Institute
Kabanata 27: Doktrina at mga Tipan 76:1–49


Kabanata 27

Doktrina at mga Tipan 76:1–49

Pambungad at Timeline

Noong Pebrero 16, 1832, ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong pagbabago o rebisyon sa Biblia (na tinawag na Pagsasalin ni Joseph Smith). Habang isinasalin ni Joseph Smith ang Juan 5:29, pinagbulay-bulayan nila ni Sidney ang kahulugan ng talata at pinakitaan ng isang pangitain, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Sa pangitaing ito pinagtibay ng Tagapagligtas ang katotohanan na Siya ay totoong buhay at isang Diyos, itinuro ang pagbagsak ni Satanas at ng mga anak na lalaki ng kapahamakan, at inihayag ang katangian ng tatlong kaharian ng kaluwalhatian at ang mga taong magmamana ng mga ito.

Ang komentaryo sa Doktrina at mga Tipan 76 ay hahatiin sa dalawang lesson. Ang unang lesson na ito ay sumasaklaw sa Doktrina at mga Tipan 76:1–49, na kinapapalooban ng mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon sa matatapat, ang pagkakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Ama at sa Anak, at ang tala tungkol sa pagbagsak ni Lucifer at ng mga anak na lalaki ng kapahamakan.

Enero 25, 1832Si Joseph Smith ay naorden bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote [High Priesthood] sa isang kumperensya ng Simbahan sa Amherst, Ohio.

Mga huling araw ng Enero 1832Bumalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio, para gawin ang inspiradong pagsasalin ng Bagong Tipan.

Pebrero 16, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 76.

Marso 24–25, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay kinuha ng mga mandurumog sa gabi at walang-awang binugbog at binuhusan ng alkitran at balahibo sa Hiram, Ohio.

Doktrina at mga Tipan 76: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sa mga unang buwan ng 1832, sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nagsasalin ng Bagong Tipan sa Hiram, Ohio, sa tahanan nina John at Alice (Elsa) Johnson. Sa masusing pag-aaral na ito ng mga banal na kasulatan, pinagnilayan ng Propeta ang maraming katotohanan na inihayag ng Panginoon sa mga Banal at sinabi: “Maliwanag na maraming mahahalagang paksang tumatalakay sa kaligtasan ng tao ang inalis mula sa Biblia, o nawala bago ito naisama” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 183, josephsmithpapers.org).

Isa sa mga tanong na pinagbubulayan nina Joseph at Sidney nang panahong ito ay kung ano ang mangyayari matapos ang kamatayan. Ang mga katotohanan tungkol sa buhay matapos ang kamatayan na ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 15:32; D at T 19:3) ang nagbunsod sa Propeta na magsabing “kung ang Diyos ay nagbibigay ng gantimpala sa lahat alinsunod sa gawaing ginawa habang nabubuhay, ang katagang ‘langit’, na hangad para sa walang hanggang tahanan ng mga Banal, ay kinakailangang sumaklaw sa marami pang kaharian maliban sa isa” (sa Manuscript History, vol. A-1, pahina 183; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan). Noong Pebrero 16, 1832, isinasalin nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang Juan 5:29, na naglalahad na ang mga patay ay “magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.”

Matapos idikta ng propeta ang pagsasalin ng talatang ito (tingnan sa D at T 76:15–17), nakakita sila ni Sidney ng pangitain “hinggil sa pamumuhay ng Diyos at sa kanyang napakalawak na likha sa buong kawalang-hanggan” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 183; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan). Si Jesucristo ay nagpakita sa kanila at nakipag-usap sa kanila (tingnan sa D at T 76:14), at iniutos sa kanila na itala ang pangitain habang sila ay “nasa Espiritu pa” (D at T 76:28, 80, 113). Inihayag ng pangitain ang mga katotohanan tungkol sa katangian ng Ama at ng Anak, ang mga kaharian ng kaluwalhatian, at ang paghihimagsik ni Satanas at ang pagdurusa ng mga anak na lalaki ng kapahamakan.

silid na ginamit sa pagsasalin sa loob ng tahanan ni John Johnson, Hiram, Ohio

Sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nakatanggap ng sunud-sunod na mga pangitain sa silid na ito sa tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio, habang ginagawa ang inspiradong pagsasalin ng Biblia.

