Institute
Kabanata 3: Doktrina at mga Tipan 3; 10


Kabanata 3

Doktrina at mga Tipan 310

Pambungad at Timeline

Noong tag-araw ng 1828, nilisan ni Martin Harris ang Harmony, Pennsylvania, dala ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon para ipakita sa mga miyembro ng kanyang pamilya na nakatira sa Palmyra, New York. Nang hindi bumalik si Martin sa takdang panahon, nagpunta si Joseph Smith sa bahay ng kanyang mga magulang sa Manchester, New York, kung saan niya nalaman na nawala ni Martin ang mga pahina ng manuskrito. Nabalisa si Joseph at umuwi kinabukasan sa kanyang tahanan sa Harmony. Pagdating doon noong Hulyo 1828, natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3. Sa paghahayag na ito pinagsabihan ng Panginoon si Joseph at sinabi sa kanya na pansamantalang mawawala sa kanya ang pribilehiyong magsalin, ngunit binigyan din siya ng katiyakan ng Panginoon, at sinabing, “Ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:10). Bukod pa rito, ipinaliwanag ng Panginoon ang Kanyang layunin sa pagpapalabas ng Aklat ni Mormon at ipinahayag na ang Kanyang gawain ay mananaig sa kabila ng kasamaan ng mga tao.

Matapos maranasan ni Joseph Smith ang “panahon” ng pagsisisi (D at T 3:14), ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, na kinuha ni Moroni sa kanya noong nawala ang manuskrito, ay ibinalik sa kanya at siya ay binigyang muli ng kaloob na makapagsalin. Noong mga Abril 1829, matapos ipagpatuloy ang pagsasalin, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 10 (maaaring natanggap ang ilang bahagi ng paghahayag na ito noon pang tag-araw ng 1828). Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon na hindi na muling isasalin ni Joseph ang mga nawalang pahina ng manuskrito. Nalaman ng Propeta na noon pa mang sinaunang panahon ay may inspiradong paghahanda nang ginawa upang mapunan ang pagkawala ng manuskrito at mapangalagaan ang mensahe ng Aklat ni Mormon.

Hunyo 14, 1828Dinala ni Martin Harris ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon mula sa Harmony, Pennsylvania, patungong Palmyra, New York.

Hulyo 1828Naglakbay si Joseph Smith patungong Manchester, New York, at nalamang nawala ang manuskrito.

Hulyo 1828Bumalik si Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania, at natanggap ang Doktrina at mga Tipan 3.

Setyembre 22, 1828Dahil kinuha sa kanya ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim matapos ang kanyang paglabag na may kinalaman sa manuskrito, natanggap muli ni Joseph Smith ang mga ito mula kay Moroni.

Abril 1829Dumating si Oliver Cowdery sa Harmony upang tumulong sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Abril 1829Ang Doktrina at mga Tipan 10 ay natanggap (maaaring natanggap ang ilang bahagi nito noon pang tag-araw ng 1828).

Doktrina at mga Tipan 3: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Natanggap ni Popetang Joseph Smith ang mga laminang ginto noong Setyembre 1827 habang siya at ang kanyang asawang si Emma Hale Smith ay nakatira sa bahay ng kanyang mga magulang malapit sa Palmyra, New York. Noong Disyembre 1827, ang matinding pag-uusig, kabilang na ang pagtatangkang nakawin ang mga lamina, ang naging dahilan ng paglipat nina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania, kung saan nakatira ang mga magulang ni Emma. Si Martin Harris, isang mayamang magsasaka at negosyante sa Palmyra, ang kaagad na sumuporta sa propeta at nagbigay ng pinansiyal na tulong para makatulong sa paglipat.

Noong Pebrero 1828, si Martin Harris ay naglakbay patungong Harmony at nakatanggap ng kopya ng ilan sa mga sinaunang karakter o titik na kinopya ni Joseph mula sa mga laminang ginto, kasama ang salin ng propeta ng mga titik na iyon. Nagpunta Si Martin sa New York City para kausapin ang mga iskolar na sina Propesor Charles Anthon at Dr. Samuel Mitchell (o Mitchill), na may kaalaman sa sinaunang mga wika at sibilisasyon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65). Kalaunan ay naglingkod si Martin bilang tagasulat ng propeta mula Abril hanggang Hunyo 1828 nang isalin ni Joseph ang unang bahagi ng Aklat ni Mormon. Sa panahong ito, nagsimulang pag-alinlanganan ng asawa ni Martin na si Lucy ang pagsuporta ng kanyang asawa kay Joseph at sa interes at pagtustos ni Martin sa pagsasalin ng mga lamina. Upang pahupain ang pag-aalala nito, hiniling ni Martin kay Joseph na ihingi ng pahintulot sa Panginoon na madala niya ang 116 na naisaling pahina ng manuskrito upang ipakita sa kanyang asawa at iba pang mga miyembro ng pamilya bilang katibayan.

