Kabanata 1
Pambungad sa Doktrina at mga Tipan; Doktrina at mga Tipan 2
Pambungad at Timeline
“Ang Doktrina at mga Tipan ay katipunan ng mga banal na paghahayag at makapukaw na pagpapahayag na ibinigay ukol sa pagtatatag at pamamalakad ng kaharian ng Diyos dito sa mundo sa mga huling araw” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan, talata 1). Ang mga paghahayag na ito ay natanggap sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng ilan sa kanyang mga kahalili at “naglalaman ng isang paanyaya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo, na nangungusap para sa kanilang temporal na kabutihan at kanilang walang hanggang kaligtasan” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan, talata 1).
Ang bahagi ng Doktrina at mga Tipan na may pinakamaagang petsa ay naglalaman ng mga sinabi kay Joseph Smith ng anghel na si Moroni noong 1823, sa panahong nakatira pa ang pamilya Smith malapit sa Palmyra, New York. Sa pagdalaw na iyon, ibinahagi ni Moroni ang ilang mahahalagang propesiya mula sa Luma at Bagong Tipan, kabilang na ang isa na mula kay Malakias tungkol sa ipinangakong misyon ng propetang si Elijah sa mga huling araw. Ang propesiyang iyon, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 2, ay napakahalaga sa ating pagkaunawa sa plano ng Ama sa Langit na tubusin o iligtas ang Kanyang mga anak.
-
Mga huling buwan ng 1816Lumipat ang pamilya Smith sa Palmyra, New York mula sa Vermont.
-
Tagsibol 1820Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith.
-
Setyembre 21–22, 1823Dinalaw ng anghel na si Moroni si Joseph Smith (Doktrina at mga Tipan 2).
-
Nobyembre 19, 1823 Namatay ang nakatatandang kapatid ni Joseph Smith na si Alvin.
-
Enero 18, 1827Ikinasal sina Joseph Smith at Emma Hale.
Doktrina at mga Tipan: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Pinatnubayan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith hinggil sa Panunumbalik ng ebanghelyo, sa organisasyon ng Simbahan, at sa mga pangangailangan at responsibilidad ng mga partikular na indibiduwal. Marami sa mga paghahayag na ito na natanggap ng propeta ay isinulat ng mga eskriba o tagasulat, karaniwan sa hiwa-hiwalay na piraso ng papel, at kinopya kalaunan sa mga pinagsama-samang talaan.
Noong Nobyembre 1831 nagpulong sina Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa kumperensya ng mga elder sa Hiram, Ohio. Sa kumperensyang ito, ipinasiya ng mga lider ng Simbahan na tipunin at ilathala ang maraming paghahayag na natanggap ng Propeta sa aklat na may pamagat na Book of Commandments o Aklat ng mga Kautusan. Si William W. Phelps ay tinawag bilang “isang manlilimbag para sa simbahan” (D at T 57:11), at ang mga kopya ng paghahayag ay ipinadala sa kanya sa Independence, Missouri, para ilimbag. Halos matatapos na ang paglalatahala noong Hulyo 1833 nang pwersahang pasukin ng mga mandurumog [mob] ang palimbagan ni Phelps at wasakin ang gusali, ang palimbagan, at karamihan sa mga nailimbag nang mga paghahayag. Ilang mga tao, kabilang na ang dalawang dalagita—si Mary Elizabeth Rollins at kanyang kapatid na si Caroline—ay nagawang maisalba ang ilan sa mga nakalimbag na pahina, at kahit hindi kumpleto, ilang kopya ng aklat ang tinipon kalaunan.
Noong 1835 ang pangalawang pagtitipon ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith ay inilathala at tinawag na Doktrina at mga Tipan. Ang edisyong ito ay naglalaman ng 103 paghahayag at paunang salita. Kasama rin dito ang Lectures on Faith, pitong theological lecture na ibinigay sa Paaralan ng mga Elder noong taglamig ng 1834–1835. Ang unang edisyon ay inayos sa dalawang bahagi: unang bahagi (doktrina)—ang Lectures on Faith; pangalawang bahagi (mga tipan at kautusan)—ang mga paghahayag na natanggap hanggang sa panahong iyon. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, inedit ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2016], 382–96.) Ang Lectures on Faith ay inalis sa 1921 edition ng Doktrina at mga Tipan at sa sumunod na mga edisyon dahil ang mga ito ay lektyur o turo na panteolohiya na hindi ibinigay o inilahad bilang mga paghahayag sa Simbahan.