May humigit-kumulang 12 iba pang mga tao ang naroon nang ipakita ang pangitain. Ginunita ng isang nakasaksi, si Philo Dibble, ang nangyari kalaunan:

“Ang pangitaing nakatala sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan ay ibinigay sa bahay ni ‘Amang Johnson,’ sa [Hiram], Ohio, at sa oras na sina Joseph at Sidney ay nasa espiritu at nakitang nabuksan ang kalangitan, may iba pang kalalakihan sa silid, marahil labindalawa, at isa ako sa kanila— … nakita ko ang kaluwalhatian at nadama ang kapangyarihan, ngunit hindi ko nakita ang pangitain. …

“Paminsan-minsan ay sinasabi ni Joseph na: ‘Ano itong nakikita ko?’ tulad ng maaaring sabihin ng isang tao habang siya ay nakatanaw sa labas ng bintana at nakikita ang hindi nakikita ng mga nasa silid. Pagkatapos ay ikinukuwento niya kung ano ang kanyang nakita o kung ano ang tinitingnan niya. Pagkatapos noon ay sasagot si Sidney ng, ‘Pareho tayo ng nakikita.’ Agad namang sasabihin ni Sidney na, ‘ano itong nakikita ko?’ at uulitin kung ano ang nakita niya o tinitingnan niya, at sasagot si Joseph ng, ‘Pareho tayo ng nakikita.’

“Ang paraan ng pag-uusap na ito ay inulit sa maiikling pagitan hanggang sa katapusan ng pangitain. …

“Nakaupong walang katinag-tinag at tahimik si Joseph sa lahat ng sandali, sa gitna ng kagila-gilalas na kaluwalhatian, ngunit si Sidney ay nakaupong nanglalata at maputla, parang malatang tulad ng isang basahan. Nang mapansin ito, may ngiting sinabi ni Joseph na, ‘Hindi kasi sanay si Sidney na tulad ko’” (sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” The Juvenile Instructor, Mayo 1892, 303–4).

Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 76:1–10

Nangako ang Panginoon ng mga pagpapala sa mga naglilingkod sa Kanya

Doktrina at mga Tipan 76:5–10. “Sa kanila aking ipahahayag ang lahat ng hiwaga. … Sa pamamagitan ng aking Espiritu ay aking bibigyang-liwanag sila”

Ang mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith ay katibayan na pinapatnubayan ng Diyos ang Kanyang mga anak at itinuturo sa kanila ang katotohanan. Ipinangako ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na “yayamang sila ay nagpakumbaba sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan, at tumanggap ng kaalaman sa pana-panahon” (D at T 1:28). Maliban sa pagtanggap ng tagubilin sa pamamagitan ng mga turo ng Propeta, nalaman ng mga naunang miyembro ng Simbahan na, “kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (D at T 42:61). Sinimulan ng Panginoon ang sagradong pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 sa pangako na Kanyang pararangalan yaong mga naglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng paghahayag ng mga hiwaga ng Kanyang kaharian sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu (tingnan sa D at T 76:5–10).

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) kung paano tayo mapagpapala ng personal na paghahayag:

“Pribilehiyo ng mga anak ng Diyos na lumapit sa Diyos at makatanggap ng paghahayag. … Walang kinikilingan ang Diyos; pare-pareho ang pribilehiyo nating lahat.

“Naniniwala kami na may karapatan tayo sa mga paghahayag, pangitain, at panaginip mula sa Diyos, ang ating Ama sa langit; at sa liwanag at katalinuhan, sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, sa pangalan ni Jesucristo, sa lahat ng paksang nauukol sa ating espirituwal na kapakanan; kung kailangang sundin natin ang kanyang mga utos, upang maging karapat-dapat tayo sa kanyang paningin.

“Maaaring makinabang ang isang tao sa pagpansin sa unang pahiwatig ng espiritu ng paghahayag; halimbawa, kapag nadarama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo, maaaring may bigla kayong maisip, kaya kapag pinansin ninyo ito, malalaman ninyo na nangyari na ito sa araw ding iyon o sa malao’t madali; (ibig sabihin) yaong mga bagay na itinanghal ng Espiritu ng Diyos sa inyong isipan, ay mangyayari; at sa gayon sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, kayo ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal kayo kay Cristo Jesus” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153).

