Institute
Kabanata 8: Doktrina at mga Tipan 19


Kabanata 8

Doktrina at mga Tipan 19

Pambungad at Timeline

Nang malapit ng matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong Hunyo 1829, inupahan nina Propetang Joseph Smith at Martin Harris ang manlilimbag na si Egbert B. Grandin para maglimbag ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon sa halagang $3,000. Ngunit ayaw simulan ni Grandin ang paglilimbag hanggang hindi siya nakakasigurong mababayaran siya, kaya napagkasunduan nila ni Martin Harris na isasanla nito ang bahagi ng kanyang bukid para mabayaran ang pagpapalimbag. Matapos ang paunang kasunduan, ikinabahala ni Martin ang gagawing pagsasanla sa kanyang bukid. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19, na malamang na ibinigay noong tag-init ng 1829, iniutos ng Panginoon kay Martin Harris na “ibahagi ang kapiraso ng [kanyang] ari-arian … [at] bayaran ang utang na [kanyang] pinagkasundo sa manlilimbag” (D at T 19:34–35). Naghayag din ang Panginoon ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at nagturo tungkol sa pagsisisi.

Unang mga araw ng Hunyo 1829Nagpalimbag sina Joseph Smith at Martin Harris kay Egbert Grandin ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon.

Hulyo 1, 1829Natapos ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Tag-init ng 1829Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 19.

Agosto 25, 1829Isinangla ni Martin Harris ang kanyang bukid sa halagang $3,000 para mabayaran ang pagpapalimbag sa Aklat ni Mormon.

Marso 26, 1830Sinimulan nang ipagbili ang mga kopya ng Aklat ni Mormon.

Doktrina at mga Tipan 19: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Isang araw noong Hunyo 1829, pinuntahan nina Propetang Joseph Smith at Martin Harris ang mga manlilimbag sa Palmyra at sa Rochester, New York, sa pag-asang may makakausap na maglilimbag sa Aklat ni Mormon. Si Egbert B. Grandin ay 23 taong gulang at nagtatrabaho bilang may-ari, patnugot, at tagapaglathala ng pahayagang Wayne Sentinel sa Palmyra, New York, nang kausapin siya tungkol sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon. Tinanggihan niya ito noong una dahil maraming bumabatikos kay Joseph Smith sa Palmyra. Nang kinausap muli si Grandin sa pangalawang pagkakataon, ipinangako ni Martin Harris na isasangla niya ang kanyang bukid upang masigurong mababayaran ang gastusin sa pagpapalathala. Ang halagang hiningi ni Grandin sa paglimbag nang may kalakihang order na 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon ay nagkakahalaga ng $3,000.

Nagsumite si Joseph ng application para sa karapatang-sipi ng Aklat ni Mormon noong Hunyo 11, 1829. Matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong mga Hulyo 1, 1829, pinagawa na ni Joseph Smith si Oliver Cowdery ng duplikadong kopya ng buong manuskrito para maiwasang maulit ang mga problemang idinulot ng pagkawala noon ng 116 na pahina. Para maingatan ang manuskrito, pailan-ilan lamang ang pagpapadala ng mga pahina ng manuskrito sa palimbagan.

Kahit siniguro na ni Martin Harris ang pagbabayad, ipinasiya ni Grandin na hindi siya bibili ng bagong uri ng metal type hangga’t hindi pa lubusang napagpapasiyahan ang kasunduan ng pagbabayad. Kakailanganin dito na ipagsapalaran ni Martin ang halos lahat ng kanyang ari-arian upang matiyak na makakabayad siya. Ang Doktrina at mga Tipan 19 ay malamang na natanggap noong tag-init ng 1829, na nagbigay sa kanya ng kumpiyansang kailangan niya para ituloy ang kasunduan. (Paalala: Nakasaad sa mga naunang edisyon ng Doktrina at mga Tipan na ang petsa ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19 ay Marso 1830. Ayon sa bagong pananaliksik ang paghahayag ay malamang na natanggap noong tag-init ng 1829. Ang petsang ito ay makikita sa 2013 edition ng mga banal na kasulatan at sa kabanatang ito.) Noong Agosto 25, 1829, isinangla ni Martin Harris ang kanyang bukid kay Grandin bilang kabayaran sa paglalathala (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 86–89). “Sa paggawa nito, siya ang itinuring na may pinakamalaking naibigay na suportang pinansyal sa Aklat ni Mormon at gayon din sa Simbahan noon. Wala ni isa sa mga nakababata at mas maralitang mga kaibigan ni Joseph Smith ang makapagbibigay ng ganito kahalagang kontribusyon” (Matthew McBride, “The Contributions of Martin Harris,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 8, tingnan din sa history.lds.org).