Isinalaysay ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod: “Nagtanong ako, at ang sagot ay hindi niya ito dapat dalhin. Gayunman, hindi siya nasiyahan sa sagot na ito, at muli niya itong ipinatanong sa akin. Nagtanong nga ako, at gayon din ang naging sagot. Subalit hindi pa rin siya nasiyahan, at ipinilit na dapat akong magtanong muli. Pagkaraan ng maraming pakiusap muli akong nagtanong sa Panginoon, at pinayagan na siyang maiuwi ang mga naisulat sa ilang kundisyon” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 9, josephsmithpapers.org). Nangako si Martin Harris kay Joseph na ipapakita lamang niya ang manuskrito sa kanyang asawa; sa kanyang kapatid na si Preserved Harris; sa kanyang mga magulang na sina Nathan at Rhoda Harris; at sa kapatid ng kanyang asawa na si Maria Harris Cobb (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 6, footnote 25).

Umuwi si Martin Harris sa Palmyra, New York, dala ang 116 na pahina ng manuskrito. Noong araw na lumisan si Martin, nagsilang si Emma ng isang anak na lalaki, na namatay kaagad. Muntik na ring mamatay si Emma, at binantayan siya ni Joseph nang ilang linggo. Noong Hulyo 1828, tatlong linggo nang wala si Martin at wala silang anumang balita mula sa kanya. Si Emma, na unti-unti nang gumagaling, ay hinikayat si Joseph na pumunta sa New York at alamin kung bakit walang ipinapahatid na kahit anong balita si Martin. Nagpunta si Joseph sa bahay ng kanyang mga magulang at pinasundo si Martin.

lapida ng sanggol na anak nina Joseph at Emma Smith

Ang sanggol na anak nina Joseph at Emma ay inilibing sa McKune Cemetary, malapit sa kanilang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, noong Hunyo 1828 (larawang kuha noong mga 1897–1927).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Itinala ni Lucy Mack Smith, ina ni Propetang Joseph Smith, na dahil inaasahan nilang darating si Martin sa oras ng almusal, naghain ang pamilya at naghintay, ngunit halos katanghalian na nang dumating siya. Nang sa wakas ay nakapasok na siya sa bahay, umupo siya sa mesa “dinampot ang kanyang mga kutsilyo at tinidor na para bang gagamitin niya ang mga ito ngunit nabitawan.” Nang tanungin kung ayos lamang ba siya, si Martin Harris ay “humiyaw na puno ng dalamhati, ‘Ah! Wala na akong pag-asa. Wala na akong pag-asa.’

“Si Joseph, na pilit na itinatago ang damdamin ay biglang tumayo mula sa mesa, at bumulalas ng, ‘Ah! Martin, nawala mo ba ang manuskritong iyon! Sinira mo ba ang iyong sumpa, at ipinahamak ako at pati na ang sarili mo?’

“‘Oo,’ sagot ni Martin, ‘nawala iyon at hindi ko alam kung nasaan.’”

Sa labis na takot at pagsisisi sa sarili, ibinulalas ni Joseph, “‘Nawala nang lahat! Nawala nang [lahat]! Anong gagawin ko? Nagkasala ako. Ako ang dahilan kaya napoot ang Diyos dahil hiniling ko ang bagay na wala akong karapatang hilingin, na taliwas sa tagubilin ng anghel’—at umiyak siya at naghinagpis, walang tigil sa paglakad nang paroo’t parito sa sahig.

“Sa wakas sinabi niya kay Martin na bumalik sa tahanan nito at maghanap na muli.

“‘Hindi,’ sabi ni G. Harris, ‘wala nang kabuluhang gawin iyan, dahil hinalughog ko na ang bawat sulok ng bahay. Tinastas ko pa ang mga kumot at unan [sa paghahanap sa manuskrito], kaya alam kong wala iyon doon.’

“‘Kung gayon,’ sabi ni Joseph, ‘uuwi ba ako na may ganitong kuwento? “Hindi ko magagawa iyan … , at paano ako makahaharap sa Panginoon? Ano pang pagkagalit ang hindi nararapat sa akin mula sa Anghel ng Kataas-taasang Diyos?’” (“Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 7, mga pahina 5–6, josephsmithpapers.org; ang pagbabantas, paggamit ng malalaking titik, at pagtatalata ay iniayon sa pamantayan).

Nang makabalik sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania nang hindi dala ang mga pahina ng manuskrito, ibinuhos ni Joseph Smith ang kanyang kaluluwa sa Diyos para sa kapatawaran. Ang sugo mula sa langit na si Moroni ay nagpakita kay Joseph at nagbigay sa kanya ng mga kasangkapan sa pagsasalin, o Urim at Tummim, na ginamit ni Joseph habang nagsasalin. Ang Urim at Tummim ay kinuha kay Joseph dahil “napagal sa kanya ang Panginoon sa paghingi ng pahintulot na madala ni Martin ang mga manuskrito” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 10, josephsmithpapers.org). Matapos magpakita si Moroni at ibalik ang Urim at Tummim, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3.