Doktrina at mga Tipan 76:7–10. Ano ang mga “nakakubling hiwaga”?

Nangako ang Panginoon na “ipahahayag ang lahat ng … nakakubling hiwaga ng [Kanyang] kaharian” at “ ang mga lihim ng [Kanyang] kalooban” (D at T 76:7, 10) sa mga “naglilingkod sa [Kanya] sa kabutihan at sa katotohanan” (D at T 76:5). Kabilang sa mga hiwagang ito ang mga alituntunin at mga katotohanan ng ebanghelyo na mauunawaan lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang ilang mga hiwaga o mga katotohanan ay ipinahahayag sa mga sagradong templo.

Pinatotohanan ni Propetang Joseph Smith na “ang liwanag … ay sumabog sa mundo” sa pamamagitan ng mga pangitain na natanggap nila ni Sidney Rigdon noong Pebrero 16, 1832 (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 192, josephsmithpapers.org). Bagama’t naitala nina Joseph at Sidney ang karamihan sa doktrina na ipinahayag sa kanila sa isang pangitain, iniutos ng Panginoon na ilan sa mga katotohanang ipinahayag Niya ay hindi maaaring isulat (tingnan sa D at T 76:114–17). Kalaunan ay sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Maaari kong ipaliwanag nang higit pa sa isang daang beses ang mga kaluwalhatian ng mga kaharian na ipinakita sa akin sa isang pangitain, kung pahihintulutan ako, at kung handa ang mga tao na tanggapin ito. Ang Panginoon ay nakikipag-ugnayan sa mga taong ito bilang isang mapagmahal na magulang sa isang anak, naghahatid ng liwanag at katalinuhan at ng kaalaman tungkol sa Kanyang mga pamamaraan, sa makakaya nilang pakinggan” (sa Manuscript History of the Church, vol. D-1, pahina 1556, josephsmithpapers.org; ang pagbabaybay, pagpapalaki ng mga letra, at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan).

Doktrina at mga Tipan 76:11–24

Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang Ama sa Langit at si Jesucristo

Doktrina at mga Tipan 76:11–14. “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang aming mga mata ay nabuksan”

Itinala nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na habang isinasalin nila ang Juan 5:29 sila ay “nasa Espiritu” (D at T 76:11) at “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang [kanilang] mga mata ay nabuksan” (D at T 76:12). Kapag ang isa sa mga anak ng Diyos ay naimpluwensiyahan ng Espiritu Santo, maaaring magsimula nang tingnan ng taong iyon ang mga bagay-bagay mula sa pananaw ng Diyos. Pinatotohanan ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu: “Kung tayo ay aasa kay Cristo at bubuksan ang ating mga mata at ating mga tainga, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita natin ang ginagawa ng Panginoong Jesucristo sa ating buhay, pinalalakas ang ating pananampalataya sa Kanya nang may katiyakan at katibayan. Mas makikita natin ang lahat ng ating mga kapatid kung paano sila nakikita ng Diyos, nang may pagmamahal at habag. Maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, sa mga bulong ng Espiritu, at sa mga salita ng mga buhay na propeta. Makikita natin ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at sa lahat ng lider ng Kanyang tunay at buhay na Simbahan, at malalaman natin nang may katiyakan na ito ay banal na gawain ng Diyos. Makikita at mauunawaan natin ang ating sarili at ang mundong ating ginagalawan kung paano ito nakikita ng Tagapagligtas. Magkakaroon tayo ng tinatawag ni Apostol Pablo na ‘pagiisip ni Cristo’[I Mga Taga Corinto 2:16]. Magkakaroon tayo ng mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig, at itatayo natin ang kaharian ng Diyos” (“Mga Matang Nakakakita at mga Taingang Nakaririnig,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 125).