Sinimulan agad ni Grandin at ng kanyang assistant na si John H. Gilbert ang paglilimbag. Noong Marso 1830, nagsimula nang ipagbili ang mga kopya ng Aklat ni Mormon.

Mapa 4: Palmyra-Manchester, New York, 1820–31

Doktrina at mga Tipan 19:1–20

Ipinaliwanag ng Panginoon ang mga ibinubunga ng hindi pagsisisi at inilarawan ang Kanyang pagdurusa para sa kasalanan

Doktrina at mga Tipan 19:2–3. “Pagkaraang maisagawa at matapos ang kalooban … [ng] Ama”

Laging sinusunod ni Jesucristo ang kalooban ng kanyang Ama sa lahat ng bagay. Sa Kapulungan sa Langit, nang tinanong ng Ama kung sino ang Kanyang isusugo upang tumubos sa Kanyang mga anak, ipinahayag ni Jesucristo, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2). Pinatotohanan ng Tagapagligtas ang layunin ng kanyang misyon sa lupa nang ituro Niya sa Kanyang mga disipulo na, “Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). Sa Doktrina at mga Tipan 19:2, ang pariralang “pagkaraang maisagawa at matapos ang kalooban niya na kung kanino ay ako” ay tumutukoy sa pagtatapos ng misyon sa mundo ng Tagapagligtas, lalo na ang Kanyang Pagbabayad-salang sakripisyo. Sa huling sandali ng matinding paghihirap sa krus ni Jesucristo, matapos matugunan ang mga walang-hanggang hinihingi ng katarungan para sa mga kasalanan ng sanlibutan, sinabi Niya “Ama, naganap na, nagawa na ang iyong kalooban,” [at] nalagot ang hininga (Joseph Smith Translation, Matthew 27:54). Kasunod ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, ipinakilala ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa mga Nephita sa pagsasabing: “Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula” (3 Nephi 11:11).

Ang ganap na pagsunod na ito sa kalooban ng Ama sa Langit ay naging dahilan upang matanggap ni Jesucristo ang lahat ng kapangyarihan—pati na ang kapangyarihang wasakin si Satanas at lahat ng kasamaan sa katapusan ng mundo. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung paano napagkalooban si Jesucristo ng kapangyarihan dahil sa pagtupad Niya ng kalooban ng Ama sa Langit: “Para marapat na maging Manunubos ng lahat ng anak ng ating Ama, kinailangan ni Jesus na maging lubos na masunurin sa lahat ng batas ng Diyos. Dahil nagpasakop Siya sa kalooban ng Ama, nagpatuloy Siya ‘nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan’ ng kapangyarihan ng Ama. Sa gayo’y sumakanya ang ‘lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa.’ (D at T 93:13, 17.)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 108).

Dakilang Manunubos

Dakilang Manunubos, ni Simon Dewey

Doktrina at mga Tipan 19:3. Si Jesucristo ang hahatol sa lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa

Itinuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo na ang pagsunod ay isang pangunahing alituntunin. Ang mga pagpapalang dumarating sa mga pumipiling sumunod ay parehong temporal at walang hanggan. Ang pagsuway ay nagiging sanhi para mapagkaitan ang isang tao ng mga pagpapala at nagdudulot ng kaparusahan at pagkawala ng Espiritu. Lahat ng mga anak ng Diyos ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, o sa kanilang pagsisikap na maging masunurin. Ang “huling dakilang araw ng paghuhukom” (D at T 19:3) ay tumutukoy sa Huling Paghuhukom, na magaganap pagkatapos ng Milenyo.

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano maiimpluwensyahan ng ating mga kilos at gawa ang paghatol sa atin:

“Maraming Biblia at mga makabagong banal na kasulatan ang nagpapahayag ng isang huling paghuhukom na kung kailan ang lahat ng tao ay gagantimpalaan ayon sa kanilang ginawa o mga gawain o mga pita ng kanilang mga puso. Ngunit nagdagdag dito ang ibang banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagtukoy sa paraan ng paghuhusga sa atin ayon sa kalagayang natamo natin. …

“… Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat ng mabuti at masama––na ating ginawa. Ito ay pagkilala sa huling epekto ng mga pag-iisip at gawa natin—ang kung ano ang kinahinatnan natin. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32).