Sa mga inilimbag na mga bagong edisyon ng Doktrina at mga Tipan, maraming paghahayag ang nadagdag, at kasama sa mga edisyong ito ang bahagyang pagbabago tungkol sa paraan ng pagsasaayos ng mga paghahayag. Noong 1981 naglathala ang Simbahan ng isang bagong edisyon sa wikang Ingles ng “triple combination” (ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas) na may mas maraming footnotes at cross-reference at bagong indeks. Noong panahong iyon ang pangitain ni Propetang Joseph Smith noong 1836 tungkol sa kahariang selestiyal at ang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith noong 1918 tungkol sa pagtubos ng mga patay ay idinagdag sa Doktrina at mga Tipan bilang mga bahagi 137 at 138. Dalawang opisyal na pahayag din ang idinagdag: (1) ang Manipesto, na ibinigay ni Pangulong Wilford Woodruff, na nagpapabatid na ang pag-aasawa nang higit sa isa ay itinigil na, at (2) ang pagpapabatid ng Unang Panguluhan tungkol sa isang paghahayag na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball na nagtutulot na mapagkalooban ng priesthood at mga pagpapala ng templo ang lahat ng karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan. Ang pambungad, na may pamagat na Explanatory Introduction simula pa noong 1921 edition, ay binago rin sa 1981 edition ng Doktrina at mga Tipan. Ang binagong pambungad na ito ay nagbigay ng karagdagang impormasyon tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa katangian at layunin ng Doktrina at mga Tipan.
Noong Marso 1, 2013, ibinalita ng Unang Panguluhan ang mas bagong edisyon ng mga banal na kasulatan sa wikang Ingles. Maliban sa bahagyang pagwawasto sa teksto, karamihan sa mga pagbabago sa edisyong ito ng banal na kasulatan ay makikita sa tulong sa pag-aaral at sa mga section heading ng Doktrina at mga Tipan. Gayundin, sa Doktrina at mga Tipan, ang Explanatory Introduction ay pinalitan ng Pambungad at nagdagdag ng ilan pang detalye tungkol sa mga nakaraang edisyon kasama ang mga dahilan kung bakit ginawan ng bagong edisyon ang Doktrina at mga Tipan.
Pambungad sa Doktrina at mga Tipan
Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith at sa kanyang mga kahalili
Pambungad sa Doktrina at mga Tipan. “Katipunan ng mga banal na paghahayag”
Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng marami sa mga banal na paghahayag na tinanggap ni Propetang Joseph Smith. Ang mga paghahayag na ito ay ibinigay nang may diwa ng propesiya at paghahayag sa pamamagitan ng mga pangitain (tingnan sa D at T 76; 137; 138), mga pagdalaw ng mga sugo mula sa langit (tingnan sa D at T 2; 13; 27; 110), ng Urim at Tummim (tingnan din sa D at T 3; 6–7; 11; 14–17), at ng inspirasyon ng Espiritu Santo. Ilan sa mga paghahayag na ito ay ibinigay dahil sa mga itinanong ng Propeta habang ginagawa niya ang isang inspiradong pagsasalin ng Biblia (tingnan sa D at T 35; 73; 76–77; 86; 91; 132). Ibinigay ang iba pang mga paghahayag sa panahon na isinasalin ang Aklat ni Mormon at dahil sa mga tanong tungkol sa istruktura ng Simbahan at sa pagtatayo ng Sion.
Inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang kahalagahan ng makabagong aklat na ito ng banal na kasulatan:
“Ang Doktrina at mga Tipan ay kakaiba sa ating mga aklat ng banal na kasulatan. Ito ang konstitusyon ng Simbahang ito. Bagama’t ang mga Doktrina at mga Tipan ay kinapapalooban ng mga kasulatan at mga pahayag na may iba’t ibang pinagmulan, una sa lahat ito ay isang aklat ng paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng Propeta ng dispensasyong ito.