Doktrina at mga Tipan 76:15–19. “Habang kami ay nagbubulay-bulay sa mga bagay na ito”

Ang pangitain na nakita nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay dumating habang pinagbubulayan nila ang inspiradong pagsasalin ng Juan 5:29. Ang inspiradong pagsasalin ng talata “ay ibinigay” sa kanila (D at T 76:15) at “nagdulot sa [kanila] ng pagkamangha” (D at T 76:18). Ang iba pang mga pangitain at paghahayag ay natanggap ng mga propeta habang pinagbubulayan at pinagninilayan nila ang mga banal na kasulatan (tingnan sa D at T 138:1–11; Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–20).

paglalarawan kay Jesus na nagtuturo ng mga disipulo

Ang mga salita ni Jesus tungkol sa mga gantimpalang makakamtan sa pamamagitan ng Pagkabuhay na mag-uli ay naitala sa Juan 5:29. Kasalukuyang isinasalin nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang talatang ito nang matanggap ang mga pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 (tingnan sa D at T 76:15–16).

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang pagkakaiba ng pag-aaral at pagbubulay at ang kaugnayan ng pagbubulay at pagtanggap ng paghahayag: “Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (“Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).

Ipinahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), “Ang meditasyon ay isa sa mga pinakalihim, pinakasagradong pintuan na dinaraanan natin papunta sa kinaroroonan ng Panginoon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 37).

Doktrina at mga Tipan 76:19–24. “Siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos”

Nakita nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang kaluwalhatian ni Jesus Cristo habang Siya ay nakatayo sa “kanang kamay ng Ama” (D at T 76:20). Nakita nila “ang mga banal na anghel, at sila na mga pinabanal … , sinasamba ang Diyos” (D at T 76:21) at “narinig ang tinig na nagpapatotoo na [si Jesucristo] ang Bugtong na Anak ng Ama” (D at T 76:23). Dahil sa pambihirang karanasang ito naipahayag ng dalawang saksi, “At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!” (D at T 76:22). Ang pariralang “pinakahuli sa lahat” ay hindi nangangahulugan na ito na ang huling patotoo tungkol sa Tagapagligtas na ibinigay. Sa halip, ang kanilang patotoo ay ang pinakahuling katibayan na totoong buhay ang Anak ng Diyos sa mahabang hanay ng mga patotoo na ipinahayag ng mga naunang propeta at mga Banal. Ang mga Propeta, Apostol at mga Banal sa buong mundo ay patuloy na ipinahahayag ang kanilang patotoo na totoong buhay ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

paglalarawan ng nabuhay na muling Cristo

“Ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay! “Sapagkat siya ay aming nakita” (tingnan sa D at T 76:22–23).

Noong Enero 1, 2000, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay naglabas ng pahayag na sila ay sumasaksi sa katotohanan ng buhay na Cristo: “Nagpapatotoo kami, bilang Kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3).

Doktrina at mga Tipan 76:24. Si Jesucristo bilang tagapaglikha

Inihayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta noong unang panahon na hindi mabibilang ng tao ang dami ng mga daigdig na nilikha (tingnan sa Moises 1:28–33; 7:30; Abraham 3:11–12). Pinagtibay muli ng pangitain na ito na si Jesucristo ang lumikha ng mga daigdig na iyon. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bago pa man Siya isinilang sa Betlehem at nakilala bilang si Jesus na taga Nazaret, ang ating Tagapagligtas ay si Jehova. Noon pa man, sa patnubay ng Ama, si Cristo ang Panginoon ng sansinukob, na lumikha ng mga daigdig na di mabilang—at isa lamang doon ang atin (tingnan sa Ef. 3:9; Heb. 1:2).

“Ilang planeta ba sa kalawakan ang may mga tao? Hindi natin alam, ngunit hindi tayo nag-iisa sa kalawakan! Ang Diyos ay hindi Diyos ng nag-iisang planeta lamang!” (sa “Special Witnesses of Christ,” Ensign, Abr. 2001, 6).

Doktrina at mga Tipan 76:24. “Ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos”

Ang mga taong lumalapit kay Jesucristo at sumusunod sa Kanyang mga kautusan ay nagiging Kanyang mga anak na lalaki at babae. Si Jesucristo ang ama ng lahat ng mga magsisisi at makararanas ng espirituwal na pagsilang na muli (tingnan sa Mosias 5:7; 15:11–12; 27:25–26; Alma 5:14; 7:14; Eter 3:14; D at T 11:28–30). Ang tinig na narinig nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon sa pangitain ay nagpapahayag na ang mga naninirahan sa bawat daigdig na nilalang ni Jesucristo “ay isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:24). Nangangahulugan ito na si Jesus ay kapwa ang Lumikha at Tagapagligtas ng “mga daigdig na di mabilang” (Moises 1:33).

Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang napakalaking epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo: “Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan—walang katapusan [tingnan sa 2 Nephi 9:7; 25:16; Alma 34:10, 12, 14]. Ito ay walang hanggan dahil maliligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa kasidhian ng Kanyang pagdurusa. Ito ay walang-hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang katapusan sa saklaw nito—ito ay dapat gawin na minsan para sa lahat [tingnan sa Sa Mga Hebreo 10:10]. At ang awa ng Pagbabayad-sala [ng Tagapagligtas] ay hindi lamang sa walang katapusang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang katapusang bilang ng mga daigdig na Kanyang nilikha [tingnan sa D at T 76:24; Moises 1:33]. Ito ay lampas pa sa anumang panukat o kayang unawain ng tao” (“ The Atonement, ” Ensign, Nob. 1996, 35).

Doktrina at mga Tipan 76:25–29

Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang paghihimagsik ni Lucifer sa premortal na daigdig

Doktrina at mga Tipan 76:25–29. Si Satanas ay “nakidigma sa mga banal ng Diyos”

Matapos masaksihan ang “kaluwalhatian ng anak, sa kanang kamay ng Ama” (D at T 76:20), nakita nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang isang naiibang pangitain tungkol kay Satanas, o Lucifer. Nakita nila si Lucifer, na dating may hawak ng katungkulang may awtoridad sa premortal na daigdig, na bumagsak mula sa kinaroroonan ng Diyos matapos maghimagsik laban sa Kanya at inudyukan ang marami sa mga espiritung anak ng Diyos na gawin din iyon (tingnan sa Isaias 14:12; Apocalipsis 12:7–10; D at T 29:36–37; Abraham 3:27–28). Si Lucifer ay tinawag na Kapahamakan (tingnan sa D at T 76:26), na ibig sabihin ay pagkawala o pagkawasak.

Pinaalalahanan sina Joseph at Sidney na si Satanas ay totoong nilalang na sumasalungat sa Diyos at sa mga naghahangad ng kabutihan. Tinangka ni Satanas na “kunin ang kaharian ng aming Diyos at ng kanyang Cristo” (D at T 76:28), at patuloy na ginagawa ito at “siya ay nakidigma sa mga banal ng Diyos, at pinaligiran sila” (D at T 76:29). Ipinaliwanag kalaunan ni Propetang Joseph Smith: “Patungkol sa kaharian ng Diyos, laging sumasabay ang diyablo sa pagtatayo ng kanyang kaharian para salungatin ang Diyos” (Mga Turo: Joseph Smith, 17).

Tulad ng pagsalungat ng diyablo sa kaharian ng Diyos, kinakalaban din niya ang mga taong naghahanap ng espirituwal na pag-unlad dahil “hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27).

mga tao na pumasok sa Conference Center para sa isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya

Sa kanilang katapatan, ang mga miyembro ng Simbahan ay mapoprotektahan kapag si Satanas ay “nakidigma sa mga banal ng Diyos” (tingnan sa D at T 76:28–29).

Doktrina at mga Tipan 76:30–49

Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pagdurusa ng mga anak na lalaki ng kapahamakan

Doktrina at mga Tipan 76:30–35. Sinu-sino ang mga anak na lalaki ng kapahamakan?

Matapos masaksikan nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang paghihimagsik ni Lucifer, ipinakita sa kanila ng Panginoon ang pagdurusa ng mga anak na lalaki ng kapahamakan. Hindi nila isinulat ang mga detalye ng pangitain at sa halip ay itinala nila ang sinabi ng tinig ng Panginoon tungkol sa kanilang nakita. Ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay ang mga tao na tumanggap ng kaalaman tungkol sa kapangyarihan ng Diyos at mga “kabahagi nito” ngunit pagkatapos ay hinayaan nila ang sarili na “madaig, at … itatwa ang katotohanan at lumaban sa kapangyarihan [ng Diyos]” (D at T 76:31). Bukod pa riyan, itinakwil nila ang “Banal na Espiritu matapos na matanggap ito” at itinakwil “ang Bugtong na Anak ng Ama” (D at T 76:35).