Doktrina at mga Tipan 19:4–12. Walang katapusan at walang hanggang kaparusahan

Patungkol sa paghuhukom na darating sa mga taong pinipili na huwag magsisi ng kanilang mga kasalanan, ang mga katagang “walang katapusang kaparusahan” at “walang hanggang kaparusahan” (tingnan sa D at T 19:11–12) ay hindi tumutukoy sa haba ng panahon na magdurusa ang masasama. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ay walang katapusan, at ang kaparusahang ibinigay mula sa aking kamay ay walang katapusang kaparusahan, sapagkat Walang Katapusan ang aking pangalan” (D at T 19:10). Dahil ang Tagapagligtas ay Walang Katapusan at Walang Hanggan, ang mga katagang “walang katapusang kaparusahan” at “walang hanggang kaparusahan” ay tumutukoy sa pinagmulan ng kaparusahan sa halip na sa tagal ng kaparusahan.

Maliban sa mga magmamana ng labas na kadiliman, bawat tao na nagdurusa sa parusa ng Diyos ay matutubos sa huli tungo sa isang kaharian ng kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76:31, 38–39). Ipinahayag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa impiyerno ay may labasan pati na rin pasukan. Ang impiyerno ay hindi lugar kung saan isang mapaghiganting hukom ang nag-uutos na pagdusahin ang mga bilanggo at parusahan sila para lamang sa kanyang kaluwalhatian; bagkus ito ay isang pook na inihanda para turuan, disiplinahin ang mga taong hindi natutuhan ang dapat nilang matutuhan habang narito sa mundo. Totoong nababasa natin ang tungkol sa walang hanggang kaparusahan, walang katapusang pagdurusa, walang hanggang kapahamakan. Iyan ay isang nakapanghihilakbot na pahayag; ngunit dahil sa kanyang awa nilinaw ng Panginoon kung ano ang kahulugan ng mga salitang ito. ‘Ang walang hanggang kaparusahan,’ sabi niya, ay kaparusahan ng Diyos, sapagkat siya ay walang hanggan; at ang kundisyon o kalagayan o estado o posibilidad na iyan ay mangyayari sa makasalanan na nararapat at talagang nangangailangan sa ganitong kaparusahan; ngunit hindi ibig sabihin nito na ang taong nagdurusa o makasalanan ay walang hanggan at walang katapusan nang magtitiis at magdurusa. Walang sinuman na ikukulong sa impiyerno nang mas matagal kaysa kinakailangan para maihanda ang taong iyon sa isang bagay na mas mabuti. Kapag nakaabot na siya sa antas na iyon bubukas ang mga pinto ng impiyerno at magagalak ang mga hukbo ng langit na malugod na tatanggap sa kanya sa mas mabuting kalagayan. Walang binawas o binago ang Panginoon sa sinabi Niya noong mga naunang dispensasyon hinggil sa pamamahala ng kanyang batas at ng kanyang ebanghelyo ngunit nilinaw niya sa atin ang kanyang awa at kabutihan sa lahat ng iyon, sapagkat ang kanyang kaluwalhatian at gawain ay isakatuparan ang walang kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (sa Conference Report, Abr. 1930, 97).

Doktrina at mga Tipan 19:13, 15, 20. “Iniuutos ko sa iyong magsisi”

Ang paulit-ulit na utos na magsisi sa buong paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19 ay naglalarawan ng pagmamahal ng Panginoon para kay Martin Harris, dahil kung magsisisi si Martin, hindi niya kailangang magdusa tulad ng Panginoon. Ang paanyayang ito ay para rin sa bawat isa sa atin. Nais ng Panginoon na magsisi tayo upang hindi tayo magdusa.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit itinutulot ng pagsisisi na makatanggap tayo ng awa at kapatawaran ng Diyos: “Posible lamang ang pagsisisi dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Kanyang walang-hanggang sakripisyo ang ‘nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi’ (Alma 34:15). Ang pagsisisi ay kinakailangan, at ang biyaya ni Cristo ang kapangyarihan kung saan ‘mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan’ (Alma 34:16)” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 38).

