong mundo” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 162, josephsmithpapers.org).

Pinatotohanan ng Panginoon sa mga elder na ang mga paghahayag ay “[nanggaling] sa itaas” (D at T 67:9) at sinabi sa mga elder na kailangan silang magpatotoo na ang mga paghahayag ay totoo o sila ay mapapasailalim sa isang sumpa (tingnan sa D at T 67:8). Kasunod ng nabigong pagtatangka na sumulat ng paghahayag, nilagdaan ng nagtipong mga kapatid ang pahayag na nagpapatotoo sa mga paghahayag. Ang patotoong ito na may mga pangalan ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835 ay inilakip sa pambungad ng mas bagong mga edisyon ng Doktrina at mga Tipan.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa wika ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 1:24 sa manwal na ito.

Doktrina at mga Tipan 67:10–14. “Magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap”

Sa sinauna at makabagong panahon, ang tabing ng templo ay sumasagisag sa pagkahiwalay mula sa piling ng Panginoon. Ipinangako ng Panginoon sa mga elder na dumalo sa kumperensya na kung aalisin nila sa kanilang sarili ang mga inggit at takot, at magpapakumbaba, ang tabing sa pagitan Niya at nila ay mapupunit at Siya ay makikita at makikilala nila (tingnan sa D at T 67:10). Ipinaliwanag ng Panginoon na walang nakakita sa Kanya maliban sa mga taong “pinasigla,” o espirituwal na pinalakas, ng Espiritu ng Diyos, dahil ang “likas na tao [mortal]” ay hindi makatatagal sa Kanyang harapan (D at T 67:11–12; tingnan din sa Moises 1:11). Kahit sinabi ng Panginoon na ang mga elder na ito ay hindi pa sapat na handa para tumanggap ng gayong mga dakilang pagpapala sa panahong iyon, hinikayat niya ang mga ito na “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [sila] ay maging ganap” (D at T 67:13).

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung paano makatutulong ang pagtitiyaga para maging sakdal:

“Kung wala tayong tiyaga, hindi masisiyahan sa atin ang Diyos; hindi tayo magiging sakdal. Tunay ngang ang pagtitiyaga ay nagpapadalisay na prosesong nagpapahusay ng pang-unawa, nagpapalalim ng kaligayahan, nagtutuon ng pagkilos, at naghahandog ng pag-asa para sa kapayapaan. …

“… Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis, iyon ay pagtitiis nang husto! …

“Ang pagtitiyaga ay isang banal na katangiang magpapagaling sa mga kaluluwa, magbubukas ng mga yaman ng kaalaman at pang-unawa, at gagawing mga [b]anal at anghel ang mga karaniwang lalaki at babae. …

“Ang pagtitiyaga ay proseso ng pagiging sakdal. Sinabi ng Tagapagligtas mismo na sa inyong pagtitiyaga ay makakamtan ninyo ang inyong kaluluwa [tingnan sa Lucas 21:19]. O, sa paggamit ng ibang pagsasalin ng tekstong Griyego, sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong kaluluwa [tingnan sa Luke 21:19 footnote b ng LDS edition of the King James Bible]. Ang pagtitiyaga ay pananatiling sumasampalataya, batid na kung minsan ay sa paghihintay tayo higit na lumalago sa halip na sa pagtanggap” (“Patuloy na Magtiyaga” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 56–57, 59).

Doktrina at mga Tipan 68: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sa kumperensya ng Simbahan sa Hiram, Ohio, hiniling nina Orson Hyde, Luke S. Johnson, Lyman E. Johnson, at William McLellin kay Propetang Joseph Smith na alamin ang kalooban ng Panginoon sa kanila. Tatlo sa apat na kalalakihan ang inorden sa katungkulan ng high priest, at si Lyman E. Johnson ay kaagad na inorden kasunod niyon. Kalaunan ay ginunita ni William na noong inorden siya bilang high priest, “hindi niya nauunawaan ang mga responsibilidad ng katungkulan” (W. E. McLellan [sic], M. D., liham kay D. H. Bays, Mayo 24, 1870, sa Saints’ Herald, Set. 15, 1870, 553). Ang kawalang ito ng pagkaunawa ay maaaring isa sa mga dahilan kung bakit humiling ng paghahayag ang mga kalalakihang ito sa Propeta, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 68.