Ilang taon mula nang matanggap ang pangitain na ito, ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Lahat ng mga kasalanan ay patatawarin, maliban sa kasalanan laban sa Espiritu Santo; sapagkat ililigtas ni Jesus ang lahat maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan. Ano ang kailangang gawin ng isang tao upang magawa ang walang kapatawarang kasalanan? Kailangan niyang tanggapin ang Espiritu Santo, mabuksan sa kanya ang kalangitan, at makilala ang Diyos, at pagkatapos ay magkasala laban sa Kanya. Matapos magkasala ang isang tao laban sa Espiritu Santo, wala ng pagsisisi sa kanya. Sasabihin na niya na hindi sumisikat ang araw habang nakikita niya ito; itatatwa na niya si Jesucristo kahit nabuksan na sa kanya ang kalangitan, at itatatwa ang plano ng kaligtasan habang nakadilat ang kanyang mga mata sa katotohanan nito” (sa Manuscript History of the Church, vol. E-1, pahina 1976, josephsmithpapers.org; ang pagpapalaki ng mga letra at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan).

Ang walang kapatawarang kasalanan ay hindi nagagawa dahil sa kawalang-ingat o hindi sinasadya. Sa halip, nagawa ito ng mga magiging anak na lalaki ng kapahamakan nang kusa at sadya. Ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay “itinakwil ang Bugtong na Anak ng Ama, matapos nilang ipako siya sa krus sa kanilang sarili” (D at T 76:35; tingnan din sa Sa Mga Hebreo 6:4–6). Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Para magawa ang walang kapatawarang kasalanang ito, dapat matanggap ng isang tao ang ebanghelyo, magtamo ng ganap na kaalaman tungkol sa kabanalan ni Jesucristo mula sa paghahayag ng Espiritu Santo, at pagkatapos ay itatwa ‘ang bago at walang hanggang tipan kung saan siya pinabanal, tawagin itong hindi banal, at kamuhian ang Espiritu ng biyaya.’ [Joseph Smith, sa History of the Church, 3:232.] Sa gayon ay nagkasala siya ng pagpatay sa pag-ayon sa kamatayan ng Panginoon, dahil sa kabila ng ganap na kaalaman sa katotohanan ay hayagan siyang naghimagsik na parang ipinapako niya si Cristo gayong lubos niyang nalalaman na Siya ay Anak ng Diyos. Kaya nga si Cristo ay tila ipinakong muli at inilagay sa hayag na kahihiyan. (D at T 132:27.)” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 816–17).

Doktrina at mga Tipan 76:37. “Ang pangalawang kamatayan”

Lahat ng anak ng Diyos na isinilang sa mundong ito, pati na yaong mga naging anak na lalaki ng kapahamakan, ay magbabangon mula sa libingan at madaraig ang kamatayang pisikal sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22; Alma 11:42–45; D at T 88:27–32). Bukod sa pisikal na kamatayan, ang lahat ng anak ng Diyos ay nakaranas ng mga epekto ng espirituwal na kamatayan, o pagkahiwalay mula sa pisikal na kinaroroonan ng Ama at ng Anak, sapagkat “nawalay sa harapan ng Panginoon” dahil sa Pagkahulog (Helaman 14:16). Ang espirituwal na kamatayan, o pagkawalay mula sa Diyos, ay madaraig din sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli, na magbabalik sa lahat ng tao sa kinaroroonan ng Panginoon (kahit pansamantala lamang) upang hatulan (tingnan sa Helaman 14:15–17).

Matapos makabalik sa kinaroroonan ng Panginoon, ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay daranas ng pangalawang kamatayan. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang pangalawang kamatayan “ay nagdudulot ng isang espirituwal na pagkataboy … kung saan ang mga tatanggap nito ay hindi na tutulutang makasama ang Diyos at nakatalagang makasama ang diyablo at kanyang mga anghel sa buong kawalang-hanggan” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie [1954], 1:49). Ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ang tanging daranas ng gayong kamatayan (tingnan sa Helaman 14:18; D at T 76:37; 88:35).

Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie ang sumusunod na mga paglalarawan ng pangalawang kamatayan, na darating lamang sa mga anak na lalaki ng kapahamakan:

“Ang espirituwal na kamatayan ay ang maitaboy mula sa presensya ng Panginoon, maging patay sa mga bagay ng kabutihan, maging patay sa mga panghihikayat at pagbulong ng Espiritu” (Mormon Doctrine, 761).