Doktrina at mga Tipan 19:15–17. Magsisi o magdusa tulad ng dinanas ng Tagapagligtas

Upang matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kailangan nating pagsisihan ang ating mga kasalanan. Ang mga hindi tumatanggap kay Jesucristo at hindi nagsisisi ay magdurusa dahil sa kanilang mga kasalanan. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagpapasiyang magsisi o magdusa: “Huwag nating hayaan na ang pagtubos ni Jesus ay matigil lamang sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na bigyan tayo ng imortalidad o kawalang kamatayan. … Samantalahin natin nang lubos ang iniaalok nito na kaloob na buhay na walang hanggan! Sa huli tayo ang magpapasiya kung pipiliin nating mamuhay nang tulad ni Cristo o magdusa na tulad ng dinanas Niya!” (“Overcome … Even As I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 72).

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson kung bakit dapat nating piliing magsisi: “Kung tatanggihan ng mga tao ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, dapat niyang pagbayaran ang kanyang kasalanan upang bigyang-katarungan ang sarili. … Ang pagdurusa ng isang tao na hindi natubos dahil sa kasalanan ay itinuturing na impiyerno. Ibig sabihin nito ay pagpapasakop sa diyablo at [matalinghagang inilarawan sa] banal na kasulatan na pagkagapos sa tanikala o sa dagat-dagatang apoy at asupre. Nagsumamo si Lehi sa kanyang mga anak na piliin ang Pagtubos ni Cristo ‘at huwag piliin ang walang hanggang kamatayan, alinsunod sa kagustuhan ng laman at ng kasamaan na naroroon, na nagbibigay sa espiritu ng diyablo ng kapangyarihang bumihag, upang madala kayo sa impiyerno, at siya ang mamamahala sa inyo sa kanyang sariling kaharian’ (2 Nephi 2:29). Gayunpaman, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, may katapusan ang impiyerno, at yaong pinadanas nito ay ‘matutubos mula sa diyablo … sa huling pagkabuhay na mag-uli’ (Doktrina at mga Tipan 76:85). Tanging sa iilang ‘anak na lalaki ng kapahamakan … lamang may [walang hanggang] kapangyarihan ang pangalawang kamatayan; oo, katotohanan, sila lamang ang hindi matutubos sa takdang panahon ng Panginoon, pagkatapos ng mga pagdurusa ng kanyang poot’ (Doktrina at mga Tipan 76:32, 37–38)” (“Pagtubos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 112, mga tala 4).

Bagama’t naging posible para sa atin na matanggap ang mga pagpapala ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas dahil sa pagsisisi, daranas pa rin tayo ng mga paghihirap na bunga ng kasalanan. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ang pagkakaugnay ng kasalanan at pagdurusa:

“May pagkakaugnay ang kasalanan at pagdurusa na hindi nauunawaan ng mga tao na sadyang nagkakasala dahil inaasahan nila na lahat ng bigat ng pagdurusa ay papasanin ng Iba, na sila ang gagawa ng kasalanan ngunit ang lahat ng paghihirap ay sa Kanya. Hindi iyan ganyan. Ang pagsisisi, na tiyak na daanan tungo sa walang hanggang destinasyon, ay hindi ibinibigay nang walang kapalit.

“Alalahanin natin ang dalawang banal na kasulatan: (1) ‘Ang pagsisisi ay hindi mapapasa mga tao maliban kung may kaparusahan’ (Alma 42:16); at (2) sinabi ng Tagapagligtas na pinagdusahan niya ang mga bagay na ito para sa lahat, ‘upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko’ (D at T 19:16–17).

“Malinaw na nangangahulugan ito na ang nagkasala na hindi nagsisi ay pagdurusahan ang kanyang sariling mga kasalanan. Ito ba ay nangangahulugan din na ang taong nagsisi ay hindi kailangang magdusa dahil ang buong kaparusahan ay pinasan ng Tagapagligtas? Hindi maaaring iyan ang ibig sabihin nito dahil hindi ito naaayon sa iba pang mga turo ng Tagapagligtas. Ang ibig sabihin nito ay na ang taong nagsisisi ng kasalanan ay hindi kailangang magdusa ‘katulad’ ng Tagapagligtas na nagdusa para sa kasalanang iyon. Ang mga makasalanan na nagsisisi ay daranas ng pagdurusa, ngunit, dahil sa kanilang pagsisisi at dahil sa Pagbabayad-sala, hindi nila daranasin ang kasukdulan, ‘katindihan’ ng walang hanggang pagdurusa na dinanas ng Tagapagligtas” (“Sin and Suffering,” Ensign, Hulyo 1992, 71–72).