Doktrina at mga Tipan 68

Ipinaliwanag ng Panginoon ang ibig sabihin ng banal na kasulatan, pinayuhan ang mga tinawag na mangaral ng ebanghelyo, inihayag ang mga katotohanang ito tungkol sa tungkulin ng bishop, at tinagubilinan ang mga Banal sa Sion

Doktrina at mga Tipan 68:1–4 “Kapag pinakikilos ng Espiritu Santo”

Ang pinatungkulan ng Panginoon sa mga tagubilin sa mga talatang ito ay si Orson Hyde at lahat ng mga inordenan “sa pagkasaserdoteng ito” (D at T 68:2), na malamang ay tumutukoy sa katungkulan ng high priest na ang tawag noon ay mataas na pagkasaserdote. Si Orson at ilang iba pa ay naorden kamakailan lang sa katungkulang ito. Sa panahon ng paghahayag na ito, ang katungkulan ng high priest ang pinakamataas na katungkulan sa Simbahan, bukod sa mga katungkulan ng Una at Pangalawang Elder na itinalagang mga Apostol din; ang iba pang mga katungkulan sa priesthood ay itinatag kalaunan. Kaya, ang tagubilin sa Doktrina at mga Tipan 68:3–4 ay hindi marahil ukol sa mga maytaglay ng priesthood sa pangkalahatan kundi sa mga naordenan sa high priesthood, o katungkulan ng high priest. Ang mga tagapaglingkod na ito ng Panginoon ay may responsibilidad na ipahayag ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, at sinabi ng Panginoon na ang mga salitang kanilang mga sasabihin “kapag pinakikilos ng Espiritu Santo” ay Kanyang kalooban, isip, salita, at tinig at may kapangyarihang dalhin ang mga tao sa kaligtasan (D at T 68:4). Itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark (1871–1961) ng Unang Panguluhan kung paanong hawak ngayon ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang responsibilidad na ito:

“Sa paglipas ng mga taon, isang mas malawak na kahulugan ang ibinigay sa [D at T 68:4.] …

“Sa pagsasaalang-alang sa problemang may kinalaman dito, dapat nating tandaan na ang ilan sa mga General Authority [ibig sabihin ang mga Apostol] ay nabigyan ng espesyal na tungkulin; maytaglay silang espesyal na kaloob; sila ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na kaloob na may kaugnayan sa kanilang pagtuturo sa mga tao. Sila ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan. Ang ibang mga General Authority ay hindi nabibigyan ng ganitong espesyal na espirituwal na kaloob. …

“… Tanging ang Pangulo ng Simbahan, ang Namumunong Mataas na Saserdote [Namumunong High Priest], ang sinasang-ayunan bilang Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag, at tanging siya lamang ang may karapatang tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan, ito man ay bagong paghahayag o pagwawasto, o magbigay ng interpretasyon sa banal na kasulatan nang may awtoridad na paiiralin sa Simbahan, o baguhin sa anupamang paraan ang kasalukuyang mga doktrina ng Simbahan” (“When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 9–10).

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na halimbawa kung paano naaangkop ang alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 68:4 sa pangkalahatang kumperensya: “Hinihiling ko sa inyo na pag-isipan sa darating na mga araw, hindi lamang ang mga mensaheng narinig ninyo kundi maging ang natatanging diwang hatid ng pangkalahatang kumperensya—kung ano ang inaasahan nating mga Banal sa mga Huling Araw na dapat mangyari sa gayong mga kumperensya at kung ano ang nais nating iparinig at ipakita sa mundo. Pinatototohanan natin sa bawat bansa, lahi, wika, at tao na sa ating panahon ang Diyos ay hindi lamang buhay kundi Siya ay nangungusap din, na sa ating panahon ang payong inyong naririnig, sa patnubay ng Banal na Espiritu Santo, ay ang ‘kalooban ng Panginoon, … salita ng Panginoon, … tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan’ [D at T 68:4]” (“Isang Sagisag sa mga Bansa,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 111).

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung kailan at paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang salita sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta:

“Hindi lahat ng pahayag ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang pahayag na ginawa ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o maybisa sa buong Simbahan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ‘ang propeta [ay] isang propeta lamang kapag kumikilos siya bilang gayon’ [sa History of the Church, 5:265]. Si Pangulong [J. Reuben] Clark … ay nagsabing: …

“‘… Malalaman ng Simbahan sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu Santo sa mga miyembro kung ang mga kapatid ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo’ sa paglalahad ng kanilang pananaw; at sa tamang panahon ang kaalamang iyon ay ipamamalas’ [J. Reuben Clark Jr., ‘When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?’ Church News, Hulyo 31, 1954, 10]” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88).

paglalarawan kay Jesus at sa mga disipulo na naglalakad sa daan

“Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo” (D at T 68:6).