“Ang mga paghahayag na ito ay nagsisimula sa napakatinding pagpapahayag ng mga layunin ng Diyos sa pagpapanumbalik ng Kanyang dakilang gawain sa mga huling araw. …
“Mula sa maringal na panimulang iyan ay inihahayag ang napakagandang mga doktrina na nagmumula sa mga bukal ng walang hanggang katotohanan. Ang ilan ay tuwirang paghahayag, na idinikta ng Panginoon sa Kanyang Propeta. Ang ilan ay mga salita ni Joseph Smith, na isinulat o sinabi habang siya ay ginagabayan ng Espiritu Santo. Kasama rin sa kanyang salaysay ang mga pangyayari na naganap sa iba’t ibang sitwasyon. Kapag pinagsama-sama ang mga materyal na ito, ang mga ito ay bumubuo sa napakalaking bilang ng mga doktrina at gawain ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …
“Ang iba’t ibang bagay na tinalakay sa aklat ay kamangha-mangha. Kabilang dito ang mga alituntunin at patakaran hinggil sa pamamahala ng Simbahan. Inilahad dito ang kakaiba at pambihirang mga patakaran ukol sa kalusugan, na may pangakong pampisikal at pang-espirituwal. Ang tipan ng walang hanggang priesthood ay inilarawan sa isang pamamaraan na hindi matatagpuan sa ibang banal na kasulatan. Ang mga pribilehiyo at pagpapala—at ang mga limitasyon at oportunidad—ng tatlong antas ng kaluwalhatian ay inihayag, batay sa maikling paliwanag ni Pablo sa kaluwalhatian ng araw, at ng buwan, at ng mga bituin. Ang pagsisisi ay ipinahayag sa mga salitang malinaw at nakahihikayat. Ibinigay ang tamang paraan ng pagbibinyag. Ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos, na nagpalito sa mga teologo sa loob ng maraming siglo, ay inilarawan sa wikang naiintindihan ng lahat. Ang batas ng Panginoon sa pananalapi ay ipinahayag, iniuutos kung paano dapat makuha at gastusin ang mga pondo para sa pamamahala ng Simbahan. Ang gawain para sa mga patay ay inihayag para pagpalain ang mga anak ng Diyos sa lahat ng henerasyon” (“The Order and Will of God,” Ensign, Ene. 1989, 2, 4).
Ang Doktrina at mga Tipan ay isa sa mga aklat na tinatanggap bilang banal na kasulatan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga paghahayag at inspiradong sulatin sa Doktrina at mga Tipan ang bumubuo ng malakas na katibayan na patuloy na ginagawa ang pagdadala ng kaligtasan sa lahat ng anak ng Diyos. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na ang Doktrina at mga Tipan ay kasama ng Aklat ni Mormon sa pagdadala ng mga tao kay Cristo at sa Kanyang kaharian:
“Ang dalawang sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan sa mga huling araw ay binigkis bilang mga paghahayag mula sa Diyos ng Israel upang tipunin at ihanda ang Kanyang mga tao para sa ikalawang pagparito ng Panginoon. …
“Bawat isa sa dalawang sagradong banal na kasulatang ito sa mga huling araw ay nagbibigay ng makapangyarihan at malinaw na patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Tunay na bawat pahina ng Doktrina at mga Tipan at ng Aklat ni Mormon ay nagtuturo tungkol sa Panginoon—sa malaking pagmamahal Niya sa Kanyang mga anak at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo—at nagtuturo sa atin kung paano mamuhay sa paraang maaari tayong makabalik sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.
“Nasa bawat isa sa dalawang sagradong banal na kasulatang ito sa mga huling araw ang kaalaman at kapangyarihang tulungan tayong mamuhay nang mas mabuti sa panahon ng matinding kasamaan. Yaong mga mapanalanging sinasaliksik na mabuti ang mga pahina ng mga aklat na ito ay makasusumpong ng kapanatagan, payo, patnubay, at kakayahan na mapagbuti ang kanilang buhay.
“Ang Doktrina at mga Tipan ang nag-uugnay sa Aklat ni Mormon at sa patuloy na gawain ng Panunumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng mga humalili sa kanya.
“Sa Doktrina at mga Tipan natututo tayo tungkol sa gawain sa templo, mga walang-hanggang pamilya, mga antas ng kaluwalhatian, organisasyon ng Simbahan, at marami pang ibang dakilang katotohanan ng Panunumbalik. …
“Ang Aklat ni Mormon ang ‘saligang bato’ ng ating relihiyon, at ang Doktrina at mga Tipan ang batong pang-ibabaw [capstone], na may patuloy na paghahayag sa mga huling araw. Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang pagsang-ayon sa saligang bato at sa batong pang-ibabaw” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 154–55).