Mapa 3: Hilagang-Silangang Estados Unidos
Mapa 4: Palmyra-Manchester, New York, 1820–31

Doktrina at mga Tipan 3

Ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay hindi mabibigo at pinagsabihan si Joseph Smith

Doktrina at mga Tipan 3:1–3. “Ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo”

Maaaring inisip ni Joseph Smith na napakalaking hadlang ang pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito sa plano ng Panginoon na ilabas ang Aklat ni Mormon. Gayunman, tiniyak muli ng Panginoon sa Kanyang propeta na walang makahahadlang o makasisira ng mga hangarin at gawain ng Diyos. Isang mahalagang katangian ng Diyos ang Kanyang walang hanggang karunungan, pati ang Kanyang kaalaman sa mga mangyayari sa simula pa lamang. Walang maaaring gawin ang tao o si Satanas na ikagugulat ng Diyos o makahahadlang sa Kanya na maisakatuparan ang Kanyang mga hangarin. Alam niya ang lahat ng bagay dahil ang lahat ng bagay ay nasa harapan niya, kabilang na ang “nakaraan, kasalukuyan, at panghinaharap” (D at T 130:7; tingnan din sa D at T 38:2; 88:41). Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo: “Ang tagumpay at kabiguan ng tao ay alam na ng Panginoon sa simula pa lamang at Kanyang isinasaalang-alang sa paglalahad ng Kanyang plano ng kaligtasan. (Tingnan sa 1 Ne. 9:6.) Ang Kanyang mga hangarin ay lubos na matutupad” (“Shine as Lights in the World,” Ensign, Mayo 1983, 11).

Doktrina at mga Tipan 3:2. “Ang Diyos ay hindi lumalakad sa mga liku-likong landas” at “ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot”

Upang linawin kung bakit “ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay” (D at T 3:1), inilahad ng Panginoon ang mahahalagang detalye tungkol sa Kanyang katangian. Ang landas na sinusunod ng Diyos ay hindi liku-liko. Ito ay tuwid, ibig sabihin hindi Siya pabagu-bago at ang Kanyang hakbangin ay patuloy sa paglipas ng panahon. Dahil ang Diyos ay hindi nagpapabagu-bago “sa kanan ni sa kaliwa” (D at T 3:2), maaari tayong magtiwala at umasa sa Kanyang salita at sa Kanyang mga pangako.

Nilinaw ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pagiging “isang walang hanggang pag-ikot” ng hakbangin ng Diyos (D at T 3:2): “Ang Diyos ay namamahala ayon sa batas—nang lubos, ganap, hindi pabagu-bago, at nananatili sa tuwina. Itinakda niya na ang magkakatulad na resulta ay palaging magmumula sa magkakatulad na sanhi. Siya ay hindi nagtatangi ng mga tao, at siya ay isang Nilalang ‘na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.’ (Sant. 1:17; D at T 3:1–2.) Kaya nga, ang ‘hakbangin [ng Panginoon] ay isang walang hanggang pag-ikot, ang siya ring ngayon, kahapon, at magpakailanman.’ (D at T. 35:1)” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 545–46).

larawan ni Martin Harris

Si Martin Harris ay naglingkod bilang tagasulat noong isinasalin ang Aklat ni Mormon.

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Doktrina at mga Tipan 3:4–8, 15. “Hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos”

Maaaring nahirapang tanggihan ni Joseph Smith ang walang tigil na pakiusap ni Martin Harris na payagan siyang dalhin ang mga naisaling pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Si Martin ay mahigit 20 taon ang tanda kay Joseph at isa sa mga unang naniwala sa kanya at naghangad na tumulong sa gawain. Sinuportahan niya ng pera ang Propeta at nag-ukol ng maraming oras sa pagtulong sa gawain ng pagsasalin. Gayon pa man, pinagsabihan ng Panginoon si Joseph dahil nagpadala ito sa pakiusap ni Martin at ipinaliwanag na dapat ay kinatakutan niya ang Diyos at nagtiwala sa Kanyang kapangyarihang tulungan siya. Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng katakutan ang Diyos:

“Maraming tala sa mga banal na kasulatan na nagpapayo sa mga tao na matakot sa Diyos. Sa ating panahon ang karaniwang interpretasyon natin sa salitang takot ay ‘paggalang’ o ‘pagpipitagan’ o ‘pagmamahal’; ibig sabihin, ang takot sa Diyos ay ang pagmamahal sa Diyos o paggalang sa Kanya at sa Kanyang batas. Maaaring tama nga ang ganyang kahulugan, ngunit kung minsan ay iniisip ko kung ang takot nga ba ay hindi talaga nangangahulugan ng takot, tulad ng sinasabi ng mga propeta na pagkatakot na saktan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsuway sa Kanyang mga utos. …

“Naniniwala ako na ang takot sa Panginoon, o ang tinatawag ni Pablo na ‘katakutan’ (Sa Mga Hebreo 12:28), ay dapat maging bahagi ng ating pagpipitagan sa Kanya. Dapat natin Siyang mahalin at pagpitaganan sa puntong natatakot tayong gumawa ng anumang mali sa Kanyang paningin, anuman ang mga opinyon o impluwensya ng iba” (“A Sense of the Sacred” [Brigham Young University fireside, Nob. 7, 2004], 8; speeches.byu.edu).

Doktrina at mga Tipan 3:9–11. “Ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo”

Isinulat ng ina ng Propeta, si Lucy Mack Smith, na sinisi ni Joseph ang kanyang sarili nang malaman niya na naiwala ni Martin Harris ang manuskrito. Inilarawan niya ang paghihirap ni Joseph: “Umiyak siya at naghinagpis, walang tigil sa paglakad-lakad sa sahig. … Napuno ng mga hikbi at matinding hinagpis ang buong bahay. Si Joseph ang higit na nagdusa dahil natitiyak niya batay sa kanyang malungkot na karanasan ang kahihinatnan ng isang bagay na maaaring para sa iba ay simpleng pagpapabaya lamang ng tungkulin. Patuloy siyang nagpalakad-lakad, nananangis at nagdadalamhati na parang isang sanggol hanggang sa halos magdapit-hapon na. Pinilit namin siyang kumain kahit kaunti” (“Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 7, pages 6–7, josephsmithpapers.org; ang pagbabantas, pagbabaybay, at pagpapalaki ng mga letra ay iniayon sa pamantayan).