Si Cristo sa Getsemani

Nagdusa si Jesucristo para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa para sa ating mga kasalanan

Ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19 ay naglalaman ng personal na salaysay ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagdurusa. Ang iba pang mga paglalarawan ng pagdurusang dinanas ni Jesucristo sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay isinalaysay ng ibang tao maliban sa Kanyang sarili (tingnan sa Mateo 26:36–39; Marcos 14:32–41; Lucas 22:39–44; Mosias 3:7). Inilarawan ni Elder James E. Talmage ang tindi ng pagdurusang dinanas ng Tagapagligtas sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo:

“Ang pagdurusa ni Cristo sa halamanan ay hindi masasayod ng isipan ng tao, kapwa ang tindi at layon nito. … Naghirap Siya at dumaing sa pasakit na hindi kayang isipin o maunawaan ng sinumang nilalang na nabuhay sa mundo. Hindi lamang hirap ng katawan, ni pagdadalamhati ng isipan, ang naging sanhi ng pagdanas Niya ng gayon katinding pagpapahirap kaya’t nilabasan ng dugo ang bawat butas ng Kanyang balat; kundi iyon ay isang espirituwal na pasakit ng kaluluwa na tanging Diyos lamang ang makadarama. Walang ibang tao, gaano man ang kanyang pisikal na kapangyarihan o kakayahan ng kanyang isipan, ang makatitiis ng gayong parusa; sapagkat ang kanyang katawan bilang tao ay maaaring sumuko, at mawalan nang malay [dahil sa kawalan ng dugo sa utak] at tuluyan nang makalimot. Sa sandaling iyon ng hapis at dalamhati hinarap ni Cristo at dinaig ang lahat ng paninindak na magagawa ni Satanas, ‘ang prinsipe ng sanglibutan’ [Juan 14:30]. …

“Sa ilang paraan, na lubhang totoo bagama’t hindi kayang maunawaan ng tao, inako ng Tagapagligtas ang bigat ng kasalanan ng sangkatauhan mula kay Adan hanggang sa katapusan ng daigdig” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 613).

Pinatotohanan ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit nakahanda si Jesucristo na magdusa para sa ating mga kasalanan: “Sa paraang hindi natin lubos na mauunawaan, inako ng Tagapagligtas ang mga kasalanan ng daigdig. Kahit ang Kanyang buhay ay dalisay at walang kasalanan, binayaran Niya ang kahuli-hulihang kaparusahan para sa mga kasalanan—ang sa inyo, sa akin, at sa lahat ng nabuhay at mabubuhay dito sa mundo. Ang pagdurusa ng Kanyang isipan, damdamin, at kaluluwa ay napakabigat kung kaya’t lumabas sa maliliit na butas ng Kanyang balat ang dugo (tingnan sa Lucas 22:44; D at T 19:18). Gayunman si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—dahil sa ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mahahalagang ordenansa. Kung walang Pagbabayad-sala ng Panginoon, hindi natin matatanggap ang kahit isa sa mga biyayang ito, at hindi tayo magiging karapat-dapat at handang bumalik upang makapiling ang Diyos” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 85).

Doktrina at mga Tipan 19:18–19. Ang Tagapagligtas ay hindi sumuko

Ang pariralang “nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit” (D at T 19:18) ay tumutukoy sa hangarin ng Tagapagligtas na hindi urungan ang bigat ng dadanasin Niyang pagdurusa. Bagama’t ang Kanyang pagdurusa ay higit kaysa anumang bagay na mauunawaan natin, sinunod Niya ang kalooban ng Ama sa Langit at tinapos ang Pagbabayad-sala.

Inilarawan ni Elder Neal A. Maxwell kung paano natin maipamumuhay ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 19:18–19 sa sarili nating buhay: “Sa pagharap natin sa sarili nating … mga pagsubok at paghihirap, maaari din tayong magsumamo sa Ama, gaya ni Jesus, na ‘kung maaari ay hindi tayo … manliit’—ibig sabihin umurong o umatras (D at T 19:18). Mas mahalagang hindi sumuko kaysa tumakas! Gayon din, ang pag-inom sa mapait na saro nang hindi sumasama ang loob ay bahagi rin ng pagtulad kay Jesus” (“Apply the Atoning Blood of Christ,” Ensign, Nob. 1997, 22).