Inilarawan ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) kung paano dinadagdagan ng mga paghahayag na ibinibigay sa ating dispensasyon ang alam natin tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo: “Sinasabi ko sa aking mga kapatid na ang aklat ng Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng ilan sa mga pinakamaluwalhating alituntunin na inihayag sa sanlibutan, ang ilan ay inihayag nang may higit na kabuuan kaysa sa inihayag noon sa dagidig; at ito, sa katuparan ng pangako ng mga sinaunang propeta na sa mga huling panahon ihahayag ng Panginoon ang mga bagay sa sanlibutan na pinanatiling nakatago mula pa sa pagkakatatag niyon; at inihayag ang mga ito ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 51).
Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na halos lahat ng banal na kasulatan ay orihinal na ibinigay sa mga tao noong unang panahon. Sa kabilang banda, ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng salita ng Diyos na partikular na ibinigay sa mga anak ng Diyos sa ating dispensasyon. Nagpatotoo siya na ang “Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng salita ng Diyos sa mga nananahanan dito ngayon. Ito ay ating aklat. Ito ay pag-aari ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mas mahalaga kaysa ginto, sinabi ng Propeta [si Joseph Smith] na dapat pahalagahan ang mga ito nang higit kaysa mga kayamanan ng buong mundo” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie [1956], 3:199).
Pambungad sa Doktrina at mga Tipan. Patotoo ng Labindalawang Apostol
Nang ipasiya ng mga lider ng Simbahan sa kumperensya noong Nobyembre 1831 na tipunin ang mga paghahayag at ayusin ang mga ito para mailathala, naghanda si Propetang Joseph Smith ng pahayag ng pagpapatotoo tungkol sa banal na pinagmulan ng mga paghahayag (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, tinipon ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 110–14). Ipinakita ng mga dumalo roon ang kahandaan nilang magbigay ng patotoo sa katotohanan ng mga paghahayag. Maaaring ang patotoong ito ay ilalathala sana sa katapusan ng Aklat ng mga Kautusan tulad ng mga patotoo ng Tatlo at Walong Saksi na isinama sa katapusan ng 1830 edition ng Aklat ni Mormon. Gayunman, ang pahayag na ito ng pagpapatotoo ay hindi nakita sa mga inilathalang kopya ng Aklat ng mga Kautusan. Marahil ang dahilan nito ay ang naudlot na paglalathala nang wasakin ang palimbagan. Ang patotoo ng Labindalawang Apostol ay isinama sa 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan.
Doktrina at mga Tipan 2: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Setyembre 21, 1823, halos tatlong taon matapos matanggap ang Unang Pangitain, nanalangin ang 17-taong-gulang na si Joseph Smith para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan nang hangarin niyang malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Diyos. Bilang tugon sa panalanging ito, isang sugo mula sa langit na nagngangalang Moroni ang nagpakita at nagpahayag na ang Diyos ay may ipagagawa kay Joseph (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–33). Matapos sabihin ang tungkol sa paglabas ng sinaunang talaan na nakasulat sa mga laminang ginto, bumanggit si Moroni ng mga banal na kasulatan mula sa Luma at Bagong Tipan, pati na ng propesiya ni Malakias tungkol sa pagbabalik ni Elijah [o Elias] (tingnan sa Malakias 4:5–6). Isinama ni Propetang Joseph Smith ang iba-ibang propesiyang ito ni Malakias sa kanyang opisyal na kasaysayan, na kanyang sinimulang ihanda noong 1838. Ang mga sipi mula sa mga talang iyon ay isinama kalaunan sa Mahalagang Perlas (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:38–39) at isinama sa Doktrina at mga Tipan simula sa 1876 edition. Ang kahalagahan ng propesiyang ito ay nakikita sa kung gaano ito kadalas na makikita sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Malakias 4:4–6; Lucas 1:17; 3 Nephi 25:5–6; D at T 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:38–39). Sa pagkakasunud-sunod na ayon sa petsa, ang Doktrina at mga Tipan 2 ang pinakaunang bahagi ng Doktrina at mga Tipan.