Ang pagdadalamhati ni Joseph Smith ay nagpatuloy hanggang sa dalawin siya ni Moroni sa Harmony, Pennsylvania, at natanggap ni Joseph ang sumusunod na paghahayag mula sa Panginoon: “Tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid magsisi sa yaong iyong nagawa … at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:10).

kopya ng mga karakter o titik ng Aklat ni Mormon

Ang mga titik na kinopya mula sa mga lamina ng Aklat ni Mormon

Inilarawan ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu ang karanasan ni Joseph:

“Dinisiplina ang batang si Joseph Smith nang apat na taong pagsubok bago niya makuha ang mga lamina, ‘dahil hindi mo nasunod ang mga utos ng Panginoon’ [sa The Joseph Smith Papers, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at iba pa (2012), 83]. Kalaunan, nang mawala ni Joseph ang 116 na pahina ng manuskrito, muli siyang dinisiplina. Bagama’t talagang nagsisi siya, binawi pa rin ng Panginoon ang kanyang mga pribilehiyo sa maikling panahon dahil ‘ang aking minamahal ay akin ding pinarurusahan upang ang kanilang mga kasalanan ay mapatawad’ (D at T 95:1).

“Sinabi ni Joseph, ‘Nagalak ang anghel nang ibalik niya sa akin ang Urim at Tummim at sinabi na nasisiyahan ang Diyos sa aking katapatan at pagpapakumbaba, at minahal ako dahil sa aking pagsisisi at kasigasigan sa pagdarasal’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 71; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Dahil gusto ng Panginoon na turuan si Joseph ng aral na nagpapabago ng puso, hiniling Niya ang mapait na sakripisyo—dahil ang sakripisyo ay mahalagang bahagi ng disiplina” (“Ang Tapat na Hukom,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 97).

Maraming halimbawa sa makabagong paghahayag ng pagdisiplina ng Panginoon sa mga tao o pagtawag sa kanila na magsisi (tingnan sa D at T 19:13–15; 30:1–3; 64:15–17; 112:1–3, 10–16.) Ang nilalaman ng Doktrina at mga Tipan 3:6–11 ay nagpapatunay na maging si Propetang Joseph Smith ay itinatama ng Panginoon sa kanyang mga pagkakamali at kahinaan. Gayon pa man, dahil siya ay nagsisi, tinawag pa rin ng Panginoon si Joseph Smith na gawin ang Kanyang gawain.

larawan ni Charles Anthon

Sinuri ni Charles H. Anthon, ng Columbia University, New York, ang mga titik na kinopya mula sa mga lamina ng Aklat ni Mormon.

Ipinaalala sa atin ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga lider ng Simbahan ay hindi perpekto, subalit maaari tayong magtiwala na sila ay binibigyan ng inspirasyon at kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan nila:

“Ang Simbahan ni Jesucristo ay laging pinamumunuan ng mga buhay na propeta at apostol. Bagama’t mortal at may kahinaan bilang tao, ang mga lingkod ng Panginoon ay may inspirasyong tumutulong sa atin upang maiwasan ang mga balakid na nakamamatay sa espiritu at tutulong sa atin na ligtas na makapaglakbay sa buhay na ito tungo sa ating huli, at makalangit na destinasyon.

“Sa aking halos 40 taon ng malapit na pakikipag-ugnayan, ako ay personal na saksi na kapwa ang tahimik na inspirasyon at matinding paghahayag ang nagpapakilos sa mga propeta at apostol, sa iba pang mga General Authority, at mga lider ng auxiliary. Bagama’t hindi perpekto o [may mga pagkakamali], ang mabubuting kalalakihan at kababaihang ito ay lubos na nakalaan sa pamumuno sa gawain ng Panginoon ayon sa Kanyang utos. …

“Iniisip ng napakaraming tao na dapat maging perpekto o halos perpekto ang mga lider at miyembro ng Simbahan. Nalilimutan nila na ang biyaya ng Panginoon ay sapat para maisakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga mortal. …

“Ang pagtutuon ng pansin sa kung paano binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang piniling mga lider at paano Siya kumikilos sa mga Banal para gawin ang kalugud-lugod at kahanga-hangang mga bagay sa kabila ng kanilang pagiging tao ay isang paraan ng pagkapit natin sa ebanghelyo ni Jesucristo” (“Ang Diyos ang Namamahala,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 24–25).