“Sa huli, lahat ay tinubos mula sa kamatayang espirituwal maliban sa mga ‘nagkasala tungo sa kamatayan’ (D at T 64:7), ibig sabihin, ang magiging mga anak na lalaki ng kapahamakan. Itinuro ito ni Juan sa pagsasabi na matapos ibigay ng kamatayan at ng Hades (impiyerno) ang mga patay na nasa kanila, kung gayon ang kamatayan at impiyerno ay ‘[ibubulid] sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan.’ (Apoc. 20:12–15.) At sa gayon sinabi ng Panginoon sa ating panahon na sa mga anak na lalaki ng kapahamakan ‘lamang may kapangyarihan ang pangalawang kamatayan’ (D at T 76:37), ibig sabihin ay anumang kapangyarihan matapos ang pagkabuhay na mag-uli” (Mormon Doctrine, 758).

Doktrina at mga Tipan 76:39–44. “Inililigtas niya ang lahat”

Matapos malaman ang tungkol sa mga anak na lalaki ng kapahamakan at ang kanilang kakila-kilabot na kapalaran, nalaman nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na “sa pamamagitan ng pagwawagi at kaluwalhatian ng Kordero … ang lahat ay maliligtas” (D at T 76:39, 42) at si Jesucristo ay “[ililigtas] ang lahat maliban sa [mga anak na lalaki ng kapahamakan]” (D at T 76:44). Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang magkakaibang kahulugan ng salitang maligtas:

“Sa paggamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ng mga salitang naligtas at kaligtasan, hindi kukulangin sa anim ang iba’t ibang kahulugan nito. Ayon sa ilan sa mga ito, ang ating kaligtasan ay tiyak—ligtas na tayo. Sa iba, dapat banggitin ang kaligtasan bilang isang pangyayaring magaganap pa lamang (hal., 1 Cor. 5:5) o batay sa mangyayari sa hinaharap (hal., Marcos 13:13). Ngunit sa lahat ng kahulugang ito, o mga uri ng kaligtasan, ang kaligtasan ay na kay at sa pamamagitan ni Jesucristo. …

“Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang ‘maligtas’ ay maaari ding mangahulugang maligtas o masagip mula sa ikalawang kamatayan (ibig sabihin ay huling kamatayang espirituwal) na nakatitiyak ng isang kaharian ng kaluwalhatian sa mundong darating (tingnan sa 1 Cor. 15:40–42). Dahil ang Pagkabuhay na Mag-uli ay para sa buong sanlibutan, muli naming pinagtitibay na bawat taong nabuhay sa ibabaw ng lupa—maliban sa iilan—ay tiyak na maliligtas ayon sa kahulugang ito. …

“Itinuro ng propetang si Brigham Young ang doktrinang iyan nang sabihin niya na ‘ang bawat tao na hindi nagkakasala upang mapalayo sa pagpapala, at [hindi naging] anghel ng Diyablo, ay dadalhin upang magmana ng isang kaharian ng kaluwalhatian’ (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 322). Ang kahulugang ito ng maligtas ay nagpapadakila sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng biyaya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. …

“… Sa iba pang kahulugan nito na pamilyar at natatangi sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga salitang naligtas at kaligtasan ay nangangahulugan din ng kadakilaan o buhay na walang hanggan (tingnan sa Abr. 2:11). Kung minsan ay tinatawag itong ‘kaganapan ng kaligtasan’ (Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 1:242). Ang kaligtasang ito ay nangangailangan ng higit pa sa pagsisisi at pagpapabinyag sa taong may wastong awtoridad ng priesthood. Kailangan din ditong gumawa ng mga sagradong tipan, kabilang na ang walang-hanggang kasal, sa mga templo ng Diyos, at katapatan sa mga tipang iyon sa pamamagitan ng pagtitiis hanggang wakas” (“Have You Been Saved?” Ensign, Mayo 1998, 55–57).

paglalarawan ng Pagpapako sa krus

Si Jesucristo ay pumarito sa daigdig upang ipako sa krus, “upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, … na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas” (D at T 76:41–42).