Doktrina at mga Tipan 19:20. Kailan lumayo ang Espiritu ng Panginoon kay Martin Harris?

Bagama’t hindi malinaw kung anong panahon o pangyayari ang tinukoy sa pariralang “sa panahong inalis ko ang aking Espiritu” (D at T 19:20), maaaring sinabi ito ng Panginoon noong panahong mawala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Sa panahong iyon nagpahayag ng galit ang Panginoon, at inilarawan si Martin bilang “masamang tao” na “ipinagwalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at sumuway sa pinakabanal na mga pangakong ginawa sa harapan ng Diyos, at umasa sa kanyang sariling paghahatol at nagyabang sa sarili niyang karunungan” (D at T 3:12–13). Ang kapabayaan ni Martin na nagbunga ng pagkawala ng manuskrito ang tiyak na naging dahilan kaya nadama niya na pansamantalang umalis ang Espiritu ng Panginoon. Kalaunan ay nagkaroon si Martin ng malaking pag-asa nang tulutan siya ng Panginoon na makita ang mga lamina bilang isa sa Tatlong Saksi (tingnan sa D at T 5:23–28; 17:1–8).

Inilarawan ni Lucy Mack Smith, ina ni Propetang Joseph Smith, ang nadama ng mga tao sa kanilang tahanan nang maiwala ni Martin Harris ang 116 na manuskrito na pahina ng Aklat ni Mormon: “Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon ng kadiliman, sa loob at labas; para sa amin tila natakpan ng kadiliman ang kalangitan, nabalutan ng lungkot ang lupa; at madalas kong sinasabi sa aking sarili, na, kung ang patuloy na kaparusahan, na kasingtindi ng naranasan namin ng sandaling iyon, ay ipapataw sa pinakamasasamang tao, na nakatayo sa paanan ng Pinakamakapangyarihan; kung … ang kanilang kaparusahan ay hindi man hihigit pa rito [,] kaaawaan ko pa rin ang [kanilang] kalagayan” (“Lucy Mack Smith, History, 1845,” 134–35, josephsmithpapers.org).

kopya ng karapatang-sipi ng Aklat ni Mormon

Isa sa dalawang kopya ng application ng karapatang-sipi para sa Aklat ni Mormon na isinumite sa United States district court sa Utica, New York

Doktrina at mga Tipan 19:21–41

Nagbigay ang Panginoon ng ilang kautusan kay Martin Harris , kabilang na ang utos na ibahagi ang kanyang bukid para sa paglilimbag ng Aklat ni Mormon

Doktrina at mga Tipan 19:23. “Matuto ka sa akin, … at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin”

Hindi lamang iniutos kay Martin Harris na magsisi upang umunlad bilang isang disipulo ni Jesucristo, kundi kailangan niya ring matuto kay Jesucristo, makinig sa Kanya, at lumakad sa kaamuan tulad Niya (tingnan sa D at T 19:23). Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na ang pag-aaral sa inihayag na salita ng Diyos ay isang paraan na maaari tayong matuto sa Tagapagligtas at matanggap ang Kanyang kapayapaan sa ating buhay:

Punuin ang inyong isipan ng katotohanan. Di natin matatagpuan ang katotohanan sa gitna ng kamalian. Matatagpuan ito sa pagsasaliksik, pag-aaral, at pamumuhay ng inihayag na salita ng Diyos. Tinatanggap natin ang mali kapag nasasangkot tayo sa mali. Natututo tayo ng katotohanan kapag nakikisama tayo sa katotohanan.

“Itinuro ng Tagapagligtas ng sanlibutan, ‘Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya’ [D at T 88:118]. Idinagdag pa Niya, ‘Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin’ [Juan 5:39].

“Inaanyayahan Niya ang bawat isa sa atin: ‘Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.’ [D at T 19:23]” (“Be Thou an Example,” Ensign, Nob. 2001, 98).