Doktrina at mga Tipan 3:12–13. “Mga kamay ng isang masamang tao”

Ang paglabag ni Martin Harris sa tipan na ginawa niya na ipapakita lamang ang manuskrito sa limang binanggit na tao ay naging sanhi ng mahigpit na pagsaway mula sa Panginoon, na tinukoy si Martin na “isang masamang tao” (D at T 3:12). Dahil pinili ni Martin na umasa sa sarili niyang karunungan at pagpapasiya, nawala sa kanya ang mga pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon at nawala kay Joseph Smith ang pribilehiyong magsalin nang “ilang panahon” (D at T 3:14). Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang “kasamaan [ni Martin] ay bunga ng kanyang makasariling pagnanais na bigyang-kasiyahan ang sariling kagustuhan na salungat sa kalooban ng Panginoon, matapos na ipagkait sa kanya ang kahilingang ito bago ito ipagkaloob” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:28).

Doktrina at mga Tipan 3:16–20. “Dahil sa layuning ito kaya iningatan ang mga laminang ito”

Inilarawan ng mga propeta sa Aklat ni Mormon, na tulad nina Nephi, Jacob, at Moroni, ang mga layunin ng Panginoon para sa pagpapalabas ng sagradong talaang ito (tingnan sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon; 2 Nephi 33:4–5; Jacob 4:3–4; Eter 8:26). Hindi pa naisasalin ni Propetang Joseph Smith ang alinman sa mga talatang ito nang matanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3, at ang mga talata 16–20 ay maaaring nagpalawak sa pag-unawa niya sa layunin at tadhana ng Aklat ni Mormon.

Doktrina at mga Tipan 10: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 10 sa Harmony, Pennsylvania, ngunit hindi alam kung kailan ang eksaktong petsa nito. Maaaring natanggap ng Propeta ang ilang bahagi ng paghahayag na ito noon pang Hulyo 1828, matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 3. Gayunman, tila naitala ang paghahayag nang sumunod na tagsibol, noong Abril 1829 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10, section heading).

Kasunod ng pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito, ibinaik sa Propeta ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim, kasama ang pagtiyak ng Panginoon na ang kaloob na makapagsaling-wika ay “ibinalik na [muli sa kanya]” (D at T 10:3). Noong Marso 1829, ipinagpatuloy ng Propeta ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, kasama ang kanyang asawang si Emma, na tumutulong paminsa-minsan bilang kanyang tagasulat, ngunit mabagal na nagpatuloy ang pagsasalin hanggang sa dumating si Oliver Cowdery noong Abril 5 at nagsimulang maglingkod bilang tagasulat ni Joseph kinabukasan.

Sa tulong ni Oliver, sinimulan ni Joseph ang pagsasalin sa Aklat ni Mosias, sa bahaging isinasalin niya bago mawala ang manuskrito. Nang malapit na niyang matapos ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon, inisip ni Joseph kung kailangan ba niyang bumalik sa simula ng talaan at isaling muli ang nawalang bahagi. Bilang tugon, itinuro ng Panginoon sa Propeta ang istratehiya ni Satanas na sirain ang gawain ng Diyos at sinabi sa kanya na huwag isaling muli ang bahaging iyon ng mga lamina at sa halip ay isalin niya ang maliliit na lamina ni Nephi. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 38–39.) Ang maliliit na lamina ay isang espirituwal na talaan, na pangunahing nakatuon sa pangangaral, paghahayag, at propesiya (tingnan sa Jacob 1:4). Ipinaliwanag ng Panginoon na saklaw ng maliliit na lamina ang panahon ng mga pangyayari na nakatala sa nawalang bahagi ngunit sa maraming kaparaanan ay “magbibigay ng mas malawak na pananaw” sa Kanyang ebanghelyo (D at T 10:45).

Doktrina at mga Tipan 10:1–29

Inihayag ng Panginoon ang plano ni Satanas na wasakin si Joseph Smith at ang gawain ng Diyos

Doktrina at mga Tipan 10:1–4. “Huwag kang tumakbo nang mas mabilis o gumawa nang labis kaysa sa iyong lakas”

Hanggang noong Marso 1829, dahil sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito, wala nang hawak si Propetang Joseph Smith na mga naisaling pahina na magpapakita ng progreso sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, kahit na ibinigay sa kanya ang mga lamina noong Setyembre 1827. Kahit isang napakahalagang tungkulin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, hindi iniutos ng Panginoon sa Propeta na gumawa nang higit sa lakas at kakayahang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell kung paano dapat naglilingkod at gumagawa ang mga mortal na tagapaglingkod ng Panginoon:

“Nais ng Panginoon na tayo ay maging masigasig ngunit maingat. Hindi natin dapat madaliin ang pagbuhat ng ating krus para lamang malaman kung kaya natin ito at ilapag ito pagkatapos—kailangan nating buhatin ito upang mabalanse ang ating buhay. At mahalaga ang tamang bilis. …

“Ang pagtakbo nang mas mabilis kaysa kaya natin ‘ay hindi kinakailangan.’ Ang paggawa ng mga bagay nang masigasig ngunit ‘sa karunungan at kaayusan’ ay tunay na kinakailangan kung nais ng tao na ‘magkamit ng gantimpala.” [Mosias 4:27.] Ang pagbalanseng ito ng tamang bilis at sigasig ay nangangailangan ng masusing paggamit ng ating oras, talento, at karapatang magpasiya. …

“… Kapag humigit ang ating bilis kaysa sa ating lakas at kakayahan, ang resulta ay panlulupaypay sa halip na patuloy na dedikasyon. Ang mga tagubilin sa gayong mga bagay ay maaaring ibigay sa atin sa pamamagitan ng personal na inspirasyon. …

“Ang tamang bilis, na nangangailangan ng masigasig, at tuluy-tuloy na paggawa, ay hindi ginagawa ng mga taong ibinubuhos ang lakas sa isang gawain at mabilis na napapagod at, dahil dito, ay hindi na muling makatutulong sa ilang panahon” (Notwithstanding My Weakness [1981], 4, 6–7).