Doktrina at mga Tipan 2
Isang anghel ang nagpakita kay Joseph Smith bilang sagot sa kanyang panalangin
Doktrina at mga Tipan 2:1–3. Ang Propetang si Elijah
Ang propetang si Elijah ng Lumang Tipan ay gumanap ng mahalagang tungkulin sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, at binanggit ang kanyang pangalan sa ilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan (tingnan sa D at T 2:1; 27:9; 35:4; 110:13–16; 128:17; 133:55; 138:46–48). Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung sino si Elijah at bakit siya bumalik sa ating panahon:
“Si [Elijah] ay propeta sa Lumang Tipan na pinagawa ng malalaking himala. Isinara niya ang kalangitan, at hindi umulan sa Israel sa loob ng 3½ taon. Pinarami niya ang harina at langis ng isang balong babae. Binuhay niya mula sa mga patay ang isang batang lalaki, at nagpababa ng apoy mula sa langit bilang paghamon sa mga propeta ni Baal. (Tingnan sa I Mga Hari 17–18.) Sa katapusan ng mortal na ministeryo ni [Elijah], siya “ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo” (II Mga Hari 2:11) at nagbago ng kalagayan.
“‘Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na tinaglay ni [Elijah] ang kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood at siya ang huling propeta na gumawa nito bago ang pagsilang ni Jesucristo’ (Bible Dictionary, ‘Elijah’). …
“Nagpakita si [Elijah] [kasama si] Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:3) at iginawad ang awtoridad na ito kina Pedro, Santiago, at Juan. Nagpakitang muli si [Elijah] [kasama si] Moises at iba pa noong Abril 3, 1836 sa Kirtland Temple at iginawad ang mga susi ring iyon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 24).
Doktrina at mga Tipan 2:1. “Ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote”
Nang nagpakita si Elijah sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836, natanggap na nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Melchizedek Priesthood mula sa mga kamay nina Pedro, Santiago, at Juan (sa pagitan ng Mayo–Hunyo 1829). Ang pangako na ang Panginoon ay “ipahahayag … ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah” (D at T 2:1) ay tumutukoy sa mga susi ng kapangyarihang magbuklod ng priesthood na ipinagkaloob ni Elijah kina Joseph at Oliver nang dumalaw siya sa Kirtland Temple (tingnan sa D at T 110:13–16).
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) kung bakit kailangan ang pagbisita ni Elijah para tulungan tayong matanggap ang lahat ng pagpapala ng priesthood:
“Ang diwa, kapangyarihan, at tungkulin ni Elijah ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi sa mga paghahayag, ordenansa, orakulo, kapangyarihan at mga pagkakaloob ng kabuuan ng [Melchizedek Priesthood] at sa kaharian ng Diyos sa lupa; at upang tanggapin, kamtin, at isagawa ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos, maging sa pagbaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ng mga puso ng mga anak sa mga ama, pati na ang mga nasa langit. …
“… Ano itong katungkulan at gawain ni Elijah? Ito ay isa sa mga pinakadakila at pinakamahalagang paksang inihayag ng Diyos. Dapat Niyang isugo si Elijah upang ibuklod ang mga anak sa mga ama, at ang mga ama sa mga anak. …
“Muli: Ang doktrina o kapangyarihan ni Elijah na magbuklod ay ang sumusunod:—Kung kayo ay may kapangyarihang magbuklod sa lupa at sa langit, dapat tayong maging matalino. Ang una ninyong gawin, humayo at magpabuklod sa lupa sa inyong mga anak, at sa inyong ama sa walang hanggang kaluwalhatian” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 364–65).
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung paano nagdulot ng malaking pagpapala ang pagdalaw ni Elijah noong 1836 sa mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood:
“Ang misyon ni Elijah ay ang kapangyarihang magbuklod. Hawak niya ang susi na magbubuklod sa mga magulang sa kanilang mga anak at sa mga anak sa kanilang mga magulang. Ipinagkaloob niya ang mga susing ito kay Propetang Joseph Smith. At angkop iyan sa mga patay gayon din sa mga buhay magmula noong dumating ang Panginoong Jesucristo.
“… Ngunit ano ang likas na katangian ng kanyang misyon sa lupa sa mga huling araw na ito? Iyon ay upang ibalik ang kapangyarihan at awtoridad na minsan ay ibinigay sa mga tao sa lupa at kung saan ay napakahalaga para sa kumpletong kaligtasan at kadakilaan ng mga tao sa kaharian ng Diyos. Sa madaling salita, pumarito si Elijah upang ipanumbalik sa lupa, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga mortal na propeta na inatasan ng Panginoon, ang kabuuan ng kapangyarihan ng priesthood. Ang priesthood na ito ang may hawak ng mga susi ng pagbibigkis at pagbubuklod sa lupa at sa langit ng lahat ng ordenansa at alituntuning nauukol sa kaligtasan ng tao, nang sa gayon ay magkaroon ito ng bisa sa kahariang selestiyal ng Diyos” (Doctrines of Salvation, 2:117).