Doktrina at mga Tipan 68:14–21. Ang katungkulan ng bishop at ang mga inapo ni Aaron

Noong ibinigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 68, si Edward Partridge lang ang naglilingkod na bishop sa Simbahan. Gayunman, nangako ang Panginoon na sa takdang panahon tatawag siya ng “ibang mga bishop” (D at T 68:14). Pagkaraan ng isang buwan, noong Disyembre 4, 1831, tinawag ng Panginoon si Newel K. Whitney upang maglingkod bilang bishop sa Ohio (tingnan sa D at T 72:1–8). Ang mga tinawag bilang mga bishop ay dapat na mga high priest na may mabuting katayuan, tinawag at hinirang ng Unang Panguluhan. Gayunman, inihayag din ng Panginoon na ang mga panganay na anak ng mga literal na inapo ni Aaron ay may karapatan sa katungkulang ito sa bisa ng angkan kung tinawag, karapat-dapat, at naorden sa pamamagitan ng Panguluhan ng Mataas na Saserdote o High Priesthood (ang Unang Panguluhan). Noong unang panahon, ang kapatid ni Moises na si Aaron ay inorden bilang mataas o dakilang saserdote ng Aaronic Priesthood. Sa sinaunang Israel, tanging mga inapo lamang ni Aaron ang makahahawak sa katungkulan ng saserdote, at ang mataas na saserdote [high priest] ay napili mula sa mga panganay ng kanyang mga inapo.

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang probisyon tungkol sa mga inapo ni Aaron sa Doktrina at mga Tipan 68:15–21 ay tumutukoy sa katungkulan ng Presiding Bishop ng Simbahan: “Ito ay may kaugnayan lamang sa kung sino ang namumuno sa Aaronic Priesthood. Hindi nito tinutukoy ang mga bishop ng mga ward. Bukod pa rito, dapat italaga ang taong iyon ng Unang Panguluhan ng Simbahan at matanggap ang kanyang ordenasyon sa kanilang mga kamay. … Kung walang alam na taong literal na inapo ni Aaron, sinumang high priest, na pinili ng Unang Panguluhan, ay maaaring humawak ng katungkulan ng Presiding Bishop” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1956], 3:92–93; tingnan din sa D at T 107:13–16, 69–83).

Doktrina at mga Tipan 68:25–28. “Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka”

Itinuro ng Panginoon na ang mga magulang sa Simbahan ay may responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa D at T 68:25). Ang mga magulang ay hindi lamang dapat turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina kundi sundin din ang mga turo ng ebanghelyo upang “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28). Kabilang dito ang pagtuturo sa kanilang mga anak na manalangin, panatilihing banal ang araw ng Sabbath, at iwasan ang katamaran (tingnan sa D at T 68:28–31).

Nagbigay si Brother Tad R. Callister ng Sunday School General Presidency ng karagdagang kaalaman tungkol sa mga responsibilidad ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo: “Bilang mga magulang, tayo ang dapat maging pangunahing mga guro at halimbawa ng ebanghelyo sa ating mga anak—hindi ang bishop, Sunday School, Young Women o Young Men, kundi ang mga magulang. Bilang kanilang pangunahing mga guro ng ebanghelyo, maituturo natin sa kanila ang kapangyarihan at katotohanan ng Pagbabayad-sala—ang kanilang pagkatao at banal na tadhana—at sa paggawa nito ay nabibigyan sila ng matibay na pundasyong mapagsasaligan. Matapos masabi at magawa ang lahat, ang tahanan pa rin ang pinakamagandang lugar sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo” (“Mga Magulang: Ang Pangunahing mga Guro ng Ebanghelyo sa Kanilang mga Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 32–33).

isang ama na nagtuturo sa kanyang anak ng ebanghelyo

Iniutos sa mga magulang na “tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28).