Doktrina at mga Tipan 10:5. “Manalangin tuwina, … nang iyong mapagtagumpayan si Satanas”

Dahil sa mapait na naranasan sa pagkawala ng mga pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon lalong nagsikap si Propetang Joseph Smith na umasa sa patnubay at tagubiling natanggap niya mula sa Diyos. Ipinaalala sa kanya na “manalangin tuwina” upang matakasan ang mapanirang impluwensya ni Satanas at ng mga alagad nito (D at T 10:5). Binigyang-diin ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang isang dahilan kung bakit ibinigay ng Panginoon ang utos na manalangin tuwina:

“Nagtataka siguro kayo, tulad ko, kung bakit Niya ginamit ang salitang tuwina, samantalang likas sa tao ang laging mag-alala. Naranasan na ninyo kung gaano kahirap na laging isipin ang anumang bagay sa lahat ng oras. Maging sa paglilingkod sa Diyos, hindi ninyo laging iniisip na manalangin tuwina. Kung gayon bakit tayo hinikayat ng Panginoon na ‘manalangin tuwina’?

“Hindi sapat ang talino ko para malaman ang lahat ng Kanyang layunin sa pagbibigay sa atin ng tipan na lagi Siyang alalahanin at sa pagpapayo sa atin na manalangin tuwina upang hindi tayo matukso at madaig. Pero may alam akong isa. Iyo’y dahil alam na alam Niya ang lakas ng mga puwersang umiimpluwensya sa atin at kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tao. …

“… Alam Niya kung paano ang mabagabag ng mga alalahanin sa buhay. … At alam Niya na ang mga pagsubok na ating kinakaharap at ang lakas nating labanan ang mga ito ay pabagu-bago.

“Alam Niya ang mga pagkakamaling madali nating magawa: na maliitin ang mga puwersang umiimpluwensya sa atin at masyadong umaasa sa kakayahan natin bilang tao. Kaya nga nag-alok Siya sa atin ng isang tipan na “lagi siyang alalahanin” at pinayuhan tayo na “manalangin tuwina” para umasa tayo sa Kanya, na tangi nating kaligtasan. Hindi mahirap malaman ang gagawin. Ang mismong hirap sa pag-alaala sa tuwina at pagdarasal tuwina ay ang magtutulak sa atin na magsikap pa. Ang panganib ay nasa pagkabalam sa pag-alaala sa Kanya o sa pag-iisip na sapat na ang nagawa natin” (“Always,” Ensign, Okt. 1999, 8–9).

Ipinaliwanag pa ni Pangulong Eyring ang isang paraan na maaari tayong patuloy na manalangin sa buong maghapon: “Dinidinig ng Panginoon ang dalangin ng inyong puso. Ang mga nadarama ninyong pagmamahal para sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak ay maaaring manatiling tapat kaya ang inyong mga panalangin ay laging dinidinig ng langit” (“Always,”12).

Doktrina at mga Tipan 10:6–19. “Ang diyablo ay naghangad na maghanda ng isang tusong balak, upang kanyang mawasak ang gawaing ito”

Hangad ni Satanas na hadlangan ang gawain ng Panginoon (tingnan sa Mateo 4:1–11; Moises 1:12–23; 4:6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:15). Ang pagkawala ng mga pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon at ang balak ng masasamang tao na siraan si Propetang Joseph Smith kung isasalin niyang muli ang materyal ding iyon ay ilan sa maraming pagtatangka ni Satanas na hadlangan ang paglabas ng Aklat ni Mormon. (Para sa buod ng natutuhan ni Joseph Smith tungkol sa plano ni Satanas sa nawalang 116 na pahina ng manuskrito, basahin ang section heading sa Doktrina at mga Tipan 10.)

Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol kay Satanas at ang pinakaminimithi nito: “Si Satanas … ay may plano. Ito ay isang tuso, masama, mapanlinlang na plano ng paglipol. Hangad niyang bihagin ang mga anak ng Ama sa Langit at wasakin ang dakilang plano ng kaligayahan sa lahat ng posibleng paraan” (“The Joy of Living the Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1996, 73).

Doktrina at mga Tipan 10:20–29. “Kanyang pinukaw ang kanilang mga puso na magalit laban sa gawaing ito”

Inimpluwensyahan ni Satanas ang mga tiwaling tao na usigin si Propetang Joseph Smith at tangkaing wasakin ang Aklat ni Mormon. Dinaya at hinibok niya ang masasama at sinabi sa kanila na “hindi kasalanan ang magsinungaling” at winawasak ang yaong mabuti (D at T 10:25). Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–1844), “Matindi ang kapangyarihan ng diyablo na manlinlang; babaguhin niya ang mga bagay na mapapatulala ang isang tao sa mga yaong sumusunod sa kalooban ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 85).