Doktrina at mga Tipan 2:1. “Dakila at kakila-kilabot na araw”
Ang “dakila at kakila-kilabot na araw” na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 2:1 ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ito ay magiging panahon ng kagalakan at kasiyahan sa mga taong nagsipaghanda para sa Kanyang pagparito (tingnan sa Malakias 4:2–3; D at T 101:32–35), ngunit ito ay isang kakila-kilabot na panahon ng paglipol sa masasama (tingnan sa Malakias 4:1; D at T 29:9; 101:24–25).
Doktrina at mga Tipan 2:2. Sino ang mga ama at mga anak na binabanggit sa propesiyang ito?
Itinuro sa Doktrina at mga Tipan 2:2 na ang mga anak at mga ama ay kapwa maiimpluwensyahan ng ipinangakong pagdalaw ni Elijah sa mga huling araw. Patungkol sa propesiya na “itatanim [ni Elijah] sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama” (D at T 2:2), ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sino ang mga ama? Ito ay sina Abraham, Isaac, at Jacob, kung kanino ginawa ang mga pangako. Ano ang mga pangako? Ito ang mga pangako na magpapatuloy ang pamilya sa kawalang-hanggan” (The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 267; tingnan din sa D at T 27:10).
Tinutulungan tayo ng paghahayag sa mga huling araw na maunawaan na ang mga miyembro ng Simbahan ay mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kanilang lahi o sa pamamagitan ng pag-ampon (tingnan sa Abraham 2:9–10). Ang mga pangakong ibinigay sa mga sinaunang patriarch na ito sa pamamagitan ng tipan ay matatamo rin ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga pangakong matatagpuan sa tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham at sa iba:
“Ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham at kalaunan ay pinagtibay kina Isaac at Jacob ay pambihira ang kahalagahan. Naglalaman ito ng ilang pangako, kabilang ang:
“• Si Jesus na Cristo ay isisilang sa pamamagitan ng lahi o lipi ni Abraham.
“• Ang mga inapo ni Abraham ay magiging napakarami, may karapatan sa walang-hanggang pag-unlad, at may karapatan ding taglayin ang priesthood.
“• Si Abraham ay magiging ama ng maraming bansa.
“• Ang ilang lupain ay mamanahin ng kanyang mga inapo.
“• Lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng kanyang binhi.
“• At ang tipang iyon ay panghabampanahon—maging hanggang sa ‘isang libong salin ng lahi’ [Deuteronomio 7:9; I Mga Cronica 16:15; Mga Awit 105:8].
“Ang ilan sa mga pangakong ito ay natupad na; ang iba ay naghihintay pang matupad. …
“… Natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang-hanggang ebanghelyo. May karapatan tayong tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo, tamasahin ang mga pagpapala ng priesthood, at maging marapat sa pinakamalaking pagpapala ng Diyos—ang buhay na walang hanggan.
“Ang ilan sa atin ay literal na binhi ni Abraham; ang iba ay natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pag-ampon. Ang Panginoon ay walang itinatangi. Sama-sama nating natatanggap ang mga ipinangakong pagpapala—kung hahanapin natin ang Panginoon at susundin ang Kanyang mga utos” (“Mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 87–88).
Ang ibang gamit ng mga salitang mga ama ay matatagpuan din sa Doktrina at mga Tipan 2:2, kung saan nakasaad sa propesiya na “ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.” Ayon kay Pangulong Joseph Fielding Smith, ang pariralang, ang “kanilang mga ama” ay tumutukoy sa “ating mga ninunong namatay na hindi nagkaroon ng pribilehiyong tanggapin ang Ebanghelyo, ngunit natanggap ang pangako na darating ang panahon na ipagkakaloob sa kanila ang pribilehiyong ito. Ang mga anak ay ang mga taong nabubuhay ngayon na naghahanda ng kanilang genealogy at nagsasagawa ng mga ordenansa sa mga Templo para sa mga patay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 252).