Nagbabala si Elder D. Todd Christofferson sa mga magulang tungkol sa espirituwal na panganib ng hindi nila pagtuturo sa kanilang mga anak ng mga katotohanan ng ebanghelyo:

“Narinig kong sinabi ng ilang magulang na ayaw nilang ipilit ang ebanghelyo sa kanilang mga anak, kundi gusto nilang magpasiya sila sa kanilang sarili kung ano ang kanilang paniniwalaan at susundin. Akala nila sa paraang ito ay natutulutan nila ang kanilang mga anak na gamitin ang kanilang kalayaan. Nakakalimutan nila na ang matalinong paggamit ng kalayaan ay nangangailangan ng kaalaman ng katotohanan ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito (tingnan sa D at T 93:24). Kung wala iyon, hindi natin maaasahang maunawaan at masuri ng mga kabataan ang mga alternatibong nakakaharap nila. Dapat pag-isipan ng mga magulang kung paano nilalapitan ng kaaway ang kanilang mga anak. Siya at kanyang mga kampon ay hindi nag-uudyok ng kalayaang mag-isip ngunit sila ay masisiglang tagapagtaguyod ng kasalanan at kasakiman.

“Ang paghahangad na maging neutral tungkol sa ebanghelyo ay, sa katotohanan, pagtanggi sa pag-iral ng Diyos at sa Kanyang awtoridad. Bagkus ay kilalanin Siya at ang Kanyang kapangyarihan kung nais nating maging malinaw sa ating mga anak ang mga pagpipilian sa buhay at makapag-isip sila para sa kanilang sarili” (“Disiplinang Moral,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 107).

Doktrina at mga Tipan 68:25 “Ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang”

Mahalagang tandaan na ginamit ang salitang kasalanan (isahan) sa Doktrina at mga Tipan 68:25, at hindi ang mga salitang mga kasalanan. Walang kinalaman ito sa mga kasalanan na maaaring magawa ng mga anak kundi ang kasalanan ng mga magulang sa hindi pagtuturo sa kanilang mga anak ng mga doktrina ng kaharian. Sa maling pagbasa sa talatang ito maaaring akalain ng ilang mga magulang na sila ang mananagot sa kasalanan ng kanilang mga anak. Dahil dito, sinisisi ng ilang mga magulang ang kanilang sarili dahil sa maling pagpili ng kanilang mga anak sa kabila ng masigasig na pagtuturo nila sa mga ito ng tamang mga alituntunin.

Ibinigay ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995) ang sumusunod na payo ng kapanatagan sa mga taong iniisip na hindi sila naging mabuting mga magulang dahil sa suwail na anak:

“Ang matagumpay na magulang ay yaong nagmahal, nagsakripisyo, nagmalasakit, nagturo, at tumugon sa mga pangangailangan ng anak. Kung nagawa na ninyo ang lahat ng ito at suwail o matigas ang ulo o makamundo pa rin ang inyong anak, magkagayunman, nagampanan pa rin ninyo ang inyong tungkulin bilang magulang. …

“… Huwag mawalan ng pag-asa sa isang batang lalaki o babae na naligaw ng landas. Maraming tila lubusan nang naligaw ang bumalik. Dapat tayong maging madasalin at, kung maaari, ipaalam sa ating mga anak ang ating pagmamahal at pag-aalala. …

“Hindi natin dapat hayaang linlangin tayo ni Satanas sa pagpapaisip sa atin na wala nang pag-asa. Pahalagahan natin ang mga nagawa nating maganda at mabuti; talikuran at iwaksi sa ating buhay ang mga bagay na mali; umasa sa Panginoon para sa kapatawaran, lakas, at kapanatagan; at pagkatapos ay sumulong” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 249–50).

Doktrina at mga Tipan 69: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sa mga huling araw ng Oktubre o sa mga unang araw ng Nobyembre, 1831, si Oliver Cowdery ay naatasang dalhin ang kopya ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith sa Independence, Missouri. Ang paghahayag na ito ay dapat ipalimbag ni William W. Phelps sa kanyang palimbagan. Itinalaga rin si Oliver na dalhin ang mga ambag na salapi para sa pagtatatag ng Sion. Para makatulong sa pagprotekta sa mga manuskrito at salapi, napagpasiyahan na kailangang may makasama siya sa paglalakbay. Noong Nobyembre 11, 1831, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 69, kung saan iniutos Niya kay John Whitmer na samahan si Oliver Cowdery sa Missouri. Sa panahong natanggap ang paghahayag na ito, si John Whitmer ay naglilingkod bilang mananalaysay at manunulat ng Simbahan (D at T 47:1–3).