Doktrina at mga Tipan 19:26–27, 34–35. “Bayaran ang utang na iyong pinagkasundo sa manlilimbag”

Ipinangako ni Martin Harris ang kanyang ari-arian upang makatulong sa pagbayad ng pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon, ngunit nag-alala siya na baka mawala ang kanyang bukid. Ipinagbili niya kalaunan ang 151 acre ng kanyang lupain upang bayaran ang utang. Kahit na malaking halaga ang nawala kay Martin, ang pagbebenta ng kanyang lupain ay maliit lamang na kapalit para sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon, na nagdala ng maraming kaluluwa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesucristo. Kalaunan sa buhay, pinatotohanan ni Martin na mula sa mga nalikom na pinagbentahan ng aklat, nabawi niya ang perang pinambayad niya sa pagpapalimbag ng aklat (tingnan sa “Additional Testimony of Martin Harris (One of the Three Witnesses) to the Coming forth of the Book of Mormon,” The Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 21 [Agosto 20, 1859], 545.)

Bukid ni Martin Harris sa Palmyra, New York

Ibinenta ni Martin Harris ang isang bahagi ng kanyang bukid upang mabayaran ang pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon (larawang kuha noong mga 1907).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Doktrina at mga Tipan 19:25–26. “Huwag kang mag-imbot”

Iniutos ng Panginoon kay Martin Harris na kusang ibigay ang kanyang ari-arian para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon. Upang matulungan si Martin na maunawaan ang kahalagahan ng kautusang ito at mahikayat siya na magawa ito, sa Doktrina at mga Tipan 19:25–26 ginamit ng Panginoon ang mga salita na nakatala sa Exodo 20:17, na nagbabala tungkol sa kasalanan ng pang-iimbot. Walang katibayan na iniimbot o inaangkin ni Martin ang asawa ng kanyang kapitbahay o nagtatangka siyang kitlin ang buhay ng kanyang kapitbahay. Itinuturo sa kanya ng Panginoon na maaari din nating magawa ang pang-iimbot maging sa sarili nating ari-arian o oras kung pinahahalagahan natin ito nang higit kaysa sa Panginoon at sa Kanyang gawain.

ipinintang larawan ni Egbert B. Grandin; larawan ni John H. Gilbert

Inilimbag ni Egbert B. Grandin (kaliwa) ang unang 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon. Si John H. Gilbert (kanan) ang typesetter para sa orihinal na paglilimbag ng Aklat ni Mormon.

Doktrina at mga Tipan 19:29–31. Huwag manlalait laban sa yaong mga manlalait

Kapag nagbabahagi ng ebanghelyo o nagtatanggol ng mga paniniwala, ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat magsalita o kumilos nang may kapakumbabaan at paggalang. Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na mahalin nila ang kanilang kapwa, lalo na kapag nagkakaiba sila ng mga opinyon. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ang kahalagahan ng pag-iwas sa pagtatalo:

“Ang ebanghelyo ay maraming itinuturo tungkol sa pagsunod sa mga kautusan habang namumuhay sa kalipunan ng mga taong may ibang mga paniniwala at kaugalian. Ang mga turo tungkol sa pagtatalo ay napakahalaga. Nang makita ng nabuhay na muling si Cristo na pinagtatalunan ng mga Nephita ang paraan ng pagbibinyag, nagbigay Siya ng malinaw na tagubilin tungkol sa tamang pagsasagawa ng ordenansang ito. Pagkatapos ay itinuro Niya ang dakilang alituntuning ito:

“‘Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo, na kagaya noon; ni huwag kayong magkakaroon ng mga pagtatalo sa inyo hinggil sa mga paksa ng aking doktrina, na kagaya noon.

“‘Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

“‘Masdan … ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi’ (3 Nephi 11:28–30; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Hindi lamang ang mga taong sumusuway sa utos tungkol sa binyag ang binalaan ng Tagapagligtas na huwag makipagtalo. Ipinagbabawal Niya sa lahat ang pagtatalo. Kahit ang mga sumusunod sa mga utos ay hindi dapat udyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit. Ang ‘ama ng pagtatalo’ ay ang diyablo; ang Tagapagligtas ay ang Pangulo ng Kapayapaan.

“Gayundin, itinuturo sa Biblia na ‘ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot’ (Mga Kawikaan 29:8). Itinuro ng mga naunang Apostol na dapat nating ‘sundin ang mga bagay na makapapayapa’ (Mga Taga Roma 14:19) at ‘sabihin ang katotohanan na may pagibig’ (Mga Taga Efeso 4:15), ‘sapagka’t ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios’ (Santiago 1:20). Sa makabagong paghahayag iniutos ng Panginoon na ang mabubuting balita ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay dapat ipahayag ng ‘bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan’ (D at T 38:41), ‘nang may buong kababaang-loob, … hindi nanlalait laban sa yaong mga manlalait’ (D at T 19:30)” (“Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 25–26).