Doktrina at mga Tipan 2:2. “Ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama”
Ang plano ng Diyos na tubusin ang mga patay ay hindi ipinanumbalik kaagad nang ganap kundi nang paunti-unti kay Propetang Joseph Smith at sa mga humalili sa kanya. Ang propesiya ni Moroni kay Joseph Smith noong 1823 ay ang unang turo tungkol sa paksang iyan na ibinigay sa dispensasyong ito. Ang pagtanggap sa tagubiling ito nang napakaaga sa proseso ng Panunumbalik ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng doktrina ng pamilya sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ginagampanan ng pamilya sa pagtubos sa mga patay: “Ang pagbaling ng puso ng mga anak sa mga ama ay paglalagay o pagtatanim sa puso ng mga anak ng damdaming iyon na magbibigay ng inspirasyon sa kanila na saliksikin ang mga talaan ng mga patay. At talagang kinakailangan na maitimo ang hangarin at inspirasyong iyon sa kanilang puso. Dapat taglay nila ito upang makapasok sila sa bahay ng Panginoon at maisagawa ang kinakailangang gawain para sa kanilang mga ama, na namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo, o walang pribilehiyong matanggap ang kabuuan ng ebanghelyo” (Doctrines of Salvation, 2:127–28).
Doktrina at mga Tipan 2:2. Ang impluwensya ng pagdalaw ni Elijah
Ang pagdalaw ng propetang si Elijah noong 1836 sa Kirtland Temple ay naging simula ng espirituwal na impluwensya sa mga tao sa buong mundo. Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang epekto ng “Diwa ni Elijah”:
“Ang pagbalik ni Elijah sa lupa ay naganap sa unang templo na itinayo sa dispensasyong ito, kung saan siya at ang iba pang mga sugo mula sa langit, sa utos ng Panginoon, ay ipinagkaloob ang mga susi ng priesthood sa ipinanumbalik na Simbahan:
“• Ipinagkatiwala ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel;
“• Ipinagkatiwala ni Elias ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham; at
“• Dumating si Elijah upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama.
“Dahil diyan, ang likas na pagmamahal sa isa’t isa ng mga henerasyon ay nagsimulang mapagyaman. Kasama sa panunumbalik na ito ang tinatawag kung minsan na Diwa ni Elijah—isang pagpapamalas ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa kabanalan ng pamilya. Dahil dito, ang mga tao sa buong mundo, anuman ang kanilang relihiyon, ay nagtitipon ng talaan ng mga pumanaw na kamag-anak at ang bilang ng kanilang naitatala ay mabilis na nadaragdagan” (“A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34).
Doktrina at mga Tipan 2:3. “Ang buong mundo ay lubusang mawawasak”
Sa plano ng pagtubos ng Panginoon, isa sa mga layunin ng mundo ay maging selestiyal na tahanan para sa mga gumagawa at tumutupad ng kanilang mga tipan sa kanilang Ama sa Langit (tingnan sa D at T 88:17–20). Ito ay magiging isang lugar kung saan ang mga pamilya ay mabubuhay nang magkakasama magpakailanman. Dahil sa kapangyarihang magbuklod ng priesthood na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Elijah, naging posible na mabuklod at magkaugnay ang mga mag-asawa at mga magulang at mga anak—isang gawain na mahalaga sa kadakilaan ng buhay at mga patay. Kung wala ang kapangyarihang magbuklod, hindi matatanggap ng mga anak ng Diyos ang lubos na mga pagpapala ng kadakilaan at hindi sana maisasakatuparan ang layuning ito ng paglikha sa mundo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Bakit mawawasak ang mundo? Simple lang, dahil kung walang nag-uugnay sa mga ama at anak—na siyang gawain para sa mga patay—itatatwa tayong lahat; ang buong gawain ng Diyos ay mabibigo at lubusang masasayang” (Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 250).
Ipinaliwanag pa ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang isang mahalagang hakbang para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos ay ang pagpapanumbalik ng kapangyarihang magbuklod:
“Kung wala ang nag-uugnay na iyon, walang ugnayan ng pamilya ang iiral sa kawalang-hanggan, at sa katunayan maiiwan sa kawalang-hanggan ang pamilya ng tao nang ‘wala kahit ugat [mga ninuno] ni sanga [mga inapo] man.’
“Yamang … ang pinakalayunin ng mortalidad ay isang pamilya ng Diyos na ibinuklod, pinag-isa, at nagtamo ng selestiyal na kaluwalhatian, anumang pagkabigo rito ay totoong isang sumpa, at dahil dito ang buong plano ng kaligtasan ay ‘lubusang mawawasak’” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 297–98).