Doktrina at mga Tipan 69

Iniutos ng Panginoon kay John Whitmer na samahan si Oliver Cowdery sa Missouri at magpatuloy sa kanyang tungkulin bilang manunulat ng Simbahan

Doktrina at mga Tipan 69:3–8 “Pagsulat at paggawa ng kasaysayan ng lahat ng mahalagang bagay”

Noong Marso ng 1831, si John Whitmer ay tinawag ng Panginoon na “mag-ingat ng isang maayos na kasaysayan” ng Simbahan at tulungan si Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pagsulat para sa kanya (D at T 47:1). Ang tawag na ito ay akma sa naunang ipinayo ng Panginoon na “may talaang iingatan sa inyo” (D at T 21:1). Inulit ng Panginoon kay John Whitmer ang kanyang tungkulin na idokumento ang kasaysayan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagkolekta at pagtatala ng “lahat ng mahalagang bagay” na naganap sa mga Banal (D at T 69:3). Ang layunin ng pag-iingat ng gayong kasaysayan ay “para sa ikabubuti ng simbahan, at para sa bumabangong salinlahi sa lupain ng Sion” (D at T 69:8).

Doktrina at mga Tipan 70: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Idinikta ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 70 sa oras o pagkatapos ng kumperensya na ginanap sa Hiram, Ohio, noong Nobyembre 12, 1831. Iyon ang huli sa apat na espesyal na kumperensya na idinaos noong Nobyembre 1–12. Sa loob ng dalawang linggong ito, si Joseph Smith at ang iba pa ay gumugol ng maraming oras sa pagrepaso ng mga paghahayag na natanggap ng Propeta at paghahanda para sa paglalathala ng mga ito. Sa huling kumperensyang ito, sinang-ayunan ng mga naroon ang isang resolusyon na nagsasaad na ang mga paghahayag ay “mahalaga sa Simbahan na higit pa sa yaman ng buong Mundo” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 138). Sa kumperensya ring ito binanggit ng Propeta ang mga naiambag ng ilang mga kapatid na kasama niyang nagsikap mula pa sa simula na maipabatid ang mga sagradong kasulatang ibinigay ng Panginoon. Nagpasa sa kumpersensya ng isang panukala na bigyan ng kompensasyon mula sa benta ng mga lathalain ang mga pamilyang nag-ukol ng panahon sa paghahanda at paglalathala ng mga paghahayag.

Ipinasiya ng mga elder na sina Joseph Smith Jr., Oliver Cowdery, John Whitmer, at Sidney Rigdon ang “italagang mamahala sa [mga paghahayag] alinsunod sa mga Batas ng Simbahan [at] sa mga kautusan ng Panginoon” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 138). Nakasaad sa huling kasaysayan na natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 70 bilang tugon sa isang tanong. Sa paghahayag na ito pinagtibay ng Panginoon ang desisyon na magtalaga ng mga indibidwal na mamamahala sa paglalathala ng mga paghahayag.

Doktrina at mga Tipan 70

Humirang ang Panginoon ng anim na lalaki na maglilingkod bilang mga katiwala sa Kanyang mga paghahayag

Doktrina at mga Tipan 70:3–8 “Mga katiwala sa mga paghahayag at kautusan”

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 70, iniutos ng Panginoon kina Martin Harris at William W. Phelps na sumama sa apat na lalaki na naunang hinirang na maglingkod bilang mga katiwala o tagapangasiwa ng mga paghahayag. Ang mga katiwalang ito ay hindi lamang responsable sa paglalathala ng mga paghahayag kundi pati na rin para sa pamamahala ng kita mula sa mapagbebentahan ng Aklat ng mga Kautusan. Iniutos sa kanila ng Panginoon na gamitin ang kita upang itaguyod ang kanilang mga pamilya at ilaan ang naiwan sa kamalig [storehouse] ng Panginoon para sa kapakinabangan ng mga tao sa Sion. Itinatag ng Panginoon ang pinagsamang pangangasiwang iyon ayon sa mga alituntunin ng batas ng paglalaan.

Noong Marso 1832, isang paghahayag ang nag-utos kina Propetang Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Newel K. Whitney na iorganisa ang “Literary and Mercantile establishments” ng Simbahan (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 198; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan). Dahil dito, ang mga katiwala sa mga paghahayag ay nakiisa sa mga bishop ng Simbahan at sa mga responsable sa mga kamalig sa samahan na tatawaging United Firm (tingnan sa mga section heading ng D at T 78 at 82). Ang anim na kalalakihang ito na itinalaga na mangasiwa sa mga pagpapalimbag ng Simbahan ay bumuo ng isang sangay ng United Firm na tinawag na Literary Firm. Bilang karagdagan sa Aklat ng mga Kautusan, ang iba pang mga nailathala ng Literary Firm ay ang mga himnaryo ng Simbahan, panitikang pambata, Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, at mga pahayagan ng Simbahan.