Mayroon pa rin ngayon ng mga ganoong tao na nauudyukang magalit sa gawain ng Diyos. Pinag-ingat ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga miyembro ng Simbahan:

“Wala ni isa sa ating makaliligtas sa mga impluwensya ng mundo. Ang payo ng Panginoon ang nagpapahanda sa atin. …

“Sa pagsunod natin sa Tagapagligtas, walang pag-aalinlangang mahaharap tayo sa mga pagsubok. Kapag hinarap natin ang nagpapadalisay na mga karanasang ito nang may pananampalataya, ang mga ito ay magdadala ng mas malalim na paniniwala na totoong may Tagapagligtas. Kapag hinarap naman natin ang mga karanasang ito sa paraan ng mundo, malilito tayo at hihina ang ating paninindigan. Ang ilan sa mga mahal natin at hinahangaan ay lumilihis mula sa makipot at makitid na landas, at ‘hindi na nagsisama sa kaniya’ [Juan 6:66]. …

“Magugulat ba tayo paminsan-minsan kapag nakita nating galit ang ilan sa Simbahan ng Panginoon, at sinisikap nilang wasakin ang nanlalamig na pananampalataya ng mahihina? Oo. Ngunit hindi ito makahahadlang sa pag-unlad o tadhana ng Simbahan, ni mapipigilan nito ang espirituwal na pag-unlad ng bawat isa sa atin bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo” (“Kailanma’y Huwag Siyang Iwan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 39, 41).

Doktrina at mga Tipan 10:30–70

Nalaman ni Joseph Smith ang tungkol sa plano ng Diyos na hadlangan ang mga gawain ni Satanas na wasakin ang gawain

Doktrina at mga Tipan 10:30–37. “Huwag mo nang isaling muli yaong mga salita”

Alam ng Panginoon na hangad ng masasamang tao na maglathala ng isang bersyon ng ninakaw na manuskrito na binago ang pananalita. Ang bersyon na iyon ay sasalungat sa anumang ilalathala ni Propetang Joseph Smith kung isinalin niyang muli ang nawalang bahagi. Dahil dito, iniutos ng Panginoon na hindi na kailangang isaling muli ni Joseph ang bahaging iyon ng mga lamina. Hindi kailanman inilathala ng mga kaaway ng Propeta ang 116 na pahina ng manuskrito, at ang mga manuskrito ay hindi na natagpuan kailanman. Kalaunan, nang ilathala ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon, naglakip si Joseph Smith ng paunang salita kung saan nagbanggit siya mula sa Doktrina at mga Tipan 10 at inilantad sa mga tao ang plano ng masasama na maglathala ng mga salitang “mababasang salungat … mula sa pagkakasalin [ni Joseph] at pinapangyaring maisulat” (D at T 10:11).

bahagi ng isang pahina ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon

Bahagi ng isang pahina ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon

Doktrina at mga Tipan 10:38–45. “Ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo”

Ang nawawalang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon ay nagmula sa isinalin ni Propetang Joseph Smith mula sa malalaking lamina ni Nephi at isinama sa Aklat ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 1:16; 19:1) at marahil ang unang bahagi ng Aklat ni Mosias. Matapos ang pagkawala ng manuskrito, hindi na muling isinalin ng Propeta ang mga bahaging ito ng mga lamina ngunit patuloy pa ring isinalin ang natitirang bahagi ng mga talang pinaikli ni Mormon. Gayunman, iniutos ng Panginoon kay Joseph na isalin ang mga nakaukit sa maliliit na lamina ni Nephi na ang saklaw na panahon ay kapareho ng saklaw ng aklat ni Lehi (tingnan sa D at T 10:41).

Nang ilarawan ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi ang iniutos ng Panginoon sa kanya na gumawa ng pangalawang set ng mga laminang ito, isinulat niya na iyon ay “para sa isang matalinong layunin sa kanya, na kung anong layunin ay hindi ko alam. Subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay mula sa simula; kaya naghahanda siya ng paraan upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang gawain” (1 Nephi 9:5–6; tingnan din sa 1 Nephi 19:1–5; 2 Nephi 5:29–33; Mga Salita ni Mormon 1:6–7).

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naging isang halimbawa ng walang hanggang karunungan ng Diyos ang pangalawang talaan ni Nephi at kung paano tayo nito pinagpapala ngayon:

“Mga anim na beses o mahigit pa na ginamit sa Aklat ni Mormon ang pariralang ‘para sa isang matalinong layunin’ upang tukuyin ang paggawa, pagsulat, at pag-iingat ng maliliit na lamina ni Nephi (tingnan sa 1 Ne. 9:5; [Mga Salita ni Mormon] 1:7; Alma 37:2, 12, 14, 18). Alam natin na ang isa sa mga gayong matalinong layunin—ang kitang-kitang pinakadahilan—ay upang punan ang mangyayaring pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito na isinalin sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith mula sa unang bahagi ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 310).