labas ng gusali ng E. B. Grandin Press

Ang gusali kung saan inilimbag ni E. B. Grandin ang 1830 edition ng Aklat ni Mormon

Doktrina at mga Tipan 19:35. Ang utang ay isang uri ng pagkaalipin

Tulad din na dapat bayaran ang utang upang makatakas sa pagkaalipin sa kasalanan, ang mga tagasunod ng Panginoon ay dapat magbayad ng mga utang nila upang makatakas sa pagkakabaon sa utang. Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung paano naaangkop sa atin ngayon ang payo na ibinigay kay Martin Harris na “bayaran ang utang” (D at T 19:35):

“Mula nang magsimula ang Simbahan, nagsalita ang Panginoon tungkol sa pangungutang. Sinabi Niya kay Martin Harris sa pamamagitan ng paghahayag: ‘Bayaran ang utang na iyong pinagkasundo sa manlilimbag. Palayain ang iyong sarili mula sa pagkakautang’ (D at T 19:35).

“Paulit-ulit na binanggit ni Pangulong Heber J. Grant ang bagay na ito. … Sabi niya: ‘Kung may isang bagay na maghahatid ng kapayapaan at katiwasayan sa puso ng tao, at sa pamilya, ito ay ang mamuhay ayon sa ating kinikita. At kung may isang bagay na nakapapagod at nakapanghihina ng loob at nakalulungkot, iyon ay ang magkaroon ng mga utang at obligasyon na hindi kayang bayaran ng isang tao’ (Gospel Standards, comp. G. Homer Durham [1941], 111).

“Inihahatid natin ang mensahe ng pag-asa sa sarili sa buong Simbahan. Ang pag-asa sa sarili ay hindi matatamo kapag may malaking utang na bumabagabag sa buong sambahayan. Ang isang tao ay walang kasarinlan o kalayaan mula sa pagkaalipin kapag may utang siya sa iba. …

“Napakasaya ng pakiramdam na maging malaya sa utang, na magkaroon ng kaunting perang itinabi sa araw ng emergency at maaaring makuha kapag kailangan. …

“Hinihimok ko kayo … na tingnan ang kundisyon ng inyong pananalapi. Hinihimok ko kayo na maging matipid sa inyong paggastos; disiplinahin ang inyong sarili sa pamimili para makaiwas sa utang hangga’t maaari. Agad bayaran ang inyong utang hangga’t kaya ninyo, at palayain ang inyong sarili sa pagkaalipin.

“Ito ay bahagi ng temporal na aspeto ng ebanghelyo na pinaniniwalaan natin. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon … na maisaayos ang inyong tahanan. Kung nakabayad na kayo sa inyong mga utang, kung may matitira sa inyo, kahit kaunti, pagdating ng mga unos, magkakaroon kayo ng kanlungan para sa inyong [pamilya] at kapayapaan sa inyong puso. Iyan lang ang kailangan kong sabihin tungkol dito, ngunit nais kong sabihin ito nang buong diin sa abot ng makakaya ko” (“To the Boys and to the Men,” Ensign, Nob. 1998, 53–54).

Doktrina at mga Tipan 19:38. Mga pagpapala na higit kaysa mga kayamanan ng mundo

Ipinangako ng Panginoon kay Martin Harris na kung siya ay masunurin, Kanyang “ibubuhos ang [Kanyang] Espiritu sa [kanya]” at tatanggap siya ng mga pagpapala na higit kaysa mga kayamanan ng mundo (D at T 19:38). Bagama’t maaaring mahirap para kay Martin na matanto ito noong panahong iyon, ang mga pagpapala na nauugnay sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon ngayon ay lalong higit pa sa kanyang ari-arian at kayamanan.

Ikinumpara ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga pagpapala ng langit at ang mga kayamanan sa lupa: “Sinasabi sa mga banal na kasulatan, ‘Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw; kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit’ [Mateo 6:19–20]. Ang mga yaman ng mundong ito ay [alabok] lang kumpara sa yamang naghihintay sa matatapat sa mga mansiyon ng ating Ama sa Langit. Malaking hangal ang taong inaaksaya ang panahon sa paghahangad ng mga bagay na kinakalawang at kumukupas. Kaytalino ng taong inuukol ang panahon sa paghahangad ng buhay na walang hanggan” (“Mga Pagkakautang sa Lupa at sa Langit,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 43).