“Ngunit naisip ko na may ‘mas matalinong layunin’ pa kaysa riyan, o marahil mas tumpak na masasabi na may ‘mas matalinong layunin’ pa riyan. Ang dahilan sa pahayag na iyan ay nasa D at T 10:45. Nang itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith ang proseso ng pagsasalin at paglalagay ng materyal mula sa maliliit na lamina sa nasimulang pagsasalin ng pinaikling malalaking lamina, sinabi niya, ‘Masdan, maraming bagay ang nakaukit sa [maliliit] na lamina ni Nephi na magbibigay ng mas malawak na pananaw sa aking ebanghelyo’ (idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Kaya malinaw na ito ay hindi isang quid pro quo o panghalili para sa kumpletong pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Hindi ito pamalit, ito para sa iyon—116 na pahina ng manuskrito sa 142 pahina ng nakalimbag na teksto. Hindi ito ganoon. Mas marami tayong nakuha kaysa sa nawala sa atin. At alam na ito sa simula pa lamang na mangyayari ang gayon. Hindi natin lubos na nalalaman kung ano ang nawala sa atin mula sa 116 na pahina, ngunit alam natin na ang natanggap natin mula sa maliliit na lamina ay ang personal na pahayag ng tatlong dakilang saksi [sina Nephi, Jacob, at Isaias], tatlo sa mga dakilang tinig na nagpahayag ng doktrina ng Aklat ni Mormon, na nagpapatotoo na si Jesus ay ang Cristo” (“For a Wise Purpose,” Ensign, Ene. 1996, 13–14).

Doktrina at mga Tipan 10:46–52. Pagsagot sa mga panalangin ng mga disipulong Nephita

Ilan sa mga propeta at mga disipulong Nephita ang nanalangin na mapangalagaan ang kanilang mga talaan at na sa pamamagitan nito ay maipaparating ang ebanghelyo sa mga Lamanita at sa kanilang mga inapo (tingnan sa 2 Nephi 26:15; Enos 1:13, 16–17; Mosias 12:8; 3 Nephi 5:14; Mormon 8:25–26; 9:34–37). Nasagot ang mga panalangin ng mga propetang ito sa paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw.

Doktrina at mga Tipan 10:53–56, 67. “Aking simbahan”

Ang Doktrina at mga Tipan 10:53–56 ay naglalaman ng isa sa mga pinakaunang pahiwatig mula sa Panginoon na Kanyang inihahanda ang muling pagtatatag ng Kanyang Simbahan sa lupa (tingnan din sa D at T 5:14; 6:1; 11:16). Ipinangako ng Panginoon na ang mga kabilang sa Kanyang Simbahan ay “hindi kinakailangang matakot, sapagkat sila ang magmamana ng kaharian ng langit” (D at T 10:55). Inakala ng ilan na ang pagiging miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay garantiya para sa kaligtasan. Upang maunawaan ang doktrina ng Panginoon sa bagay na ito, kailangan nating maunawaan ang ibig sabihin ng pagiging kabilang sa Simbahan ng Panginoon. Ipinahayag ng Panginoon na ang mga taong kabilang sa Simbahan ay hindi lamang yaong mga nabinyagan at ang mga pangalan ay nasa mga rekord ng Simbahan kundi yaong mga “magsisisi at lalapit sa akin” (D at T 10:67). Idinagdag din ng Panginoon na ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan na mananatili hanggang wakas ay mananaig laban sa mga pintuan ng impiyerno (tingnan sa D at T 10:69).

Doktrina at mga Tipan 10:57–70. “[Dalhin] sa liwanag ang mga tunay na paksa ng aking doktrina”

Sa pamamagitan ng paghahayag na itinala sa Doktrina at mga Tipan 10, pinatotohanan ni Cristo ang Kanyang kabanalan bilang Anak ng Diyos, ating Panginoon, at ang Manunubos ng Sanlibutan (tingnan sa D at T 10:57, 70). Sa pamamagitan ng paglabas ng Aklat ni Mormon at ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo, nangako ang Panginoon na “ang mga tunay na paksa ng [Kanyang] doktrina” ay dadalhin sa liwanag (D at T 10:62). Isa sa Kanyang mga layunin sa paghahayag ng Kanyang doktrina sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon ay tulungan ang mga anak ng Diyos na malinaw na maunawaan ang Kanyang salita upang maiwasan nila ang makipagtalo at ang posibilidad na “salungatin” o ibahin ang Kanyang salita at isalin nang mali ang mga banal na kasulatan (tingnan sa D at T 10:63).

Ang pahayag ng Panginoon na “dadalhin” ng Aklat ni Mormon “sa liwanag ang mga tunay na paksa ng [Kanyang] doktrina” (D at T 10:62) at aalisin ang pagtatalo ay katuparan ng propesiyang ibinigay ni Jose sa Egipto hinggil sa mga naisulat ng mga bunga ng kanyang balakang na darating sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 3:12). Sa panahon ng Malawakang Apostasiya, ang priesthood ay inalis mula sa lupa at maraming malinaw at mahahalagang katotohanan ang inalis o itinago mula sa Biblia (tingnan sa 1 Nephi 13:26–29). Dahil dito, ang mundo ay wala nang ganap na katotohanan at banal na paghahayag na kailangan para maunawaan at maipamuhay ang salita ng Diyos. Ang kakulangang ito ng liwanag at katotohanan ay humantong sa di-pagkakaunawaan at pagtatalu-talo tungkol sa mga doktrina ng Diyos at nagtulot kay Satanas na maudyukan ang puso ng mga tao na magtalu-talo. Ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw na ito ay muling nagtatag, naglinaw, at nagsaksi sa kabuuan ng katotohanan ng Diyos.